“Anak, dumadalaw-dalaw pa rin si Leo dito. Nagtatanong kung kailan ka dadalaw. Gusto ka niyang makita. KAilangan ka nga pala uuwi?” tanong ng nanay ni Sissy na si Miranda.
“Hindi pa rin ba ako titigilan ng Leo na iyan? Ayoko na sa kanya.”
Ang nanay lang kasi ang pwede niyang dalawin kapag lumuwas siya ng Maynila. At kuntodo vigil daw doon si Leo kung may pagkakataon lang. Hindi talaga niya maintindihan si Leo. Noong mahal na mahal niya dito, binalewala siya nito. Pero ngayong ayaw niya dito, saka naman nito ipinagpipilitan ang sarili sa kanya.
“Makulit pa rin. Kausapin mo kaya, anak. Kung pwede nga lang daw niyang languyin ang Stallion Island na iyan, ginawa na niya.”
Bumuntong-hininga siya. “Napapagod lang akong kausapin siya. Kahit anong sabihin ko hindi na papasok sa isip niya. Nirespeto ko naman siya nang ipagpalit niya ako sa iba. Sana pabayaan na rin niya ako.”
“Mahal ka lang talaga niya.”
“Kahit totoong mahal niya ako, huli na po.”
Nilingon niya si Torque na busy sa pagbubungkal ng mga pananim nito. Nang maramdaman nitong nakatingin siya ay ngumiti ito. Sinabi ni Lee na malaki ang ipinagbago nito dahil sa kanya. May kasungitan pa rin ito lalo na sa mga babaeng sobra ang effort kung magpaganda. Pero oras na makita siya nito ay nagla-light up ito. Katulad na lang ngayon. At oras na ngumiti ito, parang nakalutang siya. Parang sinasabi nito na Masaya pa rin mabuhay sa mundo kahit may giyera, epidemya, corruption at kung anu-ano pang disaster.
“Ibig bang sabihin hindi mo muna ako madadalaw dito? Nami-miss na kita, anak. Parang excuse mo na lang si Leo para di ako makita.”
“Nay, alam ko may tampo ako sa inyo dati.” Pakiramdam niya ay pinabayaan siya ng nanay niya dahil mas pinili nitong makasama ang nobyo nito. “Pero mahal ko kayo. Kayo na lang ang nag-iisang magulang ko. Bigyan pa ninyo ako ng panahon para harapin ulit si Leo. KOnting panahon pa, Nay.”
Wala na kasi siyang maisip na epektibong paraan para tigilan na siya ni Leo. Ayaw na niyang mamoroblema pa dito. Masaya na siyang kasama si Torque. Ayaw na niyang harapin pa ang nakaraan niya.
Sineryoso niya ang pagbubungkal ng garden para taniman ng sunflower nang pigilan ni Torque ang kamay niya. “Easy. Hindi ka maglilibing ng tao. MAgtatanim ka lang ng buto ng sunflower.”
“I am sorry.” Bumuntong-hininga siya. “Hindi kasi ako makakauwi bukas sa amin. Nagvi-vigil pa rin ang ex-boyfriend ko hanggang ngayon.”
“Pero dalawang buwan ka nang hindi nakakauwi sa nanay mo. Baka gusto lang ng ex-boyfriend mo na magkausap kayo.”
Ihinulog niya ang buto at tinabunan. “Hindi ko alam kung ano sa salitang ayaw ko na sa kanya ang hindi niya maintindihan.”
“Mukha naman siyang mabait. I am sure he will understand…”
Pagak siyang tumawa. “Torque, pare-pareho kayong mga lalaki. Nagkakampihan lang kayo. Hindi mo naman kilala si Leo.”
“Pero alam ko na nasaktan siya sa pakikipaghiwalay mo sa kanya.”
Nasaktan din siya sa pakikipaghiwalay ni Leo. Mas matinding hagupit ang ibinigay nito sa kanya kaysa sa ibinabalik niya. Kung anuman ang dinadanas nito ngayon, it was his own doing. Resulta lang ng kataksilan nito.
