“Come on, Kuya Oliver! Inosente ako. Mukha ba akong manyakis?”
Matalim na tinitigan ni Arjhilleyne kay Julian na nagpapaliwanag sa head ng security na si Oliver. Hindi sila tumitigil ng pagtatalo ni Julian habang nasa speedboat. Kinailangan pa siyang takutin ng isa sa patrol na poposasan din siya kung susugurin pa rin niya si Julian o pare-pareho silang mahuhulog sa dagat.
Ngayon ay naka-robe na ito kundi ay halos hubad pa rin ito habang nagpapaliwanag sa mga taga-security.
“Boss, wag kang maniwala diyan. Maniac iyan! Maniac!”
Nagmamakaawa itong tumingin kay Oliver. “Kuya, paano ako magiging maniac? Ni hindi ko nga siya hinawakan. I was just forced to subdue her because she was histerical. She was like a lunatic. Halos patayin nga ako.”
“Paanong hindi ko papatayin iyan? Muntik na niya akong pagsamantalahan. Natutulog lang ako sa beach kanina. Tapos nagising na lang ako nasa harapan ko na siya. Tapos sinubukan niya akong pagsamantalahan!” akusasyon niya.
And he ruined a lot for her. Nasira ang day off niya. Hindi na siya makapag-relax. Nasira ang tulog niya. At nasira ang bagong-bago niyang pocketbook. Napilas iyon sa lakas ng pagkakahagis niya at pagtama kay Julian.
“Pagsamantalahan?” Ngumisi ito at pinagala ang mga mata sa katawan niya. “You flatter yourself too much. Hindi ako rapist, Miss. I don’t have to force a woman. They come to me, baby,” he said in a silken voice. She shivered. Parang hinahaplos kasi ng boses nito ang katawan niya.
“Kundi mo siya gustong pagsamantalahan, bakit mo siya nilapitan habang natutulog siya?” tanong ni Oliver.
“Oo nga, boss,” segunda niya. And she thought it was a nice dream. Paan0 pala kung di siya nagising sa panaginip na iyon? Papayag na lang siya sa gusto nito?
“She had my shorts. Kukunin ko lang sana.”
“Hindi ako interesado sa nakakadiri mong shorts.”
“Bagong laba ang shorts ko. Baka naman pinagpapantasyahan mo talaga ako,” anito sa kalmadong boses at ngumisi.
Tinanggal niya ang isang pares ng flip flops niya at akmang ibabato dito. “Ang kapal ng mukha mo. Aanhin ko naman ang short mo? Maniac!”
“Calm down, Reyes,” utos sa kanya ng assistant head ng security center na si Ridge at pinigilan siya sa balikat.
Nawala ang ngiti sa labi ni Jullian. “Ako ang maniac? Seriously wala akong gagawing masama sa iyo. I just want my shorts back. Nananahimik lang iyong nakasabit sa puno bago ako mag-snorkell tapos nakita ko na lang hawak mo. Hindi kaya ikaw ang may balak na magsamantala sa akin? May gusto ka sa akin, no?”
Inambaan niya ito ng suntok. “Bakit kita pagsasamantalahan? Unggoy! Lumapit ka dito nang mabalian kita ng buto.”
Akala siguro nito ay makakatakas ito dahil member ito ng Stallion Island. Aapela siya sa kahit saang korte para mabigyang katarungan ang ginawa nito sa kanya. Wala siyang pakialam kung sino pa ang maeskandalo.
Tiningala ni Julian si Oliver. “Hindi ba part ng restricted area ang beach na iyon?” tanong nito.
Napalunok siya. Restricted area?
Lumapit si Oliver sa computer nito at nag-flash sa malaking LCD screen sa harap nila ang image ng Kalayaan Beach. “Yes. That’s a restricted area. Para lang sa mga members ang lugar na iyon. Makakapasok lang ang mga guest at empleyado sa area na iyon kung may kasamang member. And the member should have a reservation for that beach as well so he can have all the privacy he wants.”
