Stallion Island Series Chapter 45

Biling-baligtad si Sahara sa higaan niya. Sabi niya ay balewala na sa kanya kung minsan ay pinili ng papa niya na makasama ang pamilya ni Chrome kaysa sa kanilang mag-ina pero ayaw siyang patahimikin. Malaya na lang tumutulo ang luha niya. For the first time, she felt so left out.

Di siya sanay nang kinikimkim ang sama ng loob niya. Kailangan niyang ilabas ang nilalaman niya o sasabog siya. Di siya maaring magsumbong sa mama niya. masasaktan lang ito at lalala ang sitwasyon. Kung kakausapin niya ang papa niya, baka magkalamat ang relasyon nila.

Bumangon siya at lumabas ng kuwarto niya. Magdadasal na lang siya. Wala siyang ibang matatakbuhan nang mga oras na iyon kundi ang Diyos. Hindi kakayanin ng bata niyang puso ang sama ng loob at selos na nadarama niya.

Pababa na siya ng hagdan nang marinig niyang nag-uusap sa sala ang papa niya at si Aling Lumen. Babatiin pa sana niya ang mga ito para ipaalam ang presensiya niya pero natigilan siya nang marinig ang sinasabi ng papa niya.

“Habang lumalaki si Sahara, lalo siyang nagiging katulad ni Dawn,” may halong pagkadismaya na usal ng papa niya.

“Matalinong bata si Sahara at maganda. Baka sa kanya matupad ang pangarap ng asawa mo noon na maging Miss Universe,” sabi ni Aling Lumen.

“Pero hindi iyon ang pangarap ko sa anak ko. Lalaki siyang banidosa. Walang alam kundi ang pagandahin ang sarili. Malayo na siya sa klase ng anak na gusto ko. Iyong anak na magmamana ng lahat ng pinaghihirapan ko ngayon. Gusto ko ng mga anak na tulad nina Chrome at Kriege.”

Parang sinaksak siya ng kutsilyo sa dibdib. Hindi pala masaya ang papa niya na siya ang anak nito. may hinahanap pa pala itong iba. Kaya ba mas gusto nitong pumunta sa Thailand kaysa ang makita siya sa Singapore?

“Parang ama na rin ang turing nila sa iyo,” anang si Aling Lumen sa magaang boses. “Nagpapasalamat ako dahil naibigay mo ang pangarap na di naibigay ni Robert sa kanila.” At ginagap ni Aling Lumen ang kamay ng papa niya.

Humugot ng malalim na hininga ang papa niya. “Kung hindi ka sana nagpakasal kay Robert, sana masaya na tayo ngayon bilang pamilya.”

“Kung hindi ka sana nag-aral sa Maynila, anak mo na sana sila Chrome.”

Hindi nakalusot sa pandinig niya ang panghihinayang sa tinig ng dalawa. Sa relasyon ng mga ito na di nabigyan ng katuparan.

Tinutop niya ang bibig para pigilan ang pag-iyak at tumakbo papunta sa kuwarto niya. Saka niya ibinuhos ang lahat ng luhang pinipigilan niya.

Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat. Si Aling Lumen ang babaeng unang minahal ng papa niya. ang mga anak nito ang pangarap na maging anak ng papa niya. Si Aling Lumen at ang mga anak nito ang gustong maging bahagi ng pamilya ng papa niya. Habang sila ng mama niya ay isasantabi na lang.

Kaya pala di sila hinahabol ng papa niya dahil kahit ang rancho na iyon ay di para sa kanila. Para ito kay Aling Lumen at sa mga anak nito. Kahit ang magandang bukid ng mga bulaklak ay para kay Aling Lumen. Di para sa mama niya.

Hindi na niya nakayang kimkimin ang lahat. Hinagilap niya ang cellphone at tinawagan ang mama niya. “Hello, Sahara!”

Pinipigil niyang umiyak at kinagat ang labi. “Ma, may kilala po ba kayong Lumen Venitio?”

“Bakit? Anong nangyari?”

