Stallion Island Series Chapter 161

“My Gabriella is a gold mine. Mahirap nang makatagpo ng katulad niya,” pagmamalaki ni Zachary sa mga pinsan niyang lalaki na kasama niyang umiinom ng wine sa terrace. Katatapos lang ng family dinner nila. Nasa library ang mga mas nakatatanda at pinag-uusapan ang negosyo.

Napilitan siyang lumuwas ng Manila dahil sa biglaang pagtawag ng Papa niya. Kapag umuuwi ito para sa negosyo, nagsisilbi ring reunion nilang magpipinsan. Sa ibang bansa din kasi nag-aaral ang mga ito o nagtatrabaho. Iyon na lang ang oras nila para mag-bonding.

“Hindi naman ako naniniwala hangga’t hindi ko nakikita,” sabi ni Julian na in-off ang cellphone dahil gustong takasan ang mga tawag ng girlfriend na gusto na nitong hiwalayan. “Saka seryoso ka na ba sa babaeng iyon?”

“Palagi naman akong seryoso,” aniyang kumunot ang noo. Kaya nga hindi siya basta-basta nagnonobya. Gusto niya kapag nagka-girlfriend siya ay iko-consider agad niya ang kasal.

“Pero masyado ka pang bata para magseryoso sa isang babae,” sabi ni Warren at inakbayan siya. “May kilala akong flight stewardess na sa palagay ko magugustuhan mo. She loves to party…”

Umiling agad siya. “No!”

“Marami akong kilalang nurse,” bungad agad ni Arvind James.

“Not interested,” matabang niyang sabi at ibinaba ang red wine sa center table saka inikot ang tingin sa mga pinsan. “Gusto ko nang magkaroon ng pamilya. And I want a wife who take care of me and my kids. Gabriella is the ideal girl. Kung may oras pa kayo para maglibang at magpalipat-lipat ng mga babaeng di naman ninyo seseryosohin, ako wala. You will see. Dadating din ang panahon na hahanap kayo ng katulad ni Gabriella. Manghihinayang din kayo na hindi ninyo nakilala agad o pinakasalan ang babaeng iyon. Parang si Kuya Jairon.”

“At bakit ako nadadamay diyan?” singhal ni Jairon at binatukan siya. “Nananahimik ako dito, Zachary!”

Humalakhak lang siya. “Hindi ka ba nagsisisi na ipinagpalit mo sa iba si Ate Xandie tapos hindi rin naman tumatagal ang ibang babae sa buhay mo. Bakit hindi mo na lang siya balikan kung mas masaya ka naman sa kanya?”

“No!” tanggi agad ni Jairon sabay walk out. Magaling sa asaran ang pinsan niya pero kapag napag-uusapan ang ex-girlfriend nitong si Alexandria ay nag-iiba ang mood nito. Basta na lang silang nilalayasan.

“Ano bang nangyari doon?” tanong niya. Akala nga niya ay pakakasalan na ni Jairon si Alexandria.

“Mahabang kwento,” sabi ni Julian. “You will just find it ridiculous.” Nilingon nito ang natira pa nilang mga pinsan. “Doon tayo sa TV room.” Kumislap ang mga mata nito. “May maganda akong Pirate DVD.”

Nagkukumahog agad ang mga pinsan niya na binitbit ang kopita at bote ng alak. Nailing na lang siya. Nasanay na siyang X-rated films ang maging bonding ng mga pinsan niya. Typical sa mga binatang tulad nito pero kapag ganoon ay tinutulugan na lang niya. Graduate na siya sa ganoong kalokohan.

Pagdating sa TV room ay hindi rin makasingit ang mga pinsan niyang lalaki dahil gamit ng mga ito ang TV ay nasa harapan pa ang kakambal ni Julian na si Jazzmire ay kasalukuyang naghuhurumentado. “Kapal ng mukha ng matandang hukluban na iyan. Bastos na, sinungaling pa! Dapat sa kanya ginugulpi!”

“Sino na namang kaaway no’n?” tanong niya sa ate ni Jazzmire na si Janelle.

“Affected siya sa napanood niya sa news. Iyon kasing isang businessman sa Nueva Ecija minolestiya ang isang tauhan niya tapos pinagbintangan pang magnanakaw,” paliwanag ni Janelle. “Mabuti na lang may nalapitan siyang women’s group. Kaya ayan! Nagvi-vigil siya.”

“Parang gusto ko tuloy sumama pagpunta mong Nueva Ecija, Kuya Zach. Sasama ako sa rally nila,” anito at itinuro ang mga nakahilerang kababaihan. Halo-halo ang mga iyon. May bata at may matanda. Subalit isa sa mga raliyista ang nakakuha ng atensiyon niya. Parang si Gabriella.

