Stallion Island Series Chapter 5

Nadismaya si Rahya nang simangot agad ang bungad ni Misha sa kanya. Akala pa mandin niya ay nasapian na ito ng magandang feel ng Stallion Island at baka sakaling na-cleanse nang bahagya ang kasungitan nito. Di pa rin pala.

“May importante akong idi-discuss sa iyo,” sabi niya.

Tinalikuran siya nito. “If it’s Rome, then go home!” Tinanguan nito si Jayden. “Pasensiya na kung inabala ka ni Rahya, Arcega. Why don’t you take her to the Banyan restaurant then send her home? Charge the bills to my account.” Tumalikod na si Misha at naglakad pabalik sa cottage nito.

Naestatwa siya sa kinatatayuan. Mahirap ang pinagdaanan niya para makarating doon. Pati kaibigan niya ay halos ibenta niya. Tapos di ito makikinig?

Hinatak ni Jayden ang kamay niya at sinundan si Misha. “Arcega, hindi mo man lang ba pakikinggan ang sasabihin ni Rahya? Di naman siguro siya pupunta dito kung hindi ganoon kaimportante.”

Nagkibit-balikat lang si Misha at tuloy-tuloy sa paglalakad. “Oh! She must be interested to go to The Peak and meet Prince Rostam. Hindi talaga ako ang kailangan niya.”

Naghihinala siyang tiningnan ni Jayden. Madami nga sigurong babaeng pumupunta sa isla para lang sa pag-asang maging tunay na prinsesa. Umiling siya.

“Kung si Prince Rostam ang pakay ko, bakit pa ako makikipagkita sa masungit na iyan?” At saka niya sinulyapan nang matalim si Misha at hinarangan ang dadaanan nito. “Kung noong una pa lang sinagot mo na ang mga tawag ko, di ko na kailangang pumunta dito. All I want is thirty minutes of your time.”

Humalukipkip ito. “Sabihin mo muna na di iyan tungkol sa kapritso ni Rome.”

“This is about Rome and the company.” Pilit niyang tinatagan ang loob para di maiyak. Gusto na talaga niyang bumigay sa problemang kinakaharap nila. “Kung kaya ko lang itong mag-isa, ako na sana gumawa ng paraan. Pero may kinalaman ka sa problemang ito at kasalanan mo lahat ng ito. Di ako aalis dito!”

Matagal na sandali siya nitong tinitigan. Nakipaglaban siya ng tingin. Pangangatawanan niya ang desisyon niya. Di siya aalis ng isla hangga’t di sila nagkakausap. Tiningnan nito ang sports watch. “May meeting ako para sa Royal Air account. Hindi ko alam kung hanggang anong oras ang meeting pero pwede kitang makausap pagkatapos noon. Pero tiyakin mo lang na pagkatapos nating mag-usap, aalis ka na dito sa isla.”

“Sige.” Umupo siya sa rattan sofa sa porch. “Dito lang ako maghihintay.”

“Hindi ka ba muna kakain?” tanong ni Jayden. “Sumabay na tayo kay Santoros. Baka mamaya magkasakit ka pa.”

Humalukipkip siya at nanatiling nakaupo. “Busog pa ako! Baka mamaya isipin pa ng isa diyan na nandito lang ako para sa mga members nitong club.”

Ayaw niyang bigyan ng rason si Misha para itapon siya palabas ng isla. Napaka-importante ng pakay niya. Nakasalalay doon ang kinabukasan niya pati ng kompanya. At si Misha lang ang makakatulong sa kanya.

“Magbibihis na ako.” At saka ito pumasok ng kuwarto.

“Ang ganda! May batis pa sa may garden,” sabi ni Jayden nang sumilip sa may sliding door na nagli-lead sa verandah. “Sa beachfront kasi ang cottage ko.”

“Masarap siguro kung dito na lang ako titira.” She loved the island. Ilang parte pa lang ang nakikita niya pero nagustuhan na niya.

Napansin niya ang laptop ni Misha na nakabukas at ang mga stack ng report na nakabukas. Hanggang sa bahay ay trabaho pa rin ang inaasikaso nito. Hindi na yata ito nagpapahinga. Robot ba ito na lagi na lang naka-program ang pagtatrabaho?

Nakarinig siya ng lagabog sa kuwarto ni Misha. Napasugod siya sa kuwarto ni Misha at naabutan itong nakahandusay doon. Pilit niya itong ibinangon. “Misha!”

