In-off ni Vix ang cellphone niya para takasan ang mga tawag sa kanya. Kasama na doon ang senador na siyang standard bearer ng partido kung saan kasapi ang pamilya niya. It has been confirmed. Ibinigay na nito ang endorsement sa kanilang magkapatid. Pero umagang-umaga pa lang ay tawag na ito ng tawag. Noong nasa Congress pa siya ay nanligaw ito sa kanya pero di niya ito type. Mahina kasi ang character nito at walang ginawa kundi matulog kapag may session. Bukod pa doon ay may iba pa itong girlfriend.
Nang magkita ulit sila, mukhang gusto na naman nitong magparamdam. Kahit maging presidente pa ito ng Pilipinas, hindi siya magkaka-interes dito.
At sa araw na iyon, kalilimutan muna niya ang pulitika. Si Trick lang ang gusto niyang pagbuhusan ng atensiyon. Kadarating lang nito nang nakaraang gabi galing sa Agusan. Kaya naman di pa sumisikat ang araw ay bumangon na siya para ipagluto ito ng agahan. Ito naman ang aalagaan niya.
Papasok ng farm ay binati siya ng mga tauhan nito. “Mayor!”
“Hindi pa naman po ako mayor,” nakangiti niyang sabi.
“Basta kayo po ang iboboto namin.”
Kalat na sa buong San Martin na tatakbo siyang mayor. Sana lang ay wala pang bumabanggit tungkol doon kay Trick. Gusto niyang siya mismo ang magpaliwanag dito.
Ipinarada niya ang sasakyan sa harap ng bahay na itinayo pa noong panahon ng mga Amerikano. Doon nanirahan ang mga magulang ng Mama ni Trick at doon pinili ni Trick na manirahan kahit may iba pa itong farm at palaisdaan.
Tumuloy agad siya sa kusina. “Ay! Nandito na pala si Mayor,” sabi ng katiwala na si Aling Carmen. “Maaga yata kayong dumating.”
“Gusto ko po sanang ipagluto ng agahan si Trick. Sosorpresahin ko po.” Saka niya inilapag ang mga dalang ingredients para sa special fried rice niya. “Saka huwag po muna ninyo akong tawaging mayor. Matagal pa po ang eleksiyon at ihindi pa po sigurado kung mananalo ako.”
“Wala namang kakalaban sa pamilya ninyo dito sa San Martin. At lahat kami iboboto kayo.”
“Alam na po ba ni Trick ang tungkol dito?” tanong niya. Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Ayaw niyang sa muling pagkikita nila ni Trick ay magtatalo pa sila. Sasabihin din naman niya dito ang totoo pero pagkatapos na ng agahan.
“Hindi pa. Pagdating dito kagabi nagpahinga agad sa sobrang pagod. Di pa nga niya naaayos ang palaisdaan mismo. Inuna pa niyang ayusin ang mga bahay ng mga trabahador niya. Kawawa naman at nasira ang mga bahay.”
Tumango siya at nagsimulang hiwain ang carrots. “Kung pwede po sana huwag muna ninyong sabihin sa kanya. Gusto ko pong ako ang magsabi.”
“Walang problema. Pero mas matutuwa ako kung matutukoy na ang kasal ninyo. Para naman may mag-alaga sa batang ioyan. Mahirap mag-isa.”
Trick practically had no family. May mga kamag-anak ito pero di naman nito laging nakakasama. Alam niyang nami-miss nito ang mga magulang at kapatid. Sana lang ay siya ang makapuno sa kulang sa buhay nito.
“Susunduin ko na si Trick sa kuwarto niya,” sabi ni Aling Meling nang tapos na silang magluto.
“Ako na lang po ang susundo sa kanya,” aniya at tinanggal ang apron.
“Pumasok ka na lang sa kuwarto niya. Baka tulog pa rin iyon hanggang ngayon dahil isang linggo na siyang walang tulog.”