“Tapos na!” aniya nang matabunan ng lupa ang buto, “Mas gaganda itong garden mo kapag namulaklak ang sunflowers. Alagaan mo sila.”
“Of course.” Di inaasahan ni Torque na babalik agad ang sigla sa boses niya. “Hindi ka talaga matutuloy bukas?”
“Wala naman akong ibang pupuntahan sa Manila bukod sa nanay ko.”
“Sumama ka sa akin. Ipapakilala kita sa family ko.”
“Ano naman ang sasabihin mo? BAgo mo akong hardinera?” biro niya.
Hinaplos ng llikod ng palad nito ang buhok niya. “Silly. Matagal na nilang gustong makilala ang babaeng dahilan kung bakit ayaw ko nang umalis ng Stallion Island.”
NAMANGHA si Sissy nang pumasok ang kotse ni Torque sa Villa Celesta, ang ancestral estate ng mga Lopez sa Nagcarlan, Laguna. Malawak ang well-manicured lawn kung saan may nagtatakbuhang mga bata. At nakatayo doon ang matayog na mansion na Victorian-inspired. PArang bumalik siya noong panahon ng Amerikano.
“Ito ang haunted house ninyo?” pabiro niyang tanong. Haunted house kasi ang term na gamit ni Lee sa lumang bahay na iyon.
“Gusto mo bang tumira sa ganitong haunted house kasama ang mga paniking kabarkada ng pinsan ko?”
Pinisil niya ang pisngi nito. “Basta may guwapong multo na mahilig magsuplado pero magaling magluto at maglaba, tatagal na ako.”
“No problem. Di na kita ibabalik sa Stallion Island kung ganoon,” anito at dahan-dahang lumapit ang mukha sa kanya.
BIgla silang naghiwalay nang may dalawang maliliit na kamay na humampas sa bintana ng kotse nito. “Tito Torque! Tito Torque!” At isang batang babaeng nasa anim na taon ang kumakalampag sa windshield.
“Later. Magaling ang timing ng angels ko.”
Pagbaba niya ng kotse ay pinupupog ng halik si Torque ng pamangkin nito. “This is Sam. Anak ni Rainier. Sam, your Tita Sissy.”
“Hi, Sam!” bati niya at hinalikan ito sa pisngi. Noong isang taon lang ay halos sa ibang bansa naninirahan si Torque at ang mga kapatid nito. May pamilya na ang tatlo sa mga ito at piniling sa ibang bansa manirahan. Nagsiuwi lang ang mga ito para sa death anniversary ng magulang ng mga ito kinabukasan.
“Tita Sissy, girlfriend ka po ni Tito? Sasaktan mo rin ba siya?” tanong ni Sam.
“Ha? Bakit ko naman siya sasaktan?”
“Kasi iyong girlfriend niya dati iyon ang ginawa. Beauty queen ka rin ba? Kasi ang mga beauty queen kapag nanalo na, iniiwan ang boyfriend. Inuuna ang career. Kaya kung beauty queen ka, ayoko sa iyo,” walang prenong sabi ni Sam.
“Sam! Ano ba iyang sinasabi mo?” saway ni Torque dito.
“Iyon ang sabi ni Tita Meg noong nagkukwentuhan po sila ni Mommy.” Dinuro nito ang dulo ng ilong ni Torque. “Tapos sabi mo ayaw mo nang mag-girlfriend dahil sakit lang ng ulo. Bakit ka nag-girlfriend, Tito? Gusto mo ng sakit ng ulo?”
NAaburido si Torque sa walang prenong eksplosibong rebelasyon ni Sam. Ibinaba nito sa lupa ang bata. “BUmalik ka na nga sa mga kalaro mo. Pupuntahan namin si Lolo Tomas.”
“Tita Sissy, magkwentuhan po ulit tayo mamaya, ha?” sabi ni Sam at kumaway bago tumakbo sa iba pang mga batang naglalaro.
“Grabe! Kakaiba na talaga ang mga bata ngayon.”
Hanga siya sa tindi ng memorya ni Sam pati na rin kung paano ito mag-analyze sa lahat ng mga impormasyong nasasagap nito. At kung tumagal-tagal pa siguro ay baka maikwento na nito ng buo ang love life ni Torque sa kanya.
