Stallion Island Series Chapter 59

Bilang hudyat ay nagkwento na si Jazzmire. “Si Kuya Jairon ang center person sa pamilya namin. He was born under the sun sign. Mula nang ipanganak siya, lumakas ang negosyo ng pamilya namin. Swerte siya sa pamilya namin. Pero parang puppet siya. Lahat ng galaw niya, kailangan umaayon sa buwan, araw at bituin. Kaya lahat ng babaeng pwedeng makarelasyon niya, may basbas ni Kung Pao. They must have the perfect star sign.”

“Katulad nila Dhaei, Arianne at Sofiajade?”

“Yes. They are perfect for Kuya Jai,” sang-ayon ni Julian. “Pero inayawan din niya sina Arianne at Dhaei nang magpunta kang Canada. Habang si Sofiajade, kasal na ngayon sa iba. Hindi siya pwedeng magmahal sa maling babae. Ikaw ang maling babaeng iyon, Ate Xandie. Kung magsasama kayo ni Kuya Jai, babagsak ang negosyo namin. Pati ikaw maaapektuhan. Mas malaking kamalasan ang dadanasin mo. Tulad nang bumagsak ang negosyo ninyo dahil sa relasyon ninyo ni Kuya.”

Naalala niya ang pahiwatig ni Kung Pao. Na di sila pwedeng magsama ng lalaking nasa puso niya. At parang doomsday prophecy kung magsasama sila ni Jairon. Ngayon niya nalinawan ang kabaliwang iyon.

Kung paanong ayaw sa kanya ng lolo ni Jairon. Kung paanong lumayo si Jairon sa kanya nang kalaunan. Para din sa sarili niyang protektsyon.

Malaking sakripisyo ang ginawa ni Jairon para sa kanya. Masaya siya habang ito ay nagpapanggap na masaya pero nagdurusa naman ang kalooban nito para sa kaligayahan at kaligtasan niya.

“Julian, Jazz, mag-uusap kami ng Kuya mo tungkol dito.” Malungkot niyang nilingon si Jairon na nahihimbing pa rin. “Dahil lang sa mga araw, buwan at bituin, hindi na pwedeng magkasama ang dalawang tao? That’s crazy and stupid!”

“Minsan nang hindi nasunod ang hula ng pamilya ni Kung Pao. Si Lolo mismo ang pumili sa babaeng mahal niya. Bumagsak ang negosyo namin. Sobrang hirap ang dinanas nila ni Lola. Nangako siyang di na dadanas pa ng hirap ng pamilya niya. At iyon din ang tiniyak niya kay Kuya Jai. Na di na maghihirap pa ang pamilya namin at magdadala siya lagi ng swerte,” paliwanag ni Jazzmire. “Kahit kami nafu-frustrate din. Pero ano ang magagawa namin? Si Lolo ang kumokontrol sa pamilya.”

“Ano ang magagawa ko para tulungan ang kapatid mo?”

Lahat ang kaligayahang ipinakikita ni Jairon sa kanya ay pawang pagkukunwari. Ngumingiti ito sa harap ng ibang babae habang di nito kayang ipakita ang tunay na nararamdaman para sa kanya.

Hindi ba karapatan din nitong sumaya kasama ang babaeng mahal nito? Hindi ba dapat ay masaya na silang magkasama?

Umiling si Julian. “Ate Xandie, kung di mo na kayang mahalin si Kuya Jairon gaya nang dati at di mo siya kayang ipaglaban, mabuti pang huwag na niyang malaman. Wala rin naman siyang planong guluhin ang buhay mo. At kahit na sabihin mo pang mahal ka niya, hindi niya iri-risk ang kaligtasan mo. Lalayo din siya sa iyo. Lalo na’t ilang buwan na lang thirty-one na siya. Before his birthday, dapat nakapili na siya ng babaeng pakakasalan niya. O mas tama yatang nakapili na si Kung Pao.”

“Paanong pipili?” tanong niya.

