Matiim na tinitigan ni Misha si Rahya. Na paraang gusto siya nitong gawing bato sa isang iglap. “What gives you the right to say that?” he asked in a seethe yet low voice. “I am Misha Santoros and you have no right to tell me what to do.”
The high and mighty dork. Anong palagay nito sa sarili nito? Napaka-perpekto nito? Sa palagay niya ay walang nagsasabi dito ng dapat nitong gawin. Isang titig lang kasi ay nangangaligkig na ang mga tao sa takot dito. Kung mayroon man ay baka di nito pinakikinggan. Of course. He is the boss. But she would make him listen.
“May girlfriend ka nga pero di mo alam alagaan. Witness ako sa mga nangyayari sa inyo ng pinsan mo. Yes, she’s demanding and childish. Pero di rin naman siya magkakaganoon kung di mo siya ginagawang tanga.”
Napa-order ito ng alak nang wala sa oras. “Women are demanding. Sa lahat ng tao, inaasahan kong ikaw ang makakaintindi sa akin. You are a very competent career woman.”
Ngumisi siya. “Yes! Naiintindihan ko ang dedication mo sa kompanya. Pero di ako bulag kapag nasasaktan mo ang pinsan ko. Ang alam mo lang bigyan siya ng mamahaling regalo. At akala mo masaya na ang babae sa ganoon?”
Sumimsim ito ng brandy nang I-serve dito. “Why not? Makakalimutan ni Rome ang galit niya kapag nakita niya ito.” Inilabas nito ang isang maliit na kahon mula sa coat. Nang buksan nito ay tumambad sa kanya ang isang jewelry set na pawang gawa sa blue diamonds. Kumislap pati ang mata niya. “Like it?”
Nairita siya nang makita ang sinismo sa mga mata nito. Parang sinasabi nito na wala siyang ipinagkaiba sa ibang babae. Mahalaga sa kanya ang mga bagay na nabibili ng pera. Iniwas niya ang tingin sa mamahaling alahas. “Sawang-sawa na ang pinsan ko sa mga regalo mo. And you are so insensitive.”
“Insensitive?” Kinuyom nito ang palad. “You have the gall…”
Tumayo siya at ikiniling ang ulo. “Nagmamagandang-loob ako. Ayaw mong makinig sa akin? Pumunta ka sa psychiatrist. You have a problem.”
Inirapan niya ito saka naglakad palabas ng restaurant. Naiinsulto siya bilang babae. Ano iyon? Tatapalan lang sila ng alahas, mawawala na ang galit? Nalungkot din siya para sa pinsan. Nararamdaman niya na naghahanap ito ng tamang atensiyon at pagmamahal. At mukhang di iyon maibibigay ni Misha.
Sayang ang kaguwapuhan at, katalinuhan nito. Wala naman itong puso.
Naglakad siya palayo at naghintay ang taxi. Malas dahil mukhang walang taxi doon. Nasundan yata siya ng kamalasan. Di na nga siya nakapag-enjoy sa araw na iyon at inaburido na siya ni Misha, di pa ata siya makakauwi.
Mariin siyang pumikit nang pumatak ang ulan. Tumakbo siya sa waiting shed na siksikan dahil wala siyang payong. Siguro ay may galit din sa kanya ang kalikasan dahil inaway niya si Misha. Bakit? May access na rin ba ang mga Stallion Boys sa nature ngayon? O pati ang diyosa ng ulan ay na-attract sa kasungitan ni Misha?
Pinapagpag niya ang bahagyang nabasang blouse nang tumigil ang isang itim na luxury car sa harap niya. Nang bumaba ang side windshield niyon ay dumungaw si Misha. “Rahya, get in the car. Ihahatid na kita.”
Iniwas niya ang tingin dito. Kunyari ay wala siyang narinig at nakita. Manigas ito! Di siya sasakay sa kotse nito. Magbu-bus na lang siya o jeep. Ayaw niyang makasama ang isang mayabang na tulad nito na walang puso!
Halos mabasag ang eardrums niya nang tumili ang bading sa tabi niya. “Eee! Misha Santoros! Member iyan ng Stallion Island!”
