Nakangiti si Alexandrea habang pinagmamasdan ang pagbagsak ng niyebe mula sa langit. Relax na relax siya habang nakaupo sa couch at umiinom ng lavender tea na ipinabili pa niya mula sa Switzerland. Iyon ang perpektong paraan para tapusin ang nakakapagod niyang araw bilang lodge manager ng ski resort sa Montreal, Canada.
Tatlong taon na siyang nagtatrabaho sa Wonderland Ski Resort. And it was the perfect place for her. Parang nasa isang magical place siya kapag umuulan ng snow. At paboritong sandali niya na panooring bumagsak ang puting niyebe habang umiinom ng paborito niyang kape.
“Enjoying your winter wonderland?” untag sa kanya ng kaibigan at boss na si Joshua at inilapag sa harap niya ang sponge cake.
“Tea?” nakangiti niyang alok.
“Um-order na ako ng brewed coffee,” anito at ibinagsak nito ang sarili sa couch. Mukhang haggard na haggard ito. Pamilya ni Joshua ang may-ari ng Wonderland Ski Resort at iba pang ski resort gaya ng St. Moritz sa Switzerland, Alps sa Italy at Rockies sa Colorado. Itinayo iyon ng Canadian na lolo ni Joshua. He was part-Filipino pero ang kabataan nito ay ginugol nito sa Pilipinas kaya tuwid itong mag-Filipino. Karamihan din ng staff na kinuha nito sa resort ay mga Filipino. “Ikaw mukhang relax na relax ka.”
Sumubo siya ng spongecake. “Sa wakas! Mr. Smith is off my back.”
Isang makulit at mala-maniacal na kliyente nila si Mr. Smith. May-ari ito ng isang multi-billion company. Ilag na ilag siya dito dahil parang lagi siyang hinuhubaran tuwing nakikita siya. Ilang beses na rin siya nitong niyayang mag-date na walang sawa niyang tinanggihan. Ayaw nga niyang makipag-date kahit na kanino at magkaka-rashes siya sa mga lalaking babaero pag nadikit siya.
Nagkibit-balikat ito at nagpasalamat nang idulot dito ng waiter ang brewed coffee. “Thanks to me. Ginamit mo na naman ang katawan ko para itaboy siya.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Anong katawan mo?”
“Dikit ka nang dikit sa akin. Tapos sweet na sweet ka pa.”
Ngumisi siya. “Sorry, boss! Kundi ko gagawin iyon, baka magulpi ko lang si Mr. Smith. Hindi iyon maganda sa record natin,” paalala niya. Ang pangalan pa rin ng ski resort ang pinangangalagaan niya.
Dinuro siya nito. “You are one hell of trouble. Ilang beses mo na ba itong ginawa sa akin? Tuwing may manliligaw sa iyo, sa akin ka tumatakbo. Naaalibadbaran ako na dinidikitan ng mga babae.”
Humalakhak siya. “That’s what friends are for! Protect me from sinful men.”
Dahil sa nasirang relasyon nila ni Jairon sampung taon na ang nakakaraan ay naging mailap siya sa mga lalaki. Suplada siya. Madalas na tawaging ice queen. Parang may di magandang motibo ang sinumang lalaking lalapit sa kanya. Kay Joshua lang siya naging komportable.
Sa edad na thirty-one, siya ang unang naging nobya ni Joshua. Workaholic kasi ito at naka-focus lang sa career. Di mahirap para dito na mang-akit ng mga babae. Natural nang Moreno ang balat nito kahit pa nasa malamig silang bansa. He had jet black hair. But he had blue eyes. Kabalintunaan iyon sa kayumanggi nitong balat. And he was also intelligent and very responsible.
Bagamat mabait sa trabaho ay ayaw nitong makipagrelasyon sa mga babae. Sakit lang daw ng ulo ang mga kababaihan. At masaya na itong maging nobya ang ski resort. Mas madali daw iyon kaysa intindihin ang mga babae.
“HUwag mo akong masyadong abusuhin. Oras na makarating ito kay Papa o kaya sa Lola ko, lagot tayo pare-pareho. Baka pwersahin tayong magpakasal. Hindi na nila pakakawalan ang babaeng mababalitaang girlfriend ko.”
