Stallion Island Series Chapter 19

Ipinatong ni Imhan ang kamay sa ibabaw ng lupa at saka tumingala sa langit. Iba ang pakiramdam niya nang maitanim na niya ang punla ng puno na iyon sa reforestation site. “Anong ginagawa mo diyan?” tanong ni Jayden. “Mukhang nagseseremonya ka pa diyan. Nakalimang puno ka na. Gusto mo pa?”

“Kinakausap ko si Mother Nature. Gusto ko lang mag-sorry sa mga pagsirang nagawa ko sa kalikasan bilang tao. At sana masimulan ko ang paghilom sa sugat na nagawa ko sa pamamagitan ng nagawa ko ngayon,” sabi niya.

Itinapat ni Jayden ang palad sa ulo niya. “Aba! Maganda ang naba-vibrate ko sa iyo. Ngayon lang kita narinig na magsalita ng ganyan.”

“May concern naman ako sa kalikasan kahit paano.”

“I mean whenever I discuss about renewable energy sources before, you just grimace. Parang di ka interesado sa mga project at vision ko.”

“Your vision is great and I agree with you. Pero dahil napipikon ako sa iyo, nagiging personal na ako minsan.” She smiled guiltily. “Lahat tayo may responsibilidad bilang tao. It is for our future. For our children.”

Pinagkiskis nito ang mga palad. “Mukhang gusto ko ang huli kong narinig na iyan. For our children. Dapat yata simulan na nating gawing project ang future at children natin. Kailan mo ba ako pipikutin? Naiinip na ako!”

She stuck her tongue out. “Asa ka pa!”

Paalis na sana siya nang habulin siya nito. “We still have one more tree. Tulungan mo naman akong itanim ito.”

“Okay,” aniya at binungkal ang lupang tataniman.

Nang maibaon na nila ang halaman at matabunan ay ginagap ni Jayden ang kamay niya. “I wish that nature will cherish this tree, the same way that I will cherish you in my heart. At habang lumalaki ang punong ito, sana mahalin mo rin ako, Imhan. At walang kahit anong deforestration ang makakasira no’n.”

Di pa man naitatanim ang punong iyon, nakatanim na si Jayden sa puso niya. “Hindi basta-basta mamatay ang punong ito.”

Parang anak nila ang punong iyon dahil pareho nilang itinanim ni Jayden. At gaya ng pagmamahal niya dito, itinanim nila ang punong iyon ng may pagmamahal.

Hindi siya makagalaw nang titigan siyang mabuti ni Jayden. The look in his eyes was so intense that caused her heart pound violently.

“Jayden, huwag mo akong titigan nang ganyan,” saway niya dito.

His face slowly moved towards her. She knew right away that a kiss would follow. Ipinikit na lang niya ang mga mata. Ngayon ay sigurado na siya sa nararamdaman niya para kay Jayden. Alam niyang di na sila naglalaro dahil mga puso na nila ang nag-uusap ngayon.”

Bigla siyang dumilat nang marinig ang mahinang click ang camera. “Sino iyan?” tanong ni Jayden at tinungo ang pinanggalingan ng tunog.

Di pa man nakakalapit si Jayden ay lumabas na si Prinzess at ang bestfriend nitong si Raeka. “Si Prinzess kasi! Palpak! Di pa sila tuluyang nagki-kiss,” paninisi ni Raeka dito. “Paano ka magiging magaling na photographer diyan?”

“Hoy!” madilim ang mukhang sabi ni Jayden. “Anong plano mong gawin sa mga pictures na iyan?”

Nag-peace sign si Prinzess. “Remembrance lang, Kuya.”

“Hindi! Ibebenta niya iyan sa internet. Tiyak na marami siyang kikitain lalo na kapag ikinalat pa niya sa diyaryo at sa mga bangketa,” kumpisal ni Raeka.

“Anong klaseng bestfriend ka?” paninisi ni Prinzess dito. “Titirisin kita.”

At naghabulan ang mga ito pabalik sa picnic area. Di naman mawala-wala ang pag-aalala sa mukha ni Jayden. “They are just kids.”

“Kids? Alam mo na ba kung ano ang kayang gawin ng mga bata ngayon? Kita mo nga si Prinzess! Gustong maging paparazzi. Okay lang naman sa akin na ipagmalaki sa lahat na ikaw ang babaeng gusto ko. I just don’t want to ruin your privacy. Our privacy. It is very important for me.”

“Can’t help it. Member ka ng Stallion Island.”

“I just want to be simply Jayden when we are together.” Kinintalan nito ng halik ang labi niya. “Iyon lang ang gusto kong mahalin mo sa akin.”

