Pumunta siya sa buffet table at kumuha ng peaches and cream saka isang flute ng champagne sa nagdadaang waiter. Sa klase ng trabaho niya, di mahirap sa kanya na i-engage sa isang conversation kahit pa ang pinakasupladong tao sa mundo. Kaya niya ito.
“Hi, Torque! Gusto mo ng dessert?” alok niya. Umiling ito. “Champagne?” Umiling pa rin ito. Inilapag niya sa kalapit na table ang peaches and cream. Suplado naman talaga ito pero nagsisimula pa lang naman siya. “Madami akong nakain sa iniluto mo. Saan ka nag-aral magluto? Sa Europe?”
“Sa cookbook at recipe sites sa internet,” anito sa malamig na boses.
“Ah!” aniya at tumango-tango. “But you are still good. Saan ka ba nagtatrabaho sa isla? Baka magkasama tayo sa trabaho, di mo pa sinasabi sa akin.”
Matiim siya nitong tiningnan. “If you’ll excuse me. I am busy right now.”
“Busy? Nakatunganga ka nga lang dito, busy ka na?”
“I’m too busy thinking about far more important things. Doon na muna ako sa kuwarto ko. The noise is really making my head ache.”
Gaya kanina ay iniwan na naman sila nito nang walang matinong napag-usapan. Isa lang ang malinaw sa kanya. Ayaw siya nitong makausap o makasama.
Mariin siyang pumikit para pigilan ang inis. “At ang antipatikong iyon!” Pabalikin kaya niya ito para iumpog niya ang ulo nito sa railing at mabawasan ang kasungitan nito sa kanya? GInagalit talaga siya nito.
“O! Anong nangyari sa inyo ni Fafa Sungit?”
Kinuyom niya ang palad. “Gusto ko siyang ipakain sa pating. Sino siya para tratuhin akong ganito? Masyado siyang kaguwapuhang walang kapintasan! Hindi ba niya alam na isang karangalan na makausap ko? Tapos sasabihin niyang busy daw siya sa pag-iisip ng mas importanteng bagay. Ako ba hindi importante?”
“Sabi ko sa iyo kakaiba siya, eh!”
“Oo. Special child ata siya at may sariling mundo.” Tinungga niya ang champagne. “Naku! Mag-party na lang tayo. At kalimutan natin ang mga nilalang na walang significance sa lipunan. Para lang tayo sa mga Stallion boys.”
Mula ngayon ay di na siya mag-iisip sa mga lalaking walang tatak ng Stallion sa noo. Que si Leo pa o si Torque. Magiging Stallion babe siya. Sigurado siya doon.
HALOS hilahin ni Sissy ang sarili para lang makabangon ng kama. Mabigat ang pakiramdam niya. Punong-puno ang sikmura niya at parang gusto niyang ilabas ang lahat ng laman niyon. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Di siya dapat napasobra sa pagkain lalo na at gabi. Mahina pa mandin ang panunaw niya.
Matapos maghilamos ay pinatungan lang niya ng roba ang pantulog at lumabas na ng kuwarto para mag-agahan. Maswerte siya dahil malapit lang ang kuwarto niya sa malawak na lower deck. Naroon na rin ang mga kasamahan niya na pawang inaantok pa dahil medaling-araw na nagsitulog kanina.
Alas sais na noon ng umaga. Nasa gitna pa rin sila ng malawak na karagatan at tanaw ang mga isla ng Palawan sa di kalayuan. Ayon sa schedule nila, nakatakda silang dumating sa Stallion Island sa ganap na alas nuwebe ng umaga.
Sinaluhan niya si Aui na nakayukyok sa mesa at sapo ang ulo. “Good morning,” aniya at ikinatang ang baba sa mesa.
“Good ba ito? Parang binibiyak ang ulo ko.”
“Ginawa mo kasing tubig ang champagne. Alak pa rin iyon.”
Tiningnan siya nito sa mapupungay na mata. “Siyempre libre iyon. Malay ko ba namang sasakit ng ganito ang ulo ko. May hangover ka rin?”
Umiling siya. Dalawang flute lang ng champagne ang ininom niya at bago mag-alas dose ay natulog na siya. Naalimpungatan pa nga siya ng alas dos ng madaling araw dahil nagkakasayahan pa ang mga ito.
“Hindi naman ako natunawan. Ayoko talaga ng ganitong pakiramdam.”
