Hindi mawala-wala ang ngiti ni Gabriella habang pinagmamasdan ang knitted bag na bigay sa kanya ni Amie. Pauwi na sila noon ng baryo dahil gabi na rin nang magsara ang exhibit sa bayan. Maagang naubos ang paninda nila pero di pa agad sila pinauwi ni Miss Amie dahil nakipagkwentuhan pa ito habang ginagawa ang iba’t ibang knitted products na ibinigay nito sa kanila bilang premyo sa pagbabantay nila buong maghapon sa booth.
Tahimik naman si Zach habang tinititigan ang ang shawl na bigay ni Amie dito dahil magagamit daw nito kapag malamig sa Europe. Sila na lang dalawa ang gising dahil plakda na sina Miyong at Irene.
“Magaling si Miss Amie, di ba? Sweet pa. Talagang nag-aksaya siya ng oras para gawan lang tayo ng knitted items.” Itinaas niya ang bag at buong paghangang pinagmasdan. Wala kasi siyang kaalam-alam pagdating sa pananahi, paggagantsilyo, crochet at iba pang mga gawaing pambabae. Madalas tuloy siyang napapagalitan ng nanay niya dahil bagsak siya pagdating sa mga simpleng gawaing pambabae.
“You like her?” tanong ni Zach sa kanya na parang nagulat pa.
“Idol ko siya. Nakakabiyahe kasi siya sa iba’t ibang bansa para lang makatulong sa mga babae. Sobrang tapang niya. Tapos tinuturuan din niya ang mga babae na gumawa ng iba’t ibang handicrafts para may ikabuhay sila. Halos lahat yata alam na nyang gawin,” buong paghanga niyang sabi.
“May pamilya ba siya? Asawa o anak?”
Natigilan siya at napaisip. “Hindi ko alam. Wala siyang nabanggit sa akin.”
“Then she is not as perfect and as admirable as you think. Para sabihin mong magaling ang isang babae, dapat naranasan na niyang maging isang magaling na asawa at ina. How could you dream of becoming like her? Wala siyang pamilya. Paano kundi naman pala siya mabuting ina?”
Matalim ang mata niya itong nilingon. Hindi niya gusto ang tono ng pananalita nito. “sandali! Bakit ganyan ka kung magsalita? Para namang kilala mo si Miss Amie at may ginawa siya sa iyong masama. May masama ba siyang nagawa o nasabi kanina para magkaganyan ka?”
Mataas ang tingin niya kay Miss Amie. Karespe-respeto ito sa komunidad nila at tinitingala dahil sa magagandang bagay na naiambag nito. Kaya poprotektahan niya ito sa kahit anong paraan.
Naglaban ang mga mata nila ni Zach. Sa kabila ng madilim na gabi ay naramdaman niya ang matinding emosyon doon. Parang may kinikimkim itong galit. Hindi niya alam kung saan galing iyon.
Walang dahilan si Zach para kwestiyunin ang magandang reputasyon ni Amie. Ngayon pa lang nagkita ang mga ito. At natitiyak niyang walang ginawang masama si Amie dito para magkaroon ito ng di masamang impresyon sa babae. Amie was lovable. Giliw na giliw pa nga ito kay Zach kanina at maraming tanong tungkol sa binata. Boto pa nga si Miss Amie dito.
“Hoy! Sawa na ba kayo sa pagiging sweet ninyo?” pupungas-pungas na tanong ni Irene na nagising sa pagtatalo nila ni Zach. “Huwag nga kayong mag-away diyan at gusto ko namang magpahinga.”
“Sorry,” hingi niya ng paumanhin dito at kay Miyong na nagising din subalit hindi naman nagsasalita. Hindi naman niya ugaling magtaas ng boses. Kasalanan ni Zach. Kung anu-ano kasing sinabi nito.
Bumuntong-hininga si Zach at ikiniling ang ulo sa hand tractor. “I am sorry. Pagod lang siguro ako.” Saka nito ipinaling ang mukha palayo sa kanya at pumikit.
Gusto niyang magalit kay Zach pero hindi niya magawa. Bakas kasi ang matinding pagod sa mukha nito. Ito ang pinakaabala sa kanila kanina dahil ito ang laging pinagtatanungan ng mga customers. Dinayo ang booth nila ng matatanda at batang kababaihan. Kahit na naroon sila nina Irene at Miyong ay si Zach pa rin ang pinagtatanungan na parang invisible sila. Naubos ang mga paninda nila. Pati ang mga stocks na paninda ay nalimas din.
Sana nga ay pagod lang ito. Wala naman kasi itong dahilan para magalit kay Miss Amie. Mahalaga si Miss Amie sa kanya tulad nang mahalaga si Zach sa kanya. Kung magiging nobyo niya si Zach, kailangan nitong tanggapin na bahagi ng pangarap niya ang maging katulad ni Amie.
“Gabriella, nandito na tayo sa tapat ninyo,” untag sa kanya ng driver ng hand tractor na si Mang Abner.
