Nakatitig si Sissy sa kamay niyang may suot na singsing habang nakahiga sa kama niya. Iyon ang senyales na officially ay nakapasok na siya sa Stallion Island. Pero hindi singsing ang nakikita niya kundi ang mainit na kamay ni Torque na may hawak sa kamay niya kanina. Ang matatag nitong kamay na umalalay sa kanya kanina nang may sakit siya. Ilang oras na ang nagdaan pero parang nakatatak pa rin ang kamay nito sa kamay niya.
“Sicilia, gusto mong mamasyal?” tanong ni Leica na siyang roommate niya.
“Dito lang ako. Wala akong gana.”
“Aba! Sayang naman ang ipinag-half day ko kung di ka rin naman makakalabas dito sa lungga mo.” Sa clinic na siya sinundo ng kaibigan matapos bumuti ang pakiramdam niya at ito rin ang nag-uwi sa kanya sa lodging house nila. “Huwag mong sabihing dinidibdib mo pa rin ang enggrandeng entrance mo kanina.”
Asar na asar niya itong nilingon nang pagtawanan siya nito. “Salamat sa moral support, kaibigan,” may halong sarkasmo niyang sabi.
Ang pangarap niya noon ay makuha ang atensiyon ng mga tao kapag nakita ng mga ito ang kagandahan niya pagpasok niya ng Stallion Island. Nakuha nga niya ang atensiyon ng mga ito dahil mukha siyang lantang gulay habang nasa Pavillion na nagsilbing terminal sa pagpasok at paglabas ng isla. Ni wala siyang make up. Pakonswelo na lang siya na instant ayos ang buhok niya dahil sa Stallion Shampoo. Kundi ay mukha na siyang rejected voodoo doll. Baka sa halip na kaawaan lang siya ng mga tao ay katakutan pa siya.
“Nakapagpahinga ka na, di ba? Magpaganda ka na para makarampa na tayo. Kaya kong ituro sa iyo kung sino ang mga members dito at okay na boyfriend material. Hindi na nila maiisip na ikaw ang manikang basahan kanina.”
Dumapa siya. “Leica, alam mo ba kung nasaan si Torque?”
Kumunot ang noo nito. “Torque… sinong Torque?”
“Iyong chef sa cruise yacht ni Sir Trent. Guwapo, medyo chinito, tapos suplado.” Nagningning ang mata niya habang idini-describe ito. “Pero sweet naman siya dahil inalagaan niya habang may sakit ako. Baka naman chef pala siya sa inyo o chef ng kung sino dito sa isla.”
“Chef Torque?” Nagpalakad-lakad ito sa paanan ng kama at tumingala. “Chinito tulad ni Warren? Wala namang pinsan o kabarkada na kaibigan si Warren na Torque. Kasi kung kasa-kasama siya ni Warren…”
Marahan siyang umupo at kinalabit ng paa ang binti nito. “Ah, Leica Silvestre. Wala ka bang ibang nakikita kundi ang Warren na iyon?”
“Natural! Kailangan kong malaman ang lahat ng tungkol sa impaktong playboy na iyon. At wala akong alam na chef na Torque o member na Torque dito. Baka naman bisita lang.” Umupo ito sa tabi niya at nanunuksong ngumiti. “O, bakit? Crush mo iyong Torque?”
Umiwas siya ng tingin. “Hindi, ha! Bakit ko naman magiging crush ang suplado na iyon? May hataw kaya iyon. Noong una huwag daw akong mag-diet kasi sayang ang pagkain. Nang magkasakit ako, huwag daw kasi akong matakaw. Saka sa palagay ko galit iyon sa mga babae.”
“Pero sweet naman, di ba? Mabuti na iyon kaysa playboy tulad ni Warren.”
Huminga siya ng malalim at pahigang ibinagsak ang sarili sa kama. “Parang nasaktan na siya dati. Nakikita ko sa mga mata niya.”
Parang sa kabila ng pagiging malamig nito sa mga tao ay nagtatago ang isang lalaking dumanas ng sakit dahil sa pag-ibig. Ito nga kaya ang lalaki na tinutukoy ni Aui na iniwan ng girlfriend na beauty queen? Parang malabo rin iyon.
Kiniliti ni Leica ang tainga niya. “Naku! Ganyan ka rin kay Leo noon. Attracted ka talaga sa mga bigo. Sa huli tuloy ikaw ang nabibigo.”
“Hindi ako attracted sa kanya.”
“Pero gusto mo ulit siyang makita? Hanapin kaya natin.”
“Hindi na kailangan. Baka isipin niya na may gusto ako sa kanya.” Kaya nga kahit kilala ito ng boss niyang si Darwayne ay di siya nagtatanong. Nakakahiya kasi.