“Mama!” palahaw niya at tuluyang napaiyak. Di niya masabi nang direkta kung ano ang narinig niya. “Mama, I am sorry. Di na tayo ang pamilyang gusto ni Papa. Ayaw na niya sa atin. Di na tayo mabubuo.”

“I am sorry, anak.” At parang dinurog ang puso niya nang marinig ang impit na iyak nito sa kabilang linya. Her mother was a strong woman. Akala nga niya ay bato ito. Ngayon lang niya ito narinig na umiyak. “Di ko lang masabi sa iyo ang dahilan kung bakit ayokong pumunta diyan. I am sorry.”

Alam na nito ang totoo. Ilang beses niyang sinisi ang mama niya na dahilan kaya di mabuo ang pamilya nila. Sarili lang nito ang iniisip. Papa pala niya ang makasarili.

“A-Ayoko na dito, Mama. Ialis mo na po ako dito.”

Ayaw na niyang makita ang papa niya. Ayaw na niyang makita ang kahit sinong may kinalaman sa pagsira ng pamilya niya. kasama na si Chrome.

Hindi niya alam kung inosente si Chrome sa kabuktutan ng ina nito o kasabwat din ito sa pagtataksil ng magulang nila. Di niya ito mapapatawad oras na malaman niya ang totoo kahit pa itinatangi niya ito sa puso niya.

NAALIMPUNGATAN si Sahara sa ingay na nagmumula sa labas. Masakit ang ulo niya dahil halos di siya nakatulog buong magdamag. Nakatulugan na lang niya ang pag-iyak. Di nga niya maidilat ang mga mata dahil sa pamumugto.

“Sahara, nandito na ako!” anang mama niya. “Buksan mo ang pinto.”

Dali-dali niyang binuksan ang pinto. “Mama!”

Niyakap siya nito nang mahigpit. Naramdaman niya sa init ng yakap nito ang pagmamahal nito. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng koneksiyon ang mga puso nila.

“Halika na, anak. Aalis na tayo dito. Ieempake na natin ang gamit mo.” At mabilis ang kilos nito nang ilabas ang maleta at mga damit niya.

Her heart was still mourning. Sa bata niyang puso, tuluyan nang nawasak ang pamilya niya. At ang masakit, may mas karapat-dapat na anak sa mata ng Papa niya. Di na siya mahalaga para dito kaya kahit masakit ay kailangan na niyang lumayo. Tama na ang pambabalewala nito sa kanilang mag-ina.

Naiwang bukas ang pinto. Mula sa salamin ay nakita niya ang repleksiyon ng pagkatok ni Lumen sa pinto at saka binuksan. Nagulat pa ito nang makita ang mama niya. “Ma’am Dawn, dumating po pala kayo. Ako po si Lumen. Ako po ang…”

“Kilala na kita. Iaalis ko na ang anak ko sa bahay nito,” anang mama niya sa malamig na boses. Di niya matingnan si Lumen. Sa ilang araw na pananatili niya sa rancho ay maganda ang pagtrato nito sa kanya. Nasasaktan siya na ito pa ang babaeng nanakit sa mama niya. Ang sumira sa pamilya niya.

“Pero di pa tapos ang bakasyon ni Sahara. Alam ba ito ni Sir Joser?” malumanay na wika nito.

Nakapamaywang itong hinarap ni Dawn. “Sa palagay mo ba tatagal ako sa bahay na ito nang nakikita ko kayo ng asawa ko? Ipapakita ko pa ba sa anak ko ang kabalbalan ninyo.”

Namutla si Lumen. “Ma’am, huwag pong ganito.”

“Ano ba dapat? Makipag-beso-beso ako sa kabit ng asawa ko?”

Nangilid ang luha sa mata ni Lumen. “Hindi po totoo iyan, Ma’am!”

Iwinaksi ng mama niya ang kamay nito. “Huwag ka nang magkunwaring pigilan kami. Ginagawan ka namin ng pabor. Pag-alis namin dito, tuluyan mo nang masosolo ang bahay na ito.”

Hangos na dumating ang papa niya. “Anong kaguluhan ito?” Pumagitna ang papa niya kay Aling Lumen at sa mama niya. “Kung anu-anong naririnig ko sa iyo, Dawn. Sa harap pa ng anak natin.”

