Hindi naman nahirapan si Gabriella na intindihin si Zachary. Fluent ito sa English at sa Filipino. Di daw ito kinakausap ng mga pinsan nito sa Pilipinas kapag di ito nagta-Tagalog. Nag-aaral ito sa isang university sa Franklin College Switzerland na isang sikat na international college sa Switzerland. International economics ang tine-take up nito.
Nagkakaintindihan naman siya kaya lang ay naguguluhan pa rin siya sa mga huling sinabi nito. Bakit ito ang pumili ng damit para sa kanya na parang sinadya nitong ipasalubong iyon sa isang matagal nang kakilala?
At paanong nangako ito sa kanya na ito ang magiging date niya sa gabing iyon? malabo yatang pangakuan siya nito dahil di naman sila close. Hanggang pictures lang naman niya ito nakikita. At malamang ito ay ganoon din. Baka naman imahinasyon lang niya iyon. Pero di niya imahinasyon ang romantic dinner nila. Sa kabila ng ingay sa baba, parang solo nila ang mundo sa verandah.
At nag-enjoy siyang kausapin ito dahil intelihente naman ito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakinig siya sa isang lalaki. Mas madalas kasi ay siya ang nagsasalita. Fascinated din siya sa mga experience nito sa ibang bansa. Parang masarap makisalamuha sa ibang tao na iba’t iba ang kultura.
“Zachary!” tawag dito sa baba ng anak ng mayor at ng mga kaibigan nito. Puro sexy ang damit ng mga ito. Kundi maikling palda o shorts ay naka-hanging blouse na litaw ang mga tiyan. Sinesenyasan ito na bumaba.
Ngumiti lang at kumaway si Zach sa mga ito. Saka ibinalik ulit ang tingin sa kanya at nag-refill ng inumin niya. “Gusto mo ba ng dessert?”
“Bakit hindi ka sumama sa kanila?”
“Bakit ako sasama sa kanila kung nandito ka naman?”
Maang niya itong tiningnan. “Pero maganda naman sila at sexy.” Kumpara naman sa kanya na kahit na hindi na naka-baro at saya ay mukha pa ring makaluma sa dress na iyon. Bakit siya ang magugustuhan nito?
Hindi ba dapat ay mas magustuhan nito ang mga modernong babae. Ganoong klase ang mga babae sa Europe.
“Because you are different.”
“Kakaiba ako?” Kung ihahalintulad nga naman siya sa ibang babae sa bayan na iyon, maswerteng nakapag-aral siya sa Maynila at matalino siya. Baka character niya ang tinutukoy nito. Kahit kasi nag-aaral sa Maynila ang anak ng mayor na iyon ay puro pagbubulakbol naman at party ang ginagawa nito.
“Yes. Because you are gentle and sweet like Maria Clara.”
Tumaas ang kilay niya. “Maria Clara?” Parang malayo yata siya sa pagiging Maria Clara. Hindi siya gentle at sweet. Mas madalas niyang marinig na katulad siya ni Gabriella Silang. Palaban at walang inuurungan.
“Yes. The heroine in Noli Me Tangere. Liberated na ang mga babae ngayon. Marami sa kanila masyadong wild. They can’t seem to stick to one man. Puro sarili lang nila ang iniisip nila. Sa sobrang modern nila, nakakalimutan na nila ang morality.”
“Tama ka naman diyan.” Ayaw din naman niya sa mga babaeng masyadong liberated. Naniniwala din siya na dapat ang mga babae ay maging responsible sa pagkilos nang di mapahamak.
“They don’t care about the things that matters.”
“Ano ba ang mga bagay na importante para sa iyo?” tanong niya.
“Family. Ang ibang mga babae nakakalimutan na iyon.”
“Tama ka!” sang-ayon niya ulit. Mahalaga naman talaga ang pamilya. Sa ibang bansa siguro ay iba ang buhay. Sa taas ng divorce rate doon ay napapabayaan na minsan ang mga anak at walang stable na environment. At gusto niya ng buong pamilya para sa lahat.
Ngumiti ito at hinaplos ang dulo ng buhok niya na humulagpos sa pagkakapusod. “See? Nagkakasundo talaga tayo. I really like you since I saw your picture. Nakasuot ka ng pang-Maria Clara.”