“Magkakaroon ng ceremony mula sa may sampung babaeng posibleng pakasalan ni Jairon. Ang babaeng nagtataglay ng pinakamataas na star sign ang mapipili. Si Sofiajade nga dapat iyon dati kundi lang in love pa rin si Sofiajade kay Reiven Alleje. Pakakasalan niya ang babaeng mapipili kahit di niya mahal.”

Akala niya ay hindi na iyon nag-e-exist sa mundo. Na naka-depende sa hula ang buhay ng isang tao. She could see Jairon’s future. He would be miserable with the wrong woman forever.

NAKATAGO sa likod ng malaking puno si Alexandrea at sinisilip ang pagme-meditate ni Jairon sa ibabaw ng bato sa tabi ng waterfalls. Mula nang magising si Jairon mula sa kalasingan nito ay kusa na siya nitong iniwasan. Tinatanguan lang siya nito kapag nagkikita sila sa Mist Fusion. At simpleng ngingiti tungkol sa drunken boxing stunts na ginawa nito sa birthday ni Ryuhei. Ang akala kasi ng marami ay biru-biruan lang ang nangyari. PAti ang pag-exit ni Jairon kasama ang mga medics.

Nahihirapan siyang magalit dito lalo na’t alam na niya ang sakripisyong ginawa nito para sa kanya. Kahit nang galit na galit siya dito ay may bahagi pa rin siya na gusto itong makita. How easy for him to turn her world upside down. She was still in love with him. Iyon ang isang bagay na malinaw. Paano niya itatama ang mga mali? Kaya ba niyang baliin ang isang matandang tradisyon?

“Magme-meditate ka rin ba?” untag ni Jairon sa kanya.

Nagulat na lang siya dahil nasa harap na niya ito at nakita siya nito sa pinagtataguan niya. “Huh! Paano ka nakarating dito? Saka paano mo ako nakita?”

“I can sense you anywhere, Xandie. Ganoon yata kapag may murderous glare sa iyo.” Inilahad nito ang palad. “The falls is yours.” At naglakad na ito pabalik sa Mist Fusion. Ni di man lang siya nito nginitian kahit bahagya.

“Jairon, wait!”

Marahan siya nitong nilingon. “May nagawa ba akong mali?”

Umiling siya. “Yayayain sana kitang mag-miryenda sa cottage. Um-order ako kay Chef Rouen. Di ko naman kayang ubusin lahat iyon.”

“Hindi naman iyon sinabawan ng muriatic acid?” tanong nito.

“Silly!” Kumapit siya sa braso nito. “Kaya ko bang lasunin ka?”

Nagkibit-balikat ito. “You want to get rid of me so badly.”

Ipinaghain niya ito. It was vegetable salad with seafood twist. “Kapag may muriatic acid iyan, parehong matutunaw ang bituka natin. And I didn’t come here to argue with you. Naisip ko kasi na mas maganda kung magiging magkaibigan tayong dalawa. Sandali lang naman ang ilalagi ko dito sa Stallion Island. Bakit kailangan ko pang sayangin ang pagkakataon, di ba? Ang ganda-ganda dito.”

“Hindi ba noong nakaraan lang gusto mo akong gulpihin dahil hinalikan kita? Hindi ka ba natatakot na baka samantalahin ko iyon para akitin ka?”

Nagkibit-balikat siya at sunud-sunod na sumubo ng salad. “We had some good times together. Maikli lang ang buhay. Bakit pahihirapin ko pa?”

Mabuti nang magkaibigan muna sila. Hindi pa niya kayang sabihin dito ang tunay na laman ng puso niya. Di niya alam kung paano nito tatanggapin. Kahit sa paraang ito man lang ay ma-ease ang burden niya.

GInagap niya ang kamay nito. She had a weird feeling when their eyes meet. Parang gusto niyang haplusin ang mukha nito. Gusto rin niyang maiyak.

“Gusto mo bang dalawin ang Paradiso?”