Lumapit siya sa TV. No. Imposibleng si Gabriella iyon. Nasa bahay lang nito ang dalaga kasama ang nanay nito. O kasama ang mga kaibigan nito na namamasyal sa bukid. Pero hindi ito mapapapadpad sa rally kahit pa nga ba miyembro ito ng isang women’s group. She’s too gentle for that.

Babalewalain na sana niya ang video nang muling i-focus ng camera ang mukha sa babae. Iyon kasi ang namumuno sa matapang na pagsigaw bilang pambabatikos sa akusadong nangmolestiya. Si Gabriella talaga ito.

Tumindi ang kaba sa dibdib niya. It can’t be Gabriella. Lumabas siya ng kuwarto at nanginginig ang kamay na tinawagan si Lilian. “Yaya Lilia, si Gabriella po ba pwedeng makausap?”

“Zach, anong oras na? Baka nagpapahinga na iyon.”

“Usually alas nuwebe pa po siya natutulog. Wala pang alas otso. Importante po ang sasabihin ko sa kanya.”

Makalipas ang ilang minuto ay tumawag ulit siya sa ninang niya. “Nasa Cabanatuan daw at nakitulog sa kaibigan niya. Siyempre bakasyon…”

Mariin siyang pumikit. “Yaya, gusto ko pong malaman ang totoo. Nakita ko si Gabriella sa isang rally. Kapapalabas lang po. Hindi po ba si Gabriella ang nakita ko sa TV? Kamukha lang po ba niya iyon? Huwag po kayong magsisinungaling sa akin.”

“Ano kasi…” Bumuntong-hininga ito. “Hindi masamang bata si Gabriella, Zach. Mabait siya. Kaya nga gusto ko siya para sa iyo. Hindi siya katulad ng…”

“Babalik po ako diyan bukas, yaya. Isasama ko si Papa. Pakisabi po sa kay Nanay na mag-uusap sila ni Papa.” Nang matapos ang pag-uusap nila Lilian ay hinintay niyang matapos ang meeting ng Papa niya at ng iba pa niyang kamag-anak. Sinalubong niya ito agad paglabas ng library. “Pa, we must leave for Nueva Ecija tomorrow. Kailangan mong makausap ang nanay ni Gabriella.”

“So soon? Akala ko ba ilang araw pa tayo dito?” tanong nito.

Umiling siya. “We must save Gabriella before it is too late.” Kailangang mabawi niya si Gabriella bago ito tuluyang mawala sa kanya.

UPOS na ang mga kandila na nakatirik sa harap ng presinto na ginamit nila Gabriella para sa vigil laban kay Mr. Corpuz, ang businessman na inakusahang nangmolestiya sa isang empleyado nito. Sa wakas ay nakakulong na ito at nagsisimula nang maglabasan ang iba pang naabuso ni Mr. Corpuz kaya naman mas lumalakas ang laban nila. Nakasubaybay pa sa kanila ang media. Papasikat na ang araw. Panibagong araw na naman. Simula ng panibagong laban.

“Magpahinga na muna kayo at umuwi sa mga bahay ninyo,” sabi ni Amie na namimigay ng agahan para sa lahat. “Makakatulog tayo ng mahimbing dahil gumaganda ang laban natin.”

Sinapo niya ang noo. “Hindi pa po yata ako makakatulog hangga’t hindi pa nahahatulan ng bitay iyang si Mr. Corpuz.”

Nakakulong lang ito ngayon pero anong katiyakan na di ito mapapakawalan o makakatakas kinabukasan o di mapapawalang-bisa ang kaso nito? Marami pang pwedeng mangyari kaya kailangang maging vigilant ang lahat.

Nagliligpit na sila ng mga gamit nila nang marinig niya ang isang pamilyar na boses. “Good morning, Miss Reitchman.”

“Zachary! How are you?”

Natigilan siya sa pagtitiklop ng mga banner at nilingon ito. Nanlaki ang mata niya. Si Zachary nga. “Ang guwapo naman noon,” sabi ng isang kasamahan niya na kinikilig pa.

“Sana may ganyan akong boyfriend.”

Gusto sana niyang sabihin na sa kanya si Zach. Na sinabi na nitong mahal siya nito nang huli silang magkita. Pero nalulon niya ang dila niya. Hindi niya alam kung anong estado nila ni Zach ngayong alam na nito kung nasaan siya.

“Pwede ko na po bang sunduin si Gabriella?” pormal na tanong ni Zach.

“Sure. Of course. Pero sana mag-breakfast muna kayo bago kayo umalis. Mukhang galing ka pa sa malayo…”

“It’s fine. Thank you. May breakfast na po si Gabriella sa kotse ko.” Saka siya nilapitan nito. “Nasaan na ang gamit mo?”

