Palakas ng palakas ang kabang nararamdaman ni Arjhilleyne habang papalapit sa conference room ng security center ng Stallion Island. Malaking emergency lang ang dahilan kung bakit ipapatawag siya kahit off duty siya. May problema ba sa monitoring system nila? Baka naman may problema sa mga sensors nila o tracking device na nakakabit sa lahat ng pumapasok sa isla. Or worse may terrorism threat sa kanila na di na bago dahil sa mga prominenteng taong pinangangalagaan nila.
At bilang miyembro ng security team, dapat ay handa siya sa anumang pagsubok. Kasama na ang mga maliliit na away ng mga miyembro at bisita na pinalalala lang dahil sa kapritso ng ilan sa mga ito. Oh, she loved her job!
Nang pumasok siya ay mukhang nagsisimula na ang meeting. NAgtaka siya nang ang makita lamang doon ay sina Oliver at Ridge. Yumuko agad siya nang makita ang tatlong village lords – ang three-star Michellin chef at kabilang sa pamilyang nagmamay-ari ng isa sa pinakasikat na chatteau sa Bordeux, France na si Rouen Arezmendi, ang may-ari ng Swan’s Flight na official airline carrier ng Stallion Island at isa sa tagapagmana ng international airline company na Royal Air na si Raddison Archer at si Congressman Evandro Luminares na galing sa prominenteng political clan at may malawak na azucarera sa Pilipinas.
Yumukod siya. “My lords,” usal niya.
Kumunot ang noo ni Evandro at napailing na lang na nangingiti sina Rouen at Raddison. Nakagawian nang tawaging lord ang mga village lords ng Stallion Island, maliban kay Prince Rostam na isang prinsipe. Hindi pa rin sanay ang mga village lords sa mga naturang titulo.
“Sit down, Miss Reyes,” pormal na utos ni Evandro.
Tuwid na tuwid ang likod niya nang umupo. Di siya makakapag-relax habang kaharap ang mga ito. Dalawang matitinik na security officers at tatlo sa village lords sa iisang kuwarto. Kahit na nagguguwapuhan ang lahat ng mga kasama niya sa isang kuwarto lang, di niya magawang kiligin. She could sense an eminent danger. Kung naroon pati ang village lords, may malaki ngang problema.
Naghintay siya sa pagdating ng iba pang kasamahan. Kung tatlo na sa mga village lords ang nandoon para i-address ang problema, bakit siya ang ipinatawag samantalang di naman siya ang head ng department niya? May mas superior pa sa kanya na dapat makipag-usap sa mga ito tungkol sa problema.
“I am sorry for cutting your day off short, Miss Reyes. We think that this is an emergency,” anang si Raddison na seryoso din.
Ngumiti sa kanya si Rouen at inilapit ang tray ng katakam-takam na desserts. “Cream brulee,” alok nito.
Saka lang siya bahagyang nag-relax. Kumuha siya ng isa at nagpasalamat. Sa lahat ng nandoon, ito lang ang ngumiti sa kanya. She just hoped that the problem isn’t that bad. Para makabalik na si Rouen sa pagluluto nito. Mukhang mas gusto nito sa kusina kaysa manatili sa boardroom. But it was a village lord’s responsibility. Mas importante pa rin ang Stallion Island kaysa sa iba.
“Kaninang dumating ako galing a flight ko, may ibinigay sa akin ang assistant ko. A very disturbing video,” wika ni Evandro.
Pinindot nito ang remote at lumabas sa LCD projector ang video ng mga Sirens. Akala niya noong una ay isa na naman sa MTV ng mga ito na ginagamit para makapang-akit ng mga Stallion Boys. But they looked like madman make that mad women at the moment.
“OUST Eunice Arjhilleyne Reyes!” sigaw ng leader ng mga ito na si Merian.
“She hurt our precious Julian,” mangiyak-ngiyak na wika ni Raine at pinahid ang gilid ng mata. At sumunod na ipinakita ang video ni Julian nang idadala sa loob ng clinic. She was appalled. Pati ba iyon ay kailangang ipakita pa?
“She’s supposed to work with the security and protect us. Not hurt us. Kung nagawa niya ito kay Julian, magagawa niya kahit na kanino,” sabi ni Francey.
