“Okay. Naghahalusinasyon ka na rin katulad ng nanay ko.”
Kinokontrol lang ni Gabriella ang ngitngit kay Zach. Nasobrahan na yata ito ng simpatya sa nanay niya. Iniisip ba nito na dahil sa pagmamahal niya sa nanay niya ay makikisali siya sa takbo ng kukote ng mga ito. That would be a recipe for disaster. A mega disaster.
“Hindi ako naghahalusinasyon,” giit nito.
Inambaan niya ito ng sandok. “Zach, tigilan mo na ako. Pupukpukin talaga kita nito para tumino ‘yang kukote mo.”
His face became solemn. HInawakan nito ang kamay niya at kinuha ang sandok mula sa kanya. “Briella, I know that you are still hurting. Hindi naman kita pipilitin na mag-boyfriend agad. Gusto ko lang mawala ang sakit na nararamdaman mo. Huwag mong masyadong ikulong ang puso mo sa sakit.”
Napanganga siya habang pinakikinggan ang speech nito. “Ano bang nakain mo? May nasagap ka bang virus sa ospital? O baka naman tinungga mo gamot ni Nanay at kung anu-anong sinasabi mo?”
Hindi nito pinansin ang mga tanong niya. Hinapit nito ang baywang niya at isinandig sa katawan nito. She was enchanted when he caressed her face as if she was someone precious. Ano bang ginagawa ni Zach sa kanya? Nalulunod siya sa mga mata nito. Unti-unti nang naglaho ang anumang protesta niya.
With Zach acting like this, she simply couldn’t think of anything else. Si Zach lang ang mundo niya. Hindi na niya kailangan pang mag-isip ng anuman.
“I know that you are hurting right now. And I promised to make everything okay. Kung kinakailangang gamitin mo ang katawan ko para makalimutan mo si Miyong at ang kataksilan niya, handa akong magpagamit.”
He took her lips in a hot and mind-robbing way. Handa daw itong magpagamit sa kanya pero parang siya naman ang sunud-sunuran sa bawat demands nito. Isa siyang alipin dahil ang bawat suhestiyon at galaw nito ay malugod naman niyang sinusunod. At anumang ibigay nito ay handa siyang tanggapin.
While kissing her ex-boyfriend Miyong was like a task. Parang takot na takot nga itong halikan siya. She didn’t mind before.
But Zach was different. He was consuming all of her. Bakit kailangan pa niya itong gawing sex slave kung mas magaling itong master? Kung anuman ang di niya natutunan sa relasyon nila ni Miyong ay ito ang nagpuno.
“Ano ito? naaawa ka sa akin?” may himig ng galit niyang tanong.
“Hindi ako naaawa sa iyo. Concerned lang ako. Iba ka na sa kilala kong Gabriella. I just want you to live your life again.”
“sa pamamagitan ng ano? Pagiging sex slave mo?”
Umiling ito. “No. I think it is the other way around. Okay lang sa akin na maging sex slave mo.”
Hindi niya alam kung ngingiti sa offer nito. Aba! Maswerte ang kahit sinong babae na alukin ni Zach na alipinin ito. At ipokrita siya kundi niya sasabihin na nate-tempt siya sa offer nito.
Pero hindi naman siya mababang klaseng babae. Emotional ang problema niya. Hindi magagamot ang nararamdaman niya ng mga halik lang ni Zach o ng katawan nito. Hindi naman iyon lang ang habol niya dito.
“Zach, hindi joke ang nararamdaman ko. Mukhang mali ka yata ng pagkakakilala sa akin. Moderno siguro akong mag-isip at malayo sa mahinhin mong si Maria Clara pero hindi ako liberated. Sa palagay mo pa makaka-get over ako sa lahat ng pinagdaanan ko kapag ginawa kitang sex slave ko?”
“Hindi lang naman isang beses. Hanggang maka-recover ka. Okay lang naman iyon kung boyfriend mo ako. I don’t really mind. Pero kung pananagutan mo ako, mas maganda.”
Magandang-maganda ang ngiti nito. Parang isa itong guwapong salesman o ahente na nang-aakit ng customer. Sa pagkakataong ito ay libre lang ino-offer nitong serbisyo. At mukhang hindi lang basta-basta biro ang offer nito. Relasyon na ang inaalok nito. Isang mas permanenteng relasyon. And she get to decide what to choose. Naglalayag na ang katinuan niya. She wished she could easily grab it. Kung ganoon lang kasimple ang lahat.
“Ginagawa mo ito dahil matutuwa ang nanay ko?” tanong niya.
“No. I am doing this for us.” Hinaplos ng daliri nito ang pang-ibabang labi niya. “You can’t deny that there’s this intense attraction between us. Noon pa ito. Unang beses pa lang tayong nagkita naramdaman ko na iyon. Pero ang alam ko conservative ka kaya pinigilan ko ang sarili ko. But we are consenting adults now. I respect you still, Briella. But I am not holding back anymore. Hindi ko nga lang basta-basta kukunin ang gusto ko. I am giving you a chance to act according to your preference. I won’t mind as long as you are mine.”
