"I FILED an application for loan," balita ni Freezia kina Illiana at Jazzmire nang mag-meeting sila sa Lighthouse Restaurant. "I don't think pipirma pa si Cody ng kontrata kay Papa."
Ilang araw na ang lumipas mula nang huli silang magkita ni Cody. Wala pa ring tawag mula sa Papa niya. Di niya alam kung nagkausap na ito at si Cody. Kaysa hintayin niyang ibigay nito ang nakakadismayang balita ay mabuti nang gumawa siya ng paraan. Di pwedeng sukuan ang pangarap niya.
"Bakit naman di siya pipirma? Dahil binasted mo siya?" tanong ni Jazzmire.
Natigil siya sa pagsimsim ng orange-mango juice. "Anong basted? Di naman nanligaw 'yon." Kung liligawan siya ni Cody dahil sa awa ay sobra na 'yon.
"Iyon ang sabi ni Kuya Jairon at ni Kuya Zach."
"Hindi lang maganda ang huli naming pag-uusap. May mga nasabi akong di maganda," aniya at nakagat ang labi.
Nagi-guilty pa rin siya sa mga di magagandang nasabi niya kay Cody. Sure she was hurting. Pero lumagpas na siya sa linya. Nagsinungaling siya para protektahan ang sarili niya. Walang kinalaman ang Papa niya sa second at third date nila. Dahil doon ay nasaktan niya si Cody. Higit sa pananakit nito sa kanya. At kailangan niyang pagbayaran ang lahat.
“Well, that’s your personal life. Hindi naman ako makikialam diyan,” sabi ni Illiana at di na nag-usisa pa. “Sana lang ma-approve na ang loan.”
“Hinihintay ko na lang na dumating si Tita Fritz from Europe,” anang si Jazzmire at pinagkiskis ang palad. “Pag-uusapan daw namin ang loan na in-apply ko. Wala naman kasing mangyayari sa loan ko habang si Andreev ang humahawak sa bangko. At least Mama pa rin niya ang presidente. Makikita ng Andreev na iyan! Di niya ako basta-basta maibabagsak.”
“That’s the spirit!” sabi ni Illiana.
Ngumiti lang siya sa encouragement na ibinigay ni Illiana at nagpaalam na ang dalawa. Nawala ang ngiting iyon nang makaalis ang mga ito. She was in deep trouble. Di pa sigurado ang approval ng loan niya. Malaking halaga ang kailangan niya. She wished she was already twenty-seven. Kung nasa sapat na siyang edad, di na kailangan pang kontrolin ng Papa niya ang pera niya. At kung mas nag-iisip lang sana siya ay mas nakontrol niya ang emosyon niya. Hindi ganitong sumesemplang ang lahat ng plano niya.
Isa pa niyang problema ay kung paano haharapin si Cody kapag nagkita sila. Maliit lang ang Stallion Island. Pwede silang magkasalubong anumang oras. Hell! Maliit lang ang mundo nila. Di pwedeng iwasan niya ito habambuhay. At iyon ang problema niya. Ano ang gagawin niya kapag nagkita ulit sila? At ano ang gagawin niya sa balitang kumakalat sa Stallion Island na binasted niya si Cody. Tiyak na hindi iyon makakabuti sa reputasyon nito.
Isang plato ng spaghetti at choco fudge ang ihinain sa harap niya. “Mas makakapag-isip ka siguro kung kakain ka.”
Nahigit niya ang hininga at inangat ang tingin sa nagsalita. “Cody?”
Nakatitig lang siya dito nang umupo ito sa harap niya. Kanina ay iniisip lang niya ito pero ngayon ay basta na lang itong sumulpot sa harapan niya. Iniisip tuloy niya kung imahinasyon lang ito. Nakangiti ang Cody na nasa harapan niya. Na parang normal lang ang lahat. Samantalang sa lahat ng nasabi niyang di maganda dito, dapat nga ay iniiwasan siya nito o kaya ay magagalit ito sa kanya kapag nagharap sila. Di kaya may amnesia ito o baka naman hindi ito si Cody.
“Masyadong malalim ang iniisip mo. Kadarating mo lang, di ba?” anito sa masiglang boses.
Marahan siyang tumango. “O-Oo.”
Hindi ito imahinasyon. Di ito naglaho sa isang kisapmata lang. At di siya makakurap habang nakatitig dito. He still looked good. No. He looked better. Mas yummy pa nga ito kaysa sa choco fudge at party spaghetti na ihinain nito sa kanya.
