Stallion Island Series Chapter 87

“Anong ginagawa mo dito?” mataray niyang tanong. Isa pa itong pambwisit sa araw niya. Kundi ito nangako-ngako kay Carlyn na pakakasalan nito, mas tahimik sana ang buhay niya sa mala-paraisong islang iyon. Tapos ay bubuwisitin pa siya nito sa pagdadalamhati niya.

“Ako ngayon ang tagahuli sa mga pangit dito sa isla. Ayaw kasi ni Prince Rostam na may pangit na gagala-gala sa isla niya,” mayabang nitong wika at kung pumorma sa kabayo, akala mo ay isa ito sa Cup Companion ni Prince Rostam.

“Wala sa rule na ipapa-deport kapag pangit. Saka gusto kong umiyak. Kahit mayaman ka pa di mo ako pipigilang umiyak.”

Isinubsob niya muli ang mukha at ipinagpatuloy ang pag-iyak. Bwisit na lalaking ito. Kahit guwapo pa ito, di siya nito mapapatahan. Sa dinami-dami kasi ng taong makakakita sa kanyang umiyak, bakit ito pa? Parang nanadya ang tadhana.

Bumaba ito ng kabayo at nilapitan siya. “I am sorry. Nagbibiro lang naman ako para patawanin ka.” HInaplos nito ang buhok niya. “Tell me. Ano ba ang nangyari? Bakit ka umiiyak?” pang-aayo nito.

Itinulak niya ito ng ubod lakas. “Huwag mo nga akong lapitan!” Inambaan niya ito ng suntok. “I swear, kapag inakit mo na naman ako sasapakin na talaga kita.” Di na niya ito kailangan para dagdagan ang problema niya. She already had enough problems at hand. His seduction was the last thing she needed.

Itinaas nito ang dalawang kamay at umurong. “Alright! Wala akong gagawing masama. Pero ano bang gagawin ko para tumahan ka?”

Pinahid niya ang luha. “Pera! Bigyan mo ako ng maraming pera.”

Kumunot ang noo nito. “Aanhin mo ang maraming pera?”

“Lulunurin ko sa pera ang lahat ng umaapi sa akin. Para pabayaan na nila ako sa pangarap ko.” Muli siyang napahagulgol nang maalala ang hinanakit niya.

“Wala silang pakialam kahit di ako masaya basta nagagawa nila ang mga bagay na nagpapasaya sa kanila. Lahat sila ayaw akong sumaya!”

Pakiramdam niya ay nag-iisa siya. Ang mga taong inaasahan niyang susuporta sa kaligayahan niya ang mga taong mismong sisira niyon. Ni hindi man lang siya tinanong kung gusto niya o hindi. Malay ba niya kung sino si Bart. Ni hindi nga niya kilala ang Poncio Pilatong iyon. Di niya maaatim na magpakasal sa lalaking di niya mahal dahil lang sa pera.

Inilabas nito ang wallet. “Wala akong dalang pera dito. Hindi ko naman pwedeng isanla ang electronic ID ko dito sa SI. At di ko maaatim na may taong malunod dahil sa pera ko. Pero pwede kitang patahanin.”

Lalo lamang siyang nagpalahaw ng iyak. “Ayoko! Gusto kong umiyak.”

“But I don’t want to see you crying.” Maang siyang napatingin dito at natigilan siya sa paghagulgol. He looked serious. Ni hindi ito ngumiti. Tinanggal nito ang helmet nito at isinuot sa kanya. “I’ll teach you a little trick para hindi ka na umiyak. Trust me.” At hinapit nito ang baywang niya.

Kumunot ang noo niya. “T-Teka... anong trust you?” Parang iyon yata ang pinakahuling bagay na gagawin niya habang matino pa siya.

“Basta magtiwala ka lang.” At inangat siya nito sa ere.

Tumili siya. “Anong ginagawa mo?”

“Itapak mo ang paa mo sa stirrup. Tapos isampa mo ang katawan mo.”

Isasakay siya nito sa masungit nitong kabayo? “Ayaw kaya sa akin ng kabayo mo. Baka ihagis ako niyan.”

