Stallion Island Series Chapter 196

Kinaiinggitan ng mga kababaihan si Vix dahil siya ang babaeng pakakasalan ni Trick Vergara na miyembro ng Stallion Island Leisure and Riding Club. Pero nang mapili siyang tumakbong mayor ng San Martin ay nagbago ang ihip ng hangin. Nawala sa kanya si Trick.

Pero hindi siya susuko. She must take him back. Isa lang ang kondisyon ni Trick. Iwan niya ang pulitika. Pero oras na gawin niya iyon, baka tuluyan na niyang hindi makuha ang pagmamahal ng Mama niya.

Sino ang pipiliin niya? Ang pagmamahal ni Trick o ang pag-asang mahalin siya ng Mama niya?

Hindi mapakali ang kalooban ni Vix habang nakatitig sa hiwa ng blueberry cheesecake sa harapan niya. Nagmimiryenda siya kasama ang Mama niya at ang Kuya Guilbert niya sa gazebo sa gitna ng garden sa Villa Elizaga. Hindi ang masarap na cake na iyon ang laman ng isip niya. She was craving for something else. Something forbidden. At hindi siya matatahimik hangga’t hindi nasa-satisfy ang craving niya.

“Mabuti naman at pumayag kang tumakbong congressman, hijo. You must do good in Congress. I want you to be the best,” anang mama niya na si Miriam Elizaga. Pamilya sila ng mga pulitiko. Mula sa mga ninuno nila na humawak ng posisyon sa gobyerno mula sa panahon ng Kastila hanggang sa namayapa niyang ama na dating gobernador. Ang Kuya Guilbert niya ang kasalukuyang mayor ng bayan ng San Martin at ngayon ay tatakbo na congressman.

“Mama, hindi pa po natin nakakausap ang partido kung sino ang pipiliin nilang tumakbong congressman,” wika ng kapatid niya at uminom ng calamansi juice. Siya ang assistant ng kapatid niya at chief ng staff nito. Nag-resign siya bilang dating chief of staff sa Congress para matulungan ang kapatid niya sa pagiging Mayor.

“No problem, hijo. The party’s president will favor us. Inaanak namin ng Papa mo ang anak niya sa kasal. Isa pa, malaki ang naitulong ng pamilya natin para manalo siya sa Senate last election. At kung tatakbo siyang presidente sa susunod na presidential election, kailangan niya ang suporta ng pamilya natin.”

Kampante ang mama niya dahil hindi lang sila kilala sa buong lalawigan kundi pati sa buong rehiyon. Maganda kasi ang naiwang reputasyon ng lolo at ng namayapa niyang ama na ipinagpapatuloy naman ng kapatid niya.

Sa totoo lang ay ayaw niyang isipin ang anumang may kinalaman sa pulitika sa araw na iyon. All she cared about was her craving and desire. Isa lang ang makakatulong sa kanya – ang nobyo niyang si Trick Vergara.

Dapat ay kanina pa siya nito sinundo para sa weekend getaway nila papuntang Stallion Island kung saan ito miyembro. At kung hindi pa ito dadating anumang oras ay baka bumigay na ang utak niya. Nasaan ba ito kapag kailangan niya ito? Ito lang ang pwedeng maka-satisfy ng cravings niya.

“Victoria Grace, are you listening to me?”

Nagulat pa siya nang matuklasang siya na pala ang kinakausap ng mama niya. “Mama!”

“Why aren’t you paying attention? Bakit hindi nababawasan ang kinakain mo?”

“B-Busog pa po ako,” aniya at matipid na ngumiti.

“Baka naman mag-collapse ka na niyan,” nag-aalalang sabi ng kapatid niya. “Sumubo ka kahit kaunti, Vix.”

“Mabuti ngang hindi muna magkakain ‘yang kapatid mo. Baka tumaba iyan at iwan na naman ni Trick.” Sinapo ng Mama niya ang noo nito. “I can’t stand another disgrace. Maswerte ka dahil may lalaki pang katulad niya na interesado sa iyo. You are almost a spinster. Sa dami ng mga babaeng mas bata na nakapaligid sa kanya, magpasalamat ka dahil ikaw pa rin ang pinili niya.”

