“Iboykot ang Stallion Shampoo Makeover Challenge! Itigil ang diskriminasyon sa mga kababaihan!”
Nangingibabaw ang boses ni Gabriella sa mga nagpoprotesta habang sakay ng malaking bangkang lumilibot sa Stallion Island. Sa naturang isla ginaganap ang Stallion Shampoo Makeover Challenge, isang sikat na reality show sa TV ngayon na nagtatampok sa iba’t ibang klase ng mga kababaihan at ita-transform daw para gawing swan. Kaya siya kasama ang mga members ng Bangon Kababaihan ay sinadyang magtungo at makalapit sa isla para iparating ang kanilang protesta.
Ang gusto nila ay makadaong sa Stallion Island at mai-grant ang permiso na makapag-observe sa ginagawang programa. Gusto nilang makatiyak na walang maling impresyong maibibigay ang programa sa mga kababaihan.
Subalit hindi sila binibigyan ng pagkakataon ng management ng Stallion Island. Ibig sabihin ay may itinatago ang mga ito. Mga bagay na pwedeng sumira sa magandang imahe ng mga ito sa mundo.
Natuwa siya nang maya-maya ay sumampa na sa bangka nila ang mga reporters para sa interview. “Miss Carinio, bakit ipino-protesta ninyo ang Stallion Makeover Challenge?”
“Dahil iba ang konsepto nila ng kagandahan. Why put a standard on beauty? Women should be respected for their individuality and inner beauty. Sa palagay ko way of thinking ng society pagdating sa konsepto ng kagandahan ang dapat baguhin at hindi ang panlabas na anyo ng mga babaeng ito.”
Hindi lang naman kasi ang karapatan ng mga kababaihan ukol sa pisikal na pang-aabuso ang ipinaglalaban nila. May mga pang-aabuso kasi na gaya nito. Mga kababaihang minamaliit dahil sa panlabas na anyo. Pakiramdam niya ay ginagawang katatawanan ang mga babae sa contest dahil sa anyo ng mga ito. Na kapag hindi nagawa ang isang task o pumalya ay ituturing nang mahina o pangit.
“Bakit ninyo ipinoprotesta pati ang Stallion Island? Parang kinalaban na rin daw ninyo ang lahat ng babae sa Pilipinas na nangangarap pumasok dito.”
Lahat ng gustong pumasok sa Stallion Island na kababaihan ay nangangahulugang halos one hundred percent ng populasyon ng kababaihan sa bansa. Halos sambahin ng mga kababaihan ang mga lalaki doon.
Stallion Island was practically a paradise. Isa iyong club ng mga mayayaman at sikat na kalalakihan sa bansa. Idagdag pa na guwapo ang mga ito. Pag-aari ang mga iyon ng pito sa pinakasikat at kinababaliwang kalalakihan sa mundo kasama na si Prince Rostam na isang tunay na prinsipe. Di nakapagtatakang nabubulagan ang mga kababaihan. After all, may Cinderella complex talaga ang mga babae. Pangarap ng bawat isa na makapag-asawa ng prinsipe mula sa Stallion Island. Pero para sa kanya ay isa lang iyong malaking ilusyon. Isang malaking kalokohan.
“I think the place is too private. Iyon ang ikinatatakot namin. Hindi natin alam kung ano ang nangyayari sa loob. And we are well aware of Prince Rostam’s custom. In his kingdom, he has his own harem. Sa kaharian nila, pwede siguro iyon. Pero nasa PIlipinas siya. Hindi pwede ang sex slave dito.”
“Ano ang masasabi ninyo sa mga fans nila? Mga bitter lang daw kayo dahil man-hater kayo.”
Humalakhak siya. Iyon ang tingin ng ibang tao sa kanila. Mga man-hater daw sila. At ang mga feminist ay walang nakita kundi ang kamalian ng mga lalaki. In short, killjoy daw sila.
“We are not against men. Ipinaglalaban lang namin ang karapatan ng mga kababaihan. Mga karapatan din nila ang ipinaglalaban namin. Thank you.”
Dali-dali siyang nilapitan ng assistant niyang si Aejhay nang matapos na ang interview. Pagod na rin ang mga kasama niya at kailangang magpahinga. Inutos na niyang bumalik ang bangka sa kabilang isla kung saan may tinutuluyan silang cottage. “Ma’am, very cool kayo sa interview ninyo. Sa palagay ba ninyo bibigyan na tayo ng permiso para mag-observe sa competition at makapasok ng Stallion Island?”
