“Anong changes? Bakit hahayaan ninyo siyang guluhin ang show natin?”
Nakangiting lumabas ng conference room si Gabriella. She did a great job. Iniwan niyang nagwawala si Babeth. She didn’t care. Ang alam niya ay naprotektahan niya hindi lang ang mga contestant kundi maging ang mismong programa. Naniniwala siya na malaki ang potential ng programa kung magagamit lang sana sa tamang paraan.
“Ang galing ni Miss Gabriella kanina,” pagmamalaki ni Aejhay. “Siguro naman mas gaganda na ang format ng Stallion Makeover Challenge. Kapag nangyari iyon, sasali din ako.”
“Sana nga matanggal na iyang si Miss Babeth,” nakahalukipkip na sabi ni Carmilette. “If I know, imbyerna lang iyan sa ganda natin.”
“Salamat,” tipid na pasasalamat ng kandidatang si Josef sa kanya. “Kapag may sira ang kotse ninyo, tawagan lang ninyo ako. Free of charge.”
“Thank you! Basta galingan ninyo sa mga challenge ninyo. Hindi na nila kayo pwedeng laitin ngayon.” Luminga-linga siya at hinanap si Teresa. “Nasaan nga pala siya? Gusto ko sana siyang makausap.”
Depressed si Teresa nang nakaraang araw. Muntik na nga itong umuwi. Nagkausap lang silang mabuti. Mahirap ang pamilya nito sa bukid. High school lang ang tinapos nito. Hindi ito interesadong mag-aral. Kahit lang daw ang mga kapatid nito ang makapag-aral. Gusto niya ito dahil mahal nito ang pamilya nito. At mas lalakas na ang loob nitong lumaban ngayong di na ito basta-basta makakanti.
“Hindi ko siya napansin kung saan siya nagpunta. Kanina lang iiyak-iyak pa siya dito,” sagot ni Josef.
“Hahanapin ko na lang siya.” Kumunot ang noo niya nang si Zach naman ang hindi niya makita. “Nasaan kaya ang lalaking iyon?”
“Hinahanap mo ba ang Prince Charming mo?” tanong sa kanya ni Conrad.
“Nakita mo ba siya?” Gusto niyang i-share dito ang magandang balita. Wala naman sigurong masama doon dahil sinuportahan naman siya nito.
“Pupunta daw siya sa Windy Café. And…”
Tinapik niya ang braso nito. “Thank you.”
Papunta sa Windy Café ay tinawagan siya ni Amie. “How’s it going?”
“Great! Nang i-explain ko sa kanila na mali ang nagiging takbo ng program nila, nakinig naman sila sa akin. At least those who head the program listened.”
“Congratulations! They are half-way through the program. Kung maganda na ang magiging program nila, we will even endorse it.”
Nang matanaw niya ang Windy Café ay nagpaalam siya kay Amie agad. Ililibre niya si Zach kahit kape bilang pasasalamat. Malaking bagay ang nagawa ng suporta nito sa kanya.
Pag-akyat ng hagdan ay natanaw niya agad si Zach na nasa ilalim ng sa isa sa mga mesang nasa ilalim ng malaking payong at nagmimiryenda. May kausap itong isang babae. Si Teresa.
Lalapit sana siya sa mga ito nang marinig niya ang halakhak ni Teresa. She was enjoying Zach’s company. At mukhang nakatuon din ang buong atensiyon ni Zach dito. Mukhang nae-enjoy ni Zach ang company ni Teresa.
Si Teresa ay isang probinsiyana. Mahinhin ito at tahimik. Isang Maria Clara. Naalala niya ang simpleng pangarap nito. Gusto nitong maging simpleng maybahay. Wala itong gagawin kundi ang maging masunuring asawa at pagsilbihan ang magiging pamilya nito.
May malaking kamay na pumiga sa puso niya. Iyon mismo ang babaeng hinahanap ni Zach.
Hindi na siya nagpakita sa dalawa at bumalik agad sa Guesthouse. She didn’t like what she was feeling. Mabigat ang pakiramdam niyang makitang magkasama ang mga ito. What’s wrong with her? Bakit parang nagseselos siya?
