Stallion Island Series Chapter 185

Hindi makapaniwala si Freezia na nakasakay siya sa helicopter ngayon at hinayaan niyang tangayin siya ni Cody. This was their third date. Nang padalhan siya nito ng peach ruffled dress at may sulat na susunduin siya nito ng alas singko ng hapon ay ni hindi man lang siya nagtanong. Ngayon ay katabi niya si Cody na guwapong-guwapo sa black suit nito.

“So where are we going?” sa wakas ay naitanong niya nang nasa ere na sila.

“We are going the great Director Greco Mondejar’s party,” anunsiyo nito.

“Close na kayo?” tukso niya dito. Hindi niya alam kung ano na ang relasyon ng dalawa ngayon. Maliit lang naman ang mundong ginagalawan ng mga ito. Greco was now a world-renowned director of documentaries. At nang nakaraang linggo lang ay binigyan ng UNICEF ng award ang isang documentary nito.

“Hindi naman kami ang close kundi si Zafira. Tinawagan niya ako kanina na pumunta sa pirate cruise ship kung saan sila nagpa-party. It’s somewhere in Palawan. Di malayo sa Stallion Island kaya sabi ko lilipad na lang tayo papunta doon.”

“Ah! Ex mo pala ang nag-invite sa iyo.”

“Ex?” tanong nito at nilingon siya.

Ibinaling niya ang tingin sa papalubog na araw. “Ex-girlfriend, ex-date…”

“She was none of those. Zafira is a good friend. At engaged na sila ni Greco. And I don’t poach another man’s woman,” paglilinaw nito.

“So if it’s not Zafira, dapat ba akong mag-alala sa ibang naging babae mo? Baka maging bayolente sila dahil ako ang kasama mo.”

Mahaba ang linya ng mga kababaihan na na-involve kay Cody. Hindi niya alam kung paanong iha-handle ang mga ito. Women can be very vicious when it comes to claiming men like Cody.

“Babae ko?” Ginagap nito ang kamay niya. “You sound like a jealous wife.”

Siniko niya ito. “Cody!”

Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kamay niya. “They have to live with it. Kung ikaw ang kasama ko, kailangan nilang irespeto iyon. Katulad nang ine-expect kong irespeto sila ng iba nang sila ang ka-date ko. So you have nothing to worry about,” he said then kissed the back of her hand.

Ilang milya lang layo ng cruise ship na Hidden Pearl mula sa Stallion Island. Isa iyong cruise ship na naglalakbay sa iba’t ibang isla ng Pilipinas at pag-aari ng mga apat na magkakaibigang kilala bilang Pirate Lords.

“Naalala mo ba si Kharishma, best friend ni Zafira? Boyfriend niya ang isa sa mga Pirate Lords. Kaya kung may mga importanteng okasyon katulad nito, ginaganap na lang nila sa isa sa mga pirate cruise ships,” paliwanag ni Cody nang lumapag na ang helicopter sa helipad ng barko.

The pirate ship looked old and musty. Pero pagpasok sa loob ay moderno iyon. Naramdaman agad niya ang naiinggit na tingin sa kanila ng mga kababaihan nang papasok na sila sa ballroom. Humigpit ang hawak niya kay Cody. She knew that she was being sized up. Ikinukumpara sa ibang babaeng nagdaan sa buhay ni Cody. Ngumiti lang si Cody sa mga ito pero sa huli ay sa kanya pa rin nito itinutuon ang atensiyon.

“Cody!” Sinalubong sila ng magnobyong sina Zafira at Greco. “Baka naman gusto mo kaming ipakilala sa kasama mo,” sabi ni Zafira.

“You know Freezia. She’s part of the Botany Club,” pagpapakilala ni Cody.

Hinalikan siya ni Zafira sa pisngi. “Ikaw ‘yung laging humahabol kay Cody dahil ninanakaw niya ang mga bulaklak mo. You still look so young and pretty.”

“At ano naman ang pumasok sa isip mo para pumayag na maka-date ni Santillia?” tanong ni Greco. “I thought you have more sense than that.” Hindi pa rin nito maitago ang animosity kay Cody.

