Stallion Island Series Chapter 44

Hangang-hanga si Sahara sa bawat galaw ni Chrome. Nasa show jumping training area ito kasama ang panlaban nitong kabayo na si Arrowhead. Nakaupo siya sa wooden bench katabi ni Kriege. Napapasigaw siya sa bawat pagtalon nito sa vertical bars at liverpool. Parang malalaglag ang puso niya. Isang pagkakamali ng sinuman sa kabayo at sa rider nito ay maaring magkaroon ng aksidente. Sa sports na iyon ay nakasalalay ang career at kaligtasan ng parehong kabayo at ng rider.

Parang lumilipad ito sa ere. Magaling din ang kinuhang trainer ng papa niya para sa mga ito. At ang papa din niya ang tumatayong manager nito at ni Kriege sa mga competitions.

Napatayo siya at pumalakpak nang matapos ni Chrome ang isang round sa mabilis na oras. “That’s great, Chrome!”

Tinapik ni Chrome ang leeg ni Arrowhead. “Good job!”

Kaninang umaga pa siya nakaabang na matapos ang practice ni Chrome. Naging puspusan ang practice nito at ang pagtatrabaho nito sa rancho. IYon ang nagsilbing parusa nito sa pamamasyal nila. habang umaasa siya na matupad ang pangako nito na ipasyal siya kabilang bahagi ng ilog.

Pumalakpak din si Joser at tinapik sa balikat si Chrome. “Kung consistent ang performance mo, tiyak na mananalo ka sa King Abduramal Cup. Maari kang mag-training kasama ang mga royal horsemen.”

Isang competition sa kaharian sa Gitnang Silangan na sikat sa mga magagaling at mamahaling Arabian horses ang target ng Papa niya. Maraming opportunities ang magbubukas oras na makapasok sina Chrome at Kriege doon.

“Gagalingan ko po talaga para di po masayang ang pag-aalaga ninyo sa amin,” nakakuyom ang palad na wika ni Chrome. Ito ang lalaking mataas ang pangarap. At di ito susuko hangga’t di iyon naaabot.

“pwede ka nang magpahinga buong maghapon.” Sinenyasan ng Papa niya si Kriege. “It is your turn. Ihanda mo na ang kabayo mo.”

“Pero hindi pa po tapos ang training ko,” wika ni Chrome. “Sabi ninyo isang linggo akong di pwedeng magpahinga sa training.”

“Your performance is impressive. You deserve a break. Saka ilang araw nang naghihintay ang dalaga ko na ipasyal mo,” anang Papa niya at inilahad ang palad sa direksiyon niya. “Pinilit talaga niyang mag-shopping kami dahil hindi daw niya type ang mga damit na pang-rancho na ibinili ko para sa kanya.”

“Pa, pangit talaga! Hindi kasya sa akin,” depensa niya. Kung gusto niyang mapansin siya ni Chrome, dapat ay angat ang itsura niya.

Pinisil ng papa niya ang pisngi niya. “I am sorry. I am not a fashion icon like your mother. But you look beautiful today.”

“Thank you, Pa.”

Tumango ang papa niya at ngumiti. Palagay tuloy niya ay totoong date iyon. Na-excite tuloy siya. Basta para sa kanya ay date nila iyon ni Chrome.

“Saan mo gustong pumunta?” bulong ni Chrome sa kanya.

“Doon sa kabila ng ilog. Nangako na ka pupuntahan natin iyon.”

“Okay!” HUmalinghing si Snow White nang bumilis ang takbo nila. Nang makarating sa baba ng burol ay bumaba sila ng kabayo at tinawid ang ilog. Mababaw lang iyon dahil tag-araw. Tuwang-tuwa siyang nagtampisaw sa malamig na tubig.

“Sahara, halika na!” tawag sa kanya ni Chrome na nakatawid na ng ilog at naghihintay sa kanya.

Nang makatawid siya ay nahigit niya ang hininga sa malawak na bukirin ng mga ligaw na bulaklak. Iba’t iba ang kulay niyon. Iba’t iba rin ang klase ng bulaklak. Parang bahaghari ang mga iyon at parang walang katapusan.

Nagtatakbo siya sa halamanang hanggang tuhod niya. “Ang ganda dito. Parang dagat ng mga bulaklak. Parte pa rin ito ng rancho namin?”

Tumango si Chrome. “Kasama itong nabili ng Papa mo. Tiyak ako na matutuwa ang mama mo kapag nakita niya ito. Paborito itong lugar ng Nanay dito sa rancho.”

Hinawi ng kamay niya ang mga halaman. “Ewan ko kung magugustuhan dito ni Mama. Hindi iyon natatahimik kapag hindi polluted ang lugar. But I love this place.”

