Warren exploded. Hindi inaasahan ni Leica na sisigawan siya nito. Kahit konting kontrol sana ay nagpakita man lang ito. But he didn’t. Kung wala lang sigurong mesa sa pagitan nila ay sinugod na siya nito at ginilitan ng leeg.
Dali-dali itong nilapitan ni Ridge at pinaupo. “Calm down, Warren. Paano mo mapaamin iyan kung sinisindak mo. This isn’t how we conduct things here.”
“We will throw you out if you won’t calm down,” banta ni Oliver sa seryosong boses. “Pinayagan ka naming sumama dito dahil sabi mo hindi ka gaanong magsasalita at kakalma ka lang.”
Napilitang sumunod si Warren. But she could still see that he was simmering. Hinaklit nito ang straw ng fancy juice na in-order nito at saka tinungga habang hindi inaalis ang tingin sa kanya.
“Carlyn is just a woman in love. Natural lang siguro na malaman niya ang tungkol sa lalaking mahal niya,” kaswal niyang wika at ikinurus ang paa. Ngayong sira na ang mood ni Warren, madali na sa kanya ang lumusot. “Kung kumuha man siya ng taong susubaybay sa iyo, wala akong nakikitang masama.”
Bubuka pa lang ang bibig ni Warren pero inangat na ni Oliver ang kamay upang patahimikin ito. Si Oliver na ang nagsalita. “Nasisira ang reputasyon ni Warren sa paningin ng lola niya dahil mali-mali ang mga impormasyong ipinapasa kay Carlyn.”
Napamaang siya at biglang tumayo. “Excuse me! Pinalalabas ba ninyo na sinungaling ako? Anong mali-maling impormasyon? Reliable source ako. Iyang lalaking iyan ang babaero!” nanggagalaiti niyang wika. Sabihin na ang lahat ng kasiraan sa kanya basta huwag lang siyang sasabihang sinungaling.
Umangat ang gilid ng labi ni Oliver. “So it’s really you.”
Huli na para bawiin pa niya ang sinabi. She already revealed herself. So sobrang inis niya sa kay Warren, nawala na siya nang tuluyan sa sarili.
“I told you it’s her!” anang si Warren. “Favorite ko ang Stallion Wave kaya madali sa kanyang malaman kung sino ang mga ka-date ko. At siya din ang nakausap ni Warren sa cottage ko. Napagbintangan siyang babaeng nakasama ko buong gabi.”
So that what gave her away. Siya nga naman ang prime suspect ni Warren.
“Hindi na pala natin kailangan ang mga phone records,” sabi ni Ridge.
Namutla siya. Bago pala siya komprontahin ng mga ito ay nakahanda na ang mga ebidensiya. Kahit na hindi pa di niya aminin ay mako-corner siya ng mga ito. Magawa man niyang lumusot, di niya alam kung naka-wire tap pati ang usapan nila ni Carlyn. They could easily summon that order in court. Obssess sa security at privacy ang mga tao doon lalo na’t naroon ang ilang maimpluwensiyang tao sa mundo.
Itinaas niya ang dalawang kamay bilang pagsubok. “Ako nga ang nagre-report kay Carlyn kapag may kasamang ibang babae si Warren.”
“I hate you!” Warren snarled. Pero di ito nagtangkang lumapit ka sa kanya. Naunahan na ito nina Oliver at Ridge na pumaikot sa kanya.
“How much does she pay you?” tanong ni Ridge.
“Sino pa ang ibang ini-espiyahan mo? Baka mamaya espiya ka rin ng mga teroristang may tangka sa buhay ni Prince Rostam,” wika naman Oliver na naniningkit ang mga mata.
“You can’t be serious! Mukha ba akong nakikipagsabwatan sa mga terorista?” naiirita niyang tanong. But they looked so serious. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit takot ang mga tao na makipag-krus ng landas sa mga security officers ng isla kahit pa guwapo ang mga ito. They were so intimidating. At sa simpleng titig lang ay kaya ng mga ito na paaminin ang mga salarin. “Hindi ko trabaho na mag-espiya. I didnt come here under false pretense. Waitress lang po ako.”
Ang gusto lang naman niya ay kumita ng salapi habang ine-enjoy ang magandang paraiso na iyon. Ngayon ay di na paraiso ang tingin niya sa lugar. If she could only get out of the security room, she wanted to swim out of that island as fast as she could.
“Sideline mo ang pagiging espiya kung ganoon?” tanong ni Ridge.
“No!” she exclaimed. “Hindi ko trababo ang espiya. Hindi ako binabayaran ni Carlyn. Pabor iyon na ibinigay ko sa kanya para malaman niya ang pambababae ng lalaking nangakong pakakasalan siya.” Saka niya pinukol ng matalim na tingin si Warren na gusto na namang umangal sa sinabi niya. Sa halip ay ipininid na lang nito ang bibig sa takot na totohanin ni Oliver na kaladkarin ito palabas.
