“Hindi ka ba sasama sa amin sa ilog ni Miyong?” tanong ni Irene kay Gabriella nang sunduin siya nito sa bahay nila. “Matagal ka nang di nakakasama sa amin sa pangingisda. Para makarami naman tayo ng huli.”
“Sa susunod na lang. May bisita pa kami dito,” aniya at lumingon sa bahay nila.
“Talaga palang naninilbihan sa inyo si Zach. Nakakainggit naman. Sana may ganyan kaguwapo ring manliligaw sa akin,” nanghahaba ang ngusong sabi nito.
Iniikot niya ang mga mata. Malaking abala sa kanya ang paninilbihan ni Zach. Hindi siya makalagaw nang maayos sa sarili niyang bahay. Guwardiyado pa ang kilos niya. Hindi siya makatawa nang malakas. Maingat din siya sa sinasabi niya at hindi rin siya basta-basta makapagsabi ng opinyon niya.
Hindi rin siya basta-basta makalabas ng bahay. Kailangan ay kasama niya si Zach. Daig pa niya ang may anino. Ayaw niya nang ganoon. Parang hindi tuloy siya makahinga. Sana ay matapos na talaga ang bakasyong iyon para makabalik na siya sa normal niyang buhay.
Siguro naman pagbalik nito sa ibang bansa ay mare-realize nito na boring ang mga Maria Clara. Na mas okay pa rin ang mga liberated na kababaihan ng Europa.
“Gabriella, nasaan ka ba? Iyong sampalok na ipinapakuha ko sa iyo. Paano tayo makakaluto kung saan ka punta ng punta?” umaaalingawngaw na sigaw ng nanay niya na dinig yata sa buong baranggay.
“Opo!” sigaw na lang niya at binalingan si Irene. “OA talaga ng nanay ko. Nandito lang naman ako sa gate.”
“Kapag ayaw mong ligawan ka ni Zach, welcome na welcome kamo siya sa bahay ko. kahit na ako pa ang manilbihan sa kanya.” At nagpaalam na ito.
Kundi lang talaga dahil sa nanay niya ay ipinamigay na niya si Zach. Ang magagawa na lang niya ay pagtiyagaan ito. Tutal ay ilang araw na siyang naka-survive sa bahay nang naroon si Zach. Wala naman kasi itong ipinapakitang masama. Mapagtitiyagaan pa niya ito.
Sinampalukang manok ang tanghalian nila. Iyon na lang ang focus niya mamaya habang kumakain para di na niya masyadong mapansin si Zach.
Subalit pagdating niya sa likod-bahay kung saan naroon ang mga puno ng sampalok ay nanunungkit na si Zach. Nakatalikod ito sa kanya at naka-basketball shorts habang ang T-shirt naman nito ay nakasampay sa balikat nito. Pawisan ito mula sa paglilinis ng bahay nila. Wala talaga itong kapaguran sa pagtatrabaho. Umaga pa lang ay nakabalandra na ang makisig na katawan nito na humahamon sa kainosentehan niya. Nananadya yata ito. Lagi na lang siya nitong inaakit. Pati ba naman sa pananampalok ay aakitin siya nito.
“Zach, ako na diyan!” sabi niya at dali-daling lumapit dit.
“Kaya ko na ‘to,” nakangiti nitong sabi at walang kahirap-hirap na kinawit ng panungkit ang sampalok.
“Pero ako ang inutusan ni Nanay na kumuha niyan,” aniya at hinawakan ang panungkit at pilit na inagaw dito.
Hindi naman nito binitiwan ang panungkit. “May kausap ka kanina. Saka kaya ko namang gawin. Magpahinga ka na lang.”
Hinatak niya ang panungkit. “Alam mo bang wala na akong ginawa sa bahay na ito mula nang dumating ka kundi ang magpahinga?”
Mababaliw na nga siya sa bahay na iyon dahil wala siyang ginagawa. Tapos ay ayaw naman siyang palabasin ng nanay niya nang di niya kabuntot si Zach.
Kumunot ang noo ni Zach. “Ayaw mo bang pinagsisilbihan kita?”
“Ayokong walang ginagawa.”
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa labi nito. “One thing I like about you is that you are not afraid to work hard.”
