Kakaiba ang tingin ng mga tao kay Sissy. Mula sa mga kasamahan niya sa trabaho hanggang sa mga customers. Napakabilis naman kasing kumalat ng usap-usapan na nahuli sila ni Torque sa stockroom. Everyone thought that they did something elicit. Naipaliwanag na niya ang nangyari kay Darwayne at naintindihan nito. Pero di naman lahat ng tao ay pwede niyang paliwanagan at pwede rin siyang paniwalaan.
“O bakit?” tanong niya sa kitchen staff habang kumakain siya ng smoked salmon Panini sandwich. Umiwas lang ng tingin sa kanya. Kahit ang mga lalaki doon ay may pagka-tsismoso. Nakakainis. Nakakawalang-ganang kumain.
“Ma’am, ipinatawag daw kay ni Sir Torque sa library,” wika ni Kukai.
Ang third floor ng Lighthouse ay nagsilbing library at maari na ring conference area. Iyo ang pinaka-relaxing na parte ng Lighthouse dahil enjoy magbasa ng libro.
“Next year pa ako matatapos dito.”
Ngumisi si Kukai. “Uy! Bitin sa kiss kaya galit-galitan.”
“E kung pag-umpugin ko kaya kayo ng Torque na iyon?” tumayo siya. “Ayoko nang kumain. Nakakawalang gana.” Parang pinagkakaisahan siya ng lahat.
Palabas ng kitchen ay nakasalubong niya si Darwayne. “Sissy, puntahan mo daw si Torque sa library. He wants to talk to you.”
Bumagsak ang balikat niya. Di na niya magawang tumutol kapag si Darwayne ang nag-request. Boss kasi niya ito. “Pupunta na po ako, Sir.”
Pag-akyat sa third floor ay prenteng-prente sa pagkakaupo si Torque habang nagbabasa ng libro. Parang wala itong iniinda sa nilikha nitong eskandalo kanina. Nag-iisa lang itong customer doon. Kapag ganoon gabi na ay mas gustong puntahan ng members at guests ang mga establishments kung saan may entertainment. ‘
“Sir, ipinapatawag daw ninyo ako,” aniya sa malamyang boses.
“Ngayon lang ako nakaakyat dito sa library. Kare-renovate pa lang pala nito. Ikaw daw ang may idea sabi ni Darwayne.”
Di siya sumagot at piniling tumingin sa madilim na karagatan. Wala naman palang kwenta ang sasabihin nito. Bakit pa siya kinakausap?
Huminga ito ng malalim at nilapitan siya. “I am sorry kanina.”
“Sorry?” Basta na lang siya nitong hinalikan tapos sorry? “Sir, ineskandalo mo ako kanina. Pinag-uusapan na nga ako sa buong isla.”
May reputasyon naman siyang pinangangalagaan kahit paano. Ang masama pa ay iniisip ng mga tao na siya ang naghahabol kay Torque courtesy of Sirens.
“Your fault. Isusumbong mo ako kay Francey kung di ko ginawa iyon. Isipin mo na lang na iniligtas mo ako sa kanya.”
Lalong nadagdagan ang inis niya at sinabunutan ang sariling buhok. “Iniligtas nga kita pero ako naman ang kawawa. Dahil sa iyo di matutuloy ang date namin ni Yllac.”Minsan lang may matinong lalaking magyayaya ng date sa kanya, purnada pa.
“Iyon lang ba ang ikinagagalit mo? Di matutuloy ang date ninyo ni Yllac? E, di tayong dalawa na lang ang mag-date.”
“Ikaw? Makikipag-date sa akin?”
“Oo,” walang gatol nitong sagot.
Na-imagine niya ang magiging date nila kung sakali. Kundi siya mapapanisan ng laway dahil di siya nito kakausapin, tititigan lang siya nito ng masama. O kaya ay hahalikan na lang siya bigla kapag di nagustuhan ang sinabi niya. Panibagong eskandalo na naman iyon sa buhay niya.
Tinalikuran niya ito. “Never mind. Maglalaba na lang ako.”
NAKAPIKIT pa ang isang mata ni Sissy nang lumabas ng kuwarto niya para buksan ang pinto sa nagdo-doorbell. Alas sais pa lang ng umaga at masarap pa ang pananaginip niya nang buligligin siya ng ingay.