“Don’t worry, Joser!” Ibinalabag ng mama niya ang jacket niya sa loob ng maleta. “Alam na namin ng anak mo na di na kami ang pamilya mo. Kaya gagawin kong madali ang lahat para sa iyo. You won’t see us anymore. Maging masaya ka sana sa bago mong pamilya.”Saka isinara ng mama niya ang zipper ng isang maleta.

“Pati ba naman ang anak natin iniimpluwensiyahan mo nang di maganda para ilayo sa akin?” naniningkit ang matang tanong ng papa niya.

“Narinig ko mismo sa inyo,” bulalas niya. “Na sana ang mga anak na lang ni Aling Lumen ang anak ninyo.” Gulat na nagkatinginan ang papa niya at si Lumen. “Na sana kayo na lang ni Aling Lumen ang nagpakasal. At sana wala na kami ni Mama.”

Umuklo ang papa niya sa harapan niya. “Sahara, nagkakamali ka...”

Naging matigas ang kalooban niya dahil sa sakit na naramdaman niya. Siya pa pala ang mali ngayon. “Ano pang pagkakamali ko? Mas pinili ninyong um-attend ng competition nina Chrome at Kriege sa Thailand kaysa makita kami ni Mama. Nagawa ninyong magbakasyon kasama sila pero ni di ninyo kami sinilip ni Mama.”

Napamaang ang Papa niya. Parang gusto pa nitong magpaliwanag pero hindi alam kung saan magsisimula. Kung makaisip man ito ng paliwanag, baka di na siya makinig pa. Nasira na ang lahat ng pangarap niya para sa pamilya niya. Nasugatan na ang puso niya. Kahit siya ay hindi alam kung kaya pang ayusin ang lahat.

Hinawakan ng mama niya ang balikat niya. “Tama na iyan, Sahara.”

Hinarangan ng Papa niya ang dadaanan nila. “Hindi kayo aalis ng anak ko, Dawn. Pag-usapan natin ito.” Inagaw agad nito ang maletang bitbit ng mama niya. “Basta hindi ka aalis.”

“Pabayaan mo na kaming umalis. Wala kaming hihingin sa iyo. Di ako maghahabol.”

“Hindi kayo aalis dito hangga’t hindi ka nakikinig sa akin.”

Napaigik sa sakit ang mama niya. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak ng nito sa maleta at sinapo ang puson. Dinaluhan niya ito. “Ma?”

INakbayan siya nito. “Masakit. At nahihilo ako.”

“D-Dinudugo ka!” bulalas ni Aling Lumen at itinuro ang pag-agos ng dugo sa binti ng mama niya. “Tatawag ako ng doktor.”

Binuhat agad ito ng papa niya para ihiga sa kama. Nagwala ang mama niya. “Huwag mo akong hawakan. Ayaw mo sa amin ng anak mo, di ba? Baka patayin mo lang ang baby ko.” Inilahad ng mama niya ang palad nito. “Sahara, huwag mo akong iwan dito. Ialis mo ako dito. Ayokong makasama sila.”

Namutla siya dahil patuloy ang pag-agos ng dugo sa binti ng mama niya. Buntis pala ito. Pero paano niya ito maiaalis sa lugar na iyon? Nasaktan na silang mag-ina. Pati ba di pa niya naisisilang na kapatid ay masasaktan din?

“Pa, huwag na ninyong saktan pa si Mama o ang kapatid ko.” Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng mama niya habang matiim na nakatitig sa papa niya. “Huwag ninyong alisin ang natitirang pagmamahal ko sa inyo.”

Nangilid ang luha sa mata ng papa niya. He was a strong man. Noon lang niya ito nakitang naluha. “Pangako. Maililigtas sila.”

NAKATULALA si Sahara habang nakaupo sa hagdan. Nasa kamay pa niya ang bahid ng dugo ng mama niya. Pinalabas muna siya ng kuwarto nang dumating ang doktor. Ayaw niyang iwan ang mama niya. Nag-aalala pa rin siya. Magulo ang isip niya. Di niya alam kung ano ang mangyayari sa mama niya o sa kapatid niya.

