Stallion Island Series Chapter 18

Hindi mawala ang ngiti ni Imhan sa labi habang pinagmamasdan ang mga magulang niya. Nasa gitna ang mga ito ng dance floor at nagsasayaw sa saliw ng jazz music mula sa isang jazz band na tumutugtog para sa party na iyon. Nasa Wind’s Song sila, isang restaurant sa Wind Village ng Stallion Island. Sa umaga ay isang simpleng restaurant at café iyon. Sa gabi ay nagta-transform iyon bilang isang music lounge. Kung maganda ang panahon, sa labas ng restaurant naka-concentrate ang mga activities. And that night was perfect.

Nagkikislapan ang mga bituin sa langit. Bagamat malakas ang hangin, maganda pa rin ang view ng windmill na nagmistulang ginto dahil sa ilaw.

Niyakap niya ang sarili nang umihip ang malakas na hangin. Dalawang bagay ang di dapat kalimutan kapag pupunta ng Wind Village – kundi man jacket o shawl, dapat ay may ka-partner.

Umupo sa tabi niya si Jayden at hinawakan ang kamay niya. “Nilalamig ka na?” tanong nito at lalo pang sumiksik sa tabi niya.

“Medyo lang. Kaya ko pa.”

Tinanggal nito ang coat nito at ipinasuot sa kanya. “Sabi ko naman sa iyo magdala ka ng shawl para sa dress mo. Ayaw mo pang makinig sa akin.”

Hinapit niya ang mainit nitong coat sa katawan niya pero sumiksik pa rin sa katawan nito. “Pwede na sa akin itong coat mo. Thank you!”

Hinawakan ulit nito ang kamay niya at nilaro-laro ang singsing sa daliri niya. “Imhan, hindi ka ba nagsisisi na kasama mo ako ngayon?”

Umiling siya at hinawi ang buhok niya. “No. Tama si Rahya. This place is paradise. Dalawang araw lang kami dito pero parang ayoko nang bumalik sa Manila. Kung pwede nga lang magpapaampon na lang ako sa iyo.”

Parang ayaw na rin niyang mapalayo kay Jayden. Inalagaan siya nito habang magkasama sila sa isla. Nakilala niya ang totoong Jayden. Hindi ang Jayden na kinaiinisan niya at kinaiinggitan niya. Noong una kasi ay nayayabangan siya dito dahil kaya nitong makuha ang anumang gustuhin nito.

Saglit lang niya itong nakitang magtrabaho pero nakita niya kung gaano katindi ang drive nito at kung gaano kalawak ang vision. Kaya nitong makipagsabayan ng utak sa iba pang future leaders ng bansa na miyembro ng Stallion Island. Maganda rin ang pagtrato nito sa mga empleyado at kasamahan nito. She wanted to know him more.

“Bakit hindi? Pero mas maganda siguro kung pakakasalan mo na lang ako.”

Tumawa siya. “Heh! Tumigil ka diyan! Baka mamaya pikutin nga kita diyan, umiyak pa ang jellyfish mo.” Pero hindi tumawa si Jayden. Nakatitig lang ito sa kanya at ni ayaw kumurap. “Hoy! Huwag kang ganyan.”

Inilipat nito ang tingin sa mga magulang niya. “Simple lang ang pangarap ko. Gusto ko lang makasama ang babaeng mahal ko habang buhay ako. Katulad ng parents mo. Ng parents ko. Matatanda na sila pero masaya pa rin silang magkasama. Mahal pa rin nila ang isa’t isa. And I am sure that they will hold each other’s hands until their last breath.”

Siya naman ang napatitig ngayon kay Jayden. Kitang-kita kasi niya ang inggit at pag-asam sa mga mata nito. Parang gusto na nitong makasama ang babaeng tinutukoy nito. She laced her fingers with him. Kung tatanda siya, ito lang ang naiisip niyang makasama. Isang Jayden na maputi ang buhok, kulubot ang balat pero nakangiti pa rin at kitang-kita niya ang pagmamahal sa mga mata nito.

