Stallion Island Series Chapter 174

“Wow! Blooming ka ngayon! Mas maganda ka ngayong boyfriend mo na si Zach kaysa kay Miyong. Parang sobrang saya mo,” puna ng isa sa matagal nang staff na si Bianca kay Gabriella. Bumalik na siya sa trabaho niya sa Bangon Kababaihan at puro magaganda ang puna sa kanya.

Naramdaman din niya iyon sa sarili niya. Mas normal na sa kanya ang ngumiti kahit nasa Stallion Island. Hindi na isang lugar iyon na tingin niya ay ginagawang sex slaves ang mga kababaihan. Isa na iyong lugar na mahal ng lalaking mahal niya at kung saan naroon ang mga kaibigan nito.

“May boyfriend ka ba naman na Stallion Island hunk. Paanong di ka gaganda?” biro naman ni Mariel na kasabayan din niyang pumasok. “Kung di ako nag-asawa, sana Stallion hunk din ang asawa ko.”

“Manlibre ka naman, Ma’am,” kantiyaw ni Aejhay. Hindi naging matagumpay ang affair nito sa ka-date nitong waiter sa Stallion Island. May pinagselosan kasi itong babae kaya umuwi itong luhaan.

“Si Zach ang bahalang manlibre pagbalik natin ng Stallion Island. Ang alam ko gusto ng mga village lords na i-treat tayo.”

“Bongga! Pang-village lord ang ganda ko,” excited nitong sabi.

Nang pauwi na siya ay saka siya nilapitan ni Miss Amie. “How are you, Gabriella? Does Zach treat you well?”

“Opo. Sobrang lambing niya at maasikaso.”

Naramdaman niya ang pagmamahal sa kanya ni Zach. Parang isang prinsesa ang turing nito sa kanya. Sadyang ganoon daw ang mga Stallion Boys kapag na-in love. Kahit na makantiyawan pang under the saya minsan ay hindi nahihiya.

“Hindi ka ba niya sinasabihang mag-resign na dito?”

Umiling siya. “Naku! Hindi po. Alam ni Zach na masaya ako sa trabaho ko.”

Hindi na nila kailangan pang mag-usap ni Zach. Kung tinanggap siya nito bilang siya, malamang ay tanggap din nito ang trabaho niya. Masaya siya sa trabaho niya kaya igagalang nito kung saan siya masaya.

Niyakap siya nito nang mahigpit. “I am really glad, hija. Kasi sa wakas nakatagpo siya ng babaeng katulad mo. I can see that Zach is a very lonely man. Oras na para maging masaya siya.”

Ano ang alam ni Amie kay Zach? Baka naman nalaman nito tungkol sa tatay ni Zach. Nagde-date nga kaya ang mga ito?

“Kayo po ba hindi nalulungkot? Kasi po marami kayong taong pinagsisilbihan pero iba pa rin kapag may personal pong nagmamahal sa inyo.”

Sinapo nito ang dibdib. “My heart is already committed to someone.”

“Kanino po?”

She gave her a knowing smile. “Baka nasa labas na ang sundo mo. May meeting ka pa sa Atlantis TV, di ba?”

“Opo. Pero bukas na daw po iyon.”

Si Quillian na isang TV producer ay gusto siyang konsultahin sa isang woman oriented show. May nag-leak ng picture nila ni Zach sa internet habang nagkakape sila sa Greenbelt. Doon na lumabas ang mga balita tungkol sa kanya. At dahil sa nai-ambag ng grupo nila sa Stallion Shampoo Makeover Challenge ay ibang klaseng respeto ang ibinigay sa kanila ng mga tao.

Nakatanggap siya ng text message mula kay Zach na naghihintay na ito sa labas ng gate. Subalit paglabas niya ay hindi si Zach ang naabutan niya kundi mga kababaihang nagpoprotesta at galit na galit sa kanya. May dalang plackard ang mga ito at may karay-karay pang mga reporters Nangunguna sa mga ito si Merian de Vera at ang iba pang miyembro ng Sirens.

“You are a fake! Ginamit mo lang ang pagiging feminist mo para makapasok sa Stallion Island at akitin ang mga boys namin,” pangunguna ni Merian. “Nakakahiya ka! Hindi ka dapat pinupuri. Dapat sa iyo binabato ng kamatis!”

Bilang hudyat ay naglabas ng kamatis ang mga ito at binato siya. Hindi siya nakagalaw mula sa kinatatayuan. Ang nagawa na lang niya ay iharang ang braso sa mukha niya. “S-Sandali! Makinig muna kayo sa akin!”

Anong nangyayaring ito? Bakit bigla siyang naging masama? Sanay siya ng nagpoprotesta pero hindi siya sanay nang siya ang kinakalaban. Kapwa pa mandin niya babae ang mga ito. Sa bawat pagtama ng kamatis sa kanya ay nasasaktan ang puso niya. Ito ba ang makukuha niya matapos niyang ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan?

Sa gitna ng kalituhan niya ay naramdaman niyang may yumakap sa kanya. “Ano bang ginagawa ninyo sa girlfriend ko?” galit na bulyaw ni Zach. “Kapag hindi ninyo tinigilan si Briella, ipapupulis ko kayong lahat.”