Julian slowly lifted the corner of his lips. “And I can assure you that Miss Reyes entered the restricted area without permission. Ano nga ulit ang penalty sa mga trespasser at sa mga nanggugulo sa privacy ng ibang tao?”
Namutla siya. Mahigpit ang mga patakaran nila para sa privacy ng mga members. “H-Hindi ko alam na part na ng restricted area ang beach na iyon,” aniya at napalunok. “Sa may burol ako dumaan pababa. Akala ko pwede pa rin ako doon.” Yumuko siya at pinagsalikop ang mga palad. “Hindi ko talaga alam.”
It was bad enough na mahuli siyang nasa restricted area. Pero ang masangkot sa gulo kasangkot ang isang member at wala siya sa tamang lugar ay isang malaking problema.
“Member ka ng security team tapos di mo alam kung ano ang restricted area at hindi?” Pumalatak ito. “I-report ko kaya ito sa mga village lords sa dinner namin mamaya. Ano kaya ang sasabihin nila?” Sinipat nito ang braso nito pati ang binti na sinipa niya kanina. “Tapos sinaktan pa ako ng walang kalaban-laban.”
Nagkabikig ang lalamunan niya at hindi makasagot. Okay. It was her fault. Hindi niya tsine-check ang mga dinadaanan niya. Malaki ang Stallion Island. Namo-monitor lang niya iyon mula sa computer niya. Naggagala-gala lang naman siya kanina hanggang makarating sa secluded beach na iyon. Malay ba niyang doon pala siya ipadpadpad ng mga paa niya sa restricted area? Dahil sa burol siya dumaan ay hindi niya nadaanan ang mga guwardiya.
“My apologies, Julian. Hindi kasama sa security program namin na i-alarm ang mga non-member kapag pumasok sa area na iyon. I will discuss it with the village lords myself during our meeting. For now, ipagamot mo na muna ang mga gulpi mo sa clinic. Sinabi ko nang pupunta ka doon,” madiplomasyadong wika ni Oliver. Ito rin kasi ang mapuputukan dahil sa kapalpakan niya.
Tumayo si Julian at tinapik ito sa balikat. “Paano, Kuya Oliver? Pagbibigyan kita. Pero kung ako ang masusunod, talagang magsusumbong ako. You don’t really have to apologize. Hindi naman ikaw ang nag-trespass at nanakit sa akin. Bye!” paalam nito at kumaway palabas.
Hindi na niya nagawang tingnan pa si julian nang lumabas ito ang security center. Naka-robe lang ito pero parang wala itong kiyeme sa katawan. Ito ba naman ang makatakas sa akusasyong isa itong manyakis. Pero siya ay naiwan pa doon para mailibing ng buhay.
Humalukipkip si Oliver at pinakatitigan siyang mabuti. “So care to explain, Miss Eunice Arjhilleyne Reyes?” anito sa pormal na boses. “Alam mo ba kung gaano kalaking gulo ang ginawa mo?”
Ikinuskos niya ang palad sa noo. Kanina lang pakiramdam niya ay aping-api siya at siya ang dehado. Ngayon ay parang kalaban na niya ang mundo. Nasaan na ba ang pader sa sahig na lalamon sa kanya?
“I am sorry, boss. Kasi naman naalimpungatan ako nang tumakip iyong shorts niya sa mukha ko. Tapos na kita ko na lang siyang nakatayo sa harapan ko at parang gusto niya akong gawan ng masama. Ano ang immediate reaction ko? Siyempre lalaban ako.” Ikiniskis niya ang palad sa tuhod niya. “Pasalamat nga siya hindi ko siya napuruhan.”
“He asked you to calm down but you didn’t,” nakakunot ang noong wika ni Oliver. He wasn’t a bit sympathetic with her.
Humugot siya ng malalim na hininga. Baka nga lalong lumalim ang kunot sa noo nito kapag nalamang ngayon na lang siya nahimasmasan sa mga pangyayari. “Paano ako kakalma, Sir? He is Julian Veron Yun. Alam naman ninyo ang reputasyon niya sa mga babae. Matitigan lang niya, ikinakama na niya. Baka akala niya nakabilad lang ako doon at naghihintay sa kanya.”