Pinili na lang niyang huwag sumagot sa pambubuska ng mama niya. Isang malaking kahihiyan para dito na dalawang beses siyang iniwan ng mga lalaking pakakasalan niya. Ang una ay ipinagpalit siya sa green card habang ang pangalawa naman ay gusto lang siyang pakasalan dahil sa political affiliation niya. Nang makatagpo ito ng isang sikat na artista na apo pa ng isang dating Senador ay iniwan siya nito. Nalaman din niya na may karelasyon ito na isang GRO sa nightclub. Mabuti nga at di natuloy ang kasal nila kundi ay thropy wife lang din siya katulad ng asawa nito na miserable dahil sa kalokohan ng asawa nito.

Subalit hindi iyon ang nakikita ng Mama niya. For her, she was a failure. She was not good enough. Ang dalawang kasalang iyon sana ay kasama sa pangarap ng mama niya na pagsasama ng sikat na political clan sa probinsiya nila. Iyon lang ang nakikitang silbi sa kanya ng Mama niya. Bata pa lang kasi ay hindi na siya ang paborito ng mga magulang niya. Ang Papa niya ay laging pinapaboran ang Kuya Guilbert niya habang ang mama niya ay paborito ang bunso nilang si Daniel. Nang di matuloy ang pagpapakasal ni Daniel sa babaeng pinili ng magulang niya ay siya ang napagbalingan nito. Naglayas kasi ang kapatid niya. Mabuti at nariyan ang Kuya Guilbert niya para ipagtanggol siya. Naging maganda lang ang tingin sa kanya ng Mama niya nang maging boyfriend niya si Trick.

Iba si Trick sa mga nauna niyang boyfriend. College pa lang ay magkaklase na sila sa University of the Philippines. Isa ito sa mga hinahabol ng mga kababaihan sa campus. Magkaibigan naman sila at medyo crush na niya ito pero parang di naman sila bagay. Kung may pagkakikay siya ay masyado naman itong tahimik. Matapos ang sampung taong pagkakaibigan nila ay nagtapat ito ng pag-ibig sa kanya. Totorpe-torpe kasi ito. Isang linggo lang ang pinalipas niya saka ito sinagot. Hindi naman na sila bumabata. Twenty-seven na siya nang maging boyfriend niya ito. Noong una ay hindi pa pabor dito ang mama niya dahil may manliligaw siyang Congressman na kasingtanda na ng mama niya. Habang si Trick ay isa lamang simpleng magsasaka at mangingisda sa paningin ng Mama niya. May mga palaisdaan at bukirin kasi si Trick.

Pero nang maging miyembro ng prestihiyosong Stallion Island Riding and Leisure Club si Trick ay kulang na lang Mama na niya ang mag-propose ng kasal kay Trick. Maganda kasi ang reputasyon ng mga Stallion Boys. Tanging mga lalaking may sinasabi at may magandang pangalan ang tinatanggap sa club na iyon na pag-aari ng pito sa pinakasikat na bachelors sa mundo kasama ang isang tunay na prinsipeng si Prince Rostam.

“Trick loves Vix. Iyon ang mahalaga, Mama,” anang Kuya Guilbert niya.

“Ang mahalaga may nagawang tama ang kapatid mo,” sabi ng Mama niya. “Your wedding will be perfect. Makaka-attract tiyak iyan ng attention lalo na kapag in-announce natin na tatakbo siyang mayor.”

Tinungga niya ang juice dahil natetensiyon siya kapag nasasali si Trick sa usapin ng pulitika. “Ma, Trick is not into politics.”

“It is in his blood, my dear. Alalahanin mo na ang mga Vergara ay nauna pa sa pulitika kaysa sa pamilya natin. Bayani ang mga magulang niya na ipinaglaban ang karapatan ng mga maliliit na magsasaka. And they died because of it. I am sure nabubuhay din iyon sa dugo ni Trick.”

Tumutulong din si Trick sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda pero bilang isa sa mga ito. Hindi sa pamamagitan ng pagpasok sa pulitika.

“Ma, tatakbo na ako sa Kongreso. Bakit hindi na lang natin hayaan sila Vix at Trick sa tahimik na buhay?” suhestiyon ng kapatid niya.

“Bakit naman hindi? Mas maganda kung nasa pamilya pa rin natin ang kontrol ng San Martin. Sino ang magtutuloy ng projects natin? Paano kung sirain lang ng ibang uupo ang magagandang projects natin. Kapag galing sa pamilya natin ang susunod na mayor, tiyak na di tayo matatalo. Marami pang magagawa sa San Martin ang pamilya natin.”

Nagkatinginan na lang silang magkapatid dahil may punto ang Mama niya. Wala naman siyang masasabi pagdating sa performance ng pamilya nila. Isa sa tinitingalang bayan ang San Martin dahil hindi lang ang pag-unlad ang iniisip nila kundi pati ang kalikasan. Kahit na mukhang ambisyosa ang Mama niya ay iniisip pa rin nito ang kapakanan ng mga tao sa San Martin. Di niya ito masisisi kung gusto nitong patuloy na pagsilbihan ng pamilya nila ang mga tao doon.

