“Wala na si Rome! Umalis na siya, Rahya. Iniwan na ako ng anak ko!”
Kuntodo hagulgol si Almira habang yakap siya. Umagang-umaga ay napasugod siya sa mansion ng mga Avenuel. Isang sulat ang natanggap ni Almira mula kay Rome. Tuluyan na muna itong mamumuhay sa ibang bansa pero di muna nito ipapaalam kung saan. Kailangan daw nito ng panahon para makalayo kay Misha.
“Kasalanan ni Misha ito, Tita!” sisi agad niya. “Hindi aalis si Rome kung di niya pinabayaan noong nasa Stallion Island pa sila. Sino ba ang matinong boyfriend na isasabay ang bakasyon sa pag-e-entertain ng mga investors?”
“Huwag mong kampihan si Rome! Mali siya!” mariing tutol ni Don Ildefonso. “Bakit ko kayo pinagtrabaho sa Define Ads? Para pahalagahan ninyo. Maintindihan ninyo ang ibig sabihin ng sakripisyo. Masyadong makasarili si Rome.”
“Lolo, importante sa amin ang kompanya. Ang gusto lni Rome magkaroon sila ng oras ni Misha sa isa’t isa. Gasino ba ang ilang araw? Hindi ba pwedeng iwan muna ni Misha ang trabaho niya kahit na sandali?”
Matalim siyang sinulyapan ni Don Ildefonso. “Natututo ka nang sumagot? Dugo’t pawis ang ipinuhunan ko para sa kompanya. Kahit ang Lola Angelita mo ni minsan di nakibo kapag di ako nakakarating sa birthday niya. Dapat matutong manahimik na lang ang mga babae.”
Great! Parang mas mag-lolo pa sina Misha at Don Ildefonso. Parehong walang pakialam ang mga ito sa nararamdaman ng tao sa paligid nito. Walang mahalaga kundi ang kompanya. Kung siya ang tatanungin, dapat ay ang kompanya na lang ang pakasalan ni Misha. Di na dapat pang I-pair up pa kay Rome.
“Hindi mo alam kung paano magsakripisyo para sa pamilya,” pahabol pa ni Don Ildefonso at nagpapasok na sa male nurse nito sa kuwarto nito.
Tumahimik na lang siya habang pigil ang emosyon. Gusto niyang maiyak.
Di pa pala sapat ang ginagawa niya para sa pamilyang iyon. Kung siya ang nasa sitwasyon ni Rome, baka umalis na rin siya.
“Isa si Papa sa dahilan kung bakit umalis si Rome. Lagi na lang pinangangat-wiranan si Misha,” naluluhang wika ni Almira. “Kawawa ang anak ko. Di siya sanay nang mag-isa. Baka hindi niya kayanin…”
“Ngayon pa lang gumagawa ng sarili niyang desisyon si Rome, Tita. Subukan natin siyang pagkatiwalaan minsan. Kaya niya iyan.”
Lagi nila ng pinoprotektahan si Rome mula sa sakit ng pagkawala ng ama nito noon. Ayaw nilang maramdaman nito ang sakit ng iniwan at nabalewala. Pero ang epekto niyon, di nila hinayaan si Rome na harapin ang mga mali nito. Nasanay na lang itong ipasa madalas sa kanya.
“At nasaan si Misha? Ni hindi man lang siya nag-aalala na baka nawawala ang anak ko. Kung saan na napunta. Di man lang niya ibalik.”
“Baka kailangan din po ni Misha ng panahon para sa sarili niya.” O napagod na rin marahil si Misha na sundan ang bakas ni Rome. Mabuti na rin siguro na malayo muna ang mga ito sa isa’t isa. Kaysa naman magkasakitan lang.
“May isa pa palang padala sa akin si Rome. Ibigay ko daw sa iyo.”
Bumalik ito sa sala at kinuha ang isang maroon na kahon. Nang buksan niya ay mga gamit iyon ni Misha. May sulat doon na nagsasabing siya na ang magbalik kay Misha. Huwag na rin daw itong sundan dahil gusto nito ng katahimikan at mahanap ang sarili nito.
“Magtutulong-tulong tayo para itaguyod ang pamilya natin, Tita. Hindi ko po kayo pababayaan ni Lolo. Hindi ko po kayo iiwan. That’s a promise.”
NAHIHILO si Rahya habang sakay ng elevator papasok sa opisina. Umiikot sa ulo niya ang santambak na responsibilidad na tuluyang maaatang sa balikat niya ngayong wala na si Rome. Maisip pa lang niya ay napapagod na siya. Pero kakayanin niya iyon. Ayaw niyang biguin si Don Ildefonso.
