Mabilis ang galaw ng kamay ni Rahya habang idino-drawing ang ideas niya para sa rough draft ng storyboard. Nasa sala siya at nakasalampak sa center table.
Maaga pa lang ay bagsak na sila ni Misha. Ni hindi na sila nakakain ng hapunan sa sobrang pagod. Pero ala una ng madaling araw nang magising siya. Di na siya makatulog dahil tumitining sa utak niya ang mga ideas na naiisip niya. Mabuti nang gawin na niya iyon ngayon pa lang para di siya magahol. Kailangang maipakita niya iyon kay Misha bago sila umalis ng isla.
“Bakit gising ka pa?”
Napapitlag siya nang marinig ang boses ni Misha. Nang lumingon siya ay nakatayo ito sa pinto ng kuwarto nito. Magulo ang buhok nito. Nakasuot ito ng sando at pajama. Iniwas agad niya ang tingin. Nadedemonyo na naman siya ng pagnanasa.
“Di na ako makatulog nang magising ako kanina. Gumagawa na ako ng rough draft. Di kasi ako pinapatulog. Ikaw? Bakit ka nagising?” Tumayo siya. “Gusto mong ikuha kita ng pagkain? O masama ang pakiramdam mo?”
Na-guilty siya dahil pinagod agad niya ito kanina. Kagagaling lang nito sa sakit. Siya ang nagsabing magpahinga ito pero pinagod pa niya ito at pinag-alala.
Bahagya itong ngumiti. “I am fine. Nag-enjoy naman ako kanina. Next time tatanungin ko ang mga kliyente natin kung gusto nila ng rock climbing. Gusto mo ba na ikuha kita ng gatas?”
“Hindi na. Ako na lang ang kukuha.” Himala. Noon lang ito nag-alok na pagsilbihan siya. Ang alam niya, si Misha ang sanay na nagbibigay ng utos.
Nang pumunta ito sa kusina, ipinagpatuloy lang niya ang trabaho. Nagulat na lang siya nang ilapag nito ang baso ng gatas sa harap niya. “Wala ka naman sigurong aversion sa gatas. Walang melamine iyan. At makakatulong iyan para hindi masyadong mapagod ang utak mo.”
“Thank you.” Ininom niya ang gatas. “Pero di ka dapat maging sobrang dependent sa gatas. Magpapahinga ka naman paminsan-minsan.”
“Nagpapahinga na nga ako. Wala akong schedule kanina. Wala rin akong schedule mamaya hanggang bukas.”
“Yeah! Pagtutulungan natin ang concept nitong Stallion Shampoo commercial sa last day. Siyempre gusto ko masiguro na gusto mo ang mga nabuo kong ideas dito. Then magpapadagdag na lang tayo ng iba pang ideas sa team. Para mas madali para sa atin ang trabaho, hindi ba?”
“Dati nagtataka ako kung paanong nakaka-survive ang department nang hawak ni Rome. We had this account for a real estate company. Nagawa pa niyang mag-party sa Embassy nang gabi bago ang presentation. Iyon pala, ikaw ang nagtatrabaho para sa kanya. Bakit hindi na lang ikaw ang gawing head ng Creative Department?”
“Hindi papayag si Lolo. Mas matanda sa akin si Rome…”
“Hindi sa tanda iyan kundi dapat ibase sa galing.”
Nilaro ng daliri niya ang baso. “Hindi ako totoong Avenuel. Ampon lang ako. Can’t really blame him kung mas paboran niya si Rome.”
Napailing si Misha. “Ayoko ng nepotism. Kaya nga ginagawa ko ang lahat para patunayan ang galing ko kahit na apo pa ako ng founder ng kompanya. Rome didn’t see things that way. Apo siya ng may-ari ng kompanya. And she can reduce it to ashes in a whim. Kapag di siya nasunod, nagmamaktol siya. Masyado natin siyang pinamihasa. And she became spoiled rotten. Tayo din ang sisirain niya sa huli.”
