Vix suddenly felt dizzy. Hindi niya alam kung paanong haharapin ang galit ni Trick. Parang isang malaking kasalanan ang nagawa niya. Hindi niya alam kung paanong dedepensahan ang sarili niya. At hindi niya alam kung makikinig pa rin si Trick sa kanya kahit makaisip siya ng depensa.
Hindi niya napaghandaan ang galit nito. Hindi rin naman niya inaasahan na maging masaya ito. Alam niyang may kaunti siyang pagkakamali. Nakakagawa rin naman siya ng mali dati pero hindi naman ito ganito kagalit. At lagi siyang inuunawa nito. Hindi ito ang inaasahan niya mula sa mabait at maunawain niyang kasintahan.
“Trick, I am sorry. Alam kong nangako ako sa iyo. Sinabi ko na rin ito kay Mama. Akala ko nagkaintindihan na kami dahil nga alam kong ayaw mong may tatakbo sa atin sa eleksiyon. Siguro nakapangako na siya na isa sa kapamilya niya ang tatakbo. Dahil ayaw mong tumakbo, ako na lang ang idineklara niya na tatakbong mayor,” paliwanag niya.
Mariing nagdikit ang labi nito at kinuyom ang palad. “At wala kang pagpipilian?” tanong nito sa boses na bahagyang may panginginig. Parang tinitimpi lang nitong lalong sumilakbo ang galit.
“Gusto mong bawiin ko sa kanya?” Nanlaki ang mata niya. “Akala mo ba ganoon kasimple ang lahat. Saan naman ako kokontra? Nang sabihin ni Mama kay Gov na ayoko nang tumakbo? O baka naman gusto kumontra ako nang mai-endorse na ako ni Senator Benitez.”
Lalong nalukot ang mukha nito. “Na-endorse ka na ni Senator Benitez?”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi at napilitang tumango. Lalong naging negatibo ang enerhiyang nararamdaman niya mula dito. “N-Noong isang araw dumalaw siya sa kabisera at nagkausap kami. Inaprubahan na niya ang endorsement. Dadalhin ako ng partido nila.”
Mariing pumikit si Trick at mariing isinuklay ang daliri sa buhok. “Nasisiraan ka na ba? Akala ko ba ayaw mo sa kanya? Muntik ka na ngang mag-hire ng hitman dahil sa indecent proposal niya. Gusto ka niyang gawing mistress. Maipagkakatiwala mo ba sa katulad niya ang buhay ng maraming tao?”
Hindi na bago sa kanya ang indecent proposals mula sa mga congressman. Inalok siya ni Senator Benitez na maging mistress nito noon at tumanggi siya. Ang kaibihan lang nito sa ibang congressman ay binata pa ito. But just the same. Parang di rin disenteng babae ang trato nito sa kanya.
“He was polite and very gentlemanly during our conversation. Wala kaming pinag-usapan maliban sa mga plano ko para sa San Martin. Saka gusto siya ni Mama dahil wala siyang record ng graft and corruption.”
O mas tamang sabihing plano at programa ng Mama niya. Hinayaan muna niyang ito ang makipag-usap noong una. Naninibago pa rin siya. Kahit na dati na siyang nagtatrabaho para sa mga pulitiko, malaki ang kaibihan niyon dahil siya na ang haharap sa mga tao. Mas malaki ang responsibilidad niya. Magaganda naman ang plano ng Mama niya at programa ng kapatid niya na gusto niyang ituloy.
Pagak na tumawa si Trick at umiling. “Hindi siya corrupt? Disente siya? Malinis? Sa sobrang linis nga siya, wala siyang accomplishments. And you know that yourself. Ilang beses siyang nahuling natutulog sa Senado at Kongreso tuwing may session sila. Habang nagtatrabaho ang mga kasamahan, siya nakatulala. Ni wala nga siyang naipasang batas. Sumusweldo siya at may pork barrel siya. Iyon ba ang gusto mong i-endorso? Iyon ba ang gusto mong mamuno sa bansang ito?”
Kahit na ayaw ma-involve ni Trick sa pulitika, isa naman itong matalinong botante. Ayaw nitong masasayang ang boto nito. College pa lang sila ay nagiging aktibo ito sa mga discussion at debate pagdating sa pulitika at batas. Bata pa lang kasi ay exposed na ito sa pulitika katulad nilang magkakapatid. And he had a vision. Kaya naman pagdating sa mga kandidato ay magkasundo sila. Dahil sa koneksiyon din nito, may ideya ito kung sino ang mapagkakatiwalaan at hindi. Hindi nakuha ni Senator Benitez ang amor nito.
