Nakangiti na ang nanay niya habang kakwentuhan si Zach. MUkhang hindi na masyadong dinidibdib ng nanay niya ang nangyari kay Miyong at Irene. Ni hindi na nga nito binanggit pa. Mukhang itinuon na lang nito ang atensiyon kay Zach.
“Naku! Sana talaga pinakasalan ka na ng anak ko noon pa. Eh, di sana marami na akong mga apo sa inyo,” sabi ng nanay niya at hinampas pa ang braso ni Zach. “Ready ka bang magpapikot sa anak ko?”
“Iyan lang naman pong anak ninyo ang nagpapakipot,” sabi ni Zach at kinindatan pa siya.
Kung ibang pagkakataon siguro ay sasagot siya sa biro nito. Subalit ngumiti na lang din siya. Ayaw niyang makita pa ng nanay niya na malungkot siya. Mabuti nga at nariyan si Zach para magpangiti dito.
Humikab ang nanay niya. “Iwan na muna ninyo akong dalawa. Gusto kong magpahinga. Kayo rin. Mukhang mga wala pa kayong tulog.”
Sinenyasan siya ni Zach an sumunod na lang. Di tulad nito na guwapong-guwapo pa rin sa kabila ng mahaba nilang biyahe at kawalan ng tulog, pakiramdam niya ay ipinatalaktak siya sa isandaang kabayo. Bugbog ang katawan at puso niya. At tiyak na mag-aalala pa ang nanay niya kapag di bumuti ang itsura niya.
Kinintalan niya ito ng halik sa noo. “Dadating naman po si Tiya Sela,” tukoy niya sa isang kapatid ng nanay niya na sa Cabanatuan lang din nakatira. “Siya na po ang magbabantay sa inyo. Okay lang ba kayo dito?”
“Ikaw? Okay ka lang ba?”
Pilit siyang ngumiti at tinatagan ang loob. May pagkakataon na kapag mabigat ang loob niya ay nakakaiyak siya sa nanay niya. Ngayon ay pinili niyang kontrolin ang emosyon kaysa ipapasan sa nanay niya ang nararamdaman niya. “Opo. Kaya ko po ito.”
“Alam ko, anak. Hindi talaga si Miyong ang lalaking para sa iyo. Patawarin mo na lang sila, ha? Makakahanap ka naman ng lalaking mas karapat-dapat para sa iyo. Lumingon ka lang sa likuran mo.”
Paglingon niya ay nakatayo si Zach at pinapanood silang mag-ina. Si Zach ang karapat-dapat na lalaki para sa kanya. Ang tanong, siya ba ang karapat-dapat na babae para kay Zach? Malabo iyon.
“Pasensiya ka na sa nanay ko,” sabi niya nang magkasama silang kumain sa isang restaurant di kalayuan sa ospital. “Siguro gusto lang niyang maka-cope agad sa mga nangyari. Pati ikaw inirereto sa akin.”
“I understand. Okay ka lang ba?”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi at ibinaba ang tingin sa hinahalong kape. “Hindi madaling tanggapin. SA dinami-dami kasi ng babae, bestfriend ko pa ang pinatulan ni Miyong. Matagal na kaming magkakaibigan.”
“Siguro hindi rin nila sinasadya.”
“O baka naman matagal na nilang nararamdaman. Hindi ko lang napapansin.” Paano naman niya mapapansin kung di niya laging kasama si Miyong? Habang ang dalawa naman ay laging magkasama. “Masyado lang malaki ang tiwala ko sa kanila. Siguro kasalanan ko rin ang nangyari.”
“Anong kasalanan mo? Ikakasal na kayo ni Miyong, di ba?”
Malungkot siyang ngumiti. “Dahil gusto ng nanay ko. Dahil gusto niya na mag-asawa na ako para mabigyan siya ng mga apo.”
“Hindi mo ba siya mahal?”
“Mahal.” Di lang niya alam kung ano ang mas matindi – ang pagmamahal niya dito o ang pagmamahal ni Irene.
“Mahal mo siya pero di iyon ang primary reason bakit mo siya pakakasalan?”