Saka marami pa naman siyang guwapong makikita. Iyong hindi masungit. IYong hindi mukhang woman hater. Iyong mamahalin siya at di siya sasaktan.
“THIS IS PERFECT!” usal ni Sissy habang nakatanaw sa magandang view ng karagatan mula sa window glass na nakapaligid sa Lighthouse Restaurant. Ang lighthouse ang kauna-unahang istraktura sa isla di pa man iyon pag-aari ni Prince Rostam at ng mga village lords. MAtagal na iyong nagsilbing tanglaw ng mga mangingisda at manlalayag noon pang panahon ng mga Kastila.
When Darwayne decided to buy a property at the island, he fell in love with the lighthouse. He renovated and fortified it. Ang lumang lighthouse ay isang three-storey classy restaurant na. kahit saan yatang bahagi ng isla ay may picturesque view. Sa tuktok ng lighthouse ay naroon ang ilaw. The lighthouse still served its purpose. At sa palagay niya ay isa iyon sa pinaka-romantic na parte ng isla.
Nasa Thunder Village ang Lighthouse Restaurant. Nasa ibabaw sila ng batuhan at sa baba ng lighthouse ay naririnig ang malakas na paghampas ng alon sa batuhan na parang kidlat. Sa isang bahagi din ng village naroon ang sikat na limestone formation na para sa mga extreme sports.
Napapitlag siya nang kalabitin siya ni Kukai, isa sa staff doon. “M-Ma’am, may itinawag pong reservation sa atin para sa mirienda. For ten daw po. Sabi po ni Sir Darwayne paghandaan daw po natin.”
Kinuha niya ang request for reservation at binasa ang mga request. “Prinsipe ba ang guest natin o isa sa village lords?”
“Tomasino Lopez III,” sagot nito sa nanginginig na boses.
“Hmmm…” NIlingon niya ito. “Hindi siya kasama sa pioneer members?”
Ang natse-check pa lang kasi niya ay ang pioneer members ng Stallion Island. Tatlong buwan pa lang nag-o-operate ang isla kaya mangilan-ngilan pa lang ang member. Pero pawang kilala ang mga ito sa lipunan.
“Hindi po pero member na siya ngayon para sa second batch. Nagkaroon na sila ng induction last month pero humabol pa iyang Tomasino na iyan.”
“E, bakit parang takot na takot ka?”
“Paano akala ko dati pipi siya noong guest pa lang siya dito sa isla. Di kasi nagsasalita. Kinarir ko ang sign language. Nagalit sa akin. Palagay ko daw ba pipi siya. Parang nalaglag ang puso ko sa takot. Grabe!”
Humagikgik siya. Parang kakambal yata sa kasungitan ni Torque ang Tomasino na iyon. “Naku! Masanay ka na at may ganyang customers.”
“Ma’am, parang awa na ninyo. Huwag ninyo akong pahaharapin sa kanya. E mas nakakatakot pa siya kaysa kay Lord Gianfranco. Pinakasupladong village lord ‘yon.”
“Let’s do our job. As for the food, I am sure Sir Darwayne can impress them.”
Magaling na chef si Darwayne. Kahit na pang-world class ang luto nito ay hindi nawawala ang homey feeling gaya ng ambiance na ibinibigay ng Lighthouse Restaurant. Pero ayon kay Leica, walang kompitensiya sa mga restaurant at café sa Stallion Island. Bawat isa ay may kanya-kanyang character gaya ng may iba’t ibang character din ang mga village at babagay sa panlasa at mood ng mga tao. Kaya kahit na nuknukan pa ng sungit at metikuloso ang Tomasino Lopez III na iyon, tiyak na di nito pagsisisihan ang pagmi-miryenda sa Lighthouse Restaurant.
Napadungaw siya sa bintana nang marinig ang mga yabag ng mga kabayo. Di pa rin siya nasasanay sa tahimik na isla na tanging E-jeep na pinapatakbo ng kuryente at ang mga kabayo lang ang mode of transportation.
Nagningning ang mga mata niya nang makita ang isa-isang pagparada ng mga mamahaling kabayo sa parking stable ng restaurant. After all, Stallion Island was a riding club first and foremost. Kaya naman bawat panig niyon ay ine-ensure na safe para sa horseback riding at may facilities din para sa horse sports. Makikisig ang mga ito sa suot na riding habit na para sa mga member. Royal blue ang long sleeve polo at black naman ang lower trousers.
Bumuntong-hininga si Kukai na nakidungaw din. “Hay! Parang mga prinsipe talaga sila. Maraming babae ang naiinggit sa atin tiyak.”
“Andito na pala ang special guests natin,” sabi ni Darwayne at inanyayahan siyang salubungin ang mga customers nila sa pinto ng restaurant.