“Sorry. It must be hard for you as well.” Alam naman niya na napilitan lang si Misha na makisama kay Rome para panatilihing buo ang kompanya. Di siguro nila ito mapipilit kung di talaga nito mahal si Rome.
“I was actually relieved when she brought my gifts back. Pero sana lang, nagkausap kami nang maayos. Di na kailangan pang madamay ang mga trabaho namin. Handa naman akong makipaghiwalay sa kanya. Aakuin ko rin ang lahat ng pagkakamaling ibabato niya sa akin. Not like this.”
“Sorry. Puro sakit ng ulo pa yata ang ibinibigay namin. Kanina ba nagalit ka sa akin nang ipilit kong subukan lahat ng klase ng activities dito sa isla?”
“Hindi ko magawang magalit. Nag-aalala lang ako.” Lumamlam ang mga mata nito. “Ni minsan di pa ako nag-alala at natakot para sa isang tao. Kahit sa lahat ng gulong naidala ni Rome, di ko naramdaman iyon. Na natakot ako. I don’t know.”
Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi. “Thank you, Misha. Matagal nang walang nag-aalala at yumayakap sa akin katulad ng ginawa mo.”
Mula nang mamatay ang nanay-nanayan niya, wala nang taong inuuna ang kapakanan niya bago ang sarili. Kay Misha, naramdaman niya ang sinseridad nito. wala itong pakialam sa ikagaganda ng commercial basta ligtas lang siya. Di niya inaasahan na may ganoon itong quality. Akala niya ay masungit lang ito at puro sarili at kompanya lang ang mahalaga dito.
Kinuha nito ang baso niya. “It’s nothing. Ayoko rin namang mag-alala sa iyo. Ewan ko kung bakit nag-aalala pa ako,” pasuplado nitong sabi.
“Do that more often, Misha. Tapos bawas-bawasan mo ang pagsusungit mo saka dagdagan mo ang pagngiti. You will be the perfect Prince Charming.”
Mahina itong tumawa. “You gotta be kidding me. Goodnight!”
MATAPOS ANG agahan ay kinaladkad agad ni Rahya si Misha sa boutique. “Kailangan ko ng magandang gown. Gusto kong magparty bukas ng gabi.” Di kasi niya alam kung anong klaseng party ang ilalagay niyang pam-finale para sa commercial.
“Imbitado ba tayo sa beach party ni Gianfranco?”
Si Gianfranco del Pierro ang isa sa village lord na ang pamilya ay nagmamay-ari naman ng mga yate, catamaran at cruise ships.
“Oo naman. Nakita ko breakfast table mo kanina ang invitation. Magandang exposure din iyon para sa iyo, di ba? Mas maraming prospective clients kang makukuha.” Welcome party daw iyon para sa bagong batch ng mga bagong miyembro ng Stallion Island.
“O baka naman gusto mo lang makita si Prince Rostam.”
“Akala ko ba nagkasundo na tayo na puro trabaho lang tayo ngayon. Trabaho!” Kumuha siya ng isang gypsy style dress. “Ito na ang kukunin ko. Ikaw na muna ang magbayad. Paki-deduct na lang sa sweldo ko.” Kumuha siya ng night dress. “Sasamahan ko na rin nitong pantulog.”
“Akala ko ba okay na sa iyo ang nightdress ni Mama.”
Umasim ang mukha niya. “Pakiramdam ko tumatanda ako kapag suot ko.” Ayaw na niyang matawag ulit ni Misha ng Mama. Di pa naman siya ganoon katanda. Twenty-five pa lang siya. Virgin at sariwa. Di pa siya isang ina.
“Alright. Babayaran ko na para makapag-surf skiing ka na.”
Kinuyom niya ang dalawang kamay. “Yosh! Tapos mag-banana boat ride tayo, ha?” Hinaplos niya ang buhok nito. “Nag-Stallion Shampoo ka rin sana para hindi mag-dry at magulo ang buhok mo. Para lalo kang maging mabango.”