Siniko ito ni Zafira. “Greco, behave!”

“Ano naman ang masama kung ide-date ako ni Freezia?” naghahamong tanong ni Cody.

“We are just friends,” maagap niyang depensa at ngumiti. Hindi niya alam kung sapat na iyon para ma-ease ang tensiyon.

Pumagitna na rin si Zafira. “Greco, kadarating lang ng mga bisita natin. Hayaan muna nating i-enjoy nila ang party. Please?”

Kumuha siya ng champagne sa nagdadaang waiter at naramdaman niya ang titig sa kanya ni Cody. “What?”

Tumayo ito sa harapan niya. “Gusto ko lang ipaalam sa iyo na ikaw pa lang ang babaeng naka-date ko tatlong sunud-sunod na beses.”

Tumaas ang kilay niya. “So?”

“Wala bang ibang sabihin iyon sa iyo?” may iritasyon nitong tanong.

“Ano bang ibig sabihin noon sa iyo?”

Magkasalubong ang mga mata nila habang hinihintay niya ang sagot nito. Gusto ba nitong sabihin na espesyal siya para dito?

She was dying to hear him say it. It would mean a lot to her.

Subalit bago pa nakasagot si Cody ay isang babae ang yumakap sa braso nito. “Cody, I miss you. Bakit di mo na ako tinawagan?”

“Odessa,” gulat na usal ni Cody. “I am busy.”

“Dance with me. Para mawala ang tampo ko sa iyo.”

“But I am with someone,” sabi ni Cody at lumingon sa direksiyon niya.

Iwinasiwas niya ang kamay. “Go! Enjoy the party. Okay lang ako dito.” Saka siya uminom ng champagne.

“Thank you,” excited na sabi ni Odessa at kinaladkad na si Cody sa dance floor.

Tahimik siyang pinanood ang pagsasayaw ni Cody kay Odessa. They looked good together. Odessa was a print ad model. Kung ganito kaganda ang makakasayaw ni Cody, siguradong makakalimutan na siya nito.

Pero di kay Odessa nagtapos ang lahat. Mga babae pa mismo ang nakikipagsayaw kay Cody. Kulang na lang ay pumila ang mga ito sa dance floor para sunod na isayaw ni Cody. So this was his life.

nagpalipas na lang sya ng oras sa pag-inom ng champagne at pagkain ng mga pagkaing isine-serve ng mga nagdaaang waiter. Kung pwede lang na iwan na si Cody doon. Pero lalabas naman na nagseselos siya sa “babae” nito.

“Mind if I join you?” tanong ni Zafira at tinabihan siya. “We are riding on the same boat. In demand din si Greco.” At inginuso nito ang nobyo na nakikipagsayaw sa host nito sa documentary.

“Hindi ka ba nagseselos?” tanong niya.

Umiling ito at sumubo ng grapes na coated ng chocolate. “Nah! Secured ako kay Greco. How about you? Hindi ka ba nagseselos sa mga babaeng kasayaw ni Cody? Karamihan diyan nai-date na niya noon. Iyong iba naman interesadong maging girlfriend niya. Or even the future Mrs. Cody Lance Santillia.”

“Wala naman akong dahilan para magselos. He is not my boyfriend in the first place. Saka mukhang willing naman si Cody na i-entertain sila.”

Tumango-tango si Zafira. “Well, that’s Cody for you. Hindi siya makahindi sa mga babae. Ayaw niyang may makikitang babaeng nalulungkot.”

“Niligawan ka ba niya?” Naalala pa niya na ang glaxonia na pinakaingat-ingatan niya dahil galing pang Brazil ay pinitas ni Cody mula sa greenhouse para ibigay kay Zafira.

“Of course not. Magkaibigan lang talaga kami,” depensa agad nito. “Later na lang niya ipinaliwanag sa akin na ayaw niyang makakita ng babaeng malungkot o nasasaktan. O kaya hindi man lang naramdamang espesyal siya. And that’s Cody did or still do. He makes women feel special.”

“Dapat ba akong magselos?” tanong ni Greco na matalim ang mga mata.