“Mukha ka talagang tanga, Gabriella,” usal niya sa sarili nang makapasok sa kuwarto. Buhay iyon ni Zach. Dapat ay maging masaya na siya dito. May Miyong naman siya. Si Miyong ang mahal niya.
Mariin siyang pumikit. She just wished that the feeling would pass. Soon. Kapag tumagal pa iyon, tuluyan na siyang masisiraan ng bait.
Imposible! Di pwedeng in love siya kay Zach!
TAHIMIK na pinapanood ni Gabriella ang pictorial ng mga contestants ng Stallion Shampoo Makeover Challenge sa beach ng Wave Village. Para iyon sa modelling challenge ng mga ito. Habang katabi naman niyang si Zach ay di inaalis ang tingin dito. Sa lahat ng contestant ay si Teresa ang hiyang-hiyang mag-pose sa camera. May pagkamihayain pa rin ito.
“Briella,” untag ni Zach sa kanya.
Nagulat siya. Noon lang kasi ulit siya tinawag nito ng Briella. Di na siya sanay dahil ito lang naman ang tumatawag ng Briella sa kanya. “Bakit?”
“Parang ikaw si Teresa.”
“Ako?” Nagpapalit-palit ang tingin niya kay Teresa at kay Zach. Malabo yata ang mata nito. “Paano naman naging ako si Teresa? Magkaibang-magkaiba kami.”
Umiling ito at tiningan siya. “No. parang ikaw siya nang unang beses ko siyang nakita. So young, fresh and untouched. Naalala ko ang mga sulat mo sa akin noon. Parang wala kang muwang sa mundo. That’s really amazing.”
“Oh! Naalala mo pa iyon?”
Mahina itong tumawa. “Yes. Naalala ko pa nga unang beses kitang nakita. Naka-baro at saya ka. You really stand out in the crowd. Kahit na marami pang babaeng nakapaligid sa akin, ikaw agad ang napansin ko.”
Gusto sana niyang makisali sa masasayang alaala nito pero di niya magawa. Dahil ibang Gabriella ang naalala nito. Ang mapagpanggap na Gabriella.
“That girl is not the real me, Zach. Ako ang tunay na Gabriella,” malungkot niyang sabi at inalis ang tingin dito.
“Anong nangyari sa iyo? Why the sudden change?”
“Wala namang nagbago sa akin. Mali ka lang siguro ng pagkakakilala sa akin.”
“O mali ang pagpapakilala mo sa sarili mo?” naghihinala nitong tanong. “I think that you deliberately mislead me. Why?”
“Zach, I…” Nasa dulo na ng dila niya ang paliwanag. Oras na ba para sabihin niya dito ang totoo? Na hindi siya ang ka-penpal nito kundi ang nanay niya? Gusto na niyang makatakas sa panunumbat nito. Tutal ilang araw na lang silang magkakasama sa Stallion Island, mas magandang malaman na nito ang totoo. Mas maiintindihan siya nito ngayon at di nito iisiping mapagpanggap lang siya.
Nag-ring ang cellphone nito. Napilitan itong sagutin iyon. “One moment.” Tumalikod ito at sinagot ang telepono. “Hello, Yaya! Opo. Nandito po siya.” Nakakunot ang noo siyang nilingon. “Where is your cellphone?”
“Iniwan ko sa kuwarto ko. Nagcha-charge,” sagot niya.
Inabot nito ang cellphone sa kanya. “Kausapin mo si Yaya.”
Kinuha niya ang cellphone mula dito. “Ninang! Kumusta na po? Si Nanay po?” Ito ang madalas na kasa-kasama ng nanay niya sa probinsiya. Palibhasa ay parehong walang kasama sa buhay kaya ang mga ito ang magkasama sa mga galaan at kung anu-ano pang activties ng mga senior citizen.
“Umuwi ka na dito, Gabriella,” anito sa nanginginig na boses. “Isinugod sa ospital ang nanay mo. Inatake sa puso po.”
“Po? Anong inatake? Paanong…”
Hindi na niya alam kung anong unang itatanong. Naguluhan na siya. Paanong magkakasakit ang nanay niya? Okay naman ito nang huli itong magpa-check up. At hindi naman ito basta-basta magkakasakit kung walang nangyari na pwede nitong ikabigla o ikasama ng loob nito.