Nagpaikot-ikot siya sa mga halaman. Pakiramdam niya ay prinsesa siya ng mga bulaklak. Natigilan siya sa pag-ikot nang mahuling nakatitig sa kanya si Chrome habang nakasandal sa puno. “Bakit?” tanong niya.

Pumitas ito ng bulaklak at inilagay sa tainga niya. “You look like a fairy. Iba kasi ang impression ko nang unang beses tayong magkita. Parang masungit ka. Pero habang nakikilala kitang mabuti, di ka naman pal.”

Hinampas niya ang dibdib nito. “Pinagtawanan mo kasi ako dati.”

“Hindi ko na uulitin iyon.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Mukhang marami kang paiiyaking lalaki.”

“Marami na akong napaiyak. PInagbabasted ko silang lahat. Kulang kasi sila ng character at pangarap sa buhay.”

Mahina itong tumawa. “Bata ka pa lang may character na hinahanap mo.”

“Hindi ka ba maghahanap ng babaeng may character?” tanong niya.

Lumamlam ang mga mata nito. “I don’t know yet. Bago ako sumubo sa isang relasyon, gusto kong matupad ang mga pangarap ko. Gusto kong maging world-class equestrian. Gusto kong iahon ang pamilya ko sa kahirapan at mabuo ang pamilya ko.”

Kumunot ang noo niya. “Bakit?”

Malungkot nitong inilatag ang picnic blanket at umupo. “Isang rebelde ang tatay ko. Ilang beses nang muntik manganib ang buhay naming magkakapatid kaya naisip ng nanay ko na humiwalay sa kanya. Sa paglayo namin, nahiwalay sila ng ate ko sa amin.”

“Nasaan na ang ate at tatay mo ngayon?”

Nagkibit-balikat ito. “Hindi ko rin alam kung buhay pa o patay na. Kulang ang pera namin para hanapin sila. Kaya kailangan kong mag-ipon para mahanap sila. Maswerte ka nga dahil nandiyan pa ang mga magulang mo. Sana magkasama-sama na rin kayo dahil nalulungkot ang papa mo na mag-isa.”

“Hindi ko rin alam ang gagawin ko. Magkaiba kasi ng gusto ang Mama at Papa.”

“Your father is a good man. He gave us home. Palipat-lipat ng trabaho ang nanay para mabuhay. Minsan kapag walang trabaho, nagtitiis kami na walang makain. Nang lumaki kami ni Kriege, natuto kaming maghanap-buhay. Nang dumating ang papa mo, siya ang tumayong ama sa amin ni Kriege. May tiwala siya sa kakayahan namin. Kaya maswerte ka dahil may ama ka na katulad niya.”

Ginagap niya ang kamay nito. “Salamat din dahil di ninyo iniwan si Papa. Di ko naisip na minsan nami-miss din niya kami.”

Kailangang mabuo ang pamilya nila. Gusto na rin niyang mamuhay sa rancho. Naroon ang katahimikang hinahanap niya. Naroon din ang taong nakapagmulat sa kanya ng magagandang bagay. Si Chrome. Ayaw niyang mahiwalay sa tabi nito. Pareho nilang bubuuin ang pangarap nila.

“SAHARA, kumusta? Mamamatay ka na ba sa boredom? Gusto mo bang magpadala ako ng plane ticket para makabalik ka na sa Singapore?” tanong ng mama niya nang tawagan siya nito sa cellphone. Inis na inis ito dahil ilang araw na walang signal sa rancho dahil sa inaayos na cellsite. Kaya nang magkausap sila ay santambak ang tanong nito. Lahat ay napupunta sa pagbalik niya sa Singapore.

“Ma, kailan kayo pupunta dito?” tanong niya. “This place is so nice and tranquil. Marami kayong maiisip na ideas para sa design ninyo dito. Kapag pumunta kayo dito, dadalhin kayo ni Papa sa isang magandang lugar. I am sure you will love it.”

Nae-enjoy niya nang todo ang bakasyon niya. Sana ay hindi na matapos ang summer vacation niya. At kung makakarating lang sana doon ang Mama niya, sana may makumbinsi niyang doon na rin tumira. Dati ay di siya apektado kung di buo ang pamilya niya. May mga kaklase siyang galing sa broken family. Pero nang marinig niya ang pangarap ni Chrome na mabuo ang pamilya nito ay nalungkot siya. Gusto rin niyang mabuo ang pamilya niya. Mas mahirap pa nga ang sitwasyon ni Chrome pero gagawin nito ang lahat para matupad ang hiling nito. Ibig sabihin ay kaya rin niyang buuin ang pamilya niya.

