Stallion Island Series Chapter 49

Pinahagibis ng takbo ni Sahara si Star Dust papasok sa mas malaking corral fence. Mas mabilis na ang takbo ng kabayo na ikinagulat ni Chrome. “Sahara, pabagalin mo ang takbo mo! Or better stop it now!” utos nito.

HUmalakhak lang siya at hinayaan si Star Dust sa bilis nito. “Sige pa, Star Dust! Kailangang maka-sampung lap tayo sa loob ng limang minuto.”

Nakita niya ang paniningkit ng mga mata ni Chrome. Di niya pinansin ang babala sa mga mata nito. She loved the wind and the sun against her skin. Ngayon niya totoong nae-enjoy ang pagiging isa nila ni Star Dust.

Ngayon niya naramdaman ang pagiging totoong rider. Gusto rin niyang ipakita kay Chrome ang natutunan niya.

Nang makalimang lap siya ay nakaabang na sa dadaanan nila si Chrome. Madilim na ang mukha nito kaya pinatigil na niya si Star Dust bago pa ito ang magpatigil sa kanila. “Bumaba ka diyan!” utos nito.

Patalon siyang bumaba ng kabayo. HInaplos niya ang leeg ni Star Dust. “Good job, Star Dust! Good job!” kahit na sa ilang sandali ay natupad ang kagustuhan niyang makapagpatakbo nang mabilis.

Malalaki ang hakbang ni Chrome nang lumapit sa kanila. “What do you think you are doing? Pinahagibis mo na lang basta si Star Dust. Hindi ka pa naman sanay na magpatakbo nang mabilis.”

Lumabi siya. “Gusto kasi ni Star Dust na bilisan namin ang takbo. Kita mo naman. Kung ako ngang tao nababagot na maliit lang ang coral fence tapos mabagal pa ang takbo, lalo naman si Star Dust. Look, Chrome! Masaya na si Star Dust ngayon.”

“Sahara, sa palagay mo ba maniniwala ako na iyon ang gustong mangyari ng kabayo mo?”

“One heart, one mind na kami ngayon.” At itinaas pa niya ang isang daliri. “Hindi ba iyon naman ang turo mo sa akin?”

Nasipa nito ang lupa sa sobrang inis sa kanya. “Muntik na akong atakihin sa puso dahil sa ginawa mo.”

Inilapat niya ang kamay sa dibdib nito. “Oo nga, no? Mabilis na mabilis ang tibok ng puso mo. Takot na takot ka, no?”

“Sige! Mang-inis ka pa.” Hinapit nito ang baywang niya. Napadiin ang dalawang kamay niya sa dibdib nito sa pagkabigla. Nanlaki ang mata niya nang ilapit nito ang mukha sa kanya. “Gusto mo bang malaman ang isa pang dahilan kung bakit mabilis na mabilis ang tibok ng puso ko?”

“Bakit?” pausal niyang tanong.

“Because I’ve been dying to kiss you for a very long time.”

His mouth came down hard on hers. Hindi iyon ang mahinay na halik na ibinibigay ng mga prinsipe sa mga natutulog na prinsesa. The kiss was enough to wake up a dead volcano. Nagmistulang lava ang dugo niya. He was hot. Scorching hot. Kahit ang balat sa ilalim ng palad niya ay nagmistulang nakakapasong baga.

It was a kiss beyond her wildest imagination. At walang nakapaghanda sa kanya sa halik na iyon. She felt so helpless. His lips were firm but not forceful. The kiss was bold but not abusive.

Instinctively, her body arched against his. YUmakap din ang kamay niya sa leeg nito. She wanted to pull him closer. Closer. Kahit nang magkadikit na ang katawan nila ay di pa rin sapat sa kanya.

Habol niya ang hininga nang maghiwalay ang labi niya at inilapat niya ang labi sa leeg nito. She could feel his pulse beating faster than ever before.

