Pasimpleng inikot ni Tamara ang mata sa polo arena ng Stallion Riding Club kung saan kasalukuyang ginaganap ang monthly polo tournament. Umaasa siyang makikita doon si Reid. Subalit gaya ng inaasahan niya ay wala ni anino nito. O kung nasa paligid man ito, tiyak na di ito magpapakita sa kanya.
Nasa medics area sila ni Celeste. She would take care of the players. Siya naman ang bahala sa mga polo horses.
“Sinong hinahanap mo? Si Sir Reid, no?” tanong ni Celeste.
“Bakit ko naman siya hahanapin? Alam ko na wala siya dito.”
“So what’s the real score between you two?” usisa nito.
“We are not into a game or something. Di kailangan ng score,” sabi niya habang chine-check ang gamit sa medicine kit niya.
“You are in the game of love. Napapansin ko nitong nakakaraang araw nag-iiwasan na kayo matapos ang controversial na kiss in the dark. Bakit?”
“Walang bakit doon. That kiss is just a kiss. It didn’t mean a thing.”
Dahil sa halik na iyon, di siya makatulog sa gabi. Di na rin niya kayang tingnan nang diretso sa mata si Reid. A kiss was enough. Twice was too much.
Subalit may advantage sa kanya ang halik na iyon. Bumait sa kanya ang mga members ng riding club. Some of them even call her queen. Ang alam ng mga ito ay nobya siya ni Reid. She was not sure if the kiss was a curse or a blessing.
“Sayang. Akala ko ikaw ang susunod na ikakasal sa akin.” Sa isang linggo ay lilipad na ito papuntang London para pakasalan ang kasintahang businessman doon.
Tumawa siya. “No way!” Kaya nga siya naroon para ipawalang-bisa ang kasal niya. A loveless marriage with Reid Alleje was enough.
“I know your type. You hate to give up your independence for a man. Pero dadating din ang panahon na malulungkot kang mag-isa.”
“Sanay na ako,” makahulugan niyang sabi. Bata pa lang siya ay di niya naramdaman ang pagmamahal mula sa taong minahal niya. And Reid Alleje was the last person on earth who could give her the love she yearned for.
Naputol ang kwentuhan nila nang naggitgitan ang players na sina Eiji at Reichen. Nasa kay Reichen ang possession ng bola. Eiji was trying to ride him off. Bumagsak si Reid mula sa kabayo. Hangos itong dinaluhan ng medical team para I-check may masakit dito o may na-damage. After he was declared clear of danger, ipinagpatuloy na ang laro.
Habang pivot stomping o half time ay chine-check up niya ang mga kabayo na ginamit sa laro. Lumapit sa kanya si Reichen. “How’s Sprite?”
“He is a strong and sturdy horse. Wala namang na-damage sa kanya. But you can’t ride him for the rest of the game anymore. Napagod na siya.” Sa paglalaro ng polo, inaasahan nang di lang isa o dalawa ang kabayong gagamitin.
“You did a great job man,” bulong ni Reichen kay Sprite. Napansin niya na may pulang guhit sa pisngi nito. Lumapit siya at hinaplos ang pisngi nito. Napapitlag si Reichen sa sakit. “Ouch!”
“May sugat ka sa pisngi.”
Hinaplos nito ang pisngi. “Nakuha ko siguro nang bumagsak ako kanina. Hindi ko agad naramdaman.”
“Halika! Gamutin natin.”
Ngumisi lang ito. “Huwag na. Galos lang iyan.”
“Mapipingasan ang kaguwapuhan ko kapag na-infect iyan.”
Natigilan ito. “Talaga? Sige, pakigamot nga.”
Natatawa niyang tinanggal ang gloves at naghugas ng kamay. Saka niya hinarap ang paggamot dito. “Takot ka talagang mabawasan ng fans, no?”
“Napapansin mo rin pala na guwapo ako, Doctora?”
“Oo naman. Ano bang palagay mo sa akin?” tanong niya.
