Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 155

“Doktora Tamara!” tili ng sekretarya niyang si Shiela nang dumating siya sa opisina. Niyakap siya nito nang mahigpit. “Na-miss ko kayo!”

Huminga siya nang malalim at iniikot ang tingin sa opisina niya sa International Wildlife Society. Modernong computer, may airconditioner at may impressionist painting mula sa isang papasikat pa lang na artist.

“Finally, I am back from the civilization,” usal niya at umupo sa swivel chair. Tatlong buwan din siyang nawala sa Manila dahil ipinadala siya ng organization sa Babuyan Island para mag-observe sa mga humpback whales.

Isa siyang resident veterinarian ng naturang wildlife organization. Tatlong taon na siya sa organization. Matapos maka-graduate ng Veterinary Medicine sa Amerika ay pumasok na siya sa organization. Nag-request siya na sa Pilipinas ipadala. Gusto kasi niyang sagipin ang mga hayop sa bansa. Di siya marine biologist pero isinama siya para mag-record ng mga accounts sa pag-o-observe sa humpback whales. Kasama niya ang mga volunteers ng organization.

“How’s your encounter with the humpback whales?” tanong nito.

She opened her laptop computer. “It was quite an experience.” Ipinakita niya ang mga pictures dito. “Aren’t they pretty? Alam mo ba na may sariling language ang mga whales na ginagamit nila sa pakikipag-communicate? They even use it during mating to look for a mate.”

“Parang sa mga lalaking nanghaharana?” tanong nito.

“They are highly intelligent creatures.” Nangalumbaba siya. “Sayang nga lang dahil may mga taong nagbabanta sa buhay nila. Buti na lang sa Babuyan Islands, protektado sila ng mga residente. At ibig sabihin malinis pa ang lugar na iyon kaya doon sila dumadalaw.”

“At mukhang nag-enjoy kayo sa pagsu-swimming sa beach.”

Hinaplos niya ang kayumangging balat. “Malinis kasi ang tubig. Masarap lumangoy. Kahit medyo malaki ang alon, okay lang.”

“Bagay naman sa inyo ang kulay ninyo.”

“Ano nga palang balita?” tanong niya.

Tatlong buwan siyang wala sa sibilisasyon. Sa islang tinutuluyan nila ay walang kuryente. Limang oras pa ang lalakbayin nila sa bangkang de katig para makarating sa Sta. Ana, Cagayan kung saan sila kumukuha ng supplies. Wala tuloy siyang balita sa nangyayari sa bansa.

“Gusto mong malaman kung sino na lang ang natitira sa bahay ni Kuya?” nakangisi nitong tanong. “Madami na kang na-miss, Doktora!”

Maasim siyang ngumiti. “Hindi! Kumusta na ang Stallion Riding Club?”

“Ay! Siyempre may bago na naman silang commercial. As usual sa riding club sila nag-shooting. May bago silang model.”

Sikat na sikat na ang Stallion Riding Club mula nang I-feature ito sa isang shampoo commercial. Halos lahat ng mga kababaihan ay nagkakandarapang makapasok sa riding club. It was exclusively for men. At kung walang imbitasyon mula sa isa sa mga miyembro ay di maaring makapasok. Natupad na ang pangarap ni Reid para sa riding club. It was like a majestic resort paradise. Ngayon ay ito na ang bukam-bibig ng kahit sino. Siya naman ay nakikibalita na lang tungkol doon.

“Di naman ako interesado sa bagong commercial.”

Pinisil nito ang braso niya. “Masyado ka talagang atat, Doktora. Siyempre may balita ako tungkol sa boyfriend nating si Reid Alleje.” Inabot nito ang isang business magazine sa kanya. Si Reid mismo ang cover. “Special ang edition na iyan. Muntik na akong maubusan. Nakipagbalyahan pa ako sa mga babae para ikuha ka ng kopya. Guwapo siya diyan. Nakaka-in love.”

Di siya makapagsalita habang tinititigan si Reid. He was wearing a black business suit. He was looking at the camera with those snobbish black eyes. Hinaplos niya ang mukha nito. Her husband. Parang wala siyang ipinagkaiba sa mga babaeng nagkakandarapa dito. Asawa nga niya ito pero siya lang ang nakakaalam. Dahil di naman sila nagkikita ni Reid ay hanggang sa magazine, diyaryo at TV na lang siya nakikibalita dito. At the age of thirty-six, he was one of the most sought after young businessmen in the country. At di rin maubos-ubos ang mga babae na nagbabaka-sakaling magiging susunod na Mrs. Reid Alleje.

“Hindi naman siya nagkasakit habang wala ako, di ba?”

Lumungkot ang anyo niya. “Matatapos na ang maliligayang araw natin, Doktora. Kasi ikakasal na siya.”

Nabitiwan niya ang hawak na magazine at marahas itong nilingon. “Ano? Ikakasal na si Reid? Kanino naman?”

“April Princess Uy!” sagot nito at may inabot na tabloid sa kanya. “Anak siya ng isang jeweler. Ambisyosa ang bruhang iyan.”