“Maaatim ba ninyong mag-stay sa magandang islang ito ang babaeng iyan? She’s deranged. Baka kayo na ang susunod na biktima,” pananakot ni Lady. “At ayaw naming mangyari iyon.”
“Kapag hindi ninyo sila pinaalis dito, kami ang aalis!” nanghahaba ang ngusong wika ni Francey. “We love you, boys! Di namin kayo hahayaang masaktan ng babaeng iyan. She must be out of this island soon.”
Sumunod nang nakita ay kapit-bisig ang mga Sirens habang naglalakad sa may beach. “Kaya magkapit-bisig tayo para paalisin ang salot sa islang ito.;
She couldn’t suppress a groan. Parang isang masamang panaginip ang lahat. Ito pala ang video na tinutukoy ng mga bruhang Sirens na iyon. It was her own scandal. At talagang kinuhanan pa ng video ang paggamot kay Julian. Kung tutuusin ay bawal iyon dahil bina-value ang privacy ng mga tao doon maliban na lang kung sinadya ni Julian na pakunan iyon. But that was the least of her concern. Isang salot na ang tatak na ibinigay sa kanya ng mga Sirens. At gusto ng mga ito na mapalayas siya sa isla sa lalong madaling panahon.
Marahang pinakawalan ni Rouen ang hininga at kumuha ng sarili nitong cream brulee. “That’s a bit dramatic, don’t you think? That video made Julian’s injury look so bad. Parang galos lang naman at pasa nang makita ko. He is a martial arts expert. Di siya basta-basta mapupuruhan.”
“He looked badly bruised to me. It looks like someone is downplaying the report,” anang si Evandro at tumutok ang mata kay Oliver.
“Wala akong kinalimutan sa report ko. It was an honest mistake really. Hindi ko ito ginagawa para protektahan ang tauhan ko. Kung si Julian mismo ang magrereklamo, wala namang problema. But he didn’t file a complain. I even sent you a recommendation on how we can protect the private beach from intrusion without the feeling of the members that we are invading their privacy even by our own security,” paliwanag ni Oliver at nakipaglaban ng titigan kay Evandro.
Gusto na niyang maiyak sa kinauupuan niya. She could see her future crashing down right before her eyes. She was grateful that her boss was defending her. Pero anong magagawa niya? “Sir, hindi ko naman po talaga sinasadya ang nangyari. I didn’t mean to enter a restricted area. Hindi ko rin naman gustong manggulpi ng isang member dito. Akala ko kasi gusto niya akong pagsamantalahan nang magising ako. Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko.”
“Dapat pa ba nating pansinin ito?” tanong ni Rouen. “Tama naman. Hindi nag-complain si Julian so why make a big deal out of it?”
“Rouen, ayoko ding pansinin ito. Pero kung kakalat ito sa buong Stallion Island, sa palagay ninyo ano ang mangyayari?” tanong ni Evandro. “Hindi natin mapipigilan kapag may nag-file ng petition against Miss Reyes. Nakapanakit siya ng isa sa mga member. Dapat under investigation na siya.”
Sumandal si Raddison sa swivel chair at humikab. “Lalo yata akong nagka-jetlag. Kahit na hindi nag-complain si Julian, ang mga babaeng iyan naman ang nag-reveal ng totoong sitwasyon. The members will be alarmed. And Sirens have their own hordes of admirers. They will be missed.”
Ibig sabihin sa pagitan niya at ng mga Sirens ay mas pipiliin ng mga ito na mawala na lang siya sa isla? Napakasaklap naman ng kapalaran niya. Oras na mabulabog ang mga members lalo na ang mga malalaki ang ego na di papayag na masaktan ng kahit sinong babae ay tiyak na di nanaising manatili siya doon.
Lumunok siya. “Sir, dedicated naman po ako sa trabaho ko.”
“She’s good at her job. Di niya kami binigyan ng problema pagdating sa trabaho. Kung may kulang pa sa system namin, nagsa-suggest agad siya ng paraan para masolusyunan ang problema. It would be a pain to lose her in our team,” depensa naman ni Ridge sa kanya. And she knew why he defended her. He definitely didn’t like those Sirens. Sakit ng ulo kasi lagi ang dala ng mga ito at di rin nami-miss ng mga ito na akitin si Ridge na lalong nakairita dito.