“Saka na ako magpapaliwanag. Ang importante makauwi ka na dito.”
Ibinalik niya ang cellphone kay Zach. Subalit parang wala siya sa sarili. Tinalikuran lang niya ito at hindi na siya nakapagpasalamat. Ang tanging alam lang niya ay ang makauwi sa nanay niya. Kailangan siya nito ngayon.
“Ikaw na muna ang bahala dito,” bilin niya kay Aejhay. “Kailangan ko munang umuwi sa amin. Nasa ospital ang nanay ko.”
Tumango na lang si Aejhay na mukhang nagulat din sa balita. Di na ito nakapagtanong pa dahil tinalikuran na rin niya ito. Kung pwede lang na lumipad na siya ngayon palabas ng Stallion Island ay ginawa na niya. Ang nanay niya…
“Saan ka pupunta?” tanong ni Zach na nakasunod sa kanya.
“Babalik sa Guesthouse para makapag-empake. Kailangan kong umuwi ng probinsiya. May sakit ang nanay ko.” Naluha siya nang makitang malayo pa ang lalakarin niya para makabalik sa main road ng Wave Village kung saan pwede siyang sumakay ng e-jeepney pabalik ng Guesthouse.
“Ihahatid na kita,” sabi ni Zach at parating na ang groom na akay ang kabayo nito. “Umangkas ka na sa akin.”
“Akala ko ba bawal akong sumakay ng kabayo?”
“Aangkas ka naman sa akin. I get to control the reins.” Sumampa agad ito sa kabayo nito at inilahad ang palad sa kanya. “Halika na! Maghahabol pa tayo ng flight.”
Sumampa siya ng kabayo at yumakap sa baywang nito. Kumalma ang pakiramdam niya sa kabila ng tensiyong nararamdaman niya. The heat of his body warmed her up. At kailangan niya ng masasandigan nang mga oras na iyon.
“Zach!” tawag ni Teresa habang tumatakbo palapit sa kanila. “Saan kayo pupunta? At bakit nakasakay siya sa kabayo mo?”
“Kailangan niyang umuwi agad sa nanay niya sa probinsiya. Isinugod kasi sa ospital. Aalis na kami…”
“Sandali!” hirit ni Teresa at sa pagkakataong ito ay may pag-aalala sa mukha nito. “Alam mo naman na kapag pinaangkas mo ang isang babae sa kabayo mo…”
Ibig sabihin ay ang babaeng iyon na ang babaeng mamahalin ng lalaking iyon habambuhay. Isa iyong tradisyon na nagmula pa sa Stallion Riding Club.
At kung pakiramdam ni Teresa ay ito ang espesyal na babae sa buhay ni Zach, dapat ay ito ang may pribilehiyong makaangkas sa kabayo ng binata. Sa halip ay siya ang nakaangkas sa kabayo ni Zach – ang maling babae para dito.
“Teresa, wala na kaming oras para sa tradi-tradisyon na iyan,” may halong iritasyon sa wika ni Zach. “Malubha sa ospital ang nanay ni Gabriella. Mas mahalaga pa ba iyon kaysa sa tradisyon at iisipin ng ibang tao?”
“Zach!” Hinawakan niya ang braso nito para tumigil na ito sa pagsasalita.
Yumuko si Teresa na kagat ang labi. “Sorry, Zach.”
Subalit inutusan na ni Zach na tumakbo ang kabayo nito palayo. “Hindi mo na dapat sinabi pa iyon. Alam mo naman kung gaano kahalaga sa mga babae dito na magkaroon ng privilege na maiangkas ng isang Stallion hunk.”
“Huwag mo na akong sermunan. It’s not important. Mas mahalaga sa akin na makita mo ang nanay mo at matiyak na maayos ang kalagayan niya.”
“Thank you,” usal niya at humilig sa likod nito.
Isinakripisyo nito ang pagbibigay ng privilege na maiangkas ang babaeng gusto nito para sa kanya at sa nanay niya. With that, she was forever grateful. Pagbalik nito ay papaliwanagan na lang niya si Teresa. Wala naman itong dahilan para magselos. Ito ang gusto ni Zach at hindi siya.
