“Anak, tiyak na maiinggit ang mga kumare ko kapag tumapak tayo sa Stallion Island. Magkaka-boyfriend pa ba kahit man lang ang Ninang Lilian mo?”
Excited sa pag-eempake ang nanay niya. Isasabay nila ito ni Zach papuntang Stallion Island. Isasama din ni Zach ang Ninang Lilian niya. Mas makakapag-relax nga naman ang nanay kung nasa ibang lugar.
Ikinatuwa nitong malamang boyfriend na niya si Zach. Katakot-takot na payo ang ibinigay ng nanay niya sa kanya para daw hindi siya iwan ni Zach. Puro tango na lang ang ginawa niya. wala na siyang inaalala pa kay Zach. Di tulad dati na parang isang malaking balatkayo ang nakikita nito sa kanya, alam na ni Zach kung ano ang totoong siya at tanggap na siya nito.
Iyon ang masarap sa isang relasyon. Wala na silang alinlangan sa isa’t isa. Kaya nilang tanggapin ang pagkatao ng isa’t isa. Na-overcome nila ni Zach ang malaking pagsubok na iyon.
Naramdaman niyang may nakatingin sa kanya sa labas. Nang tumingin siya sa labas ng bintana ay napansin niyang may babaeng nakatayo sa gate. “Irene!”
Dali-dali siyang lumabas ng bahay. Pinuntahan siya ng kaibigan niya. Gaano na ba katagal mula nang di ito nagpakita sa kanya?
Nang makarating na siya gate ay naglalakad na ito palayo. Bagsak ang balikat nito at parang bigong-bigo. Tinawag niya ito. “Irene!”
Masaya ito nang lumingon subalit biglang nilukuban ng lungkot. “Gabriella…” Yumuko ito. Natatakot marahil ito na magalit siya.
“Halika. Pumasok ka sa loob,” yaya niya dito. “Hindi mo ba kasama si Miyong?”
“H-Hindi,” anito at mabagal ang lakad na sumunod sa kanya. “Naiwan siya sa bahay. Ako lang ang nagpunta dito. Hindi niya alam na nandito ako.”
“Kumusta ka na?” tanong niya sa magaang boses. “Gusto mo ba ng maiinom? Kumain ka na ba? Nagluto ako ng turon.” Paborito kasi ni Zach ang turon na may langka. Sa kabusugan nito ay nakatulog ito. “Upo ka.”
Nanatili itong nakatayo habang magkasalikop ang palad. Ilang na ilang ito. samantalang dati ay tuloy-tuloy lang itong nakakakapasok sa kuwarto niya. And guilt was written all over her face. “Huwag ka nang mabait sa akin, Gabriella. Lalo lang akong nagi-guilty. Magalit ka na lang sa akin. Mas matatanggap ko pa.”
Nalungkot siyang umabot sila sa ganoong puntong magkaibigan. “Galit ako noong una. Nasaktan ang nanay ko. Idinala siya sa ospital. Okay lang sa akin na saktan ninyo ako pero huwag ang nanay ko.”
Humagulgol ito ng iyak. “Hindi ko naman ito gustong mangyari. Ayokong saktan kayo ni Tita. Pero mahal ko si Miyong.”
“Kailan pa?”
“Mga bata pa tayo. Kaya lagi ko siyang ipinagtatanggol sa mga umaapi sa kanya. Pero ikaw ang mahal niya. kahit na pakiramdam niya minsan hindi mo siya mahal, nagtiis ako. Alam ko na pagbalik mo, magpapakasal na kayo ni Miyong. Hindi ko naman siya gustong agawin sa iyo. Gusto ko lang maiparamdam sa kanya na mahal ko siya. Bago man lang kayo ikasal. Hindi ko naman gustong malaman mo pero hindi ko naman alam na mabubuntis ako.”
Hindi niya magawang magalit habang pinakikinggan ang kwento ng kaibigan niya. Tama ito. Nagsakripisyo ito para sa kaligayahan niya. Pero ni minsan ay hindi man lang siya naging sensitive sa mga bagay na nagpapasaya dito. Sa huli, siya pa rin ang inisip nito. Gusto lang nitong maramdaman na mahalin ng lalaking mahal nito kahit minsan lang.
Hinila niya ang kamay nito at pinaupo sa upuan. “Gusto ko lang naman malaman kung mahal ka rin ni Miyong.”
Marahan itong tumango. “Mahal ka daw niya pero mahal din niya ako. Kahit na mas mahal ka niya, okay lang sa akin. Basta mahal ko siya.”
Ngumiti siya. “Mahal ka niya kaya ikaw ang pinili niya. Pwede ka naman niyang takasan, di ba? Pwedeng di ka niya panagutan. Pero walang mangyayari sa inyo kundi ka niya mahal.”