Naglingunan ang lahat kay Misha. Nakitili na rin ang ibang nasa waiting shed. Nagsuguran ang lahat kay Misha. Ayos! Parang celebrity pa ito ngayon na pinagkakaguluhan. Halos hihimatayin na ang iba mahawakan lang si Misha.
Isa sa mga traffic enforcer ang kumordon sa kotse nito at hinawi ang mga tao. Siguro naman ay aalis na ito kung ayaw nitong dumugin. Sa pagtataka niya ay naroon pa rin si Misha at pilit siyang tinatanaw. “Rahya,” tawag pa rin nito sa kanya. Ang tiyaga! Obvious naman na di na niya pinapansin. Nangungulit pa.
“Ma’am, kayo po ba iyong Rahya?” tanong sa kanya ng isa sa enforcer. “Sumama na po kayo kay Sir. Nakakahiya kung dito pa kayo gagawa ng eksena.”
“Rahya, please get in the car!”
Tumaas ang antennae niya nang marinig ang salitang please. Ni minsan ay di pa niya narinig si Misha na magsabi ng please. Ayaw din niya ng gulo kaya sumakay siya sa kotse. Kinabahan siya nang makatabi si Misha. Pilit nito inaayos ang nagulong buhok at coat. Nakasimangot na naman kasi ito.
“Nakita mo na ang ginawa mo?” tanong nito. “They almost killed me!”
“Your fault. Ikaw ang sumunod sa akin.” Na-guilty siya nang makitang namumula ang pisngi nito at may bakas ng kuko doon. Ngumiwi siya. “M-Masakit ba ang kalmot sa iyo?”
“I am fine. Di ako dapat nagpa-interview sa magazine na iyon. I don’t want to be mobbed like a movie star. Gusto ko lang mai-promote ang ad agency natin.”
Kinuha niya ang malinis niyang panyo sa bag at nilagyan iyon ng alcohol mula sa bag niya. “That’s the price you have to pay for being a member of the Stallion Island Riding and Leisure Club. Nagurlisan tuloy ang kaguwapuhan mo.” At saka niya dinampian ng panyong may alcohol ang may sugat nitong mukha.
Napaigik ito. “Aw! Galos lang iyan! Huwag mo na akong gamutin.”
“Galos ka pa nga lang umaaray ka na. Bakit mo ako hinabol?” tanong niya at tangka na namang idadampi ang panyo sa balat nito.
Pinigilan nito ang kamay niya. “Makikinig na ako sa sasabihin mo.”
Napigil niya ang paghinga nang marinig ang lambing sa boses nito at magtama ang mga mata nila. Napakaamo ng mata nito nang mga oras na iyon. Samantalang dati ay isang dragon ang tingin niya dito lalo na kapag galit.
Nanlambot ang puso niya. Di pa niya ito nakikita na ganito. Hamak na guwapo pala ito kapag di nagsusungit. Bakit kaya di nito dalas-dalasan iyon para matuwa naman siya dito? “Anong gusto mong mapakinggan?”
“Help me to work things out between me and Rome. I want to try.”
Rome. Bigla niyang binawi ang kamay na hawak nito. For a moment, pinagpantasyahan niya ang kaguwapuhan ng boyfriend ng pinsan niya. Parang gusto niyang sampalin ang sarili. Madaming Stallion Boys. Di lang ito nag-iisa.
Tumuwid siya ng upo at ipinatong sa kandungan ang mga kamay. “Okay. We girls are very emotional. Dapat alam ng mga lalaking makipag-deal sa amin. Sa relasyon, di lang naman financial stability ng lalaki ang tinitingnan. Dapat may emotional stability rin. Naniniwala pa rin kami sa fairy tale.”
“Fairy tale?”
Tumango siya. “Yes! Gusto naming naa-appease ng lalaki ang emosyon namin. We want to feel important. Gusto naming may oras sa amin ang mga boys. Iyong isusuko nila kahit isa o dalawang oras sa schedule nila para sa date namin. O kaya tatakas sa meeting para lang halikan kami…”
Parang lumulutang siya sa ulap habang ini-imagine iyon. Naiisip niya si Prince Rostam habang pinagsisilbihan siya. Then he would kiss her under the stars. O kaya ay magkasama sila sa iisang kabayo lang…
“May boyfriend ka na ba o nagka-boyfriend man lang?”
