Stallion Island Series Chapter 163

Parang may humila kay Zachary sa nakaraan sa sinabi ni Trick. It hit home. Kahit gaano mo kamahal ang isang tao, di pwedeng balewalain ang pangako nitong di nito natupad. The reason why he had to let go of Gabriella. Nakita na niya ang senyales ng babaeng kinatatakutan niya. Iiwan din siya nito.

Akala niya ay maganda na ang takbo ng relasyon nila. She had the perfect wife material. Pwede niyang i-overlook ang kagustuhan nitong mag-aral at tumulong sa mga babaeng nangangailangan. But her feminist ways started to give him creeps. Naranasan niyang mabuhay ng walang ina. Naranasan niyang mapahamak dahil sa ipinaglalaban ng nanay niya. Hindi niya hahayaang mangyari iyon sa pamilya niya.

Gabriella was the biggest mistake of his life.

Nag-flash sa LCD TVs na nasa paligid ng Stallion Wave at sa mga mobile phones nila ang video message ni Evandro Luminares, isa sa mga village lord. “Members, we need an emergency Prince Charming. Please proceed to the security headquarters right away.”

Umangat agad ang tainga niya at tumayo. Ito na ang pagkakataon niya. Itinaas niya ang dalawang kamay. “Ako na! Ako na ang magiging Prince Charming!” prisinta agad niya.

Nagkatinginan ang lahat. Parang iniisip kung kokontrahin at lalabanan pa siya o hindi na. Nagkibit-balikat si Stefannos. “Pabayaan na ninyo siya sa pangarap niya. Baka magpasagasa iyan sa kabayo kapag di pinagbigyan.”

Sumang-ayon naman ang lahat. Tumayo si Arvind James at itinaas ang kamay niya. parang isa siyang kandidato na naiproklama na. “Huwag kayong mag-alala. Hindi ko kayo ipapahiya.”

“Magpapasok ba kayo ng bagong contestant sa make over challenge?” tanong ni Dare sa TV producer na si Quillian.

Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito at kinuha ang kabayo niya. Pakiramdam niya ay makisig siya ng mga oras na iyon. he was confident that he looked good, kahit pa basa siya ng ulan. Maganda pa nga ang entrance niya. Kung sinumang prinsesa ang mapupunta sa kanya, tiyak na mai-in love sa kanya.

Nararamdaman niya. Dumating na ang babae para sa kanya.

TUWID ang upo ni Gabriella habang pinakikiramdaman ang mga matang nakatingin sa kanya. Nasa security headquarters siya ng Stallion Island. Dahil wala siya sa guestlist, kailangan pa ng permiso sa isa sa mga nakatataas bago siya papasukin. Alam niyang hindi simple ang kaso niya. She was a persona non grata. Isang malaking bansa sa seguridad ng isla ang personalidad na gaya niya.

Alam niyang di siya welcome sa islang iyon lalo na’t lumabas ang interview niya sa balita nang nakaraang gabi. Inaasahan na niya na anumang oras ay palayasin siya nito sa isla nang lumalangoy.

“Bakit hindi mo pwedeng papasukin ang bisita ko?” nagtataray na tanong ni Vix sa pinsan nitong si Noah na isang sikat na ikebana artist. “She’s a good friend.”

“You know what she is,” may kahinaang sabi ni Noah at sinulyapan siya. “Ate, huwag mo namang ikatang ang ulo ko sa pugutan. I still value my life. Gusto mo ba talagang gumawa ng gulo?”

Nagpakawala siya ng malalim na hininga. Matagal na siyang nakikibaka para sa kapakanan ng mga kababaihan. Madalas siyang iwasan ng mga kalalakihan. Ang iba ay nai-intimidate at ang iba naman ay natatakot. At para maipaglaban ang karapatan ng iba, kailangan niya ng matinding lakas ng loob at paraan.

Hindi niya alam kung tama ang paraang pinili niya. Nang mag-offer ng tulong si Vix, di siya nagdalawang-isip na tanggapin iyon. Nang mga oras na iyon ay isang anghel ang tingin niya dito. Parang iyon na lang ang paraan para makapasok siya sa Stallion Island. Pero hindi pala iyon ganoon kadali.

Pero nasa Stallion Island na lang din naman siya. Pangangatawanan na niya.

“Gaano pa katagal bago ninyo ako ipatapon sa islang ito?” lakas-loob niyang tanong sa assistant security head na si Ridge. At least makakaisip pa siya ng ibang strategy para makapasok muli sa isla.

“Kung walang magbibigay ng access sa inyo sa loob ng apat na oras, you will be brought back to the mainland,” pormal na wika ni Ridge.

Tiningnan niya ang relo. Wala pa siyang isang oras doon. And she also doubted if she would last for four hours. Ngayon pa lang ay natitiyak niyang may hatol na siya. Ang palabasin sa isla sa lalong madaling panahon.