She suddenly felt safe. Kanina ay nakaramdam siya ng takot. Ngayong nandito na si Zach ay wala na siyang dapat ikatakot. Ni hindi man lang nito inalantana na nadumihan ang designer business suit nito at di rin nito inintindi kung maging unpopular man ito sa mga fans nito.

Biglang tumigil ang mga ito at binitiwan ang mga kamatis. Nagulat na lang siya nang biglang humagulgol si Merian. “Ano bang nakita mo sa babaeng iyan? Kami naman ang tunay na nagmamahal sa iyo.”

At parang baliw naman na nagsisunuran ang iba sa pag-iyak. Hindi niya alam kung totoo ang luha ng mga ito o palabas lang iyon para sa press.

“She’s the woman I love. Whoever hurts her will answer to me.”

NAHILO siya sa kalalakad ni Zach sa harapan niya. Kausap nito ang ka-miyembro nitong si Audric sa telepono ukol sa reklamo nito tungkol sa mga protestors sa pangunguna ng kapatid ni Audric na si Merian.

His face became grim when the conversation ended. “Hindi pwede ang nangyayari na ito.”

Nasa condo siya nito sa Makati. Doon na sila naligo at nagpalit ng damit. Hindi na maganda ang mood nito kahit nang makaligo na sila.

“Tapos na iyon, Zach. Sa palagay ko hindi na sila uulit. Natakot na sila sa iyo.” Nakita niya kung gaano kaseryoso si Zach sa banta nito kanina. Kundi pa umalis ang mga protestors ay dadating na ang mga pulis. Ilegal ang naturang rally at nanakit pa ang mga ito.

Sa palagay ni Zach ay nagalit si Merian sa pagkakasuspinde nito sa Stallion Island. Kaya siya ang napagbalingan nito. Kahit sa labas ng Stallion Island ay kontrabida pa rin ito.

“This is not okay!” giit ni Zach at tumigil sa harapan niya. “Mag-quit ka na sa para maprotektahan ang pangalan mo pati na rin ang grupo ninyo.”

Nagulat siya sa utos ni Zach. “You want me to quit? Iniisip mo ba na kasiraan ako sa grupo ko?” may hinanakit niyang tanong. “Sanay na ako sa mga paninira, Zach.”

“But not like this one. They want to discredit you. Sa susunod baka pati ang ibang mga women-oriented groups sumali na rin sa pagpoprotesta. Mas mabuti nang umiwas sa gulo.”

Ibinuka niya ang mga palad. “That’s preposterous! Wala akong pakialam sa opinyon nila. GInagawa ko nang tama ang trabaho ko.”

“Pero nasasaktan ka na! Paano kung wala magpatuloy ang mga rally na iyon. Mabuti na lang nandoon ako kanina kundi dinumog ka na nila. Paano pala kung wala ako doon?”

“Kamatis lang naman ang ibinato nila sa akin,” kaswal niyang sabi.

Noong una lang naman siya nasakta. Pero kalaunan ay tumibay na ang loob niya. Wala siyang ginagawang masama. Si Zach ang dahilan kung bakit siya sinisiraan. Hindi niya iiwan si Zach. Pero di rin naman niya pwedeng iwan ang mismong trabaho niya.

“Kamatis lang ngayon. Paano kung bomba na sa susunod?”

Nakangiti niyang hinaplos ang nakakunot nitong noo. “Zach, I love my job. It’s part of who I am. Kung aalisan mo ako ng trabaho, paano na ang buhay ko?”

“you don’t have to work. Marry me. Maraming babae naman diyan ang nakakapagsimula ulit ng panibagong buhay.” Hinapit nito ang baywang niya. “Kung mas private ang trabaho mo, hindi mo na kailangang ma-experience ang nangyari kanina. Mas madali rin kitang mapoprotektahan.”

“I will marry you, Zach. But not like this. Ano bang nangyayari sa iyo?”

His face became grim. “I just want to protect you.”

Naglaban ang mga mata nila ni Zach. Pwede nitong hinging pakasalan ito bukas. Pero di niya isusuko ang trabaho niya para dito. “Thanks. But this is important for me. Kung mahal mo ako, maiintindihan mo ako.”

“Bakit ako hindi mo maintindihan?” tanong nito at tinalikuran siya.

She felt bad. Gusto lang siyang protektahan ni Zach. Kapakanan lang niya ang iniisip nito. Naramdaman niya ang takot nito kanina. Pero dapat ba talagang isuko niya ang trabaho niya? Paano kung dahil dito ay mawala na naman ito sa kanya? Anong pipiliin niya kapag umabot sa puntong iyon?

MAGULO pa rin ang isipan ni Gabriella. Ilang araw nang malamig ang pakikitungo sa kanya ni Zach. Kapag tinatanong niya kung ano ang problema ay sinasabi nitong pagod ito. But she knew better. Nagtatampo ito dahil mag-resign siya sa trabaho at hindi niya ito pinagbigyan.

