Inipon ni Freezia ang lahat ng lakas ng loob niya. Nakatayo siya sa harap ng gate ng cottage ni Cody. Sa isang kamay niya ay naroon package ng iba't ibang organic products na panlalaki na magiging part ng collection nila. Iyon ang peace offering niya kay Cody.
Halos isang buwan na siyang di nakakatapak sa Stallion Island. The ball started rolling when her father gave her the money she needed. Ihinahanda na ni Jazzmire ang lahat para sa launching nila at under negotiation na ang pagkuha nila kay Kaetria Mosqueda bilang mukha ng Human Loves Nature. She was gaining more popularity now. Ito kasi ang dance guru para sa Stallion Shampoo Makeover Challenge.
Kasabay ng pagsikat ng mga contestants ng challenge ay ang pagdoble ng kasikatan ng mga Prince Charming na ka-partner ng mga ito na pawang miyembro ng Stallion Island.
Her chest constricted painfully. Ngayong maayos na ang lahat para sa kompanya nila ni Illiana, malaki ang dapat niyang ipagpasalamat kay Cody. At masyado nang mahaba ang panahong lumipas na di siya nakakahingi ng tawad dito.
Nakapikit niyang pinindot ang buton ng doorbell. Baka ayaw na siya nitong harapin. Napaka-ungrateful nga naman niya. Matapos ang huli nilang pag-uusap ay wala na itong narinig mula sa kanya.
Isang may katangkarang babae ang patakbong lumapit sa kanya. She was in her maid costume. "Yes?" tanong nito.
"I am looking for Cody. Nandiyan siya, di ba?" Of course she checked it with the security tracker a while ago.
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at saka matamis na ngumiti. "Nasa shower siya. Pumasok ka muna."
Magkasalubong ang kilay siyang sumunod dito. Saka niya napansin ang cameraman at TV crew na kinukunan ito ng video. Saka lang niya ito nakilala. It was Marmy, ang contestant na ka-partner ni Cody sa makeover challenge. Di na niya ito nakilala dahil wala na ang bakas ng pagiging Miss Tapia nito. She looked beautiful. Kahit na naka-maid costume ito ay parang sopistikada ito.
"Pasensiya na sa itsura ko. Naglinis kasi ako ng bakuran ni Cody."
"Pinarusahan ka ba?" May mga consequences ang mga paglabag sa rules ng mga contestant ayon sa Mommy Gracia niya.
Umiling ito at tumawa. "No! This one is a reward."
"Reward na magpaalipin kay Cody?" bulalas niya.
"Malaki ang naitulong niya sa akin para sa princess trial ko. Wala naman akong mahal sa buhay dahil ulila na ako kaya siya na lang ang gusto kong pagsilbihan. Pasok ka," yaya nito na parang may-ari din ito ng bahay.
Umiling siya. "Maghihintay na lang ako dito sa labas."
"Ikaw ang bahala," anito at pumasok na sa loob ng bahay.
Pinili niyang maglakad-lakad muna sa paligid habang pinaghahandaan niya ang paghaharap nila ni Cody. Napansin niya ang bunton ng mga damo na iniwan ni Marmy. Mukhang nagbubunot ito ng damo nang dumating siya kanina.
Kumunot ang noo niya dahil napansin niyang di lang damo ang nandoon. Ininspeksyon niya ang munting halamang nadamay doon. Freesia 'yon na may ilang linggo na ring tumubo. Natitiyak niyang tanim iyon ni Cody nang magpaturo ito sa kanya.
"Miss, bitiwan mo 'yan," sabi ni Marmy. "Damo lang 'yang mga 'yan."
"Hindi 'to damo. Freesia 'tong mga 'to. Si Cody pa nga ang nagtanim nito,” medyo masama ang loob niyang sabi. Nasasaktan siya kapag may mga magagandang halaman na nabubunot.
"P-Pero a-akala ko okay lang bunutin."
"Marmy, sinong naghahanap sa akin?" tanong ni Cody at lumabas mula sa pinto sa likuran ng cottage.
"Cody!" mangiyak-ngiyak na sabi ni Marmy at yumakap kay Cody. "Nagalit siya sa akin dahil binunot ko 'yung mga damo."
Nagulat siya sa naging reaksiyon ni Marmy. Ganoon ba ito ka-sensitive? Nasabihan lang naman niya pagkatapos ay iiyak agad. Di naman siya nagtaas ng boses. She was just distressed. Parang wala sa character nito ang Marmy na nakikita niya sa TV. Hindi ito ang tipo na masyadong sensitive.
"Freezia?" magkasalubong ang kilay na tanong ni Cody at may paninisi siyang tiningnan.