Palpak talaga siya pagdating kay Cody. Dahil kahit anong sabihin niya sa sarili niya na di ito magkaka-interes sa kanya ay di naman nababawasan ang atraksiyong nararamdaman niya dito. He eminated that cool aura and he was oozing with charm. At nang ngumiti siya ay parang ice cream na tutunaw ang puso niya. Sana ay magalit ito sa kanya para may dahilan siya para ayawan ito. Pero kahit na magalit pa ito sa kanya ay baka di rin mabawasan ang kaguwapuhan nito.
“Baby, let’s go!”
Lumingon siya sa babaeng iyon nang tumayo si Cody. It was a print ad model. A tall and pretty one. Ang babaeng lilingunin ng mga kalalakihan. At “baby” ang tawag nito kay Cody?
“Kailangan ko nang bumalik sa trabaho,” sabi ni Cody. “Huwag kang magpapalipas ng gutom.”
“Thank you,” mahina niyang usal at di na magawang salubungin ang mga mata nito. It was so awkward. Ni wala siyang nasabing matino dito. She should apologize for being so crass. Subalit wala siyang mahanap na tamang salita. Mukha namang naka-recover na ito.
“By the way, nagkausap na kami ni Tito tungkol sa endorsement ko sa Elysian Fields,” tukoy nito sa exclusive subdivision na gusto ng Papa niya na i-endorse nito. “Nagkausap na ba kayo tungkol doon?”
“Hindi pa.” Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Kung nakausap na ito ng papa niya, ano ang naging desisyon ni Cody.
Then he suddenly had a smug look on his face. “You will hear from him soon. Good luck!” anito at sinaluduhan pa siya. Saka ito sumama sa magandang modelong kasama nito sa trabaho. O baka ka-date na nito.
Di niya maiwasang magngitngit. Nagkausap na ito at ang Papa niya. Why the smug look on his face? At sa pagkasasabi nito ng good luck, mukhang bad luck ang paparating sa kanya.
Nakuyom niya ang palad. Baka nagsumbong ito sa Papa niya tungkol sa mga sinabi niya dito. She and her big mouth. Bakit nga naman ito pipirma ng kontrata matapos niya itong gawing tanga? Pinalabas niya na pinaikot lang niya ito.
Hindi niya ito masisisi kung galit ito sa kanya at gustong maghiganti. Pero para sabihin pa nito sa Papa niya, he was no gentleman.
At ang babaeng kasama nito… Sabi na nga ba niya at tama siya. Madali lang para dito na humanap ng ibang babae na ide-date nito. She was just an inconvenience. Di na niya makukuha ang pera niya mula sa Papa niya, sira pa ang relasyon nilang mag-ama at ipapamukha lang sa kanya ni Cody na tama siya. Na isa lang siya sa mga espesyal na babae sa buhay nito.
And she hated him for making her feel so furiously jealous.
PAGOD na pagod na ang katawang lupa ni Freezia nang matapos ang meeting niya sa ilang potential clients na ipinasyal niya sa farm. Kagagaling lang din niya ng Stallion Island para tulungan ang kapatid niya sa paghahanda sa Stallion Shampoo Makeover Challenge na ila-launch sa gabing iyon. She had so much in her mind. Paikot-ikot lang ang problema sa utak niya at walang kasagutan.
Ang Papa niya na di pa rin tumatawag, ang perang kailangan niya sa bago niyang negosyo at si Cody… No! Ayaw na niyang isipin pa si Cody. Pero ito ang problemang hindi nagpapatulog sa kanya. Parang ito ang problemang walang kasagutan dahil parang linta na itong nakadikit sa utak niya at sinisipsip ang lahat ng dugo niya sa katawan.
Lagi pa rin itong nakangiti kapag nakikita siya. At kapag nasa restaurant siya ay ino-order-an siya ng mga paborito niyang pagkain na parang inaalagaan siya nito. Hindi na ito nagtanong pa tungkol sa Papa niya. Hindi naman iyon ang nakakapagpangitngit sa kanya kundi ang kung sinu-sinong babaeng kasama nito. And she was extremely jealous as hell. Now that was pathetic.
“Freezia, ano ba naman ‘yang itsura mo? Parang gutay-gutay na ang kaluluwa mo. Katulad ka rin ng pinsan mo,” komento ng Mommy Gracia siya nang salubungin siya pagpasok ng bahay.
“Pagod na pagod po ako, Mommy,” aniya at humalik sa pisngi nito.