Yumakap si Zafira sa baywang nito. “Of course not. Kasi alam ko naman na ako lang ang nag-iisang espesyal na babae sa buhay mo.”

Sinundan niya ng tingin ang dalawa habang sumasayaw sa dance floor. Naging maamo ang mga mata ni Greco habang nakatitig kay Zafira. No doubt that he was a man in love. At para dito ay iisang babae lang ang nakikita ng mga mata nito- si Zafira.

Habang si Cody naman ay… Iginala niya ang tingin sa dance floor. Naalarma siya nang makitang wala na doon si Cody. Saan na nagpunta si Cody? May kasama ba itong ibang babae? Iniwan na ba siya nito?

Kung anu-ano na ang pumapasok sa utak niya nang lapitan siya ng waiter. “Ma’am, ipinabibigay po ni Mr. Cody Santillia,” anito at may ibinigay na piraso ng papel sa kanya.

Meet me at the upper deck – Cody

Mukhang inutusan din ni Cody ang waiter na samahan siya kung saan ito naroon. Nag-iisa lang si Cody sa upper deck dahil mukhang lahat ay abala sa party.

Sinalubong agad siya nito at ginagap ang mga kamay niya. “I am sorry for leaving you alone. Hindi ako makatakas sa mga gustong makipagsayaw sa akin. Kinailangan ko pang sabihin na pupunta ako ng restroom para lang matakasan sila.”

“I understand,” she whispered. This was Cody’s life. Dahil sa trabaho, pagiging miyembro ng Stallion Island at dahil sa natural charm nito ay di mapigilan ang mga babaeng lumapit dito. She had to live with that. “Cody, bakit nga ba ako ang lagi mong idine-date?”

“Dahil nag-e-enjoy akong kasama ka. Dahil espesyal ka.”

“Gaano kaespesyal?” tanong niya.

“Enough to ask you for a fourth date, a fifth date and so on and so forth.” Hinapit nito ang baywang niya palapit. “Dance with me.”

Hindi na niya nagawang magtanong pa nang isayaw siya nito. They didn’t have an orchestra to accompany them. Tanging ang alon lang ng dagat ang naririnig nila at ang malakas na tibok ng puso nito.

Nasabi na ni Cody na espesyal siya pero parang kulang pa rin. Ayaw niyang maging isa lang sa mga babaeng nagdaan sa buhay nito na bibigyan nito ng bulaklak o ide-date para lang maiparamdam na espesyal ito.

Gusto niya ng pagiging espesyal ni Zafira kay Greco. Na iisa lang ang babaeng espesyal sa buhay nito. Hangga’t hindi nililinaw ni Cody kung gaano siya kaespesyal dito, di siya matatahimik.

Natatakot siyang umasa. Natatakot siyang masaktan.

"AKALA ko di ka namin makakasamang mag-horseback riding," sabi Imhan nang dumating si Freezia sa main stable.

"May inayos lang ako." At nagpasalamat siya sa groom na naghatid sa mare na si Rapunzel.

"Ang sabihin mo di ka pinakawalan ni Fafa Cody. Baka naman sumunod ka nang ikasal sa amin ni Imhan." Inulan ng tukso ang komentong iyon ni Xandie. Malapit nang ikasal ang mga ito kaya gustong i-enjoy ang pagiging dalaga kasama sila. Si Xandie ay ikakasal na kay Jairon at si Imhan naman ay kay Jayden.

"Kayo na ba?" tanong ni Ayumi.

"Nagde-date lang kami. Di naman siya nanliligaw. Magkaibigan lang kami."

"Talaga?" nakataas ang kilay na tanong ni Jazzmire. "Kung si Andreev 'yun, first date pa lang pinikot ko na."

"Kung si Raddison 'yon, ginahasa ko na," sabi naman ni Ayumi.

Hanggang ngayon ay inaanalisa pa niya ang nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay bumalik siya ng high school. Mabanggit lang ang pangalan ni Cody ay aligaga na siya. Napapadalas din ang pagkatulala niya at iniisip ito. Pero malabo pa rin kung ano ang lugar niya sa buhay nito. Di siya pwedeng magpadala sa nararamdaman niya dahil di niya alam kung hanggang kailan mananatili sa kanya ang atensiyon ni Cody.