“Bulag. Kasi wala kang pinapansin sa mga members na nagpapalipad-hangin sa iyo. O baka naman wala sa amin ang type mo. Si Kuya Reid ba?”
Nilagyan niya ng antiseptic ang sugat nito at napaigik ito sa sakit. Ayaw na nga niyang maririnig ang pangalan ni Reid. “Ano? May sinasabi ka ba?”
“O, sige! Kung di mo type si Kuya, mag-date na lang tayo.”
“Ha?” bulalas niya at napatitig dito.
Hinawakan nito ang kamay niya. “Please. Di mo naman siya boyfriend, di ba? Wala ka rin namang boyfriend. So why not go out with me?”
Di siya makasagot habang nakatitig sa mga mata nito. He had eyes like Reid’s. Both of them had those coal dark eyes. Nakakalunod kapag tumingin. Ang kaibahan lang ay laging nakangiti si Reichen. Habang si Reid naman ay di pa niya nakikitang ngumiti ang mga mata.
“Nakakaabala ba ako sa inyong dalawa?” tanong ni Reid sa kanila.
Biglang binitiwan ni Reichen ang kamay niya. Siya naman ay nagmamadaling ibinalik ang mga gamit sa medicine kit. Matindi ang kabang nararamdaman niya. Drat! Bakit ba di niya naramdaman na darating si Reid?
“Hindi, Kuya. Ginamot lang ni Doc Tamara ang sugat ko,” sagot ni Reichen.
“Hindi ba mga kabayo lang ang dapat mong gamutin, Doctor Trinidad?” tanong ni Reid habang matim ang tingin sa kanya. “Reichen is not a horse. Unless you changed your job description recently.”
“Nagmagandang-loob lang siya nang makita niyang may sugat ako, Kuya,” pagtatanggol sa kanya ni Reichen.
Tinanguan ni Reid ang kapatid. “Dapat ka nang bumalik sa field. Malapit nang matapos ang pivot stomping.”
“Thanks, Tamara!” anang si Reichen at parang nananadya pang ginagap ang kamay niya. “Iyong date natin, ha?”
“Babalik na ako sa medics area, Sir,” pormal niyang paalam dito.
Pinigilan nito ang braso niya. His hold was firm. “I just want to remind you that you are still married to me, Tamara Alleje. Minsan mo nang sinira ang pangalan ko. Reichen is your brother-in-law.”
Parang tinadyakan siya sa dibdib sa gusto nitong palabasin. Iniisip nito na nakikipag-flirt siya kay Reichen. “Hindi ko nakakalimutan na kasal tayo,” sabi niya habang tuwid ang tingin. She didn’t dare to look into his eyes.
Inilapit nito ang labi sa tainga niya. “Then stop messing up with him.”
Nang bitiwan siya nito ay nanlambot siya sa sobrang sama ng loob. He was worse than she thought. Basura ang tingin nito sa kanya. Paano nitong naisip na nakikipag-flirt siya sa sarili nitong kapatid?
“Why are you doing this to me, Reid?” naluluha niyang tanong nang makalayo na ito sa kanya. He had no right to make her feel that way.
TAMARA was observing some of the pregnant mares in the pasture. Sa susunod na buwan na manganganak ang mga ito. Iyon ang malaking kaibahan ng mga kabayo sa tao. May isang panahon para sa mating season ang mga ito kaya naman sabay-sabay halos ang mga ito kung manganak. Kaya naman ihinahanda na niya ang sarili dahil magiging abala na ang buong riding club sa susunod na buwan.
Nadaanan niya ang ilang mga trabahador na nagkukumpuni ng nasirang coral fence. “Doc Tamara!” sigaw ng ilan sa mga trabahador na kasundo niya.
Nakangiti rin siyang kumaway sa mga ito. Lalapit sana siya para mangumusta nang magsalubong ang tingin nila ng isa sa mga trabahador. No. He was too good looking and too arrogant to be a usual hired help. Kasama si Reid sa mga nagkukumpuni ng coral fence.