“Sana ganyan din tayo kasaya pagtanda natin,” nahiling niya.

“Kung ako ang mamahalin mo, ganyan tayo pagtanda natin.”

Pakiramdam niya ay nagbagsakan ang santambak na meteorite sa puso niya sa sobrang lakas ng impact ng sinabi nito. SHe was simply shaken. Sinasabi ba nito na kung ito ang mamahalin niya, di nito bibitiwan ang kamay niya? Pero kaya ba siya nitong mahalin katulad ng gusto niya?

Gusto niyang isipin na nagbibiro lang ito pero nanatili itong nakatitig sa kanya. Her was dead serious. Inilahad nito ang kamay. “Dance with me, Imhan. Nami-miss kong kasayaw ka.”

Marahan siyang umiling. “Ayoko.”

“Bakit?” tanong nito pero nananatili pa ring nakalahad ang palad.

Tumayo siya at ginagap din ang palad nito sa huli. “Ayokong magsayaw pero gusto kong maglakad-lakad kasama ka.”

Naglakad sila sa isang stone pathwalk papunta sa mga windmills. Pero umupo sila sa isang bench kung saan tanaw nila ang airport sa baba.

“Imhan, sobrang lamig dito,” sabi ni Jayden.

Hinipan niya ang mga palad at inilagay sa magkabilang bahagi ng pisngi nito. “Pasensiya ka na. Gusto ko lang makalayo sa maraming tao kahit sandali.” Di niya gustong makasama ang maraming mga tao. Gusto lang niyang makasama si Jayden.

“Bakit ba ayaw mong makipag-sayaw sa akin?”

Ikinudlit niya ang daliri sa dulo ng ilong nito. “Naalala mo ba noong high school tayo? Magka-partner tayo sa isang dance number sa school program. Pero anong ginawa mo. Ayaw mong hawakan ang kamay ko.”

Nagpaganda pa mandin siya noon. Kapag kasi siya ang pinakamaganda, siya lang ang nilalapitan ni Jayden at di ito tumitingin sa ibang babae. Di niya alam kung bakit gusto pa rin niyang pansinin siya nito para lang sa huli ay mainis sa panunukso nito. Siguro noon pa man, gusto na talaga niya si Jayden. Nahahati lang ang damdamin niya dahil sa selos dito sa pagiging malapit sa magulang niya.

“Sobrang ganda mo kasi noon.Saka hinawakan ko rin ang kamay mo sa huli.”

“Oo. Pero binalutan mo naman ng panyo. Parang diring-diri ka sa akin.” Kaya paano naman siya maniniwala dito noon na nagagandahan nga ito sa kanya?

“Kasi nanginginig ang kamay ko kapag hinahakawan kita.” Pinagsalikop nito ang kamay sa mga kamay niya. “Kahit ngayon nanginginig ako.”

“Hindi ko napapansin.” Masyado siyang naka-focus sa sarili niyang reaksiyon dito. Di na niya napapansin kung ano ang epekto niya dito. Posible ba na pareho lang sila ng nararamdaman? That she could also make him weak and she could also freak his mind out?

“Saka alam ko naman na mainit ang dugo mo sa akin.”

“Hindi na!” tanggi niya. “Nagugustuhan na nga kita ngayon. I mean… mas magaan na ang loob ko sa iyo. Minsan nagseselos lang ako dahil sobrang close mo sa parents ko. Siguro kasi ako ang bunso. Kung anuman ang lungkot nila sa pagkamatay ni Kuya, dapat ako ang magpupuno no’n at hindi ikaw. Pero sino ba ako para pigilan sila na sumaya. You make them happy.”