Heat spread through her. This was the ultimate seduction. Isang relasyon at kapalit niyon ay si Zach. It was too good to be true. He was the ultimate Prince Charming. Lahat ng hahanapin ng isang babae sa isang lalaki ay nandito na. Kahit sinong babae ay oo agad ang sagot sa offer nitong alipinin ito.
Subalit dapat ay di siya basta-basta magpadala. This was Zach. Siguro ay naaawa ito sa kanya at sa nanay niya. Siguro nga ay attracted ito sa kanya pero hindi ito ang lalaking basta-basta lang nagpapadala sa atraksiyon. He was a serious type of guy. Ang gusto nito ay isang matinong relasyon sa babaeng gusto nito. Sa isang babaeng apo ni Maria Clara.
Binasa niya ang labi niya. “Paano si Teresa? Siya ang gusto mo, di ba?”
“Kailan ko naman sinabing gusto ko si Teresa?” Pinisil nito ang baba niya at umangat ang gilid ng labi. “You are just delaying the inevitable, Briella. Noon pa lang hinalikan kita, ni hindi mo naalala si Zach. You must really have a thing for me. Wala na si Miyong ngayon. You are free.”
Nangangati na ang kamay niya na haplusin ang pisngi nito at halikan ito. Ibig sabihin ay pumapayag na siya sa ino-offer nito. O sasabunutan niya ang sarili niya dahil kailangan niyang matauhan. Masyadong maganda ang panaginip na ito.
Mariin siyang pumikit at kinuyom ang palad. “Ewan ko sa iyo! Mababaliw na ako sa iyo! Baliw!” aniya at nagdadabog na iniwan ito sa kusina. Kailangan niyang lumayo habang may katinuan pa siya.
May sapi lang si Zach. Hindi ito totoong attracted sa kanya. Hindi siya nito gustong maging girlfriend o asawa.
“Pwede kang tumakbo sa ngayon, Briella. But I will always haunt you.”
He knows. Alam nito kung gaano siya kahina pagdating dito. Mukhang kinulam yata siya nito at alam nitong manipulado na nito ang damdamin at isipan niya. “Maghugas ka ng plato bago mo ako i-haunt!”
MAASIM ang mukha ni Gabriella habang pinapanood kung paanong pagkaguluhan si Zach ng mga kababaihan sa baryo niya. Di lang mga dalaga ang nagkakagulo kundi pati ang mga hiwalay na sa asawa. Bawat isa ay gustong maagaw ang atensiyon nito. Pinagpastol lang niya ito ng kalabaw kanina at pinasama sa katiwala nila para maipasyal sa bukid. Dadalhan sana niya ito ng miryenda pero ito lang pala ang eksenang maaabutan niya. Parang artista ito na dinudumog.
“May girlfriend ka na ba, Zach?” tanong ng kababata niyang si Liwayway na may tatlong anak na iba-iba ang ama. At malakas ang loob nitong makihaplos sa dibdib ni Zach at pinapungay pa ang mga mata. Mukhang target nito si Zach para maging pang-apat na lalaki sa buhay nito.
Lumingon sa kanya si Zach. “Briella, may girlfriend na ba ako?”
She bit the inside of her cheek. Nang-iinis ba ito? Kahapon lang ay inaakit siya nito. Tapos ngayon ay kung kani-kanino itong babae nagpapahaplos ng dibdib. Hindi pa siya nito girlfriend. Pero kung iyon ang sasabihin niya, tiyak na lulurayin ng mga babaeng iyon ang kaluluwa nito. Masisira ang puri nito. At ang masaklap, baka kay Liwayway pa ito mauwi. Kargo de konsensiya pa niya iyon.
“Oo. Ako,” nakataas ang kilay niyang sabi. “At uuwi na tayo.”
“Ay! Uuwi na kayo?” malungkot na sabi ni Liwayway.
Nakangiting lumapit si Zach sa kanya. Hinapit nito ang baywang niya at kinintalan ng halik sa noo. “Pasensiya na kayo. May pagkaselosa talaga itong girlfriend ko. Ayaw niyang nilalapitan ako ng ibang babae.”
“Hindi naman siya selosa kay Miyong noon,” sabi ni Liwayway.
“Kaya nga naagaw ng iba kasi hindi selosa,” wika naman ni Selya na matandang dalaga na. “Saka di naman kasi kaselos-selos si Miyong. Itong bago niyang boyfriend pagkaguwapo-guwapo. Parang artista!”
Mahinang tumawa si Zach. “Hindi naman masyado.”
Siniko niya ito. “Pa-humble ka pa diyan. At hindi ako selosa!” wika niya sabay punta kay Malakas. Dali-dali siyang sumampa doon.
Inaasahan niyang kokontrahin siya ni Zach subalit sa halip ay sumakay ito sa likuran niya. “Kaya pa naman tayo ng kalabaw mo, di ba?”
