Stallion Island Series Chapter 64

“ANONG KALOKOHAN ‘to?”

Pinigilan ni Summeria na yakapin ang sarili sa pagdagundong ng boses ni Alessandrace. Ngayon lang siya nagsuot ng sexy na kasuotan na hiniram niya kay Jumeirah. Di niya alam kung paanong nabubuhay ang isang babae sa ganoong kasuotan nang di namamatay sa lamig. Malamig sa Mist Village lalo na sa cottage ni Alessandrace. At lalong noon lang siya nakapagsuot ng ganoong klaseng damit. Subalit bahagi iyon ng plano niya para mapasunod ito sa gusto niya. Iyon lang ang naiisip niyang paraan para makalapit kay Alessandrace. Ang maging alipin nito.

“Hindi ito kalokohan, Drace… I mean master,” bawi agad niya. Pinilit niyang i-assume ang ganoong ayos. Di siya dapat magpasindak sa galit nito. “Handa akong maging slave mo. Gagawin ko ang lahat ng gusto mo…”

Di pa tapos ang sinasabi niya ay kinaladkad na siya nito pababa ng kama. Namumula na ito sa galit sa pagkakataong ito. Kapag may hang-over ito, daig pa nito ang nasalubsob na oso. And she was facing this angry bear head on.

“Para ano? Sumama sa Tibet? I told you, you are wasting your time! May slave-slave ka pang nalalaman?” Mariin itong pumikit na parang pangit na pangit ito sa itsura niya. “Who gave you the idea to do this? Jairon? I will kill him!”

“No! Hindi ito idea ni Jairon,” protesta niya.

“Pero binigyan ka niya ng access para pasukin ang bahay ko,” anito sa nagngangalit na boses.

Kinagat niya ang labi at alam na nito ang sagot. “Gusto lang niyang makatulong…”

“No! Gusto lang din niyang sirain ang araw ko.” Hinablot nito ang kumot at ihinagis sa kanya. “Balutin mo ang sarili mo. Huwag mong sabihing nagpagala-gala ka dito sa isla nang ganyan ang suot mo? Gusto mo bang ma-rape?”

“Hindi naman…”

Di pa niya natatapos na sabihin dito na may coat naman siya kanina at hinubad na lang niya iyon nang makapasok siya sa bahay nito pero pinutol na agad siya nito. “Get out of my house. O gusto mong ako mismo ang mag-deliver sa Kuya mo nang balot ng masking tape?”

Napangiwi siya. Masyado yatang naging sadista si Alessandrace sa paglipas ng panahon. “Pag-usapan muna natin ito, Drace. Be reasonable.”

“Ano ba sa salitang hindi ang di mo maintindihan? Ayokong sumama sa iyo sa Tibet. Hindi na ako babalik sa wild river kayaking. Going to Tibet is like having a death wish. Gusto ko pang mabuhay nang matagal. Gusto ko pang magkaroon ng pamilya at mga anak. Hayaan ninyo akong gawin ang mga pangarap ko!”

Napipilan siya. Parang may mumunting karayom sa puso niya nang sabihin nito ang mga pangarap nito. Minsan ay iisa lang sila ng pangarap. Na magpapakasal sila at magkakaroon ng anak. Tinalikuran niya iyon. Ngayon ay magkaiba na ang pangarap nila. Gusto pa rin nila ng asawa at anak pero natitiyak niyang hindi na siya ang babaeng sangkot sa mga pangarap nito.

Sinamantala ni Alessandrace ang pagkatulala niya at pumunta sa telepono. “Hello, security! May nakapasok sa bahay ko nang walang permiso…”

Kinabahan siya sa pagsusumbong nito sa security. Kapag ginawa nito iyon, baka pati si Jairon ay mapahamak. Gusto lang namang makatulong nito.

“Hindi mo na ako kailangan ipakaladkad sa security. Kaya ko namang umalis mag-isa,” taas-noo niyang sabi. Nabuhay na naman ang pride niya. Handa siyang pagsilbihan nito pero di siya nito kailangang ipahiya. “Uminom ka na lang ng kape. Hindi na kita maipagtitimpla. Iinom-inom pero hindi naman kaya.”

Ihinagis niya ang kumot pabalik sa kama nito at lumabas ng kuwarto nito. Kinuha niya ang coat at saka binigyan ito ng isang matalim na irap. Saka siya nagmamadaling lumabas ng bahay nito.