“Salamat po, Mang Abner,” aniya at bumaba. Sinulyapan niya si Zach subalit nanatili pa rin itong nakapikit. Malakas ang pakiramdam niya na nagtutulug-tulugan ito at ayaw siyang harapin dahil na rin sa pagtatalo nila kanina. “Kayo na po ang bahalang gumising at maghatid sa kanila. Papasok na po ako.”
“Sige! Ako na ang bahala sa kanila.”
Lulugo-lugo siyang bumaba. Ayaw niyang may tampuhan sila ni Zach. Hindi siya makakatulog nito. Bakit ba kasi masyado siyang sensitibo? Baka naman wala talaga itong masamang ibig sabihin sa mga komento nito kay Amie kanina. Napagtaasan pa niya ito ng boses. Dapat ba siyang mag-sorry?
Binubuksan niya ang gate nang marinig niya ang pagtawag ni Zach sa pangalan niya. “Briella, wait!”
Nilingon niya ito. Tumalon ito sa hand tractor at patakbong lumapit sa kanya. “Zach, akala ko tulog ka…”
Naputol ang anumang sasabihin niya nang yakapin siya nito nang mahigpit. “Please don’t leave me.”
“Ha?” Naguluhan siya. Ni hindi siya makagalaw sa higpit ng yakap nito. Na parang sa yakap na iyon nakasalalay ang buhay nito. “Gusto mo ihatid kita sa bahay nila Ninang?”
“No.” Hinaplos nito ang buhok niya at ihinilig sa dibdib nito. “Just stay with me forever. Swear it, Gabriella.”
Bumuka ang bibig niya para magtanong. Ano bang pinagsasasabi nito at pinasusumpa pa siya nito? But there was urgency in his voice. Na parang sa sagot niya nakasalalay ang katahimikan ng kaluluwa nito.
“Pangako. Hindi kita iiwan,” wika niya at ipinikit ang mga mata. Hindi niya alam kung bakit siya pumapayag sa mga pasumpa-sumpang iyon. Para sa kanya ay corny iyon at wala rin namang katuturan. Kalokohan na sabihin ang isang bagay na hindi rin naman kayang tuparin.
But she meant it. Gusto niyang manatili sa tabi ni Zach. Na kung pwede lang mula sa oras na iyon ay huwag na itong mawala sa buhay niya.
“Thank you, Briella,” usal nito at kumalas ng yakap sa kanya. Akmang tututol siya nang mawala ang init ng yakap nito nang kintalan nito ng halik ang labi niya. “I love you.”
Natigagal siya subalit di nakaligtas sa kanya ang ngiti nito bago lumayo sa kanya. Bumalik ulit ang saya sa mukha ni Zach. Sa simpleng salita lang ay sumaya ulit ito. At sa simpleng salita naman nito ay nabago ang mundo niya. mahal siya nito. Parang iyon ang pinakamagandang salitang narinig niya. Totoo ba iyon o baka guni-guni lang niya?
“Zach, anong…”
Subalit likod na lang niya ang nakita nito nang natauhan siya. Masigla itong sumampa sa hand tractor at kumaway sa kanya. “Tomorrow. I will see you first thing tomorrow.”
Matagal siya bago nahulasan nang nakaalis na ang hand tractor. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga pangyayari.
Sumumpa siya kay Zach na hindi niya ito iiwan. Na parang pumayag na siyang magpakasal dito at masasama na sila habambuhay. Hinalikan siya nito at sinabing mahal siya nito.
Kung pumayag siyang mangyari ang lahat ng iyon, anong tawag sa relasyon nila?
“KAYO na ni Zach! Boyfriend mo na siya at girlfriend ka na niya! Nakakabaliw talaga! Sobrang swerte mo sa kanya, Gabriella!” tili ni Irene nang mai-kwento niya dito ang lahat ng nangyari sa kanila ni Zach nang nakaraang gabi.
Dali-dali niyang tinakpan ang bibig nito at nahihiyang luminga sa paligid. Halos lahat ng mata sa loob ng department store ng N.E. Pacific Mall ay nakatingin sa kanila. Dinaig pa kasi ni Irene ang paging system ng mall sa lakas ng bibig nito. Nakakahiya talaga itong kasama.
“Ano ba?” angal nito at tinabig ang kamay niya. “Kinikilig ako sa inyong dalawa. Malay ko bang may ganoong eksena? Sana pala gumising ako. Sarap kasi ng tulog ko noon. Masarap ba siyang yumakap at humalik?”
Tinakpan niya ang tainga. “Pwede ba? Huwag kang mandemonyo.”
Hindi na nga niya iniisip ang mga nangyari nang nakaraang gabi. Baka kasi di niya matingnan nang diretso si Zach kapag nagkita sila. She had a very pleasant dream that night with her eyes wide open. Parang hindi totoo.
“Aha! Masarap nga siyang humalik,” nakangising tukso nito.
Tinampal niya ang noo nito. “Wala. Smack lang. Ni hindi ata tumagal ng isang segundo. Iyong yakap medyo matagal. Pero wala iyon,” aniya at yumuko.
“Pero sinabi niyang “I love you”. Saka sumumpa ka nang di mo siya iiwan.”