Hangos na pumasok ng villa si Chrome at dali-dali siyang nilapitan. Kagagaling lang nito sa bayan dahil may iniutos dito ang papa niya. “Sahara, totoo bang nandito ang mama mo at muntik siyang makunan.”

“Nasa loob siya. Tinitingnan ng doktor. I hope she will be okay.” Nanlalambot na siya at napapagod. Parang wala na siyang lakas na magsalita.

“Anong nangyari?” tanong nito at ginagap ang kamay niya.

“alam na namin ni Mama ang tungkol sa relasyon ni Papa at nanay mo.”

Napaurong si Chrome pababa ng hagdan. “Hindi totoo ‘yan,” usal nito.

“Hindi rin ako naniniwala noong una pero iyon ang totoo.”

Umiling ito at mahigpit na hinawakan ang balustre ng hagdan. “Huwag mong siraan ang nanay ko!” mariing wika nito. “Matagal na siyang ginagawan ng mga kwento. Pinag-initan na siya ng mama mo. Pati ba naman ikaw nakikisali sa kanila?”

“Hindi ako gumagawa ng kwento.” Natural lang dito na masaktan. Natural na di nito matanggap ang katotohanan. “Ako mismo ang nakarinig…”

Itinaas nito ang kamay para putulin ang sasabihin niya. “Akala ko iba ka sa nanay mo. Na di mo pag-iisipan ng masama ang nanay ko. Wala siyang ginagawang masama sa iyo!”

Napamaang siya at tumayo. Parang di naman siya nito pinakikinggan. “Pareho din kayo ng nanay mo! Gusto mo ring agawin si Papa. Gusto mo ring maging anak niya! Mas inuna pa niya ang competition mo sa Thailand kaysa sa competition ko.”

Hindi na niya mapigil ang pagsabog ng damdamin niya. Naghalo na ang sama ng loob at selos niya. She was still holding a grudge against Chrome’s family. Di niya matanggap na ito pa ang gustong maging anak ng papa niya kaysa sa kanya.

Matiim na rin ang anyo nito. “Hindi ko lang inaasahan na ganito pala kababaw ang tingin mo sa pamilya namin. Akala ko iba ka. Na kung may ganito mang sitwasyon, makikinig ka muna sa paliwanag bago ka manghusga.”

Naging tuwid ang tingin niya. Nalamatan na ang pagkakaibigan nila. Kahit ang puso niya ay nalamatan na rin. Wala silang kasalanan sa problemang nilikha ng mga magulang nila. Pero di na nila maibabalik pa ang magandang pinagsamahan nila. Pareho na nilang nasaktan ang isa’t isa.

“Nasa bingit ng kamatayan ang Mama ko, Chrome. Ang alam ko, pamilya ko ang nasira dahil sa inyo.”

TUmayo siya at iniwan itong nakatayo sa hagdan. Gusto ng puso niya na lingunin ito. Hindi sila dapat na maipit ni Chrome sa gulong iyon. Subalit nanatiling tuwid ang tingin niya. Higit na mahalaga ang pamilya niya. Sinumang magtangkang sumira nito, hindi niya mapapatawad.

HINDI binibitiwan ni Sahara ang kamay ng mama niya habang wala pa rin itong malay. Maputla pa rin ito subalit naampat na ang pagdurugo. The doctor came on time. “Ligtas si Mrs. Fernandez, Sir Joser,” wika ni Doctor Flores. “But she needs total bed rest. Bawasan din ang stress. Natagtag sa biyahe ang misis ninyo. Galing pa pala siyang Singapore at walang pahinga nang tumuloy dito.”

“Ano pang kailangan, Doc?” tanong ng papa niya. Di ito umalis sa tabi ng mama niya kabila ng protesta ng huli.

“Iwasan ang emotional stress. Makakasama iyon sa misis ninyo at sa bata.” Kinamayan ni Doctor Flores ang papa niya.“Tawagan ninyo ako kung may problema.”