"Hindi damo 'yung binunot niya. Freesias,” nasabi na lang niya. Hindi kasi niya alam kung paano magpapaliwanag dito na di naman niya gustong umiyak o matakot sa kanya si
"At dahil diyan nagalit ka na sa kanya?"
"Hindi ako galit sa kanya. I just made a point na di damo ang binunot niya kundi freesias." Freesias na pinaghirapang itanim ni Cody. At gusto niyang maniwala na inalagaan din nito kaya tumubo. It means so much to her. He committed himself to something. Pinahalagahan nito ang bagay na may kinalaman sa kanya.
"Hindi ko naman alam na freesia 'yun," humihikbing sabi ni Marmy. "S-Saka ganoon ba kahalaga 'yang freesia na 'yan?"
"It’s okay,” sabi ni Cody. “Halaman lang ‘yon.”
Parang pinilipit ang puso niya nang marinig ang sagot ni Cody. Di mahalaga ang freesia na 'yon pero pakiramdam niya ay siya ang binalewala nito.
"Pumasok ka muna sa loob," malambing na sabi ni Cody. "Dumating na 'yung inorder ko. Kumain muna kayo ng mga staff."
Humalik si Marmy sa pisngi nito. "Thank you, Cody."
Tumalikod agad siya dahil parang sinasaksak ang puso niya. Naluha siya nang pagmasdan ulit ang mga nabunot na freesia. Maingat niyang pinulot ang mga iyon. Hindi damo ang mga ito. At lalong hindi siya damo. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam.
"Freezia, pabayaan mo na 'yan," sabi ni Cody.
"No! Pwede pang mabuhay ang mga 'to." Sasagipin niya ang kawawang freesia na 'yon mula kay Cody at sa bruhang babae nito.
Umuklo ito sa tabi niya. "Freezia, bakit ka umiiyak?"
Umiiyak siya? Pinahid ng likod ng palad niya ang basa niyang pisngi. Nagiging emosyonal na siya. Di siya dapat makita ni Cody ng ganito. Di nito dapat malamang nasasaktan siya sa pambabalewala nito.
"Itong mga freesia...di sila dapat tinatrato na parang damo," aniyang di mapigilang maghinanakit.
"I'm sorry. Di sinasadya ni Marmy na bunutin sila. Pumasok ka muna sa loob. Doon tayo mag-usap," pang-aayo nito.
Tumayo siya. "Hindi na." Ayaw niyang makita si Marmy. nabot niya ang buri bag dito. “Para sa 'yo. I just want to say sorry for being so crass with you." Huminga siya ng malalim. "At thank you dahil sa kabila ng ginawa ko pumirma ka pa rin ng kontrata kay Papa."
"It is business. Maganda ang bayad sa akin."
"You don't hold a grudge against me? Kung tutuusin pwede mo namang tanggihan si Papa o kaya sabihin mo 'yung ginawa ko."
"Freezia, di ka masamang tao. At lalong di ko sisirain ang pinagsamahan natin dahil lang sa pride ko. Your company is promising. Wala akong dahilan para sirain iyon."
"W-Wala kang hihinging kapalit?"
Dahan-dahan itong lumapit sa kanya. "Anong hihingin kong kapalit?"
She suddenly sensed the danger in his tone. Parang isa itong mabangis na hayop na iniikutan ang biktima nito.
"L-Like another date..."
"Or?" tanong nito at tumigil sa harap niya hanggang halos matabingan nito ang sikat ng araw.
"Tutulay sa a-alambre or aapak sa bubog?"
Pagkurap niya ay halos magkadikit na ang labi nila at direkta itong nakatingin sa mga mata niya. "Or maybe I'll ask for another kiss again."
Nahigit niya ang hininga. "Kiss?"
Nanuyo ang labi niya nang malanghap ang bango nito. He smelled so fresh. And he was achingly close. Naalala niya nang gabing halikan siya nito. Hahalikan ba ulit siya nito sa katirikan ng araw at kahit may makakita pa sa kanila.
Bigla itong tumuwid ng tayo. "Siyempre hindi ko na ulit 'yon gagawin sa 'yo. Makikipag-date o hahalikan lang kita kapag hiningi mo sa akin."
"As if," aniya at iniwas ang tingin dito. Pero parang kakapusin siya ng hangin. Parang hinainan siya ng masarap na pagkain tapos ay itatago lang pala. "Aalis na ako."
"Freezia, ako na lang ulit ang magtatanim sa mga freesias."
"No need. Ako na ang bahala. Baka maabala ka lang. Bye."
Baka di na nito maasikaso ang mga pananim lalo na't nariyan si Marmy.