“Good afternoon, Sir,” magalang niyang bati sa mga guwapong bisita. Napansin agad niya ang Stallion Island insignia sa singsing ng mga ito.
“Wow! May bago kang assistant manager,” namamanghang wika ng lalaking singkit ang mga mata. “I am Doc Arvind James Li. Can I have your number?”
Napamaang siya dahil napakabilis naman nito. Cellphone number agad ang hiningi. Di agad siya nakahuma.
“Doctor Li aka Doc Maniac. Ingat ka diyan,” sabi ni Darwayne.
“Walang laglagan, pare.”
Tumikhim ang isa pang singkit at kinamayan siya. “Warren Yun. Single ako…”
“I know,” aniya sa malamig na boses. “And I know you.”
Tumikhim si Warren. “Di ko alam na sikat ang kaguwapuhan ko.”
“Bestfriend ako ni Leica.”
Biglang tumiklop si Warren. “Ano bang makakain diyan? Gutom na ako.”
Di niya maiwasang matawa dahil mukhang kinatatakutan ni Warren ang kaibigan niya. Ibig sabihin ay safe siya sa isang babaero.
Iniwan siya ni Darwayne dahil sinamahan nito ang mga kaibigan sa reserved table ng mga ito. Anim na ang dumating. Ibig sabihin ay may natitira pang apat. Guwapo din kaya ang mga ito? May matino naman kaya at di playboy? May gwapong matangkad na tsinitong moreno kaya na may pagkasuplado sa mga ito?
“Good afternoon!” bati ng malalim na boses ng isang lalaki sa kanya. “Reservation for Tomasino Lopez III.”
Bumilis ang tibok ng puso niya nang marinig ang boses na iyon. Nang iangat niya ang tingin ay nakita niya ang singsing na may Stallion Island emblem. NAhigit niya ang hininga nang magtama ang mata nila ng may-ari niyon. “Torque?”
“Tomasino Roque Lopez III!” tawag ni Darwayne dito at tinapik ito sa balikat. “Congratulations! Member ka na ng Stallion Island, pare.”
Alanganin ang naging ngiti niya. Mukha siyang tanga nang magkasama sila sa yate. Akala niya ay isa lang itong ordinaryong kusinero. Nilait-lait pa niya ito sa isip niya. Iyon naman pala ay member na ito ng club.
“Pare, walang buuan ng pangalan!” angal ni Torque. Matikas ang tindig nito kaya bumagay dito ang royal blue nitong riding habit. Mukhang pawisan din ito dahil sa pagsakay sa kabayo. But it only made him hotter than her. Her stomach was in knots. At tiyak niyang di dahil sira ang tiyan niya.
“Congratulations, Sir,” aniya sa namamanhid na dila at bahagyang yumuko.
“Okay ka na?” tanong ni Trent. “Hindi ka na nanlalambot?”
Nakangiti siyang umiling. “Okay na po, Sir. Salamat po sa pag-aalala.”
“Nasaan na sila Jairon?” tanong ni Torque kay Darwayne at parang hangin lang siya sa paningin nito. “Trent, let’s go.”
At nagpunta na ang mga ito sa second floor kung saan may alcove na naka-reserve para sa mga ito. Ni hindi man lang siya tinanong kung okay lang siya. O kung naiisip niya ito. MAtalim niyang sinundan ng tingin si Torque. Di ba nito alam na di siya masyadong makapagpa-cute sa mga guwapo sa isla dahil ito ang hinahanap niya? Isang “hi” lang naman ay masaya na siya. Di pa nito maibigay.
“Hey! It’s you again!” Kumunot ang noo niya nang makita ang lalaking kasama ni Torque nang unang beses silang magkita. “I am Yllac, remember?”
“Yes, Sir!” Nakasuot ito ng riding habit ng member kaya ibig sabihin ay member din ito ng Stallion Island. “I’m Sissy, ang bagong assistant manager dito.”
“Good. Magkikita pala tayo ng mas madalas. I am with Tomasino Lopez III’s entourage. Baka magalit iyon dahil late na ako.”
“This way, Sir.” At iginiya niya ito papunta sa second floor. Sunny ang personality Yllac. Anybody could easily warm up to him. Kaya naman di maalis ang ngiti niya hanggang maihatid ito sa table ng mga kasama.
“You are late, del Rio,” bungad agad ni Torque dito.
“Kinausap pa ako ni Lord Evandro tungkol sa Earth bag school project sa district niya. Village lord iyon,” paalala ni Yllac. Animo’y prinsipe sa isla ang mga village lords at may kaparehong karapatan gaya ng mayroon si Prince Rostam. “Look! Nandito rin pala si Sissy. Iyong nakahulog ng engagement ring sa white wine mo. Mukhang destiny na magkita kami ngayon.”