“Sigurado ka ba?” tanong ni Oliver. “Alam mo ba kung ano ang implication ginawa mo sa Stallion Island? Mawawalan ka ng trabaho. Maba-ban ka dito.”
Napamaang siya. “W-Wait! Ganoon kabigat ang penalty ko?” Umiikot ang paningin niya. She just helped out a friend. Ganoon na ba katinding threat ang hatid niya? Kung tutuusin nga ay parang tsismisan lang ang ginawa nila ng kaibigan niya. At sinasabi lang naman niya kung ano ang nakikita niya.
“That’s enough!” Warren cut. “Nakuha na natin ang sagot na kailangan natin. She’s not a security threat. I dont think she’s from a investigation company nor a reporter. So let’s just let it drop.”
Ganoon lang? Abswelto na siya? Nakamaang siyang tumingin kay Warren. There was determination on his feature. Ipinagtanggol siya nito. Kung ganoon ay di naman pala ito tunay na nabubulagan ng galit.
“S-Sir, pwede na po ba akong bumalik sa tabaho?” marahan niyang tanong.
Lumapit si Warren at hinaklit ang braso niya. “No! Tayo naman ang mag-uusap.”
Sinubukan niyang pumalag. “S-Sandali! Akala ko ba tapos na ‘to?”
“Sa kanila tapos na pero sa akin hindi pa,” mariing wika ni Warren. Nadoble pa ang igting ng apoy sa mga mata nito. Saka siya nito hinila palabas ng silid.
Malakas si Warren. Di siya makawala sa mahigpit na pagkakahawak nito. Mas galit pa ito ngayon kaysa kanina. Ginapangan siya ng matinding takot. Nilingon niya sina Oliver at Ridge. “S-Sir, sandali! Hindi pa tapos ang interview natin, di ba? Pwedeng usisain pa ninyo ako kung kasabwat ako ng mga terorista?”
Umupo si Oliver sa upuang binakante ni Warren. “Sige na. Marami pa kaming gagawing trabaho. Si Warren na ang bahala sa iyo.”
Bumagsak ang balikat niya. Oh, no! Katapusan na ng mundo.
SUNUD-SUNURAN lang si Leica kay Warren kahit saan ito pumunta. Wala itong pakialam kung di man siya nakakahabol sa malalaking hakbang nito at mabilis na lakad o kung maputol man ang braso niya sa higpit ng hawak nito. He looked mad. At habang tumatagal ang sandali na kasama niya ito ay natatakot siya.
Kinabahan siya nang makarating sila sa hangar. “Saan ba tayo pupunta?” Hindi siya nito pinansin. Kanina pa tuwid ang tingin nito. Ni hindi man lang siya sinusulyapan. “Nice talking,” usal niya.
Nakangiting lumapit dito ang plane mechanic. “Good afternoon, Sir.” At saka nakangiting sumulyap sa kanya. Pero kakaiba ang ngiti nito. Parang sinasabi nito na isa siya sa mga babaeng naidala na doon ni Warren. Ilang babae na ba ang naidala nito doon sa hangar?
“Ready na ba si Paraluman?” tanong ni Warren.
“Yes, Sir. Kayo na lang ang hinihintay,” sabi ng lalaki.
“Thank you,” pormal na wika ni Warren at hinila na naman siya.
“Sino si Paraluman? Babae mo?” Kilala lang niya si Paraluman dahil sa kantang El Bimbo. Saang malayong lupain ba galing ang babae nito at makaluma ang pangalan? She thought that he only goes after sophisticated women.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nilingon siya nito. Matalim ang mga mata nito. “Tawagan mo si Carlyn. Magsumbong ka. Kung wala kang cellphone, i can offer you mine,” sarkastikong wika nito at inilabas pa ang cellphone.
“Nagtatanong lang ako.”
Lumulutang pa nga ang isip niya. Di niya mapaniwalaan na napagbantaan siyang palalayasin ng Stallion Island. Oh, jeez! She had a whole life ahead of her. Ang trabaho niya sa isla ang tanging paraan niya para makatakas sa panlalait ng pamilya niya sa buhay na pinili niya. Sa isla ay malaya siya. Di man siya mayaman ay nagagawa niya ang gusto niya. Kapag napalayas siya sa isla, lalo siyang lalaitin ng pamilya niya. At ang nalalabi niyang panahon sa isla ay nakasalalay sa mga kamay ni Warren. Di nga niya alam kung may tsansa pa siya para doon. Parang gusto na nga nitong sakalin siya kanina pa. Nagtitimpi lang.