Pumitlag ang puso niya sa ngiti nito. Ni hindi na nga niya inintindi ang papuri nito. Di siya nadadaan sa bola pero sa ngiti naman ay nagwawala ang puso niya.
Iniwas niya ang tingin. “Iyon naman pala. Okay lang naman siguro sa akin na manungkit ng sampalok at di na kailangan pang pagdebatehan ito, di ba?”
At sa wakas ay nahila niya ang panungkit na ikinagulat nito. Mahirap maging boyfriend si Zach. Simpleng bagay lang yata ay pagtatalunan pa nilang dalawa.
Inangat niya ang panungkit. Nahirapan siyang mag-concentrate dahil nararamdaman niya ang presensiya ni Zach di kalayuan sa kanya. Nanginginig tuloy ang kamay niya. Pambihira! Samantalang nanunungkit lang naman siya.
Nilingon niya ito. “Pwede bang umusod ka ng konti kasi baka tamaan kita.”
“Sure,” anito at umurong ng ilang hakbang. Hindi masyadong malayo pero sapat na para bumalik sa normal ang paghinga niya.
Ilang sampalok na ang nasusungkit niya nang umihip ang malakas na hangin. May alikabok na pumasok sa mata niya. “Ah!” usal niya at napapikit.
Awtomatiko niyang inangat ang kamay para kusutin ang napuwing na mata subalit may pumigil sa kanya. “Don’t!”
“Pero masakit ang mata ko,” angal niya at kumurap-kurap. Naiiyak na siya.
“Ako ang bahala.”
Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi at dahan-dahang inilapit ang mukha sa kanya. Tumigil ang paggalaw ng mundo niya habang nagpa-panic naman ang tibok ng puso niya. Anong gagawin nito para mawala ang sakit sa mata niya? Hahalikan siya nito katulad ng mga napapanood niya sa TV?
Hindi pwede. Hindi pa siya handa.
Sa isang banda, nakaramdam siya ng excitement. Bakit naman hindi siya magpapahalik? Ang mga kababata at kaklase niya sa college ay may first kiss na. siya lang itong wala dahil sinampal niya ang escort niya noong Senior Prom nang sinubukan siya nitong halikan.
Pero kay Zach ay parang okay lang sa kanya. Nakalimutan na niya kung paano ang tumutol. Hindi niya alam kung bakit.
Sa halip na sa labi niya ay sa mata niya lumapit ang labi nito at marahang hinipan. Hindi iyon halik pero parang intimate na rin. Nanginig ang tuhod niya at mahigpit siyang kumapit sa balikat nito. Kundi niya gagawin iyon ay baka bumagsak na lang siya sa lupa.
Seryoso ba talaga ang lalaking ito na gusto siya nitong pakasalan balang-araw? Di naman yata siya naniniwala dahil parang isa lang itong panaginip. Guwapo ito at mabait. Matikas, maganda ang katawan, intelehente at mayaman pa. tapos ay tinatrato pa siya nitong parang isang prinsesa.
Kung kalimutan na lang kaya niya ang lahat ng pinaniniwalaan niya at magpasapi na lang siya kay Maria Clara para dito?
“Masakit pa rin ba?”
Dahan-dahan siyang dumilat at nakangiting tinangala si Zach. Biglang naputol ang pananaginip niya at tiningnan ito mula ulo hanggang paa. Nakahawak pa rin siya sa hubad nitong balikat at ilang pulgada lang ang layo ng katawan nila sa isa’t isa. Ikinurap niya ang mga mata. Wala nang masakit sa kanya. Bahagya na lang mabuhangin ang mata niya pero naididilat na niya.
Bakit nakakapit pa rin siya sa balikat ni Zach at parang ayaw pa niyang bumitiw dito?
Dali-dali siyang bumitiw dito at humakbang palayo. “Salamat. Okay na ako. P-Papasok na ako sa loob. M-Maghihilamos.” Hindi na niya nagawang buuin ang huling pangungusap niya dahil nangangatal na siya.
“Hindi ka na ba manunungkit?” tanong nito.
“Ikaw na ang bahala,” sabi niya at di na ito nilingon pa.
Subalit di naman siya naghilamos pagpasok ng bahay. Sumandal siya sa pinto habang hinihintay na bumagal ang tibok ng puso niya at tumigil ang pangangatal.