Alas kuwatro pa lang ay umalis na si Leica para sa duty nito sa Stallion Wave, ang bar and restaurant na matatagpuan sa ibabaw ng dagat sa Wave Village. May pagkamakakalimutin ang kaibigan niya kaya malamang ay may naiwan ito.
“Good morning!” pormal na bungad sa kanya ni Torque pagbukas ng pinto.
“O! Anong ginagawa mo dito?”
“May date tayo ngayon, di ba?” tanong nito at tuloy-tuloy pumasok sa loob.
Nakanganga niya itong sinundan ng tingin. Nang maramdaman niya ang malamig na hangin mula sa labas ay saka siya sumunod dito. “Oy! Sandal lang. hindi naman ako pumayag makipag-date sa iyo. Maglalaba ako.”
Kaya nga alanganin din siyang pumayag makipag-date kay Yllac dahil mas importante ang mga labahin niya kaysa pag-ibig.
“Tutulungan kitang maglaba. Pero kumain muna tayo, ha?” At inilabas nito ang iba’t ibang pagkain mula sa brown paper bag nito.
Dahil lutang pa ang utak niya ay hinayaan niya itong magtrabaho sa kusina niya. Puro sandwich kasi ang kinakain niya kapag wala sa Lighthouse. Iyon lang kasi ang kaya nilang ihanda ni Leica dahil lagi silang abala.
At home na at home naman si Torque sa kusina niya. Masarap itong panoorin sa pagtatrabaho. Walang sinasayang ang kilos nito. At aliw na aliw siyang pagmasdan ang paggalaw ng muscles nito. Makisig ito kahit simpleng pantalon at T-shirt lang ang suot. Huminga siya ng malalim kasabay ng pag-amoy niya sa mabangong niluluto nito. Kasing yummy ito ng pagkaing niluluto nito.
“Kumain ka na,” anito at inilapag sa harap niya ang mushroom soup. May daing na bangus din at tsaa. “Madami pa tayong lalabhan.”
Pinili niyang manahimik habang pinagmamasdan si Torque sa pagkain. Iniisip niya kung oras iyon ng himala. Kahapon lang ay binaligtad ni Torque ang mundo niya. Ayaw nga niyang lumabas ng lodging house dahil baka tampulan pa rin sila ng tsismis hanggang ngayon.
Matapos linisin ang pinagkainan nila ay isinilid ni Torque ang mga damit niya sa laundry basket. “Hep! Sandali! Huwag mong sabihing ipapa-laundry mo iyan,” aniya nang bibitbitin nito palabas ang mga gamit.
“Hindi. Makikilaba tayo kay Yllac. May bagong program siyang nai-present kay Prince Rostam at sa village lords. Gusto kong subukan.”
“Ano? Kay Sir Yllac pa tayo makikilaba?”
Di na nga natuloy ang date nila, kina Yllac pa sila makikilaba. Ewan niya kung saang parte ng outer space galing ang ideas ni Torque. Pero wala siyang magawa kundi sumunod dito dahil bitbit na nito ang mga labahin niya.
Di kalayuan sa lodging house ay nakarating sila sa special laundry area. Parang katatayo pa lang ng lugar na iyon. Pagpasok niya ay may anim na kakaibang bisikleta na may nakatagilid na drum sa tabi.
Napansin niya ang isang member na si Jairon na binabantayan ng nobya nitong si Xandi habang nagba-bike. “Magwo-work out tayo?”
“No. we will do the laundry.” IBinaba nito ang basket sa tapat ng isang bike. “Ito ang washing machine na naimbento ni Yllac. Ang kaibahan lang hindi siya gumagamit ng electricity.”
“Walang kuryente? Paano aandar iyon?” BAka naman kakamayin din.
Nilagyan nito ng powdered soap ang drum at tubig saka inilagay ang ilang piraso ng puting damit. “Kailangan mong pedalan ang bike.”
Diskumpiyado siyang sumakay ng bike at pinedalan iyon. Pero naaliw siya nang umikot na ang asul na plastic drum. “Ayos, ah! Malilinis ba ang damit ko?”
“Oo naman. The churning movement rubs the clothes against each other. Parang nagkukusot ka rin. Kaya malilinis ang damit mo.”