Humagikgik ang sales personnel na nag-aasikaso sa kanila. “Sir, ang kulit naman ng girlfriend ninyo. Gusto pa na mag-Stallion Shampoo kayo.”
“Walang nakakatawa,” asik ni Misha.
Tumiklop ang sales personnel. Siya na lang ang tumawa. “Pagpasensiyahan na ninyo itong boyfriend ko. Malamang may dalaw na naman.”
Pumiksi si Misha. “Anong may dalaw?”
“Dalaw ng masamang espiritu. Nagsusungit ka na naman. Ngumiti ka nga! Paano kita ipagmamalaking Prince Charming kung hindi ka ngingiti?”
Nanatili pa rin itong nakasimangot. “Hintayin mo na lang ako sa labas.”
Umingos siya. “Opo, Prince Sungit.” Pagtitiisan na lang niya ang kasungitan nito. Ang mahalaga ay di pa siya nito pinapatapon palabas ng isla.
Naghihintay siya sa labas ng boutique nang may lalaking lumapit sa kanya. “Well, it’s goddess Rayah Avenuel!”
Alanganin ang ngiti niya nang makita si Arvind. “Doc!” Doc Maniac! Sa dinami-dami ng pwede niyang makita sa isla, bakit ito pa?
Lumapit ito at hinaplos ang pisngi niya. She hated his leering gaze. “Sabi na nga ba’t hindi mo ako matitiis. You miss me and you can’t get me out of your head, right?” bulong nito.
“No! Hindi ako nagpunta dito para sa iyo!”
Pero di iyon pinakinggan ni Arvind at inilapit ang mukha sa kanya. “Ah! You don’t have to deny it, Rahya. I am willing to indulge you. Sayang naman ang pagpunta mo dito kung hindi mo ako makakasama.”
“Hands off, Doc Arvind! She’s with me.” Sa isang iglap ay hinila siya ni Misha at hinapit palapit dito. Noon niya naramdaman na safe siya. Kung di ito dumating, malamang ay ineskandalo na niya si Arvind. “Anong kailangan mo sa kanya?”
Okay. So he was naturally amorous and attractive. Nakikita niya kung paano itong pagkaguluhan ng mga babae noon. Lalo na siguro ngayong miyembro na ito ng Stallion Island. Pero hindi niya ito gusto. Kinikilabutan siya sa presensiya nito.
“Santoros!” Tinapik ni Arvind ang balikat ni Misha. “Dadalawin sana kita para I-check up. Sabi ni Nataniella may sakit ka daw. Bakit ako ang tinawagan mo para di masyadong nag-alala si Rahya sa kondisyon mo?”
“Bakit ikaw ang gagamot sa akin? OB-gyne ka!” angil ni Misha.
Pinigil niyang bumulanghit ng tawa. Di niya ma-imagine na si Arvind ang tjtingin kay Misha. Mas nakakatawa pa doon, naiisip niyang naka-duster si Misha habang chine-check up ni Arvind.
“Goodbye, Rahya!” Ibinulsa ni Arvind ang mga kamay sa pantalon. “If you are bored with his company, I am just around. I am willing to indulge you. Oh! May sunburn ka pala. That sucks! Di ka man lang maalagaan ni Misha.”
Mahigpit ang hawak ni Misha sa kamay niya habang naglalakad papunta sa kabilang direksyon ng pinuntahan ni Arvind. Bakas ang galit sa guwapo nitong mukha. “Misha, doon tayo papunta sa beach. Bakit pabalik na naman tayo doon sa daan papunta sa bundok?” tanong niya.
“Kailangang mailayo kita kay Doc Arvind.”
“Pero doon sa dinaanan niya ang papunta sa beach.”
Tumigil ito sa paglalakad at binitiwan siya. “Mas gusto mo ba siyang kasama? Alam mo ba kung anong klaseng lalaki siya? He is a womanizer. Marami na siyang girlfriends. Iba-iba! Ganoong lalaki ba ang gusto mong samahan?”
