“Okay na ang requirements mo, ha? Next week susunod ka na sa akin sa Stallion Island,” sabi ng kaibigan ni Sissy si Leica nang dalawin siya nito sa apartment niya. Buwanan lang itong makalabas ng isla at lumuluwas sa Maynila.
Nagtatrabaho ito sa Stallion Wave sa Wave Village ng Stallion Island bilang isang waitress. Habang siya ay maitatalaga sa Lighthouse Restaurant na nasa kabilang parte ng isla. Wala na kasing opening pa sa bar na pinapasukan nito.
College pa lang ay magkasama na sila sa isang fastfood chain. Naging malapit sila sa isa’t isa dahil dalawang taon din silang magkasama. Kahit na magkaiba ng trabaho ay di napuputol ang communication nila. Supervisor na ito sa isang restaurant nang mag-decide itong pumasok bilang simpleng waitress sa Stallion Island. Okay na rin daw iyon dahil malaki naman ang kita sa eksklusibong isla. Kaya naman hinikayat siya nitong sumama dito. Pumasok siya sa isla di para sa pera kundi takasan ang kabiguan niya kay Leo. She needed a fresh start.
“Wala nang urungan ito. Naka-empake na nga ang gamit ko.”
Inilapag nito ang paborito niyang chicharong baboy at sukang may bawang na sawsawan sa harap niya. “Ows? Iiwan mo si Leonardo? Baka mamaya tuluyan ngang mag-suicide iyon. Lagot ka.”
“Kung magsu-suicide iyon, noon pa sana niya ginawa.” Isinawsaw niya ang chicharon sa suka at lumikha iyon ng ingay nang kagatin niya. “Kung iyon ngang ex niyang si Cassandra nagpakasal sa iba di siya tumalon sa building. Ako pa kaya. Sino lang ba naman ako sa buhay niya?”
“Siyempre baka ikaw ang only hope niya.”
“Parang ako naman ang tumalon sa building no’n. Tama na ang katangahan ko.” Kung mahal nga siya nito, di siya nito ipagpapalit sa iba. At ang isang tao oras na magtaksil ay uulitin ulit. Baka iwan na naman siya nito. Natuto na siya ng aral.
“Tama iyan! Tama!” sang-ayon nito at ngumata ng chicharon.
“At doon ako sa Stallion Island hahanap ng tunay na pag-ibig.” Nagningning ang mga mata niya nang maisip kung gaano kagugwapo ang mga members ng Stallion Island. Lalo na ang mga may-ari ng isla na si Prince Rostam at ang anim na village lords. Parang pangarap lang ang mga ito noon na malapit na niyang maabot. Ang mga ito ang susi para tuluyan nang mabura si Leo sa sistema niya.
“Naku! Ang mga lalaki sa isla masarap lang titigan at pagnasaan pero huwag kang magkakamaling ma-in love. Mga narcissist ang mga tao doon. Pakiramdam nila sila ang pinakaperpektong tao sa mundo na dapat sambahin.”
“Ang killjoy mo talaga,” aniya at hinampas ito sa braso. “Panira ka ng ilusyon kahit kailan. Akala ko naman di ka na magiging manhater pagtapak mo doon.”
“Di ako manhater. Realistic lang ako. Wala akong mapapala sa pakikipag-relasyon sa mga lalaki. Tingnan mo iyong dati kong boss na si Ma’am Carlyn. May guwapo ngang boyfriend pero babaero naman. Tapos ikaw. Akala natin pareho faithful si Leo at mabait. Manloloko rin naman pala.”
At di na kailangan pang sabihin ni Leica na kaya lang ito nagtitiyaga sa Stallion boys ay dahil malalaking magbigay ng tip ang mga ito. Kung kaya lang sana niyang maging katulad ni Leica na pera lang ang iniisip.
“I still believe in real love.” NGumiti siya at parang nangangarap na nakangiti nang kumagat ng chicharon. Bigla niyang naalala ang lalaking may-ari ng alak na hinulugan ng singsing. “May kasing guwapo kaya niya sa Stallion Island?”
“Sinong guwapo?”