Pagdating niya sa creative department ay nagkakagulo na ang mga staff. Ang ilan sa mga ito ay halos sabunutan na ang sarili habang nakaharap sa computer. “Good morning! May problema ba?” tanong niya.
Nilapitan siya ni Eros, isa na sa matagal nang staff doon. “Rahya, may malaki tayong problema. Nawawala lahat ng graphics ng story board natin para sa Stallion Shampoo commercial.”
“Ha? Patingin nga!” Sinubukan niyang I-check ang folder nila kung saan magkaka-share sila ng files. Burado ultimo maliliit nilang idea para sa Stallion Shampoo. Parang sasabog ang utak niya. Wala ni bakas ng folder. “Paanong mawawala lahat ng mga files na iyon na tayo lang din naman ang may access.”
Istrikto sila dahil confidential ang mga files na iyon. Nasa department nila ang puso ng advertising company. Nang buksan niya ang computer niya, wala na rin doon pati ang mga files niya sa ibang folder. Ang Stallion Shampoo commercial lang naman ang nawawala doon.
“Rahya, nawawala iyong story board natin na tapos na. Di ba nakatago lang ilalim ng desk ko?” tanong ni Shayne.
“Ano?” tanong niya sa mataas na boses. “Tayo-tayo lang ang nandito. Bakit nagkakawalaan lahat iyan? Naengkanto ba tayo?”
Siya ang huling taong umalis sa opisina kahapon. Nag-half day nga lang siya dahil holiday. Ang iba ay di na nagpasukan pa. Hindi naman siguro siya sinapian ng masamang espiritu para burahin ang pinaka-importanteng project nila o kaya ay ibasura ang storyboard. Di rin sila basta-basta papasukin ng intruder dahil may mga security guards sila. They even have CCTV camera at the hallway.
Nilapitan siya ni Eros. Kanina ay mukhang kinakabahan lang ito. Ngayon ay nanginginig pa ang kamay nito habang hawak ang cellphone. “Rahya, hindi maganda ang kutob ko. May ibinalita sa akin ang dating kaklase ko na nagtatrabaho sa Comte Ad Agency. May dumating daw na package sa boss niya ngayong umaga lang. Storyboard daw para sa Stallion commercial. Di alam kung saan nanggaling.”
Gusto nang magkalat ng utak niya sa sahig. “Ninakaw ang concept natin? Maniwala akong basta na lang iyon ihuhulog ng langit sa kalaban natin. This is a sabotage! Sino ang gumawa nito?” nagngingitngit niyang tanong. Iginala niya ang tingin sa lahat. “Umamin na kayo kung isa man sa inyo.”
Sabay-sabay nagtanguan ang mga ito. “Di namin magagawa iyon,” sabi ni Shayne. “Pinaghirapan natin ang concept na iyon.”
Gusto na rin niyang maiyak nang mag-iyakan halos lahat ng staff. They had been pushing their selves so hard. Gusto nilang malagpasan ang mataas na expectation lalo na ni Misha. “I am sorry. Pagtulungan na lang natin ito. Kung talagang ninakaw ang concept natin at wala na ring natira sa idea natin, we have to start from scratch.”
“Ilang araw na lang bago ang presentation natin,” sabi ni Kaytee na mangiyak-ngiyak. “Sayang naman ang pinaghirapan natin.”
“We still have five days. Kaya ba nating mag-isip ng idea sa loob ng five days?” tanong niya at ngumiti para palakasin ang loob ng mga ito. “Kaya iyan!”
“Marami pa tayong ibang projects. Di natin makakaya ito,” nawawalan na ng pag-asang sabi ni Eros. “Inuna nga natin ito para di tayo magahol, di ba? Bakit hindi na lang natin bawiin ang concept natin? Atin naman iyon.”
“Nasaan ang ebidensiya natin? Nawala na nga lahat. Let’s work on it.”
Tumawag siya sa security department para maka-access sa computer ng mga ito at I-check kung sino ang naglabas-masok sa opisina nila pag-alis nila. Kailangan din niya ng access sa record ng CCTV cameras.
Na-shock siya nang makita kung sino ang naroon nang alas kuwatro ng hapon at lumabas din matapos ang dalawang oras dala ang storyboard – si Rome.
