“Ma’am Amie, I am really sorry. Nagpaalam pa pala sa inyo sila Aejhay para makipag-date.” Tumataas ang presyon niya sa mga kasama. Masyadong busy ang mga ito na magpa-cute at makipag-flirt sa mga lalaki sa Stallion Island. Ngayon ay hindi siya sinamahang mag-dinner ng mga ito dahil pinili pang makipag-date ng mga ito. Mas inuna pa ang date kaysa sa discussion nila.
Kaya naman nasa tabi siya ng pool habang gumagawa ng draft para sa report niya at iniwan niya ang mga kasama sa suite nila. Naghahanda na kasi ang mga ito sa date at parang naa-out of place lang siya.
Mahinang tumawa si Amie. “Pabayaan mo na ang mga batang iyon. Nag-e-enjoy sila sa Stallion Island. They are young and lively women. Walang masama kung makipag-date sila. Hindi naman sila magmamadre.”
“Pero may trabaho pa rin po sila. Ayokong ma-cloud ang judgment nila kung magpapadala sila sa emosyon nila.” Kapag pinamamayani ng isang tao ang emosyon, kadalasan ay hindi nakikita ng mga ito ang totoo. Importante sa kanya ang report na iyon. It could save the lives of many women.
“Ikaw mismo ang nagsabi sa akin na maganda talaga ang background ng mga members at workers ng Stallion Island. Tinatrato nila ng maayos ang lahat. There’s punishment for those who won’t abide the rules. Wala ring threat ng harem. Well, except those girls who willingly go after men. We have no control over that one. Sa Stallion Shampoo Makeover halos na lang ang tututukan ninyo.”
“Nasubukan mo na bang mag-relax habang nandiyan ka? Wala ka nang ginawa kundi puro trabaho.”
“Ito na po ang huli kong pagkakataon para ma-enjoy ang trabaho ko.” Kapag nagpakasal na sila ni Miyong, di na niya magagawa ang mga bahay nito. Masisiyahan na lang siyang maging plain housewife na lang.
“Nagtatrabaho ka lang pero hindi ka nag-e-enjoy. Bakit hindi ka mag-request sa escort mo na ipasyal ka sa Stallion Island. Wala kang iisiping trabaho. You will just relax and think about your own pleasure.”
Pleasure. Tumining sa isipan niya ang salitang iyon. Pleasure kasama ang escort niyang si Zach? Binura agad niya sa isipan iyon. Ibang klaseng pleasure kasi ang naiisip niya. Parang hina-harass niya ito sa isipan.
“D-Don’t worry about me, Miss Amie. Kaya ko ang sarili ko. Hindi ko po kailangan ng pleasure.”
“Sige ka. Kapag kasal ka na, hindi mo na mae-enjoy ang Stallion Island.”
Okay lang siya na maging killjoy. Okay lang sa kanya na maging busy sa trabaho. Mas gusto niya iyon kaysa makasama si Zach sa pagliliwaliw. He was a major distraction. Baka magkasala pa siya sa kay Miyong.
Hindi niya maaring ikaila. Zach was a very potent man. Makita lang niya ito ay di na niya maialis ang tingin dito. Kapag nasa paligid ito kahit di niya tingnan ay aware na aware naman siya sa presensiya nito. Bakit ngayon pa ito sumulpot sa bahagi ng buhay niya kung kailan malapit na siyang ikasal?
Karma ba ito sa kanya dahil sa mga pagkakamaling nagawa niya dito dati? Mas mabilis siyang makakaiwas kay Zach, mas madali.
Papadilim na nang magdesisyon siyang bumalik sa kuwarto niya. Nakita niyang sinundo na ang mga kasama niya ng ka-date ng mga ito. Pwede na siguro siyang manahimik sa kuwarto niya. Manonood na lang siya ng TV. Pahinga ng mga contestant sa makeover challenge at sa susunod na araw pa ang ibang challenge.
Papasok na siya ng guesthouse nang harangin siya ng isang tsinitang babae. Mukha itong fragile Chinese doll. “Hi! I am Jazzmire Yun, Zach’s cousin.”
“Hi, Miss Yun!” bati niya at kinamayan ito.
“Call me Jazz. Sa wakas nagkita rin tayo. Ako ang paboritong pinsan ni Kuya Zach. I am his princess.” Akala niya ay ibebeso-beso siya nito subalit bumulong ito sa kanya. “Alam ko na ikaw ang babaeng muntik na niyang pakasalan dati. Kung ayaw mong kumalat dito ang tungkol diyan, samahan mo ako.”