“Sino naman may sabing gusto kong sumama sa kanya?”
“Bakit ka niya kinakausap? Bakit magkakilala kayo?”
“I met him in an ad campaign that we managed a year ago. Iyong para sa pre-natal care. Nagkataon lang na kinontak ko ulit siya dahil siya ang una kong hiningan ng pabor para pumasok dito sa Stallion Island.”
“Why did you do that? Paano kung may ibang hingin iyan sa iyo. Sa tanda mong iyan, di mo naisip na di lahat ng lalaki nagbibigay ng walang kapalit. And I don’t think Arvind Yun is a generous one.”
“Ginawa ko lang iyon dahil kailangan kitang makausap. Misha, this is pointless! Hindi ko alam kung ano ang ikinakagalit mo.” Tinahak niya ang direksiyon papunta sa beach. “Wala akong pakialam sa issues mo o kung anong sumasapi sa iyo. Basta wala akong ginagawang masama. Diyan ka na!”
Pinara niya ang jeepney na papuntang beach. Sumakay din si Misha pero di sa tabi niya kundi sa likuran niya. DI talaga niya maintindihan ang lalaking ito. Masaya naman sila kanina. Bigla na lang nagalit nang makita si Arvind.
Kung kailan nagugustuhan na niya ito, saka na naman ito bumalik sa pagiging masungit. No! he was worse. He became unreasonable.
Akala pa mandin niya ay pwede na itong maging Prince Charming.
“HONEY, subuan mo naman ako ng prawn. Gusto ko iyan!” malambing na pakiusap ni Nadine sa asawang si Enrique. Bagong kasal lang ng mga ito. At bilang regalo ng isa sa mga miyembro ay binigyan ng access ang mga ito sa Stallion Island.
Ang mga ito ang kasama nila sa bangka nang mag-snorkelling sila. Sa tanghalian ay idinala sila sa isang secluded beach na parte pa rin ng Stallion Island.
Naiilang tuloy siya. Habang sweet na sweet ang mag-asawa, parang mag-asawa naman sila ni Misha na malapit nang maghiwalay. Kanina pa siya nito di kinikibo. Ni hindi ito lumapit sa kanila para makisalong kumain. Nasa ilalim lang ito ng puno at naglalala ng dahon ng niyog.
“May LQ ba kayo ng boyfriend mo?” tanong ni Enrique sa kanya.
“Ha? Wala iyan! Huwag na lang ninyong pansinin,” sabi niya.
Ilang beses na siyang napahiya dahil kapag kinakausap niya si Misha ay di naman ito sumasagot. Parang nakikipag-usap lang siya sa hangin. Kung ayaw nitong kausapin siya, di siya makikipagpilitan dito.
“Kapag ganyan kami ni Honey, kinakausap ko agad iyan. Ganyan madalas ang itsura niya kapag may pinagseselosan,” sabi ni Nadine at kumindat.
Lumabi siya. “Imposible!” Oo nga’t nagsimula lang itong topakin nang makita silang magkasama ni Arvind. Pero di naman siguro ito nagseselos. Wala naman silang relasyon ni Misha para magselos sa kanya. May sapi lang talaga ito.
“Dalhan mo na lang ng pagkain saka mo kausapin. Ang tao daw makakausap mo nang matino kapag busog na,” suhestiyon ni Enrique.
Napilitan siyang sundin si Enrique at kumuha ng pagkain para kay Misha. Busy pa rin ito sa paglalala ng dahon. “Ayokong isipin na lumuwag na ang turnilyo mo dahil nalipasan ka ng gutom kaya kumain ka na.”
“Para sa akin talaga iyan?” tanong ni Misha.
Tumango siya. “Marami pa tayong gagawin kaya magpakabusog ka. Bukas kailangan na nating ipunin lahat ng concept. And you have to choose the best one. Saka bukas din ang schedule ng meeting mo kay Raddison. Hindi magandang ma-cancel na naman iyon kapag nagkasakit ka.”
