Stallion Island Series Chapter 165

Napilitang pumasok ng kuwarto ni Zach si Gabriella nang umalis si Nathaniella. Mahimbing na ang tulog nito.

Umupo siya sa tabi ng kama nito. Ngayon ay may pagkakataon na siyang mas titigan si Zach nang di naiilang. Nang di siya nito kailangang tingnan din sa mga mata. Di na niya kailangan pang iiwas ang tingin dito.

He was utterly gorgeous. Pinakamagandang asset nito ang mata nito. Pero kapag nakapikit naman ito ay naroon naman ang mahahaba nitong pilik-mata. Nangangalumbaba siya at nakangiti itong pinagmasdan. At siyempre patay na patay ang nanay niya sa matangos nitong ilong. Okay lang daw kundi niya mapangasawa si Zach basta mapaglihian niya ang ilong nito. At siyempre ang labi nito na laging nakangiti noon. Subalit magkadikit ang mga labi nito ngayon at parang ayaw ngumiti. But just the same. Those lips were begging to be kissed.

Tumuwid siya ng upo nang ma-realize kung saan tumatakbo ang isip niya. Kahit na gaano pa ito ka-kissable, di niya papangaraping halikan ito. Bantay lang siya dito. Hind siya bantay-salakay.

Bumiling-biling si Zach. Pinagpapawisan na ito at mukhang umeepekto na ang gamot. Pinunasan niya ng tuwalyita ang noo nito.

Umungol ito at nagpilit na bumangon. Bahagya lang nakadilat ang mga mata nito. “T-Tubig…”

Dali-dali siyang kumuha ng tubig at inalalayan itong uminom. “May gusto ka bang kainin? O gusto mo ng lavender tea?”

Umiling lang ito at humiga ulit. Mukhang liyo pa ito dahil sa ininom na gamot. At least mas bumubuti na ang pakiramdam nito. Kailangan lang agapan ang pagpapainom ng gamot nito.

Hinaplos niya ang noo nito at inayos ang kumot. She never thought that Zach could be this vulnerable. Tao rin pala ito. Isang normal na lalaki. And they had their own share of pain. Ano ang sakit na itinatago ni Zach sa puso nito? Did her presence only make it worse?

Sinapo ng isang kamay nito ang kamay niya. “Ma…” usal nito at hinila siya. Nagulat siya at nawalan ng balanse. Tuluyan na siyang nagpatangay dito at bumagsak sa katawan nito. Bago pa siya makabangon ay ikinulong na siya nito sa mga bisig nito. “Huwag mo akong iiwan, Ma. Dito ka lang.”

Mama? Mukha ba siyang nanay nito? Ang ganda naman niyang ina.

Kung ibang pagkakataon siguro ay baka mabatukan niya si Zach. Parang nakakainsulto ito. But he was sick. Almost delirious.

Ang alam niya ay bata pa ito nang mawalan ng ina. Ni hindi na nga inabot ng ninang niya dahil siyam na taon na si Zach nang magtrabaho ito sa Switzerland. Zach must be missing his mother.

Hindi niya magawang kumawala sa pagkakayakap nito. Kung kailangan nito ng nanay sa gabing iyon, pagtitiyagaan niyang maging ina para dito. If that would make the pain go away…

BIglang bumukas ang pinto at dalawang lalaki ang natagpuan niyang nakatayo doon. “A-Anong ginagawa mo sa pinsan ko?”

Saka lang niya nagawang kumawala at humiwalay kay Zach. Paano ba niya ipapaliwanag ang lahat? “Binabantayan ko lang si Zach.”

“Miss Carinio, hindi iyan ang nakita namin ni Arvind James,” nakangiting sabi ng may-ari ng Lighthouse Restaurant at Café na si Darwayne. “In our book, that is sexual harassment.”

Bumagsak ang panga niya. “Sexual harassment?”

“Oo. Sinasamantala mo ang kahinaan ng pinsan ko.” Luminga-linga si Arvind James. “Nasaan na si Nathaniella?”

“Bumalik na sa clinic. Umalis agad siya,” paliwanag niya.

Humagikgik si Darwayne. “Natakot yata sa iyo, Doc Maniac.”

Humalukipkip siya at magkasalubong ang kilay na tinitigan si Arvind James. “Doc Maniac?”

“Ako pa ang maniac. Iyon ngang si Nathaniella ang laging gustong magsamantala sa akin. Araw-araw na lang gusto akong i-physical exam. Pare-pareho kayong mga babae. Kunyari lang binabantayan pero ang totoo gusto ninyo kaming pagsamantalahan. Inaabuso ninyo ang kahinaan namin.”

