Gula-gulanit na ang puso ni Sissy. Malapit na siyang magpakasal sa guwapong boyfriend na si Leo nang makita ulit nito ang dating nobyang may asawa at doon piniling sumama. Kung kailan handa na siyang mag-move on ay saka naman ito bumalik at nakikiusap na ituloy nila ang kasal.
“Accept me again, Sissy. Marry me.”
Nakaluhod pa itong nag-propose sa kanya sa harap ng maraming tao sa paborito nilang restaurant. And she hated the feeling of being put on the spot.
Tinabig niya ang kamay nito na may hawak na engagement ring. “Bakit ako magtitiyaga sa iyo? I got news for you, Leo. Malapit na akong umalis papuntang Stallion Island. Sa dami ng guwapo, sikat at mayayamang lalaki doon, baka nga hindi na kita maalala. Kaya huwag ka nang umasa sa akin.”
“Excuse me,” untag sa kanya ng guwapo at matangkad na lalaki. “I guess this ring is yours.”
Saka lang niya napansin ang singsing na nasa ilalim ng kopita ng white wine nito. Mukhang doon tumalsik ang singsing kaninang natabig niya.
Nakataas ang noo ni Sissy nang pumasok sa restaurant kung saan magkikita sila ng ex-fiance na si Leo. Nang igiya siya ng maitre d sa paboritong couch ni Leo kung saan din sila madalas pumuwesto ay kumaway agad ito. Ngiting-ngiti ito kaya kitang-kita ang malalim nitong dimples na isa sa asset nito bukod sa pagiging tall, dark and handsome. He could be any woman’s dream.
Sinalubong agad siya nito at hinalikan sa pisngi. “Hi! I am glad you are here. Sabi na nga ba’t di mo ako matitiis.”
Saglit siyang natigagal. An old feeling stirred up inside her. She fell in love with him at first sight. He was a play director for theater and an international performing artist as well. MAgaling kasi itong kumanta at graceful din sa stage. And it was a surprise that they are compatible in so many ways. Isang bagay na madalang mangyari sa kanya dahil wala siyang nagiging boyfriend dahil hirap siyang intindihin ng mga lalaking nakaka-date niya. And she thought Leo was perfect.
Their relationship was a year of pure bliss. Ni di sila nag-aaway. And it was heaven when he proposed to her. Akala niya ay matutupad na ang pangarap niya. Nangako itong mamamanhikan na sa pamilya niya pagkagaling nito sa play nito sa Australia. Subalit di iyon nangyari pagbalik nito.
Sa restaurant din na iyon nito sinabing di na siya nito mapapakasalan pa tatlong buwan na ang nakakaraan. Doon din niya isinumpa na ayaw na niya itong makita pa. na papatayin na niya ang puso niya para dito.
Sicilia, kalma ka lang. Hindi ka dapat magpakitang gusto mo pa rin siya o apektado ka na nagkita ulit kayo. Tandaan mo kung anong ginawa niya sa iyo. Iniwan ka niya para sa ibang babae.
Doon lang siya muling bumalik sa huwisyo at pilit na ngumiti subalit may bahid ng kapormalan. “Kailan ba naman ako tumanggi sa libre?” aniya at inilahad ang kamay sa nakaantabay na waiter. Binuklat agad niya ang menu at itinuon ang paningin sa listahan ng pagkain. Hinagilap agad ng mata niya ang mahal na pagkain.
Naramdaman niya ang pagtitig nito sa kanya. “Maganda ka yata ngayon.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Talaga? Ang alam ko lalo akong umitim. Hindi ba mas gusto mo ang mga mestiza?”
Siya nga ang ideal girl nito except for her color. Kaya nang nobyo na niya ito, lagi siya nitong nireregaluhan ng kung anu-anong pampaputi. KUlang na lang ay ipapapak sa kanya ang whitening soaps at ipatungga sa kanya ang mga whitening lotion. Ang kaso ay di talaga siya putiin. Masaya na siya sa kulay niya.
“Maganda ka kahit ano pang kulay mo.”
Her lips twitched. Di na siya kinikilig. Parang may immunity na siya. Naging bato na ang puso niya. “Why don’t you tell me about your trip in Australia? Akala ko nga wala ka nang balak na bumalik pa ng Pilipinas.”
“I decided to come back… for you.”
Umangat ang gilid ng labi niya at unti-unting nagngitngit. “For me? Di naman kita pinakiusapang bumalik, di ba?” Tinanggap niya nang maayos ang pakikipag-hiwalay nito kahit na isang linggo siyang nag-iiyak sa kabiguan niya.
“Na-realize ko na ikaw ang mahal ko at gustong makasama habambuhay.”
“Talaga?” walang emosyon niyang yanong.