“Iyong lalaking nahulugan ng singsing ang wine.” BUmungisngis siya. “Ewan ko ba. Wala akong hilig sa mukhang masungit pero parang charming siya.”
“Kung guwapo, marami sa Stallion Island. At kung guwapo at suplado lang din naman, marami din naman. Bigyan pa kita ng catalogue. Ingatan mo nga lang ang puso mo at baka lumayas ka ng isla na sugatan at luhaan.”
Ayaw niyang isiping mabibigo siya. Mas mabuti nang nasa Stallion Island siya at bukas sa maraming opportunities kaysa naman nagtitiyaga siya sa taksil na si Leo. Isa lang ang tinitiyak niya. Di siya aalis sa isla na isang luhaan.
Makakahanap din siya ng totoong pag-ibig at handa siyang lumaklak ng Stallion Shampoo and Conditioner para lang mangyari iyon.
HALOS sumabog ang ang tainga ni Sissy sa lumalabas sa dambuhalang speaker na puro remix dance songs. Di pa nakakalayo ang cruise yacht sa marina ay nagpa-party na ang mga sakay niyon. It was Stallion Island’s employee cruise yacht. Pero sa magandang reception pa lang papunta sa isla, sa palagay niya ay di siya nagkamali ng desisyon sa pagpunta doon.
Nakasandal siya sa railing habang pinapanood sa pagsayaw ang mga kasama niya nang mag-ring ang cellphone niya. Umakyat siya sa upper deck kung saan mas tahimik. “Hello!” aniya habang pigil ang buhok na nililipad ng hangin.
“Sissy, nasaan ka na?” malungkot na tanong ng boses sa kabilang linya na may halong desperasyon.
“Leo? How did you get my number?”
Ilang piling kaibigan lang niya ang nakakaalam ng numero niya. Tiniyak niyang doon sa di magbibigay ng numero kay Leo dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos na ginugulo siya nito sa mga tawag nito.
“Hindi na mahalaga. I need to see you now.”
“I am sorry, Leo. Nasa gitna na ako ng Manila Bay. I am on my way to Stallion Island.”
“What?” bulalas nito. “Bumalik ka dito. You can’t leave me. Kapag hindi ka bumalik, magpapakamatay talaga ako!”
“Sige! Magpakamatay ka! Hindi ako natatakot!” bulyaw niya dito para mas maintindihan nito. Ang isang taong magpapakamatay, tinototoo.
“Sissy, hindi mo na ako mahal? Ganoon ba katindi ang galit mo sa akin para gustuhing mawala na sa mundo? Pinagsisisihan ko na ang kasalanan ko.”
Hindi sa gusto na niya itong maglaho sa mundo. Ayaw lang niyang tinatakot siya ng pagpapatiwakal para mapasunod siya sa gusto. Hindi iyon ang Leo na kilala niya. Hindi iyon ang Leo na minahal niya. Naging desperado na ba ito dahil dalawang babae na ang nag-reject dito?
“Just cut the loser act! Kung magpapakamatay ka man, desisyon mo iyan. Pero huwag na huwag mong ipapakargo sa akin ang mga kahibangan mo.”
“Wala kang puso, Sissy!”
“Wala talaga akong puso!” He broke her heart and trampled it. Ngayong bubuuin ulit niya ang sarili niya, di niya ito kailangan para guluhin na naman ang buhay niya. “Kaya tigilan mo na ako.”
Kusang naputol ang tawag nang mawala ang signal. Parang isang malaking bato ang nawala sa dibdib niya. Putol na ang komunikasyon nila ni Leo. Natatanaw na lang niya ang mga building ng Maynila at papalubog na ang araw. Malayo na siya kay Leo. Di na siya nito maaabot pa.
Itinaas niya ang dalawang kamay at hinayaang tangayin ng hayop ang mahaba niyang buhok. “I am free! I am free!” tili niya at nagtatakbo papunta sa bow. “Goodbye, Leo!”
Sa wakas ay makakapagsimula na siya. Kasamang tinangay ng hangin ang hinanakit niya at di magandang nangyari sa buhay niya. Pagsikat ng araw kinabukasan ay nasa Stallion Island siya. Bagong pangarap na naman ang haharapin niya. At di niya sasayangin ang pagkakataong iyon.