“Pero…” Naputulan na siya ng dila nang hilahin siya nito palabas ng guestroom. “S-Saan tayo pupunta?” Kung paborito itong pinsan ni Zach at alam nito ang nakaraan nila, malamang ay may galit ito sa kanya.
At hindi lang ito ang pinsan ni Zach. Marami pang pinsan si Zach na nagkalat sa Stallion Island. Alam din ba ng mga ito? Discreet lang siguro. Pero may banta si Jazzmire. Ano ang mangyayari kapag nalaman ng lahat ng tungkol sa kanya?
Nagulat siya nang matagpuan ang sarili sa Island Spa na di kalayuan sa Guesthouse. Sa pagkakataong iyon ay may pilyang ngiti sa mga labi ni Jazzmire. “I need company. Magpapa-spa lang tayo at magpapa-massage. Don’t worry. Since escort mo si Kuya Zach, siya ang gagastos nito.”
“What?” Pilit siyang kumawala dito. “Hindi niya kailangang gumastos…”
“Hindi iyon kabawasan sa kayamanan niya.” Hinila siya nito papasok. “Let’s go! Gusto ko lang makipagkwentuhan.”
Hindi na niya magawang tumanggi. Magpapaliwanag na lang siya kay Zach kapag nagkita sila tungkol kay Jazzmire. Sa ngayon ay susunod muna siya kay Jazzmire hangga’t makumbinsi niya itong huwag ibulgar ang sekreto niya.
Nagsisimula na siyang magrelax habang nakadama sa massage table at nakapikit nang maglabas ng saloobin si Jazzmire. “Bakit hindi natuloy ang kasal ninyo ni Kuya Zach?”
“Hindi lang talaga ako ang babaeng gusto niya.”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “But my cousin is irresistable. He was even convinced that you love him at that time. Paano mo magagawang tanggihan ang isang taong mahal mo?”
Hindi niya alam kung talagang sitwasyon nila ni Zach ang tinutukoy nito. Nakapaling ang mga mata nito sa kanya habang nakadapa pero parang di naman siya nito nakikita. “I love him. Pakakasalan niya ako pero alam ko naman na hindi ako ang babaeng hinahanap niya. We just have this attraction. Blazing attraction that we can’t control somehow. Kaya ko siyang mahalin kahit di niya ako mahal. But I can’t be someone I am not just to suit him. Do you still love Kuya Zach? If you do, please make him happy. Kasi kapag mahal mo siya, di mo rin siya matatakasan.”
“Jazz, my boyfriend na ako. Ikakasal na kami. Wala na akong gusto sa pinsan ko. masyado nang matagal iyon…”
Subalit tulog na si Jazz bago pa niya matapos ang paliwanag niya. Iba ang atraksiyon niya kay Zach. Parang crush lang iyon. Iba ang kay Miyong. Si Miyong ang nakaintindi sa kanya. Wala itong binagong kahit ano sa kanya.
At hindi na rin naman interesado si Zach sa kanya. She couldn’t allow her silly crush to get into her head.
MAS maayos na ang pakiramdam ni Gabriella nang matapos ang spa at massage session niya. Malaking bagay talaga ang nagagawa ng pagre-relax. Subalit plakda pa rin si Jazzmire at mukhang walang planong gumising.
“Ma’am, bukas na po gigising si Miss Jazzmire,” sabi ng masseure doon. “Okay lang po siya dito.”
“Sigurado ka?” Nagdadalawang-isip kasi siya kung iiwan ito o hindi. Nagugutom na kasi siya at gusto rin niyang bumalik na ng Guesthouse. Nag-aalala lang talaga siya para kay Jazzmire.
Mabuti nga ito at nakatulog kahit mukhang may problema ito sa lovelife. Habang siya ay nabubulabog ang isip. Maya’t maya kasi niyang nakikita ang mukha ni Zach. Ang ngiti nito. Naririnig niya pati ang boses nito. Isa pang Zach at malapit nang bumigay ang turnilyo sa utak niya.
“Nababaliw na nga ako,” usal niya nang makitang nakaupo sa may lobby ng spa si Zach.
Nakangiti pa siya nitong nilapitan. She had a feeling of euphoria with that million dollar smile of his. Ano bang ginagawa sa kanya ng lalaking ito? “Mabuti naman at tapos na ang session mo.”