“H-Hindi pa ako nagkaka-boyfriend,” pag-amin niya sa mahinang boses.
Itinapik nito ang mga daliri sa braso. “Well, I find this conversation interesting coming from a woman who has no experience in a relationship.”
“Babae pa rin naman ako!” katwiran niya. “Kaya alam ko kung ano ang gusto ng kapwa ko babae. Wala kang tiwala sa akin?”
Mahabang sandali itong nagdili-dili kung ano ang isasagot sa kanya. Saka nito ibinalik ang tingin sa kanya. “So what should I do?”
Matagumpay siyang ngumiti. She got him there. “Magbakasyon kayo ni Rome. Iyong kayong dalawa lang. A romantic vacation would surely get her. I am sure you can iron things out.”
Pumalatak ito. “I don’t think that is possible…”
“Anong sabi ko sa iyo? Magbigay ka ng oras sa kanya. Isakripisyo mo muna ang trabaho. Bumawi ka sa mga panahon na hindi kayo nagkasama. Stallion Island is the perfect getaway.”
Inilabas nito ang Palm Pilot nito at tiningnan ang schedule sa calendar nito. Tinawagan na nito ang assistant para magpa-reserve ng flight papunta sa Stallion Island. “Perfect! Clear her schedule starting tomorrow afternoon. Tatawagan ko si Tita Almira para ipahanda ang gamit ni Rome.”
“I like that! Nagiging romantic ka na!”
Bumuntong-hininga ito at parang pagod na pagod. “Thank you for helping me out. Just make sure that this one will work.”
“Siyempre naman!” Tumikhim siya. “Ako ba hindi mo isasama sa island?”
“We don’t need a chaperone,” malamig nitong tugon. “Maiwan ka na lang sa opisina. Mas kailangan ka doon at mas mapapakinabangan kita.”
“Excuse me! Kausap mo ang future crown princess ng Al Ishaq. Ako ang magiging girlfriend ni Prince Rostam.”
“Lalo kitang di isasama sa isla. Baka mamaya ipa-ban pa ako dahil sa iyo.” Tumigil ang kotse sa harap ng apartment niya. “Good night, Rahya.”
Nagdadabog siyang bumaba ng kotse nito. Kung di lang talaga niya ito boss, baka nabato na niya ito ng sapatos niya. May araw din ito sa kanya.
“STALLION ISLAND! Napaka-romantic doon! I am sure Misha and Rome are having a great time. Maaayos na rin nila ang differences nila,” kinikilig na sabi ni Almira habang nagdi-dinner. Nasa mansion ng mga Avenuel si Rahya para ibalita ang magandang development sa relasyon nina Rome at Misha kina Ildefonso at Almira.
“Huwag po kayong mag-alala, Lolo. Hindi ko naman pababayaan ang kompanya habang wala pa sila,” sabi niya at sumubo ng paborito niyang kare-kare. Dalawang beses sa isang buwan na lang siya kung makapag-dinner sa mansion. Nakaka-miss din pala.
“Good. May tiwala naman ako sa iyo pagdating sa kompanya, Rahya,” sabi ni Don Ildefonso at uminom ng paborito nitong cranberry juice. Naka-wheel chair na ito matapos ma-stroke noong isang taon. Nagpipilit pa rin kasi itong magtrabaho.
Natuwa siya sa komento nito. Limang taon siya nang ampunin siya ng pumanaw na ina-inahang si Felicidad, ang bunsong anak ni Ildefonso. Anak siya ng namatay nitong bestfriend na tinakbuhan ng tatay niya. Mabait naman sa kanya ang mga Avenuel. Madalas nga lang siyang awayin ni Rome at malamig ang trato ni Ildefonso. Kaya nga ginawa niya ang lahat para ma-please ang mga ito.
Namatay ang nanay-nanayan niya noong huling taon niya sa college dahil sa ovarian cancer. Nagdesisyon siyang umalis sa mansion at tumira sa isang apartment para maging independent. Nahihiya na rin naman kasi siya kay Lolo Ildefonso. Pero nagtrabaho pa rin siya sa Define Ads nang pakiusapan siya nito. Hindi niya ito mahindian. Lolo pa rin niya ito at malaki ang utang na loob niya dito.
Hinaplos ni Almira ang buhok niya. “Huwag namang puro trabaho, hija. Sayang naman ang ganda mo. Mag-boyfriend ka na.”