Robe lang ang suot ni Misha. Nakabuka iyon kaya nakita ang matipuno niyong dibdib. Tinulungang bumangon si Misha na hanggang ngayon ay wala pa ring malay. Muntik na niya itong bitiwan nang maramdaman ang init ng katawan nito. Sa ganda nga naman ng katawan nito, talagang hot ito.

“Anong nangyari?” tanong ni Jayden nang sumilip sa kuwarto.

Buti na lang at naroon ito. Pantaboy sa tukso. Ganoon ba talaga ang feeling ng nasa Stallion Island? Kahit si Misha na may sapi ni Hitler ay napagnanasaan niya?

Nawala ang ngiti niya dahil talagang mainit si Misha. Sinapo niya ang noo nito. “Mataas ang lagnat niya. Tumawag ka ng doktor.”

PABALIK-BALIK sa verandah sa sala si Rahya habang kausap sa cellphone ang tauhan niyang si Eros para I-monitor ang trabaho ng mga ito. Pansamantala ay ito muna ang in charge habang wala siya.

“May sakit si Misha. Hindi pa ako makakabalik diyan. Pero ipapasa ko sa inyo kapag nakabuo na ako ng idea. We still have a week. Kayo na ang bahala.”

Nasa kuwarto si Misha at tinitingnan ng resident doctor ng Stallion Island na si Nataniella Conde. Di rin naman niya matagalan habang naririnig ang pagtutol at pagsigaw ni Misha mula sa loob ng kuwarto. Di naman siguro ito hina-harass ng doktor. Kahit na nanghihina ito ay nagsusungit pa rin.

“Ma’am, dapat talaga iyong nag-sabotahe sa atin ang managot dito,” angal ni Eros. “Pinahihirapan niya tayo.”

“Yes. Pero kahit mahuli pa siya, di naman natin makukuha ang account ng Stallion Shampoo kung magsisisihan lang tayo. We have to work harder. Gagawa tayo ng mas maganda pa sa nauna nating concept.”

Maya maya ay lumabas ng kuwarto si Doktora Niella at lumapit. “Mukhang palala nang palala si Misha. I think I am the person he hates most in the world. Ayaw daw niya ng doktor. Or rather, he doesn’t need one.”

Di niya alam kung may phobia si Misha sa doktor o sadyang ayaw lang nitong magpagamot dahil di kaya ng macho pride nito. May ganoon namang tao. Kahit na may sakit pa ay ayaw pang ipaalam sa iba dahil ayaw na makita itong mahina. Malamang ay nasa ikalawang kategorya si Misha dahil wala itong kinatatakutan.

“Pasensiya na, Doc. Kailangan bang ipa-confine siya sa ospital?” tanong niya.

“Trangkaso lang ang sakit niya dahil sa pabago-bagong panahon dito sa isla. Pagod siya lagi kaya dapat magpahinga siya. May mga gamot sa medicine cabinet niya para sa trangkaso. Doon siya hiyang kaya iyon na lang ang inumin niya every four hours.” Tumingin ang doktor sa kanya. “Ikaw ba ang bago niyang girlfriend? Alagaan mo siyang mabuti.”

Nagulat siya dahil akala ng doktor ay siya ang bagong girlfriend ni Misha. “Naku! Hindi ko po boyfriend si Sungit! Pinsan ko ang girlfriend niya.” Ex-girlfriend.

Nagkibit-balikat lang ang magandang doktor at ngumiti. “Anyway, he needs plenty of rest. Dapat ding may magbantay sa kanya para mainom niya ang gamot niya sa oras. Kailangan ko bang magpadala ng male nurse na may katawan ng bouncer para tiyaking iinom siya ng gamot?”

“Tatawagan ko kayo kung kailangan, Doc. Thank you!” sabi niya. Nang silipin niya si Misha ay tulog na ito epekto marahil ng gamot. Paano pa niya sasabihin ang pakay kay Misha? Baka lalo lang makasama dito.

Inayos muna niya ang gamit na iniwan ni Misha. Mainit ang laptop nito na kusa nang nag-shut down nang maubusan ng battery. Kailangan din sigurong magpahinga nito gaya ng amo nito.

Pumailanlang ang doorbell chime. Nang sumilip siya sa labas ay isang matangkad na lalaki ang nakatayo doon. Pumunta siya ng gate. Baka iyon ang magde-deliver ng pagkaing in-order niya para kay Misha.