“At wala rin akong plano na kunin ang pagmamahal nila na para sa iyo. Gusto ko rin silang sumaya dahil alam ko na masaya ka kapag napapasaya ko sila. Pero kung gusto mong lumayo ako sa kanila…”

“No! You make them happy so that makes me happy as well.” Ngayon pa nga lang sila nagkakalapit. Di niya gustong masira agad ang nabubuo nilang magandang samahan dahil sa isang problemang natapos na. “Pero hindi ko naman alam kung ano ang nagpapasaya sa iyo. Di ba sabi mo may babae kang gustong mong ma-in love sa iyo? Sino iyon? Nililigawan mo na ba?”

“Liligawan ko pa lang. Kung magpapaligaw ka sa akin.”

“Ha?” nabingi siya dahil di agad niya nakuha ang sinabi nito.

Inilapit nito ang labi sa tainga niya at bumulong. “Manliligaw ako sa iyo!”

“Bakit ka manliligaw sa akin?”

“Para maging girlfriend kita. Pero kung si Remus na ang gusto mo…”

Si Remus? Nakalimutan na nga niya na may nag-e-exist na Remus sa mundo. Remus never made her feel so alive and so dynamic like Jayden did. Kay Remus, she was just her old, boring self. Walang iba sa kanya. Pero kay Jayden, parang sinasapian siya. He could make her mad at him and mad for him. At nasa kay Jayden ang katangian ng lalaking gusto niyang maging ama ng anak niya. Kay Remus, parang one hundred years pa bago niya ma-imagine iyon.

“Ang alam ko wala akong boyfriend.”

“Then that means okay lang maging boyfriend mo ako?” tanong nito.

“Yes!” sagot agad niya. “I mean… pwede kang manligaw.”

“Yes!” usal nito at kinuyom ang palad. Saka siya nito kinabig at kinintalan siya ng halik sa noo. “I will do everything to make you mine, Imhan. At oras na maging girlfriend kita, di ka magsisis. Pasasayahin kita. Bibigyan kita ng maraming mga anak. And I will stay beside you for the rest of my life.”

Pinitik niya ang noo nito. “Jayson Alden Arcega, ni hindi pa nga kita sinasagot gusto mo na akong bigyan ng santambak na anak. Masyado ka naman yatang advance, hijo?”

“Hindi ba iyon naman talaga ang trabaho ko? Maging advance sa technology. Mabuti nang may foresight tayo sa future.”

She must have gone nuts. Bago siya pumunta ng Stallion Island, wala sa hinagap niya na magkakalapit sila ni Jayden. Ni di sumagi sa isip niya na liligawan siya nito o iko-consider niya ito bilang boyfriend niya.

It must be the magic of the island. Or she was simply caught by love.

“WOW! Nakakainggit ka talaga, Ma’am Imhan! Hindi ka lang basta nakapasok sa Stallion Island. Nililigawan ka pa ni Jayden Arcega.” Sabay tumili si Alyn.

Halos tumulo ang laway ng mga kasamahan niya sa ospital sa sobrang inggit sa kanya habang nakatitig sa singsing na bigay ni Jayden sa kanya. Sabi ni Rahya, ang singsing nito ay iniwan din nito sa Stallion Island. Pero ayon kay Jayden, para talaga sa kanya ang singsing na suot niya. It was just deactivated when she left the island. It was just a simple ring now. A reminder of Jayden. Kaya naman lalong hindi nawawala sa isip niya ang binata.

Di agad niya maipagtapat sa mga kasamahan sa trabaho at kahit pa kay Rahya na nanliligaw na sa kanya si Jayden. Napilitan na lang siyang mangumpisal sa mga kasamahan dahil araw-araw siyang tinatawagan ni Jayden at laging may padalang regalo sa kanya. Kanina ay isang malaking huggable stuffed toy na may pangalan nit o ang padala nito sa kanya kaya ginitgit na siya ng mga kasamahan.

“Tumahimik ka nga diyan. Nakakahiya baka may makarinig sa iyo,” saway niya kay Alyn. Wala silang customer noon at malapit na siyang mag-out. “So what kung member siya ng Stallion Island? Magkababata naman kami.”