Dapat na ba siyang magsimulang makiusap dito?
Lumapit si Warren sa Cessna 185 float plane. “We’ll just fly around,” wika ni Warren nang tanungin ito sa flight plan nito. “I want to surprise my date.
That was less reassuring. Saan ba talaga sila pupunta? Baka mamaya ay ihulog na lang siya nito sa dagat o iwan sa deserted na isla para makaganti.
“Pumasok ka na kay Paraluman,” utos nito.
Saka lang nag-sink in sa kanya na ang eroplanong iyon si Paraluman. Gusto pa sana niyang makipagtalo dito pero naalala niyang dito nakasalalay ang pananatili niya sa isla. Di mangyayari iyon kung aawayin niya ito.
“Saan ba talaga tayo pupunta?” tanong niya habang isa-isa nitong binubuksan ang mga switch sa instrument panel.
“Sa isang lugar kung saan walang pwedeng mang-abala sa ating dalawa,” anito at inilapit ang katawan sa kanya. Inilayo niya ang katawan dito. Subalit mabilis nitong hinawakan ang baywang niya. Napigil ang tili sa lalamunan niya. Hindi siya pwedeng magkamali. May masama itong tangka sa kanya. Pinagnanasaan siya nito. “Don’t move. Iyong seatbelt mo. Malapit na tayong mag-take off.”
Hindi siya humihinga habang inaayos nito ang seatbelt sa baywang niya. Dahan-dahan niyang pinakawalan ang pinipigil na hininga nang marinig niya ang pag-click ng rollover ng seatbelt at lumayo ito sa kanya para harapin ang instrumento.
Umandar na ang elesi ng eroplano. Nagsimula nang gumana ang isip niya. Hindi niya alam kung ano ang plano nito. Dapat na ba siyang umapela dito? Makiusap na patawarin na siya sa pag-eespiya sa kanya dito huwag lang siya nitong pagsamantalahan o kaya ay akitin?
Sandali! Bakit siya makikiusap dito? Ito ang nanloloko sa kaibigan niya. At ito rin ang nang-aakit sa kanya. Ito ang dapat na magbayad!
Napahawak siya sa pinto ng eroplano nang pumailanlang sila sa ere. Nabawasan ang kaba niya nang makita niya ang ganda ng Stallion Island. Nadaanan nila ang Summer Snowflake. Mukha iyong snowflake mula sa ere.
Mistulang ginto ang tubig dahil sa sikat ng araw. Isa o dalawang oras na lang ay lulubog na ang araw. Sayang dahil maaring bilang na ang oras niya sa islang iyon. Baka naman masyado lang active ang imahinasyon niya. Walang plano si Warren na akitin siya. Gusto nitong ilaglag siya sa gitna ng laot at ipakain sa pating.
Pinasadsad nito ang eroplano sa gitna ng tubig. Nang lumingon siya ay malayo na sila sa isla. Tinanggal ni Warren ang seatbelt nito. “Ngayon tayong dalawa na lang dito.”
“Anong kailangan mo sa akin?”
“Answers.”
“Kung bakit ko ginawa iyon? Sinabi ko na. I did it as a favor to Carlyn. Gusto niyang malaman kung ano ang ginagawa ng lalaking pinakamamahal niya. In case di mo alam, that’s what girls do. Pinoprotektahan ko lang ang interes ng kaibigan ko.”
Kung tungkol lang naman kay Carlyn, hindi siya natatakot dito. Niloko nito ang kaibigan niya. Habang naghihintay si Carlyn dito ay nagliliwaliw ito kasama ang ibang babae. Ni hindi man lang ito nagi-guilty. O baka naman natural na iyon sa mga lalaki. Kapag ikinatwiran na naman nito sa kanya na “men are born polygamous”, tatadyakan niya ito palabas ng eroplano nito.
“No. Bakit ginawa mo iyon sa akin? Maayos naman ang trato ko sa iyo. I trust you. To think that you are my favorite girl and you’ll betray me like this?” malungkot nitong tanong. She didn’t expect that from him. May sakit sa mga mata nito. Na parang malapit sila sa isa’t isa. Na parang isang kaibigan ang trato nito sa kanya. What did he mean that he was her favorite girl? Di naman sila nag-date.
“Ah! Tungkol ba sa pagiging paboritong waitress ninyo?” tanong niya. “Kung ano ako sa trabaho, iyon talaga ako. Inaayos ko ang serbisyo ko. Pero ibang usapan na kapag nakikipag-date ka sa ibang babae. Parang nakalimutan mo nang girlfriend mo si Carlyn.”
Mariin itong pumikit. “Hindi ko girlfriend si Carlyn.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Ako ba niloloko mo? Sinabi mo sa akin na mahal mo siya.”