“NAKU! Kung makakaharap ko lang si Rome ngayon, pipitpitin ko ang leeg niya. Paano niya nagawang sirain ang lahat ng pinaghirapan ng team? Tapos ipapadala lang niya sa kalaban namin.” Tumingala siya at pinagsalikop ang palad. “Diyos ko! Bigyan po ninyo ako ng marami pang hinahon at baka maipakulam ko siya.”
Nasa café sila ni Imhan malapit sa apartment nila. Doon siya nagbuhos ng sama ng loob sa mga ginawa ni Rome. Aligaga tuloy ang buong team nila kung paanong hahabulin ang deadline niya at umisip ng bagong idea. Ilang minuto pa siguro ay dudugo na ang ilong niya sa kapipiga niya ng ideas.
“Gusto niyang gumanti sa boyfriend niya,” sabi nito at sumubo ng doughnut. “Nasaktan siguro siya dahil mas inuna ni Misha ang kompanya kaysa sa relasyon nila. You have to understand.”
“Oo. Naiintindihan ko. Malaki ang problema niya kay Misha. Pero di patas na idamay niya pati ang trabaho namin. Ginawa namin lahat para makabuo ng magandang concept para sa Stallion Shampoo account. Siyempre mahal namin ang trabaho namin.”
Muntik na siyang mapaiyak nang maisip ang malaking panlulumo ng mga kasamahan niya. Paano pa nga ba makakabuo ng magandang concept ang mga ito sa napakaikling panahon. Di niya alam kung paano pa sila makakatulog mamayang gabi lalo na’t alam nilang paggising nila ay umiikli nang umiikli ang oras nila.
Sa unang pagkakataon, gusto niyang isumpa si Rome. Sa lahat ng perwisyong ginawa nito sa kanya mula pa noong bata sila, ngayon siya nagalit nang todo. Pasalamat ito at nakatakas na ito at nagpunta sa kung saang lupalop ng mundo. Kundi talagang gagalusan niya ang mukha nito. Napaka-inconsiderate.
“Ano ang sabi ng pamilya mo?”
Nakaramdam siya ng lungkot. “Hindi ko masabi sa kanila. Tiyak na masasaktan sila at baka magkasakit pa si Lolo. Kay Misha lang ako pwedeng mag-confide. Kung makakalabas sa iba ang tungkol dito kahit sa mga tauhan namin, baka mag-leak sa labas. Maaapektuhan ang image ng kompanya.”
“Nakausap mo na ba si Misha?”
Umiling siya. “Hindi pa. Nasa Stallion Island siya ngayon. May meeting daw siya sa six village lords.” Iba’t ibang naglalakihang international companies ang hawak ng village lords ng isla. Kung magugustuhan ng mga ito ang serbisyo nila, ang mga commercial na gawa nila ang gagamitin sa international campaigns. “Puro assistant niya ang sumasagot sa tawag ko. Sinasala niya kung sino lang ang bibigyan ng isa pang number ni Misha na ginagamit niya sa island. Kung tungkol daw kay Rome, huwag ko nang abalahin.”
Mapapel ang personal assistant ni Misha. Magmamagaling pa ito sa pag-handle sa problema kung sasabihin niya ang ginawa ni Rome. Lalong lumala ang sitwasyon. Mas kaunti ang nakakaalam ng ginawa ni Rome, mas makakabuti sa kanila.
“Kailangan kong mapuntahan si Misha sa Stallion Island.”
“Paano ka pupunta doon?” tanong ni Imhan.
Inilabas niya ang organizer at inilabas ang ilang calling card. Numero iyon ng isa sa kilala niyang miyembro ng Stallion Island. Si Doctor Arvind James Yun.
“Hello, Doc Arvind!” Kapit sa patalim na ang pagtawag niya dito. Dahil kung siya lang ang masusunod, di talaga niya ito kakausapin.
“Rahya? I didn’t expect this call. Na-miss mo ba ako kaya ka napatawag?”
He was an OB-Gyn. Nakilala niya ito nang I-handle nila ang isang campaign ng isang pharmaceutical company para sa pre-natal care. Sabi ng mga kasamahan niya ay maswerte daw siya na nakuha niya ang atensiyon nito. But he was a total womanizer. Lahat naman ng babae sa kuwarto ay inaakit nito noon.
“I just need a favor. Simple lang naman. I need to get to Stallion Island tomorrow. This is really, really important.”
“No problem,” sagot agad nito. “Nandito ako sa isla ngayon. I am hanging out with some girls. Pwede mo kaming samahang mag-dinner and we can have a hot soirée all night long after that.”