Natigagal na lang siya at itinuro ang bag. Wala na kasing lumalabas na boses sa bibig niya. Hindi niya alam kung anong dapat sabihin kay Zach. He was not the usual Zach that he knew. He was too formal and stiff. Natatakot siya sa blangkong ekspresyon sa anyo nito. Hindi niya alam ang tumatakbo sa isip nito.

Kinuha nito ang bag niya. “Magpaalam ka na sa kanila. Hihintayin kita sa kotse.”

That was the first command that she received from him. She was not used to receiving commands from a man. Mas sanay siyang nag-uutos katulad ng ginagawa niya nang naninilbihan si Zach sa kanila. Subalit di niya masalungat si Zach ngayon. Parang may tali itong inilagay sa leeg niya at sunud-sunuran na lang siya.

Mabigat ang pakiramdam niya nang magpaalam sa mga kasamahan niya. Bakit pakiramdam niya ay baka di na niya makasama pang muli ang mga ito?

Nalungkot din siya nang makitang kausap ni Zach si Amie. Naramdaman niya ang tensiyon sa pagitan ng mga ito. O baka naman sariling tensiyon lang niya ang nararamdaman niya. Anumang nasaksihan ni Zach sa araw na iyon ay maaring magpabago sa magiging samahan nila.

Ngumiti si Amie nang makita siya. “Mag-iingat kayo sa biyahe.”

“I will take care of her,” sabi ni Zach at ipinagbukas siya ng pinto.

Tumango-tango si Amie. “Of course. I know you will do that.”

Nakayuko lang siya at manaka-nakang sinusulyapan ito habang nagmamaneho. Natatakot siyang magsalita dahil baka mali ang sabihin niya. She could feel his anger rumbling inside him. Baka sumabog ito kapag nagkamali siya. Mabait si Zach kaya takot siyang galitin ang mabait na tao.

Inabot nito ang take out nito sa Jollibee. “Here. Mag-breakfast ka. Sabi ni Miss Amie hindi ka pa nag-aagahan.”

Kinuha niya ang pagkain pero di niya binuklat man lang ang plastic bag. Wala siyang ganang kumain. “Zach, I am sorry. Hindi ko sinabi sa iyo ang tungkol sa…”

“Take a rest. Pagdating sa bahay ninyo may importante tayong pag-uusapan.” Ngumiti ito at hinaplos ang noo niya. “Okay?”

That smile gave her some kind of solace. Bagamat may takot siyang nararamdaman ay kinalma niya ang sarili. Zach will understand. Sinabi nitong mahal siya nito. Nagulat man siguro ito dahil hindi siya katulad ng babaeng iniisip nito pero maiintindihan naman siguro siya nito. Tatanggapin nito kung ano siya dahil mahal siya nito.

Mas magaan na ang pakiramdam niya nang pumarada ang kotse nila sa harap ng bahay nila. Bukod sa nakabawi siya ng tulog ay kampante siyang mas maa-appreciate ni Zach ang totoong siya. At iyon lang ang lalaking kailangan niya sa buhay niya. Ang lalaking tatanggap sa kanya kung ano siya.

“Gabriella, ano ba naman iyang itsura mo?” bungad sa kanya ng nanay niya nang makarating siya sa pinto ng bahay niya. Isinuklay nito ang daliri sa buhok niya. “Haharap ka sa tatay ni Zach nang ganyan ang itsura?”

Napanganga siya. “N-Nandito po ang tatay ni Zach?”

“Oo. Pinag-uusapan na nga namin ang kasal ninyo.”

LUTANG na lutang ang utak ni Gabriella sa bilis ng mga pangyayari. Parang nananaginip lang siya. Naka-set na ang araw ng kasal nila ni Zach tatlong buwan mula noon. Gusto na rin ng papa nito na ayusin na ang papeles nilang mag-ina para sa Europe na sila manirahan.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Hindi siya makapagsalita dahil mukhang naplano na ng mga ito ang lahat. Pakiramdam niya ay itinali siya sa isang poste. Wala siyang boses. Wala siyang maibigay na opinyon. Nais man niyang tumutol pero kahit ang utak niya ay ayaw makipag-cooperate.

Pinisil ni Zachary ang kamay niya. “Briella, saan mo gustong mag-honeymoon? We have a cottage at the Alps. Pwede rin sa tabi ng lake. O gusto mo cruise sa French Riviera?”

“Zach, masyado naman yata tayong nagmamadali. Pwede namang hintayin natin na makatapos ako ng pag-aaral. Dalawang taon na lang naman.”

Mahina itong tumawa. “Sabi mo gusto mong maging plain housewife. Hindi mo yata nabanggit sa akin na tatapusin mo pa ang studies mo.”

“Zach, hindi ko pinangarap maging plain housewife lang,” pagtatama niya nang di niya mapigilan ang sarili. “At hindi ko mag-asawa agad at tumira sa ibang bansa. Nag-aaral pa ako. At gusto kong dito magsilbi sa Pilipinas.”

