CHAPTER THREE
TULALA si Jemaikha nang sa wakas ay nagyaya na kumain si Hiro. Ubos na ang powers niya sa pag-guide sa lalaki sa buong UP Diliman. Matapos mag-report sa opisina para sa foreign at exchange students, inikot niya ang lalaki sa iba’t ibang gusali sa UP pati na rin ang ibang importanteng lugar gaya ng library, Sunken Garden at ang Melchor Hall kung saan tiyak na madalas itong magkaklase dahil engineering ang kurso nito.
Sa Lutong Bahay sila bumagsak, isang eatery na may mga homecooked meals at murang shake. “Nani o tabetaidesu ka? (What do you want to eat?)” tanong ng lalaki sa kanya kung ano ang gusto niyang kainin.
“Manang, isang sinigang na bangus po na bangus po at isang kanin,” sabi niya at tumuro.
“Manang, sinigang na bangus po…” anang lalaki na akmang kokopyahin ang order niya.
“Hindi. Pumili ka ng iba. Betsu no mono o erande kudasai. (Choose something else.)”
At nagulat siya nang basta na lang itong nagturo. May anim na iba’t ibang klaseng putahe marahil itong in-order. “Hala! Ang dami naman. Subete o taberudarou ka? (You will eat everything?)” nanlalaki ang mata niyang tanong kung kakainin nito lahat.
Itinuro siya nito at ang sarili. “Beikoku. Watashitachiha subete o tabemasu. (Us. We will eat everything.”) Sila daw ang kakain ng lahat. Pinagsalikop nito ang mga palad na animo’y nagdadasal kaya umusal din siya ng dasal ng pasasalamat. “Ittadaikimasu!” anang lalaki na hudyat na pwede na silang magsimulang kumain.
Tahimik niyang pinagmasdan ang lalaki. Nasa twenty years old na ang lalaki at nag-aral mula sa University of Tokyo ng Electrical and Electronics Engineering.
“Kanojo wa dokodesu ka? (Where is your girlfriend?)”hanap niya sa girlfriend nito.
“Dare? (Who?)” tanong nito kung sino.
“S-Shobe-san?” tanong niya.
Nalukot ang mukha ng lalaki. Hindi daw nito sinabi sa babae kung saan ito pupunta dahil gusto nitong maging independent at matutunan kung paano mamuhay nang mag-isa sa Maynila. Masaya naman siya dahil kung kasama nito ang maldita nitong girlfriend, tiyak na di sila magkakausap ng lalaki. Pero delikado para kay Hiro. Mas maraming sira ulo sa Kamaynilaan. Maswerte na ito dahil dumating siya kanina.
“We must remedy your problem,” nausal na lang niya dito. “Hindi ka mabubuhay sa Pilipinas kung di ka marunong mag-Filipino o English man lang.”
“Nani?” tanong nito kung anong sinasabi niya.
Ipinaliwanag niya ang sinabi dito sa wikang Hapon ang saloobin niya. Hindi bale sana kung Linguistics ang kurso ng mga kahalubilo nito palagi. Magiging considerate ba ang mga kaklsase nito at professor dito?
Inilabas nito ang maliit na MP3 at nagsalita. Nagsalita ito sa Nihongo at maya maya pa ay nagsalita na ang device. “No worries. I have this.” Translator pala iyon. At sa palagay niya ay bagong imbensyon lang iyon.
May translator naman pala ito. Bakit pa ba siya nito pinahihirapan na mag-Nihonggo?
“Hindi mo magagamit ang translator lagi. Paano kung maubusan ng battery o masira? Paano kung wala ka nang oras para magpa-interpret?” tanong niya. Hinayaan niyang translator ang mag-translate para dito. Nakita niya na naguluhan ito kung paano io-operate ang device para isalin ang sinabi niya.
Nagkibit-balikat ang lalaki. “Watashi wa nani o subeki ka? (What should I do?)” tanong nito kung anong dapat gawin.
“You need an English and Filipino tutor and a guide.”