“Hindi ko naman sinabing mahal ko siya,” taas-noo niyang sabi. “So hindi ko pa rin siya sinasagot.” Dumampot siya ng dress sa rack saka inilapat sa katawan. “Saka kung talagang boyfriend ko na siya, dapat sana nagpaalam siya nang maayos na luluwas siya ng Maynila. Pero doon lang siya nagpaalam kay Nanay.”
Kahit puyat nang nakaraang gabi ay maaga pa rin siyang gumising dahil inaasahan niyang nakangiting mukha ni Zach ang makikita niya. Pero ang sabi ng nanay niya ay umalis ito madaling-araw pa lang. Ipinatawag daw ito ng Papa nito na biglang dumating galing sa Europe. Naroon din daw ang ibang kamag-anak nito.
“Tulog ka pa daw kaya hindi ka na inabala,” katwiran ni Irene.
Bumuntong-hininga siya at ibinalik ang damit sa rack. “Kung girlfriend na niya ako, sana isinama niya ako at ipinakilala sa pamilya niya.”
“Malay mo naman pamilya na niya ang isama niya dito. Tapos mamamanhikan na pala sa iyo.” Sinapo nito ang pisngi niya. “Huwag ka nang tumanggi. Chance mo na ito. Jackpot ka na kay Zach! Nag-iisang anak ng isang mayamang businessman na naka-base sa Europe. Parang prinsesa ka noon.”
Kumunot ang noo niya nang maisip ang kasal. “Okay lang sa aking magka-boyfriend. Pero huwag muna ang pag-aasawa. Marami pa akong pangarap. Paano ang pag-aaral ko? Sige nga.”
“Hindi mo na kailangang mag-aral. Hindi mo na kailangang magtrabaho. Si Zach na ang bahala sa iyo. Ano ka ba? Magbubuhay reyna na kayong mag-ina. Pa-tour-tour na lang sa Europe. Nakakaiingit ka!”
Ayaw niyang tumulad sa ibang kababaihan na maagang nag-asawa. Kahit pa sabihing mayaman ang napangasawa. Kaya naman pumapalya ang marriage dahil kulang pa sa maturity. Sinasawaan sa pagkakaroon ng pamilya at nami-miss ang buhay dalaga. Ayaw niya iyon. Kapag pumasok siya sa kasal, gusto niyang sigurado siyang nagawa na niya ang lahat ng gusto niya habang dalaga pa siya. Anumang natutunan niya sa buhay ay ipapasa niya sa magiging anak niya.
Siguro ay hindi naman siya mamadaliin ni Zach na magpakasal. Kung magiging boyfriend niya ito, kailangang ipaliwanag niya dito ang totoong siya. At kung mahal siya nito ay tatanggapin siya nito. After all, hindi naman siya masamang tao. Iba lang siya sa babaeng inaasahan nito.
“O! Si Miss Amie iyon!” anang si Irene at itinuro ang matangkad na kulot na babaeng may tulak-tulak na cart sa bookstore.
“Oo nga.” At dali-dali nilang nilapitan. “Ma’am Amie!”
Ngumiti agad ang babae at kumaway nang makita sila. “Aba! Katatapos lang ng piyesta pero dumayo agad kayo dito sa Cabanatuan.”
“Mainit po kasi sa bukid,” angal ni Irene. “Dito po sa mall malamig.”
“Nasaan si Zach?” tanong ni Amie.
“Lumuwas po ng Manila. May family affair po yata sila,” sabi niya. “Mukhang marami po yata kayong pinamiling school supplies.”
“Kailangan ito para sa rally. Pupunta kaming Bongabon dahil gusto naming magprotesta sa isang businessman doon na nangmolestiya ng tauhan niya. tapos iyong babae pa ang pinalabas niyang magnanakaw at ikinulong.”
Sumilakbo agad ang galit niya. Mainit ang dugo niya sa mga lalaking bastos at sa huli ay ang biktima pa ang binabaligtad. “Miss Amie, sasama po ako sa inyo. Parang gusto kong tadyakan sa mukha ang lalaking iyon. walang respeto sa babae.”
“BUkas pa naman ng umaga ang rally. Pero magdamag na gagawa ng mga paraphernalias para sa rally,” sabi ni Miss Amie.
“Irene, ikaw na ang magsabi kay Nanay na nasa kay Miss Amie lang ako. BUkas na ako ng hapon uuwi.” Alam naman ng nanay niya kapag kasama niya si Amie na may importante silang kasong inaasikaso. Kahit ang nanay niya ay may tiwala kay Amie na ilang beses nang dumalaw sa bahay nila.
“Paano kapag hinanap ka ni Zach?” tanong ni Irene. “Paano pag nalaman niya?”
“Sigurado akong hindi sasabihin iyon ni Nanay. Ikaw lang ang nakakaalam kung saka-sakali,” sabi niya.
“Paano kung malaman pa rin niya?” giit nito.
“Bahala na!”
Basta ang importante ay makasama siya sa rally kinabukasan. Kailangang may gawin pa rin siya para ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan. Kailangang tanggapin ni Zach kung ano siya.