“I must admit that I don’t like Senator Benitez personally and professionally,” she admitted with a sigh. “Pero ang partido niya ang pinakamalakas ngayon at siya ang pinakamataas sa survey. Malaking tulong sa pagtakbo ko kung tatakbo ako sa ilalim ng partido niya.” Hinawakan niya ang braso nito. “Trick, even mortal enemies form alliances during elections. Pagkatapos noon, kanya-kanya ulit silang trabaho.”
Matagal na sandali siyang tinitigan nito na parang unang beses pa lang siya nitong nakita. As if she was a stranger to him. “What’s this, Vix? You are speaking like a true politician. Those are the kind of people that you despise, remember?” Tinalikuran siya nito at namaywang. “Sa maikling panahon, you are starting to sound like them. Isang linggo lang akong nawala, nagbago ka na.”
Gumapang ang masamang pakiramdam sa katawan niya. Ganoon na ba kalaki ang nagbago sa kanya? Wala na siyang ipinagkaiba sa mga taong itinuturing niyang salot sa lipunan? Hindi naman siya masamang tao. Mabuti naman ang intensiyon niya. Gusto lang niyang sa wakas ay ma-appreciate ng Mama niya. At gusto niyang makatulong din sa mga tao, sa pagkakataong ito ay bilang mayor ng San Martin. Masama na ba iyon?
Pumunta siya sa harapan nito. Sa pagkakataong ito ay naglaho na ang guilt na nararamdaman niya. Ipaglalaban niya ang gusto niya. “Trick, maliit lang iyong sakripisyo kumpara sa pwede kong gawin sa San Martin kapag mayor na ako. Dahil ba diyan masama na akong tao?”
Ipinamulsa nito ang dalawang kamay at malungkot siyang pinagmasdan. “I don’t know. Hindi ko lang maintindihan kung bakit kailangan mong isakripisyo ang prinsipyo mo. Kung bakit kailangan mo akong isakripisyo.”
Nanlamig ang pakiramdam niya. Nang mga oras na iyon, pakiramdam niya ay malayo ito sa kanya kahit na magkaharap lang sila. She could feel Trick pulling away from her. Dahil lang ba dito ay magkakalayo sila?
Niyakap niya ito sa baywang nang mahigpit at ihinilig ang pisngi sa dibdib nito. “Trick, don’t make this harder for me. Kailangan ko ng pang-unawa mo.”
She suddenly felt helpless and alone. Ngayon niya higit na kailangan si Trick. Ito ang lakas niya. Kapag down na down siya dahil binabalewala siya ng Mama niya, nawawala ang lahat ng iyon kapag si Trick ang kasama niya. Malaking hamon ang kakaharapin niya dahil sa darating na eleksiyon. Kung makukuha niya ang suporta nito, hindi na siya kailangan pang matakot. Si Trick ang magiging lakas niya.
Hinaplos nito ang buhok niya. “Listen. Politics is a dangerous business. Alam mo kung gaano kadumi ang pulitika sa bansang ito. Kahit na gumawa ka ng mabuti, ikaw ang mapapasama sa huli. Hindi mo alam kung sino ang tunay mong kakampi. Ayokong maranasan mo ang nangyari sa pamilya ko. Nawala ang lahat ng mahalaga sa akin. Kapag nawala ka rin, hindi ko alam kung anong gagawin ko.”
Akala niya ay manhid na siya. Na di na siya magdadalawang-isip kapag narinig ang mga takot ni Trick. His experience was traumatic. Naroon siya nang lamay ng magulang at kapatid nito. Parang gumuho ang mundo ni Trick. Kung paano siya nito yakapin nang mawala ang magulang nito ay ganoon din ang nararamdaman niya. Naroon pa rin ang lungkot.
Mariin siyang pumikit. Kaya ba niyang suwayin ang mama niya para kay Trick? Paano kapag napahiya ang Mama niya? Baka tuluyan na siya nitong hindi mahalin. Hindi niya iyon kaya.
Kinintalan niya ng halik ang labi nito para pakalmahin ito. “Trick, naiintindihan ko ang takot mo. Pero hindi naman lahat ng pagkakataon ganoon ang mangyayari.” Hinawakan niya ito sa pisngi at pilit na hinuli ang mga mata nito. Ngumiti siya. “Walang gagalaw sa akin dito sa San Martin. Nobody would even dare.”
Matagal nang hawak ng pamilya nila ang San Martin. At walang karahasan silang naranasan doon. Naidispatsa na rin ng kapatid niya ang mga may illegal na gawain doon. Hindi na nila kinatatakutan pa ang mga banta.
Hinawakan nito ang mga kamay niya at inalis sa pagkakahawak sa pisngi nito. “It’s still a no,” he answered strongly. “Hindi ko kayang mabuhay ng ganito, Vix. Sinikap kong mamuhay ng normal. Malayo sa kinagisnan na tradisyon ng pamilya ko. Ayokong mamuhay ng nasa hukay ang isang paa ko at ng buong pamilya ko. Na parang time bomb ang bawat segundong dumadaan sa buhay ko. I am afraid I can’t have a politician as a wife.”