Nang magkakilala sila ni Leo, ang alam niya ay nagsisimula pa lang itong maka-recover sa ex-girlfriend nito na si Cassandra. Nakipaghiwalay si Cassandra dito para pakasalan ang ex-boyfriend nito. At nang magkita ito at si Cassandra sa Australia, hiwalay na si Cassandra sa asawa. At sa isang iglap lang ay pinili na ni Leo na makasama ito at iniwan na siya. Ipinagpalit siya sa isang babaeng may asawa.
Iyon ang pinakamasakit na parte sa relasyon nila ni Leo. Kahit na alam niyang mahal pa rin nito si Cassandra ay sumugal siya sa relasyon nila. Buo ang tiwala niya na kapag nakita nito si Cassandra ay siya pa rin ang pipiliin nito.
She was so wrong. He left her without thinking twice. Okay lang sa kanya na iwan siya nito para sa ibang babae. Pero sana man lang ay sa isang babaeng walang sabit. Hindi sa isang babaeng kasal na.
“Ano nang nangyari sa true love mo? Di ba sa Australia na kayo for good?” tanong nito at pasimpleng sumubo ng vegetable salad.
Napalunok ito. “B-Bumalik na siya kay Fred.”
“Ay! Kawawa ka naman,” aniya sa malungkot na boses. Iyan ang napapala ng isang lalaking kabit. Di na ito nadala. Iniwan na nga ito ni Cassandra para sa ibang lalaki noong una. What made him think that she would choose him for the second time? He was just a rebound guy. “Gusto mo ng tissue?”
“I am okay.” Ginagap nito ang kamay niya at inilapat sa pisngi nito. “Knowing that you are here, I know I will be fine.”
Tinapik-tapik niya ang kamay nito kahit na naiinis siya. “Ganyan talaga ang buhay.” Kung alam lang niyang ganoon kadrama ang mga eksena, di nasa siya pumunta. Nanood na lang sana siya ng teleserye sa TV.
“Nagkamali ako nang iwan ka, Sissy. Sana ikaw pa rin ang pinili ko. Sana inaayos na natin ang kasal natin ngayon. I was wrong. Kasal na siya.”
Pasimple niyang binawi ang kamay niya para ituloy ang pagkain. She was still touchy when it comes to that subject. Hinayaan lang niya itong magsalita.
“Naiintindihan mo naman na di pa ako nakaka-recover sa break up namin, di ba?” malambing nitong tanong.
Di na niya kinayang maging passive. Tumigil siya sa pagsubo at tiningnan ito. “I know. But I thought you have enough decency and moral fiber not to engage yourself with a married woman. You disappoint me, Leo.”
BUmagsak ang balikat nito. “I know. I shouldn’t have left you. At bumalik ako para itama ang lahat sa ating dalawa.”
“Talaga? You are three months too late, don’t you think?” Ilang araw niyang hinintay na bumalik ito sa kanya. Parang tangang umasa na mababagok ang ulo nito at matatauhan. Pero napagod ang puso niya sa paghihintay.
“Umaasa ako na hindi pa huli ang lahat sa ating dalawa.”
“At paano ka naman makakabawi sa akin?”
Inilabas nito ang asul na kahita at binuksan. Tumambad sa kanya ang diamond engagement ring na minsan nitong ibinigay sa kanya pero napilitan siyang hubarin nang sabihin nitong ayaw na nitong magpakasal sa kanya.
“Accept me again, Sissy. Marry me.”
“Na naman?” dismayado niyang usal. Nauumay na kasi siya sa marriage proposal nito.
“Let’s get married this time.”
KInagat niya ang pang-ibabang labi at nagpakawala ng malalim na hininga. Noong una kasi ay tinanggap niya ang proposal nito nang walang kakurap-kurap.
GInagap niya ang kamay nito at tumiklop ang kahita. “Leo, bakit mo ba ako pakakasalan?”
“Because you are the one for me.”
“Do you love me?” Baka naman siya lang ang babae para dito dahil di na nito pwedeng maangkin ang babaeng totoo nitong mahal.
“Yes. The first time I saw you. Kahit nang umalis ako, alam ko mahal kita. Alam ko di ka maniniwala pero iba ang pagmamahal ko sa iyo kay Cassandra. Please believe me.”
Malungkot niya itong pinagmasdan. “Leo, kundi ba bumalik ang asawa ni Cassandra, babalik ka ba sa akin? Kusa ka bang matatauhan?”
“Well…” Naging malikot na ang mata nito at di makitingin ng diretso.
Binitiwan niya ang kamay nito. “You don’t love me. Bumabalik ka lang sa akin dahil gusto mong mapagtakpan ko ang sakit na ibinigay sa iyo ni Cassandra. I am just a rebound girl for you, Leo. I don’t want to be one.”