“Hindi pa siya pwedeng mag-boyfriend hangga’t di pa nakakasal sina Misha at Rome!” mariing wika ni Lolo Ildefonso. “Kailangan pa siya ni Rome.”
Nawala ang ngiti sa labi niya. Iyon lang ba ang tingin sa kanya ni Ildefonso? Isang alalay ni Rome? Namayani ang lungkot sa puso niya.
“Pero kawawa naman si Rahya, Pa!” tutol ni Almira. “Dalaga naman siya. Kailangang may oras din siya sa sarili niya.”
Itinuon ni Don Ildefonso ang tingin sa kanya. “Wala namang problema kung tutulungan mo muna si Rome. Hindi ba, hija?”
Marahan siyang tumango at pilit na ngumiti. “Opo, Lolo,” napipilitan niyang sagot. Aanhin ba niya ang boyfriend? Makapaghihintay naman iyon basta matuwa lang sa kanya ang lolo niya.
“Pagpasensiyahan mo na si Papa, Rahya,” sabi ni Almira habang hinihintay ang kotseng maghahatid sa kanya pauwi. “Pwede kang mag-boyfriend kung gusto mo. Matanda lang talaga si Papa kaya ganyan.”
“Tama naman siya. Kailangan ako ni Rome at ng kompanya.” Humalik siya sa pisngi nito. “Thank you, Tita!”
Niyakap siya nito. “You are like my own. Kaya alam ko na deserve mo na maging masaya at I-enjoy ang buhay mo. Promise that you will.”
“Kapag nabingwit ko si Prince Rostam, hahanap tayo ng mga guwapong lalaki. Ipaparada ko sa harap mo. Pumili ka.”
Humalakhak ito. “Ang lokang batang ito!”
Nagkahiwalay ito at ang panganay na anak ni Don Ildefonso na si Carlito nang sumama sa ibang babae ang huli at nangibang-bansa. Dagok iyon sa pamilya. Katulad niya, pinangangatawanan din ni Almira ang pagsisilbi sa pamilya.
Sana nga ay tuluyan nang maayos ang relasyon nina Misha at Rome para naman malaya na siyang magka-boyfriend.
“IMHAN, maloloka na ako dito. Isama mo na ako sa Stallion Island!” ungot ni Rahya sa kaibigan habang nakayukyok sa desk at kausap ito sa telepono. Nakatitig lang siya sa picture ng meditation falls ng Stallion Island na nasa magazine. “Ang daya kasi nila. Hindi nila ako isinama.”
Limang araw na ang lumipas ay di pa rin bumabalik ng Maynila sina Rome at Misha. Mukhang enjoy na enjoy ang mga ito sa malinaw na tubig ng island riding club. Baka nagho-horseback riding pa nga ang mga ito habang nililibot ang isla. O magkahawak-kamay habang nagdi-dinner sa banyan tree restaurant. At baka kasama pa ng mga ito na nag-dinner si Prince Rostam.
“Rahya, babalik na ako sa trabaho. Baka pagalitan ako ng boss ko.”
“Eh, di makipag-date ka na lang doon sa gasoline boy ng riding club. Tapos isama mo ako. Diskartehan mo na lang. Please!”
“Tapusin mo na lang ang presentation para sa Stallion Shampoo commercial. Kapag kayo ang napili, makakapasok ka na ng island. Now start working!”
Kahit paano ay ginanahan siyang magtrabaho. Sa isang linggo na ang presentation nila. Kanya-kanya silang input ng mga kasamahan. Kapag nabuo na at nasiyahan si Rome, saka nila ipe-present kay Misha. Kay Misha ang final approval. Kailangang ma-impress din ito para kapag nakapasa ay mapagbigyan niya itong sumama sa Stallion Island. Siguro naman ay maganda na ang mood nito ngayong maayos na ang relasyon nito at ni Rome.
“Rahya!” untag ng boses ni Misha sa kanya.
Nagulat siya nang makita itong nakatayo sa gilid ng desk niya. Mamula-mula na ang balat nito. And he looked better. Lalaking-lalaki ito. Ang guwapo! Parang gusto niyang pisilin ang pisngi nito. Ganitong lalaki ang masarap papakin.