“Anong ginagawa mo dito? Nagpa-massage ka rin?”
Bigla siyang nainggit sa masahista nito. Swerteng mga kamay.
“No. Hinintay kitang lumabas. Nakidnap ka pala ng pinsan ko.”
Hinila niya ang manggas ng polo nito at tumingkayad para maabot ng labi niya ang tainga nito. “She blackmailed me. She knows about our past. Sinabi mo ba sa kanya? Sinu-sino pa ang nakakaalam?”
Kumunot ang noo nito at binulungan din siya. “No. I think nag-research lang ang isang iyon. Kahit ang iba kong pinsan wala ring alam. Naghihinala siguro sila pero hindi pa rin nila ako kinokompronta tungkol sa iyo. Ano pang sinabi ni Jazzmire?”
“Walang masyado. Pero nakatulog na siya. Kaso wala na akong ginawa. Naamin ko na sa kanya na ako ang muntik mo nang pakasalan,” bulong ulit niya.
“Zach, hindi ko alam na nagliligawan na pala kayo ni Miss Gabriella.”
Nagulat siya nang marinig ang boses ni Ayumi, ang nakababatang kapatid ng village lord na si Ryuhei. “Hindi kami nagliligawan…”
Siya rin ang natigilan nang makita kung nasaan sila. Nasa isang sulok sila ng spa na may kadiliman. Nakasandal siya habang tinatabingan naman siya ni Zach sa publiko. Wala silang ipinagkaiba sa nagde-date with matching public display of affection. Kahit sino ay iisiping gumagawa sila ng kababalaghan.
Biglang tinakpan ng village lord na si Raddison ang mga mata ni Ayumi. “Huwag mong tingnan. Baka kung anong matutunan mo.”
“Huwag ka ngang malisyoso. Nagbubulungan lang. Masama na ba iyon?” angal ni Ayumi at kumaway sa kanila. “Sige. Magbulungan lang kayo diyan.”
Nasapo niya ang pisngi dahil iba na ang iniisip sa kanya ng mga tao. Sa kanila ni Zach. “Oh, no!” Di niya alam kung paano magpapaliwanag ngayon.
“Let’s get out of here.” Saka hinila ni Zach ang kamay niya palabas ng spa.
“Saan naman tayo pupunta?” tanong niya.
“Doon sa pwede tayong magbulungan nang walang makakaabala sa atin.”
Tahimik siya habang nakasakay sa e-jeepney papunta sa Summer Snowflake. Wala naman talagang malisya ang pagbubulungan nila ni Zach. Bakit bigla siyang nailang? Tapos ngayon ay gusto pa ni Zach na pumunta sa isang lugar kung saan silang dalawa lang pwedeng magbulungan.
Sabagay may sekreto naman talaga silang dalawa. At kailangan nila iyong pag-usapan nang masinsinan kung ayaw niyang pagwelgahan siya ng mga Sirens at iba pang fans ng Stallion Boys. Overprotective kasi ang mga ito.
Idinala siya nito sa cottage nito sa Summer Snowflake. Madilim na doon ay may malamlam lang na ilaw na tumatanglaw sa dilim ng gabi. Idinala siya nito sa terrace kung saan may nakahandang pagkain. Tinatapos na lang ng mga waiter ang final preparation. “Sakto lang pala ang dating natin,” sabi ni Zach.
“O! Parang may ka-date ka yata,” aniya at naestatwa sa pinto ng terrace. The ambiance was just so romantic. Nanghahalina pa ang mabining tunog ng alon ng dagat. Parang hindi yata siya bagay sa lugar na iyon.
“Come on! Normal table arrangement lang iyan.” Ipinaghila siya nito ng upuan. “Take a seat. Nagpahanda talaga ako ng dinner para sa atin. Yayayain sana kita kanina pero nalaman kong nagpapa-massage ka. Gutom ka siguro.”
Hinawakan niya ang kanina pa nagpoprotestang sikmura. Gutom na nga siya. Umupo siya at lalong nagutom nang makita ang pagkain. “Lobster! Sugpo!”
Ipinag-serve siya nito. “You like seafood.”
“Mahal iyan kapag nasa Manila. Lalo naman sa probinsiya dahil malayo kami sa dagat. Puro palayan doon. Puro bukid.”
“Bigla ko tuloy na-miss magbakasyon sa inyo.”