“Ang galing! Matalino na si Yllac, guwapo pa,” papuri niya. Malaking tulong kasi ang imbensiyon na iyon lalo na’t may krisis sa kuryente at tubig.
“Matalino din naman ako at guwapo, ah!” narinig niyang bulong ni Torque habang nakaharap sa pader. “Ako kaya ang may idea na dito ka paglabahin.”
“Talent mo ba iyan? Kausapin ang pader?” tanong niya at bumaba ng bike. “Sige na. Mag-bike ka na.”
Itinulak siya nito papunta sa bike. “Hindi. Ikaw dapat ang mag-bike. Kailangan mong mag-exercise.”
“Wow! Nandito pala ang Lovers in Lighthouse,” kantiyaw ni Noah na kasunod ang magkapatid na Chrome at Kreige.
“Maglaba na lang kayo, mga unggoy!” sabi ni Torque at naglagay ng tubig sa batya para sa mga huhugasang damit.
“First date. Baka maunsyami. Huwag ninyong tuksuhin,” sabi ni Chrome na iniisa-isa ang damit ng girlfriend nitong si Sahara.
KInalabit niya si Torque. “Lahat ba ang member dito ipinaglalaba ang girlfriend nila?” tanong niya. “Parang glamorous kasi ang image ng mga Stallion boys tapos makikita silang naglalaba lang.”
“Kahit na sinong lalaki hindi mahihiyang gawin ang kahit ano para sa babaeng mahal nila. I bet. Kahit si Prince Rostam o ang mga village lords mamanu-manuhin ang paglalaba para sa babaeng mahal nila.”
Natigagal siya kay Torque. She didn’t expect to hear it from him. Tingin kasi niya dito ay isang lalaki na may pagka-dominante. At pagtatawanan lang nito ang mga lalaking maglalaba para sa babaeng mahal nito lalo na’t mataas ang estado nito sa buhay. Looks like he didn’t mind. Kahit nga siya ay ipinaglalaba nito.
“Torque, may naipaglaba ka na bang babae dati?” tanong niya habang iniinspeksiyon nito ang mga damit kung may mantas bago ihagis sa banlawan.
“Oo. May dalawa akong kapatid na babae. Twelve years old pa lang ako nang maulila kami sa parents namin. Kaya maaga akong nasanay sa gawaing bahay. I have to look after them. Kailangan alam ko kung paano sila alagaan.”
Kaya napaka-seryoso nito. Maaga itong nag-mature. Bawat kilos nito ay wala itong sinasayang. LAhat ay may purpose. Maaga itong naging responsable. At mukhang maganda ang pagpapalaki nito sa kapatid. Si Lee na bunso nitong kapatid ay isang matagumpay na financial consultant.
“BUkod sa mga kapatid mong babae, may iba pa ba?”
“Ex-girlfriend ko noong nasa dorm siya. Ayaw kasi niya ang gawaing bahay.”
“Anong nangyari sa girlfriend mo?” tanong niya.
Biglang natahimik ang buong laundry area. Nang lumingon siya ay nakatingin sa kanila ni Torque ang lahat. Kahit si Noah na may nakapasak na music pod sa tainga ay parang nag-aabang din ng isasagot ni Torque.
“BIlisan mong maglaba, Sissy. Kailangan pa nating makatuyo ng damit. May date pa tayo mamaya,” may kalakasang wika ni Torque.
Awtomatiko naman na nagbalikan sa kanya-kanyang ginagawa ang ibang kasama nila. Pinili na rin niyang manahimik. Bakas ang galit sa mukha nito habang pinipiga ang mga damit. Bakas ang galit sa mga mata nito.
Gaano ba talaga kakontrobersiyal ang hiwalayan nito at ng nobya nito. Masyado bang masakit ang nangyari? She wants to know what hurt him. Sa kabila ng pagiging suplado nito ay mukhang mabuti itong tao.
He should experience a little happiness in his life.
TUWANG-TUWANG nagtatakbo sa puting buhangin si Sissy habang bitbit ang sandals niya. Nasa isang secluded sila sa isla na narating nila sa pamamagitan ng speedboat. Bago magtanghalian ay nakapagsampay na sila ng damit. Kaya naman tumuloy agad sila sa pier para sa nirentahang speedboat ni Torque.
