Stallion Island Series Chapter 177

“Freezia, ni hindi man lang niya ako hinalikan kagabi. Baka daw may makakita sa amin. Sino naman makakakita sa amin sa verandah ng cottage niya? Sirena? Syokoy? Paniki? Bakit ayaw niya akong halikan? Ganoon ba ako kapangit?”

Halos sumabog na ang tainga ni Freezia sa mga sentimyento ng pinsan niyang si Vix tungkol sa nobyo nitong si Trick. Nasa Paradiso sila, ang orchid garden sa Stallion Island na ipinagawa ng miyembrong si Jairon para sa nobya nitong si Xandie.

Isang horticulturist siya. Bukod sa malawak na flower farm ng pamilya niya sa bayan ng San Martin ay siya ang official horticulturits ng Stallion Island, isang exclusive riding and leisure club kung saan guwapo, sikat at mayayamang kalalakihan lamang ng bansa ang maaring maging miyembro. Ang nakatatandang kapatid niyang si Noah ay miyembro din doon. Isa naman itong ikebana expert at pag-aari nito ang Island Bloom na isang flower boutique.

Inabutan niya ito ng bote ng mineral water. “Uminom ka at kumalma ka, Ate. Baka ma-depress ang mga orchids dito dahil sa iyo. Mawalan pa ako ng kliyente. Halik lang pinoproblema mo pa?”

“Importante ang halik sa isang relasyon. Ano iyon? Magtititigan lang kami.”

Itinuon ulit niya ang atensiyon sa pag-aalis ng mga bulok na dahon sa butterfly orchids. “Iniingatan lang niya ang reputasyon mo. You are a respectable woman. Ikaw lang ang inaalala niya.”

Humalukipkip ito. “Huh! Reputasyon? Mas masama yata kung malaman ng ibang tao na di man lang niya ako mahalikan. Halik sa noo. Halik sa pisngi. Puro ganoon. Hindi ko siya lolo at hindi niya ako apo!”

“Anong gusto mo? Huwag ka niyang irespeto?”

Nakakaloka talaga! Madalas niyang makita na ang mga lalaki ang may deperensiya pagdating sa relasyon. Na masyadong demanding minsan o kaya naman ay babaero. Kung tutuusin ay maswerte ang pinsan niya dahil mabait at faithful ang nobyo nitong si Trick. Pero di dahil mabait at faithful pala ang isang lalaki ay magiging kontento na ang isang babae dito.

“Kahit ano gawin niya basta iparamdam lang niya sa akin na gusto niya ako at mahal niya. Na hindi ako pangit! Na aakit-akit ako. Ano ba ang masama sa isang torrid kiss? Iyong ibang members dito nahahalikan nila ang girlfriend nila in public dahil proud sila at mahal sila.”

“Baka gusto niyang maikasal muna kayo.”

Nasapo nito ang noo. “Paano kapag kasal na kami? Baka hindi pa niya ako bigyan ng accesss sa hot niyang katawan. Hanggang kailan ba ako magiging virgin?”

Tumuwid siya ng tayo at tinanggal ang guwantes. “Alright! Napo-pollute na ang utak ng mga halaman at bulaklak dito. Pwede bang hayaan mo akong magtrabaho nang matiwasay. At pwede bang i-spare mo ang mga halaman dito dahil kung tao lang sila, nahihiya na sila sa pinagsasasabi mo.”

Namaywang ito. “Dear, ikaw na lang inosente dito. Active ang reproductive system ng mga halaman dito. Malamang pinagtatawanan ka pa rin nila hanggang ngayon dahil wala ka pa ring boyfriend. Tinatakot mo kasi ang mga lalaki dito dahil kinakausap mo ang mga halaman.”

She stuck her tongue out. “Kailangan kong makipag-communicate sa mga halaman. Living things din ang mga ‘yan. Mas gusto ko naman silang kausapin kaysa kay Cody. Bwisit talagang lalaki iyon.”

Isang paraiso sana ang Stallion Island at kasundo niya ang halos karamihan ng miyembro at empleyado doon maliban kay Cody. Oh, yes! Sa kasamaang palad ay may naligaw na impakto sa paraiso. Isa na itong sikat na international supermodel at miyembro doon. At gaya nang dati, wala itong ginawa kundi inis-inisin siya. Nagtataka talaga siya kung bakit sa dinami-dami ng mga kababaihan sa mundo ay siya ang napag-iinitan nito.

