Stallion Island Series Chapter 197

Hindi maiwasang mainggit ni Vix habang pinapanood ang pagiging sweet ng pinsan niyang si Noah at ng girlfriend nitong si Olay. Nasa Windy Café sila kung saan isang stand up commedienne at music master si Olay. Pero gabi pa ang trabaho nito at sa buong araw na iyon ay si Noah ang kasama nito. Nagsusubuan pa ang mga ito na parang walang tao sa mundo.

“Ang sweet naman ninyo,” aniyang di maiwasang mainggit.

“Ikaw nga itong ikakasal na kay Fafa Trick. Ako ang dapat na mainggit,” sabi ni Olay. Kasasagot pa lang kasi nito kay Noah at mukhang ie-enjoy pa ng mga ito ang relasyon. Bata pa naman kasi si Olay at pagtulong pa sa pamilya ang focus nito.

Isang tipid na ngiti lang ang isinagot niya at sumubo. Hindi mahilig si Trick sa public display of affection. Madikit lang siya ng kaunti dito ay parang praning na praning na itong may makakita sa kanila. She just wanted to feel beautiful and wanted. Alam naman niyang mahal siya ni Trick. Di ito nahihiyang sabihin iyon sa iba. Siguro ay iniingatan lang nito ang reputasyon niya. Pero di naman nasisira ang reputasyon ng mga tulad ni Olay kahit pa sweet na sweet si Noah dito sa publiko.

Humihingal nang dumating ang pinsan niyang si Freezia. “Nandito na ako…”

Dumilim ang mukha ni Noah. “Saan ka nanggaling? Late ka na para sa lunch.”

Umupo si Freezia sa tabi niya. “Kasisimula pa lang naman ninyo, di ba? Hindi ko maiwan ang orchids sa Paradiso. Nakakatuwa silang alagaan.”

Ang Paradiso ay orchid garden na ipinagawa ng miyembrong si Jairon para sa nobya nitong si Xandie. Doon gaganapin ang nalalapit na kasal ng mga ito at si Freezia ang kinuha para pangalagaan ang mga bulaklak.

Isang horticulturist si Freezia at siyang expert pagdating sa mga halaman. Sa San Martin ay pag-aari ng pamilya nito ang malaking taniman ng mga bulaklak. Habang ang nakatatandang kapatid nitong si Noah ay isa namang ikebana expert at may sariling flower shop sa isla.

“Close talaga kayo ng mga bulaklak at halaman, no?” sabi ni Olay. “Parang itong Kuya Noah mo.”

“Normal pa naman ako. Hindi ako katulad ni Freezia na nakikipag-usap sa mga halaman,” depensa ni Noah. “Nauna na kaming kumain. Hindi pwedeng malipasan ng gutom ang Ate Olay mo.”

Kinuha ni Freezia ang menu. “Pasensiya na, Ate. May dinaanan pa kasi ako sa bookstore. May binili ako para sa iyo na sure na makakatulong sa iyo. Para naman hindi napo-pollute ang mga orchids ko sa mga reklamo mo.”

Kaninang umaga matapos nilang mag-horseback riding ni Trick ay ihinatid siya nito sa Paradiso kung saan nagtatrabaho si Freezia habang ito naman ay tumuloy sa meeting nito kasama ang mga kliyente ng prawn farm nito.

Kay Freezia niya naihinga ang sama ng loob niya dahil ayaw man lang siyang halikan ni Trick. Shock na shock ito dahil pinagbantaan niyang itatali niya si Trick sa honeymoon nila para wala na itong kawala sa kanya.

“Anong makakatulong sa akin?” pabulong niyang tanong.

Inilapit nito ang bibig sa tainga niya. “Art of Kamasutra.”

Nagningning ang mga mata niya at muntik nang tumawa. Akala kasi niya conservative ang pinsan niya. May nalalaman pa itong Kamasutra. “Gusto ko iyan. Nasaan na?”

