Stallion Island Series Chapter 159

“EHEM! Blooming yata ang isang babae dito. In love?” tanong ni Irene na nag-aabang ng tricycle sa tapat ng tindahan nang bumili siya ng toyo. Wala nang ginawa ang nanay niya kundi ipangalandakan sa bayan si Zach na mamanugangin nito. While Zach didn’t mind at all.

Marami nang nakakilala kay Zach dahil ito ang dahilan para ma-sold out ang paninda sa exhibit ng Bangon Kababaihan. Pati nga ang ibang booth ay nakiusap kung pwede rin silang tumao sa tindahan. Para mai-display lang si Zach. Hindi ito maarte at marunong ring makisama. Nag-iba na ang impression niya dito kumpara nang di pa niya ito nakikilala.

“Huwag ka ngang maingay. Baka may ibang makarinig,” saway niya at luminga-linga. Ayaw pa niyang malaman ni Zach na gusto niya ito.

“Weeeh! Dinaig mo pa si Maria Clara. Ang alam nga sa buong baranggay magpapakasal na kayo. Matagal na daw kasi ninyong plano.”

“Of course not!” Mga tsismosa talaga. Kung anu-anong ipinagkakalat. Mahigit isang buwan pa lang si Zach sa poder nila. Paano ito magpapakasal? “Uuwi na ako at baka makurot ako sa singit ng nanay ko. Magkita na lang tayo mamaya sa bayan.”

Fiesta kasi doon at tutulong pa sila sa booth ng isang non-government organization na Bangon Kababaihan na tumutulong sa livelihood ng mga kababaihan.

“Sagutin mo na. Baka amagin na iyong tao. Bago man lang bumalik ng ibang bansa ibigay mo na ang matamis mong oo.”

Dalawang buwan lang si Zach sa Pilipinas at babalik na ito ng Switzerland para asikasuhin ang negosyo ng pamilya nito. Pero hindi siya natatakot. Kampante kasi siya na gusto talaga siya nito at hindi ibang babae.

Naabutan niyang nagkukwentuhan sa kusina sina Zach at ang nanay niya habang naghuhugas ng plato ang una. “May sarili po kaming chef. Electronic din ang mga stove at oven. You don’t have to work hard, Nanay. May washing machine po doon. And someone else will do the laundry for you. At lagi ko kayong ipapasyal.”

“Pwede bang makarating ako ng Italy saka France? Malapit lang daw ang mga iyon sa Switzerland.”

Tumango si Zach. “May isang kaharian po malapit sa Switzerland. ‘Yung Liechtenstein.”

“Le… Lei…Parang leche flan lang. Maganda siguro doon kasi mahirap bigkasin. May mga hari at reyna din ba doon?”

Bakas ang excitement sa mga mata ng nanay niya nang inilalarawan ni Zach ang magandang kontinente kung saan ito nanggaling. Iyon ang pangarap niya para sa nanay niya. Isang magandang buhay. Hindi na nito kailangang magtrabaho. Pabiyahe-biyahe at pa-relax-relax na lang ito sa ibang bansa. At mangyayari lang iyon kung ikakasal sila ni Zach.

Handa na ba siya para doon? Masyado pa yatang maaga. Bata pa siya. Maraming pangarap. Siguro naman ay mangyayari din ang lahat sa tamang panahon. Marami pang kailangang malaman si Zach tungkol sa kanya.

“Nay, bakit pinaghuhugas ninyo si Zach ng plato? Hindi na siya dapat nagtatrabaho,” singit niya sa usapan ng mga ito. Ayaw na niyang manilbihan pa si Zach mula nang makita niya ang mga kalyo at sugat nito. May napatunayan na ito sa kanya. He was sincere. Kahit ang mga lalaki sa probinsiya ay di na ginagawa ang ginagawa nito.

“Pwede lang akong tumigil manilbihan kapag girlfriend na kita.” Nakangiti itong bumaling sa kanya. “Ibig bang sabihin girlfriend na kita?”

Napipilan siya. Anong dapat niyang isagot? Handa na ba siyang maging girlfriend nito? Parang gusto niyang hawakan ang dibdib niya dahil parang malalaglag ang puso niya.

“Bilisan mong maghugas ng plato dahil aalis na tayo.”

Pagtalikod niya ay narinig niya ang halakhak ng nanay niya. “Naku! Masyado talagang pakipot ang anak ko. Pero ganyan talaga ang mga dalagang Pilipina.”

“Willing naman po akong magtiyaga,” sabi ni Zach.

Tiningnan niya ang sarili sa salamin sa sala habang hinihintay si Zach. BIgla siyang na-conscious sa itsura niya. Parang oily ang mukha niya. Hindi rin siya nakapagsuklay nang maayos.