"Ako na ang mag-aalaga sa inyo," sabi niya sa mga freesias. "Hindi si Cody ang katapusan ng buhay natin."
NAGULAT si Freezia paglabas ng locker room nang tatlong Prince Charmings ang sumalubong sa kanya. Katatapos pa lang ng water tai chi training niya. “Freesia, ako na lang ang iboto mo,” sabi ni Conrad. “Hindi ka magsisisi dahil kapag naging village lord ako, pagsisilbihan ko ang mga kababaihan.”
Siningitan ito ni Maxim. “Don’t mind him. Mas bagay akong maging Lord Maxim. Gusto mo bang i-treat kita? bibigyan ko ng pagmamahal pati ang mga halaman at mga bulaklak mo.”
Kanya-kanyang diskarte na ang mga Prince Charming para ang mga kandidato nito ang iboto ng mga tao sa nalalapit na finals ng Stallion Shampoo Makeover Challenge. Mahigpit ang laban kaya lahat ng pagpapa-cute ay ginagawa na ng mga ito para lang makakuha ng boto.
“Wala namang botohan ng Prince Charming, no? Bakit ko kayo iboboto?” tanong niya at isinara ang zipper ng sports bag niya.
“Tigilan ninyo si Freezia. Sabi ko naman sa inyo na si Cody ang iboboto niyan,” nakangising sabi ni Slade. “Alam naman natin na siya ang favorite Prince Charming ni Freezia.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Paano naman ninyo nasabi na si Cody nga ang iboboto ko? After all, hindi naman Prince Charming ang ilalagay sa text votes kundi ang contestant.”
Ngumisi si Conrad. “Ibig sabihin hindi si Marmy ang iboboto mo dahil nagseselos ka sa kanya?”
Kabilang kilay naman niya ang tumaas. Hindi niya nagugustuhan ang tinatakbo ang usapan nila. Naniniwala ba ang mga ito na may gusto siya kay Cody? O baka hinuhuli lang siya ng mga ito. Ni hindi na nga sila nagkikita ni Cody.
Humalukipkip siya. “Tigilan na ninyo ‘yang pang-iintriga sa akin tungkol kay Cody. I like Josefa,” tukoy niya sa ka-partner ni Slade. “Mas gusto ko ang character niya. May sarili siyang prinsipyo. At nakita ko ang transformation niya.” Mula sa pagiging babaeng grasa, ibang-iba na ang itsura nito ngayon. Pero hindi pa rin nawawala ang malakas nitong character. Minsan ay nakaka-relate siya dito.
“Pero si Marmy ang palaging nananalo sa mga princess trial,” sabi ni Maxim.
“Not impressed enough. I can’t see her struggling.”
Magaling nga si Marmy pero di niya nakikita ang character nito. Minsan pakiramdam tuloy niya na isang balatkayo ang pagiging matandang dalaga character nito. Parang madali para dito na i-adapt ang pagiging sopistikada. Na parang inaral na nito ang lahat noon pa.
Nagkatinginan ang tatlo. “Oo nga. Parang masyado siyang magaling,” anang si Conrad at hinaplos ang sariling baba.
“Baka naman inspired lang siya dahil kay Cody,” komento ni Maxim.
Nagkibit-balikat siya at nagpaalam na sa tatlo. Hindi niya alam kung anong mayroon kay Marmy pero sa lahat ng contestant ay ito ang pinakamisteryosa. Ang mga impormasyong kulang sa buhay nito ay nababawi lang nito sa pagiging magaling sa mga challenge. Pero pakiramdam niya ay marami itong itinatago.
Pagdating niya sa Island Bloom ay narinig agad niya ang pagwawala ng executive ng Stallion Shampoo na si Babeth. Isa itong mataray na bading at kahit si Aric na isa ring executive ng naturang kompanya at isa rin sa namamahala sa TV program ay nakabangga na nito.
“Is there a problem, Sir?” tanong niya. Nasa Manila ang kapatid niya para sa isang art festival. Itatanghal ang likha nitong ikebana kaya siya ang naiwan para pansamantalang mamahala sa flower shop.
“Ma’am or Miss ang itawag mo sa akin. Oo, malaki ang problema ko. Lilies ang ihinanda ninyong bulaklak para kay Marmy. She is allergic to lilies. Ngayon naka-confine siya sa clinic ninyo at di tumitigil sa kababahing. Namumula na ang mukha niya. Poor Marmy,” anito at eksaheradong sinapo ang noo.
Nilingon niya ang mga staff at pawang namumutla ang mga ito. Pasimpleng nagkibit-balikat si Dianne. Ibig sabihin ay wala rin itong alam. Nakangiti siyang bumaling kay Babeth. “Miss Babeth, I am sorry. Mukhang hindi na-inform ang mga staff namin sa allergies ni Miss Marmy.”