Tumango siya. “Of course! I would love to.”

ISA-ISANG tinanggal ni Alexandrea ang mga tuyong dahon sa orchids. Nasa Paradiso siya at nangahas na siyang alagaan ang mga orchids. Napapailing na lang siya dahil ilang araw na napabayaan ang lugar na iyon. “Sinasayang mo itong orchids na ito. Kundi mo pala aalagaan, walang ibang mag-aalaga.”

“Hire a gardener,” wika niya.

“Hindi ko naman pinahahawakan ang mga orchids kung kani-kanino.”

“Hindi pala ako kung sino-sino lang kung ganoon.”

“Of course. You are special,” mahina nitong usal. “kaso huwag mong sayangin ang mga orchids na inaalagaan mo. Baka malungkot ang mga iyan kapag umalis ka na dito sa isla. Mami-miss ka nila.”

“Isasama ko sila sa Canada o kaya sa Bolivia.”

Malungkot na umiling si Jairon. “Mamamatay lang sila doon. Dito ka na lang sa isla.” Biglang nawala ang ngiti nito. “Magpapakasal na pala kayo ng boyfriend mo. Masayang-masaya ka siguro nang mag-propose siya.” Umupo sa bench si Jairon at tumingala. “Nakakainggit naman!”

Ayaw na niyang pag-usapan pa ang tungkol kay Joshua. Kunwari lang naman ang lahat ng iyon. mas gusto nilang pag-usapan ang tungkol sa kanila ni Jairon.

“Jairon, nabanggit mo sa akin na binuo itong PAradiso para sa babaeng mahal na mahal ng may-ari. Sino ang babaeng iyon sa buhay mo?”

Kumunot ang noo nito. “Ha? May ganoon ba akong sinabi?”

“Jairon! SInabi mo iyon,” giit niya.

“Ah! Si Trent ang talagang may-ari nito. Kaso isang linggo pa lang ang mga orchids, nagkamatay na sa kanya. Kaya sa akin na lang niya ibinenta. Si Trent ang bigo sa pag-ibig. Hindi ako. Mukha ba akong bigo?”

She shouldn’t have asked that silly question. Hindi aaminin ni Jairon na siya ang babaeng iyon. Di niya tiyak kung tama ang ginagawa niyang pakikipaglapit pa dito. Parang nakikipaglaro siya sa apoy. But she couldn’t stay away from him either.

“Kailangan mong humanap ng babaeng mag-aalaga sa mga orchids dito.”

“Huwag na nating pag-usapan iyan,” may bahid ng iritasyon nitong sabi. “Mabuti pa kumain na lang tayo pagkatapos mo. Para di kung anu-ano naiisip mo.”

“Ikaw kasi…” Napapalatak siya at tumuwid ng tayo. Bakit ba di na lang nito ipagtapat na mahal siya nito? Mas madali para sa kanya na amining mahal niya ito. Na anuman ang pagsubok na haharapin nila ay kaya niyang harapin.

“Anong ako kasi?” tanong nito. Nagulat siya pagharap niya ay sobrang lapit nito sa kanya. Napaurong siya pero puro orchids na pala ang nasa likuran niya. “Kanina ka pa parang may gustong sabihin sa akin.”

“Sana mapakasalan mo ang babaeng mahal mo at mamahalin ka rin habambuhay mo,” nanulas sa labi niya. “Gusto kong maging masaya ka, Jairon.”

Pinisil nito ang ilong niya. “Huwag mong intindihin ang kaligayahan ko. Ang intindihin mo ang kaligayahan mo. And I want you to stay happy while you are here.”

Hindi nito alam na masaya na siyang kasama ito kahit sandali. She wanted to be with him forever. Pero kaya ba niyang labanan ang tadhana?