It was a simple task that she won’t mind fulfilling. Kung magugustuhan siya ni Jayden kahit pa naghihilik siya o kahit pa habang magulo ang buhok niya, kaya pa rin niyang tanggapin kung anuman ito bilang isang ordinaryong tao na labas na sa pagiging miyembro ng Stallion Island.

Si Jayden lang naman ang importante sa kanya. Just him. Ang importante sa kanya ay nagawa nitong mahalin siya kung ano siya.

“ANONG oras mo ba balak bumalik ng Stallion Island?” tanong ni Imhan nang ihatid siya ni Jayden sa ospital. Akala niya ay bumalik na ito kaninang umaga. Nagulat siya nang sunduin siya nito kinaumagahan para ihatid siya sa trabaho.

“Depende sa iyo. Sasama ka ba sa akin mamaya?”

“Sa Stallion Island?” Natawa siya. “You must be nuts. Jayden, may trabaho ako. Ikaw din may trabaho sa isla. Di naman pwedeng…” Matalim niya itong tiningnan para hulihin kung nangti-trip lang ito pero nanatili itong seryoso. “Talagang di ka babalik sa isla hangga’t di mo ako kasama?”

“Mami-miss lang kita kapag di kita kasama doon. Pikutin mo na kasi ako.”

Pinisil niya ang magkabilang pisngi nito. “Saka na kita pipikutin kapag kaya ko nang pantayan ang kayamanan mo. Magpapatayo pa ako sa sarili kong pharmacy.” Tinanggal niya ang seatbelt niya. “Huwag ka nang bumaba. May mga fans ka dito. Baka dumugin ka naman.”

“I love you,” usal nito at kinintalan siya ng halik sa labi. “I’ll meet you later for lunch.”

Di pa rin siya makapaniwala. Wala ba talaga itong balak bumalik ng Stallion Island hangga’t di siya nito kasama? Kung wala lang siyang trabaho, tatakas na siya kasama ni Jayden at pupuntang Stallion Island. Though it was tempting. Very tempting indeed.

Nang dumating siya ng pharmacy ay nagkukulumpunan na naman ang mga kasamahan niya sa halip na inuunang magtrabaho. Wala pang time kaya natural nang pampalipas-oras iyon ng mga iyon habang naghihintay.

Dali-daling lumapit sa kanya si Ching. “Ma’am Imhan, alam mo ba…”

“Tsismis iyan? Save your breath. Iyang tsismis at kadaldalan ang isa sa dahilan kung bakit may global warming ngayon. So spare me.”

Masyadong maganda ang araw niya para lang makisagap ng tsismis. Basta kasama niyang mag-lunch si Jayden mamaya. Masaya na siya doon.

“Imhan, wala si Ma’am Lou. Absent kahapon pa,” sabi ni Jinky.

“May problema ba sa mga imburses natin at resibo? Wala naman tayong emergency purchase, hindi ba?” tanong niya at binuksan na ang computer niya. Marami silang kailangang habuling trabaho sa araw na iyon.

“May sakit ang anak niya at naka-confine ngayon dito,” anang si Alyn.

“Ha? May anak siya?” bulalas niya. Paanong nangyari iyon? Ang alam nila ay old maid si Lou. Ni wala man lang silang nahalata.

“See? Nasorpresa ka din,” anang si Ching. “Kawawa nga iyong bata dahil may leukemia. Kailangan ng donor para sa bone marrow transplant.”

Nasapo niya ang dibdib niya. Bagamat di na daw nakakatakot na sakit ang leukemia, di pa rin biro iyon para danasin ng isang bata. Subukan kaya niyang magpa-test. Baka sakaling compatible sila ng bata. Gusto niyang mag-donate.

“Pwede nang magka-donor ang bata kung papayag lang iyong tatay,” sabi ni Jinky. “Kaso ayaw ni Sir Remus na mag-donate.”

Naningkit ang mga mata niya. “Siya ang tatay ng bata pero bakit ayaw niyang mag-donate?” Nasa-shock na siya sa mga natuklasan niya. Kaya ba madalas siyang sungitan ni Lou noon dahil si Remus ang ama ng anak nito?

“Ayaw nga niyang I-recognize iyong bata. Kaya naman ni Ma’am Lou na patunayang siya ang tatay. Ito pa ang masama. Ikaw ang sinisisi ni Sir Remus kung bakit ayaw niyang I-recognize ang bata. May suicidal tendency ka daw kasi kapag iniwan ka niya,” alanganing kwento ni Alyn.

Nakuyom niya ang palad. “Well, that’s not true!”

“Sabi nga namin may boyfriend ka nang taga-Stallion Island. Si Jayson Alden Arcega,” pagmamalaki ni Ching.