Biglang nasamid si Ridge na umiinom ng kape. “Oh, hell! Sana marinig mismo ni Julian ang sinabi mo. Lalo lang iyong matutuwa dahil di niya alam na ganoon na pala katindi ang reputasyon niya sa mga babae. Isang titig lang, huh!”
“Naiintindihan ninyo ako, Sir?” tanong niya.
Napakape rin tuloy si Oliver. “I wish I could be sympathetic with you. Naiintindihan ko ang posisyon mo bilang babae. You have to defend yourself. Pero hindi kita madedepensahan sa puntong nasa isa kang restricted areas na members lang ang makakapasok. And if you roam that beach on your own risk...”
“I am asking for trouble,” dugtong niya. “It was my fault. Di ko naman alam na pagbaba ko ng burol, exclusive beach na. Sir, masu-suspend po ba ako sa trabaho? Matatanggal? Alam ko naman wala ako sa lugar. Pero di ko naman sinasadya. Saka member man ako ng security, sa harap lang naman ako ng computer. Sa computer ko lang din nakikita ang mga boundaries na iyan.” Pinagkiskis niya ang dalawang palad at pilit na ngumiti. “Can we charge this to experience, Sir? Di naman maiiwasan na may maligaw sa exclusive beach lalo na’t sa burol dumaan. After all, ang mga guards natin sa beach lang mismo nakabantay.”
Marahang huminga ng malalim si Oliver. “Pinapuputi mo ang buhok ko, Reyes. I will tell the village lords that it was not intended. Pero kung magrereklamo man si Julian sa pananakit mo sa kanya at pagte-trespass mo, wala tayong magagawa. You have to face the consequences.”
Nanginig ang mga kamay niya. Ibig sabihin baka ipatapon siya sa isla? Pambihirang kamalasan! Ni hindi pa nga siya nakakasakay ng kabayo doon. Marami pang lugar ang di niya napupuntahan. Tapos lalayas na agad siya? Ni hindi pa nga siya nayayayang mag-date ng kahit isa sa Stallion Boys. Pambihirang buhay ito!
“He has too much pride. I don’t think maganda sa reputasyon niya na malaman ng iba na napagbintangan siyang maniac at nagulpi ng isang babae,” sabi ni Ridge. “No. Hindi siya magsusumbong.”
“But people talk. Magdasal ka na lang na di man si Julian, wala nang iba pang magprotesta sa ginawa mo. Magpahinga ka na,” anang si Oliver at tinapik siya sa balikat bago ito lumabas ng investigating room.
Sumandal siya at tumingala sa kisame. Parang ayaw na niyang lumabas sa kuwartong iyon sa kahihiyan. For all she knew, baka ilang sandali na lang ang itatagal niya sa paraisong tinatawag na Stallion Island.
“I AM sorry, Ma’am. Ubos na po ang stocks ng story ni Reid Alleje sa lahat ng branches ng bookstore namin. Marami nga po kaming pending order sa online store. Wala na rin po kaming stocks sa warehouse.”
“What?!” Hindi niya alam kung pang-ilang octave ang nota ng boses niya nang marinig ang sinabi ng sales staff ng Reader’s Haven Bookshop branch sa Stallion Island. “Anong wala nang kopya? Imposible! Call the publication!”
Nanginginig ang buong katawan ni Arjhilleyne. Ilang araw nang di pinatatahimik ang kaluluwa niya mula ang engkwentro nila ni Julian sa beach. Siya kasi ang lumalabas na nagkasala. Naiirita na siya sa tingin ng mga tao sa kanya na parang isa siyang nakawalang kriminal. Kulang na lang yata ay ipako siya ng mga ito sa krus para matuwa ang mga ito. Obviously, nakikisimpatya ang mga ito kay Julian. At tuwing nakikita niya ang mga village lords, kinakabahan siya na basta na lang siyang ipatapon ng mga ito palabas ng isla.