Sa halip na sa Guesthouse tumuloy ay idinala siya nito sa terminal. “O! Hindi ba dapat sa Guesthouse muna ako?”
“I will ask someone to pack your things. Ipasunod na lang natin sa probinsiya ninyo. Ang importante makahabol ka ng flight at makita mo agad ang nanay mo.”
Mabilis para kay Zach na ayusin ang flight nila papuntang Clark Airport. “May helicopter na pi-pick up sa atin papuntang Cabanatuan.”
“Sa atin?” tanong niya.
“Sasama ako sa iyo.”
HINDI umalis si Zach sa tabi ni Gabriella. Mula nang umalis sila sa Stallion Island hanggang ilapag sila ni helicopter sa rooftop ng Nueva Ecija Doctor’s Hospital ay hindi nito binitiwan ang kamay niya. It somehow eased the terror that she felt.
Naabutan nilang natutulog ang nanay niya nang dumating sila sa ospital. Maputla pa rin ito kahit na sinabi ng doktor na bumubuti na ang kondisyon nito. Hindi daw dapat itong biglain pa o bigyan ng sama ng loob. At iyon mismo ang gusto niyang malaman. Ano ang nagpasama sa loob ng nanay niya?
“Nagising siya kanina at hinahanap ka,” sabi ng Ninang niya. “Natulog lang iyan kasi sabi ko parating ka na kasama si Zach.”
Hinaplos niya ang buhok ng nanay niya. “Ano po palang nangyari at basta na lang siyang inatake?” Nang hindi ito kumibo ay saka siya may napansing kulang. “Nasaan po pala sila Miyong at Irene? Galing na po ba sila dito?”
Kapag mga ganoong emergency ay nauuna ang kaibigan at nobyo niya na dumamay. Lalo na si Miyong. Hindi ito basta-basta aalis hangga’t hindi siya dumadating. Parang nanay na rin nito ang nanay niya.
Hinila siya nito palayo sa kama ng nanay niya. seryosong-seryoso ang mukha ng ninang niya. parang may ihahatid pa itong mas masamang balita sa kanya. “Gabriella, huwag ka sanang mabibigla. Kahapon pa hindi mahagilap sila Irene at Miyong. Akala ng mga magulang nila namasyal lang sa bagyo. Iyon pala nagtanan na sila.”
Parang isang malaking alon ang sumampal sa mukha niya. “N-Nagtanan? Sila Miyong at Irene nagtanan?” Mariin siyang pumikit at huminga nang malalim. Sana ay mali siya ng dinig. Sana ay hindi totoo ang narinig niya. Paanong magtatanan ang bestfriend niya at ang boyfriend niya. “B-Bakit po nila gagawin iyon sa akin?”
Masamang panaginip lang ang lahat o kaya ay joke. Subalit hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon ng ninang niya. parang maiiyak ito. Nilapitan ito ni Zach at inalalayang umupo. “Gusto ba ninyo ng tubig, Yaya, Gabriella?”
Umiling lang siya. Baka gustuhin pa niyang ipasaboy sa mukha niya ang tubig para mahimasmasan siya. Hindi pa rin niya matanggap na tinraidor siya ng dalawa sa pinakamahalagang tao sa buhay niya.
“Umiiyak na pumunta sa nanay mo si Tasing,” tukoy nito sa nanay ni Irene. “Nagtanan nga daw ang dalawa. At masakit doon, buntis si Irene. Isang buwan na daw.”
“Isang buwan?” Sa pagkakataong ito ay gusto na niyang magpakuha ng isang drum ng tubig para lunurin ang puso niyang luray-luray. Matagal nang may nangyaring kababalaghan sa dalawa pero di niya alam. Parang normal lang ang lahat.
Kailan ba nagsimulang maging mas demanding si Miyong sa kanya? At noong isang araw lang ay sumobra na ang pagka-demanding nito. Gusto nitong umalis siya ng Stallion Island o huling pagkakataon na daw iyon. Nang di niya pinansin ang kalasingan nito ay di na ito tumawag pang muli. Akala niya ay natauhan na ito at kalokohan lang ang mga demands nito sa kanya.
“Gising na ang nanay mo,” untag sa kanya ni Zach.