Di niya kinibo ang papa niya nang umupo ito sa kabilang bahagi ng kama. She could still see guilt written over his face. Di niya magawang maawa sa ama. Kasalanan nito ang lahat. Naramdaman din siguro nito ang galit niya kaya pinili na lang hawakan ang kamay ng mama niya.

Marami itong sinira. Di lang ang pamilya nila kundi maging ang magandang pagkakaibigan nila ni Chrome. Paano pa niya mamahalin si Chrome kung ang ina nito ang dahilan kung bakit nabingit sa kamatayan ang nanay at kapatid niya? Di madali para sa kanya na talikuran na lang si Chrome kanina at iwan itong nasasaktan. She was sure that it was devastating for him as well. May sarili itong pangarap upang mabuo ang pamilya nito subalit nalamatan na rin iyon.

Umungol ang mama niya at dahan-dahang iminulat ang mga mata. Dumukwang agad ang papa niya. “Dawn, how are you feeling?”

Umiyak ito nang mahimasmasan. Bakas din ang takot sa mukha nito. “Sahara, ialis mo ako dito, anak. Ayoko dito. Mamamatay kami ng kapatid mo.”

“Ma, hindi po kayo pwedeng gumalaw sabi ng doktor.” Pati siya ay naiiyak sa kalagayan nito. Ilang buwan ding itinago ng mama niya ang lahat ng sakit na nararamdaman nito. Ang pagbubuntis nito at ang problema nito ng papa niya.

“Bakit nandito pa tayo? Hindi na tayo ang pamilya ng papa mo.” Kumawala ito sa pagkakahawak ng papa niya. “Hindi na niya tayo mahal.”

“Dawn, I am sorry.” TUmayo ang papa niya at ihinilamos ang palad sa mukha. “Hindi ko alam na buntis ka. Sana sinabi mo sa akin noon…”

“Kailan ko sasabihin sa iyo? Habang humihingi ka ng annulment sa akin? O habang mag-isa lang akong nanonood ng track and field competition ng anak mo at nagpapasarap ka sa Thailand kasama ang kabit mo?” pinipilit maging matigas ng mama niya sa kabila ng panghihina nito. “Okay lang na lokohin mo ako, Joser. Pero sana hindi na nadamay pa ang anak natin. Sana itinago mo muna ang babae mo habang nandito siya.”

“Lumen is not my woman!” kaila ng papa niya.

Iniwas ng mama niya ang mukha at pumikit. “Pagod na ako. Oras na gumaling ako, aalis din kami ng anak mo. Don’t burden yourself with my new child. Kaya kong buhayin ang mga anak ko.”

“NAtukso ako. Maasikaso si Lumen at mabait. Siya rin ang unang babaeng minahal ko. Natutuwa rin ako sa mga anak niya. Oo, pinangarap ko na sana sila na lang ang pamilya ko. Wala ka kasing panahon sa akin. Mas importante sa iyo ang career mo. Pero wala kaming relasyon. Ayaw ni Lumen!” paliwanag ng papa niya subalit nagmistulang bingi ang mama niya.

“Lumabas ka na!” mariing utos ng mama niya.

“Sasama na ako kahit saan mo gusto, Dawn. Iiwan ko ang rancho para sa iyo. Para lang mabuo ang pamilya natin. Magiging mabuting ama ako,” pagsusumamo ng papa niya. Iyon ang pangarap niya. Ang magsama-sama silang pamilya. Subalit nakikita niya ang katigasan ng anyo ng mama niya. Di ganoon kadaling maghilom ang sugat na nilikha ng papa niya. Maaring wala nga itong relasyon kay Aling Lumen. Subalit sa puso nito ay napalitan na silang mag-ina.

“Hindi na ako aalis ng rancho,” deklara ng mama niya. “Tama si Sahara. Dapat matuto akong magsakripisyo para mabuo tayo. Pero dapat ka ring magsakripisyo, Joser.” Umangat ang tingin ang mama niya at Sinalubong ang mga mata ng papa niya. “Paalisin mo ang babaeng iyon at ang mga anak niya. Ayoko nang magkaroon pa ng kaugnayan sa kahit sino sa kanila. IYon lang ang hiling ko para mapatawad kita sa mga ginawa mo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.