“But Sahara…”

“Ma, gusto kong mabuo ang pamilya natin,” mariin niyang wika. “Hindi ka ba napapagod na taon-taon na lang nasa iba’t ibang bansa tayo nakatira? Napapagod na po ako. Saka ayoko nang malungkot ang Papa nang di tayo kasama.”

Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito sa kabilang linya. “Mag-uusap kami ni Joser. For now, enjoy your vacation.”

Kaunting pagkumbinsi pa at tiyak na gugustuhin na rin nitong tumira sa rancho. Mabubuo rin sila.

Naulinigan niya ang pagdating ng hand tractor. Nang sumilip siya sa verandah ay sakay niyon ang baduy na babaeng kasama ni Chrome dati – si Angela. Gaya noong una ay nakasuot nito ng bulaklaking blouse at paldang mismatched ang kulay. Ang masama pa ay may pula pa itong medyas ngayon at asul na rubber shoes. Masakit sa mata.

“Chrome!” tili nito at nagtatakbo papunta sa kuwadra bitbit ang bayong. Napababa tuloy siya ng wala sa oras at napatakbo sa kuwadra. Nagdilim ang paningin niya nang makita kung paanong yumakap si Angela kay Chrome. Daig pa nito ang linta. Nagtago siya sa likod ng puno at tama ang distansiya sa mga ito.

“Angela, kumusta ang bakasyon mo?”

“Ipinag-uwi kita ng maraming-maraming sili galing Bicol. At ipinagluto kita ng Bicol Express. Masarap na masarap iyan kasi galing Bicol pa ang sili.”

Tumaas ang kilay niya. Ano ang kaibahan ng sili sa Bicol at sili sa Quezon? Pareho lang sili ang mga iyon.

“Bakit mo sila sinisilip?” untag sa kanya ni Kriege.

Muntik siyang mapatili nang makitang nasa tabi niya ito. “Wag kang manggulat.”

“Ano bang pinakikinggan mo?”

Gusto niya itong dagukan. Masyado na ba itong na-immerse sa mundo ng mga hayop para di mapansing interesado siya sa kapatid nito?

Inginuso ang babae. “Kaano-ano ba iyan ng Kuya mo?”

“Bakit hindi mo sila tanungin para malaman mo?” Saka siya nito tinalikuran at naglakad palayo.

Pambihira ito. Parang kaya niyang itanong kay Chrome iyon. Malamang alam nito ang sagot. Bakit ayaw pang sabihin?

“Hoy, Kriege! Nagtatanong ko ng maayos…” Napilitan siyang sundan ito. “Sagutin mo muna ang tanong mo.”

“Sahara!” tawag sa kanya ni Chrome. Patay! Nakita tuloy siya nito. Gusto sana niyang bumalik na lang sa puno at magtago ulit pero palapit na ito sa kanya kasama si Angela. “Naalala mo si Angela, di ba? Kaibigan ko siya at sa kabilang farm siya nakatira. Angela, ito si Sahara. Anak ni Sir Joser.”

“Hi!” aniya at kinamayan si Angela.

“Ikaw pala ang stepsister ni Chrome,” sabi ni Angela.

Nagsalubong ang kilay niya. “Stepsister?”

“Hindi ba kasal na lang ang kulang kay Aling Lumen at Sir Joser? Sa wakas magkaka-tatay na rin si Chrome!” tuwang-tuwang sabi ni Angela. “Iyon ang usap-usapan ng mga tao sa bayan. Bagay ka namang maging prinsipe dito, Chrome.”

Namula siya sa galit. Ano bang sinasabi ng babaeng ito na magpapakasal ang papa niya sa nanay pa ni Chrome? Gusto niyang ingudngod si Angela sa lupa o pakainin ng lupa para bawiin nito ang mga sinabi.

“Buhay pa ang nanay ko, Miss,” mariin niyang wika. “Kasal pa rin sila ng tatay ko at hindi sila maghihiwalay.”

“Kung hindi sila hiwalay, bakit wala siya dito?” matabil pang tanong nito.

Di na siya makahinga sa galit. “Hindi ko kailangang magpaliwanag sa iyo. Sino ka ba?” mataray niyang tanong.

Pumagitna na sa kanila si Chrome. “Angela, mabuti pa umuwi ka muna.”

Umirap si Angela. “Suplada pala anak ni Sir Joser. Parang kagandahan.”

Nakuyom niya ang palad at nagtimpi na hablutin ang buhok ni Angela. Pasalamat ito dahil nakalayo na ito. Kundi ay nakalbo na ito ngayon.