“Oo. Pareho kayo ng Ate Vix mo. Problemado pa rin dahil di natuloy ang kasal niya,” anito at iiling-iling na lang.
Malaki ang problema ni Vix dahil nagkaroon ng conflict ang relasyon nito at ng nobyo nitong si Trick. Ayaw ni Trick na tumakbo itong mayor ng San Martin pero wala namang nagawa ang pinsan niya dahil nakapangako na ito sa Mama nito na tatakbo iyon sa darating na eleksiyon.
“Freezia.” Mangiyak-ngiyak agad na lumapit si Vix sa kanya. “Hindi ko na alam ang gagawin ko.”
“Hindi ko na rin alam ang gagawin ko,” aniya at bumuntong-hininga. Ayaw na niyang makinig pa sa problema sa totoo lang.
“Ipinatawag ko si Tess at Becky para i-massage kayo. You should relax. Mukha pa kayong matanda sa akin. Mag-shower muna kayo at tumuloy kayo sa indoor garden. Kalimutan muna ninyo ang problema ninyo.”
Sumunod agad siya sa tita niya. Kailangan niya ang masaheng iyon. Pagsayad pa lang ng katawan niya sa massage table ay nakatulog na siya.
PAKIRAMDAM ni Freezia ay nasa langit siya. That massage was pure heaven. Sana ay lagi na lang ganito ang buhay niya. Walang problema at higit sa lahat ay walang Cody na maninira sa araw niya.
Naalimpungatan siya nang may maramdaman siyang yumugyog sa kanya. “Freezia, bilisan mong bumangon. Simula na ng Stallion Island Makeover Challenge. Nandoon daw si Cody. Panoorin daw natin siya.”
Ang Mommy Gracia niya. Pambihira! Gusto niyang maghurumentado. Gigisingin siya nito para lang kay Cody? Lukot na lukot ang mukha niyang bumangon at napakamot sa ulo habang kipit ang kumot sa katawan.
“Mommy, ginising ninyo ako para lang panoorin ang lalaking ‘yon? Gusto ninyong masira ang araw ko?” Ginising siya nito sa isang magandang panaginip para lang bangungutin.
“Okay lang iyan. Tiyak na mabubuo ang araw mo kapag nakita mo siya,” excited na sabi nito. Saka ito bumaling kay Vix. “Ano sa palagay mo, Vix? Okay lang naman na panoorin muna ninyo si Cody, hindi ba?”
Tumango ito. “Sure, Tita. Magbibihis lang po kami ni Freezia.”
Ibinagsak niya ang sarili sa sa massage table habang pinapakinggan ang pagkanta-kanta ng mommy niya na pabalik ng sala. “Ayoko talagang makita si Cody. Mabuti nga’t nakaalis ako ng Stallion Island para hindi siya makita.”
“Pagbigyan mo na lang si Tita. Alam mo naman na botong-boto sila kay Cody.” Hinila siya nito patayo. “Come on! Gusto ko ring malibang.”
“Ah, ganoon? Masaya kang nasisira ang disposisyon ko sa buhay dahil kay Cody tapos ikaw naman ang nag-e-enjoy?”
Niyakap niya ito. “Sige na. Mabuti nga may mga bagay pa na pwedeng magpangiti sa akin. Gusto mo ba ma-depress ulit ako?” Ugali na ng pinsan niya na aliwin ang sarili sa kamiserablehan ng ibang tao para makalimutan ang kamiserablehan nito
Napilitan siyang bumaba ng massage table. “Oo na. Oo na. Kundi lang talaga kita mahal, wala akong pakialam kahit na magta-tumbling ng una ang ulo ‘yang Cody na iyan.” Kahit ano para aliwin ang pinsan niya.
“Sabi na nga ba’t di rin matitiis ni Freezia si Cody,” sabi ng daddy niya.
Nagkakandahaba ang nguso niya habang nakaupo sa sala at pinapanood ang launching ng Stallion Shampoo Makeover Challenge. Sana ay bumalik na ang antok niya dahil wala siyang planong panoorin si Cody.
Halos nayanig ang bahay nila sa tilian nang sa wakas ay lumabas si Cody. “Grabe! Ang guwapo niya! Fafa Cody!” tilian ng mga kawaksi nila.
Mabilis niyang iniwas ang tingin pero nahagip pa rin ng paningin niya si Cody na naka-Prince Charming costume. At saglit na pumalya ang tibok ng puso niya. Tumalikod siya at pumikit nang mariin. Naramdaman niya ang pag-iinit ng likod niya. Drat! Kahit sa TV bakti parang nakasunod pa rin ang mga mata nI Cody sa kanya?
