Stallion Island Series Chapter 17

“Remus, bakit inaway mo si Doc Arvind? Maayos ang bati niya sa iyo nang makita mo siya pero inangas-angasan mo daw. Sana naging civil ka man lang. Bisita lang tayo dito. Nakakahiya!”

Di maiwasang sermunan ni Imhan si Remus habang kausap sa cellphone. Kadarating lang nito ng Maynila. Nakaupo siya sa hagdan ng villa ni Jayden habang nilalaro ng paa niya ang puting buhangin.

Desidido talaga itong umalis at ni hindi man lang nakausap nang maayos ang magulang niya nang paalis. Naaalibadbaran na daw ito kung magtatagal pa ito sa isla. Ang paraiso sa iba ay parang impyerno para dito.

“Nakakahiya? Ipinahiya niya ako sa harap ng maraming tao. Ako pa ang tinakot niya. That man is a womanizer.”

“How about you? Ano ang alam ni Doc Arvind tungkol sa iyo?”

“Wala ka namang kailangang malaman. It is not really important. Pinalalaki lang niya ang isyu na iyon…”

“Kaya gusto kong malaman kung ang hindi importanteng tinutukoy niya. Di ka magwawala nang ganyan kung wala talaga siyang pinanghahawakan laban sa iyo. Remus, you can trust me…”

“Goodbye, Imhan! Mag-enjoy ka sa bakasyon mo. I will see you once you’re back.”

Pakiramdam niya ay bigo siya. Di niya maintindihan kung saan nanggagaling ang galit ni Remus. Dahil sa ginawa nitong gulo, hindi ito magugustuhan ng mga magulang niya. Wala na rin siyang maipangdedepensa dito. Di matutupad ang pangarap ni Remus na maging miyembro ng Stallion Island dahil sa sekreto nito. Makakaapekto ba sa kanya ang itinatago ni Remus?

“Si Remus pa rin ba ang inaalala mo?” tanong ni Jayden nang umupo sa tabi niya at inabot ang malamig na baso ng summer shake.

“Hindi ko alam kung ano ang pinag-awayan nila ni Doc Arvind. Nakakahiya sa iyo. Ikaw ang nag-imbita sa kanya tapos gumawa siya ng gulo.”

“Hindi ko alam na may away sila ni Doc Arvind. Kundi baka di ko rin siya inimbitahan. Sa akin magre-reflect ang ginawa niya. Kung magdadala ako ng bisita dito na gagawa ng gulo nang dalawang beses, baka di ko magamit ang ilang amenities dito sa isla. Parang suspension iyon.”

Humawak siya sa braso nito. “Sorry.” Pag-uwi niya makakatikim ng sermon sa kanya si Remus. Dahil sa gulong ginawa nito, pati si Jayden ay mapapahamak.

“Bakit hindi ka sumama sa kanya pabalik ng Manila?”

Sumimsim siya ng shake at tiningala ang puno ng niyog sa taas. “Hindi naman siya ang nag-invite sa akin dito. Ikaw. Ikaw ang ka-date ko.”

“Ako pa rin ang gusto mong kasama kahit na si Remus ang manliligaw mo?”

“Gusto kong tuparin ang kasunduan natin. At minsan lang ako makakapasok ng Stallion Island kasama ang magulang ko. Gusto kong mag-enjoy kasama sila.”

Lumingon ito sa loob ng bahay. “Natutulog na sila. Ikaw ba hindi matutulog?”

Umiling siya at inunat ang dalawang kamay paitaas. “Nabitin ako sa fishing kanina. Gusto kong maglakad-lakad pero ayoko namang mag-isa lang ako.”

“Gusto mo maglakad-lakad lang?”

tumayo siya. “Ano pa ba ang pwedeng gawin dito sa isla?”

“Madami. Magbihis ng swimwear.”

“KAPAG ITINAAS ko ang kaliwang kamay ko, mag-sway kayo sa kaliwa. Kapag nag-sign ako ng kanan, ihihilig din ninyo ang katawan ninyo sa kanan. At kapag sumigaw ako ng bitaw, bibitaw kayo sa strap. Kundi titilapon kayo nang mas malayo sa banana boat. Mas mahihirapan kaming I-retrieve kayo. Clear?” sigaw ng lalaking nakasakay sa speedboat na hihila sa banana boat.