“Tutor? Guide?” tanong ng lalaki.
“I can be your English and Filipino tutor and guide,” prisinta agad ni Jemaikha kasabay ng pagkinang ng mga mata.
Ito na. Ito na ang hinihintay niyang pagkakataon na magkaroon ng bagong estudyante. And Hiro was perfect. Lost in translation ang drama nito sa Pilipinas. Mag-isa pa itong nakatira sa condo nito. Paano ito mabubuhay kung wala halos itong alam sa English at Filipino? May mga foreign students naman sa Pilipinas. Pero kung gusto nitong maging competitive at mas mapadali ang komunikasyon sa ibang tao, kailangan nito ng magaling na tutor. At siya iyon.
Nakita niya ang pagdududa sa mga mata nito. Inilabas niya ang school ID para ipakita ang kurso niya kung saan siya nag-aaral ng Linguistics. “See? I am studying Asian Languages here in UP.” Inabot niya dito ang resume na lagi niyang dala sakaling makatagpo siya ng potential client. Binasa iyon ng lalaki pero di niya alam kung may naiintindihan ito. Wala na siguro itong masasabi pa dahil kanina pa siya nagpapasiklab sa alam niya sa Nihonggo. Parang audition na rin niya iyon. “You can ask Miss Grace of Unit 3010. I used to be her daughter’s tutor. I am a good tutor. I can also give you a free lesson on how to survive here in the Philippines.”
Marahan itong umiling. “No need tutor…”
“My service is cheap. Only fifteen thousand pesos a month. Intense program. That is cheap.” Nag-compute siya sa conversion ng peso sa yen. “Really cheap.” Umiling pa rin ito. “I can cook. I can clean your house. I can sing and dance.” Ano pa ba ang kailangan niyang ialok dito para tanggapin nito ang serbisyo niya? She really needed that job.
Ngumisi ang lalaki. “Tutor, cook, clean the house, sing and dance. Okay.”
“Domo arigatou gozaimasu, Hiro-san,” pasasalamat ni Jemaikha at yumukod. Itinaas niya ang mga kamay. “Yes! May trabaho na ulit ako. Hindi ka magsisisi, Hiro-san.”
Pagak itong tumawa. “Wakaranai.”
“Ay! Okay lang iyan. Maiintindihan mo rin ako. Masanay ka na.”
"JEM, sama ka sa La Union. Dadalaw kami sa grape farm ng tito ko tapos mag-swimming tayo. Marami daw guwapong surfer sa San Juan sabi ng tito ko," kinikilig na yaya ng kaibigang si Rheinn sa kanya.
"Di pwede. Alam n'yo naman na tipid na tipid ako dahil kay Tatay," sabi niya at sumipsip ng softdrink.
Nakipagkita siya sa mga high school friends sa sari-sari store at maliit na kainan na pag-aari ng pamilya ni Cherie. Ito kasi ang bantay sa gotohan at nagpasama sa kanilang tumao doon. Ito kasi ang kahera at sa halip ba magkita sa mall, ililibre na lang daw siya nito ng unlimited lugaw. Iyon di ang tambayan nila noong high school sila. Iba’t ibang university na ang pinapasukan nila, iba’t iba rin ng kurso pero kapag may pagkakataon ay nagkikita-kita sila.
Gustong-gusto niyang mag-beach pero alam niya ang prioridad sa ngayon. Di ata niya maatim na magsaya habang nahihirapan ang pamilya niya at may sakit ang ama.
"Wala ka namang babayaran sa sasakyan at pagkain. Ikaw na lang ang kulang," anang si Cherie na ni-refill ang lugaw niya. "Saka na 'yang trabaho kapag nakauwi na tayo. At least fresh na fresh ka mula sa bakasyon."
"Kami na ang magpapaalam kay Tito," prisinta naman ni Mayi kung nag-aalala siya na di ka payagan. "Papayagan ka no'n. Di pwedeng ikaw lang ang maka-miss ng mga chika at adventure.”