“Huwag mong pansinin ang sinabi niya. Alam mo naman ang mga bata…”
“Torque! Hindi mo ba ipapakilala ang bisita mo sa amin?” anang matanda na sa tantiya niya ay nasa eighties na pero mukhang bata pa rin at matikas.
Nagmano si Torque dito. “Lolo, si Sissy po. Sissy, ang Lolo Tomas ko.”
KInamayan niya ito. “Nice meeting you, Sir.”
“So ikaw pala ang dahilan kung bakit ayaw munang tumira ni Torque dito sa Villa Celesta,” anito sa mabigat na boses. Akala niya ay magagalit ito sa kanya at aayawan siya pero ngumiti din ito kapagdaka. “And you are also the woman who made my grandson smile again. Welcome to Villa Celesta.”
“Thank you, Sir.”
Inilahad ni Don Tomas ang palad. “Pumasok ka sa loob. Nagpahanda ako ng makakain. Huwag kang mahihiya, hija. Parang parte ka na rin ng pamilya namin.”
Hindi niya alam kung paanong kikilos ng tama. Officially, di pa naman siya nobya ni Torque. Di pa rin ito pormal na nanliligaw sa kanya. But she was hoping that they would get there soon. Torque was warming up to her. At isang malaking bagay na isinama siya nito sa mahalagang okasyon sa pamilya nito.
“Mabait ang Kuya Torque kahit na may kasungitan,” sabi ni Sarah.
“Alam ko naman iyon. Kaya kong sakyan ang pagkasuplado niya.”
“SA lahat ng babae sa Stallion Island, si Sissy lang ang nakapagpasalita kay Kuya Torque,” sabi ni Lee. “At napagbitbit ni Sissy ng fuchsia na shoulder bag si Kuya. Muntik na nga akong suntukin nang tanungin ko kung nag-iba na siya ng gender preference.”
“Luko-luko ka kasi,” sabi ni Torque.
“He was just nice to me. May sakit po kasi ako noon.”
“Hindi basta basta gumagawa ng pabor si Kuya Torque kung kani-kanino kahit pa charitable iyan,” sabi ni Rainier. “HUwag mong pakakawalan si Kuya. Maganda ang lahi namin. Gwapo at maganda magiging anak mo.”
Siniko niya si Torque na seryoso sa pagkain. “Paano iyan? Mukhang may pressure na para pikutin kita.”
“Huwag mong i-pressure ang sarili mo. Di naman ako nagmamadali.” Saka nito nilagyan ng lumpiang ubod ang plato niya.
Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang hangos na dumating ang isang babae at kay Torque agad tumuloy. “Kuya Torque, Evita is back in town. Nakausap ko siya kanina. Tinatanong kung nakauwi ka na. HIwalay na yata sila ng British publisher niayng boyfriend. Hula ko makikipagbalikan na iyon sa iyo.”
Nakatingin sa kanya si Torque habang nagsasalita ang bagong dating. “Meg, may bisita tayo.”
Nagulat pa si Meg nang makita siya. “Ay! Oo nga. May bisita tayo.” Kinamayan siya nito. “I am Meg.”
“Sissy…”
“Oo. Ikaw ang bagong girlfriend ni Kuya Torque.” Hinalikan siyan ito sa pisngi. “Mabuti napagtiyagaan mo ang Kuya ko.”
“Meg! Huwag mong paghintayin ang pagkain,” mariing utos ni Torque.
Baso ng tubig agad ang hinarap ni Meg pero wala na namang preno ang bibig nito pagkainom. “Malas naman ni Evita. Huli na siya ng pagdating dahil may bagong girlfriend na si Kuya Torque…”
“Meg! Huwag mo nang banggitin pa ang tungkol sa taong wala dito. Nabanggit mo sa akin ang project proposal mo para sa foundation.”
Nawala ang tensiyon sa paligid nang maging normal na ulit ang usapan. Subalit di na niya nakikita pa ang ngiti ni Torque mula nang banggitin si Evita. Putol-putol ang mga istoryang nasagap niya. Gusto niyang malaman ang lahat.