Tumiim ang anyo nito. “And what? Sasali ka sa mga rally? Iri-risk mo ang buhay at kinabukasan mo? You are full of contradictions, Briella. Ikaw ang nagsabi sa akin na gusto mong mag-asawa before ka mag-twenty.”

“That’s…that’s…” That was her mother talking. Hindi naman siya ang nagsabi niyon kundi ang nanay niya. “Hindi naman ganoon ang…”

Ngumisi ito. “So you lied to me and lead me on. Akala ko gusto mo lang maging plain housewife…”

“Wala ba akong karapatan na magbago ng plano? Wala na ba akong karapatan na gumawa ng mga bagay na pwedeng magpasaya sa akin? Zach, magaan ang pakiramdam ko na maipaglaban ang boses ng mga walang boses. Mahalaga sa akin na makatapos ng pag-aaral.”

“Not if you will be my wife and it will affect our lives.” Binitiwan nito ang kamay niya. “Kung gusto mong mag-aral, walang problema. Pero hindi ako papayag na sumali ka sa mga rallies.”

Napamaang siya. Hindi na siya makahinga dahil tuluyan nang humigpit ang taling inilagay nito sa leeg niya kanina. Gusto na niyang kumawala. Tumayo siya at pinamaywangan ito. “Ano bang palagay mo sa mga babae sa Pilipinas? Ang alam lang kumapit sa pantalon ng mga lalaki at maging sunud-sunuran? Akala mo ba wala kaming sariling utak? Na magpapaalipin lang kami sa mga lalaking tulad mo?”

“Inutusan ba kita kahit minsan, Briella? No!”

“Pero sa tono ng pananalita mo ngayon, iyon ang gusto mong mangyari kapag kasal na tayong dalawa. Sa bahay lang ako at mag-aalaga ng mga anak mo. Doon lang ako hangga’t gusto mo. Susunod lang ako sa bawat sabihin mo.”

Umiling ito at sinapo ang sentido. “I can’t believe that I am having this conversation with you. Hindi ko kailangang utusan ang babae na pagsilbihan ako. They beg to serve me. All I want from you is an honest relationship. I want a woman who true. Who will take care of me and my kids.”

Parang humampas siya sa isang malaking pader. Iyon ang hinihingi ni Zach sa kanya. Ang katotohanan. Iba ang inaasahan ni Zach sa kanya. Mga bagay na ipinangako sa kanya ng nanay niya. Pero hindi niya kayang ibigay ang mga iyon. Parang siya naman ang nawalan ng hininga kapag isinuko niya ang mga pangarap at pagkatao niya. Hindi rin sila magiging masaya.

“Gusto mo ng totoo? Sige! Hindi ako ang iniilusyon mong Maria Clara. Hindi ko kailangang dumepende sa isang lalaki. Kaya ko ang sarili ko. Hindi ako iiyak lang sa isang tabi kapag naapi. Lumalaban ako. Hindi ako tatahimik lang sa isang tabi kapag may mali. Nagsasalita ako. Hindi ko pangarap na maging plain housewife lang at mas gusto kong dito magtrabaho sa PIlipinas. Kundi mo iyon matanggap, bahala ka. This is me, Zach. Take it or leave it.”

Naglaban ang tingin nila ni Zach. Wala nang init sa mga mata nito na nakikita niya tuwing tinitingnan siya nito. Parang ayaw nito ng babaeng nasa harapan nito. Hindi niya ito masisisi kung nasira ang mga expectations nito. Pero di niya kayang magpanggap habambuhay. Unfair para dito. Unfair din sa kanya.

“Thanks for the your honesty. At least di ko nalaman ang totoo kung kailan kasal na tayo. You save me a lot of trouble.”

Nainsulto siya sa sinabi nito. Sinasabi ba nitong gulo ang dala ng babaeng katulad niya? “At sa palagay mo naman pakakasalan kita? Hindi ko gustong makasama ang isang chauvinistic na lalaki habambuhay.”

“Mas mabuti ngang hindi. Women like you have the tendency to think about other people first but neglect their family. Maraming napapahamak na inosente dahil hindi pamilya ninyo ang mahalaga sa inyo.”

“Aba’t…” Anong karapatan nitong husgahan siya? Sino ba ito? Hindi naman siya nito lubusang kilala para akusahan siya na masamang tao.

Subalit natigilan siya. There was so much sadness in his eyes. Parang gusto niyang malunod sa kalungkutang iyon. Na parang may madilim itong pinagdaanan na dahilan para masaktan ito nang todo at natakot magtiwala.

Gusto niyang yakapin si Zach. Na bawiin kung may masasama man siyang salitang sinabi dito. Subalit tumalikod na ito at naglakad palayo. At alam niyang hindi na siya nito lilingunin pa kahit na kailan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.