Stallion Island Series Chapter 43

Puputok pa lang ang araw ay gising na si Sahara. Kanina pa naggisingan ang mga tao sa bahay. Narinig niya ang paglangitngit ng pinto ng kuwarto ng papa niya at ang yabag ng mga paa. Umaga pa lang ay busy na ang mga tao.

HInapit niya ang jacket sa katawan. Malamig ang simoy ng hangin. Sanay siyang late nang matulog kapag nasa lungsgod. Pero maaga siyang nakatulog nang nagdaang gabi at di rin yata maiiwasan na maaga siyang magising.

Gusto niyang magpaturo na sumakay sa kabayo kay Chrome. Busy kasi ang papa niya. Kung may panahon ito na turuang sumakay sa kabayo ang Angela na iyon, dapat ay siya rin.

Nalaman niya kay Aling Lumen na nasa kuwadra ng kabayo si Chrome. Kunwa’y nagdya-jogging pa siya papunta sa kuwadra. Pasimple siyang sumilip nang mapadaan sa kuwadra. Inaaninaw niya kung may tao doon at naroon si Chrome. Wala siyang makitang tao. Puro kabayo lang ang nasa loob.

Kumunot ang noo niya. “Nasaan na kaya iyon?”

“Anong sinisilip mo diyan?”

Napapitlag siya at gulat na nilingon ang nagsalita. NAsapo niya ang dibdib at nakahinga nang maluwag nang makita si Chrome na nakasakay sa itim na kabayo. “Bakit ka ba nanggugulat?”

“Ano ba kasi ang tinitingnan mo diyan?”

“Wala. Gusto ko lang makita ang mga kabayo sa kuwadra. Mukha lang naman silang magkakamukha.”

“You are wrong. Ang kabayo parang tao din. Iba’t iba ng itsura at iba’t iba rin ang personality.” Bumaba ito ng kabayo at itinuro ang kabayong puti na nasa pinakabungad na kuwadra. “That’s Snow White. Siya ang pinakamaamo sa lahat ng kabayo dito. Kahit sino pwedeng sumakay pero may pagka-matatakutin din siya. May mga kabayo rin dito na tatamad-tamad, malakas kumain, mahilig matulog at matigas ang ulo.”

Itinuro niya ang kabayong akay-akay nito. “Iyan ba pwede kong sakyan? Paangkasin mo naman ako.”

Ibinuka nito ang palad para pigilan siyang lumapit. “HUwag! Si Spike ang pinakamabagsik sa lahat ng kabayo dito.”

Napaurong siya. Di kaila sa kanya na may mga kabayong di pwedeng basta-basta hawakan dahil maaring mangagat o nang-uulo.

Hinaplos nito ang leeg ng kabayo. “Kahit si Kriege nahihirapang paamuin siya. Ilan nang tauhan dito ang nabalian ng buo sa pagpapaamo sa kanya. Kami pa lang ng Papa mo ang nakakapagpaamo sa kanya.”

Napangiwi siya. May pagkahalimaw naman pala ang kabayong iyon. “Parang nakakatakot tuloy na sumakay ng kabayo.”

“Di naman lahat ng kabayo mabagsik. You have to start with a gentle mare. Papayag naman siguro si Sir Joser na sakyan mo si Snow White.”

“Gusto ko talagang matuto sa kabayo. Ang totoo gusto ko nga iyong ginagawa ninyo na may vertical bar.”

“That’s for the show jumping competition. Lumalaban kasi kami ni Kriege.”

“Talaga? Nananalo ba kayo?”

TUmango ito. “Minsan nananalo kami.”

“Kung ganoon isang master pala nang magtuturo sa akin.”

“Hindi ako master. Estudyante lang din ako.”

Hinampas niya ang balikat nito. “Sus! Pa-humble ka pa!”

NAtigil ang pag-uusap nila ni Chrome nang marinig nila ang kalampagan ng mga timba. Nagulat siya nang makitang nakatayo si Kriege di kalayuan sa kanila at may hawak na malalaking timba. “Kuya, kailangan na nating pumunta sa kulungan ng mga baka. MAtagal ka pa ba diyan?”

“Mauna ka na. Ibabalik ko lang si Spike sa kuwadra ka niya,” sabi ni Chrome at inakay na si Spike pabalik sa kuwadra nito.

“ANong gagawin ninyo sa mga baka?” tanong niya.

“Magpapakain saka maggagatas. Gusto mong sumama?”

“MOO, kumain ka lang. Tapos bigyan mo kami ng maraming gatas,” sabi ni Sahara habang sinusubuan ng damo ang bakang si Moo. Nasa kulungan sila ng mga inahing baka at nagpapakain.