Napaka-sensual ng boses nito. Nag-flash agad sa isip niya ang isang malawak na beach na puro mga babae. At nag-iisang lalaki lang si Arvind na inaaliw ng mga ito. Kinilabutan siya. Naalala niya ang tawag dito ng mga pinsan nito. Doc Maniac. Na nag-OB-Gyn ito para maka-score sa mga babae. Di niya ipakikipagsapalaran ang puri niya.
She ended the call right away without even goodbye. “Ang kapal ng Doc Maniac na iyan! Akala niya cheap ako. Makapasok lang sa isla nila papatulan ko siya? Excuse me!” Oras na makasal talaga sila ni Prince Rostam, isa pa si Doc Maniac sa ipapa-ban niya sa Earth. O baka sa buong Milky Way Galaxy pa.
“Paano ka pa makakapasok ngayon?”
Sinabunutan niya ang buhok niya. Mabuti na lang naka-Stallion Shampoo siya. Kundi ay baka nakalbo na siya sa sobrang konsumisyon. “Hindi ko na alam! Kung lalanguyin ko ang isla, sa palagay mo makakapasok ako?”
Umiling ito. “Ang alam ko, may mga radar sila at underwater camera para pigilan ang mga intruders na makapasok. And I think high tech talaga ang security nila. Saka hindi ka naman ganoon kagaling lumangoy, di ba?”
“Eh, ano nga ang magagawa ko?” Obligado si Misha na harapin ang responsibilidad nito. If he didn’t screw up, di sasapian ng kabaliwan ang pinsan niya.
Kinagat ni Imhan ang dulo ng tinidor nito. “Hmmm… Hindi pwede si Lee dahil nasa abroad siya ngayon. Mabait sana iyon dahil volunteer din siya tulad ko sa women’s crisis center. Meron pa akong alam na isa kaso…”
“Ah! Iyong may gusto sa iyong gasoline boy!” Pinapungay niya ang mga mata at pinagsalikop ang palad. “Kung napapadalhan ka niya ng gintong invitation, siguro naman pwede din niya akong ipasok sa isla. Close naman kayo, di ba?”
“Close ko ang nanay niya dahil ninang ko. Pero siya…” Umingos ito.
“Katulad ba siya ni Doc Maniac na mapagsamantala?”
“Subukan lang niyang gawin iyon. Takot lang niya sa tatay ko!”
“Then pagbibigyan ka niya. Please! Matitiis mo ba ang kaibigan mo na maghirap? Iyon ngang di mo kilala natutulungan mo.”
Umungol ito. “You are putting me on a tight spot.” Sa huli ay inilabas nito ang cellphone at may nag-dial. Bahagya itong namumutla at panay ang hugot ng hininga. It must be an ordeal to call that man. “Hello, Jayden! Ipasok mo sa isla ang kaibigan ko bukas. Sige! Gagawin ko kahit ano ang gusto mo.”
MAGKAHALO ang kaba at excitement na nararamdaman ni Rayanne habang nasa ere siya seaplane ng Swan’s Flight, ang official air carrier ng Stallion Island. May dalawang paraan para makarating sa isla. Isa ay sa ere sa pamamagitan ng sea plane o kaya ay chartered flight dahil may sariling airport ang Stallion Island. Pangalawa ay ang dalawang oras na pamamangka mula sa Puerto Princessa.
Exciting sana kung magbabangka siya. Pero wala na siyang oras para doon. Pumapatak ang oras. Mabuti na lang at si Jayden na mismo ang nag-ayos ng flight niya papuntang Stallion Island. Pagtapak sa isla, sasalubungin na siya ni Jayden. Di siya makakapasok kung wala ang permiso at presensiya nito.
May iba pa siyang kababaihang kasama sa flight pero nakukulili ang tainga niya sa kung sino sa mga Stallion Boys ang makikita ng mga ito. Gusto sana niyang makisali sa kasiyahan ng mga ito pero parang wala siyang karapatan. Problema ang ipinunta niya sa isla. Aayusin muna niya ang problema niya bago siya magliwaliw. Saka pa lang siya magkakaroon ng pagkakataong mangarap at kiligin.
Binilinan sila ng stewardess na ikabit ang seatbelt nila dahil palapag na sila sa Stallion Island. Kumislap ang mata niya nang umikot ang seaplane sa isla. Nakuha agad ng maberdeng isla ang puso niya habang sa gilid ay kitang-kita ang puting buhangin. Sa tuktok ng isla ay may isang malaking mala-palasyong bahay.