“Good afternoon!” bati ng lalaki na may asul na mata. “Nandito ako para sa in-order ni Jayden para kay Misha.”

Binuksan niya ang gate para kunin ang order. Ang alam niya ay naka-charge iyon sa account ni Misha kaya wala siyang kailangang bayaran. Natigilan siya nang aabutin ang order niya. Nakilala niyang mabuti kung sino ang delivery boy. “Raddison Archer? I-I am sorry! I don’t really know that…” Isa mismo sa village lord ng island ang dadalaw doon. “I am Rahya Avenuel, Sir,” pakilala niya sa sarili.

Kinamayan siya nito. “Yes! Ildefonso Avenuel’s granddaughter. You are Misha’s girlfriend.”

Umiling siya. “Hindi. Pinsan ko ang girlfriend ni Misha.” Ex-girlfriend.

“How is Misha?” tanong nito nang papasukin niya sa kuwarto ni Misha.

“Kailangan niya ng pahinga sabi ni Doc Nataniella.” Malalalim ang bawat paghinga ni Misha. Pinalitan niya ang cooling pad sa noo. Mainit pa rin ito. “I am sorry. He was on his way to meet you when he collapsed.”

“Mabuti na ring na-cancel ang meeting namin para makapagpahinga siya. Tuwing nandito siya sa island, wala siyang ginawa kundi mag-entertain ng clients, makipag-meeting at ni hindi man lang mahawa sa amin kapag nagre-relax. Tell him that we will reschedule the meeting.”

“Thank you, Sir! Salamat din po sa pagdalaw. Kayo pa ang nag-deliver ng pagkain. Nakakahiya sa abala.”

Nagkibit-balikati ito. “Don’t worry. It is my duty as a village lord. At iyong delivery, napag-utusan lang ako ni Rouen. Para daw makatipid siya sa manpower. Ako na ang sisingil sa kanya.” Si Rouen ay isa din sa village lord.

Ihinatid niya si Raddison sa gate. Swerte naman niya. Unang araw niya sa isla ay nakadaupang-palad niya agad ang isa sa village lords. Naubos ang swerte niya nang dumadagundong ang sigaw ni Misha. Gising na ito.

Binitbit niya ang tray ng pagkain papasok sa kuwarto nito. he was still wearing the robe. Pinipilit nitong bumangon. “Gising ka na pala. Sabi ni Doc Nataniella, kumain ka muna bago ka uminom ng gamot.”

“Sa restaurant na ako kakain. May appointment pa ako.” Napahawak ito sa bedside table nang sinubukang tumayo. “Bakit ganito? Nahihilo ako. Anong ipinainom sa akin ng doktor na iyon?”

“Nahihilo ka dahil may sakit ka. At malamang gutom ka na rin. Na-cancel na ang appointment mo. Sabi ni Sir Raddison, magpagaling ka na.”

Pilit siya nitong inaninaw. “Na-cancel ang appointment ko?”

Tumango siya. “Oo. Siya pa nga ang nagpa-deliver ng pagkain mo. I-reshedule na lang daw hanggang sa gumaling ka.”

“Magaling ako!” giit nito. “Wala akong sakit. Nagpatawag ka pa ng doktor. At hindi din ako iinom ng gamot.”

Pilit itong tumatayo pero sa huli ay sumuko na rin. “Nagkukunwari pa kasing malakas. Di na nga kaya.” Inayos niya ang unan sa likuran nito at pinasandal ito. “Kumain at uminom ka ng gamot para bumaba na ang lagnat mo.”

“Makakauwi ka na. Kaya ko na ang sarili ko,” mariing utos ni Misha.

“Kaya mo ang sarili mo?” nakataas ang kilay niyang tanong at inilapag ang tray sa kandungan nito. “Kanina nakahandusay ka sa sahig at inaapoy ng lagnat. Tapos ayaw mo pa ng doktor.”

“Simpleng lagnat lang ito. Hindi naman malala ang sakit ko. At kakain ako at iinom ng gamot kung kailan ko gusto.”

Hinipan niya ang vegetable soup at inilapit sa labi nito. “Kumain ka na. Hindi ka pwedeng uminom ng gamot nang walang laman ang sikmura mo.”

Nagsalubong ang kilay nito. “At kailan ka pa naging nurse ko?”