Ilang saglit siyang natulala. He was not wearing his shirt. His mocha skin was kissed by the sun. There was no flab in his body. Palibhasa ay alaga ito sa ehersisyo. Kung may babae lang makakita dito nang mga oras na iyon ay baka nagtilian na.
Inirapan niya ito at naglakad palayo. Baka mamaya ay isumbat pa nito sa kanya na ilang sandali niyang pinagpantasyahan ang katawan nito. He might take it as an offense. Nuknukan pa mandin ito ng arogante.
Di pa siya nakakalayo ay narinig niya ang pagbagsak ng lagari sa lupa. “Sir Reid, may sugat po kayo!” anang isang trabahador.
Nakalimutan na niyang iniiwasan niya si Reid. Tumakbo siya palapit dito sa sobrang pag-aalala. Hinawi niya ang nagkakagulong trabahador.
“Anong nangyari sa iyo?” Nanlaki ang mata niya nang makita ang dumudugo nitong hinlalaki. “May sugat ka!”
“Nahiwa po ng lagari, Ma’am,” sagot ng isang trabahador.
Kinuha niya ang panyo niya at ibinalot sa daliri nito para maampat ang pagdurugo. “Saan ka ba tumitingin at nahiwa ka?”
“It is none of your business,” asik nito.
Di niya pinansin ang pagsusungit nito. “Patingnan natin sa clinic. Baka mamaya malalim ang sugat mo.”
“It is not a serious wound, Doctor Trinidad. You don’t have to fret about it.”
Hinila niya ang kamay nito. “Sige na. Patingnan mo na.”
“Iyong ibang trabahador dito, mas matindi pa ang disgrasyang inaabot kapag nagtatrabaho sila pero di naman idinadala sa doktor. Kaya ko na ito,” protesta pa rin ni Reid. Mukhang di niya ito basta-basta makukumbinsi.
“O! Anong nangyari sa daliri mo, Kuya?” tanong ni Reichen na dumaan sakay ng kabayo nito.
“Nalagari niya. Di ko alam kung bakit,” sumbong niya. “Sabi ko patingnan niya sa clinic pero ayaw naman.”
“Hindi ako katulad ni Reichen na konting galos lang, kailangan pang ipagamot sa babae,” anang si Reid at pumiksi.
“Masarap yata na may nag-aalaga,” anang si Reichen at humalakhak.
Lalo namang tumalim ang tingin Reid dito at pilit kumawala sa pagkakahawak niya. “Stop treating me like a sissy, Doctor Trinidad.”
Kusa niya itong binitiwan. “Sige! Huwag kang magpatingin sa doktor. Matapang ka naman. Bahala kang matetano. Di ka magkakaanak.”
Sa gilid ng mata niya ay nakita niyang natigilan si Reid. “Di magkakaanak?”
“Totoo iyon, Doktora?” paniniyak ni Reichen.
Tumango siya. “Oo naman. Ayon pa sa napag-aralan ko, di lang siya posibleng mabaog. Magiging impotent din siya.”
Humalakhak si Reichen. “Kung ganoon, ako na pala ang bahala sa susunod na tagapagmana ng mga Alleje. Ayaw mo namang magkaanak, di ba, Kuya?”
“Shut up!” bulyaw ni Reid at hinila siya. “Samahan mo ako sa clinic.”
“Ha? Bakit?” tanong niya.
“Magpapagamot ako,” matatag na sabi nito. Biglang nagbago ang isip.
“Ikaw na lang ang pumunta sa clinic. Malaki ka na,” pagtataboy niya.
Subalit di nito binitiwan ang kamay niya. Halos kaladkarin siya nito palayo. “Samahan mo ako. At kapag di ako nagkaanak, kasalanan mo.”
“Ano? Bakit kasalanan ko?”
“Basta kasalanan mo!”
“YOUR WOUND is okay. Hindi naman malalim. Lagi mo lang linisin para matiyak na di siya mai-infect,” bilin ni Doctor Kester Mondragon, ang bagong resident physician na pumalit kay Celeste. “Pwede ka nang magtrabaho ulit.”