Maasim siyang ngumiti. Alam naman niya na papayag ang amang si Mang Elpidio. Nagi-guilty na nga ito na kailangan niyang magtrabaho at di na niya nae-enjoy ang pagiging teenager. “Salamat na lang pero may trabaho na ako. Japanese na exchange student ang tuturuan ko."
"Guwapo ba?" kinikilig na tanong ni Rushell. “Baka naman pwede mong ipakilala sa amin.”
"Hindi. Maganda. Mas maganda pa sa akin."
Totoo naman na nakaka-insecure ang gandang lalaki ni Hiro. Mas makinis pa ang balat sa kanya at maamo ang mukha. At parang di niya feel na ipakilala sa mga friends niya. Okay na siya sa impaktang si Shobe para maging girlfriend ni Hiro. Hindi na kailangang makisawsaw sa gulo ng mga kaibigan niya.
Tumango-tango si Cherie. "Ah, babae. Pwede mo naman siguro siyang isama sa atin. Pati kami tuturuan siya na mag-Japanese. Para naman makita niya kung gaano kaganda ang Pilipinas.”
“Nag-sign up kasi siya sa intense lesson. Three weeks na lang ang natitira sa amin bago ang simula ng klase. Kailangan niyang matuto agad. May pagka-uto-uto kasi. Namigay ng pagkain sa mga street children at muntikan nang manakawan kung hindi ako dumating,” kwento niya. “Pakiramdam ko responsibilidad ko siya. Di ko basta maiwan. Saka baka mailang siya sa ibang tao ngayon.”
“Ayan! May blessing naman na kapalit dahil may trabaho ka na,” sabi ni Rushell.
“Sige na nga. Pasalubungan ka na lang namin,” sabi ni Cherie at napunta naman ang usapan sa crush ni Rushell na nakasabay nito sa bus nang magbakasyon sa Laguna.
Matapos ang meet up nila ay tumuloy siya sa condo ni Hiro. Sa hapong iyon ang unang session nila. Magluluto din siya at maglilinis ng bahay kung kinakailangan. Dala din niya ang kasunduan nila ng lalaki na nakasulat sa English at kanji para maintindihan nito. Mabuti na lang at isang professor niya sa pagta-translate. Sana lang ay sapat na iyon kay Hiro. Huwag na sana itong tumawad sa labinlimang libo na sinisingil niya sa pagtuturo dito dahil may extra service siya bilang kasambahay. Mabuti na iyon kaysa naman wala siyang trabaho.
Nag-doorbell si Jemaikha pagdating sa unit ng lalaki. Nasa pinakadulong unit ito nakatira. "Konnichiwa!" bati niya pagbukas ng pinto.
"Konnichiwa," bati rin nito. “Ohairikudasai.” Pumasok daw siya.
Hinubad niya ang sapatos at isinuot ang panloob na tsinelas na pinagamit nito. Namangha siya pagpasok dahil malinis ang unit nito. Organized lahat. Walang kahit isang kalat. May dalawang kuwarto ang unit at may balkonahe pa. Maaliwalas ang lugar at maganda rin ang view ng Marikina Valley na natatanaw doon. May Sony Bravia LCD TV sa sala at sound system. May floor chair na nakapaikot sa low table. May white L-shaped low sofa na nakadikit sa malaking Japanese wooden latice na nakadikit sa dingding. Very zen. Nakaka-relax. Parang wala siyang lilinisin. Walang naligaw kahit na isang alikabok.
Inalik siya ni Hiro ng inumin at pagkain pero tubig lang ang hiningi niya. Inilapag niya ang module na gagamitin sa low table at umupo sa low chair. Umupo sa tabi niya ang binata matapos siyang bigyan ng baso ng tubig. “Dare ga koko ni sunde imasu ka? (Who lives here with you?)” tanong niya kung sino ang kasama nitong nakatira doon.
“Watashi dake. (Just me),” mag-isa lang daw itong nakatira doon. Ipinaliwanag nito na gusto nitong maging independent lalo na’t beinte uno na ito. Gusto nito na makatayo sa sarili nitong paa.