Nakalagay sa diyaryo ang picture ni Reid sa isang function habang naka-abrisyete dito si April at ngiting-ngiti. Sa baba niyon ay ang article kung saan sinasabi ni April na ikakasal na ito kay Reid. Na nag-propose na daw ang binata.

“Sa palagay mo ba totoo ito, Doktora Tamara?”

“Siguro totoo.” Ayon pa sa article ay malapit na pamilya ng mga Uy ang mga Alleje at matagal nang hinihintay ni Reid na maikasal ang mga ito.

Nakaramdam siya ng bigat sa dibdib. Maraming babae na ang naghahabol sa asawa niya. Sanay na siya. Pero para sabihin ng isang babae na matagal na itong gustong pakasalan ni Reid ay ibang usapan na.

Kasal pa sila ni Reid. Kung plano nga nitong magpakasal sa iba, dapat ay naghahain na ito ng annulment case. Dapat sana ay kinausap na siya nito. After all, theirs was a wedding in papers only.

“Shiela, may tumawag ba sa aking kahit sinong abogado habang wala ako?” tanong niya pagkuwan.

Umiling ito. “Wala, Doktora.”

“Bukod dito may iba pa bang sulat?” Sa lahat ng transaksiyon nila ni Reid ay sa opisina nito pinababagsak. Kung mayroon man sa bahay, wala naman siyang nakita sa pile ng mga sulat niya nang I-check niya pagdating nang nakaraang araw.

“Si Reid Alleje ba hindi rin tumawag sa akin?” tanong pa niya.

Tumawa si Shiela. “Bakit naman siya tatawag sa iyo?”

“Baka ipa-annul ka niya ang kasal namin dahil sa April Uy na iyan.”

Tumawa ito. “Si Doktora talaga! Mahilig mag-joke.”

Hindi siya ngumiti. Wala siya sa mood makipagbiruan. She was past the age in her grandfather’s contract. Subalit wala silang pagkakataon ni Reid na pag-usapan ang tungkol sa annulment. Marahil dahil sa sobrang busy nilang dalawa. Patuloy pa rin siyang nakakatanggap ng sustento dito bilang asawa nito at bilang parte niya sa Stallion Riding Club. Maging regalo sa mga espesyal na okasyon.

Baka naman nakalimutan na nito na kasal pa sila. Pwes, hindi siya.

She dialed Attorney Cabral’s number when Shiela left. Ito pa rin ang adviser niya dahil malaki ang tiwala niya. “Hija, long time no see. What can I do for you?”

“Kinausap na po ba kayo ng abogado ni Reid Alleje tungkol sa annulment namin?” tanong niya.

“Wala siyang nababanggit, hija. Is he filling an annulment?”

“No, he isn’t. But I guess it is about time. It has been two years since I claimed ownership to my grandfather’s inheritance. Wala na kaming kailangan sa isa’t isa. Kailangan ko lang sigurong I-discuss sa kanya ang pagbebenta ng parte ko.” Ire-retain lang niya ang parte na di niya ipinagalaw kay Reid noon. Ang lugar na nagsisilbing alaala niya sa mommy niya.

“Any demands?”

“I just want a clean annulment. May prenuptial agreement naman kami. Please help me get a very good annulment lawyer.”

Kung gusto nitong pakasalan ang April Princess Uy na iyon, kailangan muna siya nitong hiwalayan. Pero habang di pa sila hiwalay, di pa nito dapat kalimutan na may asawa ito.

“ANO? Hiwalay na kayo ni Marlon?” bulalas ni Tamara. Naabutan niya ang kaibigang si Sharon Joy na umiiyak. Tinawagan siya nito na puntahan ito sa bahay nito at dalawin. Di tuloy niyang maiwasang mag-alala dito.

“Pinaalis ko siya dito sa bahay. Tatlong araw na siyang di bumabalik.”

“Ano na naman ba ang pinag-awayan ninyo?”

“Kasi gusto daw niya na dito na lang ako sa bahay. Huwag na daw muna akong sumama sa activities ng organization.”

Isa itong women’s rights group member. Napaka-aktibo nito at handang iwanan ang lahat para lang makasama sa mga rally at organization meetings.

“Bakit hindi ka na lang nakinig sa asawa mo? Natural. Buntis ka. Mag-aalala siya sa iyo. Baka makasama sa inyo ng bata.”

“Paano naman ang mga kababaihang naapi? Kailangan kong ipaglaban ang mga karapatan nila. At hindi ako papayag na pati ako sikilin ang karapatan sa sarili kong tahanan. Ipaglalaban ko ang karapatan ko!”

Maasim siyang ngumiti. “Hindi naman sinisikil ni Marlon ang karapatan mo.”

“Anong tawag mo doon?”

“Iniingatan ka lang niya at ang magiging anak ninyo,” malumanay niyang sabi. “It has nothing to do with rights, Shaj!”

“Galit ako sa kanya. Nang mag-text siya kanina, sabi niya di daw siya babalik sa akin hangga’t di ako tumitigil sa pagiging feminist ko habang nasa bahay ako. Sawang-sawa na daw siya sa sinasabi ko,” anito at humagulgol ulit.