He kissed the crown of her head. “This is long overdue, Sahara. Ito ba ang sinasabi mong kasalanan ko kung bakit wala ka pa ring first kiss?”

Marahan niyang idinilat ang mata at tiningala ito. “Noong eighteen pa ako dapat, di ba? This is silly. Ilang taon na ang lumipas pero umaasa pa rin ako na ike-claim mo ang halik na iyon. Naghihintay ako kahit na sinabi ko sa sarili ko na ayoko sa iyo at ikaw ang huling lalaking gugustuhin kong mahalin.”

GUmuhit ang ngiti sa labi nito. HInaplos nito ang pang-ibabang labi niya. “You are a woman of the world. All the girls envy you. But little do they know that you are still an innocent girl. I can’t believe that you’ve been waiting for me all this time. Hindi ka rin siguro naniniwala na kahit na magkalayo tayo, inaalagaan lang kita sa puso ko. At hindi ko rin kinakalimutan na may utang ka sa akin.”

“But you hate me, remember?”

Lumungkot ang mga mata nito. “I wanted to. Di ko kayang mahalin ang babaeng mababa ang tingin sa pagkatao ng pamilya ko. Pero tumindi lang ang nararamdaman ko para sa iyo. And all I can do is watch you from afar. Dahil alam kong di mo na ako gugustuhing makita kahit kailan.”

Marahan niyang hinaplos ang kilay ito. Iyon mismo ang gusto niyang mangyari. Ang hindi na ito makita kahit pa kailan. But at the back of her mind, she wanted to hold him and touch his face. “Paano ko magagawa iyon? Pinapaligiran na ako ni Prince Rostam at ng mga village lords pero nang makita kita hindi na maalis ang tingin ko sa iyo.”

“Ibig sabihin mas guwapo ako sa pinagsama-samang Prince Rostam saka ang anim na village lords.”

Nanlaki ang mata niya. “Oy, wala akong sinasabing ganyan. Isla pa rin nila ito. Baka ipa-deport ako.”

“Alam ko naman na di madali sa iyo na balewalain ang kaguwapuhan ko. Ilan ba ang humamon sa akin sa show jumping competition para maka-date ka.”

Nawala ang ngiti sa labi niya at hinaplos ang balikat nito. “Chrome, don’t pull that stunt again. Naiyak ako sa takot. Baka magpakaladkad na lang ako sa kabayo kung naaksidente ka.”

“kaysa naman makita kitang nakikipag-date sa ibang lalaki. Mabuti na lang nag-back out si Evandro. Kundi baka natalo ako no’n.”

“Hindi na talaga ako makikipag-date sa iba. Baka mamaya mag-circus ka na naman.” Sinapo niya ang sariling dibdib. “Naku, Chrome! Mauuna pa siguro akong isugod sa ospital kaysa sa iyo.”

“Hindi ako madidisgrasya doon. Na-perfect ko iyon sa royal riding school nila Prince Rostam. Kriege and I were privileged to master that stunt. Siguro naman hahanap na ang ibang member dito ng ibang babaeng ide-date nila.” Niyakap siya nito. “Habang nandito ka sa Stallion Island, di ka pwedeng makipag-date kahit kanino. You are mine. At kung kinakailangan ko ring hamunin ng show jumping nang naka-blindfold ang ibang mga nagkaka-interes sa iyo, gagawin ko ulit.”

Nakakataba ng puso ang mga ginawa ni Chrome para sa kanya. Pwede na nitong tapatan ang mga prinsipe sa fairy tales na papatay ng dragon para sa pag-ibig. SUbalit di pa lahat ng dragon ay kayang wasakin ni Chrome.

“This is wrong, Chrome.”

“Ano na namang problema?” tanong nito at pinisil ang baba niya.

“Our parents won’t approve.” Nakikini-kinita na niya ang paghihisterikal ng mama niya. Magagalit din ang nanay nito. Masyadong malalim ang sugat na iniwan ng nakaraan. Natatakot siyang paghiwalayin din sila ni Chrome sa huli.