Nagpatuloy ang Mama niya. She looked upset all of a sudden. “Dapat si Daniel ang magiging mayor. But your stupid brother acted like a brat. Hindi niya inisip ang responsibilidad sa pamilya natin. Malaking kahihiyan ang ginawa niyang di pagsipot sa kasal niya. Mabuti na lang at nandiyan si Trick. Makakabawi tayo.”

“Kakausapin ko si Trick, Ma,” anang kapatid niya.

Iwinaksi ng mama niya ang kamay nito. “No! Kakausapin ko si Trick. Hindi niya ako mapapahindian.”

GUSTONG-GUSTO nang hatakin ni Vix palayo si Trick. Kuntodo pa sa pag-eestima ang Mama niya habang ang gusto niya ay sumakay ng helicopter na naghihintay sa kanila para ihatid sila papuntang Stallion Island.

“Dito na kayo mag-dinner, hijo. Marami tayong kailangang pag-usapan. Tungkol sa kasal ninyo halimbawa,” wika ng Mama niya.

“Ma, pwede po bang i-set na lang natin ang schedule ng dinner sa ibang araw?” tanong niya at kumapit sa braso ni Trick. “Baka gabihin kami, Ma.”

Kung magtatagal pa sila doon ay tiyak na isisingit ng Mama niya ang tungkol sa pagtakbong mayor ni Trick. Hahaba tiyak ang usapan at baka ang masayang weekend nila sa Stallion Island ay hindi pa matuloy. Hindi ito ang tamang oras para pag-usapan ang pulitika. Ayaw niyang matulad kay Trick ang mga dati niyang boyfriend na mas gusto pang pag-usapan ang pulitika kaysa sa relasyon nila.

“Okay.” Pilit ang ngiti sa labi ng Mama niya at hinalikan sa magkabilang pisngi si Trick. “You take care of my daughter.”

“Of course, Tita.” Hinalikan siya ni Trick sa ibabaw ng buhok. “Ibabalik ko po siya sa Monday.”

“Take your time. Kailangan din mag-relax ni Victoria Grace.” Nagulat siya nang yakapin siya ng Mama niya.. “This matter rests in your hands, hija. Inaasahan ko na makukumbinsi mo si Trick na maging mayor ng San Martin. That will please me a lot.”

Hindi niya maialis ang tingin sa ngiti ng Mama niya. Parang sa wakas ay may may magagawa siyang bagay na pwedeng magpasaya dito. At ang kailangan lang niyang gawin ay ang kumbinsihin si Trick na maging mayor.

“Ako ang bahala kay Trick, Ma.”

Nangako siya sa sarili niya na gagawin ang lahat para lang matuwa sa kanya ang Mama niya. Ito na ang pagkakataong iyon.

Hindi maialis ang ngiti niya habang nakasakay sa helicopter. She relishing the responsibility. Sa wakas ay pinagkatiwalaan siya ng Mama niya.

“Mukhang masaya ka ngayon.”

“Maganda ang mood ni Mama. And she seems fond of you. Ibig sabihin wine-welcome ka na niya sa family namin.”

Kumunot ang noo nito. “Dati pa naman, di ba?”

Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi. “I am just extra happy today.”

“Ibig sabihin hindi mo na pala kailangan ito?” Inilabas nito sa food compartment ang paborito niyang isaw at atay ng manok. “Ibibigay ko na lang ito kay Slade.” At saka niya narinig ang halakhak ng piloto nila.

Inagaw agad niya ang pagkain dito. “Don’t you even dare! Hudas ka talaga kapag ibinigay mo kay Slade iyan.” At di na siya nag-aksaya ng panahon. Kumain agad siya ng isaw. “Alam mo ba na buong araw akong nagke-crave dito?”

“Alam ko. Kaya nga gusto mo sunduin agad kita, di ba?” natatawang sabi ni Trick. “I hope you are happy now.”

“Oo naman. Kaya nga love na love kitang Hudas ka.”

Isang malaking lihim sa Mama niya ang hilig niya sa street food. Alam iyon ni Trick dahil madalas siya nitong sinasamahang kumain sa mga turo-turo at ihawan. Weird nga daw siya dahil di bagay sa pagka-fashionista niya ang pagkain niya ng streetfood. But just the same. Iyon daw ang nagustuhan nito sa kanya. Hindi siya maarte at hindi siya pasosyal. Mama lang naman niya ang masyadong conscious sa image na dapat niyang i-project. Kaya naman pagdating sa craving niya sa streetfood ay si Trick ang katulong niya.