Feeling housewife na siya ngayon pa lang. Dati na niyang naipagluluto si Trick pero ngayon pa lang niya ito naipagluto ng agahan at susunduin pa sa kuwarto nito.
“Trick! Gising ka na ba?” tanong niya at kumatok sa pinto. Nang wala siyang nakuhang sagot mula dito ay marahan niyang binuksan ang pinto. Ano kaya ang itsura nito habang natutulog? Paano kung nude ito kapag natutulog?
Isang pilyang ngiti ang sumilay sa labi niya. Tiyak na wala na itong itatago sa kanya ngayon. College pa lang sila ay hunkylicious na si Trick. Ilang beses na niya itong nakitang nakapantalon lalo na’t nagtatrabaho ito sa farm. Lagi na lang tumutulo ang laway niya. Lalo na siguro kapag wala na itong damit. Rawr!
Subalit nawala ang ngiti niya nang makitang wala si Trick sa kama nito. Maayos na ang higaan nito. Ni walang gusot ang bedsheet. Ganoon din ang kuwarto nito. Nakaayos ang lahat. Napaka-organized na tao ni Trick. Narinig niya ang lagaslas ng tubig mula sa banyo. Naliligo pala ito kung ganoon. Pati ang mga damit na isusuot nito ay nakaayos na sa ibabaw ng kama.
Siya naman ay sabog ang utak. Bawat galaw niya ay puro gusot. Trick already knew that. Kaya nga ito ang tagaayos niya kapag disorganized siya.
Bumalik ang pilyang ngiti niya nang damputin ang tuwalya. Inamoy niya iyon. Amoy Trick. Mabango. Niyakap niya ang tuwalya at in-imagine kung anong itsura ni Trick habang naliligo. Humagikgik siya at sinapo ang namumulang pisngi. Nade-devirginize ang utak niya dahil dito. Well, she couldn’t help it. She was engaged to a hunk of a guy. Natural lang na pantasyahin niya ito. Ano kaya kung pikutin na niya ito agad?
Naglalaro ang madilim niyang balak sa utak niya nang biglang bumukas ang pinto. Lumabas si Trick na basang-basa. Wala itong suot kahit isang saplot sa katawan at tanging tubig lang ang bumabalot sa katawan nito. Pareho silang natulala at hindi makagalaw. Ni hindi nga siya makahinga habang ang mga mata niya ay sinusuyod ang bawat pulgada ng katawan nito.
Trick was six inches tall and was packed with lean muscles. Sanay na sanay kasi ito sa mabibigat na trabaho at bilad pa sa araw. If there was one thing that she wanted to do right now, it was to kiss every inch of his body.
Parang may magnet na tumutok ang mga mata niya sa sentro ng katawan nito. Nagbago ang isip niyang pikutin at gahasain ito. Hindi niya iyon kakayanin. He was well endowned down there. Kailangan pa niyang mag-review sa Kamasutra book na nabawi na ni Freezia mula kay Cody.
Matapos ang mahabang sandali ng pagkagimbal ay mukhang nakabawi na si Trick. “A…Anong ginagawa mo dito?”
“Sinusundo ka para mag-agahan,” pabulong niyang sagot dahil di pa rin bumalik sa normal ang paghinga niya.
Kumurap ito at niyuko ang sarili. Parang noon lang nito naalalang wala itong kahit anong saplot sa katawan. “Damn!” usal nito at dali-daling pumasok sa banyo. “Hindi ka dapat basta-basta pumapasok ng walang permiso.”
Muntik na siyang humagalpak ng tawa. Napakamahiyain talaga ni Trick samantalang maipagmamalaki naman nito ang katawan nito. Hamak mas maganda ang katawan nito kaysa sa mga artista at models na malakas ang loob na magbilad ng katawan. Gosh! Kundi pa ito bumalik ng banyo ay baka tumulo na ang precious laway niya sa katititig dito.