Umingit ang kabayong si Rapunzel. Parang nahuhulaan nito ang iniisip niya. Hinaplos niya ang leeg niya. "Don't worry. I can handle this."

Humabol sa kanila si Summeria na kagagaling lang sa Manila para sa endorsement ng isang sportswear. Isa itong kayak explorer at nobya ng member na si Alessandrace. Ibinandera agad nito ang kamay na may singsing. “Girls, binigyan na ako ng forever ring ni Alessandrace.”

Excited silang lahat at di niya maiwasang mainggit. Iyon ang pinakamatinding simbolo ng pagmamahal ng isang miyembro ng Stallion Island-ang forever ring. Dahil isang beses lang pwedeng ibigay ng miyembro ang singsing na iyon. Ibig sabihin ay ine-extend nito ang mga privilege nito sa babaeng pinili nito. At sa forever ring na iyon ay nakaukit ang pangalan ng miyembro.

Tiningnan niya ang kamay na may ordinaryong access ring lang. Sana lang ay may forever ring din siya at pangalan ni Cody ang nakalagay. Bigla niyang itiniklop ang palad at ipinilig ang ulo. Hindi ito pwede. Masyado na akong nadadala sa nararamdaman ko at sa mga taong in love sa paligid ko.

Nagpaalam siyang pupunta sa restroom at dali-daling naghilamos. Kailangan niyang matauhan. Hindi na siya aasa kay Cody hangga’t di pa ito nanliligaw. Kailangan niyang kontrolin ang nararamdaman niya.

Napapitlag siya nang biglang bumalabag ng sara ang pinto ng restroom. Nang lumingon siya ay naroon ang mga Sirens at mukhang kinulong siya ng mga ito.

Nakahalukipkip na lumapit sa kanya si Merian kasunod ng mga alipores nito. “Hoy, Miss Katuray! Pwede bang ibalik mo na sa amin si Cody?”

Tiningnan niya ang bulsa ng riding pants niya. “Wala kasi sa bulsa ko si Cody. Paano ko siya ibabalik sa iyo?”

“Mahal na Reyna, pinipilosopo ka,” hirit ni Nikki.

Namaywang si Merian at naningkit ang mga mata. Hindi ito natutuwa sa sagot niya. “Sa amin si Cody. Sinasayang mo lang ang oras niya sa iyo. Sa halip na idine-date na niya kami, nagtitiyaga pa siya sa company mo.”

Pinunasan niya ng paper towel ang kamay niya at saka itinapon sa basurahan. “Kausapin ninyo si Cody na kayo naman ang tiyagain. Kasi siya ang nagse-set ng date namin. Di naman ako ang yumayaya sa kanya.”

“At dahil diyan, feeling mo naman gusto ka niya…” sabi ni Francey.

Itinaas ni Merian ang kamay at tumahimik ito. “Dialogue ko iyan. At dahil siya ang nagkukusang makipag-date sa iyo, feeling mo naman may gusto siya sa iyo?” Humalakhak na parang bruha si Merian. “Naaawa lang siya sa iyo. Wala kasing nanliligaw sa iyo o nagyayaya man lang ng date. Weird ka kasi.” Sinenyasan ni Merian ang mga kasama. “Let’s go, girls!”

Naiwan siyang nakatulala. Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig. Maaring maldita ang mga Sirens pero totoo ang sinabi ng mga ito. Hindi interesado si Cody sa kanya. Naaawa lang ito. Wala siyang ipinagkaiba sa mga babaeng gusto na pinaramdaman nito ng pagiging espesyal.

Mariin siyang pumikit habang pinipigil ang pagpatak ng luha. Di niya alam na masasaktan siya ng ganito. Dahil kahit anong sabihin niya na ayaw niyang umasa ay umasa na rin siya.

Pero natauhan na siya. Saglit lang siyang iiyak sa pagkakataong ito. It is time to face facts. Its time to kick Cody out of her life.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.