“Hopefully.” Pero wala pa ring senyales na bibigyan sila ng permit na makapasok ng Stallion Island. Sobrang higpit ng security doon. Natural lang siguro dahil naroon ang isa sa maimpluwensiyang prinsipe sa mundo. Kahit nga ang bangka nila ay umabot lang hanggang sa boundary ng isla.
“Naku! Gusto ko talagang makapasok diyan para makita ko ang mga Stallion Boys. Pagsisilbihan ko sila. Handa akong maging sex slave.”
Matalim niya itong tiningnan. “Gusto mong mag-swimming papuntang Stallion Island? Ngayon na? Itutulak na lang kita.”
“Hindi na kayo mabiro, Ma’am.” Inabot nito ang cellphone sa kanya. “Nangungulit ang boyfriend ninyo. Tawagan daw ninyo siya.”
TUmuloy muna siya sa terrace habang nagkukwentuhan pa ang mga kasama niya. Maganda kasi ang view sa terrace ng resort. Nakakawala ng pagod. “Hello, Miyong! Kanina ka pa daw tumatawag.”
“Hon, galit ka ba sa akin? Kasi hindi mo sinasagot ang tawag ko.”
“No. Busy lang ako ngayon. Saka bakit naman magagalit ako sa iyo. Wala ka namang ginawang masama.”
“A-Akala ko kasi… Baka ayaw mo na akong kausap. Ayaw mo na sa akin.”
Ngumiti na lang siya at pumikit. Minsan kasi ay nakakapagod ang ganoong sinasabi ni Miyong. Pero bukod doon, wala na siyang ibang reklamo dito. Sa lahat ng manliligaw niya, si Miyong ang pinakakasundo niya. Siguro dahil kababata niya ito at tanggap nito kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay niya. Hindi rin ito demanding maliban na lang sa pagsagot niya sa text nito o tawag nito. Parang lagi nitong kailangan ng assurance na hindi ito galit sa kanya. Pero sa kabuuan ay alam niyang mahal siya ni Miyong at ito na ang lalaking para sa kanya. Dalawang taon na rin naman ang relasyon nila.
“Hoy, bruha! Anong motif ba ang gusto mo sa kasal mo? Avocado green or orange? Pwede ring neon pink,” singit ng kaibigan niyang si Irene.
Lalong sumakit ang ulo niya sa mga nabanggit na kulay. Mukhang excited na si Irene at Miyong para sa kasal niya. Malapit na siyang mag-resign sa trabaho para harapin ang magiging bagong buhay niya kasama si Miyong at ang magiging pamilya niya. Nangako kasi siya sa nanay niya na bago siya mag-twenty-eight ay kailangang may apo na siya. Twenty-six na siya. Malapit na ang deadline niya.
Sa lahat ng isinakripisyo sa kanya ng nanay niya, iyon lang naman ang tanging hiling nito sa kanya. Ang magkaroon ng sariling pamilya.
“Magpapahinga lang ako, ha? May protest ulit kami bukas sa Stallion Island.” Medyo nakakaliyo din palang nakababad sa bangka lalo na’t di siya sanay sa dagat.
“Stallion Island? Nasa Stallion Island ka?” bulalas ni Irene.
“Malapit doon,” sabi niya. Hindi naman kasi nagtuloy sa Bangon Kababaihan si Irene. May tindahan ito sa harap ng national high school kung saan naman nagtuturo si Miyong kaya mas madalas magkasama ang dalawa.
“Isama mo naman ako. Please? Maraming guwapo doon. Baka naman sakaling may masilaw sa alindog ko.”
Biglang napalitan ng boses ni Miyong ang nasa kabilang linya. “Hon, huwag mo akong ipagpapalit sa mga Stallion Boys. Please?”
“Hindi ako interesado sa kanila, Miyong. Trust me.”
Makalipas ang ilang minutong assurance sa nobyo ay saka lang ito nagpaalam sa kanya. Sana ay matapos na ang problema nila sa Stallion Makeover Challenge para naman hindi na rin mag-alala pa si Miyong sa kanya. Oras na maikasal sila, kahit ang nanay niya ay mapapahinga rin ang isipan. Hindi na siya nito aalalahanin. Matutupad na rin niya ang pangarap nito.
Lukot ang mukha ni Corrine na nakaantabay sa kanyang tapusin ang pag-uusap nila ni Miyong. “Ma’am, idol ko kayo pero minsan nandidiri ako sa inyo. Wala kasi kayong taste sa lalaki.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Ano bang problema mo sa boyfriend ko?”
“Kayo ang may problema, Ma’am. Nandiyan na ang mga Stallion hunks. Bakit pa ninyo pagtitiisan ang boyfriend ninyong tisiko.”