Nakagat niya ang labi. Seryoso ang usaping iyon para kay Joshua. Iwas ito sa mga arranged marriage o kaya ay pwersahang pagpapakasal. In the first place, ayaw nitong magkanobya. Ang mga kapamilya lang nito ang namimilit. Nag-iisa kasi itong anak kaya inaasahang magtataguyod sa pamilya nito at magbibigay ng tagapagmana. Kaya iwas na iwas si Joshua na ma-trap sa kasal.
“Kaya nating lusutan iyan!”
“Maghanap ka na lang ng boyfriend na poprotekta sa iyo. That’s more convenient than using me as a human shield.”
Naningkit ang mata niya. “Ayoko nga!”
“Tell me. Nabigo ka ba sa pag-ibig? May lalaki bang nanakit sa iyo? Kasi hindi ka naman magkakaganyan kundi ka nagka-trauma sa relationship.”
Maasim siyang ngumiti. Kahit minsan ay di nagtanong ni Joshua sa love life niya. Ngayon lang ito nangahas. “Boss, mas gusto ko yatang i-discuss ang pangarap mong magtayo ng ski resort sa tuktok ng Mt. Everest kaysa usisain ang love life ko. Hindi bagay sa iyo ang maging tsismoso.”
Hindi niya ugaling ikwento si Jairon sa ibang tao. It was actually a dark secret. Iilang tao lang ang nakakaalam. Ayaw na rin niyang alalahanin iyon. Parang isang bangungot ang dulot ni Jairon. Matapos maperhuwisyo ang negosyo ng pamilya nila dahil sa pagmamahal niya dito, siya pa ang iniwan sa huli. Mabuti na lang at nakapagtayo pa rin ng negosyo ang Papa niya pero mas maliit kaysa unang plano nito. May nagmagandang-loob lang na tumulong dito. Doon nila nalaman kung sino ang tunay nilang mga kaibigan at sino ang hindi.
“Kung ako pa rin ang gagawin mong human shield sa mga lalaking nagkaka-interes sa iyo, dapat yata ngayon pa lang malaman ko na kung paano ko tatakasan ang pamilya ko. Maganda kayang magtago sa Iraq or Afghanistan?”
“Gusto mong mapadali ang buhay mo?”
“Kaysa naman ipakasal ako sa iyo.” Kumunot ang noo nito. “Hmmm… how about Stallion Riding Club? O kaya Stallion Island. Mas malayo iyon, di ba? That exclusive island resort is perfect.” Humigop ito ng kape. “Nakita ko ang website nila. Very majestic. Parang paraiso. At isa sa co-owner ang prince ng isang oil kingdom. Matindi rin ang screening bago maging member doon. At mas mahirap na makapasok ang mga non-member. Kung magiging member ako doon baka di ko na rin gustuhing umalis kaysa magpakasal sa kahit sinong babae.”
“Ipagpapalit mo ang ski resort mo sa Stallion Island?” tanong niya.
“Nah! I can’t. Kahit pag-aari pa iyon ng prinsipe, di naman mag-i-snow sa islang iyon. I still love the white mountains and the ski slopes. Pero walang masama kung doon ako tumira lalo na’t ita-trap ako nila Papa sa kasal. Member doon ang Kuya Race mo, di ba? Ayaw mo bang magbakasyon doon? Sa tatlong taon mong pagtatrabaho dito, halos di mo nagamit ang bakasyon mo. Di ka pa ata nakakauwi ng Pilipinas. Don’t you miss home?”
Iniwas niya ang tingin dito at inubos ang sponge cake. Ayaw niyang tumapak sa islang iyon. O mas tamang sabihin na iyon ang huling lugar sa planet Earth na tatapakan niya kahit pa sabihing isa iyong paraiso.
Gusto niyang bumalik ng Pilipinas. Nami-miss na niya ang bansang sinilangan. Pero tuwing nasa Pilipinas siya, nangangamba siyang bigla silang magkita ni Jairon. PArang napakaliit ng Pilipinas para sa kanila. O sadyang paranoid lang siya. Kinalimutan na niya ito pero di pa rin niya ito napapatawad. Hangga’t di nagsasanga ang landas nila, di nito matitikman ang galit niya.
“Siguro kapag di na tayo busy.”
