Stallion Island Series Chapter 27

Inunat ni Rayanne ang dalawang kamay paggising kinaumagahan. Naririnig pa rin niya ang pag-angil ng motor ng yate. Nasa dagat pa rin sila. So far, mahimbing ang pagtulog niya. Salamat sa kama ni Yzaak.

Napansin niya na nasa paanan ng kama niya ang dalawang traveling bag niya. Mukhang naplano na nga ng manager niya at ni Yzaak ang gagawin sa kanya. Matapos mag-shower ay isang layered chiffon dress ang isinuot niya. Binili sana niya iyon para kay David dahil gusto sana niya itong yayain sa cruise.

Forget about David. Anumang plano niya dito ay nalusaw na nang tuluyan. Ang magiging focus na lang niya ang bakasyon niya.

Nang lumabas siya sa deck ay matindi ang sikat ng araw. Nakaupo si Yzaak sa mesa na may nakahaing pagkain habang sapo ang ulo. “Good morning!” bati niya.

“Mag-breakfast ka na,” anito at di man lang siya nilingon. Naka-sunglasses ito habang nakatutok ang mata sa laptop nito. Back to dragon mode ito.

Pilit niyang sinilip ang mata nito mula sa sunglasses nito. “Kumusta ang tulog mo? Masarap palang matulog sa kama mo.”

Umungol ito at tinalikuran siya. “Kumain ka na lang. Malapit na tayo sa isla.”

Habang kumakain siya ay namamangha siya sa iba’t ibang klaseng naggagandahang isla na nadadaanan nila. Each more beautiful than the other. Pakiramdam niya ay naglalakbay sila sa iba’t ibang klaseng paraiso.

“Wow!” aniya at sumubo ng oatmeal burger. “Nasaan na ba tayo?”

“Palawan. Philippine’s last frontier.”

Nababalitaan na niya ang mga world-class resort na dinadayo ng mga turista na matatagpuan doon. Kahit isang sand bar lang siguro sa Palawan ang mapuntahan niya ay satisfied na siya. Pwede na siyang iwan doon ni Yzaak.

Tumayo ito sa railing nang matanaw ang isang isla mula sa malayo. “Doon tayo pupunta. Stallion Island Riding and Leisure Club.”

Sa malayo pa lang ay maganda na ang isla. Pero lalo siyang namangha habang palapit iyon nang palapit. Sa malayo pa lang ay tanaw na niya ang mahabang stretch ng puting buhangin at ang berdeng kabundukan. Sa tuktok niyon ay isang malaking istraktura na animo’y palasyo. Nang lumapit sila ay iba’t ibang mamahaling yate ang nadaanan nila. Nadaanan din nila ang naggagandahang overwater cottages. Itinakip niya ang palad sa mata para tanawin ang papalapit na pantalan. “Malapit na tayo!”

Hindi niya maikaila ang excitement na nararamdaman niya. Halos naikot na niya ang buong mundo bilang isang ballerina. Pero mayroon sa islang iyon na nakakaakit. Isang salita agad ang pumasok sa isip niya. Paraiso.

Isang magandang pavilion na animo’y isang airport terminal ang tinungo nila ni Yzaak. Inilabas nito ang invitation niya galing kay Prince Rostam. Mainit na pagtanggap agad ang isinalubong sa kanya ng mga staff. Pero di agad siya nakapasok dahil kailangan pang I-process ang detalye sa pananatili niya sa Stallion Island. Nakasunod lang ang tingin niya kay Yzaak nang I-press nito ang thumbmark nito bilang patunay na ito ang miyembrong may responsibilidad sa kanya.

Inabot nito ang singsing niya. “Wear this ring. Huwag mong tatanggalin. Importante ito habang nasa Stallion Island ka.”

Isinuot niya ang singsing at ipinasok sa isang machine na siyang mag-a-activate sa singsing na isa palang security device. Ngayon ay naintindihan na niya kung gaano katindi ang security sa Stallion Island. Bukod sa pang-akit iyon sa mga miyembrong gusto ng privacy, nasa isla rin ang prinsipe ng isang maimpluwensiyang bansa.

Inaliw niya ang sarili sa pagtanaw sa magagandang tanawin kasama na ang naggagandahang mamahaling kabayo doon. “I wish I could ride one of those.”

“Well, we will ask them to dance for you as well.”

Pumalakpak siya. “You mean dressage? Horse ballet! Gusto ko iyon!”

“Do you have your own horse?” tanong niya. “Can I ride it?”

“I have my own horse pero ayaw niya sa mga babae.”

Umingos siya. “Kasing suplado mo pala ang kabayo mo. Mana sa iyo.”