Mga pocketbooks na lang na paborito niya ang napaglilibangan siya. Kahit sandali ay pwede siyang mangarap. Na may isang prinsipe na sasagip sa kanya sa lahat ng suliranin niyang ito. At ang prinsipe niya na nakasakay sa puting kabayo upang protektaha siya sa malupit na mundo. Pati ba pangarap niya ay ipagkakait sa kanya? Nakapalupit, Kuya Eddie!
“Ma’am, sabi po ng publication wala na rin po sa warehouse nila. Ubos na rin. Hintayin na lang daw po ninyo ang reprint.”
Napanganga siya. “Reprint? Gaano katagal ang reprint nila?”
Nagkibit-balikat ito. “Baka po ilang buwan pa.”
“Ilang buwan?” bulalas na naman niya sa mataas na boses. “Miss, alam mo ba kung gaano kahirap makipagbalyahan at makipag-agawan para lang mabili ko ang libro na iyan? Hindi ko mababasa dahil sa kagagawan ng Julian na iyon. Kasalanan niya kung bakit di ako makakapagbasa ngayon!”
“Pasensiya na po, Ma’am. Ipagre-reserve ko na lang po kayo ng copy kapag may reprint na.” Di pa ito halos nakakatalikod ay bumulong na ito sa katabi. “Kawawa pala talaga si Sir Julian. Di talaga ako naniniwala na pagsasamantalahan niya ang ganyang babae.”
“Mga mayuyumi at di matingkalang kagandahang tulad natin ang gusto ni Sir Julian. Hindi isang amazona,” anang kasamahang sales crew at umingos pa sa kanya. Ni hindi man lang hinintay na lumabas siya ng bookstore bago siya pag-usapan o sadyang gusto lang siyang paringgan ng mga ito.
Lalong sumama ang pakiramdam niya nang makasalubong niya ang miyembro ng grupong Sirens nang patawid na siya para bumili ng supplies ng shampoo. Naubos na kasi ang Stallionn Shampoo niya.
Feeling mga modelo ang mga ito na nag-pause pa sa harapan niya para harangan siya. Nanlilisik ang mga mata nito. Pakiramdam ng mga ito ay pag-aari ng mga ito ang mga Stallion Boys. Kung tutuusin ay magaganda ang mga ito. Masyado lang makapal mag-make up at outrageous ang mga damit.
“O! Nandito ka pa rin pala, Miss Amazona,” naka-ismid na wika ng leader ng mga ito na si Merian. “After what you did to our Precious Julian, may mukha ka pa palang ihaharap sa amin.”
Pinili niyang itikom ang bibig. Walang mangyayari kung papatulan niya ang mga ito. They were trying to pick up a fight. Wala siya sa mood. Mas importante sa kanya ang Stallion Shampoo niya dahil gusto niyang mag-shower at mangarap para makalimutan ang lahat ng di magandang nangyayari sa kanya.
“Excuse me. May importante pa akong gagawin,” aniya at nilagpasan ang mga ito.
“Bitch!” she heard one of them hiss. Nang lumingon siya ay mukhang susugurin na siya ng bagong member na si Lady.
“Relax, girl!” sabi ni Francey at pinigilan ito sa braso. “Oras na mapanood ng mga members ang video natin, mabubura na sa islang ito ang babaeng iyan.”
“Video?” mahinang usal niya. “Anong video?”
Sabay-sabay na naghalakhakan ang mga ito na parang mga bruhang mangkukulam. “That’s for you to find out,” wika ni Merian bago naglakad palayo ang mga ito.
“Anong video nila? Sex scandal?”
Ipinilig niya ang ulo at nagtungo sa grocery para bumili ng Stallion Shampoo. She really needed a hot shower. Nagbabayad na siya sa counter nang matanggap ang tawag mula sa kay Oliver. “Reyes, pumunta ka sa security center. Ngayundin!”