Hindi tuloy niya ma-appreciate ang magandang view na nadaanan nila. Malungkot niyang tinanaw ang mga kinakain ng nasa katabi nilang mesa. Gusto rin niyang kumain pero para sumabog na ang sikmura niya.
She felt awful! Paano ang enggrandeng pagpasok sa Stallion Island na pinangarap niya kung hindi maganda ang pakiramdam niya?
“Hindi ba kayo magbe-breakfast?”
Tumingala siya sa higanteng tumakip sa sikat ng araw na tumatama sa kanya. It was Torque. Sa tangkad nito, parang walking poste na ito. And he looked so good early in the morning. Bahagyang hinahangin ang buhok nito. He looked like a modern pirate in his royal blue long sleeve shirt and a pair of jeans.
“Ayokong kumain. Magtsa-tsaa na lang siguro ako o kape.”
Madilim ang mukha nitong hinila ang upuan sa tabi niya at tuwid ang likod nang umupo. “Huwag mong sabihing nagda-diet ka?”
SInapo niya ang tiyan. “Masama ang tiyan ko. Napadami kasi ang kain ko kagabi. Masarap ka kasing magluto.” Na-appreciate naman niya ang luto nito kahit na may kasungitan itong taglay.
Naalarma ito. “Gusto mo bang dalhin kita sa ospital? Namumutla ka.”
“Ospital? Di lang ako natunawan ospital na.” Lumabi siya. He was overreacting! “Saka nasa gitna tayo ng dagat. Haller!”
“Sissy, kapag daw hindi ka natunawan pwedeng maging lason sa katawan mo ang pagkain na di nagiling na mabuti. Pwedeng maging cancer iyon,” pananakot ni Aui. “Pwede kang mamatay.”
“Gaga ka! Huwag kang ganyan! Marami pa akong pangarap.” Di pa nga siya nakakatapak pa sa Stallion Island. Maka-date man lang niya si Prince Rostam o kahit isa sa village lords ng Stallion Island ay masaya na siya.
“Sandali lang,” anang si Torque at tumayo.
Sinundan nila ito ng tingin ni Aui. “Saan pupunta iyon?” tanong ni Aui.
“Ewan ko.” Basta gusto na niyang matapos ang paghihirap niya.
Nagulat siya nang biglang ilapag ni Torque sa harap niya ang isang bowl. Nang tumuwid siya ng upo ay crab and corn soup pala iyon. Sunod nitong inilapag ang garlic bread. “Kumain ka para malamanan ang sikmura mo.” May green tea rin na nasa traditional Japanese clay tea cup. Kasunod niyon ay may tableta rin sa platito. “Ubusin mo para makainom ka ng gamot. That would settle your stomach.”
Manghang nagpapalit-palit ang tingin niya dito at sa mga dala nito. Parang nanay niya ito kung mag-alaga. “Wow! Thank you!”
“sabihin mo lang sa akin kung may kailangan ka pa. If the medicine won’t work then you have to see a doctor.”
“H-Hindi na. Okay na ito. Salamat, ha?” Saka nanantiya niyang isinubo ang crab and corn soup. “Hmmm… masarap. Hindi ito instant?”
“Ayoko ng instant food. I go for the natural ones.”
Sinunod-sunod na niya ang subo ng soup. Nang mainitan ang sikmura niya ay unti-unting gumaan ang pakiramdam niya. “Marami pa ba nito? Mukhang mapaparami ang kain ko nito.”
Idiniin nito ang palad sa mesa. “Hindi ka ba nagtanda? Huwag ka nang kakain ng sobra at di kaya ng sikmura mo. Masama ang matakaw. Do you know that gluttony is a sin? Isang bowl ka lang ng soup, ha?”
Nakagat niya ang kutsara habang sinusundan ng tingin palayo si Torque. Dumampot siya ng tinapay at pumiraso. “Ano bang problema no’n?”
“Akala ko masungit siya. Sweet din pala siya,” nakapangalumbabang wika ni Aui habang sinusundan ng tingin si Torque. Kung kagabi ay isang nakakatakot na bampira ang tingin nito kay Torque, mukhang bumalik si Torque sa pagiging Prince Charming. Mas tamang palaka na naging Prince Charming.
“Saan banda siya naging sweet? Sa palagay ko nga may hataw ang lalaking iyon,” sintir niya. “Kagabi parang asar na asar siya nang mabanggit ko na di ako masyadong kakain dahil kailangan kong mag-diet. Ngayon naman huwag daw akong masyadong matakaw.”