“Anong hindi alam? Sinabi niya sa TV na may allergy siya sa lily.” Sinapo nito ang dibdib. “Dahil sa lily na iyan, ilang araw siyang naospital at di nakalabas ng bahay. Kaya ‘yung first love niya, ibang babae na nai-date. Alam ba ninyo kung gaano kasakit iyon?” mangiyak-ngiyak nitong sabi.
Bakit kailangan pa siyang bagsakan ng problemang ito? Kung tutuusin ay mga staff ng TV program ang namili ng bulaklak para sa mga contestants. Kahit ano pang paliwanag niya ay laging tama ang customer.
“We will just cover her hospital bills,” she said then pressed her lips tightly.
“I want a grand flower arrangement for the next princess challenge. I also want a basket of American roses delivered to my room,” nakataas ang kilay na sabi ni Babeth. “Nai-stress ako sa inyo.” Saka pakendeng-kenddeng
“Naku! Abuso na ‘yang baklang ‘yan.” gigil na sabi ni Dianne. “Kung nandito si Sir Noah, di niya magagawa iyan.”
“Pagbigyan natin siya ngayon pero kakausapin ko si Kuya Noah.” Malaki ang naipapasok na clientele ng Stallion Shampoo Makeover Challenge dahil nag-sponsor sila dito. Bahala na ang kapatid niya na ilagay si Babeth sa dapat nitong kalagyan. “May available pa tayong pineapple mint, di ba? Kindly arrange it for me. Dadalawin ko si Marmy sa ospital.”
“Wala naman tayong kasalanan,” sabi ni Dianne.
“We still have to apologize whether it’s our fault or not.”
Nang dumating siya sa clinic ay kinakausap ito ni Doc Nathaniella na ngumiti agad nang makita siya. “She’s better. Nasaksakan na siya ng gamot na kokontrol sa allergy niya. Namumula siya pero mawawala rin iyan.”
Tumango siya at ngumiti kay Marmy na namumula ang buong mukha. “Sorry. Hindi na-inform ng mga staff ko ang tungkol sa allergy mo. Pero dinalhan kita ng pineapple mint. Makakatulong ito para lumuwag ang paghinga mo.”
Nalukot ang mukha nito. “Palabasin ninyo siya, Doc. Baka mamaya lasunin naman ako ng babaeng iyan.”
Napaurong siya sa nakitang galit sa mukha ni Marmy. “Bakit ko naman gagawin ‘yon? Hindi naman namin sinasadya ang nangyari sa iyo…”
“Sinadya mo iyon!” bintang nito. “Alam ng lahat na may allergy ako sa lily. Dahil sa lily na iyan…” Pinigil niyang itirik ang mga mata niya habang ikinukwento nito ang malungkot nitong pag-ibig. “Look at me! Daig ko pa ang sinampal ng sampung beses. Gusto mong pumangit ako para di na ako magustuhan ni Cody. Nagseselos ka dahil ako na ang gusto niya ngayon.”
“Marmy, calm down,” sabi ni Nathaniella dito. “Magpahinga ka muna.”
“Babalik na lang ulit ako, Doc,” malumanay niyang sabi. Jeez! Okay lang na magalit ito dahil sa allergies nito pero di naman patas na pagbintangan siya nitong nagseselos kay Cody. Ni hindi na nga niya ito nilalapitan. Siya na ang umiiwas.
“Doc, patay na patay siya kay Cody. Alam mo ba na umiyak pa siya dahil nakita niya ako sa bahay ni Cody.”
She was not listening to this. Aalis na lang talaga siya. Nakita pala iyon ni Marmy at na-misinterpret nito.
Paglingon siya ay naestatwa siya dahil nasa pinto si Cody. Mukhang gulat na gulat din ito sa mga rebelasyon ni Marmy.
Nilagpasan niya ito at dali-daling lumabas ng silid. Binilisan pa niya ang lakad nang marinig niya ang paghabol ni Cody sa kanya. “Freezia, wait!”
“Cody, bumalik ka na lang sa loob.” Itinaas niya ang kamay at di na ito nilingon pa. “Gusto ko lang mag-sorry na nagka-allergy si Marmy at di namin kasalanan iyon.”
“Naniniwala ako sa iyo,” malumanay nitong sabi.
Nilingon siya nito at nakita niya ang sinseridad sa mga mata nito. Those wonderful eyes were ready to melt her heart. “Thank you,” aniya at umalis na.
Ayaw na niyang magtagal pa kasama nito. Baka hindi na niya ito pabalikin pa kay Marmy. At baka aminin niyang para dito ang luha niya at hindi sa mga freesias.