"Read this," aniya sa lalaki at ibinigay ang magiging kontrata nilang dalawa.
"Nani?" tanong nito at puso ng kuryosidad na sinipat ang papel.
"A contract." Hinayaan niyang basahin nito ang kontrata. Kung may problema naman siguro sa kontrata ay sasabihin nito sa kanya. Madali na lang mag-revise. Mas gusto niya na pormal ang usapan nila para kung may reklamo man sila sa isa’t isa ay mas malinaw sa papel ang lahat.
Nagtaka siya nang tumayo ito at may kinuha sa kuwarto. Pagbalik niya ay may dala itong stamp. Tinatakan nito ang dokumento saka pinirmahan. Wala na itong tanong-tanong. Tapos ay may inabot din itong sobre sa kanya. Nanlaki ang mga mata ni Jemaikha nang makitang may laman iyong limang libo piso.
"Ano ito?" tanong niya.
"Atamakin. (Initial payment.)" Paunang bayad daw iyon. Ipinaliwanag nito para may magamit siya sa pagpunta sa condo nito.
"Domo arigatou," pasasalamat niya at yumukod. Malaking bagay sa kanya ang paunang bayad nito at hindi niya tatanggihan. Makakabili na rin siya ng materyales para sa ibang lesson nila. Itinapik niya ang kamay sa module na gagamitin para dito. "Let's start the lesson. Hajimemashite."
Huminga ng malalim si Jemaikha at sinimulan sa basic lesson ng pagsasalita at pagsusulat ng English at Filipino mula sa Nihonggo. Magiging madugo ito lalo na kung naninibago si Hiro lalo na sa Filipino.
Subalit nasorpresa siya dahil mabilis itong maka-pick up. His English was smoothly delivered. Walang punto na akala mo ay matagal na nitong ginagamit ang English. Di rin nagiging "R" ang "L" nito kapag nagsasalita. Mabilis din nitong nakuha kung paano mag-construct ng sentence sa Filipino nang subukan niyang itaas ang level ng aralin nila.
Even writing in English and Filipino, he was mesmerizing. Nahihipnotismo siya sa pagsusulat nito. Tahimik lang niya itong pinanonood habang concentrated ang lalaki. Gusto niyang isipin na may alam na ito sa dalawang llengguwahe. Nagtataka lang siya kung bakit hindi nito ginagamit.
Kung mas madali siyang matuto, mas pabor sa akin. Magre-reflect din sa akin iyon bilang tutor. Hindi na niya kailangang laging dumepende sa translator gadget.
Maya-maya pa ay naramdaman niyang kumakalam ang sikmura niya. Pagtingin niya sa orasan ay alas kuwatro na. Lagpas na ang oras ng miryenda. “What do you want to eat?” tanong niya at iminuwestra ang pagsubo. “Anong gusto mong kainin?” Gusto niya na masanay na ito sa paggamit ng English at Filipino kaya iyon na rin ang gagamitin niya. Magnih-Nihonggo lang siya kapag di nito maintindihan.
Ngumiti ang lalaki. “Ako ang bahala,” sabi nito at tumuloy sa kusina.
“Huh? Where did you learn that?” At itinanong niya sa Nihonggo kundi man nito makuha.
Tumuro ito sa baba. “Manong Guard.”
Tumango siya. “Ahhhh!” Mabuti at nakiki-interact naman pala ito sa ibang tao.
Luminga siya sa paligid. May microwave oven, refrigerator at coffee maker doon pero napansin niya na walang kalan. Saan ito magluluto? Sa microwave? Umupo siya sa stool at itinukod ang siko sa counter island. Tumili siya nang biglang tumunog ang mesa at umilaw. “Ano ‘yon?” Baka nasa loob pala sila ng isang robot na nag-aanyong condo building at isang Gundam pilot si Hiro.