“Sahara, pasensiya na sa kay Angela. Puro mga gawa-gawa lang ng tsismosa sa bayan ang nasagap niya. Malisyosa kasi ang iba. Pero huwag kang mag-isip ng masama,” paliwanag ni Chrome at parang gusto siyang pahinahunin.

Humugot siya nang malalim na hininga kasabay ng pangingilid ng luha niya. “Chrome, kung puro di maganda ang sasabihin ng kaibigan mo mabuti pang huwag na siyang tumapak dito sa rancho. Sinusubukan kong ayusin ang relasyon ng mga magulang ko. Tapos ganito lang ang maririnig ko?”

“Pero naniniwala ka bang walang katotohanan lahat iyon?”

Matagal na sandali niya itong pinagmasdan. May mapapala ba siya kung makikinig siya sa walang katuturang tsismis ni Angela? Di rin iyon makakatulong sa pagbuo niya ng pamilya nila. “Maniniwala ako, Chrome. Basta tiyakin mo lang sa akin na hindi ito mauulit.”

MANGHANG-MANGHA si Sahara sa naka-display na mga trophies ni Chrome sa kuwarto nito. May dalawampung piraso rin iyon bukod pa sa mga medal. Lahat iyon ay nakuha nito sa iba’t ibang equestrian competition.

“Wow! Lahat ng ito nakuha mo lang sa loob ng dalawang taon?” di makapaniwala niyang usal. “Ang galing mo naman.”

Tatlong taon pa lang itong nasa poder ng ama niya pero mabilis na ang development nito at ni Kriege na halos ganoon din karami ang tropeo.

“Bata pa lang sanay na kami na sumakay sa kabayo. Kahit noong kasama pa namin ang Tatay, mahilig na akong sumakay sa kabayo,” wika ni Chrome na nakasandal sa dingding at pinagmamasdan siya.

“Tapos sasali ka pa sa King Abduramal Cup. Galingan mo, ha? Ipagdadasal ko talaga na manalo ka para matupad mga pangarap mo.”

“Ano naman ang premyo ko sa iyo kapag nanalo ako?”

“Kiss,” namumula niyang sagot at yumuko. Di talaga siya makapaniwala na nasabi niya iyon kay Chrome. Nakakahiya!

“Hindi pwede. Lagot ako sa Papa mo.”

“Eh, di i-claim mo kapag eighteen years old na ako.”

Hinaplos nito ang gilid ng labi niya. “Sige. Tatandaan ko ang promise mo.”

Parang dinaluyan ng kuryente ang buong katawan niya. Apat na taon pa iyon mula ngayon. Nakakainis. Kung pwede lang pagkurap niya ay eighteen na siya.

Hindi kaya maging insomniac siya sa loob ng apat na taon. Baka di na siya makatulog sa kaiisip sa halik ni Chrome hanggang mag-eighteen siya.

Nilibang niya ang sarili sa pagtingin ng mga kuha nito. TUmutok ang paningin niya sa kuha nito sa Royal Thai Cup kasama ang Papa niya at kasama maging ang Crown Prince ng Thailand. “Chrome, ang swerte mo naman. Kailan ito?”

“Mga two months ago. Basta iyong first two weeks nasa Thailand kami dahil kasama sa prize namin ang tatlong araw na bakasyon sa Phi Phi Island.”

Ang first week na iyon dalawang buwan na ang nakakaraan ang laban niya sa track and field kung saan may dalawang gold medal siya. Ang araw na hiniling niya na sana ay kasama niya ang Papa niya pero hindi ito dumating.

Naestatwa siya sa kinatatayuan. Nasa harap niya ang masasayang larawan ni Chrome kasama ang ama niya pero parang wala siyang makita. Manhid ang pakiramdam niya. Mas mahalaga pala dito ang pamilya ni Chrome kaysa sa kanila ng mama niya. Nagawa nitong magbakasyon sa Thailand pero di man lang sila nito sinilip. Samantalang nang mga panahong iyon ay kailangan din niya ng ama.

“Isinama pa nga si Mama doon. Noon lang kami nakapaligo sa white sand beach,” pagpapatuloy ni Chrome. “Gusto mo bang makita ang picture namin?”

“Hindi na. Matutulog na ako.” Parang robot niyang lumabas ng kuwarto ni Chrome. Gusto niyang magwala sa galit at sigawan ang Papa niya. Pero kikimkimin na lang niya ang sakit. Kailangang bumalik na ang mama niya. Kailangang mabuo na ang pamilya nila sa lalong madaling panahon. Hindi na siya papayag na balewalain pa ng papa niya kahit para sa lalaking gusto niya. Kahit na para pa kay Chrome.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.