Naninibago ang tainga niya sa naririnig niya. Sa labas kasi ay pinangangambahan nilang naha-harass ang mga kababaihan sa loob ng Stallion Island. Pero bakit sa loob ay parang mga lalaki ang nagrereklamo ng harassment? Joke ba iyon?

“Hindi ko naman sinasadya ang nangyari…” katwiran niya. Ano ba ang depensa niya? Si Zach nga naman ang mahina. Siya ang mas nakakaalam ng nangyayari. Pwede siyang tumutol o lumayo pero di niya ginawa.

“Nakainom na pala siya ng gamot,” sabi ni Darwayne. “Akala ko kung anu-ano pang pagkain ang isusuhol natin bago uminom ng gamot.”

“Lavender tea lang ang gusto niya para uminom ng gamot. May naiwan pang teabag sa kitchen. Kaya na ba ninyo siyang alagaan?” tanong niya. parang ayaw pa niyang iwanan si Zach sa mga ito. Paano kundi naman kayang bantayan ng mga ito?

“I am a doctor, Miss,” confident na wika ni Arvind James.

“Anong specialization?”

“OB-gynecologist.”

Nagpapalit-palit ang tingin niya dito at kay Zach. “Ah! Okay.” Para namang may matris si Zach.

“Lagnat lang ‘yan! For Pete’s sake!”

“Kayo na ang bahala sa kanya,” nakangiti na niyang sabi. “Kung hindi ako masasamahan ni Zach mula bukas, I will understand. Magre-request na lang ako ng bagong escort. Goodnight, gentlemen!”

Di niya ipipilit ang sarili kay Zach. Her stay in the island would be more bearable that way.

MAGANDA na ang panahon paggising ni Zach kinabukasan katulad ng pakiramdam niya. Di siya makapaniwalang buong maghapon at magdamag siyang di bumangon dahil sa lagnat. Masarap din pala ang napapahinga minsan.

“Good morning!” bati niya pagpasok ng Lighthouse Restaurant and Café. Doon ang schedule nilang mag-breakfast ng mga pinsan at kaibigan niya.

“Aba! Magaling ka na pala,” sabi ni Cody at pinatabi siya sa upuan nito. “Nanganay ka yata sa pagiging Prince Charming.”

“Muntik na ngang i-inject ni Nathaniella ang gamot diyan,” sabi ni Darwayne. “Lavender tea lang pala ang katapat niyan.”

“Thank you sa mga nag-alaga sa akin,” aniya at tinapik ang balikat ni Arvind James at ng iba pa niyang pinsan. Ang mga ito ang nagbantay sa kanya nang nakaraang gabi. “Mabuti na lang may lavender tea.”

“Iyong Cinderella mo ang nagdala ng lavender tea mo sabi ni Doc Nathaniella,” sabi ni Slade.

Natigilan siya sa pag-order. “Paanong nalaman ni Gabriella?”

Nagkibit-balikat si Arvind James. “Hindi rin namin alam. Basta nagulat na lang si Nathaniella dala na ang lavender tea mo. Baka may sa-mangkukulam iyon. Nakita na lang namin yakap-yakap ka.”

Inulan siya ng kantiyawan ng lahat. Subalit di niya pinansin iyon. Ang alam niya ay nananaginip niya. Eight years old daw ulit siya at mataas ang lagnat niya. Pero nanay lang niya ang nag-alaga sa kanya. Ito ang matiyagang magpainom ng gamot sa kanya at lavender tea. Kapag ito ang yumayakap sa kanya hanggang sa gumaling siya. Paanong si Gabriella ang niyakap niya?

Baka epekto iyon ng sakit niya o gamot niya. Wala siya sa sarili. Ni hindi nga niya alam na naroon pala ito at nagbabantay sa kanya.

“Nagtagal ba siya?” tanong niya.

“Hindi ko na siya inabutan,” sabi ni Julian.

“Umalis yata agad kasi natakot na mapikot,” tatawa-tawang sabi ni Warren. “Alam mo naman ang penalty sa mga babae kapag naireklamo ng sexual harassment. Napipikot.”

“Pinahatid ko na siya sa guesthouse. Gusto ka pa yatang bantayan. Pasalamat ka dahil pinrotektahan namin ang puri mo,” sabi ni Darwayne at saka kinuha sa kanya ang order niya.

Hindi pa rin siya makapaniwalang inalaagan at binantayan siya ni Gabriella. Parang wala sa character nito. Wala naman itong maternal instinct.