Natigagal siya nang magmistulang yelo sa lamig ang mga mata nito. Ilang beses siyang kumurap habang dina-digest ng utak niya ang huling sinabi nito. “What do you mean by that?”
Binitiwan nito ang mga kamay niya. “Huwag muna nating ituloy ang kasal kung itutuloy mo pa rin ang pagtakbo.”
Pakiramdam niya ay nahulog siya mula sa isang mataas na gusali at ibinagsak sa matigas na lupa. Hindi niya alam kung saan na napunta ang kaluluwa niya nang mga oras na iyon. Hinihingi lang niya ang pang-unawa nito. Hindi na nga nito ibinigay sa kanya ang suporta nito sa pagtakbo niya ay di pa nito itutuloy ang kasal nila.
Sinambilat niya ang braso nito. “Not like this, Trick! Importante sa akin ang kasal natin. Importante ka sa akin. I can’t lose you like this. Please!”
She knew that Trick can’t say no whenever she says please. Siguro ay nabibigla lang ito. Hindi kakayanin ni Trick na mawala siya sa buhay nito. At kundi lang dahil sa pakikialam ng Mama niya ay baka noong isang buwan pa sila naikasal. Her mother wanted an extravagant wedding. Hindi isang simpleng beach wedding lang kasama ang malalapit nilang kaibigan.
“Importante sa akin ang pangako mo. Paano tayo magpapakasal kung hindi mo nga matupad ang simpleng pangako mo sa akin? Paano ka mangangakong magsasama tayo habambuhay kung di mo kayang ibigay sa akin ang isang bagay na kusa mong ipinangako? Hindi ka na lang sana nangako.”
Nanatiling matigas ang anyo nito. Parang isa itong rebultong di matitinag kahit umulan man o umaraw. Kahit yata mag-iiyak pa siya doon may wala na siyang magagawa para baguhin ang isipan nito nang mga oras na iyon.
Nanlambot siya. May mali nga siya at hindi iyon basta mapapalagpas ni Trick. “Nangako nga ako. Pero nasabi na ni Mama na tatakbo ako sa eleksiyon. Sana naman intindihin mong importante rin ito sa pamilya ko, Trick. At magiging pamilya mo na rin sila oras na maikasal tayo. Bakit hindi tayo mag-compromise?”
“No! There’s no room for compromise this time, Vix. It’s all or nothing.”
It was the dead end. Kailangan niyang mamili. Si Trick at ang kasal nila o ang Mama niya at ang pagtakbong mayor ng San Martin. Ngayon lang siya naipit ng ganito. “Kailangan ko pa ng panahong mag-isip, Trick. Hindi madali ang hinihingi mo sa akin.”
He stepped back until she couldn’t touch him. “Then make up your mind. Nasa iyo kung matutuloy ang kasal natin.”
HINDI pinansin ni Trick ang kanina pa nagri-ring na cellphone. Pilit niyang itinuon ang atensiyon sa update ng webpage ng mga farm niya. Gusto niyang imulat ang mga magsasaka sa makabagong teknolohiya para magawa rin ng mga itong makipag-usap sa ibang mga magsasaka sa ibang bansa. Ganoon din ang mga tauhan niya sa palaisdaan para hindi na maliitin ng mga ito ang mga sarili at madagdagan ang kaalaman ng mga ito.
Naging abala siya sa pagkuha ng impormasyon mula kay Torque na isa ring miyembro ng Stallion Island para sa naturang proyekto. May foundation kasi ito na nagbibigay ng night classes sa mga may edad na. Malaki ang naitulong ng pointers na maibibigay nito para sa program niya.
Subalit wala sa project o sa webpage na nasa harapan ang isipan niya nang mga oras na iyon. Bumabalik ang isipan niya sa tumatawag sa cellphone niya at sa may-ari ng numerong naka-rehistro doon. Si Vix.
Tatlong araw na siya sa Stallion Island. Gusto niyang lumayo muna kay Vix. Mabigat ang hinihingi nito sa kanya. Di niya maibibigay iyon. Importante sa kanya na tuparin nito ang pangako nito kung magpapakasal sila. She loved Vix. Ibibigay nito ang buhay niya para dito. Pero hindi niya kayang makitang nanganganib ang pamilya niya dahil lang sa pulitika. Kaya titikisin niya ito. Kung sasabihin nito sa kanya na di na nito itutuloy ang pagtakbong mayor, kahit bukas mismo ay pakakasalan niya ito. Subalit sa ilang beses niyang sinagot ang tawag nito ay gusto nitong sumuko. Mukhang tatakbo pa rin ito sa eleksiyon. She keeps on insisting for a compromise. Hindi siya ang dapat na sumuko. Ito naman ang di makatupad sa pangako.