Hindi naman siya ganoon dati. Wala siyang pakialam sa itsura niya. Pero ngayong makakasama niya si Zach sa bayan kung saan alam niyang maraming magagandang babae at maraming mapanlait, ayaw naman niyang magmukhang busabos. Gusto niyang maging maganda kahit paano para kay Zach.

Naglagay siya ng face powder at lip gloss na matagal na niyang hindi pinakikialaman sa gamit niya. Itinitirintas niya ang buhok niya nang lapitan siya ni Zach. “Why don’t you lay down your hair?” tanong nito at tumayo sa likuran niya.

Nagulat siya nang bigla na lang itong sumulpot sa likuran niya. Nanlaki ang mata niya at hinarap ito. “Huwag ka namang…”

Nawalan siya ng sasabihin dahil sobrang lapit pala nito sa kanya. Lumunok siya dahil bakas ang matipuno nitong dibdib sa ilalim ang puti nitong T-shirt. Sa loob lang ng isang araw ay nagawa nitong patikumin ang bibig niya. Hindi niya alam kung paanong magsasalita o gagalaw nang di masasamyo ang bango nito o di magkakadikit lalo ang katawan nila.

Ginigising nito ang bawat himaymay ng laman niya. Parang naiinitan siya na nilalamig. Mahigpit siyang humawak sa itinitirintas niyang buhok. “A-Ano ulit ang sinasabi mo?” tanong niya.

“Mas maganda ka kapag hindi nakatali ang buhok.” Iginiit nito ang daliri sa gitna ng tinitirintas niyang buhok at kumawala ang buhol niyon. Kusa naman niyang binitiwan ang kamay niya hanggang malugay ulit iyon. Ngumiti ito nang mapagmasdan siya. “There. You look better.”

“Okay,” sang-ayon na lang niya at saka lang ito lumayo sa kanya.

Subalit paghakbang nito ay hinagip niya ang kamay nito. “Zach!” It was an impulsive act. Parang ayaw niyang lumayo ito sa kanya. Gusto niyang malapit lang ito sa kanya. His nearness made her feel good.

“Bakit?” nagtataka nitong tanong at tiningnan ang magkahawak nilang kamay.

“Ano…” Sasabihin ba niyang ayaw na niyang bitiwan ang kamay nito? Na gusto niya lagi lang itong nasa tabi niya? At kundi lang may natitira pang Maria Clara trait sa kanya na pagiging pakipot ay sasagutin na niya ito. Itinaob niya ang kamay nito. “Gusto ko lang makita kung gumagaling na ang sugat sa palad mo.”

Saka pinakatitigan niya ito. Para di niya kailangan pang tingnan ang mga mata nito. Baka mabuking pa siya nito na naaapektuhan dito.

“I am okay. Magaling kasi ang pag-aalaga mo sa akin.”

Di na niya maitago ang ngiti niya. Pambobola para sa kanya ang sinabi nito. But she felt it was a sincere compliment. Masarap kasing alagaan si Zach. Masunurin ito. Sa una lang sila nagtalo pero nang sumunod ay hinahayaan lang siya nitong gamutin niya. And this man aroused something within her. Isang emosyon na tumitindi sa bawat minutong kasama niya ito.

“Nandiyan na ang sundo ninyong dalawa.”

Gulat niyang nilingon ang nanay niya. Namula siya. Kanina lang kasi ay sinabi niyang sinabihan siya nitong pakipot. Tapos ay siya pa mismo ang may hawak sa kamay nito ngayon.

Bigla niyang binitiwan ang kamay ni Zach. “Aalis na po kami, Nay,” aniya at di man lang sinalubong ang tingin ng ina nang halikan ito sa pisngi. Natigilan siya nang makitang sa halip na tricycle ay hand tractor ang nakaparada. “Hand tractor?”

“Hindi pa daw nakakasakay diyan si Zach,” sabi ng nanay niya. “Sige na at baka kailangan na kayo sa bayan.”

“That is cool,” wika ni Zach at hinila ang kamay niya. Hindi man lang ito nag-alangan kahit na open ang hand tractor at sasagapin nila ang lahat ng alikabok. Well, she didn’t mind as well. Okay lang siguro dahil hawak nito ang kamay niya.

TUWANG-TUWANG kinawayan ni Zach ang mga nagdadaang tao pati ang mga naggagapas ng palay sa bukid. “Cool!” sabi nito. “Hindi pa ako nakakapamasyal ng ganito. And the people are so friendly. They take time to smile even while working.”