Itinaas ni Imhan ang mga kamay. “Kaliwa?” Tiningnan niya ang kabilang kamay. “Kanan?” Tumingin siya sa harapan ng banana boat. “Bitaw? At kapag hindi ako bumitaw, titilapon ako sa malayo?” Nilingon niya si Jayden. “Hoy! Ano ba itong banana boat ride na pinagsakyan mo sa akin? Bakit bibitaw ako? E di mahuhulog ako. Ibig sabihin titilapon tayo sa dagat?”

“Ganoon talaga. Kasi itataob nila ang banana boat.”

Tinanaw niya ang malawak na dagat at itinuro. “Doon tayo ihahagis?”

“Oo. Relax! Okay lang iyan.”

“Anong relax? Sabi dito banana boat ride lang! Hindi sinabi na kailangan kong magpakain sa mga pating! Bababa na ako!” histerikal niyang sabi. Ilang beses na siyang nakakita ng banana boat ride sa TV. It looked fun. At gusto rin niyang sumakay kaya iyon ang pinili niya nang dalhin siya ni Jayden sa sports center para sa mga watersports ng isla.

Hinawakan niya Jayden ang balikat niya. “It’s okay. May suot ka namang life vest.”

Umiling siya. “Ayoko, Jayden! Mahal ko pa ang buhay ko. Marami pa akong pangarap. Gusto ko pang magkaasawa, magkaanak…”

Naputol ang paglilitanya niya sa mga pangarap niya nang umarangkada ang speedboat at hinila ang banana boat. Mabuti na lang at mabilis siyang nakakapit sa strap sa harap niya. Kundi ay baka una pa lang, miryenda na siya ng mga pating.

“Whooo!” sigawan ng mga kasakay nila sa banana boat na nakataas pa ang isang kamay at nag-e-enjoy. Habang siya ay kapit na kapit sa strap. Parang doon lang nakasalalay ang buhay niya. Paulit-ulit ang usal niya ng panalangin. Twenty minutes ang ride na iyon. Pwede bang pagdilat niya ay nasa pampang na ulit sila?

Pagdilat niya ay itinaas ng guide ang dalawang kamay at ibinuka. “Bitaw!”

Tumili siya at dali-daling bumitaw sa banana boat. Tumama ang katawan niya sa tubig. Inangat agad niya ang ulo at hinaplos ang mukha. Nanginginig ang labi niya sa takot. Pakiramdam niya ay biktima siya ng isang ship wreck. May isandaang metro pa ang layo niya sa banana boat. Madali lang iyong lakarin pero mahirap languyin dahil medyo malaki ang mga alon nang hapong iyon.

“Jayden! Jayden!” sigaw niya.

May mga bisig na humawak sa braso niya. “I am here.”

Yumakap siya sa baywang nito at ihinilig ang pisngi sa dibdib nito. “Jayden, natatakot ako. Pakiramdam ko victim ako ng Titanic. Banana boat ride lang ang gusto ko. Hindi naman Shipwreck Survival 101.”

Bagamat sanay siya sa dagat, she could only swim at a safe distance. Takot siyang mapapalayo ng langoy dahil baka pulikatin siya o dikitan ng jellyfish at kung anu-ano pang masasamang bagay na pwedeng mangyari sa dagat. Nakatira siya sa coastal community. Alam niya ang kwento ng mga bihasang mangingisda na nawawala sa gitna ng dagat at di na nakikita pa.

Hinaplos nito ang pisngi niya. “Relax! Nandito na ako. Basta kumapit ka lang sa akin. Lalangoy tayo palapit sa banana boat.”

When heard his soothing voice, she became more relaxed. Nang mga oras na iyon, si Jayden lang ang mapagkakatiwalaan niya. Ito lang ang nakakaintindi sa takot niya. Makalipas ang ilang minutong pakikihamok sa alon ay nakasampa na sila ng banana boat. Tinulungan nila ni Jayden ang iba pang na-“shipwreck” na nagre-request na naman na magpahagis pa sa dagat.