“The problem is how can we stop the members from choosing you over those Sirens?” tanong ni Raddison.
Napipilan siya. It was a lost case. Sino ba naman ang magtatanggol sa kanya? Even her own boss was helpless. Mga miyembro ng club ang kalaban nila.
“Bibigyan po ba ninyo ako ng recommendation kapag pinaalis ninyo ako dito?” tanong niya sa nanginginig na boses. Mukhang kailangan na talaga niyang magpaalam sa magandang islang iyon.
“I hate to lose a good employee,” sabi ni Evandro. “And I am sure malulungkot din ang ibang village lords oras na malaman ‘to.”
“Ano po ang dapat kong gawin?” Kung kinakailangang lumuhod siya sa mga ito para lang manatili siya sa isla ay gagawin niya. Ayaw niyang umalis doon.
“Only Julian can help you now,” wika ni Rouen.
“P-Pero paano?”
Umangat ang labi ni Rouen. Kumislap ang abuhin nitong mga mata. “That’s for you to find out.”
NANLALABO na ang paningin ni Arjhilleyne pero wala siyang planong alisin ang tingin sa computer screen kung saan mamo-monitor nila kung may irregularities sa paligid ng isla. Maingat na maingat sila sa mga intruder. Malaki ang ibinabayad ng mga miyembro doon para sa privacy at seguridad kaya dapat ay alisto siya.
“Hindi ka naman overtime ngayon. Hindi ka pa rin nagbe-break,” sabi ng boss niyang si Oliver. “Let Keeno take over.”
Umiling siya. “Sandali na lang naman ito, Sir.”
Pinakatitigan siya nitong mabuti. “Kanina ka pa yata hindi kumukurap diyan sa screen. Come on! Take a break. We are in red alert status.”
But she was in red alert. Baka iyon na ang huling sandali niya sa isla. She couldn’t afford to even blink an eye.
“Okay lang ako, boss,” aniya at pilit na ngumiti.
Hinila nito ang swivel chair at umupo sa tabi niya. “Dahil ba bumalik na si Julian?”
She tensed. Nang makita niya sa report na kasama ito sa mga papasok ng isla ay nanlumo agad siya. Lalo na nang makita niya ito sa mismong security camera. Alam niyang nalalabi na lang ang mga sandali niya sa Stallion Island.
“He could easily kick me out of here any time.”
Humalukipkip ito at sumandal sa swivel chair. “Wala ka pa ring naiisip na paraan para makipag-ayos sa kanya? Iyon dapat ang ginagawa mo pagtapak pa lang niya dito sa isla.”
“Hindi ko alam, boss. Wala akong maisip,” aniya at sinapo ang noo. Baka nga inaasahan nito sa pagbabalik nito ay di na siya nito makikita pa. O baka nabalitaan na nito ang tungkol sa petisyon para paalisin siya. And he went back to nail it. Bakit pa nito gugustuhing makita siya sa isla matapos niya itong ipahiya?
“We haven’t heard from him. Bakit nagpapakamatay ka sa trabaho samantalang wala pa naman?”
“It could be my last day here,” she whispered bitterly.
Tumayo si Oliver. His fall figure loomed over her. His eyes were cold and harsh. “It would be your last day here if you won’t stop killing yourself. Kundi mo pa tatapusin ang duty mo, ako mismo ang gagawa ng termination letter mo.”
Namutla siya. “Boss?”
“I thought you are a fighter. Fight for your chance to stay here. Hindi ko matatagalang makita kang umaktong talunan. I didn’t hire you to act as a loser.” Tinapik nito ang balikat niya. “Kumain ka. Have some fun. If this would be your last day at the island, at least you make sure that you enjoy it. But we won’t easily give you up. We are here to back you up. The whole team.”
That somehow eased her. Susuportahan siya ng mga ka-team niya. Kahit na nag-iisang babae at madalas ay parang ini-intimidate siya ng mga ito, ngayon ay nararamdaman niya ang proteksiyon ng mga ito. She was their muse, their little sister. At gagawin ng mga ito ang lahat para protektahan siya.
Bakit nga ba siya nagmumukmok at nagpapakamatay sa trabaho? Kung iyon ang huling araw niya sa isla, kahit paano naman ay gusto niyang magsaya.