Nagulat pa ito nang matuklasang wala itong hawak na paper bag. “Hala! Naiwan ko kanina sa e-jeepney. Asar kasi ‘yung Cody na iyon! Ipinagsabi ba naman sa kasama niyang mga models na patay na patay ako sa kanya.”

Si Cody ay miyembro ng Stallion Island at isang sikat na supermodel. High school pa lang ay schoolmate na ang mga ito at laging nagbabangayan. Lagi kasing dinudugas ni Cody ang mga halaman sa greenhouse ng school kung saan nag-aaral ang mga ito. Ipinamimigay lang naman ni Cody sa ibang babae ang mga bulaklak. Samantalang si Freezia naman ang presidente ng Botany Club. Kaya naman hanggang ngayon ay mortal na kaaway ang turing ni Freezia dito.

“Ipapa-announce ko na lang,” sabi ni Noah at Blackberry nito. “Anong pangalan ng librong naiwan mo?”

Namutla si Freezia. Di nito pwedeng sabihin kung anong libro iyon o baka ihawin ito ng buhay ni Noah. Kahit na twenty-five na si Freezia, parang bata pa rin ang trato ni Noah dito minsan dahil nag-iisa itong kapatid at babae pa. kaya nga walang pwedeng manloko kay Freezia na lalaki.

“Freezia, ito ba ang hinahanap mo?” tanong ni Cody at itinaas ang librong nakabalot pa sa paper bag.

Tumayo si Freezia at inilahad ang kamay. “Akin na iyan!”

Pumalatak si Cody. “Hindi ko ito basta-basta maibibigay sa iyo. Pakiramdam ko naka-imprenta pa itong libro sa mukha ko dahil ibinato mo sa akin.” He looked at Noah coolly. “Kuya Noah, hindi ba may punishment kapag nanakit ng member lalo na’t kasing guwapo ko?”

“You deserve it!” katwiran naman ni Freezia.

Nagkibit-balikat si Cody. “Well, you have to meet me at the security office then if you want to get this book back. Magre-report muna ako sa kanila dahil pakiramdam ko may sumasampal pa rin sa mukha ko hanggang ngayon.” Sumaludo ito saka naglakad paurong. “Enjoy your lunch!”

“Cody, don’t!” May halong pakiusap sa boses ni Freezia. Isang tono na mukhang unang beses nitong ginamit kay Cody. Nang di ito pinansin ni cody ay napilitan itong sundan ang modelo.

“Baka anong gawin ni Cody kay Freezia,” nag-aalalang sabi ni Olay.

Ngumiti lang si Noah. “Believe me. Mas dapat kang maawa kay Cody. High school pa lang nagpapaalam na ‘yan na liligawan niya si Freezia. Hanggang ngayon hindi pa rin makaporma.”

“Baka daigin niya si Trick sa pagiging torpe.” Ikakasal na lang sila ay natotorpe pa rin ito hanggang ngayon. Kailangang mabawi ni Freezia ang Kamasutra book na ibibigay nito sa kanya. Isa iyong magandang sorpresa sa honeymoon nila ni Trick. At baka may makuha siyang tips para di na ito masyadong mahiyain.

“Padalhan na lang natin si Freezia ng lunch niya,” sabi ni Olay nang mukhang di pa rin babalik si Freezia. “Tapos i-charge natin kay Cody.”

Matapos ang tanghalian ay tumuloy siya Lighthouse Café and Restaurant para sa design ng wedding gown niya. Pag-upo pa lang niya ay nilapitan na siya ng owner na si Darwayne. “Vix, gusto mo bang i-serve ko na ang mango cheesecake na ipinagawa ni Trick para sa iyo?”

“Oo naman! Hinding-hindi ko pahihindian iyan.”

“Pati pala dessert si Trick din ang umoorder para sa iyo,” sabi ni Ayumi sumimsim ng cherry blossom tea. “Gusto ka talaga niyang alagaan.”

“Inaalagaan ka rin naman ni Raddison.”