“Jayden, natatakot ako,” usal niya nang umandar ulit ang speedboat.

Hinalikan nito ang ibabaw ng buhok niya. “Matakot ka kapag wala ako sa tabi mo. Habang nandito ako, di kita pababayaan.”

Kumalma siya sa pangako nito sa kanya. Iyon din ang pangako nito nang isuot nito ang singsing sa kanya pagpasok niya sa Stallion Island. Di na siya natatakot pero kakaibang kaba naman ang nararamdaman niya habang pinakikiramdaman si Jayden na nasa likuran niya. Hangga’t naririnig niya na nag-e-enjoy ito sa ride, ibig sabihin ay okay lang ang lahat.

“Bitaw!” sigaw ni Jayden.

Nakabitaw siya agad. Nang bumagsak siya sa tubig ay di na siya masyadong malayo sa banana boat. Kaya na niyang languyin at di na rin siya natatakot sa alon.

Luminga siya at hinanap ng paningin si Jayden. Gusto niyang sabihin dito na nasasanay na siya sa alon. Di na siya gaanong natatakot. Naningkit ang mata niya nang makita si Jayden sa di kalayuan. Isang babae ang nakayakap dito at ayaw bumitaw. “Don’t let me go! I am scared,” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae. Paano itong biglang natakot? Samantalang kanina lang ay enjoy na enjoy ito at isa sa pinakamabilis na nakalangoy palapit sa banana boat.

Halata naman na gusto lang nitong maka-score kay Jayden. At bakit hindi ito itinataboy ni Jayden? Mukhang nag-e-enjoy pa ang damuho sa pagdikit-dikit ng katawan ng babae dito. Nakalimutan na yata siya nito.

“Jayden!” tawag niya dito at pinanlakihan ito ng mata.

Kumaway lang si Jayden sa kanya. “Mauna ka na. Susunod na ako.”

Napilitan siyang abutin na ang nakalahad na kamay ng staff ng banana boat ride na siyang tumutulong sa pagsampa ng mga riders. Ayaw na sana niyang tingnan pa si Jayden at ang babae pero di siya makatiis. Umiinit nga lang ang ulo niya tuwing nakikita niya kung paanong akitin ng babae si Jayden. Natakot man siya kanina, at least genuine iyon. Hindi kaartehan lang.

“Thank you, Jayden,” ngiting-ngiting sabi ng babae at hinalikan sa gilid ng labi si Jayden. Saka ito sumampa sa harapan niya.

Umusod naman siya para makaupo si Jayden sa likuran niya. “Are you okay?”

“Okay na okay lang ako,” labas sa ilong niyang sagot.

“Sorry. Tumilapon ako sa malayo. Ang sakit ng katawan ko.”

Maasim siyang ngumiti dito. “You don’t look sorry to me. Mukhang nag-enjoy ka naman, hindi ba?” mariin niyang tanong. At nang humarap ulit siya ay nakita pa niya ang pagpapa-cute ng babae sa harap niya kay Jayden. Bruha!

Hinawakan ni Jayden ang balikat niya. “May masakit ba sa iyo?”

Umiling lang siya. Di niya ito kinausap hanggang makabalik sila sa pampang. Nakasunod lang ito sa kanya. “Saan mo pa gustong pumunta?” tanong nito. “May jet ski, parasailing at pwede rin tayong mag-bungee jumping pero sa kabilang side pa iyon ng island.”

Namaywang siya at tiningnan kung saang direksiyon pumunta ang babaeng may crush kay Jayden. “Kahit saan basta walang jellyfish.”

“Wala namang jellyfish, ah!” Hinatak nito ang braso niya at umuklo sa harap niya para tingnan kung saan siya posibleng nadikitan. “May dumikit ba sa iyo?”

“Sa akin wala pero sa iyo meron,” aniya at nagpatiuna nang maglakad. Isang malaking-malaking jellyfish na naka-swimsuit at magaling mag-inarte.

Kakamot-kamot na sumunod sa kanya si Jayden. “Paano mong malalaman na may jellyfish na dumikit sa akin? Ako nga walang naramdaman.”