Pilit na hinuli ni Vix ang mga mata niya. “Bakit napunta kay Cody ang usapan? Di ko naman siya binabanggit. Hanggang ngayon talaga may gusto ka pa rin kay Cody. Di ka maka-get over.”

Nanlaki ang mata niya. “Ate, pinsan ba kita o alagad ka ni Cody? Pwede ba? That’s so ten years ago. Matagal nang nabagok ang ulo ko. Igagaya mo pa ako sa mga babaeng nabubulagan sa kanya.”

Humalukipkip ito. “Basta ang alam ko, the more you hate, the more you love,” tukso nito at tinapik ng daliri ang pisngi niya. “Paano iiwan na kita sa mga halaman dito? Mabuti na lang di sila nakakapagsalita. Kasi I am sure alam naman nila na deep inside your heart, you still have the hots for Cody. Goodluck pala. Kadarating lang ni Cody kasama ang ibang friends niyang model.”

Tuluyan nang nasira ang mood niya dahil nabanggit si Cody. Ni hindi na siya napangiti pa ng mga orchids na inaasikaso niya.

She really didn’t know why he still had the power to affect her this much. Dahil na rin sa kadidikit nito sa kanya ay kumakalat sa buong isla na may gusto siya dito. Pati ang pinsan niyang luka-luka ay iyon din ang iniisip. Ano bang kapangyarihang mayroon si Cody para makumbinsi ang mga ito? Di dahil playboy si Cody, lahat na lang ng babae ay pwedeng masilaw sa mapang-akit na ngiti nito.

Ipinilig niya ang ulo nang maisip ang mga ngiting iyon na parang nanghihipnotismo. Iniligpit na lang niya ang gamit at bumalik sa villa ng Kuya Noah niya para mag-shower at magpalit ng damit para sa tanghalian. Siguro bibili na rin siya ng librong pwedeng makatulong sa pinsan niyang si Vix para matapos ang problema sa nobyo nito at nang di na nito itukso pa si Cody sa kanya.

Sakay ng e-jeepney ay nagpahatid siya sa bookstore. Nadaanan niya sa mesa sa labas niyon si Illiana. Ang Kuya Illac nito na isang social entrepreneur ay miyembro ng Stallion Island. Kasama nito si Jazzmire, ang kakambal ng miyembrong si Julian Veron Yun.

“Hey!” untag niya sa dalawa at tinapik ang balikat ni Jazzmire na kuntodo singhot sa jar. “May new creation ka ba, Illiana? Isasama ba ito sa launching?”

Tumango si Illiana at ini-offer ang isang jar sa kanya. “That’s my new strawberry body butter I told you about. And this is my mango body butter.” May sarili nang line ng organic beauty products si Illiana at ito ang nagsu-supply sa Island Spa ng Stallion Island at sa iba pang sikat na spa.

But Illiana wanted to make it bigger. Kaya sa tulong nila ni Jazzmire ay binuo nila ang Human Loves Nature na isang line ng organic products na affordable para sa lahat. Gusto nitong maging seryoso sa commitment nito na i-promote ang organic products na nakakatulong sa kalikasan at gusto rin nila na mga Filipino farmers at mahihirap na Filipino ang makikinabang. Umaasa silang magiging successful iyon dahil magaganda at world-class ang mga products ni Illiana.

“I feel like a woman,” kinikilig-kilig pang sabi ni Jazzmire na bagamat isang Chinese doll ay kayang-kayang hamunin ng martial arts si Jet Li.

“Nagugutom ako,” sa halip ay komento niya nang maamoy ang mango body butter. Parang gusto na lang niyang kainin iyon sa sobrang bango.

“Sa palagay mo ba maaakit na sa akin si Andreev kapag sinubukan ko ‘to?” nagniningning ang matang tanong Jazzmire. For the first time ay nagkainteres si Jazzmire sa isang lalaki matapos itong manalo sa isang dating game kung saan si Andreev Montinola ang featured bachelor. At kahit sinasabi nitong naiinis ito sa lalaki ay paminsan-minsan naman itong nagpaparamdam na interesado ito kay Andreev. Di kaila sa buong isla na itinakda na ang kasal nina Jazzmire at Andreev mga bata pa lang ang mga ito. Kuntodo tutol si Andreev habang ang babaeng kayang-kayang paiyakin nang sabay-sabay ang mga kapatid at pinsan nitong lalaki ay siya pang nanunuyo kay Andreev. Ang biru-biruan tuloy ay natatakot si Andreev na magulpi din ni Jazzmire kapag kasal na ang mga ito at maging under the saya.