“Basta gusto kong makarating sa Stallion Island. Sana ja>”
Di na lang siya nagsalita pa. Ayaw niyang tumapak pa sa Stallion Island dahil mas liliit ang mundo nila ni Jairon. Isa ito sa member ng naturang club.
Kung tatapak man siya doon, titiyakin niyang wala ito sa isla kung ayaw nitong maghalo ang balat sa tinalupan.
ISA-ISANG pinagmasdan ni Alexandrea ang mga pictures na padala ng kapatid niyang si Alessandrace. Kuha iyon sa birthday celebration niya nang nakaraang buwan na ipinagdiwang sa Stallion Island. Naroon ang buong pamilya niya at mga kaibigan maliban sa kanya. Picture lang niya ang present doon at kasama ng mga ito. Di tuloy niya maiwasang malungkot dahil enjoy na enjoy ang mga ito sa beach.
Nawala ang ngiti niya nang mahagip ng mata ang isang taon kasama sa larawan. Si JAiron. Ito ang may hawak sa birthday cake at akmang hihipan pa ang cake para sa kanya. Wala sa sariling hinaplos niya ang picture nito. He still looked like a playboy like the first time she first met him. There was a mischievous glint in his eyes. PArang walang problema sa mundo sa mga mata nito.
Mabilis niyang binawi ang kamay at isinara ang album. “No! No! I shouldn’t feel this way.” Tuluyan na niyang ihinagis ang album sa malayong bahagi ng kama niya. Dapat ay mainis siya kapag nakikita ito. Di siya dapat pang mag-reminisce sa masasayang bahagi ng nakaraan nila.
Jairon was a very dangerous man. Nag-aral ata ito ng sorcery. Kahit sa picture ay kaya siya nitong kulamin. Ngiti lang nito ay parang hinihigop na ang pagkatao niya. Inaalis ang masasamang alaala niya dito. Kaya nga delikado para sa kanya na makita ito. Parang nabubura kasi sa kanya ang pangit na ginawa nito at puro magagandang alaala na lang ang naiiwan.
“He didn’t love you, Alexandrea. Pinagsawaan ka niya dahil alam niyang mahal na mahal mo siya,” sermon niya sa sarili. “At ni hindi siya nag-sorry sa ginawa. He didn’t even take you back.”
Iyon siguro ang pinakamasakit na bahagi ng relasyon nila. Pinakawalan siya nito. Ni di man lang ito nagtangkang balikan siya. Siguro nga ay di na siya mahalaga para dito. Kaya pinili na lang niyang lumayo. Kaya ayaw na niya itong makita. She’d never forget how he made her feel unimportant.
Nag-ring ang telepono sa tabi niya. Sinagot niya iyon. “Hello!”
“Hello, Xandie! Nagising ba kita?” madaling-araw na kasi noon sa Canada. Katatapos lang ng duty niya pero maaga pa rin siyang gigising.
“Nope. Nagpapaantok nga ako. Bakit ka napatawag?” Hindi naman mahilig mag-email o tumawag ang kapatid niya maliban na lang kung importante.
“I am leaving for Tibet soon. Biglaan ito dahil kailangan nila Summeria ng suporta para sa Tibetan exploration nila.”
Bukod sa pagiging bihasa sa iba’t ibang martial arts ay mahilig din sa extreme kayaking ang kapatid niya. Noong bata-bata ito ay hilig nitong sumama sa kaibigan nito sa mga kayaking expeditions sa iba’t ibang wild rivers sa mundo.
“Hindi ba malamig doon?”
“Hindi naman iyon ang problema ko.”
“Sino ang problema mo? Si Summeria? Sabi mo hinding-hindi ka na sasama sa kahit anong exploration kung siya ang kasama mo.”
She thought that her brother had something special with Summeria, dati nitong kaibigan at katulad din nitong kayaking explorer. Subalit nagulat na lang siya nang mag-quit ang kapatid niya at sabihin nitong si Summeria ang ayaw nitong makasama.
“I must save that idiot from breaking her neck. Summeria is joining the expedition team to Yarlung Tsangpo River.”
“Familiar….” Nanlaki ang mata niya. “Hindi ba doon namatay ang tatay niya?”
“Exactly! MAlamang pag-uumpugin ko sila ng kapatid niya! Hindi dapat payagan ni Scott na sumama si Summeria sa expedition! Argh!” frustrated nitong usal. Her brother was a calm man. Kasama iyon sa discipline ng tai chi na unang martial arts na na-master nito. Pero nagtatayuan ang lahat ng buhok nito sa katawan kapag pinag-uusapan si Summeria.