“Bakit mo ba sila iniisip? Hindi ba sapat na nasangkot na tayo sa gulo nila noon? Pagkakataon naman natin ngayon na sumaya, hindi ba?” Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Trust me. Everything will be okay.”

Napilitan siyang tumango. NAsa Stallion Island sila. Hangga’t naroon sila, walang sinumang maaring pumigil sa pagmamahalan nila. Bakit kailangan niyang alalahanin ang bukas kung pwede naman silang masaya ngayon?

Pero di pa rin niya maiwasang alalahanin ang mangyayari bukas. Di niya alam kung hanggang kailan magiging kanya si Chrome. Natatakot siya na paggising niya kinabukasan ay mawawala na lang ito sa kanya.

She didn’t know if she could survive if she loses him again.

“AYAN! Mukha ka nang prince!”

Napasimangot si Chrome nang iputong ni Sahara ang koronang gawa sa bulaklak sa ulo nito. “Kung anu-ano ang naiisip mong gawin. Baka isipin ng mga tao nag-iba na ang gender preference ko.”

Inambaan niya ito ng suntok nang akmang tatanggalin nito ang koronang bulaklak. “Subukan mo lang tanggalin iyan. Lagot ka sa akin.”

Nakasuot din siya ng parehong koronang bulaklak na siya rin ang may gawa. Nasa flower field sila ni Chrome. Nagpapahinga sila matapos nilang mamasyal sa isla sakay nina Star Dust at Supernova.

Sa wakas ay hinayaan na siya ni Chrome na mamasyal sakay ng kabayo. Pinag-aaralan na rin niyang tumalon sa mga vertical bars. Sa mababa muna siya nagsimula para di siya mabigla. Ninenerbiyos pa rin kasi siya lalo na nang makita niya ang dating commercial ng sikat na equestrian na si Saskia. Nagawa nitong talunin ang mataas na log sa Forest Trail ng Stallion Riding Club. Ang gusto ni Neiji ay magkaroon din ng malupit na impact ang eksena niya. Kailangan niyang tiyakin na safe sa kanya na magpatakbo ng kabayo at patalunin ito kahit na wala siyang suot na helmet para maipakita ang mahaba at maganda niyang buhok. Kaya naman tinututukan siyang mabuti ni Chrome.

“Hindi ko ine-expect na ikaw ang magiging first Olympic medalist ng Pilipinas. Noon kasing bata ka, di ka pa naman sigurado sa gusto mo sa buhay.”

“Marami talaga akong gustong gawin pero sa athletics ako nag-excel. Pwede sigurong dalawa tayong gold medalist. kundi ka lang nag-backout.” Umupo siya sa tapat nito at niyakap ang tuhod. “Ayaw mo ba akong makasama sa team kaya ka nag-backout?”

“Ayoko lang masira ang mood mo sa laban. I know that you want to win the gold so badly. Kung nandoon ako, baka wala kahit sino sa atin ang mag-uuwi ng gold. Both of us would be disoriented.”

Nagsakripisyo pala ito para sa kanya. “Nalungkot din ako nang di ka tumuloy. Ang totoo gusto rin kitang makita noon.”

Inayos nito ang korona sa ulo niya. “Siguro ito talaga ang perfect na chance para magkasama tayo. Ang totoo wala akong balak na um-attend ng party kundi lang ako sinabihan ni Prince Rostam mismo. Iyon pala ako ang kukunin niya para magturo sa iyo.”

“Natupad mo na ba ang lahat ng pangarap mo?” tanong niya.

Tumango ito. “Yes! natagpuan ko na ang tatay ko at Ate Armaine ko. I even have a nephew. Cute. Masyadong makulit.”

“Kanino nagmana?” excited niyang tanong.