“Bakit hindi mo sagutin ang tawag sa iyo?” tanong ng resident psychologist ng Stallion Island na si Andrya.
Napilitan siyang i-off ang cellphone. “I am sorry. Naba-bother ka ba?”
“No. Mas nag-aalala ako sa iyo, Trick. You don’t look good.”
“I am okay,” aniya at iniwas ang tingin dito.
Umupo ito sa tapat niya at mataman siyang tinitigan. “Kung may paraan para para matuloy ang kasal ninyo ni Vix, bakit hindi mo gawin? Ikaw lang naman ang masasaktan. Gusto mo bang pag-usapan natin ito? mas maganda kung mapag-usapan ito para mas gumaan ang nararamdaman mo.”
Alam ng buong Stallion Island na na-cancel ang kasal nila pero iilan lang ang nakakaalam ng totoong dahilan. Ngayon lang siya na-corner ni Andrya. He didn’t want to consult her because girls tend to stick together. Ayaw niyang magpadala sa feminine wiles ng kasintahan. Kung mahalaga dito ang pagtakbo sa eleksiyon, mahalaga din sa kanya na di maging bahagi ng pulitika ang pagsasama nila.
Isinara niya ang laptop. “Salamat sa concern, Andrya. Kaya kong i-handle ito. Kailangan ko lang magtiis ng konti dahil kailangan din ni Vix na matuto ng leksiyon. Gusto ko lang linawin na wala sa akin ang problema.”
Tumango ito. “Basta kung kailangan mo ng makakausap, nandito lang ako. Mas matino ka kasing kausap kaysa sa mga iyan.”
Inginuso nito ang mga kasama niyang miyembro na nagkakagulo sa pagiging Prince Charming. Isang makeover challenge ang ini-launch ng Stallion Shampoo. At kailangan ng escort ng mga contestants. Kapag nanalo ang contestant ng naturang Prince Charming ay may pagkakataon itong maging village lord sa loob ng isang linggo. Isang bagay na minsan lang mangyayari. Magkakaroon ng pagkakataon ang nanalo na pagharian ang Stallion Island sa loob ng isang linggo.
“Those egotistical mules!” nanghaba lalo ang nguso ni Andrya nang marinig ang pagyayabangan ng mga ito. “Sabihan mo na nga ang mga iyan na pumunta na sa conference hall. Di yata nila napansin ang announcement.” At saka nito inginuso ang announcement sa LCD screen na naka-mount sa wall.
“Wala akong planong makihalo sa mga kalokohang iyan. Magpatingin muna kayo sa resident psychiatrist natin. Kailangan ninyong tiyakin kay Andrya kung matino kayo para sumali sa kalokohang ‘yan,” sabi ni Stefanos at kasama si Andreev na pumunta sa third floor ng lighthouse. Walang interes ang dalawa sa pagiging village lord o pagiging prinsipe sa makeover challenge. Masyadong naka-focus ang dalawa sa negosyo at sa kaseryosohan ng mga ito sa buhay.
“Killjoy talaga ng dalawang ‘yan,” sabi ni Arvind James. “Palibhasa mga di nabiyayaan ng charm katulad natin.”
Kinawayan siya ni Cody. “Uy! Cousin Trent.”
Dumilim ang mukha niya. “Paano tayo magiging magpinsan? Cancel ang kasal ko at hindi ka pa rin nanliligaw kay Freezia. Kahit magpinsang hilaw di tayo pwedeng dalawa.”
“Sungit mo naman ngayon,” sabi nito.
“Pumunta na daw sa conference room ang lahat ng sasali,” anunsiyo niya.
Paakyat na siya sa third floor para sundan sina Steffanos at Andreev nang harangin siya ni Conrad. “At saan ka pupunta?”
Itinuro niya ang hagdan. “Pupunta ko sina Steffanos at Andreev.”
“Wag kang magdidikit sa mga taong killjoy. Come on! Ngayong cancel na ang kasal mo, kailangan mo ring maglibang. Subukan mong maging Prince Charming na rin,” wika naman ni Maxim.
“Look! May problema lang kami ni Vix pero alam ko na maaayos pa ang problema namin.” As soon as she comes to her senses, matutuloy ulit ang kasal nila. Ibinibigay lang niya dito ang oras na kailangan nito.
“I-cheer mo na lang kami,” sabi ni Cody. “Hindi naman sure na mabubunot ka. Ayaw lang naming malungkot ka.”
Napilitan siyang sumama sa mga ito. Iba pa rin kapag hinaharap ang problema nang may kasamang mga kaibigan. Parang isang malaking pamilya sila sa Stallion Island at lahat ng miyembro ay magkakapatid.
Pero iba pa rin ang pangarap niyang pamilya na bubuuin niya kasama si Vix. Umaasa pa rin siya na magiging maayos ang lahat sa kanila.