Nakaabang na ang assistant head ng security na si Ridge paglabas niya. nakahanda na rin ang patrol E-jeepney nito. “Ihahatid ko na kayo sa Guesthouse, Miss Fontana,” magalang nitong sabi.

“Salamat,” aniya sa malamig na boses.

At least hindi siya nito dadalhin sa security center para imbestigahan. Nagpupuyos siya sa galit hanggang makarating sa hotel room. Nagdadabog siyang pumasok sa suite na pinagsasaluhan nila ni Sahara.

Padarag niyang tinanggal ang sandals sa paa. Sayang lang ang pagpapakahirap niyang mapulmonya at pagpapakapal niya ng mukha na isuot ang harem costume na iyon. Di naman pala niya makukumbinsi si Alessandrace. Ni hindi siya nito binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. Ipapatapon pa siya palabas ng bahay nito. So she trespassed. Sort of. Pero malinis ang hangarin niya.

Nakakunot ang noong lumabas ng kuwarto si Sahara. Nakabihis na ito ng pantulog at naglilinis ng mukha. “O! Saan ka nagsuot? At bakit ganyan ang itsura mo? Don’t tell me kasama ka na sa harem ni Prince Rostam.”

“Sana nga na-recruit na lang ako sa harem ni Prince Rostam o naging alipin ng kahit sinong village lord. Mas masaya sana ang buhay ko,” aniya at ibinagsak ang sarili sa kama saka tumitig sa kisame. “Galing ako sa Mist Fusion.”

“Nag-belly dancing ka?”

She glared at her. “Hindi! Nag-volunteer akong maging slave ni Alessandrace Sandejas.”

Umupo ito sa tabi niya. “He volunteered to help me out with my Olympic Library but I never got to meet him. Nawala na lang siyang bigla. Magkasama kayo?”

Umiling siya. “No. Sinundan ko siya sa bahay niya.” Di na niya kailangan pang sabihing breaking and entering ang ginawa niya. “Iinom-inom kasi di naman kaya.”

“Nang ganyan ang suot mo?” nanlalaki ang mata nitong wika. “Ano bang meron sa Alessandrace para sundan at akitin mo siya.”

“Hindi ko siya inaakit. I just want to drag him to Tibet to help me out with our expedition. At di kami matutuloy ni Kuya Scott nang di siya kasama.” Napilitan siyang ikwento dito ang nakaraan nila ni Alessandrace. And to her humiliation, kailangan pa niyang idetalye sa kaibigan pati ang pagpapalayas nito sa kanya.

“No wonder ihahagis ka niya palabas ng bahay niya. Look at you! You are like a hussy…”

“Hindi ako mukhang prostitute. Slave girl lang.”

“Di ka bagay maging slave girl. Come on! You can’t even belly dance. And that Drace sounds like a very sane and decent man. Di mo siya madadala sa itsura mo.”

“But I am desperate, Sahara! Kailangang makumbinsi ko siya na sumama sa Tibet. Kung mas madali nga lang sana, isinako ko na lang siya at kinidnap. Ang higpit lang kasi ng security sa isla na ito.”

Pumalatak ito. “Gusto mo talagang makulong, no? Kung ayaw niyang sumama sa iyo, di mo siya mapipilit. You might as well get used to the idea of leaving without him.”

“Iyan din ang sinabi ko kay Kuya Scott. Pero malaki ang sampalataya ni Kuya sa ugok niyang kaibigan. Hell! Tinatalikuran na rin ni Drace ang friendship nila. At willing siyang magbayad ng pera para lang mawala ang guilt niya. Ano ba ang nangyari sa lalaking iyon?”

“He must be terribly hurt he decided to move on without a backward glance. Minsan kailangan nating tanggapin iyon. Some let go but couldn’t let go of the pain.” He breathed as if she was pained. Napansin din niya ang pamamasa ng luha sa mga mata. “Argh! I have to meet my horse instructor tomorrow.”

“Dapat na pala tayong magpahinga ngayon.”

Pinisil nito ang kamay niya. “You have to let it go.”

“I am not sure. Hangga’t di ako nakakaisip ng ibang paraan para maisama siya sa Tibet, I have to stick with my original plan.”

Pareho silang lumingon sa pinto nang may mag-doorbell. Tumayo si Sahara. “Magbihis ka na. Ako na ang titingin kung sino iyon.”

Nasa kalagitnaan na siya ng pagbibihis nang katukin siya ni Sahara sa banyo. “Summer, may naghahanap sa iyo na member ng security center.”