“Mabuti nga ikaw dinalhan niya ng pagkain at pinagsilbihan. Ako kahit isang patak ng kape, di man lang ako inalok. Kung hindi siya sweet, anong tawag sa kanya?” tanong nito.
Hindi siya makasagot agad. “Ano… feeding program? Medical mission?”
“Luka-luka! Sweet lang talaga siya. So romantic!”
Nag-concentrate na lang siya sa pagkain. She must admit that she was grateful for what he did. Mama niya ang huling nag-alaga sa kanya ng ganoon. Nang mag-asawa na ito ng iba, di na siya nito inaalagaan dahil pinagseselosan siya ng bago nitong asawa. Kahit si Leo ay di naman siya inaalagaan kapag may sakit siya. Mas gusto kasi niyang alagaan ang sarili niya.
And here was Torque. Ni hindi man lang siya nakatutol nang alagaan siya nito. Di naman kasi niya alam na aasikasuhin siya nito. Akala niya ay wala itong pakialam sa kanya. Parang masungit kasi ito.
Sige na nga. Sweet na ito kung sweet kahit na medyo masungit.
YAKAP pa rin ni Sissy ang sikmura habang pinakikiramdaman ang katawan. Kahit paano ay nag-settle ang sikmura niya matapos uminom ng gamot. Labas-masok siya sa banyo at halos ilabas niya pati lamang-loob niya. Ngayon ay lambot na siya at walang lakas. At di niya alam kung may dadating na Superman o Batman para tulungan siyang lumabas sa kuwarto niya.
May kumatok sa pinto niya at sumungaw ang ulo ni Aui. “Uy, Sissy! Nandito na ang sundo ko. Hindi ka pa ba bababa?”
“Paramedics yata ang kailangan ko. Wala na yata akong bituka.”
Bakit ba ngayon pa sumama ang sikmura niya kung kailan nasa Stallion Island na siya? Wala man lang siyang lakas na magpaganda ng bonggang-bongga. Paano kapag nakita siya ni Prince Rostam o isa sa village lords? Ang pangit niya!
Pumasok si Aui. “Gusto mong tulungan kitang magbitbit?”
“Hindi na kailangan. Ako na ang bahala sa kanya,” anang si Torque na nasa may pintuan. “Bumaba ka na, Miss. Nandiyan na ang sundo ng taga-Guesthouse.”
“Mauna na ako sa iyo. Bahala ka na sa kanya,” nanunuksong sabi nito. Mukhang ang sinasabi nito ay siya pa ang bahala kay Torque.
“Nandiyan na ba ang sundo ko?” tanong niya at tumayo.
“Parating na ang boss mo. Siya mismo ang susundo sa iyo.”
“Ha?” Marahan siyang tumayo pero pasimple niyang pinadaanan ng daliri ang buhok niya. Guwapo ang boss niya at member ng Stallion Island. Drat! Hindi naman pwedeng pangit siya kapag humarap sa mga guwapo.
Parang nahulaan ni Torque ang gagawin niya. “Huwag mong sabihing magpapaganda ka pa?”
“Bakit? Kasalanan bang magpaganda?” Ang alam nga niya ay grave sin na tumapak sa Stallion Island ng pangit. Namumutla kaya siya at mukhang zombie.
“Magpagaling ka na lang kaysa isipin ang pagpapaganda,” sabi nito at hinila ang malaking luggage bag niya. Dinampot nito ang fuchsia pink niyang shoulder bag. “May iba pa bang bibitbitin?”
Nasapo niya ang ulo dahil parang balewala lang ditong bitbitin ang shoulder bag niya. Lalaking-lalaki ang porma nito tapos ay may fuschia itong bag. “A-ako na ang bahala sa shoulder bag ko.”
Baka pagtawanan pa ito ng mga tao kapag nakita ito at isipin na mas maganda pa ito sa kanya. Ayaw naman niyang masira ang reputasyon nito.
“Di mo nga kaya ang sarili mo, gusto mo pang magbitbit. Ang gaan naman nitong bag mo, ah!” Hinila nito ang kamay niya at naglakad. “Let’s go.”
“Sir, kami na po ang magbibitbit niyan,” anang porter na sumalubong sa kanila.
“Kaya ko na ito. Si Trent na lang ang tulungan ninyo dahil marami yata siyang ibababang package,” anang si Torque sa pormal na boses. Tinawag itong Sir. Ibig bang sabihin ay di ito basta-basta ordinaryong empleyado lang sa isla?