“Thank you!” anito at tahimik na kumain.
Umupo siya sa tabi nito at itinuloy ang pagkain. Mas masarap pa rin kung kasalo niya ito sa pagkain. “May topak ka pa?” tanong niya.
“Wala akong topak. Okay lang ako.”
“Sus! Kanina mo pa ako di kinikibo. Mas gusto mo pang maglala niyang dahon ng niyog kaysa pansinin ako.”
“Para sa iyo ito.” Inilagay nito ang sumbrero sa ulo niya. “Nawala sa isip ko na bilhan ka ng sunblock o wide brim hat man lang. Now the sun ruined your skin.”
Excited niyang inayos ang sumbrero sa ulo. “Ginawa mo ito para sa akin? Hindi ko alam na marunong ka nito.”
“Turo sa akin ni Papa noong bata pa ako. Buti naalala ko pa.”
“Cute! Bagay sa swimwear ko. Pero hindi mo naman kailangang alalahanin ang sunburn ko. Petroleum jelly lang ang katapat niyan.” Ngayon lang may lalaking nag-effort para I-please siya. Di niya inaasahan na may ganoong side si Misha. Na makakagawa ito ng simpleng bagay na magpapasaya sa kanya. “Thank you dito!”
“Hindi mo kailangang mag-thank you. Girls must hate me for being such a lousy man. Ngayon ko lang naisip na tama ka. Siguro nga wala akong kwentang lalaki. Di ko alam kung ano ang magpapasaya sa babae. Ni hindi ko nga alam kung paano siya poprotektahan. Ang alam ko lang puro negosyo.”
“Took you so long to realize that.” Pero nakadama siya ng lungkot. “But it isn’t really that bad. Di naman ako galit sa iyo. At doon naman kay Rome, in a way may pagkakamali naman ang pinsan ko sa iyo. I mean you have shortcomings. Natural lang siguro iyon sa isang relasyon.”
Umiling ito at tumingin sa kalawakan ng dagat. “Akala ko masaya na ang mga babae sa simpleng alahas lang. That I could be sweet by showering a woman with jewelries. Pero nang makita ko si Arvind kanina, natauhan ako. He could easily make a woman happy by praising them. Ni hindi niya kailangang gumastos. Natural charisma lang, nakakaakit na siya ng babae. Alam niya lahat ng magpapasaya sa babae. He could easily appease a woman’s emotion.”
Di siya makapaniwala. Nai-insecure ang isang Misha Santoros. Iniikot niya ang mga mata paitaas. “Misha, mabuti nga inilayo mo ako sa kanya kanina. Kinikilabutan kaya ako sa lalaking iyon. Kaya hindi mo kailangang maging tulad niya. Sasakalin kita oras na maging babaero ka! Okay ka nang ganyan.”
“Ano? Workaholic at kasal sa Define Advertising?”
“Hindi. Okay nang nare-realize mo ang pagkakamali mo. Dati kasi hindi ka nakikinig sa ibang tao. Parang napaka-perpekto mo. You are improving.”
Hinaplos nito ang pisngi niya at tipid na ngumiti. “Thank you! Ikaw lang kasi ang matiyagang magsabi sa akin ng pagkakamali ko.”
Dios mio! Parang gusto niyang magtitili nang makita ang ngiti nito. Naluluha ang mata niya. Gustong mag-bungee jumping ng puso niya. “Misha, I hate you!”
Nawala ang ngiti sa labi nito. “Anong ginawa kong mali?”
“Iyong ngiti mo kanina. Ang guwapo mo!” Pinisil niya ang pisngi nito. “Ngiti ka lang ng ngiti at pwede na kitang ilako sa mga bading.”
Pinanlakihan siya nito ng mata. “You!”
Nag-peace sign siya. “Joke lang. High blood ka. Smile ulit.”
“Anong gustong-gusto mong gawin dito sa Stallion Island?”
“Seriously?” Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi niya. “Gusto kong makapunta sa palasyo ni Prince Rostam at makita siya.”