Napaisip siya at naalala nang minsang sumali siya sa Balagtasan. “Ah! May school program kami noon. Nakita mo pala iyon.” Di naman siya ganoon kaganda sa picture pero nanalo naman siya.
“Yes.” Ginagap nito ang kamay niya at inilagay sa dibdib nito. “And I know that you will be the perfect wife for me.”
Inihit siya ng ubo dahil bumara yata sa daanan ng hangin ang leche flan na kinakain niya. Parang mamamatay na siya. Ano bang pinagsasasabi ng lalaking iyon? English ba talaga iyon? O ibang lengguwahe ang ginamit nito?
Dinaluhan agad siya ni Zach. “Here.” Inabot nito ang baso ng tubig at hinaplos ang likuran niya. “Are you okay?”
“Masyado mo naman akong ginugulat kasi. Ngayon pa lang tayo nagkita.”
Hibang ba ang lalaking ito. Sa picture lang siya nito nakita pero gusto na agad siyang pakasalan. Hindi naman siya nito lubos na kilala. Malay ba nito kung baliw siya o kaya ay pera lang ang habol niya dito.
“Yes. Pero matagal ko nang sinabi ang intensiyon ko. I told you that I am willing to prove my sincerity once we meet. Liligawan kita kapag nagkita tayo.” Inilahad nito ang mga palad. “So here I am.”
“Sinabi mo?” Kailan naman nito sinabi sa kanya? Di nga niya ito nakakausap. Doon talaga siya naguguluhan. Kung magsalita ito minsan ay parang matagal na silang magkakilala at nagkakausap.
Pumalatak ito. “Mukhang hindi mo nga sineseryoso ang mga sulat ko sa iyo. Ibig sabihin hindi ka rin seryoso sa huling sulat mo sa akin na hindi ka talaga magpapaligaw sa akin?”
“SALAMAT sa paghahatid sa amin ni Gabriella, Zach,” abot-taingang pasasalamat ng nanay niya. “Basta dumalaw ka sa amin bukas, ha? Nangako ka.”
“Yes, Tita,” sabi ni Zach.
Humagikgik ang nanay niya. “Anong Tita? Tawagin mo akong nanay o kaya mommy na lang para mas sosyal.”
“Sige po, Mommy,” masunuring sabi ni Zach.
Ala una na noon ng madaling-araw. Kundi pa siya nagyayang umuwi ay parang ayaw pa siyang pakawalan ni Zach. Nag-iba na ang mood niya. Marami siyang tanong sa isipan niya na kailangang masagot. At nanay lang niya ang pwedeng makasagot ng lahat.
Siniko siya ng nanay niya. “Hoy! Kinakausap ka ni Zach.”
Saka lang bumalik ang isip niya sa kasalukuyan. “Ha?”
“Uuwi na ako.” Hinaplos nito ang pisngi niya. “I will see you tomorrow?”
Tumango siya. “Goodnight.”
Tahimik siyang pumasok ng bahay. Kilig na kilig naman ang nanay niya. O mas tama yatang sabihin na daig pa nito ang tumama sa lotto. “Anak, gustong-gusto ka ni Kano. Hindi niya pinansin ang ibang mga babae kanina na lapit ng lapit sa kanya. Ikaw lang talaga ang gusto niya. Ano? Sasagutin mo na ba?”
Walang kangiti-ngiti niyang hinarap ang ina. “Sino naman ang magiging girlfriend niya? Ako po ba o ang doppleganger ko?”
Natigilan sa pagtatanggal ng shawl sa balikat ang nanay niya. “Anong doppleganger?”
“Iyong engkanto na nanggagaya ng tao.”
Luminga-linga ito sa paligid. “Wala namang engkanto dito sa bahay natin. Nakarating ka na sa Maynila pero nagpapapaniwala ka pa doon.”
“Paanong di ako maniniwala kung may nang-eengkanto po dito?” Huminga siya nang malalim habang kinokontrol ang emosyon. “Sinabi sa akin ni Zach na magkasulatan daw kami mga isang taon na. Ipinakita pa nga po niya sa akin ang mga sulat at dito naka-address sa probinsiya. Paano ko naman siya masusulatan kung nasa Manila ako nang mga panahong iyon?”