Mabigat ang dibdib niyang hinamig ang gamit niya. Bakit ganoon? Buo naman niyang ibinigay ang pagmamahal niya dito. Why didn’t she get that in return?
Isang sampal sa pagkatao niya ang proposal nito. Di siya tagaaliw lang tuwing nasasaktan ito. Gusto rin naman niyang mahalin siya nang buo.
Pinigilan nito ang kamay niya nang tatayo na siya. “Hindi ka rebound girl lang. I asked you to marry me. Isn’t that enough?”
“Hindi naman kasal lang ang kailangan ko sa iyo, Leo.”
“Ano? Gagawin ko ang lahat para sa iyo.”
Napailing na lang siya. “Kung gusto mo talaga akong pakasalan, hindi mo na kailangan pang magtanong kung ano ang dapat mong gawin.” Pero di na siya umaasa na mamahalin pa siya nito. Mahirap nang umasa sa wala. “Tapos na tayong dalawa, Leo. Goodbye!”
MATIGAS ang puso ni Sissy. Sa loob ng tatlong buwan, nabuo na ang mga plano niya at di kasama doon ang pagbalik ni Leo. Kaya niyang tiisin ang kahihiyan at ang usap-usapan ng mga tao pero di niya kaya ang pananakit nito.
Tumayo siya sa mesa matapos magpaalam. She deserves more from him. Ayaw niya ng tira-tirang pagmamahal lang. Isang hakbang. Dalawang hakbang. Naging matatag iyon. Kaya na niyang talikuran ang lalaking minsan niyang minahal. Di siya magiging martir katulad ng ikinatatakot niya.
Nagulat siya nang bigla nitong harangan ang daanan niya. “Sissy, this is not over. Hangga’t di ka pumapayag magpakasal sa akin, di mo ako pwedeng iwan.”
“Tapos na tayo,” aniya sa mahina ngunit mariing boses. “Hindi kita pinigilan nang pinili mo si Cassandra. Ayoko nang ulitin ang katangahan ko sa iyo so let me be.” Gusto na niyang makaalis sa lugar na iyon.She didn’t want to see him anymore.
BIgla na lang itong lumuhod sa harap niya at inalok ang singsing. “I love you. Please marry, Sissy.”
Isang mainit na bugso ng hangin ang umakyat sa utak niya. Iyon din ang ginawa nito nang mag-propose sa kanya. But this time, there was no love in his eyes. It was like an act of desperation.
Parang sinadya nitong ilakas ang boses at nagtinginan sa kanila ang mga customers. May pag-asam sa mga mata ng mga ito. Human beings are naturally romantic fools. And damn Leo for putting her on the spot.
Ipinadyak niya ang paa. “Tumayo ka diyan! Huwag kang mag-eskandalo.”
“Gusto ko lang ipakita sa lahat kung gaano kita kamahal.” Ginagap nito ang kamay niya at iniumang ang singsing sa daliri niya. “I will make you happy for the rest of our lives. Di mo pagsisisihan kapag pinakasalan mo ako.”
Tuluyan nang nilamon ng mainit na hangin sa sistema niya. Tinabig niya ang kamay nito. “Hindi ka ba nakakaintindi? Tapos na tayong dalawa. Ayoko na sa iyo. A-yo-ko!” mariin niyang wika.
Hindi na siya ang dating Sissy na hangal. Isang ngiti lang nito ay nanginginig na ang tuhod niya. She was wiser now and her heart was made of steel.
Luminga-linga ito at hinagilap kung saan tumilapon ang singsing. Gulat siya nitong nilingon. “Sissy! W-Why are you doing this? Gusto ko lang namang mahalin ka at makasama,” mangiyak-ngiyak nitong wika. Mukhang nasaktan lang ito sa rejection niya dahil napahiya ito sa maraming mga tao.
“Pwes, ayoko nang makasama ka,” may kalakasan niyang sabi at namaywang. “Tama na, Leo. Pagod na ako. Patahimikin mo na ako.” Ayaw na niya ng drama nito. Di siya isang martir o masokista. Hangal siya sa pag-ibig. Pero oras na natauhan siya, wala nang bawian.
Narinig niyang may tumikhim. “Excuse me.”
Parang binuhusan siya ng tubig nang lumapit sa kanila ang isang guwapo at matangkad na lalaki na may hawak na kopita ng alak. Di nalalayo ang tangkad nito kay Leo na halos anim na pulgada. He had dark piercing eyes. Matitiim ang mga labi nito na parang madamot magsalita. But she loved the way he carried his long sleeve blue gray long sleeve polo and his trousers. Napakatikas nito.