“Nagkataon lang na una niya kayong nakilala kaya nabulag sa inyo, Ma’am. Hindi pa kasi niya natititigan ang kagandahan ko kaya di pa nalilipat ang atensiyon niya sa akin. Maghintay lang kayo, Ma’am.”

Humalukipkip siya. “Sandali! Hindi ako papayag. Sa Stallion Island nga, handa kong sagupain ang mga jellyfish para kay Jayden.”

“Bakit kasi hindi pa sagutin?” angal ni Ching. “Magsisisi kayo kapag isa sa aming tatlo ang nagustuhan ni Jayden Arcega. May alam akong matinding gayuma.”

Di pa nga niya boyfriend si Jayden pero di siya papayag na may ibang babaeng lumapit dito. Nae-excite pa siya sa panliligaw nito kaya hindi pa niya sinasagot. Kung tutuusin ay siya na lang ang liligawan nito dahil una na nitong naligawan ang pamilya niya. Pasado na ito sa pamilya niya.

Kinukulit naman siya ng Mama ni Jayden. Kailan daw sila magpapakasal? Excited na kasi itong magkaapo. She was just taking things slowly with Jayden. Nag-a-adjust pa rin ang puso niya dito. Falling in love with him was one thing. Having a relationship with him would be another issue.

“Hayaan na ninyo ako. Basta sa amin na lang ni Jayden iyon.”

Nawala ang masaya at nakakakilig na atmosphere nang bumukas ang pinto at pumasok si Remus. “Imhan, how about coffee after work?”

Nagkatinginan sila ng mga kasamahan. Di niya alam kung tatanggi siya. Ilang beses na kasi niyang tinanggihan si Remus. “Sure!” sagot na lang niya. Oras na para pag-usapan nila ang estado ng panliligaw nito sa kanya.

Sa isang café malapit sa ospital sila pumunta ni Remus. She was ill at ease. Maraming nagbago. Kung nakita niya ang magagandang katangian ni Jayden nang nasa isla sila, noon niya nakita kung paano umaktong parang bata at immature si Remus. Ni wala itong pakialam o concern sa mga taong pwedeng mapahiya sa pag-eeskandalo nito. Ang naisip lang nito ay ang sarili nito at ang galit nito.

“Iniiwasan mo na ako mula nang manggaling ka sa Stallion Island.”

“Nag-sorry ka ba kay Jayden dahil sa eskandalong ginawa mo?” tanong niya.

Ngumisi ito. “Bakit kailangang masingit sa usapan ang kaibigan mo? This is just about us, Imhan. Tungkol sa magiging relasyon natin.”

Kung may magiging relasyon sila. Parang iyon na kasi ang huling bagay na maiisip niya. “Remus, ang isyu mo sa ibang tao ay isyu natin. You disappointed me. Sa ginawa mong eskandalo sa Stallion Island, pati ang membership ni Jayden muntik nang malagay sa alanganin.”

“So what’s the big deal? Member pa rin siya ng Stallion Island. At wala na akong planong maging member hangga’t nandoon si Arvind Li.”

“What’s with you and Doc Arvind? Ano ba ang itinatago mo sa akin?”

He gave her a haughty look. “At kung hindi ko sasabihin sa iyo?”

“Then nothing will work. Wala namang mangyayari kahit na maging boyfriend pa kita. You see, marami tayong di mapagkasunduan. Di rin kita maintindihan. I am sorry but we just have to end things here.”

Bigla nitong hinagip ang kamay niya at matalim ang matang tinitigan ang singsing sa kamay niya. “Ayaw mo ba sa akin dahil hindi na ako magiging member ng Stallion Island? Kaya mas gusto mo si Jayden Arcega?”