“Isa iyon sa trait ng mga Filipino. Mas masayang magtrabaho kapag nakangiti. Kahit gaano kahirap ang trabaho, hindi mo nararamdaman.”

“Gusto ko dito. In Europe, people are so stiff. Kahit kapitbahay mo na minsan hindi mo masyadong mangitian. Iba rin ang ugali ng mga kaibigan ko sa ibang bansa. Kaya mga pinsan ko lang ang kasundo ko kapag dumadalaw sa akin. And I am sure maiinggit ka sa akin kapag nakilala ka nila.”

Naalala niya ang kwento ng ninang niya. Na babaero daw ang mga pinsan ni Zach. “Sus! Ano naman ang kaiinggitan nila sa iyo?” Sigurado siya na maraming mas magagandang babae ang pinagpapapalit-palit ng mga pinsan nito.

“They are wasting their time wooing the wrong girl. Si Warren, Kuya Arvind James at si Julian walang ginawa kundi magpapalit-palit ng girlfriend. Tapos ipinagpalit ni Kuya Jairon ang seryoso sa isang babaeng iniwan din naman niya. I think that’s stupid.” Hinigpitan nito ang hawak sa kamay niya. “Kaya hinding-hindi na kita pakakawalan. I think you are perfect for me.”

“Zach, paano kung hindi ako katulad ng babaeng inaakala mong perfect?”

“Sige. Ano sa palagay mo ang hindi magandang quality mo na aayawan ko? Party girl ka ba?”

Umiling siya. “No.” Mas gusto niyang mag-aral na lang o kaya ay abalahin ang sarili sa organisasyong kinaaniban niya para tumulong sa iba kaysa mag-party. Aksaya lang iyon ng pera. Wala naman siyang matututunang maganda.

“Mahalaga ba ang pamilya mo sa iyo?”

Umiling siya. “Siyempre naman. Importante iyon sa akin.”

“Then we are good.”

“Pero…”

“Wow! A theme park!” sabi ni Zach at itinuro ang peryaan. “Matagal na ako nang huling nakarating sa theme park.”

Maasim siyang ngumiti. “Hindi theme park iyan. Peryaan lang iyan.” Baka madismaya ito kapag nakitang mabuti ang peryaan. Alam niyang walang-wala ang mga peryaan kumpara sa magagarbong theme park sa Europe.

“Pareho lang iyan. It looks fun. Let’s go!” Tumalon ito pababa ng hand tracktor at inalalayan siyang bumaba. “You want cotton candies? Or play games?” tanong nito habang palinga-linga. “Balloons?”

“Mamaya na ang mga iyan. May dadaanan muna tayo.”

Hinila niya ito sa isang booth kung saan naka-exhibit ang mga produkto mula sa iba’t ibang barrio sa bayan nila. Nakabantay sa isang booth sina Irene at Miyong.

Yumukyok si Irene. “Hay! Salamat naman at dumating na rin kayo. Nakakainip dito sa tindahan. Mapapanisan ako ng laway kay Miyong. Di kami makabenta.”

“Who made these handicrafts?” tanong ni Zach na pinagmamasdan ang mga hinabing bag. “They are good. Mahal ito sa ibang bansa pero mura lang dito.”

“Gawa iyan ng mga single mothers at battered wives pati na rin ng mga batang biktima ng karahasan na tinutulungan ng Sulong Kababaihan Foundation,” paliwanag niya. “Kaya dapat marami kang bilhin.”

“You help out destitute women?” Zach whispered. Parang di ito makapaniwala sa natuklasan pero parang malungkot din ito.

“Itong si Gabriella lang talaga ang volunteer pero pinilit niya kami saka iba pa naming kaklase na sumali din,” kwento ni Miyong.

“She must be really persistent,” Zach commented with a weak smile on his lips.

“Anong persistent? Tinatakot kaya kami niyan kapag di sumunod sa gusto namin. Kahit ang mga siga sa amin napapasunod niya,” sabi naman ni Irene.

“Takot kayo kay Gabriella?” umiling si Zach. “Imposible. She’s gentle.”

“Gentle?” Nanghaba ang nguso ni Miyong. “Lumalaban at nananalo nga iyan sa karera ng kalabaw.”

Sinibat siya ng naniningkit na tingin ni Zach. “I see.”

Iniwas niya ang tingin dito. Hindi na niya napigilan pang magkwento ang mga kaibigan. Ngayon ay alam na ni Zach ang ilang bahagi ng pagkatao niya. Kumakabog tuloy ang dibdib niya nang silang dalawa na lang ang maiwan para magbantay sa booth. Di na kasi ito kumikibo at laging malayo ang tingin.