Sasabihin kaya ni Torque sa kanya ang totoo?
SISSY felt uncomfortable. Lumipas na ang isang araw pero di pa rin siya kinakausap ni Torque tungkol kay Evita. Normal na ulit ito at nakikipag-usap ng nakangiti sa mga bisita. Pero hindi iyon ang gusto niya. Kahit ba pahapyap ay di nito sasabihin sa kanya ang tungkol sa dating nobya nito.
Madilim na ang gabi pero nagsisimula pa lang ang kasiyahan sa Villa Celesta. Kilala ang mga Lopez sa Nagcarlan dahil na rin sa naitutulong ng mga ito sa komunidad kaya naman naroon mula sa mayor hanggang sa mga estudyante ng night school program na si Torque ang nagpasimula.
Sa kabila ng maraming tao ay parang nag-iisa lang si Sissy. Pinili niyang umupo sa may fountain sa may garden habang pinakikinggan ang pagtugtog ng pinsan ni Torque na si Callea sa piano.
“Bakit nag-iisa ka lang dito?” tanong ni Meg. “Di mo dapat iniwan si Kuya.”
“Matao kasi sa loob. Saka masyadong busy si Torque. Hindi siguro niya mapapansin kung wala ako sa loob.”
“Napag-usapan na ba ninyo ang tungkol kay Evita?”
Marahan siyang umiling. “No. wala nga akong idea kung sino siya o ano siya sa buhay ng kuya mo.” Hanggang sabi-sabi lang ang nalalaman niya pero wala pang nagku-kwento sa kanya ng buong istorya.
“Dapat kasi si KUya Torque ang magkwento nito sa iyo. Pero dahil girlfriend ka na niya, dapat mo sigurong malaman ang tungkol kay Evita.” Tinungga muna nito ang laman ng kopita ng red wine. “Evita Peralta was Kuya Torque’s girlfriend for four years. Childhood sweethearts sila. Wala na yata siyang ginawa buong buhay niya kundi ang sumali sa mga pageants. Kundi dahil sa pag-alalay ni Kuya sa pag-aaral niya, di iyan makakatapos ng college. Si Kuya na halos gumawa ng thesis niya.”
“Mahal na mahal siguro niya si Evita.”
“Oo naman. Ilang buwan na rin silang engaged nang sumali si Evita sa isang beauty pageant. She won the national pageant and got a place during the international pageant. Naghintay si Kuya hanggang matapos ang reign niya. Pero di pa natatapos ang reign ni Evita, ibinalik na niya ang engagement ring kay Kuya. May bago na siyang boyfriend. Isang British na publisher ng isang sikat na fashion magazine. Chance na daw kasi ni Evita na maging international model.”
Familiar sa kanya ang babae dahil may ilang commercial ito sa Pilipinas. Pero mas namayagpag ito sa ibang bansa. Pero sa tantiya niya ay sampung taon na ang nakakaraan mula noon.
“Matagal na iyong nangyari, di ba? Hanggang ngayon hindi ba nakakalimutan ni Torque ang nangyari?” Ibig sabihin ay mahal pa rin nito si Evita hanggang ngayon? Naalala niya si Leo. Kahit nang magpakasal na ang nobya nito sa iba ay di pa rin nito makalimutan.
“He learned a bitter lesson. Naging tampulan kasi ng tsismis si KUya noon. So he left. Nagbiyahe siya kung saan-saan. Iyon na lang ang libangan niya. Hindi siya nagtatagal dito dahil maraming memories si Evita dito kasama siya. Ni hindi nga siya nakikipag-date. Maswerte na rin na tumagal siya sa isang conversation sa isang babae. Kadalasan iyan kapag di importante ang sinasabi ng kausap, di kumikibo.” Ginagap ni Meg ang kamay niya. “Kaya mabuti na lang dumating ka sa buhay ni Kuya.”
Dapat bang ipagpasalamat ang pagdating niya sa buhay ni Torque. Her place in his life was hanging. Ano na siya ngayong nagbabalik na si Evita?
“Pero gusto siyang balikan ni Evita, di ba?”
“Bakit hindi mo sa akin tanungin iyan, Sissy?”