“Are you sure, Kester? I don’t have to undergo tests?” paniniyak ni Reid. “Di mo ba ako ipapa-confine sa mas malaking ospital?”
“Bakit? May iba pa bang masakit sa iyo bukod sa sugat mo?”
Umiling si Reid. “Wala na. Ito lang daliri ko.”
Nakaupo si Tamara sa couch di kalayuan sa desk ni Kester. She was humming like crazy while her eyes roamed around the office. Ang totoo ay pinipigil lang niyang tumawa ng malakas habang nakikinig sa pag-uusap ng dalawa. Hanggang ngayon ay napapraning pa rin si Reid sa mga sinabi niya kanina. Habang papunta pa nga lang ng clinic ay di ito matapos-tapos sa pagbabanta sa kanya na parang kasalanan niya kung bakit nasugatan sa lagari ang hinlalaki nito.
“What’s wrong with you, Reid? Daliri lang ang may sugat sa iyo. Nagtataka nga ako dahil kinailangan mo pang itakbo dito sa clinic,” sabi ni Kester. “Samantalang napakasimple lang ang sugat mo.”
“Hindi lang simple ang sugat ko. Paano kung hindi ako magkaanak dahil dito?” anang si Reid sa mataas na boses.
Nagulat si Kester sa outburst nito. “Malayo ang daliri mo sa ‘the zone’. Hindi mo kailangang mag-panic.”
“Di ako magiging sterile dahil sa tetanus kung sakali?”
“Hindi. Bagong discovery ba iyan?” nagtatakang tanong ni Kester.
“Ewan ko. Hindi rin ba ako magiging impotent?”
Napakamot na lang sa ulo si Kester habang pinipigil ang pagngiti. “Hindi ko alam kung saan mo iyan napulot, pare.”
“Mula sa isang tao na di dapat pinagkakatiwalaan.”
Nang-aakusa siyang nilingon ni Reid. Sa talim ng tingin nito, pwede na siyang magkapira-piraso nang pinong-pino. Inosente naman siyang tumingala sa kisame ng clinic habang patuloy sa pagha-hum. Gusto na sana niyang gumulong sa sahig sa katatawa pero napigil ang kaligayahan niya. Natatakot siya sa titig nito.
“Nag-aalala ka pa rin ba na baka ma-tetano ka?” tanong ni Kester.
“I remember that I had a tetanus shot before,” anang si Reid at tumayo. Kinamayan nito si Kester. “Thanks for the help.”
“Reid is safe, Tamara. Pwede ka nang bumalik sa trabaho,” wika ni Kester.
Kumaway siya dito. “Thanks for the help, Doc. Ang totoo, alalang-alala talaga ako kay Sir Reid. Buti naman safe na siya. Paano, babalik na ako sa trabaho.” Matamis niyang nginitian si Reid. “Bye, Sir! Mauna na po ako.”
Nagmamadali siyang lumabas ng opisina ni Kester. Kailangan niyang makalayo sa lugar na iyon. Pakiramdam kasi niya ay di na siya makakalabas pa nang buhay sa riding club oras na maabutan siya ni Reid.
Subalit sadyang minamalas siya dahil maagap si Reid na nahawakan ang braso niya. “Huwag ka munang umalis. Mag-uusap pa tayo.”
“Sir, may trabaho pa ako. May nag-text sa akin ngayon lang. Iyong Appaloosa ni Jason Erwin Dean, walang ganang kumain.”
“Wala akong pakialam! Basta mag-uusap tayo!” sigaw nito. Mabuti na lang at walang tao sa dinadaanan niya kaya siya lang ang nakarinig.
Hinaplos niya tainga niya. “Huwag kang sumigaw!” galit niyang sagot.
“May karapatan akong sumigaw dahil ako may-ari ng lugar na ito.” Hinaklit nito ang braso niya at hinila siya palapit. “Bakit mo sinabi na mababaog ako?”