“Iyong kaguwapuhan sa amin ni Kriege. Kakulitan at pagiging mahilig sa away nakuha kay Ate. Tahimik na rin ang buhay ni Tatay. Nakatira na sila sa maliit na farm ni Nanay. Binili namin ni Kriege para sa kanila. Mas gusto pa nilang tumira sa bahay kubo.” Masaya at fulfilled na ito sa buhay.

“Mabuti ka pa. Hindi ko pa naaayos ang relasyon namin ni Papa. Dapat siguro patawarin ko siya sa mga ginawa niya dati.”

Pinagsalikop nito ang palad nila. “Gusto ko ring magkausap na ang parents natin. Para maayos na nila ang problema nila at magkalinawan.”

Umiling siya. “Huwag muna, Chrome. Masyado pang maaga. Maglaan pa tayo ng kaunti pang panahon para sabihin sa kanila.”

“Alright. Kung kailan handa ka nang magsabi sa kanila.”

Hindi niya alam kung kailan siya magiging handa. Di niya sigurado kung kailan magiging bukas ang mga magulang nila para patawarin ang isa’t isa. At kapag hindi natupad ang plano nila ni Chrome, hindi niya alam kung kailan niya maihahanda ang sarili kapag tuluyan na itong nawala sa kanya.

“MAG-INGAT ka na lang dito sa isla, ha? Sabagay nandiyan naman si Chrome para alagaan ka.” Nasa terminal si Sahara ng Stallion Island para ihatid si Summeria. Pabalik na ito ng Maynila para paghandaan ang expedition nito sa Tibet.

“Okay lang ako. Ikaw ang mag-ingat. Delikado sa Tibet. Magulo doon. Huwag kang basta-basta magtitiwala sa ibang tao. How’s Alessandrace?”

Nagkibit-balikat ito. Kaya lang ito sumama sa Stallion Island para makausap ang isa sa member ng Stallion Island na hinihilingan nitong makasama sa kayak expedition na iyon. “Ewan ko. Siguro nga iba na ang mundo niya. Goodluck sa commercial mo. Na-perfect mo na ba ang pagtalon sa vertical bar?”

“Malapit na.” Ilang araw na lang ang natitira sa training nila ni Chrome. Sa isang linggo na ang simula ng Stallion Shampoo commercial. Iyon ang unang Stallion Shampoo commercial na gagawin sa Stallion Island kaya excited ang lahat. At ipapagamit din ni Prince Rostam ang unang level ng The Peak, ang mistulang kastilyo nito sa isla. Di lahat ng tao ay makakatapak doon.

“Ako na lang ang magbabalita kay Tita Dawn na malapit nang makumpleto ang training mo at tungkol kay Chrome…”

Marahan siyang umiling. “Don’t. Ako na ang magsasabi sa kanya.”

Saka lang naalala ni Summeria ang sitwasyon ng pamilya nila ni Chrome. “Mahirap na malaman pa nila sa ibang tao. Mas lalong magagalit ang mga iyon sa inyo. Di ninyo maitatago iyan.”

Hindi na kailangan pang sabihin ni Summeria. Bawat oras na masaya siya piling ni Chrome ay natatakot siyang bawiin din ito agad sa kanya.

Palabas na siya ng terminal nang lapitan siya ni Kriege. “Sahara, pwede ka bang makausap?”

Nagulat siya. Hindi kasi si Kriege ang tipo ng tao na basta-basta lumalapit para makipag-usap. Nakikita rin nitong magkasama sila ni Chrome pero wala itong sinasabi. Sa palagay niya ay di naman ito nakikialam sa relasyon nila. Subalit ngayon ay mukhang importante ang pakay nito. “Sige.”

Idinala siya nito sa Wind Café. AKala niya ay silang dalawa lang ang mag-uusap. Nagulat siya nang makitang naghihintay na sa kanya si Lumen. “Si Nanay ang gustong kumausap sa iyo,” wika ni Kriege. “Maiwan ko na kayo.”