“Wow! Ang ganda dito. White sand talaga!” manghang-manghang wika niya at binungkal ang puting buhangin.
“Mag-iisang buwan ka na dito sa isla. Parang ngayon ka lang nakahawak ng white sand,” wika ni Torque habang inilalatag ang picnic blanket.
“Trabaho-working lodge lang ang destinasyon ko. Sa Thunder Village pa ako kaya wala akong nakikita kundi cliffs at batuhan. May white sand man doon, kakarampot lang. Konting taas lang ng tide, lalamunin na ng tubig.”
Bahagi ng Rainbow Village ang secluded beach na iyon. At ang rainbow village ay sadyang ginawa para sa mga artist settlers ng isla kaya tahimik doon.
“Ibig sabihin di mo pa nabibisita kahit ang windmills?”
Umiling siya. “Kahit si Leica sa Stallion Wave di ko pa napupuntahan. Akala ko parang bakasyon ang magtrabaho dito. Magiging busy rin pala ako. Saka parang laging masarap matulog dahil malamig ang hangin.” Tinumpok niya ang buhangin para gumawa ng sandcastle. “Ikaw? Anong trabaho mo? Hindi ka naman kusinero. Kundi ka nakatutok sa laptop mo, may hawak ka lang na libro.”
“I am into investments and stocks. Si Lee ang financial consultant ko. Pero bago ako maging member nitong club, gusto kong magbiyahe. I love old architecture. Kaya favorite ko ang Vigan, Vienna at Spain.”
“Hmmm… hanggang pangarap ko lang ngayon ang magbiyahe.”
Namasa ang luha niya nang may maalala. Ipinangako sa kanya ni Leo na magbibiyahe sila sa buong mundo kapag kasal na sila. Di na mangyayari pa iyon.
“Bakit ka umiiyak? Naalala mo ang ex-boyfriend mo?” tanong nito.
“Ako? Iiyak? Hindi, ha!” tanggi niya at sinubukang pahirin ng braso ang luha.
“Don’t!” saway ni Torque sa kanya at dali-daling lumuhod sa harap niya. “Baka mapuwing ka ng buhangin.” Maingat nitong pinahid ang luha niya. “Mukhang may hindi ka magandang alaala sa ex-boyfriend mo.”
“Ayoko na talaga siyang maalala. Okay na akong malayo sa kanya.”
PInakatitigan siya nito. “Nakokonsensiya ba ang mga babae kapag sinaktan nila ang lalaking nagmamahal sa kanila?”
Nabaghan siya sa tanong nito. BUkas ang emosyon sa mga mata nito. He didn’t bother to hide the pain. At di rin niya alam kung paano ito sasagutin. “Ewan ko. Basta ang alam ko, di ako basta basta dapat magtiwala sa lalaki kahit gaano kaguwapo o kabait.” Tumayo siya at naglakad patungo sa picnic blanket. “Lalo na sa isla na ito. Madaming playboy ang nagkalat. Parang may lisensiya silang maglaro sa feelings ng babae porke’t gwapo at mayaman.”
“Kung natatakot kang masaktan, sa akin ka na lang makipag-date,” suhestiyon nito at inabot ang plato sa kanya.
Natigagal siya dito. “Anong date? Tutulungan mo akong maglaba?”
“Ipapasyal kita sa garden ko. Nasabi sa akin ni Leica na may tinutulungan mo sa garden niya ang Papa mo noong buhay pa siya. You will like my place.”
“At bakit naman nag-o-offer ka ng date sa akin?” tanong niya.
“Wala.”
“Wala? Aalukin mo ako ng date tapos walang rason. Imposible namang wala kang pagnanasa sa kagandahan ko.”
“Because I am starting to enjoy your company. Kaya tanggihan mo na ang ibang lalaking magyayaya ng date sa iyo. Sa akin ka na lang makipag-date.”
“Pambihira talaga ang lakas ng loob mo. Akala mo naman ganoon lang kadali iyon. Di mo naman yata ako type maging girlfriend. Anong mapapala ko sa iyo?” Pumiraso siya ng chicken abodo at sumubo. “Sabagay masarap kang magluto. Iko-consider ko ang proposal mo, ha?”
Dahil ang totoo ay marami pa siyan gustong malaman tungkol dito.