“Mamili ka na ng gusto mong windmill,” sabi lang nito at itinuro sa kanya ang mga windmill sa taas ng bundok. Ang windmill na siyang source ng enerhiya sa isla. Naalala niya na plano nitong ibigay sa kanya ang isa sa mga iyon.

“Hindi naman ako interesado sa windmill mo. Sa iyo na! But they are nice. Di lang sila magandang energy source. Pwede din silang tourist spot.”

The idea of putting a windmill at the island was ingenious.

“Habang nandito ka sa isla, wala kang poproblemahin sa press. Ban sila dito. Kahit ang mga taong ayaw mong makita, di rin papapasukin dito kung ayaw mo.”

Kumunot ang noo niya. “How about David? Best friend siya ni Oliver.”

“I have the power to decline his entrance while you are here… kung ayaw mo siyang makita. Gusto mo ba siyang makita?”

Napaisip siya. Gusto ba niyang makita si David? Parang naparam ang apoy sa puso niya mula nang malaman niyang mahal pa nito ang dating asawa kaya di siya nito kayang mahalin. “Well, I don’t really care if he is around. Basta gutom na ako. May restaurant ba dito na makikita pa rin ang windmill?”

“Of course!” Idinala siya ni Yzaak sa Wind Café kung saan tanaw ang windmill. Doon ay nakahanda ang isang buffet. Naroon na rin ang mga miyembro ng Stallion Island. Walang itulak-kabigin sa mga ito. Lahat ay guwapo.

Maging ang village lord na si Rouen Arezmendi ay naroon at tumulong sa paghahanda ng buffet para sa kanya.

“Kailangan ba talaga akong I-welcome?” tanong niya. Akala niya ay magiging tahimik ang bakasyon niya sa isla. And be as incognito as possible.

“It is the prince’s command,” sabi ni Rouen. “Nagtalo pa sila ni Yzaak kagabi. Gusto ni Your Highness na mai-welcome nang mabuti ang paborito niyang ballerina.”

“Thank you. Oliver is not here?” hanap niya sa best friend ni David.

“Ayaw niyang mailang ka. Alam na niyang alam mo ang sekreto ni David,” bulong sa kanya ni Yzaak.

“Sinabi mo sa kanya?”

Nagkibit-balikat ito. “Para alam niya kung bakit kailangan mong layuan si David. Don’t worry. Di magtatampo si Oliver kahit wala siya dito. Basta padalhan daw natin siya ng pagkain. Masaya na iyon. At ang mga tao dito, di nila sasabihin sa iba na nandito ka. Cardinal rule.What you hear,what you see, what you feel, when you leave, leave it here.”

“You had it thought out. Mukhang magiging paborito ko ang lugar na ito.”

“And you know what’s the best thing? You can pig out all you want. Kain na!”

“WHERE are you? In Stallion Island feeding a horse habang nagkakagulo kami sa pag-iisip ni David kung nasaan ka? Jeez! You are giving me stress, Rayanne! Baka mapaanak ako nang wala sa oras sa iyo!”

Hapon na nang natawagan ni Rayanne ang manager niya at ang bestfriend na si Sapphire para ipaalam kung nasaan siya. “I am okay here, Sapphire. Huwag ka nang magalit. Pinagbakasyon lang ako ni Mama Vishneya para makapagpahinga. Ilang taon na akong walang bakasyon, di ba?”

Binabawi na niya ang pagsasabing mali si Yzaak sa pagdadala sa kanya sa isla. Ilang oras pa lang siya doon ay recharged na siya. Wala siyang ginawa kundi kumain, matulog at mamasyal. Napakaraming magagandang features ang isla.

“At ano ang plano mo sa dadating na araw?”

“Sabi ni Yzaak maraming DVD at libro sa bahay niya. May internet din naman. Subukan ko daw magkaroon ng Friendster at My Space for a change. Kung sino-sino na daw kasi ang gumamit ng pangalan ko at nagpapanggap na ako.” Wala siyang kaalam-alam sa internet. Tama lang makapag-check siya ng email.

She thought that her world stopped. Naka-halt ang pagpirma niya ng kontrata sa Stallion Shampoo. Kailangan niyang pag-isipan kung di pa siya pababalikin agad sa trabaho. She might advice them to look for another model. Ang mga tours niya ay ibibigay muna sa ibang ballerina. Sa dami ng nagampanan niyang repertoire, dapat din daw siyang magpahinga kahit sandali para masabik sa kanya ang mga tao. At habang wala pa siyang ibang plano, susundin muna niya ang itinerary ni Yzaak.