Tumawa ang lalaki. “Stove. Induction heat cooker.” Pinindot nito ang ilang ilaw at lumabas ang temperature. “You cook. No fire.”
“Kalan na walang apoy. Pasensiya na. De gasul lang kami,” nasabi niya. High-tech talaga ito. Isinuot nito ang apron at inilabas ang mga gulay at mga karne mula sa ref. “I’ll help.”
“No. Sit,” utos nito at itinuro ang stool.
“Maka-sit ka naman akala mo aso ako. Hindi ako aso,” kontra niya dito.
“Iie. Not dog,” sabi nito at umiling. Naintidihan siya nito. “Hime.”
“Hime? Princess? Ako?” Tumawa siya at inipit ang buhok sa likod ng tainga. Lakas maka-Prince Charming.
Pinanood na lang niya ang lalaki habang nagluluto ng shabu-shabu. Di naman pala masyadong komplikado ang lulutuin nito dahil itatalbog lang nito ang gulay at iba pang ingredients gaya ng crab stick, lobster ball, sugpo, manipis na hiwa ng baka, tokwa, kabute at sinamahan din ng udon noodles. Amoy pa lang ng sabaw ay nakakatakam na.
“Sensei, for you,” anito at inabot sa kanya ang bowl ng shabu-shabu.
“No! Don’t call me sensei. Ang lakas makatanda ng teacher,” reklamo niya.
“Jemaikha-sensei or Jemaikha-hime?”
Masyado namang mahaba ang buhok ko kung tatawagin akong prinsesa. Baka may makarinig na iba, isipin pa na malakas siyang mag-assume. “Jemaikha. Just call me Jemaikha.” PInagsalikop niya ang palad. “Itadaikimasu!” sabay nilang sabi ni Hiro.
Habang kumakain ay napagkwentuhan nila ni Hiro na nag-iisa itong anak. Isang negosyante ang ama nito at isang academic ang ina nito na isang Filipina. Magaling daw na imbentor ang ina ni Hiro. Tutol sana ang magulang ng binata na mag-aral si Hiro sa Pilipinas pero gusto nitong maranasang mabuhay sa Pilipinas nang independent at walang nakikialam sa kilos nito. May mga kaibigan daw ito na taga-Pilipinas pero nasa bakasyon pa rin. Malungkot rin ito dahil wala itong kamag-anak sa Pilipinas dahil isang ulila daw ang nanay nito.
Dahil fascinated sa Japan ay nagtanong siya sa binata kung ano ang experience nito sa mga lugar sa bansa nito na napuntahan na nito. Kumikislap ang mga mata nito habang nagkukwento sa snow ng Sapporo, ang mga bulaklak tuwing tagsibol lalo na ang sakura o cherry blossom at ang paborito daw nito ay ang taglagas o fall. Pilit itong nagsalita nang magkahalo ang Filipino, English at Nihonggo. Kapag may gusto itong malaman na translation ng salita ay itinatanong nito sa kanya.
“I’ll help you clean the dishes,” prisinta niya at tumayo matapos kumain.
“No,” tutol nito at hinawakan ang dalawang kamay niya.
“Tutulong na nga ako,” giit niya.
“You work, I’ll hold your hand,” hamon nito sa kanya.
Hala ka! Forever daw silang magho-holding hands kapag nagpilit siya na tumulong dito. Parang umihip ang malamig na hangin at tinangay ang kulay rosas na talulot ng bulaklak ng cherry sa paligid nila. Pangangatawanan talaga nito na tratuhin siyang prinsesa.
Lukaret! Estudyante mo iyan. Wala ka sa hulog, saway niya sa sarili. Dali-dali niyang binawi ang kamay mula kay Hiro. Mali ito. “Ah… I’ll just put these inside the refrigerator,” tukoy niya sa mga natirang gulay at inilagay sa paper bag. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya.
Mahabaging diyosa ng buwan, tulungan mo po ako. First day ko pa lang ng klase ko, bibigay na ang puso ko kay Hiro Hinata. Tatsukette kudasai! Tulong!