Bigla siyang nakadama ng guilt. Paano kung iyon ang pakiramdam ni Miyong? Na hindi ang pagmamahal niya dito ang dahilan kung bakit sila magpapakasal? “Masama ba akong tao? Niloko ko ba siya?”
“Not really. Ang masama pakakasalan mo siya under false pretense. Kunyari hindi mo siya mahal.” Nagsalubong ang kilay nito. “Sandali. Humahanap ka ba ng butas para huwag magalit sa kanila? Masyado ka naman yatang mabait.”
“They are my friends still. Nangyari na ang nangyari.”
“Kahit na nasasaktan ka?”
“Kaya ko naman ang sakit. Masakit lang sa akin na nasasaktan ang nanay ko para sa akin.” Tinakpan niya ng palad ang mukha at di mapigilang umiyak. “Takot na takot ako para sa nanay ko. Paano kung nawala siya sa akin?”
Nakakatakot palang mag-isa. Ang mawala ang mga taong mahalaga sa kanya. Aalis ba ang mga ito sa mundong iyon nang di man lang napasaya ang taong mahal niya?
Siguro ay miserable si Miyong sa relasyon nila. Masyado siyang umasa na sapat nang mas mahal siya nito. Hindi niya naitanong sa sarili niya kung masaya ito sa kanya.
At ang nanay niya na walang ibang hinangad kundi ang magkapamilya siya ay di rin niya napagbigyan. At hindi niya alam kung mapagbibigyan pa niya. Kaya pa ba niyang makahanap ng tulad ni Miyong? Isang taong tatanggapin siya?
Kinabig siya ng yakap ni Zach at kinabig ang ulo niya para humilig sa dibdib nito. “It is okay to hurt. It is okay to cry.
“Zach, ayoko ngang umiyak,” protesta niya at pilit na kumawala dito. Ayaw niyang maramdaman ang yakap nito. Nanghihina siya.
Kailan ba ang huling pagkakataon na umiyak at nasaktan siya? Nang umalis si Zach na galit na galit sa kanya. She just wanted to run after him. Sino ang mag-aakalang sa muling pag-iyak niya ay ito ang yayakap sa kanya?
“You are a strong and good woman, Briella.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Everything will be okay. I will make sure that it will be okay.”
Hindi na siya kumawala pa sa yakap nito. She wanted to be okay. She wanted him to chase the hurt away. Sa kabila ng luha niya ay ngumiti siya.
Sana ay di ito umalis sa tabi niya kahit na maging okay pa siya.
“KAIN lang ng kain. Nagutom ka siguro, no?” sinubuan ng damo ni Gabriella si Malakas, ang alaga niyang kalabaw. Bumalik siya ng bahay para linisin ang bahay para sa pag-uwi ng nanay niya kinabukasan. May clearance na ito mula sa doktor pero hindi muna ito pinalabas ni Zach para daw tiyaking magaling na ang nanay niya. Hindi pa rin ito umalis kahit na tiniyak niyang kaya na nilang mag-ina.
“Poso pa rin pala ang gamit ninyo dito,” sabi ni Zach nang lapitan siya.
“Whoa!” bulalas niya nang makitang nakapantalong maong lang ito at walang suot na pang-itaas. Paanong hindi siya masa-shock? Ipinarada nito ang kakisigan nito sa harapan niya. kahit ang matandang kalabaw ay mai-insecure dito. “B-Bakit nakahubad ka?”
“Nag-igib ako. Pinuno ko iyong mga lalagyan ninyo ng tubig.” Kaswal lang itong humalukipkip at sumandal sa puno ng niyog. “May ipapagawa ka pa?”
Pagbihisan na kaya niya ito para hindi na tumulo pa ang laway niya at hindi na mabahiran ng kamunduan ang isip niya?
“Pakainin mo na lang si Malakas. Kaya mo ba?”
“Well… iyon lang ang gagawin ko? Susubuan siya ng damo?”
Tumango siya. Oo nga pala. Sa Stallion Island ay may sariling tauhan ang stable na mangangalaga sa mga kabayo nito. “Hindi naman choosy iyang si Malakas. Basta kwentuhan mo lang siya. Papasok na ako sa loob.”