“Hindi ko alam na may alam sa friendster at myspace si Yzaak. Akala ko kasi nabubuhay lang siya sa panahon ng Kastila. O kaya panahon pa siya ng mga datu. Mukha siyang makaluma tapos masungit.”

Nilingon niya si Yzaak na kausap ang kabayo nito. “Hindi siya laging masungit. Mabait naman siya.” Ang tao daw na kasundo ng mga kabayo ay mabuting tao. Isa pa, inaalagaan din siya ni Yzaak. He really cares. Under that cold and volatile exterior, he had a mushy heart. Overprotective lang ito sa mga taong gusto nitong alagaan. Kung ito ang makakasama niya, at least alam niyang kapakanan nito ang iniisip niya. She felt safe.

“Baka naman ma-in love ka na diyan.”

“Anong masama? Binata naman siya. Dalaga ako.”

Tao ang tingin nito sa kanya kahit pa masungit siya nito. Hindi isang work of art.

“So hindi ko na pala aalalahanin ang pagka-brokenhearted mo kay David.”

“Kahit naman nasaktan ako, kaya ko naman ang sarili ko. Basta huwag mo na lang sabihin sa kanya kung nasaan ako.” Tama na sa kanya na kaibigan pa rin ang turing kay David. Sasanayin muna niya ang sarili doon.

“No problem. Naiintindihan naman daw niya kung ayaw mo muna siyang makita. Ang importante pagbalik mo galing sa bakasyon mo, glowing ka ulit. May island boy namang mag-aalaga sa iyo kaya di ako nag-aalala. Enjoy, girl!”

Talaga bang iko-consider ulit niya sa isang romantic relationship si Yzaak? Ang tanong, kung gugustuhin nitong maging girlfriend siya. Nagmamagandang-loob lang ito sa kanya ngayon. Hindi siya dapat abusada.

“Nag-aalala pa ba ang bestfriend mo sa iyo?” tanong ni Yzaak.

“Hindi na. Kumusta naman kayo ng girlfriend mo?”

“Winter Sleep is a gelding. He is not a mare. Di ko siya girlfriend.”

“Boyfriend?” nakangisi niyang tanong.

Inabot nito sa kanya ang ilang pirasong oats and grains. “Pakainin mo na lang siya para naman may silbi ka sa kanya.”

Naalarma siya. She didn’t know her way around horses. Malay niya kung paanong magpakain ng kabayo at makipagkaibigan dito. “Baka kagatin niya ako. Lagot ka sa akin kapag na-rabies ako sa kabayo mo.”

“May mga beterinaryo naman dito.”

Sinibat niya ang matalim na tingin si Yzaak. “Hindi ako kabayo. Tao ako.”

Natigagal siya nang biglang ngumiti si Yzaak. She was charmed. Precious ang ngiti nito. Before she knew it, iniumang na nito ang kamay niya kay Winter’s Sleep. Kinilabutan siya nang nagsimula nang kumain kabayo mula sa palad niya. Di niya mabawi ang palad dahil hawak nito ang pulsuhan niya. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito habang pinakikiramdaman kung kailan papapakin ni Winter’s Sleep ang kamay niya.

“Relax! Mukhang natutuwa naman si Winter’s Sleep sa pagpapakain mo.”

Kumalma nga siya pero di niya inalis ang mukha sa dibdib ni Yzaak. She loved his musky smell. Pakiwari niya ay ligtas siya doon. Binitiwan ni Yzaak ang kamay niya. Lumayo ito sa kanya at lumapit kay Winter’s Sleep. Ang kabayo ang nilambing nito. “Good boy,” usal nito at hinaplos ang noo ng kabayo. Gusto niyang pagbuhulin ang mag-amo. Tinakot siya ng mga ito pagkatapos ay di man lang nagpasalamat sa kanya. Nilingon siya ni Yzaak. “Thank you daw sabi ni Winter’s Sleep.”

“Ewan ko sa inyong mag-amo! Muntik na akong atakihin sa inyo. Maniwala naman akong nagpapasalamat iyan. Baka nga pinagtatawanan ninyo ako.” Lumabas siya ng stable. Di na nga niya nangitian ang mabait na stable master na si Chrome dahil sa sobrang inis niya kay Yzaak at sa kabayo nito.

Tumuloy siya sa restroom at hinugasan ang kamay. Sa susunod na takutin siya ni Yzaak, ito ang ipapangata niya sa kabayo nito.

Paglabas niya ng restroom ay nakaabang na si Yzaak sa kanya. Paglapit niya dito ay bigla na lang siya nitong hinalikan sa labi. “Thank you!”