Naubusan na siya ng pansensiya at tumayo. “Sabihin nga ninyo sa akin ang totoo. May itinatago ba kayo dito sa islang ito kaya ayaw ninyo akong papasukin?”

“Wala kaming itinatago, Miss,” sagot ng isang lalaki sa kagalang-galang at awtorisadong tono.

She knew the man even before she saw him. Congressman Evandro Luminares. Isa ito sa pinaka-charismatic na batang politicians sa bansa. Mula ito sa pamilya ng mga sikat na politicians sa Timog ng bansa. At isa rin ito sa mga village lords ng Stallion Island.

Inilahad niya ang palad. “We meet again, Congressman Luminares.”

“I am sorry for the inconvenience, Miss Carinio. As you know, pina-process pa namin ang access ninyo sa isla,” sabi naman nito.

“At kailan naman ninyo ako bibigyan ng access?” nakataas ang kilay niyang tanong. Kapag nagawa na nito at ng mga miyembro doon na sex slaves ang lahat ng mga hibang na kababaihan sa Pilipinas?

“Just give us a few minutes. Gusto naming maging maayos ang pagpasok ninyo sa Stallion Island,” wika ni Evandro.

“Ibig sabihin may access ako na mag-observe sa isla ninyo?” marahan niyang tanong. Parang di pa rin kasi siya makapaniwala sa naririnig.

“Yes. Ikaw at tatlo sa mga members mo ang hahayaan naming mag-observe sa amin,” sabi ni Evendro.

“How about the Stallion Shampoo Makeover Challenge?” tanong niya.

Sinenyasan ni Evandro ang isa sa miyembro ng Stallion Island na si Aric. Isa ito sa mga executives ng manufacturing company na nagpo-produce ng Stallion Shampoo. “Nandito ang papers na kailangan ninyo para makapag-observe kayo sa amin. Gusto naming ipakita na sumusunod kami sa standard ng pangangalaga sa mga kababaihan. Wala kaming gustong i-degrade sa mga contestant namin at sa mga sectors na inire-represent nila. You are free to state your opinion regarding our next episodes if you want.”

“Gusto ko rin ng access sa program!” sabi ni Vix at tumabi sa kanya.

Ngumiti si Aric. “Mas maganda siguro kung magkaroon ka muna ng access kay Trick. Balita ko pinagtataguan ka niya.”

“What?” bulalas ni Vix at hinila agad ang pinsang si Noah. “Nasaan ang surveillance dito. Gusto kong malaman kung saan nagtatago ang lalaking iyon.” Nilingon siya nito. “Gabriella, babalikan na lang kita.”

“It’s okay, Vix. We will take care of her,” sabi ni Evandro.

Ngumiti si Vix at pinisil ang pisngi ni Evandro. “Alam mo matagal na kitang crush. Kapag di natuloy ang kasal namin ni Trick, pipikutin na lang kita.”

Sa pagkakataong ito ay si Noah naman ang humila dito. “Halika na nga, Ate. Pati ako ipapahamak mo pa. Doon ka na lang kay Kuya Trick.”

Malaki ang utang na loob niya kay Vix. Kundi dahil sa offer nito, hindi siya makakapasok sa Stallion Island. Hindi nga siya nagkamali ng desisyon. She took the risk and she’s reaping the reward.

Binasa niya ang agreement na kailangan niyang pagpirmahan sa pagpasok sa Stallion Island. “Ano ito? I can’t roam around the island without an escort? Anong escort? Bakit?”

“It’s an SOP. Pananagutan ng escort mo kung anumang mangyari sa iyo at gawin mong violation dito sa isla,” wika ni Evandro.

Mariing nagdikit ang mga labi niya. “You don’t really trust me.”

“Kasama iyon sa rules and regulations namin. You can ask Vix herself. Mapapatunayan niyang kahit siya ay sakop ng rule na iyon.”

Pero di katulad ng ibang normal na guest sa isla, tiyak na mas mahigpit ang bantay niya. Daig pa siguro niya ang ine-escort-an ng PSG.

“I think your Prince Charming is here,” sabi ni Aric.

Ihinanda niya ang sarili. Alam niyang di magiging simple ang trabaho niya ngayong nasa Stallion Island na siya. Gagawin ng mga ito ang lahat para magulo ang trabaho niya. Pero kahit anong mangyari, kapakanan pa rin ng mga kababaihan ang mamamayani. Hindi siya magpapa-intimidate o magpapa-distract.

Bumukas ang pinto at bumungad sa kanya ang isang lalaking basang-basa ng ulan. Prince Charming? Basang-basang Prince Charming. But she never thought that a Prince Charming could look this sexy. Nakahakab ang basa nitong white polo sa matipuno nitong katawan. Pati ang pagtulo ng tubig mula sa buhok nito ay nakakatulala. Hindi niya inalis ang tingin dito nang palisin nito ang basang buhok.