Lubhang abala ang buong rancho kapag umaga. Di pwedeng tatayo-tayo lang at walang ginagawa. May dalawampung tauhan ang rancho. Pero sa dami ng hayop na kailangang asikasuhin at ekta-ektaryang lupain na dapat pangalagaan, sa palagay niya ay kulang ang mga ito. Kaya kahit ang papa niya ay parang trabahador din kung kumayod.

Natawa si Chrome na abala sa paggagatas ng baka. “Nahawa ka kay Kriege?”

“Nakakaintindi ang mga hayop. Sumasagot pa nga ang mga iyan. Matatalino rin ang mga hayop. Di ba, Moo?” tanong niya sa baka.

“Ungaaa!” ungol ng baka at saka nginasab ang damong hawak niya.

“See? Sumasagot siya.”

“Puro ka kalokohan. Kung tapos ka na diyan, dito ka naman.”

TUmayo siya sa likuran nito at pinagmasdan ito sa paggagatas ng baka. Mano-mano pa ang paggagatas doon. KAmay pa ang gamit. “Hindi ba parang mahirap iyang de-kamay lang? Mas maganda kung may makina.”

Ang alam niya ay umaabot ang supply ng gatas hanggang sa kabisera at karatig-bayan. Para gatasan ng iilang tauhan lang ang mga baka ay lubhang mahirap. Kaya pati ang asawa ng mga trabahador at anak ay tumutulong din.

“Kung may malaking investment na dadating, bakit hindi? Kaso hindi iyon ang priority kundi ang breeding farm. Saka iba pa rin kapag kamay ang gamit kaysa makinarya. Kaya sa amin pa rin kumukuha ang mga customers kaysa sa ibang farm na de makina ang paggagatas. Mas masarap daw. IBa pa rin ang traditional method.” Nilingon siya nito. “Maghugas ka na ng kamay. Subukan mo naman.”

Umiling siya at napaurong. “Ayoko. Baka tadyakan ako ng baka.”

“Hahayaan ba naman kitang masipa ng baka. Sayang naman ang ganda mo kung masisipa ka lang. Ako ang bahala sa iyo.”

Nang ngitian siya ni Chrome ay biglang nag-iba ang isip niya. Wala sa sarili siyang nakangiti nang mahugas ng kamay. Ito daw ang bahala sa kanya. Basta kasama niya si Chrome, hindi siya natatakot. Alam niyang poprotektahan siya nito.

Pinaupo siya ni Chrome sa bangkito. Hinawakan nito ang dalawang palad niya at pinagkiskis. “Relax!”

“Anong gagawin ko?”

Pumunta ito sa likuran niya at ipinakita ang tamang paggagatas ng baka. HInawakan nito ang suso ng baka sa pagitan ng dalawang daliri at saka piniga. “Dapat tama lang ng pressure. Hindi magaan at di rin masyadong mariin para di masaktan ang inahin. Subukan mo.”

Huminga siya nang malalim bago hinawakan ang suso ng baka gaya nito. Nang pindutin niya ay nadismaya siya dahil wala namang gatas na lumabas. “Bakit wala?” tanong niya at nilingon si Chrome.

“Baka masyadong magaan ang pagkakapindot mo. Diinan mo ng konti.”

“Ayoko! Baka masaktan siya.”

Inunat nito ang dalawang kamay mula sa likuran niya at iginiya ang mga kamay niya. Ipinatong nito ang mga kamay eksakto sa mga kamay niya. “Wala talagang lalabas na gatas diyan kung puro ka takot. Ganito.”

Tiningala niya ito. Napakalapit ng mukha nito sa kanya at bakas ang kaseryosohan at dedikasyon sa ginagawa. Di katulad ng mga nagkaka-interes sa kanya. Ang alam lang ay waldasin ang pera ng mga magulang. Habang si Chrome ay achiever na sa batang edad. And he was a hard worker.

His sweet smell was so heady. Ito lang yata ang lalaking kilala niya na mabango pa rin kahit na magdidikit sa mga baka at kabayo. He had that earthy smell and she loved it. Bigla ay sumagi sa isip niya ang mga kaklase niya at ang mga boyfriend ng mga ito. Mga bata pa pero walang patumangga kung maghalikan kahit pa sa gitna ng klase. She had always played by the rules. She suddenly wanted to become reckless and kiss him. She wanted to know how it feels. Wala siyang alam sa paghalik pero ang sabi ng kaklase niya ay instinct daw iyon. Malalaman na lang niya lalo na’t ang hahalik sa kanya ay ang lalaking gusto niya. Nagwawala na ang puso niya. She’d go crazy if she can’t kiss him right now.