Bigla niyang nahawakan ang labi niya. The kiss was too sudden. Sa isang saglit na iyon, kahit ang atoms sa paligid niya ay tumigil sa paggalaw.

“What is that thank you kiss for?” Iyon yata ang pinakamagandang thank you na nakuha niya. Kaso parang bitin. Di man lang niya naramdaman.

“He appreciates that you fed him. Natuwa siya.”

“Nauna pang nag-thank you ang kabayo mo sa akin.”

“Well…” Lumingon ito pabalik sa stable. “Sabi niya mag-thank you ako…”

“Sabi ni Winter’s Sleep sa iyo na mag-thank you ka?” Hamak mas matalino pa pala ang kabayo nito dito. Mas magaling pang mag-thank you kaysa sa amo.

“No. Sabi ni Chrome dapat daw akong magpasalamat sa iyo. Baka daw nakalimutan kong mag-thank you kaya nakasimangot ka. So thank you.”

“Sige na nga. You’re welcome.”

Hinawakan nito ang kamay niya habang pabalik sila sa villa nito Wind Village. May kalayuan iyon sa Central Village kung saan naroon ang main stable pero masarap maglakad dahil maganda naman ang tanawin sa isla. Mabilis mawala ang inis niya basta nakapagpasalamat ito. Hinalikan pa siya nito kaya bawi na ito sa kanya. She loves the people, the places and surprisingly even the horses.

“Sigurado ka na willing kang alagaan ako?” tanong niya.

“Di pa naman ako namumulubi sa iyo. Kaya ko pa.”

Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “My turn to say thank you. Kapag nawili ako dito, magpapaampon na ako sa iyo.”

Ngumiti lang ang mga mata nito bilang sagot. Di niya alam kung hanggang kailan siya sa islang iyon. She would just enjoy the island and his company. But a part of her wished that her days in that island paradise would never end.

NAGLAKAD-LAKAD muna si Rayanne sa paligid ng Wind Village. Di siya pwedeng lumayo doon hangga’t di pa tapos ang meeting ni Yzaak sa ilang politicians na gustong magpagawa ng iba’t ibang renewable energy sources para sa mga nasasakupan nito. Nagsisimula na iyong maging trend dahil bukod sa mura, environment-friendly pa.

Naiinip naman siya sa villa dahil sinawaan na siya sa mga DVDs at libro. Gusto na niyang bumalik sa pagsasayaw. Pero di sapat ang space sa villa ni Yzaak. She had to move everything to have enough space to move. Nafu-frustrate na siya.

Tumigil ang jeep sa tapat niya. Ito ang karaniwang mode transportation sa isla bukod sa mga kabayo. Sumilip si Imhan, ang nobya ng isa sa partner ni Yzaak sa RENGY Powers na si Jayden. “Rayanne, saan ka pupunta?”

Nagkibit-balikat siya. “Wala. May meeting si Yzaak.”

“Oo nga pala. Kasama niya si Jayden. Kaya nga nagpunta muna ako sa dance studio. Hip hop dancing kasi ang work out ko.”

“May dance studio dito?”

“Oo. Di mo ba nakita sa virtual map ni Yzaak?”

Wala siyang alam na virtual map. Anuman ang gusto niyang gawin, kailangan niyang kasama ang binata. “Wala si Yzaak. Wala akong kasama.”

“Pwede kang pumunta doon. Pwede kang sumama sa group work out o kaya sa sarili mong dance studio. All you have to do is flash your ring.”

Nagningning ang mga mata niya. “Ngayon na ako pupunta.”

“Gusto sana kitang samahan pero kakausapin ako ni Doc Nataniella tungkol sa pharmaceutical company ng pinsan niya. I need a new job.”

“Kung pwede nang ako ang mag-isang pumunta. Di na ako mang-aabala. Thank you, Imhan.” Sa wakas, matapos ang ilang araw na puro tulog, kain, DVD, gala at pagbabasa ay makakapagsayaw na ulit siya. Iyon talaga ang pinakagusto niyang gawin.

Mabilis pa sa alas kuwatro ay naihanda na niya ang duffel bag niya na naglalaman ng leotard, thights, ballet shoes at music pod niya na may lamang classical music na siyang gagamitin niya sa work out niya. Nag-iwan siya ng sulat kay Yzaak na nagsasabi kung nasaan siya. Di dahil nasa Stallion Island siya at masarap mag-enjoy ay tuluyan na niyang kalilimutan ang pagsasayaw niya. Ayaw niyang maging stiff ang muscles niya. Isa pa, kailangan niyang tunawin ang mga cholesterol na naipon sa katawan niya.