Then a scene flashed in his mind. Naalala niya kung paano nitong gamutin ang sugat sa kamay niya dahil sa paninilbihan dito. She was gentle. And he made her believe that she knew how to care.

That was before. Hindi niya alam ngayon. Hindi na niya kilala si Gabriella. Tiyak niyang malayong-malayo na ito sa babaeng pinangarap niyang pakasalan. Pero bakit siya nito inalagaan? At bakit siya nito niyakap?

A woman like her capable of affection? He didn’t think so. At kung totoo man, isa iyong malaking palaisipan sa kanya.

“Yang mga feminist na iyan… ‘yang mga aktibistang iyan… kunwari lang ‘yang galit sa atin na para bang isang malaking kasalanan na mag-exist ang mga guwapo at makikisig na lalaking tulad natin sa mundo,” sabi ng village lord na si Alexandros na sinaluhan din sila sa agahan. “But they are just like any normal girls.”

“Normal ba ang mga iyon?” tanong ni Conrad na nakakunot ang noo. “Nakakatakot kaya sila. Parang maya maya lang mangangalmot.”

Ngumisi si Alexandros at pumiraso ng ubas. “Ipinaglalaban nila ang mga karapatan nila. Let’s face it. This world has been dominated by men eversince. Pero alam nilang may sariling kapangyarihan ang mga babae. ‘Yang paggagalit-galitan na iyan may sarili ding appeal. The truth is they are just after our body.”

“Whoo!” usal ni Maksim at namuno sa pagpalakpak. “Take it from the expert. Can’t argue with a Greek demigod.”

“Kaya sa palagay ko gusto ka ni Gabriella,” sabi ni Alexandros sa kanya.

“Huh! You have no idea!” iiling-iling niyang sagot.

Kung gusto siya ni Gabriella, sana ay noon pa siya nito pinakasalan. Hindi na sana siya nito tinanggihan. Hindi sana nito piniling maging feminist. She should have been a loving mother to their kids now. Kahit pa gaano kagaling si Alexandros sa babae, masisira at masisira ito kay Gabriella.

Gabriella was a hard core feminist now. Wala itong kinatatakutan basta maipaglaban lang nito ang karapatan ng ibang tao. Kalilimutan nito ang lahat para lang sa paniniwala nito.

Nasa bokabularyo ba nito ang tumigil sa sandali para ma-in love? No. Parang wala sa character nito. Men find her intimidating. Even for men like him. At alam niyang iyon ang sentimyento ng karamihan sa mga kasama niya.

“She has a strong personality. Wala iyang ipinagkaiba kay Rahya. Utak feminist din iyon. Di lang sumasali sa rally. O kaya si Jumeirah…”

Napausal sila ng dasal. Isang malaking riot kapag nasa isla si Prince Rostam at ang alipin nitong si Jumeirah. Hindi ito normal na alipin. Masyado itong maangal, demanding at mas palautos pa sa sariling amo.

“Mabuti na lang wala si Jumeirah dito at si Prince Rostam. Or else we are doomed,” usal niya. Nasa isang polo tournament sa Al Ashiq ang mga ito. Kung magkikita ito at si Gabriella, baka ibagsak sila ni Gabriella sa report nito.

“Bakit hindi mo subukang akitin si Gabriella?” tanong ni Alexandros sa kanya. “Patunayan mong walang babaeng pwedeng tumanggi sa atin.”

“Baka chance mo na itong mabawi ang pride mo,” sabi ni Jairon. “Fight?”

HALOS mabasag ang eardrums ni Gabriella sa tilian ng mga nag-volunteer na makakasama niya sa pag-o-observe sa Stallion Island. Subalit sa pagkadismaya niya ay puro mga bata pa ang mga ito. At sa halip na mag-focus agad sa trabaho ay kilig na kilig pa ang mga ito dahil sa mga guwapong nakita ng mga ito. hindi magkandatuto ang mga ito sa pagpi-picture mula sa balkonahe ng suite nila. Akala yata ng mga ito ay nasa field trip.

Unang sakit pa lang ng ulo niya ang pagdating ng mga ito. Pangalawang sakit ng ulo niya ay ang mga tawag at text ni Miyong. Di ito nasiyahan na minsan siyang sumagot. Kailangan maya’t maya. Di nito maintindihang busy siya sa trabaho. Minsan napapagod na rin siya sa nobyo niya. Ino-overlook na lang niya ang kahinaan nito dahil alam niyang mabuti pa rin itong tao.