Nagkunwari siyang abala sa pag-aayos ng mga display nang maiwan silang dalawa ni Zach. Nakasunod lang ito ng tingin sa kanya. “Hindi mo yata nabanggit sa akin sa sulat na volunteer ka sa isang women’s welfare group o nananalo ka sa karera ng kalabaw.”

“Naisip ko na baka hindi iyon interesante para sa iyo.”

Ang mga lalaking nakakaalam na champion siya sa karera ng kalabaw at miyembro ng women’s group ay nakaingos agad sa kanya kapag nalaman. Ang iba naman ay tumatakbo na palayo. Malamang ay ganoon din si Zach.

“Pero importante iyon sa iyo. It says something about your character. Kailan ko pa malalaman? Kapag nasuwag ka ng kalabaw?”

Umupo siya sa bangkito dahil lalo lang siyang hindi natetensiyon kapag hindi ito pinapansin. “Mabait si Dumbo. Saka hindi naman ako sasali sa karera ng kalabaw this year. Ayaw na ni Nanay.” Pero di ibig sabihin di na siya sasakay ng kalabaw.

Ginagap nito ang mga kamay niya. “Good. Ayoko nang sasali ka pa sa karera ng kalabaw. It is dangerous. At ‘yung pagvo-volunteer mo sa women’s group, hindi ba delikado din iyan?”

“Ano naman ang delikado sa pagvo-volunteer ko? Tumutulong lang kami. Hindi mo rin ako pasasalihin sa women’s group?”

“Well…” Bumuntong hininga ito at ginagap ang kamay niya. “Basta huwag kang sasali sa mga rally or hahawak ng mga high profile cases wherein delikado ang buhay mo. Ayokong may masamang mangyari sa iyo.”

“Kain na tayo!” anunsiyo ni Miyong at inilabas ang pagkaing kanina pa nakatago. “Gutom na gutom na ako.”

“Ang lakas mong kumain pero hindi ka naman tumataba,” sabi ni Irene.

Dali-dali niyang ipinaglagay ng pininyahan, kare-kare at hamonado sa tingting plate si Zach. “Masarap iyan.”

Sunud-sunod ang naging subo ni Zach. “Masarap. Parang familiar sa akin ng lasa. I don’t know pero ito ang lutong hinahanap-hanap ko. Saan ko ba natikman?”

“Luto ni Ninang?” hula niya.

Umiling ito at sumubo ng hamonado habang nakatingala. “I don’t know. It makes me feel like home. Weird. But I love it.”

“Kumain ka lang ng kumain,” aniya at kinuha agad ang natitirang hamonado. Pinanlakihan ng mata ang kakamot-kamot na si Miyong na kukuha sana ng hamonado. “Hayaan mo na kay Zach ito. Marami ka nang nakain.”

“Sino ulit ang nagluto nito?” tanong ni Zach.

“Nagustuhan ba ninyo ang luto ko?” tanong ng director nila.

“Miss Amie!” Tuwang-tuwa niyang sinalubong ang director nila. “Nandito po pala kayo sa Nueva Ecija. Akala ko nasa Marinduque kayo.” Hindi lang kasi sa PIlipinas nakabase si Amie kundi sa iba’t iba pang bansa. Kaya naman hangang-hanga siya dito. High school pa lang siya ay gusto na niyang maging katulad nito nang dumalaw ito sa eskwelahan nila. Kaya nag-member siya sa grupo nito.

“Gusto kong dalawin ang exhibit. How’s everything?” tanong nito. “Mukhang marami na kayong nabenta.”

“Siyempre! Guwapo ang tindero namin, Ma’am,” pagmamalaki ni Irene. “Ma’am Amie, si Zach po. Boyfriend po ni Briella. Imported iyan, Ma’am.”

Hinampas niya si Irene sa balikat. “Hindi ko pa siya boyfriend.”

“Puro ka pa kasi pakipot. Pikutin mo na.”

“Zach?” tanong ni Amie at ngumiti ang mga mata.

“Zachary Fortez, Ma’am,” pormal na pakilala ni Zach.

Niyakap nito si Zach. “It is good to see you. Thanks for helping us out.”

“Marunong po siyang mag-Tagalog, Ma’am. He is part-Swiss. Hindi ba galing din kayong Switzerland, Ma’am?” tanong niya.

“My father is a Swiss. Pero matagal na akong huling nakatapak ng Switzerland.” Naglabas ito ng kakanin at inilagay sa harapan ni Zach. “Kumain ka ng kumain, ha?” luto ko ang lahat ng iyan.”

Natuwa siya nang tumango si Zach. For sure ay mag-e-enjoy ito sa araw na iyon. Mae-enjoy nito ang pagiging Filipino.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.