“Sa palagay ko ito ang kailangan ni Ate Vix,” aniya at sinubukang kunin ang strawberry scented body butter pero ayaw naman iyong pakawalan ni Jazzmire.

“Bakit kailangan pa niya ito? Di na niya kailangang akitin ang boyfriend niya. Patay na patay sa kanya si Kuya Trick,” sabi ni Jazzmire.

Hinaplos ng daliri niya ang dulo ng kilay niya. “Masyadong conservative si Kuya Trick. Ni hindi man lang daw siya mabigyan ng isang halik.”

“Hindi lang products ko ang kailangan ni Ate Vix kung ganoon.” Sinenyasan siya ni Illiana na sumunod at pumasok ng bookstore. Idinala siya nito sa isang section at ikina-shock nila ni Jazzmire nang iharap ni Illiana ang libro.

“The Art of Kamasutra?” sabay nilang bulalas ni Jazzmire.

“Parang mga teenager kayo,” nakapamaywang na sabi ni Illiana. “Hindi na kayo menor de edad. Come on! Don’t tell me inosente pa rin kayo sa ganito. As if naman mabubuntis kayo kapag nagbasa kayo niyan.”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Pagdating sa ganyang mga bagay, protective pa rin sa akin si Kuya Noah. Akala ata niya nene pa rin ako.”

“It is high time that we learn things that a woman should know,” nakahalukipkip na sabi ni Illiana. “Sabi nga ng seductive goddess na si Kaetria Mosqueda, a woman should explore her sensuality. At itinuturo ng art na ito ang tungkol sa sensuality.”

Kinuha ni Jazzmire ang libro. “Oras na siguro para matuklasan ko ang mga bagay na ito. Wala naman kasi akong pakialam sa mga romance-romance na ‘yan dati.” Humalakhak ito. “Tingnan ko lang kundi bumagsak si Andreev sa alindog ko.”

“Paano kung di mo pa rin siya maakit si Andreev?” tanong niya.

“Hahampasin ko siya ng libro sa mukha saka itatali ko siya at pipikutin. Pero ayoko namang umabot kami sa pwersahan at madugong paraan kaya sa sensuality muna ako,” sabi ni Jazzmire. Mukhang tinamaan nga yata ito kay Andreev. Ang dating walang pasensiyang dalaga ay naging pasensiyosa dahil sa pag-ibig.

Nagkibit-balikat siya. “You are right. Baka ito na nga ang kailangan ni Ate Vix.” Pinsan naman niya ang gagamit doon at hindi siya kaya okay lang.

“Hindi ka bibili ng ganyan para kay Cody?” nanunuksong tanong ni Jazzmire.

“Hindi na kailangan,” nakaingos niyang sagot at pumila sa counter. May isa pang manukso sa kanya tungkol kay Cody ay hahampasin talaga niya ng libro.

“Oh! Ibig sabihin expert na siya dito,” nanlalaki ang matang sabi nito at humagikgik. “Way to go!”

“Hindi ako interesado sa expertise niya dito. At wag mo nang babanggitin pa ang pangalan ni Cody. May kamalasang dala ang pangalan ng lalaking iyon. Baka lalo mong di maakit ‘yang si Andreev.”

Biglang natutop ni Jazzmire ang labi. Dahil may lahing Chinese ay natataranta ito kapag narinig ang salitang malas. Mapamahiin kasi ito.

Sana ay iyon na ang huling dinig niya sa pangalan ni Cody. At talagang ipinagdadasal niya na masagip pa sana ang nalalabing sandali sa araw na iyon.

NAGKUKUMAHOG na nagpaalam si Freezia kina Jazzmire at Illiana. Late na siya sa lunch kasama ang Kuya Noah niya. Sermon na naman ang aabutin niya.

“Mukhang walang e-jeepney,” sabi ni Jazzmire na naunang lumabas ng bookstore para ihatid siya sa sakayan. Oras na ng tanghalian kaya malamang mahirap na makahanap ng e-jeepney.