“Masyado namang guwapong Hudas ni Trick,” komento ni Slade.

“Guwapong Hudas naman talaga siya,” aniya at humilig sa nobyo.

“Terms of endearment namin iyon,” sabi naman ni Trick at inabutan siya ng bote ng mineral water. “Saka kung ako si Hudas, Barabas naman si Vix.”

Nagsimula iyon dahil narinig nila minsang nag-aaway ang mag-asawang katiwala ni Trick sa palaisdaan. Nagtatawagan ng Hudas at Barabas ang mga ito. Kaya iyon na rin ang napili nilang endearment para unique.

Umiling si Slade. “Weird talaga kayong dalawa. Baka kapag nag-away kayong dalawa, ganyan din ang maririnig namin.”

“No. Endearment namin ang Hudas at Barabas,” sabi niya. kapag gusto siyang pagalitan ni Trick ay buong Victoria Grace ang ginagamit nito. Habang siya ay di yata niya magawang magalit sa lalaking ito. He was the best boyfriend in the world. At tiyak niya na magiging best husband din ito sa kanya.

“Bahala nga kayong dalawa diyan!” sabi ni Slade.

“Kailan ka naman magkakaroon ng babaeng tatawag sa iyo ng Hudas, Slade?” tanong ni Trick dito.

Tawa lang ang isinagot ni Slade. He was one of those men who loves the company of different women. Malabo pa itong maging katulad ni Trick na handang pakasalan ang babaeng mahal nito.

Pagdating ng Stallion Island ay idinala agad siya nito sa kuwadra sa mismong villa nito kung saan nakalagak ang kabayo nito. “Magho-horseback riding tayo kahit na gabi na?” tanong niya. Sa wakas yata ay pagbibigyan siya ni Trick na mangabayo sila sa gabi. She thought it was romantic. Pero para dito ay delikado iyon. May pagkakaskasera kasi siya pagdating sa pagpapatakbo ng kabayo. Baka daw madisgrasya pa siya lalo na’t gabi.

“No. May regalo ako sa iyo.” Iginiya siya nito papasok ng kuwarto. Naroon si Rainbow Star, ang mare na sinakyan niya nang nakaraan. “She’s yours.”

Natutop niya ang labi. Nirentahan lang ni Trick si Rainbow Star para magamit niya sa horseback riding noong nakaraan. “S-Sa akin na siya?” Her heart sank. “Trick, masyado itong mahal…”

It was a Morgan horse. Magandang klase iyon ng saddle horse. At alam niyang hindi biro ang halaga niyon.

Hinaplos nito ang pisngi niya. “Anything to make you happy.”

Hindi naman ang halaga ng isang bagay ang mahalaga sa kanya. Pero alam niya na handang ibigay ni Trick ang lahat sa kanya. Mahalaga sa kanya ang pang-unawa nito at ang kagustuhan nitong pasayahin siya. Mula sa pagpapakain sa kanya ng streetfood hanggang sa mamahaling kabayo.

Tumingkayad siya at yumakap sa leeg nito. “Thank you!”

She kissed him to show her gratitude. Hinayaan siya ni Trick. Then her kiss started to become bold. Trick’s lips were so sweet, she couldn’t help herself.

There was something about his kiss and touch that makes it so excitin as if he was kissing and touching her for the first time. Pakiramdam niya ay teenager siya na excited sa halik at yakap nito. And she wanted to devour him.

Pinigilan nito ang balikat niya bago pa tuluyang lumalim ang halik. “Vix, baka makakita sa atin.”

“Ha?” Luminga siya. Dagat lang naman ang nasa harapan nila at ang susunod na cottage ay malayo sa paningin niya. “Wala namang nakakakita sa atin.”

“Kahit na. Importante sa akin ang reputasyon mo.” Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Take a rest. Magho-horse back riding tayo bukas.”

Gusto niyang magpapadyak sa inis ang tanging ibinigay lang sa kanya ay halik sa pisngi at sa noo. Not the romantic kiss she wanted. Ikakasal na lang sila at lahat ay natotorpe pa ito. Minsan nga iniisip niya kung virgin pa rin ito.

Pwes, oras na ikasal sila ay titiyakin niyang hindi na siya nito matatanggihan. At iyon ang paghahandaan niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.