NAGKATUWAAN na mag-fishing ni Alexandrea kasama ang mga estudyante niya sa water tai chi. Naka-colorful swimsuit sila sa ilalim ng mga lifevest nila dahil na rin sa pagpipilit ng mga Sirens. Ang mga ito pa ang nag-provide ng swimsuits nila para tiyakin daw na di baduy ang maisusuot nila. LAhat ay excited na manghuli ng isda. Sakay sila ng fishing yacht na nirentahan ni Jairon para sa kanila.

NIlapitan siya ni Yllac, ang social entrepreneur na member ng riding club. “Xandie, nagdala kami ng mga scuba diving gear. Gusto mo bang i-try ang underwater tai chi class? Willing akong maging estudyante.”

“Really? That sounds fun!” Di pa niya naisip iyon pero di masamang subukan. Iba siyempre ang pressure kapag nasa ilalim ng tubig.

Nagtaas ng kamay si Jayden at pilit na itinaas ang kamay ni Yzaak. “Sasama din kami niyan.”

“Sandali! Ako dapat ang maging instructor ninyo,” singit ni Jairon. “Strictly for girls lang ang klase ni Xandie.”

“Killjoy ka naman, ‘insan!” kantiyaw ni Warren.

“Papayag ako basta ba naka-bathing suit ka rin,” sabi ni Arvind James.

“Magba-backout na daw si Prince Rostam. Pinababalik na niya ang yate niya. Si Jairon daw kasi ang magiging instructor,” wika ng bagong member na si Torque.

“Ay! Hindi masaya kung puro boys ang kasama sa underwater tai chi class. Paano naman kaming girls?” angal ni Imhan.

“Susubukan muna naming mag-dive ni Jairon.” Nilingon niya ito. “Pwede bang magpadala tayo kay Captain Trent sa parte na kalmado ang tubig at walang current.” Di naman siya pwedeng tumanggi dahil mukhang excited na ang mga ito.

“Hubarin mo ang engagement ring mo,” bulong ni Jairon sa kanya. “Mahirap nang mawala iyan. Ilagay natin sa safety deposit box.”

“Ah!” Hinubad niya ang singsing. Pinagkulumpunan siya ng mga Sirens.

“Wow! Ngayon ko lang napansin maganda pala ang engagement ring mo,” sabi ni Raine. “PAsukat, ha?”

Bago pa siya nakapagsalita ay inagaw na nito ang singsing sa kanya. Akmang isusukat ni Raine ang singsing nang agawin naman iyon ni Janet. “Ako rin. Gusto kong isukat! Parang bagay sa akin. Gusto ko ring may magpo-propose sa akin at sasabihin kong “I do”.”

“Ako muna ang magsusukat,” nanlalaki ang matang wika ni Raine.

“Mas bagay sa akin ang singsing. Huwag mo nang isukat,” giit ni Janet at di pinakawalan ang singsing.

Di niya alam ang gagawin paano pipigilan sa pag-aagawan ang dalawa.

“Akin na iyan!” angil ni Raine.

“Akin na sabi!”

Bumitaw si Raine at napaurong si Janet. Tumilapon ang singsing. Nanlaki ang mata niya nang sundan ng tingin ang singsing. Lumabusaw ang tubig nang bumagsak ang singsing. “Ah! Ang singsing ko!” Nagtatakbo siya sa railing. Muntik na siyang tumalon subalit nakita niyang sumampa na si Jairon sa railing at walang pangingiming tumalon sa tubig. “Jairon, bumalik ka dito!”

“Anong ginagawa niya diyan? Shark infested ang area na ito,” nag-aalalang sabi ni Julian. “Ito talagang si Kuya. Ni wala siyang diving gear.”

Di nagtagal ay lumitaw din ang ulo ni Jairon at sumampa sa hagdan ng yate. Siya ang unang naglahad ng palad dito para tulungan itong umangat.

Habol nito ang hininga nang makasampa sa yate. “Hindi ko na nahabol ang singsing mo. Malalim na sa baba dahil may trench.”

TInuktukan niya ang noo nito. “Hindi ka ba nag-iisip? Alam mo bang maraming pating sa baba? Paano kung sagpangin ka na lang ng isa doon?”