She was falling so fast and so hard. Hindi na niya kayang pigilan ang mabilis na tibok ng puso niya.

“Ayan na!” sigaw ni Chrome na nagpabalik sa kanya sa realidad.

Nang lumingon siya may gatas na si Moo. Subalit nalito siya kung ano ang tamang gagawin. Pinisil nga niya pero umiba ng direksiyon ang pagpulandit ng gatas. Napaliguan siya sa katawan, dibdib, mukha at leeg.

“Ahhh!” singhap niya at napabitiw sa kay Moo. “Bakit ganoon? Hindi naman na-shoot sa timba.”

“Wala kasi ang atensiyon mo sa ginagawa mo. Saan ka ba nakatingin?” tanong nito at saka humalakhak nang makita ang itsura niya.

Pinahid ng manggas ng jacket niya ang mukha niya at itinulak ito palayo. “Asar ka! Nanlalagkit na nga ako dito, tawa ka pa ng tawa. Diyan ka na.” Padabog siyang naglakad palayo.

“Bakit? Anong problema?” tanong ni Chrome.

Di niya ito sinagot pa at maluha-luhang nagtatakbo palayo. Di ba nito nakitang napahiya siya? Nagtatanong pa.

Bakit ba lagi na lang siyang pumapalpak kapag kaharap si Chrome? Wala na yata siyang gagawing tama kapag kaharap ito. Paano pa siya nito magugustuhan?

NAGKAKANDAHABA ang nguso ni Sahara habang nakaupo sa tabi ng sapa at binabato ang tubig. Maganda ang sikat ng araw pero hindi maganda ang mood niya. Inis na inis kasi siya kay Chrome. Pagtawanan ba naman siya nito matapos maligo ng gatas ng baka.

Sa malayo pa lang ay nakita na niya si Chrome na sakay ni Snow White. Papunta ito sa direksiyon niya. PUmaling siya palayo habang patuloy pa rin ang pagbato sa sapa.

TUmigil ito sa di kalayuan at itinali si Snow White sa puno. “Sahara, kanina ka pa hinahanap sa bahay. Nandito ka lang pala. Anong ginagawa mo dito?”

Nanulis ang nguso niya at di ito kinibo.

“Huwag mong sabihing nagtatampo ka pa rin dahil sa nangyari kanina. Sorry na.”

Wala pa rin siya sa mood na kausapin ito. Napahiya na siya. Walang kwenta ang sorry nito.

Huminga ito nang malalim at may inabot na plastic bag sa kanya. “Ipinagluto ka ng empanada ni Nanay at ginawa niyang sandwich iyong ham at hotdog na di mo kinain kanina. Kasalanan ko yata kung bakit di ka nakakain.”

Hinablot niya ang plastic bag at dinampot ang ham sandwich. Di na siya nakatiis na di kumain. Pero di ibig sabihin ay bati na silang dalawa.

“Galit ka pa rin?” tanong nito at inabutan siya ng canister na may lamang gatas.

Parang hinipan lang ng hangin ang sandwich at tinungga niya ang gatas. Saka niya ito pinagmasdan. Guwapo na ulit ito sa paningin niya kahit na naiinis siya.

“Hindi dahil busog na ako, abswelto ka na sa akin.”

“I know. Kaya nga babawi ako sa iyo.” Nagitlahan siya nang alalayan siya nitong tumayo at hilahin siya palapit sa kabayo. “Ipapasyal ka namin dito sa rancho. tuturuan din kita ng horseback riding.”

“Sige! Gusto ko iyan!”

“Kailangan mo munang palitan ang dress mo. Hindi ka pwedeng sumakay sa kabayo na iyan ang suot mo.”

It was a yellow ruffled dress. Simple lang iyon at di naman siya overdressed kahit na isuot niya sa rancho. “Sa mga old movies ganito rin naman ang suot ng mga babae kapag sumasakay ng kabayo, ah!”

“Wala ka sa old movies. Hindi ka magiging komportable kung iyan ang suot mo. Nasa kuwarto mo ang damit na binili ng papa mo. Inilagay na ni Nanay.”

Napilitan siyang pumunta sa kuwarto niya. Nadismaya siya nang makita ang damit. Medyo maluwag ang damit sa kanya. It was unflattering. Hindi alam ng papa niya kung ano ang sukat niya.

Hinalughog niya sa damitan ang jeans at shirt na pwede niyang pang-horseback riding pero mukhang tinanggal na iyon ng mama niya sa maleta niya bago pa siya umalis ng Singapore. Kapag nga naman minamalas. Kung hindi niya isusuot ang pangit na pantalon at polo shirt, di siya pasasakayin ni Chrome sa kabayo.