Iniikot nito ang mga mata. Si Raddison ay isa sa mga village lords at ang lalaking gusto ni Ayumi. “Tingin yata niya sa akin five years old pa rin. Parang mas gusto niyang maging pangalawang ama ko. At parang gusto niya akong isabit sa pakpak ng eroplano niya kapag sinasabi kong gusto ko siya.”

Di kaya balatan siya ng buhay ni Trick kapag inakit niya ito bago ang kasal nila? “Kumain ka na lang din ng cheesecake. Mahirap talagang intindihin ang mga lalaki minsan. Pagkain lang ang katapat niyan.”

Natigil sila sa pagkukwentuhan nang may marinig silang isang grupo ng kababaihan na nagtawanan. Nasira agad ang mood niya-ang mga Sirens. Ang grupo ng mga kababaihan na tingin ay pag-aari ang mga Stallion Boys.

“Cheesecake? Hindi pa yata ‘yan zero fat,” sabi ng leader na si Merian. “Sa lakas mong kumain, baka hindi ka magkasya sa wedding gown mo. Baka bigla kang iwan ni Trick. Di ko siya sisisihin kung sa amin siya babaling.”

At sumang-ayon naman ang mga babaeng kasama nito.

Ayumi gave her a warning look. Mas gusto na huwag na lang patulan ang mga Sirens. Pero hindi siya umuurong sa laban.

“Si Trick pa mismo ang um-order nito para sa akin. Mas gusto niya ang ganoon kaysa sa mga anorexic. Tumaba man ako, Trick will still marry me. Hindi katulad ng iba diyan na twenty-five years nang habol ng habol sa mga Stallion Boys pero hindi pa rin pinapansin hanggang ngayon,” pasaring niya.

Nagkatinginan ang ibang miyembro ng Sirens na parang gulat na gulat at saka bumaling kay Merian. “Akala ko ba twenty years old ka lang?” tanong ni Raine. “Bakit twenty five years ka nang naghahabol sa mga Stallion Boys?”

Namula sa galit si Merian. “Oo na! Hindi lang ako twenty years old. Twenty eight na ako.” Dinuro nito isa-isa ang miyembro. “Subukan lang ninyong sabihin sa iba at di na kayo makakatungtong sa Stallion Island.”

Nakasunod sila ng tingin sa mga ito nang lumabas ng Windy Café. “Joke ba iyon?” tanong niya kay Ayumi.

Humagikgik ito. “Buti na lang talaga may allergy sa kanila ang mga village lord. I don’t have to worry about my brother hooking with one of them. O baka isa sa kanila ang magiging prinsesa ng Al Ashiq at pakakasalan ni Kuya Rostam…”

“At di rin nila maaagaw sa akin si Trick.”

“At sino naman ang aagaw sa akin sa iyo?”

Gulat niyang nilingon si Trick. Subalit di agad niya ito nakilala. Mas madalas niya itong makitang nakasuot ng simpleng T-shirt at jeans. Minsan nga kapag dumadalaw siya sa farm nito ay simpleng working polo lang at pantalon. But he was wearing a business suit. Every inch respectable. Madalang niya itong makita sa ganoong damit. Sa mga importanteng okasyon lang. he simply took her breath away. At parang may init na yumakap sa katawan niya. It was like seeing him for the first time again and attraction hit her hard.

Tumayo siya at hinawakan ang lapel ng suit nito. “Hi, Pogi! May girlfriend ka na ba?”

Tumawa si Trick. Iyon kasi ang unang salitang sinabi niya dito noong magkaklase sila sa Political Science sa UP. Masyado kasi itong tahimik at mukhang masungit. Siya ang unang babaeng nag-approach dito. And it got his attention.

“I am actually engaged,” he said in a formal voice but with a smile on his lips. “Walang girlfriend si Congressman Evandro.” Saka nito itinuro si Evandro na kasunod lang nito. “He is more influential and more loaded than I am.”

Sumimangot siya at kumapit sa braso ni Trick. “Si Crush? Kapag hindi mo ako pinakasalan, siya ang pipikutin ko.”