“Di ka niya ihahagis basta kasama mo ako,” anito at inalalayan siya hanggang nakasampa na siya sa kabayo nito. Matapos iyon ay sumampa naman ito at umupo sa likuran niya. Pumaikot sa kanya ang braso nitong nakahawak sa renda. “Ready? Humawak kang mabuti. Huwag kang bibitaw.”

“T-Teka...” Di niya alam kung saang banda hahawak.

Hinaltak nito ang katawan niya at napansandal sa mainit at matipuno nitong katawan. “Brace yourself for the ride of your life, Leica.”

Warren clucked his tounge then urged his horse to move. Halos mapunit ang lalamunan niya sa pagtili nang sumibad ang kabayong si Speedo. Napapatabi ang mga nadadaanan nila kahit ang mga naglalakad sa gilid ng gutter. Daig pa nila ang hinahabol ni Kamatayan.

Dinaanan nila ang Central Town at pinihit ni Warren ang kabayo sa magubat na horse trail. Sumisibad sila sa pagitan ng mga puno. Gusto sana niyang i-appreciate ang ganda ng kalikasan pero parang sinasampal naman siya ng malamig na hangin sa mukha. Mahigpit siyang humawak sa braso ni Warren. Parang nakasakay kasi siya sa rollercoaster at anumang oras ay hihiwalay na ang kanyang kaluluwa sa katawang-lupa niya.

“Tama na! Ayoko pang mamatay!” sigaw niya.

Humalakhak lang ito at saka pinatigil sa pagtakbo ang kabayo. “Ayaw mo bang makarating dito? This is heaven.”

Habol niya ang hininga habang pinagmamasdan ang magandang tanawin sa ibaba. Mula sa dumadaloy na tubig sa ilog ay bumabagsak ang tubig sa isang malaking talon. At ang tubig sa talon ay tumutuloy sa malawak na dagat. It was a magnificent view. Napakurap siya. Nasa tuktok sila ng Hidden Valley Falls.

“Ang ganda! Hindi pa ako nakakapunta dito.”

Inalalayan siya nitong bumaba ng kabayo. Kumapit siya sa isang puno. Maganda talaga ang lugar na iyon. It was a serene place. Ideal para sa mga gustong mag-meditate at mag-relax. Sa falls na iyon nagte-training ng water tai chi si Warren na ino-offer lang sa mga estudyanteng mas mataas na ang level.

“Feeling better?” tanong ni Warren at tumayo sa likuran niya.

“Oo. Ganito pala kagaan ang pakiramdam kapag nabasag ang vocal cords at nagkalasug-lasog ang kaluluwa,” pabiro niyang sabi. She felt reborn. Nakakakalma ang lagaslas ng tubig at ang magandang tanawin. Di na niya kailangan pang mag-enroll sa dojo o magbayad para sa meditation. The view and water was enough to gentle her soul.

“Mas maganda ka kapag hindi ka umiiyak.”

Nagkibit-balikat siya. “Pero nandiyan pa rin naman ang problema ko.” A horseback nor a nice view can cure that.

“Alam ko na mahirap ang pinagdadaanan mo kahit di mo sabihin sa akin. It’s like your heart is torn into two. Di mo alam kung ano ang susundin mo. Ang gusto ng mga taong malapit sa iyo o ang gusto mo.”

Tiningala niya ito. “Ano sa palagay mo ang dapat kong gawin? May mga pangarap ako dito na kahit gaano kasimple, masaya at kontento ako. Pero may iba pala silang plano para sa akin na sila ang magbe-benefit. Ipokrita ako kundi ko sasabihing di ako makikinabang. Pero alam ko di ako magiging ganoon kasaya.”

Pera lang ang mapapakinabangan niya. Walang kaligayahan. Wala siyang mararamdamang contentment at sa huli ay magsisisi din siya.

Ipinamulsa nito ang kamay at sumandal sa puno pero nakatingin pa rin sa kanya. “If you let those people run your life, it will damage you forever. Karapatan mong magdesisyon kung paano patatakbuhin ang buhay mo.”

“Madaling sabihin pero paano ang mga taong mahal ko na masasaktan?” Mahal niya ang pamilya niya. Ayaw niyang bigyan ng sama ng loob ang mga ito.