“Magtrabaho na lang tayo. Walang buting idudulot ang tsismis na iyan.”

Pero hindi pa rin siya matahimik. Isang bata ang nanganganib ang buhay pero parang siya pa ang nakakapigil. Bakit di pa niya nalaman ang katotohanan noon pa? Ayaw niya na masasangkot sa ganoong klaseng gulo. Kung kailan maayos na ang relasyon nila ni Jayden, saka pa siya magkakaroon ng ganitong problema.

Nang coffee break niya ay nagdesisyon siyang bumili ng prutas sa kalapit na supermarket at dalawin ang ward ng anak ni Lou. Nagulat siya nang makasalubong sa hallway si Lou. Bigla siyang naalangan. “M-Ma’am, dadalawin ko po sana ang… ang anak ninyo.” Inabot niya ang basket dito. “Pero malapit na po ang time namin…”

“Gusto mo ba siyang makita?” tanong nito.

Marahan siyang tumango. Pumasok sila sa kuwarto. Isang payat na bata na wala nang buhok ang mahimbing na natutulog. Maamo ang mukha ng bata pero bakas ang paghihirap sa anyo nito.

“Ten years old pa lang si Jan pero nagke-chemo na siya. My son is strong pero ako ang nanghihina sa pinagdadaanan niya,” malungkot nitong usal. Di ito ang masungit niyang boss nang mga oras na iyon. She was simply a mother.

“Ayoko sanang maging tsismosa, Ma’am. Pero si Doc Remus…”

“Yes! He is the father of my child! Ayaw pa rin ba niyang sabihin sa iyo? Ngayong alam mo na, I hope you won’t do anything drastic.”

“Like suicide? No! Di ako ganyang klaseng tao.”

Ibinaling ulit nito ang tingin sa bata. “It must be Remus’ ploy again. Gusto niyang takasan ang mga obligasyon niya sa bata. Ipinagbubuntis ko pa lang si Jan, gusto na niyang ipa-abort.”

Namutla siya. She hated men who couldn’t face their responsibilities. Handang pumatay ng isang inosente kahit pa sariling anak. “Pero binuhay mo siya.”

Marahan itong tumango. “Yes. Bata pa ako noon. Nasa States ako at pinag-aaral ng parents ko. Pamilya ni Remus ang tumutulong sa akin. Takot na takot ako dahil wala akong laban kay Remus. Isang kaibigan niya ang nagtakas sa akin sa abortion clinic at pinalabas niyang nagpa-abort nga ako. Thanks to Arvind. Inalagaan niya kami ng anak ko. But I lost Remus. Akala niya may relasyon kami.”

“Arvind Li?” Kaya siguro galit na galit si Remus kay Arvind. Hindi lang ito inagawan ng girlfriend sa pag-aakala nito. Arvind also destroyed Remus’ schemes.

“Iyon na lang ang pinalabas namin para maitago ko ang bata. Pinaalagaan ko sa isang kamag-anak ko ang anak ko at itinuloy ko ang pag-aaral ko. Gusto ko pagharap ko kay Remus, maipapamukha ko sa kanya ang lahat ng pagkakamali niya. But I am weak. Mahal ko pa rin siya. At ngayong nalaman niyang buhay ang anak namin, he hates me more. Ayaw niyang magkaanak hanggang ngayon. Sinabi niya na ikaw ang mahal niya at ayaw mo ring mawala siya sa iyo.”

Parang sasabog ang utak niya. To think na muntik pa niyang maging nobyo si Remus. Iyon pala naman ay may anak na ito na ngayon ay nangangailangan ng pagmamahal nito.

Umagos ang masaganang luha sa mata ni Lou. “So I am begging you. It must be painful for you to give Remus up…”

“For the record, he is not my boyfriend. At kung alam ko na may anak kayo, baka di ko siya nilingon man lang.” Naninikip ang dibdib niya sa sobrang galit. Bakit kailangan pa siyang isangkot sa gulong iyon? Inosente siya. Hinding-hindi niya ipagkakait sa isang batang may sakit ang ama nito. “I am sorry.” Ginagap niya ang kamay ni Lou. “Please believe me. Di ko sasaktan kayo ng anak mo sa kahit anong paraan. And this can’t go on.”

Nanginginig ang katawan niya nang lumabas sa ward ng bata. Nagkulong siya sa fire exit at tinawagan si Jayden. “Jayden, I need you now.”

SA FIRE EXIT pa rin siya pinuntahan ni Jayden. Parang ayaw na niyang umalis pa doon at magpakita sa mundo. Niyakap agad siya nito nang makita siya.

“Hey, what’s wrong?” tanong nito at hinaplos ang likod niya.

Kasama daw nito ang Mama nito sa pagdalaw sa mga pinsan nito sa Parañaque. Jayden literally had to fly to get to her.