Malayo nga si Miyong sa iniilusyon ng mga kababaihan. Hindi daw sila bagay. Payat kasi ito, hukot at mukhang nerd. “Pero mabait naman si Miyong. Faithful siya. Sumusunod siya sa mga sinasabi ko. Alam kong hindi niya ako ipagpapalit sa ibang babae. Samantalang ‘yang mga Stallion hunks mo, masarap lang titigan pero huhulmahin ka naman nila sa babaeng gusto nila. Gagawin kang alila. Saka himala na lang kapag pinakasalan ka niyan. Uuwi ka lang luhaan.”
“Bakit? May naging boyfriend ka na bang Stallion hunk, Ma’am?”
Iniwas niya ang tingin. “Wala.”
Isang lalaki ang agad na nag-flash sa isipan niya. Zach. Alam niyang miyembro ito ng Stallion Island. Minsan niyang pinangarap ito. Pero bumagsak ang lahat ng pangarap niya dahil hindi nito kayang mahalin ang totoong siya.
Naging masaya kaya ito? Nahanap na kaya nito ang babae para dito? Pagdating kasi sa love life nito ay hindi na siya nagtatanong sa ninang niya. Nahihiya siya. Nang umurong siya sa planong kasal, alam niyang malaking gulo ang nagawa niya. sana lang ay masaya na si Zach ngayon.
Nagpapahinga na siya ng kuwarto niya nang katukin ni Corrine ang pinto ng kuwarto niya. “Ma’am, may bisita po kayo.”
“Sino?” Alas siyete na noon ng gabi. Sino naman kaya ang dadayo pa sa cottage para kausapin siya?
Isang maganda at sexy na babae ang bumungad sa kanya. Parang isa itong modernong diyosa. Naka-ruffled dress ito at may bulaklak pa sa ulo. Pero hindi ito mukhang katawa-tawa dahil mukha pa rin itong disente at kagalang-galang.
“Yes, Miss?” tanong niya.
Inilahad nito ang kamay. “I am Victoria Grace Elizaga.”
“Elizaga? May koneksiyon ka ba sa mga politicians na Elizaga?”
“Yes. I am Guilbert Elizaga’s sister. I also used to work for Congress. Nakikita nga kita doon noong nagla-lobby kayo,” pakilala nito.
Inakay niya ito papunta sa public terrace. May rattan chair at table kasi doon kung saan pwedeng mag-entertain ng mga bisita. “Please take a seat. So what can I do for you?” wala naman sigurong problema ang mga kababaihan sa San Martin na siyang bayan ng pamilya nito. Ang alam niya ay maganda ang pamamalakad ng kapatid nito. Ano ang kailangan nito sa kanya?
“Nakakuha na ba kayo ng permiso na mag-observe sa Stallion Makeover Challege?” tanong nito.
Umiling siya. “No. Ayaw nilang i-grant ang access namin. Baka daw payagan pa nila kami kung bibigyan kami ng permiso sa Stallion Island.”
At mukhang imposibleng payagan sila. Ang orihinal na Stallion Riding Club ay dati na ring inuulan ng protesta pero ang alam niya ay di naman nagpapapasok ng mga women’s group doon.
“Pwede kitang tulungang makapasok doon.”
Kumunot ang noo niya. “Bakit mo naman gagawin iyon?”
Gumuhit ang ngiti sa labi nito. “Sabihin na nating may malaki akong dahilan kaya gusto ko ring huwag matuloy ang Stallion Makeover Challenge na iyan.”
“Something personal, I guess?”
Nagkibit-balikat ito. “It doesn’t matter. Isa lang naman ang goal natin. Ang hindi matuloy ang makeover challenge na iyan. Nasisira ang kinabukasan ko dahil diyan. At ang mahalaga, magagawa mo ang goal mo para sa ikabubuti ng ibang mga kababaihan. So do we have a deal?”
NAKIKIPAGPALIGSAHAN sa ingay ng ulan ang mga miyembro ng Stallion Island habang nag-aagahan. Nasa Stallion Wave sila para sa agahan subalit di magawang makisali ni Zachary sa ingay ng mga ito. Wala siya sa mood.
“Wala yatang mga aktibista ngayon. Sayang! Nasanay na kasi akong nakikitang nagpa-patrol ang bangka nila dito sa isla,” sabi ni Dare na naggigitara habang nakatingin sa dagat.
“Baka naman umurong na sila. Sa lakas ng ulan na ito, hindi sila makakapag-protesta. Kawawa lang sila. Pero kung gagawin nila iyon, papayag na akong pumasok sila dito,” wika ni Trent.