Hinila nito ang shawl nito at ipinagpag. “Oo na. Ako na ang sumulat sa kanya. Ako ang nakatanggap ng sulat niya dito. Ayoko namang abalahin ang pag-aaral mo sa Maynila. Saka alam ko naman na hindi mo rin naman sasagutin ang sulat ni Zach dahil suplado ka sa mga lalaki. Kaya ako na lang.”
At least umamin sa kanya ang nanay niya pero di pa rin siya nasisiyahan. “At tama po bang magpaligaw kayo sa sulat?”
Umiling ito at umupo sa narang sofa. “Aba! Hindi ako nagpaligaw sa sulat. Pumayag lang ako na pagdating sa Piliipinas saka ka niya ligawan. Ibig sabihin liligawan ka pa lang niya. Nasabi na ba niya sa iyo?”
“Huh! At pumayag naman kayo?” namaywang siya. Pambihira talaga ang nanay niya. Di niya alam na ibinebenta na siya nito.
“At bakit naman di ako papayag? Disente naman siyang bata. MAtalino, guwapo at mayaman. Ganoon ang gusto kong mapangasawa mo. Ako rin naman ang mag-a-approve ng mga manliligaw mo. Kaya pumayag na rin ako. Kapag niyaya kang magpakasal, um-oo ka na agad.”
Sumakit lalo ang ulo niya lalo na’t nabanggit na ni Zach na gusto siya nitong mapangasawa. Tiyak na in-encourage ito ng nanay niya. “Nay, wala pa sa plano ko ang magpakasal. Marami pa akong pangarap. At lalong di ako basta-basta magpapakasal kay Zach. Hindi ko siya kilala.”
“Ninang mo ang nagpalaki sa kanya. Kaya mabait siyang bata. Madalang na ang ganyang lalaki ngayon kahit dito sa Pilipinas. Kaya gamitin mo naman ang utak mo. Huwag mo na siyang pakawalan pa.”
Mukha ngang mabuting tao si Zach pero hindi pa siya nito kilala. Ang tunay na pagkatao niya. “Nay, hinahanap niya sa akin si Maria Clara. Kahit na palagi ninyo akong pagsuutin ng baro at saya, hindi ako sasapian ng espiritu niya. malayong-malayo ako sa babaeng gusto niya.”
Hindi siya hinhin-hinhinan. Hindi rin siya ang tipo ng babae na tatahimik lang sa isang tabi kapag inaapi at iiyak. Gusto niyang maging independent. Gusto niyang ipaglaban ang karapatan niya kapag kinakailangan. Ayaw din niyang dumepende sa lalaki para sa kaligayahan niya. Hindi niya pakakasalan ang isang lalaki dahil lang sa ginhawang kaya nitong ibigay sa kanya. Unfair iyon para kay Zach o sa kahit na sinong lalaki.
Hinawakan nito ang braso niya. “Pagbigyan mo na si Zach sa gusto niya. Hindi naman mahirap na maging Maria Clara. Tatahimik ka lang. Hihinaan mo lang ang boses mo at ang pagtawa mo. Huwag ka lang masyadong magsasabi ng opinyon mo. Ilang araw lang naman si Zach magbabakasyon dito.”
“Tapos hindi ko na naman alam kung ano ang magiging usapan ninyo kapag bumalik ako ng Maynila at magkasulatan naman kayo. Malaman-laman ko na lang ipapakasal na ninyo ako sa kanya.”
Tumalikod ito. “Hindi na ako makikialam tutal nagkita na kayong dalawa. Kayo na ang mag-usap. Pansamantala lang naman itong sitwasyon mo. Konting hinay lang ng kilos at pigilan mo lang ang katarayan mo. Iyon lang huwag mo ring masyadong ipakita ang talino mo. Baka ma-intimidate. At kung may gusto rin namang babae ang ninang mo para kay Zach, ikaw na iyon. Hindi ka daw magsisisi sa alaga niya.”
Kung ganoon ay di lang nanay niya ang may pakana ng lahat. Kasabwat pa ang ninang niya.
Impit siyang tumili at sinabunutan ang sarili. “Hindi ko na alam, Nay. Mababaliw na ako dito sa ginagawa ninyo.”
Pero kailangang magawan niya ito ng solusyon sa lalong madaling panahon. Kundi ay baka manirahan na siya sa mental hospital.