Sinipsip niya ang ulo ng sugpo. “Talaga? Nakapagbiyahe ka na nga sa ibang bansa. Hamak mas magaganda naman ang mga napuntahan mo.”
“Hindi naman ako at home sa mga lugar na iyon. I want to be with people who makes me feel like family. Your mother, si Yaya… ikaw.” Ipinagbalat siya nito ng lobster. “Nakaka-miss lang ang pag-aalaga ninyo sa akin.”
“Inalipin ka kaya sa bahay namin.”
“Paninilbihan ang tawag doon,” pagtatama nito.
Nakadama siya ng lungkot kapag naalala ang mga pinaghirapan ni Zach para lang sa kanya. “Nadala ka siguro sa ginawa mo dati.”
“No,” kaswal nitong sabi. “I will do it again to prove that I love a woman. Gusto ko pa ring ipakita na kaya ko siyang pagsilbihan at protektahan.”
Nahigit niya ang hininga. Hanggang ngayon ba? Hindi na nito kailangang gawin iyon. Women would willingly crawl for him. Mga babae pa ang magpapaalipin para dito. Zach was prince-like. Isa itong miyembro ng Stallion Island. Hindi na nito kailangang magpakababa para sa isang babae kahit pa mahal nito.
“Well, maswerte ang babaeng iyon,” bulong niya at iniba ang usapan. She was threading on dangerous grounds with that subject. Ayaw niyang sirain pa ang magandang mood nilang dalawa.
Makalipas ang isang oras ay tapos na ang dinner nila ni Zach. Nakasalampak sila sa kahoy na sahig ng terrace habang malakas ang tawa sa mga kwento nito tungkol sa pinsan nito at sa kalokohan ng mga ito.
“Naeskandalo kaming lahat nang mahubaran ni Arjhilleyne si Julian. Nanonood pa mandin ang ibang village lords. Riot talaga. Naparusahan silang dalawa dahil doon. And who would have thought that they’d end up together?”
Tinungga niya ang juice niya. “Ayoko nang tumawa.” Ngayon lang siya tumawa nang ganoon katindi. She was really enjoying his company. Sumandal siya sa barandilya at napansin ang CCTV camera. “O! May camera din dito?”
“For security purposes.”
“Naku! Baka isipin ng mga nakakita sa atin nagde-date tayo.”
Sinubuan siya nito ng mango cream cake. “I don’t really care about what they think. Ano ngayon kung isipin nilang date ito?”
In-scoop ng dila niya ang naligaw na icing sa labi niya. “Iisipin nilang nababaliw ka na para i-date ako.” She was still the enemy, the amazon activist.
Tumutok ang mga mata nito sa kanya. Sa pagkakataong ito ay wala nang ngiti sa labi nito. “So what if I am crazy?”
“Crazy for what?”
“Crazy for you.”
Naestatwa si Gabriella. Wala sa itsura nito ang nakikipagbiruan sa kanya. He was staring at her with fire in his eyes. Parang gusto siya nitong tunawin sa titig lang nito. Na parang pagkaganda-ganda niyang babae. And she felt so helpless.
Ano ba ang sinasabi nito? Na nababaliw ito sa kanya? Hindi siya maniniwala. Hindi siya ang babaeng kababaliwan nito.
Tumawa siya at hinaplos ang mga mata nito. “Zach, huwag mo nga akong titigan nang ganyan.”
Hindi na normal ang paghinga niya pati ang daloy ng dugo niya. Sana ay tigilan na nito ang kalokohan nito kung biro lang iyon. Baka di na siya matunawan.
Naging malungkot ang mga mata nito at hinaplos ang buhok niya. “Sometimes I wish I didn’t let you go.”
“Zach…” She couldn’t resist calling his name. The sadness in his eyes mirrored her own. Anong dapat niyang sabihin dito? Na pareho na lang sila ng nararamdaman? Na kahit anong sabi niya sa sarili niya na tama lang ang ginawa niya dahil mas tama na tuparin niya ang pangarap niya. Na hindi ito ang lalaki para sa kanya. Na hindi siya masaya sa kabila ng mga tinatamasa niya ngayon.
Dapat ba nitong malaman na parang may kulang sa buhay niya tuwing nakikita niya ito?
Ano ang dapat niyang gawin ngayon dahan-dahang lumalapit ang mukha nito sa kanya habang di nito inaalis ang tingin sa kanya. Na parang minamarkahan na siya nito. “Just one taste, Gabriella. Just one…”