“Umuwi na nga lang tayo. Gusto kong dalhin mo kami sa may windmill nang makapagpahangin naman.”

Kailangang lumamig ang ulo niya. Sa katutukso-tukso nito sa kanya at ilang beses nitong pang-aakit sa kanya, di man lang ito nakakahalata sa kanya ngayon? Na naiinis siya sa babaeng dikya na iyon. At kung titingnan sa dictionary, nagseselos siya. Di niya alam kung dapat siyang matuwa o hindi na walang nahahalata si Jayden.

HINDI makagulapay si Imhan sa higaan. Masarap na masarap ang tulog niya matapos ang pagod na pinagdaanan niya nang nakaraang araw. Matapos siyang ipaghahagis sa banana boat ride ay umakyat sila sa windmill station na nasa bundok. Kaya pagkatapos ng dinner ay bumigay na ang katawan niya.

Nang lumabas siya ng kuwarto ay halos tulala pa siya. Nakita niya si Jayden sa verandah na nagbabasa ng diyaryo. “Good morning!” bati nito at nilapitan.

Kinusot niya ang mata. Di pa rin siya natatauhan. “Morning!”

“Nananaginip ka pa yata.” Sinuklay ng daliri nito ang buhok nito. “Hindi mo naman kailangang bumangon. Matulog ka ulit.”

Umiling siya. “Anong oras na ba?” Pilit niyang inaaninaw ang liwanag sa labas. “Mukhang tirik na ang araw. Di ba madaling-araw pa tayo gigising dapat?” Plano nilang mag-horseback riding at mag-agahan sa Wind Café na di kalayuan sa mga windmill. Gustong-gusto kasi ng magulang niya ang view doon. Tanaw ang dagat sa baba at malapit sa mga windmill.

“Nag-horseback riding na sila Tito kasama si Yzaak. Ngayon naman isasama sila nila Julian sa kabilang side ng island. Gusto yata nilang mag-kayaking.”

Umungol siya habang sapo ang ulo at umupo sa breakfast table sa may verandah. “Ang dami ko na palang na-miss. Bakit hindi mo man lang ako ginising?”

Madami na siyang na-miss na activities. Enjoy na enjoy ang parents niya habang nasa dreamland pa rin siya kanina.

“Gigisingin sana kita pero naghihilk ka pa kanina.”

Pakiramdam niya ay nagtayuan ang lahat ng buhok sa ulo niya. “Naghihilik ako?” bulalas niya. “Ang sama mo!”

“Maganda ka pa rin kahit naghihilik ka.” Inilapit nito ang plato ng yang chow sa kanya. “Kumain ka na.”

Di pa rin mawala-wala sa isip niya kung ano ang itsura niya kanina habang natutulog siya. Di bale sana kung naghihilik lang siya. Hinawi niya ang buhok niya patakip sa mukha niya dahil di na niya kaya ang kahihiyang dinadanas.

“Jayden, dito na lang ako. Matutulog na lang ako ulit.”

“Kumain ka na diyan. Pupunta tayo sa horse sanctuary. Magpapakin tayo ng mga kabayo. How about that? Saka lalo lang akong na-in love sa iyo kahit na makita pa kitang naghihilik o nagdu-drool diyan.”

“Grabe nang pambobola iyan!” Paano pa may magkakagusto sa kanya kung tumutulo ang laway niya o kaya ay nakita niyang naghihilik?

Pero nag-enjoy siyang kumain dahil excited siyang makasama ang mga kabayo. Hindi talaga niya pinagsisisihan na pumunta siya sa Stallion Island.

Matapos mag-shower ay tumuloy na sila ni Jayden sa Horse Sanctuary. Isa iyong malawak na lugar kung saan ay malayang nakakagala ang mga kabayo. Di pwedeng gambalain ng mga tao ang mga ito maliban na lang kung gustong pakainin. Ayon sa namamahala dito na si Kreige, may horse sanctuary din daw sa Stallion Riding Club kaya gusto rin ni Prince Rostam na bigyan ng sariling lugar ang mga kabayo sa isla. At iyon ang isang lugar na gustong puntahan ng mga tao lalo na sa mga dumadanas ng depression dahil nagsisilbi iyong therapy.