Inilabas niya ang Palm top niya. May sarili iyong program na naka-access sa database ng Stallion Island. Pinindot niya ang nightlife tab. Nakalagay doon ang mga establishments sa isla. Kung ilan ang mga tao at kung ano ang special event para sa gabing iyon. She could have chosen the Wind Cafe. May performance doon ang bagong banda sa ilalim ng record label ni TJ Javellana. She didnt want to spend her last day drooling over him like the rest of the women. Tiyak na puno ang lugar na iyon.
Puno din ang Banyan Tree Restaurant. Lagi naman iyong puno dahil kay Rouen. They won’t miss his cooking.
Pinili niya ang Stallion Wave Restaurant. Their island band would be starting soon. Isa pa, gutom na gutom na siya at parang naaamoy niya ang mabangong inihaw na seafood. Mag-e-enjoy na lang siya sa pagkain.
Bakit pa niya iisipin si Julian, ang Sirens at ang buong isla? Wala naman siyang magagawa kung ayaw ng mga ito sa kanya. Pero di niya parurusahan ang sarili niya. Bibigyan naman niya ang sarili niya kahit kaunting kaligayahan.
Ngiti agad ang isinalubong niya sa waitress na si Leica. “Arjh! It is good to see you again!” Excited pa siyang niyakap nito. Madalas kasi niya itong kakwentuhan kapag mag-isa lang siyang kumakain at di marami ang customer sa restaurant. Nasasabik siya sa company ng babae at isa ito sa iilan niyang kaibigan doon. “Akala ko di ka na magpapakita. Puro ka kasi pa-deliver ng pagkain.”
“For tonight, gusto kong makalanghap ng hangin. Gutom na gutom na ako.” Umupo agad siya sa pinakamalapit na upuan. “Gusto ko ng inihaw na pusit. Iyong pinakamalaki. Gusto ko ng prawns in garlic sauce at lobster. Kung anuman ang pinakamabilis maluto diyan, i-serve mo agad sa akin.”
Sinagpang agad niya ang bawat pagkaing ihinain sa kanya. Dala ng gutom at ng malamig na simoy ng hangin, di na niya pinansin pa ang kutsara at tinidor. Nagkamay na lang siya. Wala siyang pakialam kung pagtinginan siya ng ibang tao. Baka iyon na ang huling araw niya. She would just devour.
“Nakakainggit ka namang kumain,” puna ni Doktora Nathaniella nang lapitan siya sa mesa niya.
“Kain tayo, Doc,” yaya niya.
Ngumiti agad ito. “Sandali lang, ha?” Dali-dali itong pumunta sa washroom at pagbalik ay kumuha agad ito ng sugpo habang ibinibigay ang order nito sa waiter. “So what’s the celebration all about?”
Nawala ang ngiti niya. “This could be my last day. Julian is back.”
“Hindi mo pa rin ba siya nakakausap? Iyon ang unang dapat na ginawa mo.”
“I am not good at it. Di ko alam kung paano makikipag-ayos sa kanya.” She knew how to fight. She didnt know how to fix things. At lalong di niya alam kung paano i-handle ang lalaking tulad ni Julian Veron Yun.
“Come on! Those men think with their crotch. All you have to do is practice a little of your female charm.”
Umiling siya. Iyon nga mismo ang ikinatatakot niya. Wala siyang alam kung paano mang-akit ng lalaki. “No! Saka si Julian Veron Yun ang pinag-uusapan natin dito. A man who takes women in bed on their first date. At ikaw pa mismo ang nagsabi na wala pang humihindi sa kanya.”
Hindi niya kakayanin ang kapalit na hihingin ni Julian sa kanya. Paano kung kagaya rin siya ng ibang babae? Maakit na lang siya dito at hindi siya makahindi? Matapos siyang paglaruan ay itatapon siya nito tiyak. Kung ang ibang babae ay masaya sa ganoong laro, hindi siya.
“Saka mo na nga problemahin iyan. Ang isipin mo ngayon kung paano ka mananatili dito sa isla.” Ipinagbukas siya nito ang lobster. “Kumain ka nang kumain. Saka kita tutulungan sa problema mo.”