At malalim ang boses nito na parang may awtorisasyon. She had a fetish for nice smiles. Pero guwapo pa rin naman ito kahit parang galit ito sa mundo. She suddenly liked this guy with a mature character.
“Yes?” tanong niya at ngumiti. Baka naman galit ito dahil nag-eeskandalo na sila ni Leo at gusto nitong lumayas siya sa restaurant. Kasalanan iyon ni Leo.
“I guess this ring is yours.”
Saka lang niya napansin ang singsing na nasa ilalim ng kopita ng white wine nito. Mukhang doon tumalsik ang singsing kaninang natabig niya.
“I-I am sorry,” aniya at kinuha ang kopita dito. Natuliro siya kung paanong makakabawi dito o kung paanong kukunin ang alak. “I… Hindi ko sinasadya ang nangyari. Pasensiya na.”
Nakatitig pa rin ang lalaki sa kanya. Parang lalo pang nagdilim ang mukha nito. Hindi pa ba sapat ang sorry niya dito? Nagpapalit-palit ang tingin niya sa kopita ng alak at sa guwapo nitong mukha.
“Ah, yeah! Babayaran ko ang wine mo at papapalitan ko ng bago.” Tinawag niya ang waiter at inutusan itong palitan ang alak ng lalaki saka ibinigay ang credit card para sa bill nila ni Leo. Siya na ang nanlibre para di siya sumbatan nito. Ibinigay rin niya ang kopita para makuha ang singsing. Iyon lang pala. Bakit di na lang sabihin sa kanya? Dinadaan pa siya sa titigan.
“May maitutulong ba kami sa inyo?” tanong ng kasama nitong guwapo din. But the second man has a sunny face. Maamo din ang mukha nito at parang nagliliwanag ang lahat sa ngiti nito. Di katulad ng naunang lalaki na parang di nakasalo ng saya sa buhay nang magsabog ng ngiti sa mundo.
“Don’t mind other people’s business, Yllac,” saway ng lalaki.
“But I thought it was my business, Torque,” wika naman ni Yllac. Kinamayan sila ni Yllac. “I am Yllac del Rio. Sabihin lang ninyo sa akin kung may maitutulong ako sa inyo.”
“No. Hindi na namin kailangang mang-abala ng iba,” sabi agad niya. Tama na ang eksenang ginagawa nila ni Leo doon.
“Magiging okay din kami ng girlfriend ko. You will see. Papayag din siyang magpakasal sa akin,” sabi naman ni Leo.
“I see. Then we will leave you two then,” anang si Yllac. “Good luck!” Bumalik ang mga ito sa upuan at iniwan sila ni Leo.
Humihingal siya sa galit nang harapin si Leo. Anong karapatan nitong pangunahan ang mga desisyon niya? “Bakit ako magtitiyaga sa iyo? I got news for you, Leo. Malapit na akong umalis papuntang Stallion Island. Sa dami ng guwapo, sikat at mayayamang lalaki doon, baka nga hindi na kita maalala. Kaya huwag ka nang umasa sa akin.”
Ang Stallion Island ay isang exclusive island resort para lamang sa mga guwapong lalaki ng bansa. Nang iwan siya ni Leo, inengganyo siya ng isang kaibigan para doon na magtrabaho. Maganda daw ang lugar na iyon para maka-recover kay Leo. May job opening para maging assistant manager ng isang restaurant doon. Nagbaka-sakali siya at sinuwerteng matanggap.
Maraming kababaihan ang nangangarap na makapasok sa naturang isla at makilala ang mga maiilap na miyembro ng island resort. Iyon na ang pagkakataon niyang tuluyang baguhin ang buhay niya.
“No! You can’t leave me. Paano ako? Ang singsing…”
“You will live.” Kung pino-problema nito ang singsing, baka pwede nitong ipagbili para kapag naghiwalay na nang tuluyan ang pinakamamahal nitong si Cassandra at ang asawa nito ay may pampa-annul ito sa kasal ng dalawa.
“Hindi, Sissy! Magpapakamatay ako kapag iniwan mo ako.”
Natigilan siya at nakita ang desperasyon sa mga mata nito. Pero wala siyang oras para sa awa. Bato na ang puso niya. TUmalikod siya at kinawayan ito. “O, siya! Ipagdarasal ko na lang ang kaluluwa mo.”
Hindi siya makukuha sa pananakot. Hindi naman ito emo para takutin siya ng suicide. Di niya inaasahan na isang pathetic na lalaki ang minahal niya. Bakit ngayon lang niya nakita ang mahinang karakter ni Leo?
Ngumiti nang sa wakas ay makalanghap ng hangin paglabas ng restaurant. Kahit na wala pa si Leo sa buhay niya ay patuloy ang buhay.
She’d live and she’d love again.