“Excuse me,” anang malalim na boses sa likuran niya. “Ang alam ko di pwedeng mag-ingay dito.”
Napalingon siya sa nagsalita. Di niya alam na may tao pala doon. “I am sorry. I…” Nanlaki ang mata niya nang makita ang lalaking may-ari ng white wine na nahulugan ng singsing. “I-Ikaw! Nandito ka rin?”
Mariing nagdikit ang labi nito at isinara ang binabasang libro. Saka bahagya nitong iniwas ang tingin sa kanya.
Nang di ito sumagot ay umupo siya sa katabing lounging chair. “Naalala mo ba ako? Nahulog ang dating engagement ring ko sa white wine mo.”
“Yes. Of all people, ikaw pa ang makikita ko.” Tumayo ito. “Excuse me. I need to find a peaceful and quiet place.”
“Hindi ba tahimik naman dito?” Pinagmasdan niya ang papalubog na araw. “Mas na-appreciate ko nga ang sunset ng Manila Bay kapag nandito sa gitna ng dagat. Masarap mag-relax.” Sinipat niya ang librong hawak nito. “Anong libro iyan? The Enlightenment? Buddhist ka ba? Magpapa-convert?”
“I just want to read peacefully,” anito at nagsimulang maglakad palayo.
“Bakit? Tahimik naman dito, ah!” aniya at inunat ang paa sa lounging chair. “Maririnig mo ang huni ng mga ibon… ang dagat…”
“Not anymore. Masyado nang maingay.The noise is making my head ache.”
“Massage gusto mo? Masarap akong magmasahe,” pasigaw niyang alok dahil palayo na ito ng palayo. Tuluyan na itong bumaba sa lower deck at di siya sinagot pa. Humilata siya at pinagmasdan ang kahel na ulap. “Libre lang naman. Hindi ko naman siya pagbabayarin. Kuripot siguro. Sayang guwapo pa mandin.”
Kahit naman suplado ito, she was attracted to the mysterious aura that surrounds him. Kung nakasakay ito sa cruise yacht na iyon, ibig sabihin ay papunta rin ito sa Stallion Island. Magkakasama sila ng mas matagal.
Makakatakas ito sa kanya ngayon pero sa susunod ay hindi na.
NANG mag-alas otso ng gabi ay lumabas na ng cabin si Sissy. Alas siyete dapat ang dinner. Nasalubong niya ang kapitan ng yate na si Trent. “Sissy, mabuti lumabas ka na. Susunduin sana kita. Baka maubusan ka na ng pagkain.”
Ito ang unang member ng Stallion Island na nakilala niya. And he was so nice. Tinatrato sila nito na parang bisita sa halip na tauhan lang sa isla.
Naulinigan niyang nagkakaingay ang mga kasama niya. “It’s okay, Captain Trent. Hindi naman ako masyadong kumakain kapag gabi.”
Ang gusto lang niya ay i-enjoy ang animo’y mala-luxury cruise niyang pagbabakasyon kahit sa gabi lang na iyon. Dahil kahit na sa paraiso ang tungo niya ay magsisilbing alipin pa rin siya. Sa gabing iyon, siya ang reyna ng gabi.
“Hindi ko na siguro kailangan pang magluto,” singit ng may supladong guwapong lalaki na nakasuot pa ng apron at chef’s hat. Napuno ang baga niya ng mabangong amoy ng pagkain na kumapit yata dito.
“Hi! Ikaw ba ang nagluto?” tanong niya. “Kung ganyan kabango ang luto mo, sa palagay ko mapapasabak akong kumain.”
“Torque, this is Sissy. She’s the new assistant manager of Lighthouse Restaurant. Sissy, this is Torque. Siya ang nag-prepare ng dinner natin ngayon,” pagpapakilala ni Trent sa kanila.
“Hi!” Ihinanda agad niya ang todo niyang ngiti. Kung ganoon ay magaling itong magluto. Cook siguro ito sa isla. Malaki ang respeto niya sa mga lalaking magagaling magluto. At may bonus kapag guwapo. “Pasensiya ka na kanina. Akala ko kasi makakapag-diet ako bago man lang tumapak sa isla. Hindi pala.”