“P-Pero nalulungkot lang siya noon dahil pakiramdam niya hindi mo siya mahal.” Pinahid nito ang sariling luha. “Sinasabi mo lang iyan para gumaan ang loob mo.”
“Kundi ka man niya mahal ngayon, for sure mas mamahalin ka niya kaysa sa akin pagdating ng panahon. Naging selfish ako. Hindi naman mahalaga sa akin kung mahal ko si Miyong noon o hindi. Alam ko lang mahal niya ako. At kapag pinakasalan ko siya, mapapasaya ko ang nanay ko. Ni hindi ko naisip na baka may ibang babae pa na pwedeng magpasaya sa iyo. Magiging miserable lang kami pareho kung natuloy ang kasal namin.”
Nakatulala lang ito sa kanya nang matapos siya. “Ibig sabihin okay lang sa iyo kung kami man ni Miyong? Pero kasalanan namin kung bakit inatake sa puso si Tita. Tinraidor ka pa rin namin.”
“Si Nanayi9big mismo ang nagsabi na patawarin ko na kayo. Mga kaibigan ko pa rin kayo ni Miyong kahit na anong mangyari. Ang mahalaga lang naman sa akin maging masaya kayong dalawa. Masaya ba kayo?”
Tumango at niyakap siya. “Thank you, Gabriella. I am sure matatagpuan mo ang lalaking magpapasaya sa iyo.”
Mahina siyang tumawa. “Natagpuan ko na ulit siya. Nandito si Zach ngayon.”
Tumili ito. “Talaga?” Tinutop nito ang bibig. “K-Kayo na ba?”
“Noong isang araw lang. Kaya wala ka nang aalalahanin, ha? Alagaan mo ang magiging anak ninyo ni Miyong. Siguro maiilang kayo sa mga tao pero masasanay din kayo. Babalik din ang pagkakaibigan natin sa dati.”
Hindi nawala ang ngiti niya nang makaalis na si Irene. Nangako ito na dadalaw sa kanya at babawi kapag nakabalik na silang mag-ina mula sa bakasyon sa Stallion Island.
“Ibig sabihin wala ka na palang iisipin sa bakasyon natin.”
Gulat niyang nilingon si Zach na nakatayo sa pinto ng kuwarto nito. His hair was mussed. Nakasando at shorts lang ito habang nakayapak. Bakit guwapo pa rin ito kahit na messy itong tingnan? “Okay na kami ni Irene. Sasabihin na lang daw niya kay Miyong. Mukha namang masaya siyang dalawa.”
Lumapit ito at hinawakan ang dalawang kamay niya. “Ano kaya ang nangyari kung hindi nagtanan sina Miyong at Irene?”
“I don’t know. Miserable si Irene dahil ikakasal na kami ni Miyong. Tapos siguro hindi kami magiging masaya ni Miyong.”
“And I will be forever miserable. Hindi rin ako magkakaroon ng chance na ma-realize na ikaw talaga ang gusto ko.” Niyakap siya nito at ibinaon ang mukha sa buhok niya. “I am glad that I have you now. At excited na akong ipagkalat sa lahat na ikaw ang girlfriend ko.”
“Masa-shock tiyak ang mga tao doon. Baka isipin nila nasisiraan ka ng bait.”
“I don’t care! Masaya akong kasama ka. Mapapasaya ba nila ako kapag naging matino ako sa paningin nila pero di naman ikaw ang girlfriend ko?”
Tiyak na may bonus na kiss si Zach sa kanya mamaya. Hindi siya nagsisising sumugal siya. Ayaw na niyang bumalik sa buhay niya nang wala si Zach.
“MANTAKIN MO! Kayong dalawa rin pala ang magkakatuluyan,” sabi ni Trick na kasama nilang nagmiryenda ni Zach sa Lighthouse Restaurant. Shock na shock ang mga members ng Stallion Island nang i-broadcast ni Zach sa buong isla ang relasyon nilang dalawa.
Paglapag ng isla ay nakaakbay na si Zach sa kanya. Halos ayaw nang umalis sa tabi niya. Naiilang pa rin siya hanggang ngayon pero masaya naman siya dahil ipinagmamalaki siya ni Zach bilang nobya nito.
“Kayo ba ni Vix magkakatuluyan na?” tanong ni Zach kay Trick.
Tumayo si Trick. “May kailangan lang akong ayusin. Have a great time!” sabi nito at tumalilis agad. Mukhang lumalala ang sitwasyon nito at ni Vix.
“Ilang araw lang tayong nawala pero marami nang nangyari,” nag-aalalang sabi niya kay Zach.