Ipinaspas ni Evandro ang kamay. “Pakasalan mo na nga ‘yang girlfriend mo. Baka kapag nabigo iyan sa iyo, ako pa ang mabalingan.”

“Kuya Evan, patapusin muna ninyo kami sa meeting namin. Gagawin ko na agad ang wedding gown para makasal na sila,” pagtataboy ni Ayumi. “Now leave us in peace.”

“Magbibihis muna ako,” sabi ni Trick at sinimulang kalasin ang necktie nito.

“Gusto ko nakaganyan ka mamayang dinner,” wika niya.

“Magho-horseback riding tayo at sa Log Cabin tayo pupunta. It is silly to wear something formal like this,” katwiran nito.

“Ako ang bahala.”

HINDI inaalis ni Vix ang tingin kay Trick habang nagdi-dinner sila. She loved the new Trick infront of her. Mas nasanay siya na nakapantalon lang ito at simpleng polo at working boots. She thought that she loved the rustic Trick that she knew. Pero iba pa rin ang epekto ni Trick sa kanya kapag naka-formal attire ito.

Tumigil ito sa pagsubo nang mahuli siyang nakatitig dito. “Anong problema? May pangit pa sa suot ko?” tanong nito.

“No! Sobrang guwapo mo nga ngayon.” Hinaplos niya ang gilid ng labi nito. “You are perfect.”

Iniwas nito ang tingin sa kanya at sumubo. Kahit hindi niya nakikita ang mukha nito ay alam niyang nagba-blush ito. He was painfully shy for a grown man. Parang di ito sanay na binibigyan ng compliments. “Paano akong naging perfect? Hindi ako kasing perfect ng crush mong si Lord Evandro.”

“Nagseselos ka ba?”

“No.” Huminga ito ng malalim. “Well, I remember your mother telling me how much she prefers a son-in-law like Congressman Evandro Luminares. He is a respectable politician and the people love him. Kung siya ang nanligaw sa iyo, di mo ako papansinin. Sabi nga ng Mama mo, isang magsasaka at mangingisda lang ako.”

“Masyado mo namang dinidibdib ang sinabi ni Mama. Gusto ka na niya ngayon. And people also love you, Trick.” Mahal na mahal ito ng mga tauhan nito. Mas mahalaga kasi kay Trick ang kapakanan ng mga trabahador nito sa palaisdaan at bukid kaysa sa kikitain nito. “At sa palagay ko mamamahalin ka rin ng San Martin bilang susunod na mayor nila.”

“Ako? Mayor?” Natawa lang ito sa sinabi niya. “Come on! Kahit kailan hindi ko naisip na magiging mayor ako o kahit baranggay kagawad man lang.”

Ginagap niya ang kamay nito. “Please consider it. Naisip ni Mama na maganda kung ikaw ang susunod na mayor ng San Martin kung magpapakasal na tayo. Parte ka na ng pamilya namin.”

“No!”

Vix didn’t deter when she heard Trick say no. Kampante siya na hindi siya pahihindian ni Trick. Simple lang kasi ang tingin nito sa sarili. Isang magsasaka at mangingisda kahit miyembro pa ito ng Stallion Island. Minamaliit nito ang kaya nitong gawin at ang pwede nitong marating.

Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa kamay nito. “Hindi ito mahirap para sa iyo. Public service is in your blood. Kung magiging mayor ka ng San Martin, mas marami kang matutulungan. At sigurado ako na mananalo ka. Maraming susuporta sa iyo. Magiging magaling kang mayor. Just like your father.”

Nanlamig siya nang bawiin nito ang kamay sa kanya at kaswal na uminom ng red wine. Hindi na bumalik pa ang ngiti sa labi nito. “No,” mariin nitong tutol. “Nangako ako sa sarili ko na magkakaroon ako ng normal na pamilya. I won’t involve myself with politics again. I won’t risk you or our future children, Vix. Gusto ko ng normal na buhay para sa atin.”

“We can handle that life together, Trick. I am used to this.”

Tumayo ito at ihinagis ang napkin sa mesa. “Well, I am through with that kind of life!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.