“It must be Ridge. May naiwan ba ako sa patrol nila?”

“No. Ipinapatawag ka daw ng village lords sa The Peak. They said there is a serious matter to discuss.”

“MUHKTAR, you are such a good boy,” malambing na wika ni Summeria habang sinusuklay ang mane ng itim na Arabian stallion. Tumawa siya nang itango nito ang ilong bilang pagsang-ayon.

“Pwede ka palang mag-sideline dito sa stable ko bilang groom,” sabi ng stable master na si Chrome.

“Hindi ako pwedeng mag-sideline. I am a full time kayaker.”

“And Drace’s full time slave. I know.” Itinaas nito ang dalawang kamay. “Anyway, just holler if you need me. Parating na si Drace maya maya lang.”

Matapos magpasalamat dito ay umalis na rin ito. Nag-concentrate siya sa pagpo-polish ng mane hair ni Muhktar. Madaling-araw pa lang ay naroon na siya para maka-bonding ang paboritong kabayo ni Drace. Di rin siya makatulog matapos siyang ipasundo ng mga village lords at idala sa sariling palasyo ni Prince Rostam at siyang sentro ng mga village lords – ang The Peak.

Nagreklamo daw sa mga ito si Alessandrace dahil sa pagpasok niya nang walang permiso sa bahay nito. She was recommended to be deported out of the island. Sa kabutihang-palad ay nadala niya sa drama ang mga village lords. Kaya hanggang ngayon ay narito pa rin siya sa isla at patuloy sa kanyang misyon.

“What’s with you and Summeria Fontana?” narinig niyang tanong ng isang lalaki. Nang sumilip siya papasok ng stable si Alessandrace kasunod ang ibang miyembro ng riding club. Ang nagtanong ay si Noah Ames. “Inaasahan ko nga na padadalhan mo siya ng bulaklak.”

“Wala akong padadalhan ng bulaklak,” mariing tanggi ni Alessandrace. “There is nothing going on between us.”

Napangiti na lang siya nang makita ang iritasyon sa mukha ni Alessandrace. Mukhang wala itong matinong tulog nang nagdaang gabi. It must be the wine. Pero malakas ang loob nito. Horseback riding pa ang gusto nitong pampaalis ng sakit ng ulo. Hindi yata iyon magandang kombinasyon.

“Mukhang naging emotional ka. Napansin ko lang,” wika ni Draco Montague na inaayos ang sleeves ng riding habit nito.

Tumalim ang mata ni Alessandrace. “Nahawa na rin ba kayo ng pagka-tsismoso? Kaya nga kayo ang isinama ko dahil ang alam ko wala sa character ninyo na mang-usisa sa buhay ng iba.”

Napapalatak siya nang lalong sumama ang mood ni Alessandrace. Ano pa kaya ang mararamdaman nito oras na makita siya nito muli?

“Di ako nag-uusisa,” depensa ni Illac. “Gusto ko lang malaman kung interesado siyang maging supporter sa earth school projects ko.”

“Wala ka bang iniisip kundi ang mga charity works mo?” angil ni Alessandrace.

“Ako nga iniisip ko kung gusto niyang mag-donate ng dugo,” wika naman ni Draco. “Sa palagay ko healthy ang dugo niya. Malaki ang maitutulong niyon…”

Itinaas ni Alessandrace ang kamay. “Cut it off, vampire!” tinanguan nito si Noah. “Ikaw? Ano naman advocacy mo?”

Ngumisi si Noah. “Siyempre gusto kong paramihin ang kliyente ko. kaya nga umiisip ako ng paraan kung paano ka mapapa-order ng bulaklak para sa kanya. There’s this exotic flower from Honduras…”

“Huwag na ninyong sayangin ang oras ninyo. Who knows? She might be out of the island right now. She has a lot of rivers to paddle,” Alessandrace said with a tug at the corners of his mouth.

Naningkit ang mga mata niya nang maalala ang ginawa nito nang nagdaang gabi. He asked her to be deported out of the island! Napakalaking kahihiyan na ihinarap siya sa pitong nagguguwapuhang village lords dahil lang sa akusasyon ni Alessandrace na isa siyang threat sa buhay nito. Pwes! Oras na para malaman nito na hindi nagtagumpay ang misyon nito. She was alive and kicking.