“Hi, Misha! Kumusta ang bakasyon ninyo? Okay ba?” excited niyang tanong. “Dapat may pasalubong ako, ha?”
“Where is Rome?” sa halip ay tanong nito.
“Hindi ba magkasama kayo?” tanong niya. “Hindi pa nga siya pumapasok hanggang ngayon.” Akala niya ay nag-enjoy ang mga ito sa bakasyon kaya nag-extend. Kailangang bawiin ng mga ito ang panahong di nagkasama.
“Sabi niya sasama siya sa ilang guest para mag-village visit sa ibang locals sa bayan kahapon ng umaga. Malakas ang ulan kaya akala ko na-stranded lang siya at nag-stay sa isang hotel. Mahihirapan silang makabalik sa isla. Nakabalik pa ang mga kasama niya pero si Rome hindi na. Babalik na daw siya sa Manila.”
Nagtaka siya. “Pero di pa naman siya bumabalik. Bakit aalis agad siya?”
“We were supposed to have breakfast together with Mr. Ching. Idi-discuss na namin ang campaign nila para sa whitening cream na ila-launch nila.”
Mr. Ching? Saan naman nanggaling iyon? Ang alam niya ay bakasyon iyon para dito at kay Rome. May ideya na siya kung bakit umalis si Rome.
“I thought Rome and I are okay. Excited pa nga siya nang mag-kayaking kami. I even tried that stupid banana boat ride. I thought we are having a great time. Ipinakilala ko pa siya sa entourage ni Mr. Ching. She was so gracious with them. Lalo na nang malaman niyang kliyente natin sila.”
Muntik nang malaglag ang panga niya. “Clients? May kasama kayong mga clients sa bakasyon!”
“Oo. Sa araw na iyon, naka-schedule talaga akong I-meet sila. Kaya isinama ko na rin si Rome. I am sure makakatulong ang ideas niya para…”
Natapik niya ang sariling noo. “Sabi ko sa iyo magbakasyon kayong dalawa lang. Di ko sinabing kasama ang mga clients.”
At lumalabas pa na sabit lang si Rome sa bakasyon kasama ang mga clients.
“Wala kang sinabi sa akin na di ko pwedeng isama ang mga clients. And besides, I don’t have time for a real vacation. Baka next year pa kung pwede.”
“Bakit ka pa nag-member sa Stallion Island kung di ka lang din naman makakapag-relax? Sinayang mo lang ang romantic atmosphere!” angal niya.
“Nandoon ako para mag-entertain ng clients. Sa palagay mo ba nagre-relax at naglilbang ako kapag nandoon? Sayang ang oras.”
Humalukipkip siya. “Iiwan ka nga ng girlfriend mo.”
“Di ako nagpunta dito para bigyan mo ng assessment ang ginawa ko bilang boyfriend niya. Ginawa ko ang alam kong tama.”
“Mukhang nagalit talaga sa inyo si Rome. Ni hindi nga pumasok. Mabuti pa ganito ang gawin mo…”
“No! No to your suggestions. They don’t work. Tiyakin mo lang na di mo itinatago sa akin si Rome.”
“Bakit ko naman siya itatago?”
“Because she’s your cousin. Siya lagi ang kinakampihan mo.”
“Paanong di ko siya kakampihan kung sinasaktan mo siya?” ngitngit niya. “You made her look stupid.” Kung siya siguro si Rome, baka nasuntok niya ito sa inis. Sayang lang ang suggestions niya dito.
“Look! Kung makikita mo siya, ipaalala mo sa kanya ang presentation namin kay Neiji Villaranza para sa Stallion Shampoo commercial. Nasa iyo ang responsibility para tiyaking magagawa niya ang trabaho niya,” anito at tinalikuran na siya.
“Ako na naman! Lagi na lang ako!” Pero likod na nito ang kausap niya.
Sana lang ay matauhan na ang pinsan niya. Ipaglaban nito ang kalayaan nito at huwag nang magtiyaga kay Misha. Magawa rin sana nitong humarap sa lolo nila at pangatawanan ang mga desisyon nito. nakakaawa na kasi ito.
Pero mas nakakaawa si Misha. Hindi nito alam kung paano hahawakan ang mga taong nagmamahal dito para manatili sa buhay nito.