“That is The Peak, Prince Rostam’s castle here at the island,” anang babaeng katabi niya. “Pero kahit ang mga members di basta-basta makakarating diyan. You need the permission of at least three of the village lords to get there.”
Sabay-sabay na nakadama ng panghihinayang ang mga kasamahan niyang pasahero. Gaya niya, mukhang ang main target din ng mga ito ay maging prinsesa.
Matapos magpasalamat sa guwapo nilang pilot na si Slade ay inalalayan sila ng nagguguwapuhang kalalakihan sa wooden dock. Puno daw kasi ng eroplano sa airport kaya ang mga seaplane ay sa waterport na lang nag-landing.
“Kahit yata saan ako tumingin dito puro guwapo ang nakikita ko,” komento ng katabi niya kanina. Sumang-ayon pati ang ibang babae.
Isang lalaki ang inabot ang kamay sa kanya. “I am Jayson Alden Arcega.”
Napakurap siya dahil matangkad at guwapo ito. Ito ang Gasolineboy ni Imhan? “Hi! I am Rahya, Imhan’s friend. Thank you sa pagbibigay ng permiso sa akin. You don’t really know how much this means to me.”
“No problem. Basta kaibigan ni Imhan, tutulungan ko. Dumaan ka muna sa security area para sa mga bisita.”
Pumasok sila sa isang magandang pavilion. Iyon pala ang nagsisilbing airport ng Stallion Island kung saan sinasala ang lahat ng dadating. Parang nasa international airport siya sa ibang bansa. Pati nga passport niya ay tiningnan at mga identification cards niya. Matapos I-check ang lahat ng documents na kailangan niya para makapasok sa isla ay idiniin ni Jayden ang thumb nito sa touchscreen. Iyon ang patunay na talagang si Jayden ang nagbigay ng permiso na makapasok siya at ito rin ang may responsibilidad sa kanya habang nasa isla. Malibang kunin ng isa pang miyembro ang responsibilidad sa kanya.
Isang singsing ang isinuot sa kanya at ipinasok sa machine. “Para saan ito?”
“It’s official. Pwede ka nang makapasok sa Stallion Island,” sabi ni Jayson. “Di mo mahuhubad iyan hangga’t di ka sumasala sa machine. At di rin makakapasok ang kahit sino kung wala ang singsing na iyan.”
“Cool!” usal niya. Di niya alam kung paano iyon gumagana pero sa palagay niya ay para sa security purpose niya iyon. Iisipin na lang niya na engage na sila ni Prince Rostam habang suot ang singsing na iyon. “AH! Nakalimutan ko!” Inilabas niya ang isang papel. “Padala ni Imhan sa iyo.”
“Hmmm… Officially signed na bago matapos ang buwang ito kailangan naming mag-date.” Tiningnan niya ito na parang inaarok niya ang pagkatao nito. Naalarma si Jayden. “Wala akong masamang intensiyon kay Imhan.”
“Mukha ka namang mabait. Saka guwapo ka naman.” Sa palagay niya ay malayo ito sa personality ni Doc Maniac.
“Boss mo si Misha Santoros, hindi ba? May meeting siya thirty minutes from now kay Raddison Archer.” Si Raddison Archer ang International Vice President for Operations ng Royal Air na pag-aari din ng pamilya nito. Maging ang seaplane na sinakyan niya kanina ay pag-aari din nito. “Pero nasa Artists Village pa siya ngayon. Nandoon ang cottage niya.”
Isang jeepney na pinatatakbo ng kuryente ang naghatid sa kanila sa Rainbow Village. Iyon ang official na transportasyon sa isla bukod sa kabayo. Napakatahimik ng lugar na iyon at nasa paanan na ng bundok. Sementado ang path na dinadaanan nila pero naroon ang pakiramdam niya na nasa ibang mundo siya. Madawag ang gilid ng daan at nagtataasan ang mga puno. Puro kuliglig ang naririnig niya. Masyadong tahimik.
Iba’t ibang bahay na gawa sa abode at may island architecture ang nadadaanan nila. Sa isa sa mga gate ay nakita niyang nakaabang na si Misha. Nakasuot pa ito ng robe at bahagyang magulo ang buhok. Mukhang kaliligo lang.
“Misha!” tawag niya sa pangalan nito. Di pa ganap tumitigil ang jeepney sa mabagal na takbo ay tumalon na agad siya.
“What are you doing here?”