“For the record, wala akong pakialam kung member ka ng Stallion Island o hindi. O kung pulubi ka man o pag-aari mo man ang buong Africa. I accepted you for what you are. At ganoon din ako kay Jayden. Kung anuman ang namamagitan sa amin, sa aming dalawa na lang iyon.”

Kahit kailan, hindi ipinamukha ni Jayden sa kanya na miyembro ito ng Stallion Island. He just showed the real him. Ipinaramdam nito kung paano siya nito handang alagaan at protektahan. He made her fall by simply being his self.

“Excuse me. Pwede ko bang makausap si Remus?”

Gulat niyang nilingon ang nakikiusap na boses. It was Lou. Mamasa-masa ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Sa palagay niya ay malaki ang problema nito. Malayo ito sa mataray na boss niya.

“May importante kaming pinag-uusapan ni Imhan. Leave us alone!” pagtataboy ni Remus dito.

Huminga nang malalim si Lou at kumislap ang katapangan sa mga mata nito. “Then sasabihin ko na ngayon sa harap niya.”

Natigilan si Remus at dahan-dahang lumuwag ang pagkakahawak sa kamay niya. “Sa ibang araw na lang tayo mag-usap, Imhan.”

Dali-dali siyang umalis pero di niya maipaliwanag ang lungkot sa mga mata ni Lou. Kahit na masungit sa kanya ang boss niya, concern pa rin siya sa dinadala nito. Kung may maitutulong lang sana siya dito.

MAINGAT na ipinarada ni Imhan ang kotse niya sa parking lot ng ecopark. Di pa siya nakakababa ay naroon na si Jayden at masama ang tingin sa kanya.

“You are late, Miss Panganiban,” anito sa pormal na boses.

Humalik siya sa pisngi nito. “I am sorry. Na-traffic ako.”

“Tinanghali ka na naman siguro ng gising,” anito at tumuloy sa likuran ng kotse niya para kunin ang mga niluto niyang pagkain. “Kanina pa kami naghihintay ng mga bata. Madami na nga kaming naitanim.”

May tour ang mga staff at mga kinakanlong nilang bata at kababaihan women’s crisis center. Sa La Mesa Dam Ecopark ang napili nila. Si Jayden ang may ideya niyon para daw bata pa lang ay matuto na ang mga bata na magmahal sa kalikasan. Maganda din daw iyong personality development dahil ang isang taong mapagmahal sa kalikasan ay mapagmahal din sa kapwa tao.

Mukhang napaaga ang tree planting ng mga ito dahil may putik na ang short at T-shirt ni Jayden. Bahagya na rin itong pinawisan. “Bakit wala kang towelette sa likod?” tanong niya at kumuha ng towelette sa bag niya.

“Ha? Para kang si Mama! Hindi ko na kailangan iyan. Malaki na ako.”

“I promised to take care of you. Huwag ka nang umangal diyan.” He grunted out loud. Pero wala naman itong nagawa nang lagyan niya ng salupil ang likod nito. “Gusto ko lang namang alagaan ka tulad ng pag-aalaga mo sa akin.”

Bahagya itong ngumiti pero binawi din nang ilapag sa picnic table ang basket ng pagkain kasama ang iba pang pagkain na dala ng mga unang dumating. “Nagutom na ako kahihintay sa iyo. Tiyakin mo lang na mabubusog ako kundi ikaw ang kakainin ko.”

He clawed his hands and acted like a monster. Napasigaw siya nang habulin siya ni Jayden. “Jayden, huwag!” bata pa lang siya ay takot na siya kapag hinahabol siya ni Jayden nang ganoon ang itsura. Ibig sabihin ay kikilitiin siya nito sa huli.

Napailing si Yolie nang makita sila. “Ito talagang mga batang ito. Imhan, magtanim ka. Sabi ni Jayden, dapat lahat tayo may maitanim na puno dito.”

Bahagyang nag-behave si Jayden but there was still a naughty glint in his eyes. Alam niyang hindi pa ito tapos sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.