Nag-ulanan ng protesta ang lahat. Walang sinuman sa mga miyembro doon ang magpapapasok ng aktibista o reporter. Those kind of women were persona non grata. They value their privacy and their peace of mind. At iyon ang dahilan kung bakit gusto niya sa Stallion Island. Natatahimik ang isipan niya doon.
Ibinuka ng abogadong si Cord de Lara ang mga kamay. “Always welcome naman sila sa fans club ko kung gusto nila. Magaganda naman sila kaya bagay sila doon. Magiging masaya pa tayong lahat.”
“Galing mo talaga, Attorney,” puri ng pinsan niyang si Arvind James at binalingan siya. “Zach, napanood mo ba sa TV ang interview ng leader nila? Magaganda naman pala ang mga amazonang iyon.”
“Not interested. Busy ako.”
“Still sulking, Fortez?” tanong ni Stefannos na nakabukas ang laptop. Kundi nito tinawag ang apelyido niya ay di niya iisiping kausap siya nito. “Move on.”
“Nagmumukmok ka pa rin ba dahil di ka nabunot sa pagiging Prince Charming sa makeover challenge?” tanong ni Andreev.
“Nanghihinayang lang ako. Chance ko na sana iyon na makakilala ng authentic na Maria Clara. Mga babaeng hindi nagpapanggap,” katwiran naman niya. Ang Stallion Shampoo Makeover Challenge ay isang reality show para sa mga kababaihang gustong mag-improve ang personality ng mga ito. Ito ang mga kababaihang normal lang ang buhay at pagkatao. Then they will be transformed into swans. Sa contest na iyon, di kailangang magkunwari ng mga ito. After all, pinili ang mga ito sa competition dahil sa pagiging totoo.
Sa loob ng maraming taon, hindi siya sumuko sa paghahanap ng babae na babagay para maging asawa niya. It was not easy. After what Gabriella did to him, hindi na madali para sa kanya ang magtiwala. Yes, there were other kind and gentle women. Mga apo ni Maria Clara. They should be perfect but she found something lacking. Di niya alam kung ano pang kulang kaya patuloy pa rin niyang hinahanap iyon. Alam niyang dadating din ang isang babaeng kukumpleto sa buhay niya.
“Wala naman na kasing Maria Clara sa panahon ngayon,” sabi ni Andreev.
“Walang basagan ng trip sabi nga ni Jazzmire,” aniya at ngumisi nang idugtong ang pangalan ng pinsan niya.
“Bakit kailangang isingit iyon? di naman year of the monkey ngayon,” bulong ni Andreev at dumistansiya sa kanya. May allergy ito sa pinsan niyang si Jazzmire. Mga magulang pa kasi mismo ni Andreev ang nagrereto kay Jazzmire dito. At sa himala ng himala, ang totomboy-tomboy niyang pinsan ay tinamaan kay Andreev.
“Drat! Nandito si Ate Vix!” bulalas ni Noah at biglang tumayo habang nakatingin sa Blackberry phone nito. Nakakatanggap sila ng mensahe kung may unexpected visitors sila sa isla. Hindi kasi magpapapasok basta-basta ng tao hangga’t walang access na ibinibigay ang isang miyembro. Pananagutan ng miyembrong nagpapasok sa isang guest kapag may nangyaring gulo.
“Si Vix?” bulalas ni Trick at dali-daling pumasok sa ilalim ng mesa. Sa kamamadali ay naumpog ang ulo nito. “Oh, damn!”
Sumilip siya sa ilalim ng mesa. “Bakit ka biglang nagtago?”
Inilagay ni Trick ang daliri sa labi. “Shhhh!”
Sinilip din ito ni Noah sa ilalim ng mesa at tinapik sa balikat. “Relax! Nagpapasundo pa lang siya sa terminal.”
“Huwag mong sabihing papapasukin mo siya dito,” anang si Trick na mukhang takot na takot.
Nagkibit-balikat si Noah. “Kilala mo naman si Ate Vix. Mukhang kikikay-kikay iyon pero kapag hindi mo pinagbigyan, daig mo pa ang nag-create ng tsunami.”
“Under ka, Trick?” tanong ni Audric.
“Under the table,” taas-noong sabi ni Trick.
“Mabuti na lang di alam sa labas na may member tayong under,” komento ni Quillian na mino-monitor naman ang mga programs na pino-produce nito sa maliit na TV sa cellphone nito. “Masisira ang kakisigan natin dito.”
“Kapag na-in love ka din, tingnan ko lang kung isipin mo pa ang kakisigan mo,” katwiran ni Trick.
“Kung mahal mo si Vix, bakit mo tinitiis?” tanong niya.
“Kailangan niyang matutong tumupad sa pangako.”