Ipinilig niya ang ulo. Kailangan niyang malinawan ang utak niya. Kailangan niyang tanggalin ang agiw sa kukote niya. Tiningala niya ang kisame. Saktong-sakto. Magtatanggal na lang siya ng agiw. Matagal-tagal na rin palang di nakakapag-general cleaning doon.
Ginamit niya ang mataas na tuntungan para maabot ang agiw sa kasuluksukan. Subalit di sapat ang tangkad niya at ang haba ng walis para maabot niya ang agiw. Tumingkayad siya at pilit na inabot ang agiw. “Kaya ko ito. Kaunti na lang maaabot ko na…”
Concentrated na concentrated siya sa ginagawa nang marinig niyang sumigaw si Zach. “Hey! Watch out!”
Tumili siya sa gulat at nawalan ng balanse. Sinubukan niyang humawak subalit huli na. Naramdaman na lang niyang bumabagsak siya. She felt so helpless. Sobrang malas naman niya. Iniwan na nga siya ng boyfriend niya, mababalian pa siya ng buto.
Inaakala niyang babagsak na siya sa matigas na sahig nang may matipunong bisig na sumalo sa kanya. “What the hell do you think you are doing? Bakit ka nag-aagiw kundi mo naman kaya? Paano kung nalaglag ka?”
“Nalaglag na nga ako,” aniya sa nanginginig na boses. Gusto niya itong sisihin. Gusto niyang magwala pero wala naman siyang lakas. “Dati naman akong naglilinis dito.”
“Paano kung hindi kita nasalo?”
“Dapat lang na saluhin mo ako kasi ikaw itong nanggugulat. Wa-watch out-watch out ka pa.”
Ibinaba siya nito subalit nangunyapit siya sa leeg nito. Di pa niya kayang tumayong mag-isa. Hinapit nito ang baywang niya. “You are shaking.”
Paanong hindi siya manginginig? Muntik-muntik na siyang bumalabag sa sahig. Tapos ang sasalo pa sa kanya ay isang aroganteng lalaki… na nakahubad at pawis na pawis ang buong katawan. Zach was not sweaty in a yucky way. Lalaking-lalaki pa nga ang dating nito. Makisig na makisig. At ayaw na niyang bumitiw sa pagkakayakap sa leeg nito. Sa mga bisig na lang kaya siya nito forever?
“Okay lang ako.”
Ito ang lalaking kailangan niya. Ang sasalo sa kanya kapag nalaglag siya. Ang aalalay sa kanya kapag mahina siya. At okay lang na pagsawaang singhutin ang bango nito at dumikit sa muscles nito.
“No. You are not.”
He enslaved her senses in a hungry and wild kiss. Sa halik na iyon ay nakalimutan niya ang takot na nararamdaman niya. Okay lang sa kanya kung bitiwan siya nito pero hindi siya papayag na maghiwalay pa ang mga labi nila. Hindi niya pagsasawaan ang halik nito kahit na habambuhay pa siya nitong halikan.
“I think you are more than okay now,” he whispered sensually.
Okay nga ba siya? Hindi niya alam. Parang lalo lang kasi siyang nahilo. Parang bumagsak siya sa bangin at walang sasalo sa kanya. At wala siyang pakialam kung wala mang sumalo sa kanya.
That kiss made her lose her head. At hindi siya okay. Wala na bang part two ang halik na iyon? Part three? Part four?
Hinawakan nito ang balikat niya at bahagya siyang inilayo dito. “Ako na ang mag-aagiw, ha? Iba na lang ang gawin mo.”
TUmango siya na parang isang masunuring bata. Anong gagawin niya kundi siya mag-aagiw? Tititigan at pagnanasaan ang katawan nito? Papangarapin na lang ang halik nito? O kaya ay huwag na lang itong mag-agiw. Magpapahalik na lang siya.