“Wala ba akong babaeng makikilala dito na hindi magda-diet?” walang kangiti-ngiting tanong ni Torque. “Bakit ba nagluluto ng masarap ang tao kung hindi lang din naman kakainin?”
“You have a point there. Kaya nga kakain na ako. See you around.” At nakangiti niyang tinalikuran ang dalawa. Mukhang galit yata si Torque sa nagda-diet. Mahilig naman siyang kumain pero hindi sobra-sobra.
Nang kumuha siya ng pagkain sa buffet table ay nag-enjoy siya sa pagtikim at pagdampot ng mga pagkain. Kaya pala naghihimutok si Torque. Presentation pa lang ng pagkain ay appealing na. Parang Mediterranean cuisine iyon na may pagka-Pinoy. Kung makakasama niya ito sa trabaho at ito lagi ang magpapakain sa kanya, tiyak na lolobo siya ng husto. Pero walang nabanggit si Trent kanina kung saan ito sa isla nagtatrabaho. Di kaya personal chef ito?
Whatever! Basta tiyak niyang hindi ito member ng Stallion Island. Una, wala itong ring na may Stallion insignia na isinusuot ng mga member. Pangalawa, hindi naman ito rich. Kung rich ito, di big deal dito kung nalaglag man sa white wine nito ang singsing. Siya pa nga ang nagbayad. Ang mahal pala ng wine. Baka inilibre lang ito ng kasama nito.
Nasa gitna siya ng pagkain nang lapitan siya ni Aui. Sa guesthouse ito ng isla magtatrabaho. “Sissy, may lumabas nang pogi!” kinikilig nitong sabi at ngumuso sa may railing. “Ayun, o!”
Isinumpak niya ang bite-size tuna sisig pizza. “Si Torque?” Ito lang naman kasi ang nakikita niyang guwapo na papasa sa Stallion boys level bukod kay Trent na awtomatiko nang guwapo dahil member ng Stallion Island. “Ah! Siya ang nagluto ng pagkain natin ngayon.”
“Kaya naman pala masarap ang dinner natin. Di ko mapigilan ang sarili ko.” Dumampot ito ng Mediterranean lumpia at isang sumpakan lang. “Parang gusto ko na siyang papakin. Sa palagay ko siya na ang destiny ko.”
“Huh!” Bago pa siya nakahuma ay nilapitan na ito ni Aui. Ang bruha! Nakipag-unahan pa sa kanya. Ito talaga ang nangyayari kapag nahuhuling kumain. Mabuti sana kung may itira pa sa kanya si Aui pagkatapos nito kay Trent. Nanghahaba ang nguso siyang bumalik sa buffet table. “Makakain na nga lang.”
Manaka-naka niyang sinusulyapan ang dalawa. Di naman siya atat sa lalaki. Hindi lang guwapo ang habol niya. Kailangan member din ng Stallion Island. Hindi dapat panghinayangan ang tulad ni Torque.
Namimili na siya ng dessert nang balikan siya ni Aui na mangiyak-ngiyak. YUmakap agad ito sa kanya. “Sissy, ayoko sa kanya. Nakakatakot siya.”
Hinawakan niya ito sa balikat. “Bakit? Sinaktan ka ba niya? Pinagtangkaan ka ba niyang gahasain? Gugulpihin ko siya!”
“H-Hindi. Sana nga ginahasa na lang niya ako. Kaso salita ako ng salita pero di naman niya ako kinikibo. Parang walang narinig. Tapos nang tanungin ko kung siya ang boyfriend ng isang dating beauty queen, tiningnan lang niya ako ng matalim. Nakakatakot talaga. Parang vampire na biglang magkakapangil.”
“Boyfriend ng dating beauty queen?” tanong niya.
“Oo. Iyong beauty queen na dapat ikakasal na pero biglang nakipaghiwalay sa boyfriend nang ilaban sa pageant sa abroad.”
“Baka nga kasi hindi siya iyon. Mabuti pa ako na lang ang kakausap, ha? Tingnan mo kung paano mag-charm ng mga lalaki.”