“Dalawang klase ang pwede ninyong ipakain sa kanila. First is the hay. Pangalawa, pwedeng oats and grains,” sabi ni Kreige.

“Iyong hay na lang sa akin.” Kapag oats and grains kasi ay kailangang sa palad niya pakainin ang kabayo. Natatakot siyang kagatin nito.

Naaliw siyang pakainin ang mga kabayo. Di naman pala nakakatakot tulad ng una niyang inaakala. She could even pet the head of the mare she was feeding later on. “Jayden, mababait naman pala sila,” sabi niya habang nakasandal sila sa puno at nagpapahinga mula sa pagpapakain.

Nakakapagod kasi ang lawak ng horse sanctuary. Kailangan pa nilang lakarin ang mga gate palabas kaya nagpahinga mula sila.

Ibinaon nito ang ilong sa buhok niya. “Hmmm… pareho na kayo ng amoy.”

Pumiksi siya. “Excuse me! Stallion Shampoo iyan! Kung pakainin kaya kita ng damo nang makita mo ang hinahanap mo.”

“Hey, Jayden!” tawag dito ng babaeng dikya na nakasakay sa jeep na dumaan. Nasa tabi lang sila ng wooden fence na malapit sa kalsada. “Meet you later at the party?”

“See you then, Grachelle!” anang si Jayden at kumaway pa dito.

“Huh! Grachelle pala ang pangalan ng jellyfish na iyon,” mahina niyang usal. May kasama na ngang guwapo ang bruha, di pa nasiyahan. Di ba nito nakikita na ka-date siya ni Jayden o nananadya lang talaga ito?

“Sinong jellyfish?” tanong ni Jayden sa kanya. Narinig pala siya nito.

Pinagalaw niya ang isang daliri sa harap nito. “Ito, si Superman. Kapag apat na daliri magiging Super friends. Kapag ganito, jellyfish!” Pinagalaw niya ang kamay sa harap ng mukha nito na parang jellyfish. Di pang-super hero ang Bruhang Jellyfish na iyon kundi super villain.

“Nagseselos ka lang yata kay Grachelle. Tinulungan ko lang iyong tao na makasampa sa banana boat dahil takot na takot siya.”

Tumingala siya. “Hmp! May pahalik-halik pa nga kayo.”

“Nagpapasalamat lang siya. Kung gusto mo ring magpasalamat sa akin, di pa huli para bigyan mo ako ng reward na kiss.” At inilapit nito ang mukha sa kanya.

Nataranta siya. No way! Di niya ito hahalikan. Oras na gawin niya iyon, pinatunayan lang niya na nagseselos siya. Inambaan niya ito ng suntok.

“Jayden, subukan mo lang.”

“Sabi mo, eh!”

He kissed her in a gentle fashion. Unti-unti nitong hinuhugot ang hangin at lakas sa katawan niya. And she was slowly melting in his arms. Akala niya noon ang halik ay simpleng pagsasanib lang ng labi. But with Jayden, it was a merging of two souls. As if they were binded as one.

Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata. There was warmth in his eyes. She was expecting humor and he would tease her relentlessly. Hinaplos nito ang pisngi niya at ngumiti. “Thank you for the sweet kiss, Imhan.”

Namanhid ang mukha niya at tumayo. They kissed and then what? “P-Puntahan na natin sila Nanay, Jayden.”

“Wala ka bang ibang sasabihin sa akin?” tanong nito.

“Ano ang gusto mong sabihin ko?” Na nanlambot ang tuhod niya dito? O kaya pakiramdam niya ay nakaikot siya sa buong solar system dahil sa halik nito?

“You’re welcome.” Saka nito hinawakan ang kamay niya.

Doble ang nakita niyang saya sa ngiti ni Jayden. Di niya alam kung ano ang ikinatutuwa nito sa paghalik sa kanya. Did it even mean a thing to him?

Pwes, dapat rin niyang alamin ang kahulugan ng mga nangyayari sa kanya ngayon. Jayden made her feel jealous. He could radiate her world with a simple smile. He could turn her world around with a kiss. Could it be love?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.