Natulala siya nang iangat nito ang mukha. It was Zach.

MUNTIK nang bumigay ang tuhod ni Gabriella nang mapagmasdan ito. Nananadya ba talaga ang mga tao sa islang iyon? sa dinami-dami ng mga pwedeng ipadalang escort niya ay si Zachary pa. Hindi lang ito basta distraction. Isa itong malaking-malaking distraction sa buhay niya.

Hindi niya gusto ang pakiramdam niya. Hindi ito katulad ng ibang lalaki sa Stallion Island. Alam niyang may kasalanan siya kay Zach. Malaking kasalanan. Sinaktan niya ito kahit di niya sinasadya. At pagdating sa trabaho, ayaw niyang mai-involve ang personal niyang buhay.

Alam ba ni Zachary siya ang babantayan nito? O baka naman ito pa mismo ang nagprisinta para bantayan siya?

“So where is my princess?” tanong ni Zachary.

Inilahad ni Evandro ang palad sa direksiyon niya. “Miss Carinio…”

Naglaho ang ngiti nito nang mapagmasdan siya. “Briella? What are you doing here?” Bakas ang pagkagulat sa mukha nito. Saka lang niya naunawaang wala itong ideya na magiging escort siya nito. “Contestant ka rin ng makeover challenge?”

“No. She’s part of Bangon Kababaihan. Nandito siya para mag-observe sa Stallion Island at sa makeover challenge din. Mukhang magkakilala na kayo kaya hindi na kayo mahihirapang magkasundo,” sabi ni Evandro.

NATAGPUAN na lang ni Zachary ang sarili sa isang masamang panaginip. Si Gabriella na isang malupit nang aktibista ngayon ay bisita nila sa Stallion Island. No. mas malala pa ito sa bangungot dahil gising na gising siya. Siya pa ang tatayong escort ngayon ni Gabriella.

Kusang humakbang ng paurong ang paa niya. “Ah… I think you got the wrong person. Hindi ako ang Prince Charming para sa category na iyan. I am sorry.”

His instincts were telling him to run for safety. Away from this woman who once crushed his dreams. No way that he would serve as her Prince Charming. Kailan pa nagkaroon ng Prince Charming ang Wicked Witch? Yes, Gabriella was a witch. She deceived him with her charm. Para lang sa huli ay malaman ang tunay nitong kulay.

Tumakbo siya papunta sa pinto pero kusang sumara iyon. “Zach, you are not leaving,” Evandro declared and walked towards him. Nananaginip na siya ng masama pero parang di pa siya maaring gumising.

Wala siyang nagawa kundi harapin ang isa sa iginagalang na village lord. “I am sure you can find someone more suitable for the job.”

“Nagprisinta ka sa trabahong ito. The rest of the members gave way. Pagkatapos basta ka na lang uurong? What kind of character is that?”

Matapang niyang sinalubong ang tingin nito. “You asked for a Prince Charming. Dapat sinabi mong sacrificial lamb pala ang kailangan mo.”

That was exactly how he felt. Parang isa siyang tupa na itinapon sa katayan. O isang inosenteng tupa na ihinangis sa kulungan ng leon. Hindi ito ang scenario na iniisip niya nang magprisinta na Prince Charming. He was expecting his princess Maria Clara. Hindi si Gabriella Silang.

Nagsalubong ang kilay ni Evandro at sinulyapan si Gabriella na binigyan ng kape ng isa sa mga security staff na si Arjhilleyne. “Natatakot ka sa kanya?”

Umiling siya. “Hindi!”

“Bakit ka umuurong kundi ka takot sa kanya? May kasalanan ka bang nagawa sa kanya?”

May tumining sa utak niya sa tanong na iyon. Bakit siya ang umuurong? Bakit siya ang tumatakbo palayo samantalang si Gabriella ang may ginawang mali sa kanya. Kung ganoon, ito ang dapat na matakot sa kanya.

“Zach, do you still want to be her escort?” tanong ni Evandro.

“Of course.” Gumuhit ang pormal na ngiti sa labi niya. “I can handle her.” Naramdaman niyang gumapang ang kilabot sa katawan niya.

“Gusto mong magpalit muna ng damit bago siya harapin?”

Pinagpag niya ang basa pa niyang balikat. Wala na siyang oras na kailangang aksayahin. Ayaw niyang isipin ni Gabriella na naduduwag siya.

“No.” Kapag basa ang damit niya, many women find him irresistable. At babae din si Gabriella. Let her drool over him.

“Good!” Pinisil nito ang balikat niya. Pero hindi iyon pagbibigay ng lakas ng loob. Mariin iyon at may kasamang banta. “This visit is very important. Para sa reputasyon ng riding club. Para sa reputasyon ng lahat ng members. Don’t you even dare screw up.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.