Lumabas siya mula sa likuran ni Muhktar. “Good morning, Master Drace!” nakangiti niyang bati dito at bahagyang yumukod.

Namilog ang mga mata ni Alessandrace sa sobrang pagkagulat. Hindi marahil nito inaasahan na naisahan siya nito. Baka nga naging mahimbing pa ang tulog nito sa pag-aakalang Summeria-free na ang Stallion Island. Sa kasamaang-palad, hindi siya ganoon kadaling mapapalayas sa buhay nito.

Naningkit ang mga mata nito. “What are you doing here?”

“Hi, Miss Summeria!” bati ni Yllac at kumaway. “It is a surprise to see you here. Akala ko umalis ka na dahil sinusungitan ka ni Drace.”

“Ang sabihin mo gusto lang siyang solohin ni Drace,” kantiyaw naman ni Noah. “Kunyari pang hindi interesado.”

“I am not aware that she’s here,” giit ni Drace.

“Are you his slave or something?” tanong sa kanya ni Draco. “Master ang tawag mo sa kanya.”

“Yes!” masiglang sagot agad niya. “He is my master. I am his slave. Pumunta nga ako sa stable para i-groom is Musthar. Baka kailanganin siya ni Master katulad ngayon. Now he is ready.”

Amusement ang nababakas sa mukha ng tatlo habang mariin namang nakapikit si Alessandrace sa sobrang kahihiyan. She loved it! Bilang nobya nito noon, kahit minsan ay di niya ito binigyan ng kahihiyan. Ngayon ay parang gusto na siya nitong ipakaladkad sa kabayo. Tiyak na kung anu-ano na ang tumatakbo sa utak ng tatlong kaibigan nito tungkol sa tunay na relasyon nila.

Isang naghahamong tingin bang ibinigay niya dito. Patatagan silang dalawa ngayon. Nasimulan na niya kaya pangangatawanan na niya.

“Parang hindi na tayo kailangan dito,” sabi ni Illac nang di pa rin inaalis ni Alessandrace ang tingin sa kanya.

“Mauna na kami sa iyo. Sumunod ka na lang sa amin. Bring your slave along. I think she’s entertaining,” wika ni Draco.

“You can’t leave me here,” tutol ni Alessandrace.

Tinapik ito sa balikat ni Noah. “Nah! Dito ka lang. Gusto mo ba ipadala ko na ang exotic flower na sinasabi ko para kay Miss Summeria?”

“I appreciate it, Mr. Ames,” nakangiti niyang wika kay Noah. “Hindi na kailangan ang bulaklak. Drace never give me one. Kahit nang nanliligaw siya o kahit nang maging girlfriend na niya ako.”

Pumito si Noah habang lalo lang tumalim ang tingin sa kanya ni Alessandrace. “Magkwentuhan tayo minsan, Miss Summeria.”

Di pa nakakalayo ang mga kaibigan nito ay hinila na siya nito papunta sa likuran ng stable. It was like a mini-park. At walang tao nang mga oras na iyon. “Ano pang ginagawa mo dito? You aren’t suppose to be here. Kinausap ko na ang mga village lords kagabi…”

“Yeah! You asked them to throw me out of the island.” Matamis siyang ngumiti. “Pero ipinaliwanag ko sa kanila kung bakit ko ginagawa ‘to. They were most sympathetic. Kaya sabi nila sa akin ituloy ko lang ang ginagawa ko basta huwag ko lang isusuot ulit ang harem costume ni Jumeirah.”

“What? Bulalas nito. “Iyon lang ang sinabi nila sa iyo?”

TUmango siya. “They are so nice!

Kuyom ang mga palad ay tinalikuran siya nito. “Kundi lang pag-aari ng pitong iyon ang islang ito, ako mismo ang sasakal sa kanila. Damn them!”

“Looks like we’re stuck with each other, Master.”

Humihingal sa galit siyang hinarap nito. “Tigilan mo na ako!”

“I can’t!” Lumambot ang mukha niya. “Hindi ako aalis dito nang di ka kasama. You might as well get used to the idea of having me as your self-imposed slave.” Tinapik niya ang pisngi nito. “Sumunod ka na sa mga kaibigan mo, Master. Alam ko na ban ako sa bahay mo. Kaya hahanap na lang ako ng ibang gagawin sa Mist Fusion.”

Iwinasiwas nito ang kamay. “Bahala ka! Gawin mo ang gusto mo. Pero wala ka talagang aasahan sa akin. Wala!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.