“Paano ang Mist Fusion kung aalis ka?”
Pag-aari nito ang Mist Fusion, ang pinagsamang dance studio at martial arts dojo na matatagpuan sa Hidden Mist Village ng Stallion Island. Mainly ay para sa therapeutic relaxation ang lugar na iyon. Kaya nagke-cater ang lugar na iyon para sa relaxing martial arts gaya ng tai chi at mga sayaw gaya ng ballet.
Iyon ang pangarap na itayo ng kapatid niya. May mga kuwarto rin sa Mist Fusion para sa mga gustong mag-overnight na gusto ng katahimikan. Bagong bukas pa lang ang lugar kaya di iyon pwedeng iwan ng kapatid niya.
“Kaya nga kita tinawagan. I need someone like you to oversee the place.”
“In Stallion Island? No, Kuya!” tanggi agad niya. Nag-flash agad sa isip niya si jairon. Doon na ito naglalagi sa isla. Mas madadalas ang pagkikita nila. She couldn’t risk that. Not even once. “Busy ako sa trabaho.”
“Ipinagpaalam na kita kay Joshua. Di na daw kayo peak season kaya pumayag siya. Kaya na daw nilang i-handle ng mga tauhan niya ang lodge.”
Naggiyagis ang ngipin niya. tiniyak talaga ng kapatid niya na wala siyang mailulusot dito. Pati si Joshua ay kinontrata nito. Dati kasi ay sa ski resort may sariling dojo ang kapatid niya kaya matagal nang magkakilala ang dalawa. At sa ganitong pagkakataon ay pinapaboran ni Joshua ang kuya niya.
“Naipa-book ko na rin ang ticket mo. Sa isang araw na ang flight mo. Don’t worry. Tutulungan ka ni Tita Kei sa pag-eempake.”
“Gaano katagal ka bang mawawala ng Pilipinas?”
“Fifty to sixty days.”
“What? Dalawang buwan kang mawawala? Baka wala na akong trabaho pagbalik ko dito. Kuya naman!” angal niya at hinampas ang kama niya. Di nga siya tatagal ng isang araw sa Stallion Island. Dalawang buwan pa kaya?
“This is really important for me, Xandie. Don’t worry. May mga kaibigan akong aalalay sa iyo sa pamamahala sa Mist Fusion. Mas mapapanatag ako sa Tibet kung alam kong ikaw ang namamahala ng Mist Fusion.”
Kaya ba niyang pahindian ang kapatid niya? Mahalaga dito ang pagpunta ng Tibet. Ito lang ang paraan niya para makatulong. May magagawa naman para dito, bakit nga ba hindi niya gawin?
“Okay, Kuya. Iaayos ko na ang lahat ng kailangan ko mamaya. Just give me time to fix my work before I go.”
HINDI mapakali si Alexandrea habang hinihintay na tawagin ang flight niya sa airport. Maya’t maya niyang hinihipan ang kamay niya. Hindi naman na malamig noon. Iniisip niya kung tama ba ang pagpayag niya sa hiling ng kapatid. O dapat ay huwag na lang siyang umalis ng Canada.
“Take care of yourself,” wika ni Joshua na siyang naghatid sa kanya sa airport. “I don’t think dapat ko pang sabihin ito sa iyo.”
“Pwede namang hindi ako tumuloy. Madami kang inaasikaso sa ski resort…”
“You definitely deserve a vacation. Stallion Island is a perfect paradise.”
“At wala akong tiwala sa mga lalaki doon.”
May ibinigay itong isang kahita sa kanya. “Use this if needed.”
Nang buksan niya ang kahita ay diamond engagement ring ang laman niyon. “Joshua!” bulalas niya at naghihinala itong tiningnan. Di kaya matagal na itong may gusto sa kanya at doon lang nito idinadaan?
“Don’t get me wrong. Gusto ko lang kitang tulungan. Gamitin mo iyan para proteksyon sa mga lalaking umaaligid sa iyo.” Hinaplos nito ang sariling baba. “O mas tama yata para proteksiyon sa kanila para di mo magulpi.”
Isinuot niya ang singsing sa kamay. “Perfect!”