Nanatili siyang nakatayo sa harap ni Lumen. Simple pa rin itong mag-ayos gaya ng dati. Kahit ang damit nito ay di signature clothes na kaya namang bilhin ng mga anak nito. Probinsiyana pa rin itong tingnan. But she didn’t mind. Hindi ito ang uri ng taong nai-intimidate sa mga mayamang tao. Komportable ito kung ano ito.

“Magandang hapon po,” bati niya.

“Maupo ka, Sahara. Nakita kita sa diyaryo at TV. Sikat na sikat ka na.” gaya ng unang beses silang nagkita ay magaan ang tono nito.

“Kumusta na po kayo?”

Naging seryoso ang anyo nito. “Nalaman ko kay Kriege na si Chrome ang nagtuturo sa iyong sumakay ng kabayo para sa commercial na gagawin mo.”

“Opo,” tipid niyang sagot.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Kung may relasyon man kayo ng anak ko, mabuti nang hiwalayan mo siya. Wala maibubuting dulot ang pagsasasama ninyong dalawa,” walang kagatol-gatol nitong wika.

Napamaang siya. Di niya inaasahan na didirektahin siya nito. Hindi niya alam kung anong gagawing pagkakaila. She simply couldn’t. Lumen had eyes which could see right through a person. She suddenly felt helpless.

“Nagmamahalan po kami ni Chrome.”

“Alam ko,” sagot nito. “kahit nang lumayo ang pamilya namin sa inyo, lagi siyang nakikibalita tungkol sa iyo. Kahit noong walang-wala kami, nag-iipon siya para masilip ka man lang sa eskwelahan mo o manood ng mga laban mo. Pero sa kabila ng tinatamasa ng anak ko, hindi siya ang magugustuhan ng pamilya mo para sa iyo. Isang masamang babae ang tingin sa akin ni Ma’am Dawn.”

Parang dinidikdik ng bato ang puso niya. Ano ba ang idedepensa niya sa ina ng lalaking mahal niya? Totoo ang lahat ng sinabi nito. tututol at tututol ang pamilya nila sa relasyon nila.

“Kakausapin ko po ang magulang ko…”

Itinaas nito ang kamay. “Hindi na. Alam ko na ang isasagot ng nanay mo. Isa pa, ibang babae ang gusto ko para kay Chrome. Si Angela. Matagal na silang magkaibigan. Gustong-gusto ni Angela ang anak ko. Simpleng babae lang si Angela. Wala siyang mataas na naabot gaya mo pero alam kong mahal niya ang anak ko. Hindi siya magdadala ng kahit anong problema kay Chrome. Ang totoo magkasama silang dalawa ngayon. Kasabay kong dumating si Angela.”

Nginatngat ng selos ang puso niya. Ibang babae nga lang na dumikit kay Chrome ay nagseselos na siya. Lalo naman ang babaeng sa simula pa lang ay alam niyang gusto na si Chrome. At di niya alam kung paanong ipaglalaban ang relasyon nila ni Chrome. Ngayon pa lang ay talo na siya sa laban.

“Sana layuan na mo nang tuluyan ang anak ko,” mariin nitong wika.

“Hihingi lang po ako sa inyo ng ilang araw. Hanggang matapos ko lang po ang commitment sa isla. Matapos po iyon, kahit di na kami magkita ng anak ninyo,” mabigat sa loob niyang sabi. Chrome’s family suffered enough. Di na niya kayang dagdagan pa ang pasanin ng mga ito lalo na si Lumen.

“Aasahan ko iyan. Huwag mo na sanang sabihin pa sa kanya ang pinag-usapan natin. Isipin mong para sa kay Chrome din ang ginagawa ko.”

Tahimik siyang napaiyak nang iwan siya ni Lumen. Isinuko niya nang basta-basta si Chrome. Ilang araw na lang ang natitira para maging masaya siya sa piling nito. Sana ay maging madali para sa kanya ang lumayo.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.