MAHILO-HILO pa si Gabriella nang bumangon ng kama. Nagsisimula nang uminit ang sikat ng araw noon at masesermunan siya ng nanay niya kapag tinanghali siya sa higaan. Kasalanan din naman nito kung bakit di siya nakatulog nang nakaraang gabi. Pinag-isip siya nito tungkol sa sitwasyon nila ni Zach.
Bakit ba humihirap ang buhay niya? Hindi niya ugaling magsinungaling at magpanggap. Kilala nga siya ng mga tao sa kanila sa pagiging totoo.
Pero kung malalaman naman ni Zach ang totoo ay mapapahiya ang nanay at ninang niya. Ang gusto lang naman ng mga ito ay ang kapakanan niya. Magkakaiba nga lang sila ng opinyon pagdating sa gusto niyang mangyari sa buhay niya. Bigla ay parang mahirap magpakatotoo.
At paano naman siya magiging Maria Clara? Baka multuhin siya ni Rizal kapag nag-feeling Maria Clara siya. Hindi talaga bagay.
Kailangan niyang makausap ang nanay niya para magkalinawan sila.
Naulinigan niyang may nagtitikwas sa poso kaya doon agad siya tumuloy. Baka umiigib ng tubig ang nanay niya.
“Good morning!”
Nananaginip pa yata siya. Nagtitikwas daw sa poso nila si Zach nang walang pang-itaas na saplot. Light brown ang balat nito at sa edad nitong twenty-two ay maganda na ang porma ng katawan nito.
Nanlaki ang mata niya. Ang kainosentehan niya! Hindi talaga siya pwedeng maging Maria Clara kapag ganito. At ano ang dapat niyang gawin kapag may isang hubad na Zach na nag-good morning sa kanya?
Kinusot niya ang mata. “Good…” Naramdaman niya ang pagtilamsik ng tubig sa pisngi niya. Pinahid niya iyon at naramdamang basa ang kamay niya.
Nahigit niya ang hininga. Imposibleng panaginip lang ang lahat. Masyadong malinaw ang imahe nito para maging panaginip lang. Ibig sabihin ay totoo ang lahat. May totoong hubad na Zach sa harapan niya. At humarap siya dito nang naka-sleeveless lang na blouse at manipis na pajama.
Tumili siya at nagtago sa likuran ng kurtina. “A-Anong ginagawa mo dito?”
“Naninilbihan. I guess that’s what they call it when a man do chores to woo a woman. Ganoon daw kapag nanliligaw dito.”
Ang nanay niya! Kagagawan ng nanay niya ‘to!
“Anak, gising ka na pala,” anang nanay niya na bigla na lang sumulpot.
Walang sabi-sabing hinila niya ang nanay niya at kinaladkad papunta sa kuwarto niya. “Nay, bakit pinapunta ninyo si Zach nang ganito kaaga dito sa bahay tapos inaalila pa ninyo?”
“Hindi ko siya inaalila. Kusa niyang ginawa iyan.”
“Mayaman po ‘yan. Baka mamaya idemanda tayo ng pamilya niyan.”
Tinapik nito ang balikat niya. “Ginagawa niya ang lahat dahil mahal ka niya. Ipinapakita niya kung gaano siya kaseryoso sa panliligaw sa iyo.”
“Pero hindi naman talaga ako ang gusto niya, Nay.”
Gusto ni Zach ang babaeng makaluma. Ang babaeng nabuo sa ilusyon nito. Malayong-malayo siya sa babaeng iyon.
“Nagkaharap na kayo kaya ikaw na ang gusto niya ngayon,” katwiran naman ng nanay niya. “Ikaw na ang pinagsisilbihan niya.”
“Hanggang kailan naman ako magpapanggap para sa kanya, Nay? Hindi naman ako pwedeng maging si Maria Clara habambuhay.”
“Hindi pa na naman kayo ikakasal, anak. Saka nagbabago naman ang tao. Sa ngayon sumunod ka na lang sa agos.” Tinapik nito ang pisngi niya. “Maghilamos ka na at mag-toothbrush. Magpalit ka rin ng damit. Nakakahiya! Humarap ka kay Zach nang ganyan ang itsura mo. Dalaga ka na kaya umakto ka nang dalaga. May manliligaw ka na.”