Pikit-mata niyang isinuot ang baduy na damit na binili ng papa niya. Diniskartehan na lang niya niya para di magmukhang maluwag sa kanya. Hindi na lang niya masyadong tinitigan ang sarili niya sa salamin. Bahala na!

Pagbaba niya ng hagdan ay nakalahad na ang palad ni Chrome. Parang prinsipe ito na naghihintay sa prinsesa nito. Maganda pa rin siya sa paningin nito. He didn’t mind kung baduy man ang suot niya.

“Halika na! Hinihintay na tayo ni Snow White.” Humalinghing agad si Snow White nang lumapit siya. Hinawakan ni Chrome ang kamay niya at inangat sa nguso ni Snow White. “Para makilala ka niya.”

Nanigas ang katawan niya dahil sa takot. “Chrome…”

Pumuwesto ito sa likuran niya at iniyakap ang isang braso sa balikat niya at ang isa ay hawak ang kamay niya para ilapit sa nguso ni Snow White. “Matatalino ang mga kabayo. Nararamdaman nila kung natatakot ka. They could even tell if you have a good heart. Magugustuhan ka ni Snow White.”

Snow White nuzzled her hand. Hindi siya humihinga habang hinihintay ang susunod na gagawin. Matapos iyon ay inilagay ni Chrome ang kamay niya sa leeg ni Snow White. “Natatakot ka pa ba?”

“Hindi na,” usal niya. The warmth of his body was comforting. Unti-unting nawala ang takot at kaba niya. Alam niyang handa si Chrome na protektahan siya kung sakali mang may pumalag si Snow White. Pero napakaamo ng kabayo sa kanya. Kumalas lang si Chrome sa kanya nang humakbang siya palapit kay Snow White at kusa niyang hinaplos ang leeg nito.

“Mamasyal na tayo habang di pa mainit ang araw.”

Napahiyaw siya nang hapitin nito ang baywang niya at isampa siya sa kabayo. Hindi pa halos siya nakakahinga sa pagkakasampa niya nang maramdaman niyang umupo sa likuran niya si Chrome.

Hinapit nito ang baywang niya palapit at saka marahang pinalakad si Snow White. Hanggang dahan-dahang bumilis ang takbo nito at humagibis sila sa malawak na damuhan. Namangha siya kung gaano kalawak ang lupain ng Papa niya. At manaka-naka siyang nakakakita ng mga kabayo at bakang nakapastol.

Nang lingunin niya ang villa ay maliit na lang iyon sa kanyang paningin. “Chrome, ang layo na pala natin. Hanggang saan ba ito?” tanong niya.

“Paglagpas pa ng burol na iyon.”

At pinasibad nito ang kabayo paakyat ng burol. Nahigit niya ang hininga nang makita ang batis sa baba. May natanaw din siya na bukid na iba’t iba ang kulay.

“Ano ang mayroon doon?” tanong niya.

“Sa susunod doon tayo pupunta. Pero sa ngayon kailangan na nating bumalik. Bukas na rin kita tuturuan.” Naubos na ang oras nila sa pamamasyal.

Nakahilig siya kay Chrome nang pabalik na sila sa villa. Bakit ba kailangan pa nilang bumalik sa villa? Pwede namang doon na lang silang dalawa. Solo nila ang mundo at walang ibang pwedeng manggulo sa kanila. Oras na ikwento niya iyon sa mga kaklase niya, maiinggit ang mga ito. Parang prinsesa siya sa fairy tale!

Palapit pa lang sila sa villa ay nakaabang na sa kanila ang Papa niya. “Pa, you have an amazing ranch! Ipinasyal ako ni Chrome…”

“Anong oras na, Chrome?” sa halip ay tanong ng Papa niya. “Tapos na ang training mo pero namasyal ka pa. Maglinis ka ng kuwadra!”

“Opo,” sagot agad ni Chrome at inakay papasok ng kuwadra si Snow White.

“Pa, ako ang may kasalanan. Hindi ko alam na may training pala siya,” depensa niya.

“May oras para sa pamamasyal, Sahara. May oras para sa trabaho. At alam ni Chrome ang bagay na iyon kung gusto niyang maging disiplinado.” Inakbayan siya ng Papa niya at inakay pabalik ng villa. “Nagustuhan mo ba ang rancho ko?”

“Opo,” sagot niya pero nilingon ang kuwadra kung saan naroon si Chrome. Kaya lang naman siya ipinasyal ni Chrome ay para makabawi sa tampo niya dito. Kung alam lang niyang mapaparusahan ito ay hindi na sana sila namasyal. Sana ay hindi nito pinagsisihan ang pagsama sa kanya. Dahil masaya siyang kasama ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.