“Sabi ni Manang Meling pumasok na ako kapag hindi ka pa sumagot. Baka daw tulog ka pa. Di ko naman alam na naliligo ka at…”
She heard another curse. Bumukas ang pinto ng banyo subalit sapat lang para magkasya ang isang kamay nito. Inilabas nito ang kamay. “Vix, could you please pass my towel? N-Naiwan ko kasi.”
Inamoy pa niya ng isang beses ang tuwalya nito. Isang biyaya ang tuwalya na iyon. Iyon ang kanyang bestfriend. Kundi iyon naiwan ni Trick, malamang ay hindi niya nakita ang biyaya sa kanya ng Diyos. “Bakit hindi mo kunin sa akin mismo, Trick?” malambing at nang-aakit niyang tanong.
“Wala akong damit.”
Tumaas ang kilay niya. “So?”
“Anong so?” tanong nito at sumilip ang ulo sa pinto. Magsalubong ang kilay nito at madilim ang mukha.
“Nakita ko na lahat ‘yan.”
Matalim siya nitong tiningnan. Kung naglalabas lang ng kidlat ang mga mata nito ay baka tinamaan na siya. “Victoria Grace, iabot mo ang tuwalya at damit ko sa akin. Ngayundin!”
Napatuwid siya sa nag-uutos nitong tono. Kapag ganoon na ang tono ni Trick ay hindi na niya ito pwedeng kontrahin. Mabait si Trick pero ayaw nito nang ginagalit. And she wouldn’t dare push him. Hindi daw dapat ginagalit ang mababait na tao.
Nanghahaba ang nguso niyang inabot dito ang damit at tuwalya. Too bad. She would really have a grand time pissing him off some more. “Eto na.”
“Thanks.” Hinatak nito ang damit at tuwalya saka isinara ang pinto.
Sayang talaga iyon. Ni hindi man lang niya nasilayan ang alindog nito. Mukhang ayaw na nitong makasilip pa siya.
Kinatok niya ang pinto ng banyo. “Trick, bilisan mong magbihis. Baka lumamig na ang agahan mo.”
“Sandali!” sigaw nito.
“Pinaghirapan ko ‘yon. Di na iyon masarap kapag malamig na.”
“Oo na! Malapit na akong matapos!” At narinig niya ang pagkukumahog nito.
Sumandal siya sa dingding at itinapik ang paa. “Gaano pa katagal? Kapag di ka pa lumabas, papasukin na kita,” banta niya.
“Tapos na ako!” humihingal nitong sabi at lumabas ng pinto.
Muntik na siyang bumulanghit ng tawa nang makita ang itsura nito. Basa pa ang buhok nito ay may tumutulo pang tubig. Hindi tama ang pagkakabutones ng checkered nitong polo at hindi ito magkandatuto sa pagsi-zipper ng pantalon.
“I am ready,” sabi nito at hinawi ng daliri ang basa pa nitong buhok. “Kumain na tayo.”
Lumapit siya dito. Hindi niya sukat-akalaing seseryosohin nito ang banta niya. “No. Hindi ka pwedeng lumabas ng kuwartong ito nang hindi maayos ang butones ng polo mo.” Isa-isa niyang kinalas ang butones ng polo nito. It revealed his gorgeous physic to her innocent eyes once more. Hindi na pala ganoon kainosente ang mga mata niya at isip niya lalo na’t iba na ang tumatakbo sa utak niya. Kung i-seduce kaya niya ito?
“Ako na ang magbubutones kung nagmamadali tayo,” sabi nito at umangat ang dibdib nito dahil sa paghinga nito. She was giving him a scare. He was acting like a prude virgin.
Umiling siya. “Huwag na. Mas lalo lang tayong matatagalan. Pero kung gusto mo, mag-breakfast na lang tayo dito. Breakfast in bed?” alok niya.