“Wala naman akong napansin,” kaswal nitong sabi. “Saka importante sa iyo ang singsing na iyon.”

NIyakap niya ito at tuluyang napaiyak. “Mas mahalaga pa ba ang buhay mo kaysa sa singsing na iyon? Madali lang makakuha ng ibang singsing…”

“Pero bigay iyon ni Joshua.”

“I don’t really care!”

Lalo niyang hinigpitan ang yakap dito. Parang ayaw na niya itong pakawalan. She had never been so scared in her life. Sa pagtalon pa lang sa tubig ay nanganib na ang buhay nito dahil wala itong diving gear. Isama pa ang mga pating na maaring lumapa dito. Di na niya hahayaang masaktan si Jairon dahil sa kanya.

Nagulat siya nang sabay na mag-iyakan sina Janet at Raine. “Waaaa! Wala kaming pambayad sa engagement ring mo,” duet ng mga ito.

“Pwede bang imitation na lang?” tanong ni Janet.

Natawa na lang siya at pinahid ang luha. “Huwag na ninyong isipin iyon.”

Ang mahalaga sa kanya ay ligtas si Jairon. Makikita ulit niya ang ngiti nito. Matititigan ulit siya ng mga mata nito. Ayaw niyang mawala ito sa kanya.

NAGPAPAHINGA sa tabi ng waterfalls si Alexandrea. Nakakapagod ang araw na iyon. Di na natuloy pa ang pangingisda nila dahil naubos ang maghapon sa paghahanap ng singsing. Di mahanap sa area dahil lubhang malalim ang trench at sumama na rin ang panahon.

Inabutan siya ni Jairon ng lavender tea. “Dadating na bukas ang mga metal detectors. Tutulong ako sa paghahanap ng singsing mo. Don’t worry.”

“Pabayaan mo na iyon. Ako na ang bahala kay Joshua.”

Siguro naman ay maiintidihan ni Joshua kapag sinabi niyang nawala ang singsing. Aksidente lang naman ang lahat. Mas mabuti nang singsing ang nawala kaysa naman si Jairon. Isa pa, di naman iyon totoong engagement ring. It was just a tool to protect from Jairon. Hindi na niya kailangan iyon ngayon.

“kung ako ang lalaki, di ako papayag na mawala na lang ang engagement ring na bigay ko. It is a symbol of my love and devotion.”

Malapit na niyang ipagtapat kung para saan ang singsing na iyon nang mag-ring ang cellphone niya. Sinagot niya iyon. “Hello!”

“Xandrea, Josh here!”

Bigla siyang tumayo. “Josh! How are you?”

“Fine! Nakakuha rin ako ng bakasyon. I am on my way to catch a flight to Narita. Hmmm.. Let’s say three day from now nasa Stallion Island ako. I have an invitation from Alexandros Theron.”

Isa sa village lords ang kakilala nito. Kundi siya nagkakamali ay magkakilala ang mga magulang ni Alexandros at Joshua dahil nasa resort and hotel business.

“What? Papunta ka dito?” bulalas niya at nilingon si Jairon. Now things are getting complicated.

“Yup! Gusto kong subukan ang dolphin and whale watching. Saka chance ko na ito para takasan si Papa. May inirereto siyang babae sa akin. See you!”

“parating na ang boyfriend mo?” tanong ni Jairon nang matapos na ang pag-uusap nila ni Joshua.

Tumango siya. “Jairon, may importante akong sasabihin sa iyo…”

Naglakad na ito palayo. “Saka na natin pag-usapan. May aasikasuhin lang ako.”

Sinubukan niya itong habulin pero sumakay na ito kay Soultalker at pinatakbo nang mabilis ang kabayo palayo. Kailangang malaman na nito ang totoo bago dumating si Joshua. Pero handa na ba siyang harapin ang konsekwensiya? Kasama na ang paglayo ni Jairon kung pipiliin pa rin nito ang kapakanan ng pamilya nito?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.