Bumungad agad sa kanya ang balita ng pagkakagulo sa pagitan ng mga contestants ng Stallion Shampoo Makeover Challenge at ng popular na grupong Sirens. Nilait-lait ng leader ng mga Sirens na si Merian de Vera ang mga contestant, dahilan para depensahan ng mga ito ang mga sarili. At masama pa ay sumugod ang Sirens dahil inakala ng mga ito na ang dahilan ng problema sa relasyon nina Vix at Trick ay ang contestant na si Carmilette.
Nadamay si Vix sa gulo kahit na kung tutuusin ay inosente. Subalit mukhang lumala lang ang hidwaan sa pagitan nito at ni Trick.
“Mabuti na lang hindi na tayo kasali sa gulo,” sabi niya kay Zach at naglakad-lakad sila sa may batuhan. “Ayoko namang magbakasyon dito ang nanay ko at si Ninang pero puro gulo naman ang maririnig nila.”
“Sana mag-enjoy sila sa pamamasyal sa yate.”
Kasama ang Papa ni Zach pati ang iba pang kapamilya nito, namasyal ang nanay niya at ang ninang niya. Mas maganda daw iyon dahil baka mailang ang dalawa kapag puro mga bata ang nakapaligid. Mabuti na rin iyon para makilalang mabuti ng nanay niya ang pamilya ni Zach.
Napansin niyang may dumaan na e-jeepney. “Teka! Si Miss Amie iyon at kasama ang papa mo,” aniya at itinuro pa ang sasakyan kahit dumaan na.
Biglang lumingon si Zach. “Really? Nandito si Miss Amie at Papa? Pero…” Nagdilim ang mukha nito. “Si Mama…”
Tiningala niya si Zach. Naramdaman niya ang matinding galit na kinikimkim nito. Iilang beses lang niyang nakitang ganito ang itsura ni Zach. Ang unang beses ay nang mahuli siya nito sa rally. Hinawakan niya ang braso nito. “Inaalala mo ba na nagde-date ang Papa mo at si Miss Amie?”
“Si Papa makikipag-date?” He lips curved in a sarcastic smile. “Nah!”
“Inaalala mo bang ipagpalit niya ang Mama mo? I can’t really blame you. Kahit ako loyal ako sa tatay ko kahit ilang taon na siyang patay. Ayaw kong may ibang manliligaw sa nanay ko.”
“Kalokohan ang ginagawa ni Papa kung ganoon.”
Sa halip na kumalma ito ay mukhang mas sumama ang timplada nito. “Mahal na mahal mo siguro ang Mama mo. I admire your loyalty.”
“Halika! Mukhang dumating na ang yate. Magdi-dinner pa tayo kasama sila.”
May dumating na text message sa kanya. “Eksakto lang pala. Bumalik na tayo sa Guesthouse. Babalik na daw ng Manila si Miss Amie.” Hinawakan niya ang balikat nito Zach. “Huwag ka nang mag-alala. Malay mo makakakuha ako ng impormasyon kung talagang nagde-date sila.”
“It’s okay. Don’t fret too much about it.” Ibinulsa nito ang mga kamay sa pantalon at pilit na ngumiti. “I am fine. Really. Huwag mo na lang kausapin si Miss Amie tungkol dito. Baka naman wala lang iyon.” Bigla na lang itong tumawa. “Masyadong workaholic si Papa. Walang oras mag-date iyon. Nagkasabay lang siguro sila sa e-jeepney. Silly me.”
Subalit halata pa ring dinidibdib nito ang nakita. Masyado yata itong nag-aalala para sa Mama nito. “Zach, close siguro kayo ng Mama mo.”
“Noong bata pa ako.”
“You never told me about your mother. What caused her death? Ni wala pa akong nakikitang pictures niya.”
Kahit ang ninang niya na nanilbihan sa pamilya ni Zach ay walang maikwento tungkol sa nanay ni Zach. Basta ang alam niya ay namatay ang nanay ni Zach noong sampung taon lang ito.
“Isang araw sasabihin ko sa iyo ang tungkol kay Mama. Okay?”
“I really want to know her. Kahit na wala na siya.”
Tumigil sa paglalakad si Zach at hinawakan ang kamay niya. “Briella…”
“Hmmm…” aniya at tiningala ito.
Kinabig siya nito palapit sa katawan nito at niyakap siya nang mahigpit. “Promise that you won’t leave me this time. No! Swear to me. Stay with me forever. Please say it!”
Pinangapusan siya ng hininga sa higpit ng yakap nito. This was the same Zach who held her years ago. The same Zach who was afraid to lose her. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang takot nito. Parang takot itong maiwang mag-isa. She didn’t want to lose Zach either but his emotions were more fierce.
“I swear. I will stay with you forever.”
Sa pagkakataong ito ay wala nang urungan. Wala nang pwedeng maghiwalay sa kanila ni Zach.