“As a sister. We grew up together. Malapit ang pamilya namin.”
Alam na niya ang istoryang iyon. Nasa ospital pa nga si Warren nang ipanganak si Carlyn. At si Warren din ang umalalay kay Carlyn nang mamatay ang magulang ng huli. “She sure as hell didn’t see things your way. In love na in love ang kaibigan ko sa iyo. Kulang na nga lang halikan niya ang lupang tinatapakan mo. Nangako ka na pakakasalan mo siya. At ngayon mukhang tangang umaasa at naghihintay ang kaibigan ko sa iyo para sunduin siya sa States at tuparin mo ang pangako mo. Tapos nandito ka sa isla at walang habas kang makipag-flirt kung kani-kaninong babae. Wala kang konsiderasyon sa iba.”
“How can you trust the words of a fourteen year old kid to a ten year old kid whose parents had just died?”
Natigagal siya. “Ten years old lang si Carlyn noon?”
Marahan itong tumango at itinuon ang tingin sa harap ng eroplano. “Carlyn felt so alone. She was sheltered during her early life. Mahal na mahal siya ng parents niya. Di madali para sa kanya na tanggaping wala na siya. She felt lost. Nandoon ako para alalayan siya. Nasabi ko lang iyon para pagaanin ang loob niya. So that she had something to look forward to. Na di ko siya iiwan.” Lumingon ito sa kanya. “Hindi ko naman inaasahan na hanggang ngayon seseryosohin niya iyon. She’s a pretty lady. I am sure pwede siyang makipag-date sa ibang lalaki. Makakalimutan din niya ang pangako ko sa kanya.”
Ten years old lang si Carlyn nang sabihin iyon ni Warren? Masyadong emosyonal si Carlyn kapag pinag-uusapan si Warren. Tama si Warren. Dapat ay nakalimutan na ni Carlyn ang pangakong iyon. Pero hanggang ngayon ay haling na haling pa rin si Carlyn dito. That is not normal.
Humalukipkip siya. “Hindi ako naniniwala sa iyo. Nagpapalusot ka lang para matakasan ang pangako mo kay Carlyn. She won’t be so emotionally wrapped up about you for the sake of a childish promise.”
“Women!” Itinaas nito ang kamay at ibinagsak. “Do you want me to bleed to believe me? Ano bang problema mo?”
“Wala lang akong tiwala sa iyo,” aniya sa malamig na boses. “Hindi mo ako madadala sa mga imbentong kwento mo. I’ll still keep an eye on you. At wala akong pakialam kung mawalan man ako ng malaking tip dahil sa gagawin ko.”
Sa halip na magalit ay ngumiti pa ito ng matamis. “I’ll do you a favor then. Bibigyan kita ng ire-report sa kaibigan mo.”
Bago pa siya nakapagtanong kung ano ay hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya. His lips parted and brushed over hers. At the same time, he pulled her close. As his mouth settled, she experienced a moment of wonder. Bago sa kanya ang lahat ng sensasyong nararamdaman niya. His lips were warm and gentle. Parang lumulutang siya. Nakalimutan na niya kung bakit siya nasa gitna ng dagat kasama nito at maaring palayasin na siya sa Stallion Island. Pakialam niya. Nang mga oras na iyon ay lumulutan siya nang walang palpak.
Kung kailan nasasanay na siya sa halik nito at akmang sasagutin ang halik nang bigla itong lumayo sa kanya. He was grinning thriumphantly.
“How dare you!” bulyaw niya. Gusto niyang hampasin ang pagmumukha nito ng sandals niya pero parang wala siyang lakas na gawin iyon. Nanghihina pa rin ang katawan niya at ang sigaw na iyon ang pinakamabuti na niyang magagawa.
Hinaplos nito ang labi niya. “Kawawa naman ako kapag isinumbong mo.” He pout his lips. “Aapihin na naman ako ni Carlyn at ng lola ko.”
Inambaan niya ito ng suntok. “Ako ang kawawa. Baka mamaya magka-rabies pa ako dahil sa halik mo.”
Humalakhak ito. “Sige. Ituloy mo. Para di na tayo umalis dito.” Sumandal ito at inunat ang dalawang kamay. “Okay lang sa akin dito. Marami akong naiisip na idea para palipasin ang oras.”
Nanlaki ang ulo niya nang makita ang nang-aakit na ngiti nito. Di na niya kailangan pang itanong kung paano nito palilipasin ang oras niya. Tiyak na naka-salalay dito ang puri niya.
Ibinaba niya ang nakakuyom na kamao. “Umalis na tayo.”
“Fasten your seatbelt or I will fasten it myself and kiss you.”