Lutang ang kaluluwa niya mula sa katawang lupa niya habang hila-hila siya nito. Tanging si Leo lang ang nakahawak ng kamay niya kapag nagde-date sila noon. At conscious na conscious pa ito kung may makakakita sa kanila.
While Torque didn’t seem to mind. Parang natural lang dito na hawakan ang kamay niya. At parang wala rin itong pakialam sa fuchsia pink niyang bag. Lalaking-lalaki pa rin ang dating nito. Dapat siguro ay nilikha ang lahat ng lalaki na katulad nito. Para panginigin ang tuhod ng mga kababaihang tulad niya.
Her knees were literally shaking indeed. At natitiyak niyang hindi iyon dahil lang sa masama ang sikmura niya. Torque’s sheer power made her weak.
Tumigil ito sa paglalakad at nilingon siya. “Are you okay? May masakit?”
“M-Medyo nanlalambot lang ako sa init.”
“Don’t worry. From here, sa clinic ka na agad dadating. May nalaglag kasi sa kabayo kaya di ka masusundo ni Doc Nathaniella dito sa port. Pagtiyagaan mo na lang ako. Gusto mo bang buhatin kita?”
“Naku! HUwag na! Baka mabali ang mga buto mo.” At lalo naman siyang matunaw. Naman! Wala sa plano niyang magustuhan ang isang guwapo at hot na kusinero. Hindi nito pwedeng guluhin ang mga plano niya.
He snorted. “Hindi ka naman siguro kasing bigat ng dalawang kaban ng bigas. Kayang-kaya naman kitang pasanin.”
“Ano ako? Inahing baboy na papasanin mo?”
“Sino ba ang nagkasakit dahil sa kakakain?”
Nanlaki ang mata niya. “Anong…” Pinisil niya ang kamay nito. “Naku!”
Kundi lang siya nanlalambot, baka tinadyakan na niya ito. Heto na naman ang mga hirit nito. Kung kailan gumagaan na ang loob niya dito ay saka ito babanat ng mga alanganing linya. Umiinit tuloy ang dugo niya.
“Torque! Pasensiya na kung nahuli ako!” anang boss niyang si Darwayne Maranion na siyang kitchen manager at owner ng Lighthouse Restaurant. May tulak-tulak itong wheel chair at patakbong lumapit sa kanila.
“Sabi ko naman sa iyo na kailangan nang dalhin sa clinic ang tauhan mo,” asik ni Thorn at ipinasa ang bagahe niya sa kasamang porter ni Darwayne.
“Sissy,” tawag sa kanya ni Darwayne sa nagpapaumanhing boses.
Kinamayan niya ito nang makaupo na siya sa wheel chair. “Pasensiya na, Sir. Ngayon lang naman po ako nagkaganito.”
“MUkhang nag-enjoy ka yata sa overnight cruise mo. Napasarap ang kain mo?” nakangiting tanong ni Darwayne.
Marahan siyang tumango. “Masarap pong magluto si Torque.”
“Dalhin mo na iyan sa clinic. Tama na ang kwentuhan,” anang si Torque na wala pa ring kangiti-ngiti. “And watch out. Malakas siyang kumain. Baka maya’t maya siyang maisugod sa clinic kapag di siya natunawan.”
“Thank you, ha!” may bahid ng sarkasmo niyang pasasalamat at padabog na binawi ang bag niyang fuchsia dito. “Kailangan bang ipagdiinan ang isang gabi ng pagkalimot? Kasalanan mo naman kung bakit nagkaganito ako. Ikaw ang angal ng angal na hirap kang magluto tapos magda-diet lang ako.”
“Welcome to Stallion Island, Miss Silly,” anito at naglakad palayo.
“Sissy ako. Hindi Silly.”
Nakabusangot siya nang marinig ang tawa ng boss niya. “Mukhang magkasundo kayong dalawa ni Torque.”
Magkasundo? My ass! Paano naman sila magkakasundo ng impaktong iyon? Nasagad na ang pasensiya niya. Kundi lang ito antipatiko, kagabi pa niya ito pinikot.
Well, hindi ito qualified para pikutin niya. Isa lang itong kusinero. She was destined for a Stallion boy. At kung suswertehin, baka isa pa sa village lords ang magkagusto sa kanya o si Prince Rostam mismo.
At si Torque, The Kusinero would be just a part of history.