She thought it was just impulsive in his part. Pero mukhang seryoso ito. She had been receiving hate mails now. Karamihan ay mula sa mga fans ng Stallion Boys. She was becoming less and less popular.

Wala naman siyang pakialam sa ibang tao. Ang mahalaga lang sa kanya ay si Zach. Dapat na ba siyang mag-resign o ipaglaban pa rin niya kay Zach ang trabaho niya? kaya ba niyang isuko ang bagay na pinaghirapan niya para sa lalaking mahal niya?

Sa mga ganoong pagkakataon ay si Miss Amie lang ang pwede niyang hingan ng payo. For sure ay maliliwanagan siya kapag nakausap ito. Bumalik siya ng opisina dahil alam niyang hanggang alas otso ng gabi naglalagi si Miss Amie doon.

Tuloy-tuloy siya sa opisina nito. Natigilan siya sa pagpasok sa pinto nang makita niyang kausap nito si Zach. Anong kailangan ni Zach dito?

“Please release Briella. Dapat magsimula na siya ng bagong buhay. Her job here is not doing her good anymore. Ginagamit na nila ang trabaho niya dito para lalo siyang sirain.”

Ganito na ba katindi ang pag-aalala ni Zach para sa kanya? Na kinailangan pa nitong pakiusapan ang superior niya para lang protektahan siya?

Pinagsalikop ni Amie ang palad. “Hindi ako ang pwedeng magdesisyon niyan, Zach. You should talk to Gabriella.”

“She won’t listen to me. I am sure makikinig siya sa iyo. I want her out. You owe me that. She’s my happiness.”

Sumandal siya sa dingding at nagtago mula sa dalawa. Mukhang hindi lang siya ang isyu dito. Parang mas malalim pa doon. Mga bagay na hindi niya alam. What did Amie owe to Zach? Dahil ba girlfriend na ito ng papa ni Zach at bilang kapalit ay kailangang bumawi naman si Amie?

“I will do anything for you, Zach. I will even give my life for you if you want to. Pero sa pagkakataong ito hindi ka mapagbibigyan,” madamdamin subalit may katigasang sabi ni Amie.

“Ayoko nang magtrabaho siya dito. Kapag napahamak pa siya, it would be your fault. And I will never forgive for that!” singhal ni Zach.

Nagulat siya sa bulalas na iyon ni Zach. Hindi nito pwedeng basta-basta na lang sigawan ang taong nirerespeto niya. Dali-dali siyang pumasok sa opisina. “Zach, ano sa palagay mo ang ginagawa mo? Kung ayaw ko mang umalis sa trabaho o kung mapahamak man ako, huwag mong sisihin si Miss Amie.”

“Gusto kong sagipin ang relasyon natin,” anang si Zach sa malamig na boses at malamig din ang mga mata nito nang lingunin siya.

Ano ito? Kapag hindi siya nag-resign ay maghihiwalay sila? “What’s this, Zach? Akala ko ba nagkakaintindihan na tayong dalawa? Na mahal ko ang trabaho ko at hindi ko ito iiwan.”

“You are telling me that you love me but you don’t want to resign.” Kumurba sa isang sarkastikong ngiti ng mga labi nito. “Pero nang hingin sa iyo ni Miyong na iwan mo ang trabaho mo, handa mong gawin para sa kanya kahit na hindi mo siya mahal.”

“Ginawa ko lang iyon para kay Nanay,” katwiran niya.

“At hindi mo iyon pwedeng gawin para sa akin?”

Mariin siyang pumikit. Ayaw niyang mapasubo kay Zach. Hindi ito ang inaasahan niyang kahahantungan ng relasyon nila. “Zach, akala ko naiintindihan mo ako at ang trabaho ko.”

“As my future wife, I don’t want to put you in this kind of danger. Marami ka namang pwedeng maging trabaho. Pwedeng tulungan kitang magtayo ng sariling negosyo. Maaalagaan mo ang nanay mo pati kami ng magiging mga anak natin. Mas gusto mo ba sa trabahong ito kung saan hindi kami ang priority mo? Ilalagay mo pa kami ng mga anak mo sa peligro. Paano kung mawala ka? Paano kung mawala kami? Wala ka na lang gagawin?”

There was fear in his eyes and anguish. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang takot at galit na iyon. But it was eating him alive.

Ginagap niya ang dalawang kamay nito at pinisil. “Zach, hindi iyon mangyayari. Hindi ko kayo ipapahamak ng magiging mga anak natin. Huwag mong sabihing nag-o-overreact ka dahil lang sa simpleng batuhan ng kamatis?”

“I am not overreacting. Kundi ka aalis sa trabaho mo, mangyayari iyon.”

Ikinulong niya ang mukha nito sa palad niya at pilit na hinuli ang mga mata nito. “Imagination mo lang iyan. Hindi mangyayari iyon. Okay?”

“Imagination? Sana nga imagination ko lang iyon.” Tumango ito sa direksiyon ni Amie. “Why don’t you ask your precious Miss Amie? Kung paano niyang iniwan kami ng Papa ko para sa trabaho niya. Na-kidnap na ako at muntik mamatay pero hindi pa rin niya iniwan ang trabaho niya. How about that for a good mother?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.