“Sa iyo nakasalalay ang kaligayahan mo. Kahit naman akong i-advice ko sa iyo, ikaw pa rin ang magdedesisyon. Pero sana piliin mo kung ano ang magpapasaya sa iyo. Hindi iyong gusto lang ng iilan.”

Hindi siya makapaniwala. She had a serious conversation with Warren Li and he gave her a very sane advice. Ang tingin kasi niya dito ay makasarili at insensitive. Pero may sensitive side ito. Naintindihan nito ang pinagdadaanan niya.

“May kabutihan din palang laman ang puso mo.”

“Anong akala mo? Kaguwapuhan lang at kakisigan maipagmamalaki ko?”

Humalakhak siya. Di na niya kailangan pang i-contest ang kaguwapuhan nito. That was given. At sa kauna-unahang pagkakataon ay masasabi niyang maswerte ang babaeng magugustuhan nito.

NAGKAKAINGAY ang mga Sirens na kasabay ni Leica sa flight niya habang pababa ng seaplane. Pinag-uusapan ng mga ito ang mga guest at Stallion Boys na nakasama ng mga ito at inire-rate isa-isa. Habang tahimik naman siya at malalim ang iniisip.

Oras na ng pagtutuos. Mula sa airport ay tutuloy na siya sa hotel kung saan naghihintay sa kanya ang pamilya niya at ang lalaking ipapakasal sa kanya na si Bart. Buo na ang desisyon niya. Hindi siya magpapakasal sa lalaking di niya mahal.

“Where is Warren?” narinig niyang tanong ni Francey sa flight stewardess. “Kahapon pa namin siya hindi nakikita.”

“Dumating po ang grandmother niya,” sagot ng stewardess.

Hindi maganda ang huling pag-uusap nina Warren at ng lola nito. Mabuti naman at dinalaw ito ng lola nito mula sa ibang bansa. Sana lang ay maayos na ang relasyon ng mag-lola. Nararamdaman niyang mahal ni Warren ang lola nito.

Mula nang magpunta sila sa Hidden Mist Falls ay naging magaan na ang loob niya kay Warren. Hindi na ito makulit gaya ng dati. Hanggang ngiti na lang ito sa kanya pero malaki pa rin itong magbigay ng tip. Nami-miss din niya ang pangungulit nito. Di niya aakalaing malaki ang magiging impluwensiya nito sa desisyon niya. He somehow earned her respect.

Nag-aabang siya ng taxi nang makatanggap siya ng tawag mula kay Sissy. “Hey! Nasa Manila na ako!” wika niya.

“May ibabalita ako tungkol kay Sir Warren. Kausap kasi ni Torque si Lord Raddison at Prince Rostam. Isinugod daw sa ospital ang lola ni Warren.”

“Ano? Bakit?” nag-aalala niyang tanong.

“Nagkasagutan daw kasi sila. Di ko lang alam kung ano ang pinag-awayan nila. Inatake sa puso iyong matanda at naka-confine sa St. Luke’s. Kawawa si Sir Warren. Nasa Singapore pa ang mga pinsan niya. Kaya pupunta daw ang mga village lords diyan pati ibang members. Mamaya pang gabi ang dating nila Sir Jairon.”

Hanggang makasakay ng taxi ay si Warren pa rin ang alalahanin niya. Anong pinagtalunan nito at ng lola nito. At okay lang ba ito? Kung kailan magkakaayos na ito at ang lola nito saka pa nangyari iyon.

“Saan tayo, Miss?” tanong ng taxi driver sa kanya.

Sa Shangri La Makati naka-check in si Bart at ang pamilya niya. Naghihintay na ang mga ito. “Manong, sa St. Luke’s po tayo.”

Di niya alam kung bakit iyon na ang nanulas sa dila niya pero di na niya binago pa ang desisyon. Paglabas ng airport road ay nakatanggap siya ng tawag mula sa nanay niya. “Anak, nasaan ka na?”

“Nay, baka mamaya pa po ako makauwi. Cancel po ang flight. Maulan po kasi dito sa isla.” Kinarayod niya ng daliri ang cellphone keypads para magkaroon ng noise effect. “Hello, Nay! Naririnig po ba ninyo ako?”