“No way!” Lumayo ito sa kanya at ibinutones ang sariling polo. “Sa garden tayo mag-aagahan. Doon sa maraming tao. Gusto kong makita ang mga tauhan ko habang nagtatrabaho. Isang linggo din akong nawala.” At nagpatiuna na itong lumabas ng silid. Parang ayaw na nitong magsolo pa sila. “Come! Gusto ko nang matikman ang iniluto mo para sa akin.”
Napilitan siyang sumunod dito at di na nakipagtalo ka. Tumakbo ka lang ngayon, Trick. May hangganan din ang pagtakbo mo.
“HINDI ka muna magtatrabaho ngayon, ha? Gusto ko kumain ka lang ng kumain at matulog dahil wala kang pahinga at tulog buong linggo,” sabi ni Vix kay Trick habang pinupuno ng pagkain ang plato nito.
“Bakit naman naisipan mo akong ipagluto ng breakfast?” tanong nito at sumubo ng Vigan longganisa na paborito nito. “You usually invite me for dinner. Tapos doon ka sa bahay ninyo nagluluto.”
“Gusto ko lang masanay ka. Kapag kasal na tayo, ako ang magluluto ng breakfast mo, masasanay kang makita ako pagkaligo mo at walang kang damit…”
“Hold that thought!” anito at tumigil sa pagkain. “Baka marinig tayo ng mga tao. At hangga’t di pa tayo kasal, di mauulit ang nangyari kanina.”
“Anong nangyari kanina?” inosente niyang tanong at sinimulang sumubo. “Wala! I didn’t even get to kiss you. And what’s wrong with your gorgeous….”
“Tell me about your week,” putol nito sa sasabihin pa niya. “How did your consultation went? May bago bang naiisip na projects ang kuya mo para sa mga farmers at fisherfolks?”
Namumula ito at hindi makatingin ng diretso sa kanya. Conservative talaga ito. Kung ang ibang kalalakihan ay komportable sa kakisigan ng mga ito, iba naman si Trick.
“Señorito Trick, mabuti at nakabalik na po kayo,” sabi ng katiwala sa taniman ng gulay na si Mang Pablo. “Kumusta naman po ang palaisdaan sa Agusan?”
“Sisimulan na nilang mag-ayos bukas. Gusto ko munang tiyakin na maayos na ang mga bahay nila para di nila alalahanin ang mga pamilya nila,” paliwanag ni Trick.
“Magandang umaga po, Mang Pablo!” bati niya. “Kain po tayo.”
“Naku! Nandito po pala si Mayor,” sabi ng matanda at tinanggal ang sumbrerong gawa sa buri saka siya kinamayan. “Balita ko po nakausap na ninyo si Senador Benitio. Tatakbo po pala siyang presidente. Iba po ang gusto naming kandidato pero kung ie-endorso ninyo siya, iboboto na rin po namin siya.”
Ngiti lang ang isinagot niya habang nararamdaman niya ang matiim na titig sa kanya ni Trick. Hindi ito ang inaasahan niya. Gusto niyang buong araw muna niyang ma-enjoy ang buong araw na iyon bago nito malaman ang totoo. She was not ready for a confrontation yet. Pero mukhang wala siyang magagawa.
“Tatakbo kang mayor?”
Marahan siyang tumango. “Oo,” mahina niyang sagot. “Gusto ni Mama na tumakbo akong mayor. Biglaan iyon.”
“Kailan?”
“Nang makaalis ka na papuntang Agusan.”
“At hindi mo man lang sinabi sa akin?” tanong nito sa marahang boses na lalong nagpatakot sa kanya. Parang isa itong tahimik na bulkan na nagsisimula nang mag-ipon ng lakas para sa nalalapit na pagsabog. And she could feel the earthquake against her chest. “Ilang beses mo akong tinawagan, di ba?”
Bumuntong siya at ibinaba ang kubyertos. “It’s not something that I would discuss over the phone.”
“Nangako ka sa akin, hindi ba? Usapan natin hindi ka tatakbo sa kahit anong posisyon sa gobyerno.”