Sinabayan niya ang pagbuka ng bibig nito at sinubuan ito. “Mula nang makita kitang nakahandusay sa sahig. Dahil may malasakit ako sa kapwa ko kahit wala silang malasakit sa sarili nila.”

Padarag nitong inagaw ang kutsara sa kanya. “Oo na. Kaya ko na.” Tumayo siya at humalukipkip. Pinagmasdan niya ito habang kumakain. Halatang nanghihina ito pero pilit na nagpapakita ng lakas. He was somehow cute. Tumalim ang mga mata nito. “Kailangan bang panoorin mo pa akong kumain?”

“Gusto ko lang tiyakin na mauubos mo iyan para mainom mo na ang gamot mo. Wala ka daw ginawa dito kundi magtrabaho. Kahit ang makina napapagod din. This is Stallion Island. You should have fun!”

“Bakit hindi ka pa umuuwi?” tanong nito at saka sumubo.

“Di pa naman tayo nakakapag-usap sa pakay ko, di ba? Pero huwag muna natin iyang pag-usapan ngayon. Isipin mo kung paano ka gagaling.”

Pinanood niya ang tahimik na pagkain ni Misha. Pati sa pag-inom ng gamot ay di na ito nakipagtalo sa kanya. Tanggap na siguro nito na wala itong laban.

Di sila dapat mag-away ni Misha nang mga oras na iyon. Dapat ay magtulungan sila. Sa pagganti ni Rome dito, pare-pareho silang naperhuwisyo.

Siguro nga ay may pagkukulang si Misha bilang nobyo. Pero wala siyang masasabi dito bilang presidente ng Define Ads. Isinasakripisyo nito maging ang kalusugan nito mapaunlad lang ang kompanya. Ano ba ito? Nagkasakit lang si Misha, lumambot na ang puso niya.

Palabas na siya ng kuwarto bitbit ang tray nang pigilan nito ang braso niya. “Thank you!” mahinang usal nito at saka pumikit na.

Parang may ulap sa paa niya dahil biglang gumaan ang pakiramdam niya. Misha said thank you in a very sincere way. Hindi iyon pagalit o napipilitan lang. Naramdaman niyang naa-appreciate nito ang pagtulong niya kahit na di pa nito aminin. And she loved the sound of it. Pwede naman pala itong magsalita nang hindi umaangil o nagagalit. Mas bagay pa sa kaguwapuhan nito.

Napapadami yata ang pagpuri niya sa kaguwapuhan ni Misha sa araw na iyon? Siguro dahil may sakit ito. Mahina ang level ng kasungitan nito.

Salamat sa sakit nito, tatagal siya sa isla kahit magdamag man lang. Ang problema ay wala siyang damit. Nang tingnan niya sa guestroom ay walang damit doon na naiwan si Rome. Wala siyang pagpipilian kundi I-ransack ang damitan ni Misha. Pwede na sigurong pantulog ang pajama top nito o T-shirt.

Habang namimili ng damit, nahagip ng paningin niya ang peach na silk nightdress. Conservative ang tabas niyon at di tipo ng damit na isusuot ni Rome.

Naghihinala niyang nilingon ang mahimbing na si Misha. “May babae kaya siya?” Paano naman nito isisingit ang babae sa hectic nitong schedule?

Nagkibit-balikat siya. Wala siyang pakialam kung kanino ang damit na iyon. Ang importante may isusuot siya sa gabing iyon.

NAGISING si Rahya sa matinis na alarm ng cellphone niya. Muntik na siyang malaglag sa sahig nang bumalikwas siya ng bangon. Alas dose na ng hatinggabi. Nasa malaki siyang couch sa kuwarto ni Misha. Doon siya natulog para bantayan ito at oras na para painumin ito ng gamot. Kahit na hilo pa ay pumunta siya ng kusina at nagtimpla ng gatas. Sana naman ay huwag na itong makipagtalo sa kanya.

Ang malamlam na ilaw ng lampshade lang ang tumatanglaw sa kuwarto ni Misha. Pabiling-biling ito sa higaan at pinagpapawisan ng malamig nang maabutan niya. Tinapik niya ang pisngi nito. “Gising na! Iinom ka na ng gamot.”

Umungol ito at dahan-dahang idinilat ang mata. Tumingin ito sa kanya pero parang wala sa focus ang mga mata nito. Inalalayan niya itong bumangon at kahit na nanghihina ay di na tumutol ininom ang gamot. Alam din siguro nito na ito rin ang mahihirapan kapag di ito gumaling agad.