“Mukhang pangit ang reception. Tumawag ka na lang kapag paalis ka na.”

Huminga siya nang malalim at sumandal. Ano bang nangyayari sa kanya? She lied to her mother. Di niya gawaing magsinungaling. Dapat ay tumuloy na siya pero di siya matatahimik hangga’t di nakikita si Warren at ang lola nito. She needed to know if they were fine.

Pagdating sa lobby ng ospital ay nasalubong pa niya ang mga village lords na sina Ryuhei at Alexandros. Nakasuot ng tennis outfit si Ryuhei at si Alexandros ay ang car racing uniform nito. “Lord Ryuhei, Lord Alexandros,” aniya at yumukod.

“You don’t have to do that, Leica. Nasa labas tayo ng isla,” sabi ni Ryuhei na nailang. Despite of their princely status, down to earth ang mga ito. May pagka-suplado nga lang talaga si Alexandros.

“Nandito ka ba para kay Warren? Sa room 1045 siya. “Mag-isa lang siya sa kuwarto niya ngayon.”

“Kumusta na po ang lola niya?” tanong niya.

“Lola Yani is feeling better. Kailangan daw niya ng pahinga. Mamayang hapon lang baka tanggalin na ang oxygen,” paliwanag ni Ryuhei. That was good to hear. Hindi naman pala kritikal ang lagay nito.

“We need to go back to our pictorial. Babalik na lang kami mamaya. Baka kasama na namin sila Rostam,” sabi ni Alexandros.

Tiyak na magkakagulo ang mga tao oras na malamang naroon sa ospital ang mga sikat na Stallion Boys lalo na kapag dumating si Prince Rostam. Baka kaya di dinudumog ang dalawa dahil nagpe-pretend na cosplayers. After all, marami nang nag-i-impersonate sa mga ito mula nang ilabas ng profile ng mga village lords at pioneer members ng Stallion Island.

“Thank you, my lords,” aniya at nagmamadaling umalis.

“I think we have to do something about that lord thing. Pwede bang i-indicate iyon sa rule natin?” naulinigan niyang tanong ni Alexandros.

Marahan siyang kumatok sa pinto at saka sumungaw. Nakaupo si Warren sa upuan habang binabantayan ang lola nito na naka-oxygen. Yani’s color was better. Pero si Warren ay mukhang haggard na haggard at wala pang tulog. Dumilat ito nang maramdaman ang presensiya niya.

“Good morning, Sir Warren,” bati niya. “What are you doing here?” tanong nito at naniningkit ang mata siyang pinagmasdan.

“Dumadalaw. Nalaman ko ang nangyari sa lola ninyo. Nagkataon nasa Manila rin ako. I hope she’s okay.” Di niya pinansin ang matalim nitong tingin. Siguro ay sadyang masama lang ang gising nito.

Nilapitan siya nito at hinaklit sa balikat. “Anong sinabi mo kay Carlyn?”

Nagulat siya dahil lalong naglatang ang galit sa mukha nito. Unti-unting dumidiin ang daliri nito sa balikat niya. “Anong sinabi ko?”

“Huwag ka nang magkunwari. Sinabi mo sa kanya na may babae akong nabuntis at ibinabahay.”

Bumagsak ang panga niya sa pagkabigla. “Ano? Wala akong sinasabing ganoon kay Carlyn!”

“To hell with your lies,” mahina pero mariin nitong wika. Halos matulig din siya sa bigat ng salita nito kahit di pa siya nito hiyawan. “Ikaw lang ang informant ni Carlyn. Sa iyo lang iyon pwedeng manggaling. Dahil sa kagagawan ninyo ni Carlyn, nagalit si Lola sa akin at inatake siya sa puso. Muntik na siyang mamatay dahil sa kagagawan ninyong dalawa.”

Parang nauga ang mundo niya nang bigla siya nitong bitiwan. Hindi pa rin tuluyang pumapasok sa utak niya ang nangyayari. Hindi rin niya alam kung paanong magpapaliwanag dito. “Warren.... wala talaga...”

“Out!” itinuro nito ang pinto. “Get out!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.