“Eeeee! Parang sa Stallion love team talaga sila!” tili ng isang teenager na mukhang tagasubaybay ng Stallion Boys.
“Kalabaw kaya ‘to. Hindi naman kabayo,” usal niya at pinalakad si Malakas. Pati ang mga tao doon ay nadadala sa kaiilusyon.
“Sabihin na lang natin na iyon ang promdi version,” sabi ni Zach sa kanya at yumakap sa baywang niya.
“Hindi mo ba ako papagalitan dahil nakasakay ako sa kalabaw?” tanong niya.
“Aha! You are itching for a fight. Gusto mong magalit ako para maaway mo ako at lalo mo akong sisihin sa mga babaeng lumapit sa akin kanina.” Ikinatang nito ang baba sa balikat niya. “Okay lang sa akin na sumakay ka kay Malakas basta kasama ako. Ganoon din kapag sasakay ka ni Alps Rider. Dapat nandoon din ako para tiyakin ko na safe ka, girlfriend.”
Sinadya nitong idiniin ang salitang “girlfriend”. “Seryoso ka ba doon? Na maging girlfriend ako?”
“Hindi ba ikaw ang nagsabi sa kanila na girlfriend na kita?” Bumuka ang bibig niya para mangatwiran pero inunahan na siya nito. “Huwag kang aangal. Hahalikan kita sa harap ng maraming tao,” banta nito.
“Ginawa ko lang iyon para protektahan ka. Baka mamaya mapunta ka doon kay Liwayway. Bisita ka namin kaya kailangan mo rin kitang alagaan.”
“Excuses! Excuses!” anito at bahagyang lumayo sa kanya. “Gusto mo ba akong maging boyfriend o hindi. Kung hindi, hindi na talaga kita pipilitin. Babalik na rin ako ng Stallion Island. Hahayaan na kita. Sasabihin ko sa nanay mo na ayaw mo sa akin.”
“Kailangang magdesisyon ako ngayon na? Hindi naman madali iyon, Zach. Marami pa tayong kailangang malaman sa isa’t isa. Kung magkakasundo tayo.”
Bumuntong-hininga ito at inalalayan siyang bumaba kay Malakas. Ipinasok nito sa silungan si Malakas at saka siya hinarap. “Kilala na natin ang isa’t isa. We always clash but we can’t keep our hands off each other. Briella, ilang taon na ba tayong nagkalayo? Eight? Sa dinami-dami ng babaeng nakilala ko, ikaw lang ang kaya kong tagalan kahit na hindi pa ikaw ang babaeng hinahanap ko. At naging masaya ka rin ba nang mawala ako sa buhay mo?”
“No,” awtomatiko niyang sagot at huli na para bawiin niya. Nagagawa niya ang lahat ng gusto niya. Naabot niya ang pangarap niya pero laging may kulang. Si Zach lang ang pumupuno sa kulang sa buhay niya. Mabigat sa loob kung aaminin niya pero kailangan niyang sumugal. “I admit. Minsan iniisip ko kung mali ang naging desisyon ko nang piliin ko ang pangarap ko kaysa sa iyo.”
Hinawakan nito ang balikat niya. “So ako rin pala ang iniisip mo?”
“Kaya guilty na guilty ako noong halikan mo ako. Kasi ni hindi ko naisip si Miyong. That was unfair. Bakit ba kapag ikaw ang concerned, parang lagi akong mali kapag hindi ikaw ang pinipili ko?”
Hinaplos ng likod ng palad nito ang pisngi niya. “Because we are right for each other. Kahit parang mali tayo para sa isa’t isa, sinasabi ng puso natin na tama iyon.”
“Pero hindi ako ang Maria Clara mo. Kung iniisip mo na ako ang Gabriella na kasulatan mo, hindi ako iyon.”
“Ano? Na ka-penpal ko si Tita Monette at ginamit lang niya ang pangalan mo?” Nagkibit-balikat ito. “Sinabi niya sa akin sa ospital pa lang kung ano ang totoo. Kaya nga mas nakumbinsi ako na ikaw talaga ang gusto ko. Ang totoong Gabriella at hindi ang babaeng kasulatan ko.”
“Seryoso ka?” Sumikdo ang dibdib niya. Iyon ang matinding kinatatakutan niya. Subalit hindi pa rin siya iniwan ni Zach.
“Yes. I love you no matter who you are. At kapag pinakawalan mo pa ako ngayon, tingnan ko lang kundi ka lumuha ng bato.”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay humalakhak siya. “Sobrang yabang mo talaga! But I love you, Zach!” wika niya at tumingkayad saka inangkin ang labi nito.
“So we are officially together now?” Zach asked with a teasing smile. “Pwede na ba nating i-announce sa lahat?”
Tumango siya. “Oo. Kahit ipagkalat mo pa sa mga tsismosa dito. Okay lang sa akin.” She felt genuinely happy. Marami siyang alalahanin pero hindi na iyon mahalaga. Si Zach lang ang mahalaga sa kanya.