“Wow! Ang daming Stallion Shampoo,” excited na anunsiyo ni Aejhay na ni-ransack ang banyo nila. “Sa wakas makakatikim din ako ng Stallion Shampoo.”

“Hindi ‘yan kinakain. Pang-shampoo lang iyan. Gusto mong bumula ang bibig mo?” sabi niya at kinuha ang atensiyon ng lahat. “Girls, I just want to remind everyone that this case is important. Hindi lahat ng grupo ay nagkakaroon ng opportunity na mag-observe sa Stallion Island. Sana mag-behave din kayo. One wrong move and we are out of here. Trabaho muna. Be professional.”

“Pero okay lang naman pong kiligin kapag kami-kami lang, di ba?” hirit ni Aejhay. Wala siyang magagawa sa mga ito. Basta huwag lang masisira ang mga ito sa trabaho. Makakatikim talaga ng sermon ang mga ito.

Lumabas muna siya ng kuwarto para maglakad-lakad. May isang oras pa naman bago magsimula ang interview nila sa mga contestants ng Stallion Shampoo Makeover Challenge. Nakarating siya sa park di kalayuan sa Guesthouse. Mula doon ay tanaw ang mga kabayo na malayang nakakapaggala sa Sanctuary.

Ito na lang ang pagkakataon niyang mag-relax. Maya maya lang ay babalik na siya sa trabaho. Stallion Island was not really a bad place. Kundi lang trabaho ang ipinunta niya doon, gusto niyang i-explore ang isla.

Naputol ang katahimikan nang mag-ring ang cellphone niya. Kung si Miyong iyon ay plano sana niyang isara pero nanay niya ang tumatawag. “Hello, Nay!”

“Anak, bakit naman hindi mo sinasagot ang tawag ni Miyong? Maya’t mayang tumatawag at nagte-text pero hindi mo naman sinasagot.”

Mariin siyang pumikit sa inis. Bubulabugin ang napakaganda niyang umaga para lang dito. “Nay, nag-text at tumawag na po ako kay Miyong. Sabi ko magiging busy po ako. Nasa Stallion Island ako, Nay. Pinapasok na nila kami kaya marami akong kailangang gawin dahil limitado po ang oras namin.”

“Kaya naman pala nagwawala iyong isa. Maraming guwapo diyan, anak.”

“Wala po akong oras sa insecurities ni Miyong. Ito na ang huling kasong hinahawakan ko, Nay. Pagkatapos po nito, magpapakasal na kami. Kaya sana po hayaan po niyang magtrabaho muna ako.”

Subalit parang di naman pinapansin ng nanay niya ang argumento niya. Nasa ibang mundo ang utak nito. “Nandiyan pala si Zach, no? Kung kasal siguro kayo ng batang iyon, pati ako makakapasok din ng Stallion Island. Donyang-donya siguro ako noon. Ikaw kasi! Sana noon pa lang pinakasalan mo na siya.”

“Kukunan ko na lang po kayo ng picture dito, Nay.” Ayaw na niyang pag-usapan pa si Zach. Ngayon pa nga lang ay nagdadasal na siyang huwag masyadong mag-krus ang landas nila habang nasa isla pa siya.

“Ikumusta mo naman ako sa kanya, anak. Sabihin mo dumalaw naman siya dito para maka-kwentuhan ko naman siya.”

Puro “opo” na lang ang isinagot niya. Kahit paano kasi ay may ugnayan pa rin si Zach at ang nanay niya. Kapag may package na padala si Zach sa ninang niya ay nagpapadala din ito sa nanay niya. Sa kabila ng gulong nangyari sa kanila ni Zach, isang nanay pa rin ang turing nito sa nanay niya.

Makakabawi din sa disappointment niya ang nanay niya oras na ikasal sila ni Miyong. Magagawa rin niyang maging mabuting anak sa paningin ng nanay niya.

Hindi niya ito mabibigyan ng asawa galing sa Stallion Island katulad ng pangarap ng halos lahat ng nanay sa bansang iyon. Kahit man lang sa mga pictures ay mapasaya niya ito.

Luminga siya bago tumawid papuntang Horse Sanctuary. Subalit umurong siya nang makitang humahagibis ang isang cream na kabayo. It was like a moving art along with its rider. Makisig na makisig ang lalaking iyon. Saglit siyang natulala. Hanggang makilala niya kung sino iyon. Si Zach.

Nawalan na siya ng oras na hangaan ito. Her instincts asked her to flee away from him. Kaya awtomatikong gumalaw ang paa niya at nagtago.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.