“Meron,” sabi niya at dali-daling pinuntahan ang nakaparadang e-jeepney nak kababalik pa lang ng driver. “Manong Rudy, pahatid naman po sa Windy Café.”

“Ma’am, pasensiya na po. Service po ako ngayon buong araw.”

“Ihahatid natin siya, Mang Rudy,” sabi ng boses sa likuran niya.

Nagtayuan ang lahat ng buhok niya sa katawan nang marinig ang boses ni Cody. Her living nightmare was here. Kapag nga naman minamalas siya.

Isang maasim na ngiti ang ibinigay niya nang lingunin ito. Parang isang malaking tidal wave ang sumalpok sa dibdib niya nang masilayan ang kaguwapuhan nito. It took her a second to recover.

Iniwas niya ang tingin dito. “Salamat na lang sa malasakit,” sarkastiko niyang sabi. Mas gugustuhin pa niyang maglakad at matusta sa init ng araw kaysa makasama ito sa isang sasakyan. Suicide ang tawag doon.

Kinalabit siya ni Jazzmire. “Huwag ka nang umayaw. Hindi ba si Cody ang lalaking matagal mo nang hinihintay?”

Tumikwas ang kilay niya dahil sa tukso nito. Kundi lang niya ito kaibigan ay baka nahampas niya ito ng bag sa mukha. “Kung naging bulaklak pa siya ng katuray, baka matuwa pa ako sa kanya.”

Naghalakhakan ang mga lalaking bagong dating. Nagtatangkaran at nagguguwapuhan rin ang mga ito tulad ni Cody. Mukhang mga kasamahan nitong model ang mga iyon. “May isang babaeng magsasabi na mas appealing ang bulaklak ng katuray kaysa sa legendary hunk na si Cody Santillia?” kantiyaw ng isa sa mga ito.

Sa halip na magalit ay tumawa lang din si Cody. “Lambing lang ‘yan sa akin ni Freezia. Sanay na ako. At parang di ninyo kilala ang mga babae. Kunyari galit ‘yan sa atin pero kinikilig naman tuwing inaaway tayo.”

“Grabe! Lakas ng hangin dito. Tinatangay ang buhok ko,” pasaring niya.

“Maganda ka naman kapag tinatangay ng hangin ang buhok mo. You look like a fairy,” komento ni Cody at hinaplos ang buhok niya.

Natigagal siya sa sinabi nito. Nahigit niya ang hininga nang haplusin nito ang buhok niya at ilapit ang mukha sa kanya. Ano ba ‘tong lalaking ito? Nilikha ba ito para mang-akit ng babae? Binabara na nga niya ito pero parang wala pa ring epekto dito. And he could get back at her like a huge wave. His eyes sparkled with mischief but that was also part of his attraction.

“Ang sweet naman ninyong dalawa,” tukso ni Jazzmire sabay tulak sa kanya.

Nawalan siya ng balanse at bumangga ang katawan niya kay Cody. Nasubsob ang mukha niya sa dibdib nito. napahawak siya sa braso nito. Sa matipuno nitong braso. At alam niyang sa ilalim ng damit nito ay matipuno ang dibdib nito. And he smelled masculine and earthy. Di niya mapigilang langhapin ang bango nito.

Dumilat siya at inangat ang mga mata. Nanunukso ang ngiti sa labi nito nang magsalubong ang mga mata nila. “Sabi na nga ba mahuhulog ka rin sa akin.” Kasunod niyon ay ang palakpakan at kantiyawan ng mga lalaking kasama nito.

“Tigas talaga ng mukha mo!” singhal niya dito at muntik na itong tadyakan sa inis.

“Cody, kung pwede wag mo nang inisin si Freezia. Mapapagalitan siya ni Kuya Noah kapag na-late siya. Ihatid mo na lang siya sa Windy Café. Mukha walang e-jeepney na dadaan dito,” sabi ni Illiana.

Yumukod si Cody at inilahad ang palad sa direksiyon ng e-jeepney. “This way, my princess.”

Nakataas ang noo siyang sumakay ng e-jeepney at hindi na pinatulan ang pagtawag nito ng prinsesa sa kanya. She sat stiffly when he sat beside her.

Bigyan pa sana siya ng Diyos ng lakas ng loob para tagalan ang presensiya nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.