“Kahit naman ako magagalit kung ako ang asawa mo. Sa araw-araw ba naman na ginawa ng Diyos, sinesermunan mo siya. Lahat na lang ata ng ipino-protesta mo isinisi mo sa kanya samantalang di naman siya rapist o nang-aabuso ng babae. Ang bait-bait pa mandin ng asawa mo.”

“Sana inintindi na lang niya ako dahil buntis nga ako. Hormones.”

Humalukipkip siya. “Iyan ang hirap sa iyo. Women’s rights ka nang women’s rights pero inaabuso mo naman. Kapag may palpak kang ginawa, ikakatwiran mo naman hormones. Huwag ka namang ganyan.”

Tumigil ito sa pag-iyak at bakas ang matinding inis sa mukha. “Basta! Kung ayaw na akong balikan ni Marlon, mag-isa kong palalakihin ang anak ko! At hindi na niya makikita ang anak namin kahit na kailan.”

“Bahala ka nga sa buhay mo!” iritado niyang sabi.

Mahirap itong paliwanagan. Huwag lang sanang mamana ng magiging inaanak niya ang topak nito. Kawawang bata.

“Aalis ka na ba?” tanong nito nang tumayo na siya.

“Oo. Kaysa makinig ako sa mga drama mo, matutulog na lang ako. HIndi ka naman nakikinig sa mga advice ko.”

“Hindi kita pinapunta dito para bigyan ako ng advice. May pupuntahan tayo. Kailangan ko ng magmamaneho para sa akin.”

“Saan naman tayo pupunta?”

“Somewhere in Tagaytay.”

“Magre-relax ka?” tanong niya. “Naku! Daan tayo sa Sonja’s Garden. Gusto ko kumain nang kumain ng gulay.”

Sana lang ay makapag-isip-isip ito kapag nakalanghap ng sariwang hangin. At sana rin ay mas mangibabaw ang pag-ibig nito sa asawa nito para ma-realize nito na mas importante ang pagmamahalan ng mga ito kaysa sa hormones at paniniwala nito. Sa tingin kasi niya ay dapat ilagay sa lugar ang mga paniniwala ng isang tao.

“Sasamahan mo ako, ha?” lambing nito.

“Oo naman. Di naman kita pwedeng iwan, di ba? Basta dadaan tayo sa Sonja’s Garden.” It was an exotic garden which served vegetables and even flowers as part of their menu. Magiging maganda ang lugar na iyon para siya naman ang mag-relax. Sa ngayon ay magbe-baby sit muna siya kay Sharon Joy.

PAKANTA-KANTA pa habang nagmamaneho si Tamara. Maya maya pa ay nakita na niya sa view ang Taal Lake at Taal Volcano. “Saan tayo?” tanong niya kay Sharon Joy na tahimik lang habang nagmamaneho siya.

“Sa kaliwa tayo,” wika nito at bahagyang ngumiti. Di niya alam kung ano ang nagpaganda sa mood nito. Di tulad kanina na kung di ito nakasimangot ay umiiyak.

Nanlaki ang mata niya nang makita ang sign board na ‘This Way to Stallion Riding Club’. “Malapit sa Stallion Riding Club tayo pupunta?”

“No. Sa Stallion Riding Club mismo.”

Nilingon niya ito. “Sino ang dadalawin natin doon?”

Umangat ang gilid ng labi nito. “Ang mga Stallion Boys mismo.”

“Talaga? Nanalo ka ba sa raffle para makadalaw sa Stallion Riding Club?” tanong niya. “Kaya mo siguro inaway si Marlon, no?”

Di ito nagsalita pa habang patuloy sila sa pagbiyahe. She felt excitement kick in her chest. Asawa man niya ang may-ari ng Stallion Riding Club, ni minsan ay di pa siya nakatapak sa lugar. Ilang beses na siyang pinadalhan ng imbitasyon ni Reid para pumunta sa riding club. Kasama na doon inauguration at anniversary ng riding club. She turned them all down. She was an estranged wife after all. Di na niya kailangan pang daluhan ang mga imporanteng okasyon. Hindi naman sila kailangang maging parte ng buhay ng isa’t isa.

“Itigil mo sa likod ng van,” utos nito nang ilang metro na lang ang layo nila sa gate ng Stallion Riding Club.

“Bakit dito lang tayo?” nagtataka niyang tanong.

“Dito lang naman talaga tayo sa labas ng riding club.”

“Anong gagawin natin dito sa labas?”

“Tamara, mabuti naman at naisama ka ni Shaj,” anang presidente ng organization nila Sharon Joy na si Girlie. “Mas marami, mas masaya.”

“Ipinag-drive ko lang si Shaj,” nakangiti niyang sagot. Ano bang mayroon? May excursion ba ang organization nila Shaj sa Stallion Riding Club?

“Simulan na natin,” wika ni Shaj at inabot sa kanya ang placard. “Lakasan mo ang pagsigaw, ha?”

Nagulat siya nang mabasa ang nakalagay sa placard. STALLION RIDING CLUB: Haven of Women Exploiters. REID ALLEJE: King of Arrogant Lady Killers.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.