Sumakay siya ng jeepney at idinala siya nito sa Mist Valley Village. Iyon daw ang pinakamalapit na dance studio doon dahil ang isa ay nasa kabilang bahagi pa ng isla. Subalit kailangan pa niyang akyatin ang kahoy na hagdan para marating ang dance studio. Halos misty na ang paningin niya sa pagod nang marinig niya ang lagaslas ng tubig. Isang arrow ang nagtuturo sa kanya papunta sa Meditation Falls. Mali yata siya ng napuntahan. Pabalik na sana siya nang matanaw niya ang isang gusali na may Shinto style architecture at may magandang waterfalls sa background. Parang isa iyong bahay na nasa Japan. At sa palagay niya ay bagay iyon sa mga nagyo-yoga at nagme-meditate.

Kaysa naman bumalik ay sinubukan na rin niyang puntahan. Mist Fusion ang pangalan ng lugar. Isang babaeng naka-yukata o summer kimono ang nakabantay sa reception. “Miss, do you have a dance studio that can cater to ballet?” Baka kung may dance studio man ang mga ito ay di naman para sa mga ballerina tulad niya.

“Yes, Miss Nolliedo. Do you want your own dance studio?”

“Can I have my own?” Gusto lang naman niya ay makapag-practice nang mag-isa. Ganoon siya kapag matagal na hindi nakapagsayaw. She wanted to dance and dance for hours so she could immerse into her own world.

“Of course. We have an available room at the moment.”

Na-excite siya nang makita ang dance studio. Tanaw sa labas ang magandang falls at ang binagsakan nitong lagoon. Kahit yata di na lang siya magsayaw. Tititigan na lang niya ang magandang view. Nang iwan siya ng staff ay nagpalit siya ng damit. Isinalang niya ang music pod niya at sinimulan ang pagwa-warm up.

She was doing her barret exercise when five women enter the room. Nakasuot ang mga ito ng 1960s costume. Kasunod niyon ang receptionist. “Ma’am, na-late po kayo ng dating. Wala na pong bisa ang reservation ninyo. You have to wait for your turn…”

“Excuse me!” putol ng babaeng mahaba ang kulot na buhok hanggang baywang sa receptionist. “Don’t you know me? I am Merian De Vera!”

“And we are the Sirens!” sabad naman ng babaeng nasa likuran nito na halatang alalay lang ng nagpakilalang Merian. “Hindi mo ba alam kung sino kami dito?”

“Ma’am, sinusunod lang po namin ang patakaran,” katwiran ng receptionist.

Nakapamaywang na naglakad papunta sa gitna ng dance studio si Merian. “Kanino mo lang cheap na guest ibinigay ang dance studio?”

Halos lumuwa ang babaeng naka-neon orange na damit. “Si Rayanne Nolliedo! Hindi totoo ang tsismis na nasa isang castle sa UK siya nagbakasyon.”

“Shut up, Sassy! Di lang naman siya ang ballerina dito. I am also a ballerina,” pagmamalaki ni Merian. “Nag-aral pa nga ako ng water ballet para sa movie ko, di ba?”

“Sa Vaganova Ballet Academy siya graduate,” sabi ni Sassy.

“Sa Vagamundo Ballet Academy naman ako. Di nagkakalayo ang turo,” maangas na wika ni Merian. “At hamak mas sikat naman ako dahil artista ako.”

Tumayo siya. “Aalis na lang ako.” Nandoon siya para magsayaw nang tahimik. Wala siyang plano na makipagpasikatan dito. Dito na ang kasikatan nito.

“Ma’am, pasensiya na po kayo,” nahihiyang wika ng receptionist.

Ngumiti siya. “It’s okay. I will just wait for my turn.”

“Wait!” sabi ni Merian. “Pwede kang mag-stay para panoorin kung gaano kami kagaling. I am sure you haven’t seen anything like this…”

May isinalang itong instrumental music. Todo project pa ito noong una. Akala niya ay may ibubuga. Pero nang magsayaw na ito, hindi polished ang galaw nito. She jumped on air and tried to do an arabesque. It was a failure. Nagpalakpakan ang mga alagad nito. They obviously know nothing about ballet.

“Tama na!” Kapag tumagal ang pagsasayaw nito ay mapapahamak ito.

Di siya pinansin ni Merian at nagpatuloy sa pagsasayaw. She gave her a haughty look. Parang sinasabi na naiinggit lang ito. She tried to dance on her toes as if she was on pointe. Bigla na lang itong bumagsak hawak at hinawakan ang binti.

Halos mabasag ang eardrums nila nang tumili ito. “Ahhh!!! Naipitan ako ng ugat.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.