“Pare, naunahan ka ni destiny,” sabi naman ni Trent. “Kami ni Torque ang naghatid sa kanya dito sa isla. Si Torque pa nga ang nag-alaga sa kanya noong sumakit ang tiyan niya.”
Nagdilim ang mukha ni Torque nang umulan ng kantiyawan mula sa mga kaibigan nito. “It has nothing to do with destiny. Tinulungan ko lang ang isang taong may sakit. Baka mamaya idemanda pa niya ako kapag may nangyaring di maganda sa kanya. Mabuti nang sigurado.”
Pilit pa rin niyang pinanatili ang tipid niyang ngiti kahit na nagngingitngit siya. Hindi naman pala ito sweet. Natatakot lang itong mademanda. Ayos! Libreng-libre siya sa pangangarap tapos ay malayo naman pala ito sa pangarap niya.
“Hindi ka naman basta-basta natatakot sa ganyan, ah! Baka naman gusto mo talagang alagaan, Kuya. After all, single ka naman at mukhang single pa rin si Sissy,” sabi ni Lee na nakababatang kapatid pala ni Torque dahil magkahawig ang mga ito. “Uy! Nagbibinata na si Kuya.”
“Gusto mong i-charge ko sa iyo ang lahat ng bills natin, Leigh Armaund?” banta ni Torque.
“Order na tayo. Gutom na ako,” kabig agad ni Lee at binasa ang menu.
“Stay here. Riot um-order ang mga iyan. Mas matindi pa sa mga babae sa pagbabago ng isip ang mga iyan so make sure that you will get what they really want,” bilin ni Darwayne bago lumabas para i-monitor ang aktibidades sa kusina. Mukhang ito mismo ang magluluto para sa mga kaibigan.
Gaya ng sinabi ni Darwayne ay magulo ngang magsi-order ang mga ito. Nakailang palit ng order ang mga ito bago nakuha ang talagang gusto.
“Sir, how about your order?” tanong niya kay Torque.
Biglang isinara ni Torque ang menu. “I don’t really get the logic of eating in expensive restaurants. Sino ba ang may sabing dito tayo kumain?”
“Ikaw!” sagot ni Lee. “Bigla na nga lang nagbago ang isip mo samantalang sabi mo magluluto ka ng dinner para sa amin.”
Nanunuksong ngumiti si Trent at lumingon sa kanya. “Mukhang alam ko na kung bakit.”
Nagulat siya nang biglang iabot ni Torque ang menu sa kanya. “Mamili ka.”
“Ako, Sir?” usal niya at biglang inabot ang menu.
“Oo. Ikaw ang pumili ng kakainin ko. Iyong masarap, ha? Bilisan mo dahil nagugutom na kami.”
Nanginginig ang kamay niya nang buklatin ang menu. Anak ng patis naman! Bakit di na lang siya nito patalunin sa tuktok ng lighthouse kaysa pahirapan siya ng ganito. Doble pala ang epekto ni Torque ngayong member ito ng Stallion Island at siya ay isa lamang hamak na tauhan doon. Parang isang pagkakamali lang ay pupugutan na siya nito ng ulo.
“Beef asado with sesame seed,” aniya agad sa unang nadaanan ng mata niya. “Iyan ang pinakabago namin sa menu, Sir. Ako mismo ang gagarantiya na masarap iyan.” Ipinatikim kasi sa kanya ni Darwayne kanina ang mga paborito nito sa menu para mai-recommend din niya sa mga customers nila.
Sa gulat niya ay tumango lang si Torque. “Okay. And black tea as well.”
“Iyon na po ang order ninyo, Sir?” tanong niya. Wala na ba itong iaangal o kukuwestiyunin? Ang pagharap dito ay parang isang mahabang tunggalian kasi.
Tiningnan lang siya ni Torque ng matiim. Parang ayaw na nitong magtanong pa siya. “Okay na iyon!” sabi naman ni Lee.
Nang makalayo siya sa paningin ni Torque ay dahan-dahan niyang pinakawalan ang pinipigilang paghinga. Nanlalambot siyang inabot kay Kukai ang order sheet. “Pakidala ito sa kitchen at isang basong tubig.”
“Ma’am, nakakatakot siya, di ba? Parang berdugo.”
Sumang-ayon siya. Di niya alam kung paano siya nagkaroon ng lakas ng loob na kausapin si Torque noon. Nakakatakot ito. It would take a woman of character to make him fall in love. Iyon babae na di manginginig sa mga titig nito. Madami naman siyang nakaharap na tao na malakas ang personality. Only Torque made her weak. Torture din ito sa puso niya. Ayaw niya sa lalaking mapanganib sa puso niya.