Ano ba ang nangyayari sa kanya? Hindi naman ito ang normal na reaksiyon niya sa isang lalaki. Lalo na sa isang lalaking hindi naman niya gusto.
Ang masama pa, pinagpapantasyahan niya ito kanina na hahalikan siya samantalang hihipan lang nito ang mata niyang napuwing. At talaga bang naisip niyang isuko ang mga pinaniniwalaan niya para lang makasama si Zach?
Huh! Nababaliw na talaga siya. O baka naman in love siya dito.
Ipinilig niya ang ulo. “Hindi. Hindi ako pwedeng ma-in love sa kanya.”
Kapag na-in love siya kay Zach, sa huli ay siya rin ang talo.
PALAKAD-LAKAD sa sala si Gabriella habang pasilip-silip sa bintana. Maghapon na niyang di nakita si Zach dahil may dinalaw ang ninang niya sa kabisera kasama ito. Palihim niyang tinitingnan kung dumaan na ito.
Nakakapanibago rin pala na wala ito sa bahay. Magdadalawang linggo na kasi itong naninilbihan sa kanila. Nasanay na siyang makita ito paggising pa lang sa umaga. Kahit saan yata siya bumaling ng tingin ay nakikita niya ito.
“Si Zach ba ang hinihintay mo?” tanong ng nanay niya.
Dali-dali siyang lumayo sa bintana at umupo sa sofa. “Hindi po,” umiiling niyang sabi subalit di sinalubong ang tingin ng nanay niya. Hindi niya ito bibigyan ng kasiyahan na malamang gusto niyang makita si Zach kanina pa. Baka isipin pa nito na nami-miss niya si Zach.
“Dumating na sila galing sa kapitolyo kanina habang naliligo ka.”
Kumislap ang mata niya. “Talaga po?” Bigla siya natigilan. Obvious naman na excited siya. “Okay.” Ano ngayon kung nandiyan na si Zach. Siyempre bukas na niya ito makikita. Maliban na lang kung sawa na itong magsilbi at manligaw sa kanya.
“Nagluto ako ng ginataang halo-halo. Ikaw na ang magdala sa ninang mo.”
“Akin na po bago pa lumamig,” aniya at itinago ang ngiti.
May limang minuto ring lakarin ang bahay ng ninang niya. Sinagasa niya ang init ng araw. Hindi niya maintindihan kung bakit siya excited na makita si Zach. Wala lang. Gusto lang niya itong kumustahin. Wala naman sigurong masama.
“Ninang!” tawag niya nang pumasok sa bahay ng ninang niya.
Hindi ito sumagot subalit naririnig niya ang boses nito sa isang kuwarto. “Kailangang linisin natin ‘yang paso mo. Tapos may kalyo ka na. Ano ka ba naman, Zach? Hindi kita palalabasin ng bahay hangga’t di mo pinapagamot iyan. Tingnan mo nagsusugat na.”
“It’s nothing serious, yaya. Hindi na po ako bata.”
Nang sumilip siya ay pilit na hinihila ng ninang niya ang kamay ni Zach para malagyan ng ointment.
“Kapag naimpeksiyon iyan, baka maputol ang kamay mo,” nananakot niyang singit sa usapan ng mga ito. “Di bagay sa kaguwapuhan mo. Sige ka.”
Sabay na lumingon ang dalawa. Ngumiti ang ninang niya nang makita siya. “Briella, kanina ka pa diyan?”
“Nagpadala po ng ginataan si Nanay para sa inyo.”
“Mabuti pa isasalin ko muna. Maiwan ko na kayo,” sabi ng ninang niya at kinuha ang mangkok ng ginataan sa kanya.
Nilapitan niya si Zach na nakatago ang mga kamay sa likuran nito. “Patingin nga ng kamay mo,” sabi niya at inilahad ang palad.
Umiling ito. “Huwag na. Okay lang naman ang kamay mo.”
“Basted ka na kapag hindi mo ibinigay ang kamay mo sa akin,” banta niya.
“Basted?” Saka nito unti-unting naintindihan ang banta niya. “No. You can’t do that to me. You simply can’t.”