“Iyan ang mamanugangin ko,” sabi ng tito niya na botong-boto kay Cody.
“Hindi ko talaga alam kung anong ipinakain ng Cody na iyan sa mga kamag-anak ko. Bakit naman gugustuhin nilang maging boyfriend ko ang babaerong ‘yan,” nakahalukipkip niyang sabi.
“Cody is really charming,” sabi naman ng pinsan niya. Ibinalik niya ang tingin sa TV nang ini-introduce na ang babaeng mukhang si Miss Tapia na partner ni Cody.
“Sana pala isinali ko rin si Freezia para sila ni Cody ang partner,” sabi ng tita niya. “Tiyak na panalo agad ang pamangkin ko.”
Tinakpan niya ang mga tainga. “Oh, please! Pwede bang matulog na lang para hindi ko na makita ang Cody na iyan?”
“Ay, Ma’am! Hindi ba’t si Sir Trick po iyon?” tanong ng kawaksing si Ibyang.
Biglang nag-walk out ang pinsan niya. Ikakasal na nga naman ito at si Trick pero lumabas pa si Trick sa TV bilang Prince Charming ng ibang babae. Sinundan niya ito nang tumakbo ito sa garden.
"Bakit nagawa niya sa akin 'to?" tanong ng Ate Vix niya at yumakap sa kanya habang umiiyak. nasaktan talaga ito. Pakiramdam siguro nito ay natraidor ito.
"Magpahinga ka muna. Pareho nating di masasagot ang tanong na 'yan."
Tumawag ang Mama ni Vix at nagbilin na i-unhook muna ang phone dahil baka pati sila ay buligligin ng mga reporters. Sinamahan ang pinsan niya sa pagdadalamhati hanggang makatulog ito.
Nagising siya sa pagtawag at pagtapik ng Mommy Gracia niya. "Bumangon ka. Nandiyan ang Papa mo."
Sumasal ang kaba ng dibdib niya. So its judgment day. Matapos ang mabilis na shower ay pinuntahan niya ang Papa niya sa indoor garden. Naka-serve na din doon ang agahan. "P-Papa..."
"Tinatawagan kita kagabi. Di ka sumasagot. Your phone is off. Pati tong phone sa bahay puro ring lang,” nakakunot ang noong sabi nito habang nagbabasa ng diyaryo. Madalang umuwi ng bahay nila ang Papa niya dahil may sarili itong bahay sa kapitolyo at sa Maynila. Umuuwi lang ito ng San Martin para sa negosyo.
"Baka kasi tumawag ang mga reporters. Si Kuya Trick kasi kasama sa Stallion Shampoo Makeover Challenge,” paliwanag niya. “Alam naman ninyo na postponed ang kasal nila ni Ate Vix.”
"Nasabi sa akin ni Cody na kasali din siya doon,” kaswal na sabi nito.
Napaupo siya at biglang humingi ng tubig sa kawaksi. Kailangan niya iyon dahil inaatake na siya ng matinding kaba. "Nagkausap na po kayo tungkol sa kontrata?" marahan niyang tanong.
"Yes. Kaya nandito ako."
Lalong nabulabog ang sistema niya. Heto na ang sandali ng paghuhukom. Narito na ang sandaling kinatatakutan niya. Sanay na siyang napapagalitan ng papa niya dahil lagi daw siyang palpak pero ngayon lang siya natakot. Alam niya kung gaano kalaking gulo ang ginawa niya at kung ano ang mawawala sa kanya. Tanggap naman niya ang kapalpakan niya pero lalo lang masisira ang relasyon nilang mag-ama dahil dito.
"And..." Kung idi-disown siya ng Papa niya ay ihahanda na niya ang sarili niya. Ihahanda na rin niya ang pagdadalamhati niya.
Ngumiti ito at niyakap siya. "He finally signed the contract."
"Pumirma siya ng kontrata?" aniyang di makapaniwala sa narinig. Namanhid ang buong katawan niya.
Di ba dapat ay di pumirma si Cody ng kontata dahil galit ito sa kanya? Dapat ay galit ang Papa niya sa kanya dahil naibuko niya kay Cody ang bilin nito sa kanya. Anong nangyari? Bakit nabaligtad yata ang mundo? Baka naman nananaginip lang siya.
"W-Wala na siyang ibang sinabi?" tanong niya.
"Excited siya sa binubuong kompanya ninyo ni Illiana. I am proud of you."