Sa gitna ng paghikbi ay ikinuwento niya dito kung ano ang natuklasan niya. “Parang masama akong babae, Jayden. I somehow deprived that child of his father. Kung alam ko lang na may anak si Remus, di ko siya pinansin man lang.”

“Not your fault, Imhan. Di mo naman alam ang tungkol sa bata.”

“Pero ako ang ginagamit na pananggalang ni Remus para di niya magawa ang responsibilidad niya.” Mahigpit siyang humawak sa braso nito bilang suporta. “Anong gagawin ko, Jayden?”

Nagtagis ang bagang nito. “Gusto mo ba ako na ang sumitensiya? Namumuro na sa akin ang Remus na iyan.”

Marahan siyang umiling. Ayaw niyang pati si Jayden ay masangkot sa gulong iyon. “Simple lang naman ang gusto ko. Makumbinsi si Remus na tulungan ang anak niya sa kahit anong paraan.”

“Paano kung ikaw ang hingin niyang kapalit? Patay na patay pa rin iyon sa iyo.”

“Ano ang gagawin ko?” Gusto talaga niyang matulungan ang bata.

Ginagap nito ang kamay niya at kinintalan ng halik ang mga iyon. “Listen. Ito ang gagawin mo.”

TIYAK ANG bawat hakbang ni Imhan habang papunta sa opisina ni Remus. Sinalubong pa siya nito sa pinto nang sabihin ng sekretarya nito na naroon na siya. “This is a surprise. Hindi ko inaasahan na magpapakita ka sa akin. Iniwan ka na ba ng boyfriend mong taga-Stallion Island at babalik ka sa akin?”

Direkta niya itong tiningnan sa mata. “Remus, your ploy won’t work anymore. Huwag mo sana akong gamitin sa pagkatakas sa responsibilidad mo. Kailangan ka ng anak mo ngayon.”

Nagsalin ng brandy si Remus. Biglang natensiyon nang iyon ang tinungo ng usapan. “Imhan, I don’t want that child in the first place. Kung noong pa pumayag na siyang magpa-abort, wala sanang problema ngayon.”

Naningkit ang mata niya habang pinapanood ito sa pag-inom ng alak. She had never met such a despicable person before. “Doktor ka ba talaga? O kahit katiting ba tao ka? Ako nga na hindi kaano-ano ang bata, willing mag-donate ng bone marrow. Ikaw pa kaya na ama ng anak mo?”

Hindi siya makapaniwala na minsan sa buhay niya ay muntik na niya itong ikonsiderang boyfriend niya. Remus was lower than a bacteria.

Mahigpit nitong hinawakan ang bote ng alak. “Ginagamit lang ni Lou ang bata para balikan ko siya. Ikaw ang mahal ko.”

“Ikaw ang manggagamit! Ang mahal mo lang sarili mo! Paano kung gawin mo din sa akin ang ginawa mo sa kay Ma’am Lou. Makonsensiya ka sa ginawa mo sa mag-ina mo.”

Sumabog na ito at ibinato ang bote ng brandy sa dingding. It was shattered into pieces. “Get out! Get the hell out! Kayang-kaya kitang alisan ng trabaho. You might not be able to work anymore, Imhan. Kahit pa ang Jayden Arcega mo, hindi ka matutulungan. May sarili akong koneksiyon.”

She stood her ground. Hindi siya magpapasindak dito. “Ako ba ang tinatakot mo? Nag-resign na ako. While I can easily ruin you. Ano kaya ang gagawin nila sa doktor na gustong ipa-abort ang sarili niyang anak? At ayaw man lang maging donor para sa anak niya. Shame on you!”

Dinuro siya nito. “Don’t you even dare.”

“Mag-donate ka ng bone marrow sa anak mo. Kung tutuusin, wala nang pakialam sa iyo si Lou. You are just the biological father of your son. Sperm lang ang kinailangan niya galing sa iyo noon, bone marrow naman ngayon. Ano? Tatawagan ko na ba ang media para pagpiyestahan ka nila?”

Namumutla ito at napalunok. Malaking damage ang magagawa niya dito. At kahit pa sirain siya nito o ni Jayden, they have the whole Stallion Club to back them up.

Nakangiti na siyang lumabas sa kuwarto na iyon. Di kalayuan ay naghihintay sa kanya si Jayden. “Success?” tanong nito nang makita siya.

Niyakap lang niya ito bilang sagot. “Papayag na siyang mag-donate. Thanks to your idea.” Ngayon ay maluwag na ang konsensiya niya. Makakaalis na siya sa ospital na iyon. “Anong oras ang alis natin papuntang Stallion Island?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.