“Pwede ka nang matulog ulit,” bulong niya at inayos ang kumot nito nang makahiga ito. Baka bukas ng umaga ay mas maayos na ang pakiramdam nito.

Patalikod siya pigilan nito ang kamay niya. “Mama, dito ka lang,” paungol nito pakiusap at di binitiwan ang kamay niya.

Mama?Pambihira! Nagdedeliryo na yata ito at napagkamalan pa siyang nanay nito. Inilapag niya ang baso at umupo sa tabi ng kama. Pumikit ito at bahagyang ngumiti saka inilapat ang palad niya sa pisngi nito at mapayapa itong natulog.

Siya naman ang nawalan ng kapayapaan habang pinakikiramdaman ang pisngi nito. Pwede niyang isipin na pinagsasamantalahan siya nito pero nakatulog na ito ng mahimbing. Sinubukan niyang bawiin ang kamay dito. Saglit lang siyang nakawala pero nahagip agad nito ang kamay niya at hinila siya palapit dito.

Nawalan siya ng balanse at bumagsak siya sa ibabaw ng katawan nito. Nakasubsob siya sa matipuno nitong dibdib. Sinubukan niyang pumalag pero lagi lang humigpit ang yakap nito sa kanya. Gising ba ito? Mukhang hindi. He was acting on instinct. Payapang-payapa kasi ito sa pagtulog.

Tumigil ang tibok ng puso niya habang kinikiliti ang ilong niya ng masculine scent nito. May sakit na, mabango pa rin.

“Mama,” narinig niyang bulong nito at isinubsob ang mukha sa buhok niya.

Napapanaginipan siguro nito ang nanay nito. Ang alam niya ay naghiwalay ang magulang nito teenager ito. Siguro ay ganoon din ito maglambing sa nanay nito kapag may sakit ito. Parang malayo sa tigreng Misha na nakilala niya. He looked like an innocent baby when asleep.

Siya naman ang nawawalan ng kainosentehan habang pinagmamasdan nito. Bumababa ang kumot sa bawat paghinga nito. Wala itong suot na pang-itaas kaya nakikita niya ang hubad nitong balikat at dibdib. Parang masarap haplusin.

Mariin siyang pumikit para di ito pagnasaan. Di niya pwedeng samantalahin si Misha. At hindi naman siya nauubusan ng lalaki para pagsamantalahan ang taong may sakit. Nagmamagandang-loob siya at di bantay-salakay.

“Bakit kasi ang guwapo mo kapag tulog?” gigil niyang usal. Huminga siya nang malalim at ipinilig ang ulo. Ngumiti kasi si Misha. And he was evoking feelings that she didn’t know existed. Parang masarap itong halikan.

Pumikit na lang siya ulit at nagdasal hanggang makatulog siya.

ANTOK na antok pa si Rahya pero kusang dumilat ang mata niya. Nasanay na kasi ang katawan niya na gumising ng alas sais ng umaga. Lumulutang pa ang pakiramdam niya at parang isang magandang aparisyon ang nakita niya. Nakatunghay daw sa kanya ang guwapong mukha ni Misha. Kumurba ang ngiti sa labi niya dahil nakasuot lang ito ng shorts at nakabalandra sa harap niya ang makisig nitong katawan. Parang biyaya ito ng langit!

Inunat niya ang mga braso. “Good morning!” usal niya. Kahit sinong babae ay gaganda ang umaga kapag iyon ang nakita. Isang magandang panaginip. Kahit ang mga masasama ang gising ay biglang gaganda ang gising.

Mariing nagdikit ang mga labi ni Misha at kumunot ang noo. “Good morning,” mariin nitong bati at parang ito ang masama ang gising.

Parang binuhusan siya ng malamig na tubig at nagising sa katotohan. Nasa cottage siya ni Misha sa Stallion Island. May sakit ito kaya binantayan niya. At hindi aparisyon ang Misha sa harap niya. It was Misha Santoros in flesh and blood.

Nanuyo ang lalamunan niya nang makitang naka-boxer shorts lang ito at di na balot ng robe gaya nang nagdaang gabi. He was hot. Di pa nga sumisikat ang araw. Nanlaki ang mata niya nang maalalang magkatabi silang natulog kagabi at nakayakap ito sa kanya. “A-Anong ginawa mo sa akin?” tanong niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.