Ano bang tinatakbo ng utak niya? Kahihiwalay lang nila ng nobyo niyang si Miyong. Hindi pa nga siya nakaka-recover. Isusubo na naman ba niya ang puso niya sa mas malaking gulo? Minsan na niyang iniyakan si Zach. Taon ang inabot bago siya naka-recover. Baka siya naman ang ma-heart attack kapag nagpadala siya sa halik na iyon. Mukhang balewala naman ang lahat kay Zach.
“M-Magluluto na lang ako.”
Hindi pa handang sumugal ang puso niya. Pagdating kay Zach, mas malaki ang probability na mabigo siya. Hindi pa siya nahihibang. Kahit na magaling itong humalik at masarap itong yumakap. Hindi pwedeng bumigay ang katinuan at ang puso niya.
“TALAGANG bagay na bagay si Zach dito sa anak ko,” pagmamalaki ng nanay niya kay Zach sa mga kaibigan nito na dumalaw. “Member pa iyan ng Stallion Island. Alam ba ninyong maraming babaeng nagkakandarapa diyan?”
“Naku! Ayos lang naman pala na hindi nagkatuluyan si Gabriella mo at si Miyong. Mas malaking isda naman pala ang nahuli niya,” sabi ng kapitan ng baranggay nila at humalakhak.
“Magkaibigan lang po kami ni Zach,” paglilinaw niya at pilit na ngumiti sa nanay niya. “Parang nanay lang po talaga ang turing niya sa nanay ko.”
Ayaw niyang masyadong umasa ang mga tao sa ilusyon ng nanay niya. okay lang naman sa kanya na tuksu-tuksuhin sila ni Zach kapag walang ibang tao. Pero ibang usapan na kapag kumalat na sa buong baranggay at bayan ang tungkol kay Zach. Maaring nagbabangong-puri sila dahil sa ginawa ni Miyong. Pero ayaw naman niyang mapahiya ulit ang nanay niya kapag hindi naman sila nagkatuluyan ni Zach.
Iniwan niya si Zach na nakikipagkwentuhan sa mga bisita ng nanay niya. “Maswerte po ang kahit na sinong lalaki na maging girlfriend si Briella. Iyon pong mga contestant sa Stallion Shampoo Makeover Challenge hangang-hanga sa kanya.”
“Sikat na pala ang anak mo at may boyfriend na sikat,” sabi ng asawa ng kapitan. “Hindi na rin naman tumatanda si Gabriella. Sana naman magkaapo ka na. Tiyak na magaganda at guwapo ang mga apo mo.”
“Wala pong problema sa akin. Si Briella lang naman po ang hinihintay ko,” sabi ni Zach at tuwang-tuwa naman ang nanay niya.
Tumambay siya sa kusina at nagkunwaring nag-aayos doon hanggang makaalis ang mga bisita. Bwisit na Zach iyon! Namomoroblema na nga siya kung paanong i-downplay ang mga ilusyon at pagbo-broadcast ng nanay niya tungkol sa kanila. Tapos ay nakikisalo pa ito.
Kapag hindi nagkatutuo ang ilusyon ng nanay niya at napahiya silang mag-ina sa mga tao, ibibitin niya nang patiwarik si Zach sa puno ng bayabas sa tapat ng sapa nila. Palalagyan niya ng piranah para makaganti siya.
“Kailangan mo ng katulong sa paghuhugas ng plato?” tanong ni Zach nang samahan siya sa kusina.
“Huwag na. magpahinga ka na lang dahil mukhang napagod ka sa pag-e-entertain,” aniya at hindi ito nilingon.
“Galit ka ba sa akin?” tanong nito at inilapag ang pinagkainan ng bisita sa lababo. “Dadaigin mo ang haba ng ilong ni Pinnochio sa haba ng nguso mo.”
Hawak niya ang sandok na may bula pa ay hinarap niya ito. “Ano bang gusto mong palabasin sa pakikisakay sa nanay ko?”
“Hindi ko pwedeng ipahiya ang nanay mo sa harap ng mga kaibigan niya.”
“So mas okay lang na mapahiya kaming mag-ina kapag may girlfriend ka nang totoo? Sige.”
“Bakit? Imposible ba na maging totoong boyfriend mo ako?”