“Sinong may sabing hindi ko kaya?” tanong niya at kinuha ang kamay nito. Nanlumo siya nang makitang may paltos at kalyo ang kamay nito. May sugat-sugat na rin iyon. Hindi nga pala ito sanay sa gawaing pangmahirap. Nagagawa nitong magtrabaho nang ganoon ang kamay nito? Piniga niya ang ointment sa daliri niya at hinaplos ang paltos nito. “Saan mo ito nakuha?”
“Nang tinuturuan akong magluto ng nanay mo. Nahawakan ko ang palayok. I didn’t know it was hot.”
“At hindi mo man lang sinabi para magamot?” may halo ng sermon na tanong niya dito. Isinunod niya ang kalyo. “At ito?”
“Mahirap palang magsibak ng kahoy. Not that I am complaining. Kaya ko naman siyang gawin pero di lang sanay ang kamay ko.”
Bumuntong-hininga siya nang mapahiran na ng ointment ang lahat. Naaawa na kasi siya dito. “Zach, bakit ginagawa mo ito? Sigurado ako na sa bansang pinanggalingan mo hindi mo kailangang magsilbi sa isang babae. Baka nga isang ngiti mo lang sa mga iyon, pumayag nang maging girlfriend mo.”
“I don’t have to ask. Sila mismo ang nakikiusap na maging girlfriend ko. Kung gusto ko sila, why should I be here?”
“Bakit nga ba hindi na lang sa kanila? Kailangan pang ako ang pagtiyagaan mo? Siguradong mas maganda naman sila at mas mayaman kaysa sa akin.”
Hinawakan nito ang balikat niya. “Naniniwala ako na ang mga importanteng bagay sa mundo dapat na paghirapan. Hindi ko pahahalagahan ang mga babaeng alam kong madali lang makuha. And I want a lasting relationship once I have my own family. I need a woman who puts her family first. A perfect housewife.”
Kung ganoon ay inaasahan nito na isang babaeng magaling sa gawaing bahay at walang ibang aasikasuhin kundi ang asawa’t anak ang babaeng makukuha nito. At doon na lang iikot ang buhay ng babaeng iyon.
“Mga plain housewife lang ba ang pwedeng maging perfect wife?” tanong niya. “May mga babaeng nagtatrabaho para makasapat sa pamumuhay ng pamilya nila. And they make excellent mothers. Sa panahon ngayon, hindi na pwedeng lalaki lang ang magtatrabaho sa hirap ng buhay. Dapat magkatulong ang mag-asawa.”
“Hindi kailangang magtrabaho ng babaeng pakakasalan ko. I will make sure that she will be well provided for. Wala siyang ibang iisipin kundi kung paano ako aalagaan at ang magiging anak namin.”
Bumuntong-hininga siya at iniligpit ang mga gamot sa medicine kit. “Hindi naman tayo siguro kung anong pwedeng mangyari bukas. Kailangan handa ang mag-asawa. Kung kumikita ang isang babae, kaya niyang itaguyod ang pamilya niya kapag nawala ang asawa niya.”
Nakita niya ang matinding hirap ng nanay niya nang mamatay ang tatay niya. Wala kasi itong alam sa pagma-manage ng kabuhayan nila. Mabuti na lang at may mga kamag-anak na umagapay sa kanila sa pamamahala sa kabuhayan ng pamilya kaya kahit paano ay nakaraos silang mag-ina.
Matagal na sandali siyang tinitigan ni Zach. Parang noon lang siya nito nakita. “I never thought that you are this opinionated.”
“Masama bang magsabi ng opinyon?” naghahamon niyang tanong.
Nagkibit-balikat ito. “It’s okay to state your opinion. Pero ayokong isipin mo na kailangan mong mahirapan kapag kasal na tayo. I won’t let that happen. Kung pakakasalan mo ako, aalagaan kita. Iyon ang trabaho ng lalaki.”
Ibinuka niya ang bibig para sabihin dito na dapat ay bumalik ito sa panahon ng Kastila. Masyado nang makaluma ang utak nito. Pero di niya magawang tumutol. Because she saw caring in his eyes. Kapakanan niya ng magiging pamilya nito ang iniisip nito. Nothing selfish.
Saka niya naisip na ganitong lalaki ang gusto niya para sa kanya. Alam nito kung paanong alagaan ang mga taong mahalaga dito. At parang gusto rin niyang magpaalaga dito.
If only she could keep him.